Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

Part 9

Chapter 9 4,011 words Public domain Markdown

--Hindi po, tia, at ako ay nakatapos na,--ang tanggi n~g inaanyayahan.

--¿Baka hindi pa?

--Tunay po.

--¿Bakit n~ga ba hindi mo kami saluhan muna?--ang sabad pa n~g manang.

--Saka na po ako muling magbabalik.

At pagkasambit nito ay matulin nang nanaog n~g hindi man iniwanan n~g kahi't isang kataga ang kapatid na pinaghanap sa bahay na yaon.

Pagkakain n~g agahan, ang manang ay gumayak nang dadalaw sa anak, at si Elsa't si donya Basilia ay inabang sumama sa kanya.

--Ako ang may ibig na ipaganyaya sana sa inyo, manang,--ang wika n~g mestisa.

--¿Ano yaon?--itinanong n~g tinukoy.

--Kami ni tia ay may dadalawin sa ospital heneral n~gayon, at ibig ko sanang sumama muna kayo sa amin saka na tayo magsamasamang tumun~go sa kolehio panggagaling natin doon.

--¿Sino ang dadalawing iyon?

--Saka na ninyo makikilala....

--Kung gayo'y magbihis na tayo.

Pagkaganap n~g salitaang ito, ang isa't isa ay nagsipagbihis nang sabik ang loob sa kanilang m~ga dadalawin.

Sa darating namang humihin~gal si Dioni, na ang pakay ay ang mestisa ring hindi niya ikinakatulog sa boong magdamag na nagdaan.

--¡Kapatid ko!--ang bati kay Elsang pinagaagawan n~g lungkot at tuwa.

--¡Dioni!--ang sabay yakap na salubong dinatnan.

--Huwag kayong pakain~gay at maririnig kayo,--ang papikpik namang saway ni donya Basilia, at pinapagkubli muna sa isang silid ang maghipag na naguusap samantalang nasa isa pang silid si manang Magda at abalangabala sa pagbibihis.

--¡Akala nami'y kung napaano ka na!--ang nasabi pa n~g mapagalaalang hipag.

--¡Patawarin sana ninyo ako, Dioni! ...--pakumbaba pang sagot n~g mestisa.

--N~guni't dito ka pala matutulog ay maanong sinabi mo kahi't sa akin, nang hindi kami naligalig n~g gayon na lamang.

--Dioni, marahil ay kahulihulihan ko nang pagkakasala sa inyo ni kuyang ang pagkukulang kong iyan, at inaasahan kong ikaw man lamang ay hindi pa nauubusan n~g magandang loob na maipagpapaumanhin sa akin. ¿Hindi ba?

--Oo na n~ga, datapwa't ... pinapagalaala mo kaming lubha. Paris n~gayon: ¡hindi ko maalaman kung saan na nakarating ang kuyang mo sa kahahanap!...

--Kapapanaog pa lamang niya.

--¿Nanggaling na rito?

--Oo....

--¿Ano ang sabi sa iyo?

--Wala naman. Nakabuti ang pagkakataong narito si manang Magda nang siya'y dumating. N~guni't gayon ma'y lihim ding naihagis sa akin ang isang nanglilisik na tin~ging kamuntik nang tumupok sa akin....

--Pasalamat na tayo, Elsa, kung iyon na lamang ... At kung gayong nagkakita na kayo n~g wala namang sinabi sa iyo, ay hindi na kikibo iyon. Subali't ¿bakit n~ga ba dito ka nakatulog at di ka na nakauwi? ¡Hindi mo naman dating ginagawa iyan!

--Di ko n~ga dating ginagawa, Dioni, iyan ang totoo. Dahil diya'y mahuhulaan mo kaipala, na may bagay na nagtulak sa akin sa ginawa ko....

--¿Maipagtatapat mo ba sa akin ang bagay na iyan?

--Bakit hindi, ay sa ikaw lamang namang talaga ang katapatan ko n~g aking m~ga lihim.

At noon di'y sinabi na n~ga ni Elsa ang gaya n~g kanyang m~ga ipinahayag kay donya Basilia: na siya ay napakasal na kay Tirso nang gabing nagdaan at dahil doo'y hindi na muna siya uuwi sa Pasay.

Dili ang hindi natulo ang luha ni Dioni, pagkarinig n~g m~ga pahayag n~g kanyang minamahal na hipag.

--¿Ayaw mo bang si Tirso ang maging kapalaran ko?--itinanong mayamaya n~g mestisa.

--Hindi sa ayaw, kundi. ¡sa di oras ay nagkalayo tayo!--ang lipos kapanglawang ipinakli n~g hipag.

--Dinaramdam ko, Dioni, n~guni't ... kung dumarating nang ganito ang sukat n~g tao ay sadya palang hindi maiiwasan.

Sa wakas, nang mapagusapan n~g maghipag ang mabuting paraan n~g pagpapamalay sa kapatid na lalaki ni Elsa n~g kanyang pagkapagasawang patanan, ay pinagkaisahan nilang ang pamamanihalain sa gagawing iyon ay si donya Basilia na, yamang malaki naman ang alangalang at pitagan niyon sa anomang sabihin nito.

--Gawan mo na lamang sana n~g paraang mapadalhan ako agad n~g ilang kasuutan,--ang ipinagbiling huli n~g mestisa.

--Hamo't ipasasaglit kong madali rito, samantalang wala sa bahay ang kuyang mo.

Pagkasambit nito ay lumabas sí Dioni't nagpaalam na kay donya Basilia. Sa han~gad na masalisihan ang pagkawala sa bahay sa Pasay n~g kapatid ni Elsa, at upang maparating na maluwag ang damit na kanyang hinihin~gi, ay minabuti na nitong huwag nang ipagsama sa "Hospital General" ang kanyang hipag.

Subali, nang si Dioni ay masakay na sa isang trambiang kung makahagibis ay mistulang hari sa bawa't lansan~gang pagdanan, ay saka nagunitang hindi pala naibalita sa kanya n~g mestisa kung saan ginanap ang sinabing pagkakasal. Kaya't naibulong tuloy sa sarili:

--¿Saan kaya sila ikinasal?...

XXVI

¿SINO ANG ASAWA NI TIRSO?

Nang manhik sa "Hospital General" sina Elsa, manang Magda at donya Basilia, ay dili ang hindi nila napansin na may isang alin~gasn~gas na nangyayari sa bulwagang laan sa m~ga maysakit, na babae.

N~guni't kung ano ang sanhi n~g ligamgam na iyon ay hindi na nila hinan~gad alamin. Sapagka't samantalang nagkakaisa n~g paniwala ang dalawang matanda na yao'y likha lamang marahil n~g sinomang may mabigat na sakit na kaipala'y naghihin~galo o naghihirap na, bagay na di sasalang pangkaraniwan sa m~ga pagamutang paris niyon, ang tan~ging nagsisikip naman sa puso n~g mestisa ay ang masidhing pananabik na makarating siya kaagad sa piling n~g makatang kanyang pinakaiibig.

Tuloytuloy n~ga silang nasok sa silid na kinararatayan n~g makatang si Tirso, at ito ay dinatnan nilang sa malas ay payapang nahihimbing.

Napuna ni Elsa na ang manang, matapos anianinawin ang mukhang bahagyang nakalitaw sa nakapabalibid na m~ga taling kayo sa ulo n~g natutulog, ay lihim na kumalabit sa kamay ni donya Basilia, at mandi'y itinanong kung sino ang maysakit na iyon. Si donya Basilia nama'y nagkibit lamang n~g balikat sa halip na tumugon. Hinihintayhintay niyang ang pamangking mestisa ang magpakilala kay manang Magda. N~guni't ang lahat ay parang gumagalang sa kahimbin~gang kinapapalautan n~g makatang nararatay. At halos walang ibig na magbuka n~g bibig.

Subali't ... ¿bakit kaya baga't napagmasdan nilang may n~giting gumuhit sa labing maputla n~g lalaking yaon?

¿Nakagising kaya o nananaginip?

Lumapit si Elsa sa dakong ulunan, at saka tumawag:

--Tirso....

Dapwa't ang lalaki ay hindi sumagot,

--¿Sinong Tirso iyan?--ang di napigilang usisa n~g manang kay donya Basilia, pagkarinig sa pan~galang iyon.

--Asawa ni Elsa ...--patutok sa tayn~gang pakli n~g tinanong

--¿Asawa?--ang pamanghang ulit sa marahang turing n~g matandang manang.--¿Diyata n~ga baga at nagasawa na ang inyong pamangkin?

Tuman~go na lamang si donya Basilia, at sa isang hudyat ay waring sinabing "Mamaya na ninyo malalamang lahat".

At kaginsaginsa'y nakita na namang bahagyang tumawa ang makatang kalong n~g pagkakahimbing, bago pagkatapos ay umun~gol muna at saka gumalaw ang maputlang labing tila bumubulong.

--Hindi n~ga sasalang siya'y nan~gan~garap,--ang wikang namitiw sa bibig ni Elsa.--Ang buhay n~ga nama'y isang pan~gan~garap na walang pagsawa ...--anya pa.

Subali at ¿anong m~ga pamimigkas ang narinig nila?

¡Mahiwagang tula!

Natulig si Elsa n~g gayon na lamang nang maunlinigan ang ganitong saad:

Teang ko, Teang ko, ang biro ng palad sa ati'y huwag mong ipagalapaap; naririto ako't hanggang huling sukat n~g ating daratni'y sumisintang tapat.

¿At tumatangis ka? ... Ang luha mong iya'y tipirin sinta ko't di pa kailangan, sa piling ng aking malamig na bangkay saka mo na roon guguling minsanan....

Ang isip mo't diwa'y papanumbalikin sa pagmamahal ko't payapa tang hintin ang muling pagngiti ng buwa't bituin.

Bayaan ta munang itaboy sa dagat ng mga buhawi ang dilim ng ulap, at saka lakbayin ang lupang mapalad.

¡Panibagong tinik na biglang humalang sa lumuluwag nang paghin~ga ni Elsa!...

¿Diyata't hanggang sa m~ga sandaling mabin~git sa labi n~g libin~gan ang buhay ni Tirso ay si Teang din ang laman n~g diwa't katalatalamitam n~g kanyang kaluluwa?

¡Gaanong paghihinagpis na naman ang sumambilat sa puso n~g mestisang walang palad sa pagibig sa pagkarinig n~g tulang yaon na ang bawa't pantig ay busog na sumisibat sa kanyang m~ga tayn~ga!...

At, ang paghihinagpis ay lalong nagulol nang marinig niya ang may baklang tanong n~g matandang manang:

--Elsa, ¿sinong Teang ang aking narinig na tinatawagtawag?

--....

Mahabang sandaling walang kumikibo sa loob n~g silid. Sa m~ga matang nanggigilalas n~g mamang at sa nahihiyang nahahapis na mukha n~g mestisa, ay nabasa ni donya Basilia ang di mailarawang pangyayaring likha n~g mahiwagang tulang kabibigkas n~g makata.

¡Oh, pagkalungkotlungkot na sandali ang tinatawid noon n~g mestisang kailan man yata'y hindi na magtitikim n~g kaluwalhatian, n~g ganap at lubos na kaluwalhatian sa pagibig!...

Naroroon siya nang umagang iyon upang ipagparan~galan sa dalawang matanda ang lalaking ayon sa una niyang pahayag ay siyang pinagtiwalaang magari n~g kanyang n~gala't kapurihan, datapwa't nang ang pagpapakilala'y halos bubukhin na lamang sa kanyang m~ga labi, ay ... saka niya tinanggap ang isang katunayan n~g kanyang walang hanggang pagkasiphayo at pagkapawakawak n~g pagkababae niya at dilang pagasa....

Madilim na madilim n~ga ang nakikita ni Elsa nang m~ga sandaling yaon. Sa kanyang ulana'y waring nararamdaman niyang ang lan~git ay bumababa't tila danggan sa kanyang nanglalatang katawan, at sa kanyang paana'y parang natutunghang nunuka ang lupa't kung baga sa ganid ay anyong siya'y sisilain hanggang sa magkadurogdurog ang balangkas n~g kanyang kahalihalinang alindog....

Sa laki n~g panghihilakbot sa harap n~g kanyang naguguniguni'y tinangka n~g mestisa ang sumigaw n~g ubos lakas upang sa gayo'y tumighaw ang kanyang nagsisikip na paghin~ga, nguni't kung tayahin niya'y may bikig siya sa leeg at ang dila niya'y hindi makapalag sa dami n~g gapos....

Salamat na lamang at kaginsaginsa'y nagmulat n~g mata ang makatang galing sa pananaginip.

Nagisnan ni Tirsong sa may paanan niya'y dalawang matanda ang nagbubulun~gan, subali't di niya namamalayang sa dakong ulunan ay naroon si Elsang malamlam ang mukha sa taglay na hapis.

Upang mapakimatyagan ang pinagbubulun~ga'y muling pumikit ang nararatay. At noon di'y kanyang naulinigan na sa may ulunan niya'y nagbungtonghinin~ga si Elsa. Bigla siyang pumihit at lumin~gap sa dakong kinaringgan n~g nasabing buntonghinin~ga. At namasdan niyang malungkot na malungkot na nakapan~galumbaba ang kanyang mestisa.

--Elsa ...--ang unang pumasnaw sa bibig ni Tirso ... ¿Kanina ka pa ba?--ang dugtong na tanong.

--N~gayon lamang ...--- malumbay na sagot.

--¿Ang iyong kasama?

--Sina manang Magda at tia Basilia.

Ang dalawang matanda'y marahang lumapit sa naguusap. Sinalubong naman n~g makatang nakahiga n~g isang malugod at magalang na n~giti.

--¿Kumusta?--ang may kapalagayang loob na bati ni donya Basilia na parang inaaming hindi na iba sa kanya ang lalaking iyon.

--Mabuti na po naman daw, ayon sa mediko ...--mabanayad na pakli ni Tirso.

--Nanaginip ka yata,--ang wika pa n~g matandang iyong ale ni Elsa, samantalang ang mamang nama'y napapatun~gan~gang hindi makaimik.

Nagitla si Tirso sa gayong sinabi.

¿Bakit kaya't nalalaman yata n~g matandang iyon ang panaginip niya? ¿Binigkas kaya niya n~g malakas ang tulang maliwanag pang nalilimbag sa kanyang pangtanda? ¡Oh, baka narinig na ni Elsa ang pagkakabanggit niya sa n~galan ni Teang!...

Sa hangad na matiyak ang tunay na nangyari'y hinagisan n~g mapun~gay na sulyap ang mukha ni Elsa. ¡Ah, tila n~ga nababanghay ang isang panibughong hindi karaniwan! ¡Hindi n~ga sasalang narinig ni Elsa! ¡Kay samang pagkakatoon!

Ibig niyang aruin ang kanyang mestisa ay hindi magawa, pagka't may m~ga kaharap. At ¿hindi kaya naman napakinggan n~g manang ang n~galan ni Teang na nababanggit sa kanyang tula? ¿At ano kaya ang palapalagay n~g matandang ito sa tulang yaong bunga n~g pangarap?

--Paglabas mo rito ay sa aming bahay kayo magtitira.--ang makasandali'y narinig na naman ni Tirsong sinasabi ni donya Basilia.--Ganito ang pinagkasunduan na namin ni Elsa, samantalang hindi pa kayo napapanhik sa bahay n~g kanyang kapatid sa Pasay.

Humigit-kumulang ay nahulaan n~g lalaki ang taglay na kahulugan n~g m~ga salitang yaon. Kaya't ni kataga n~g pagayon, ni kataga n~g pagtutol, ay wala siyang isinagot. Ang ibig niyang mangyari, kung magagawa lamang, ay ibaling na sa iba ang kanilang paguusap.

Subali't nan~gagkatigilan silang parapara nang maulinigan nilang patuloy na lumulubha ang ligalig na nangyayari sa isang bahagi n~g gusaling iyon.

Ang dalawang matanda ay siyang unang nakapuna sa gayong paglubha, sapagka't mula sa dun~gawan n~g silid ni Tirso sa "Floor No. 3" ay natin~gatin~gala nilang marami ang taong nagkakagulo sa "Floor No. 6" na nauukol sa m~ga babae.

--Elsa,--ang tawag n~g manang sa mestisa,--may pinagkakaguluhan sa ibayong kuwarto sa dakong itaas.

--Marahil po'y isang may malubhang sakit na naghihin~galo na,--ang tugon n~g tinukoy.

--¡Kaawaawa naman! ¡Nakapan~gumpisal na lamang sana!--ang padalan~gin pang saad ni manang Magda.

--¿Bakit n~ga kaya't nan~gagtatakbuhan ang m~ga mediko't _nurse_ na doon ang tun~go?--ang tanong pa rin ni donya Basilia.

--Marahil n~ga po'y mayroong malubha ang karamdaman,--ang ayon ni Tirso sa narinig kay Elsa.

--Kung gayon lamang ay ¿bakit kay dami pang mediko ang kailan~gang magulo?

--Kung ako n~ga marahil ang maghihin~galo ay walang maliligalig na sinoman ...--ang may pahagkis na saad n~g mestisa.

--Maaaring magkagayon,--ang sunggab n~g nakaratay, kung ako ang mauunang mamatay sa iyo. Datapwa't ... Elsa, kung mamamatay ba naman ako ay ¿magagambala ka?

--¡Kung magusap ang m~ga batang ito!--ang himig pasaway na inihadlang ni donya Basilia.--Nasa talaga n~g Dios ang asawa mo, Elsa, at hindi kayo nararapat maggamitan n~g ganyang pan~gun~gusap.

Ang mestisa ay hindi na naman umimik. Ang makata lamang ang tumugon:

--Wala po namang anoman ang pinaguusapan namin ...--mahiyahiyang wika na nilakipan n~g isang masayang n~giti.

--¿Ano n~ga ba ang inyong dinaramdam, at bakit baga may tali kayo sa ulo?--itinanong naman n~g manang.

Saka lamang naipaliwanag ni donya Basilia sa kanyang kumare ang kanyang natatalos sa bagay na iyon. At sa ginawang paguulat n~g ale ni Elsa tungkol sa naging sanhi n~g pagkaratay sa pagamutan ni Tirso, ay napaguwiuwi n~g makatang ito na ang pagkakabalita n~g naturang mestisa ay talagang napakasal na sila nang gabing sinundan.

Hindi siya kumibo.

Siyang pagakabukas n~g pinto n~g silid. At isang _nurse_ na humihin~gal ang biglang humarap sa kanilang tatlo.

--Ipagpatawad po nila ang pagkakapasok ko,--ang magalang na bati sa m~ga dinatnan, at saka lumapit sa nakahiga't ito ay tinanong:--Kayo si G. Tirso Silveira, ¿ano po?

--Ako n~ga po,--malumanay na tugon n~g lalaki.

--¿Ano po ang kanilang sadya?--ang katlo naman ni Elsang _nurse_ ang hinarap.--Siya n~ga si Tirso Silveira, ang aking asawa,--ang pakilala pa.

Biglang natilihan ang tinurang _nurse_ nang marin~gig ang sabi n~g mestisa. "¿Sino ang tunay na asawa n~g lalaking ito?" ang di sasalang naibulong sa sarili sa laki n~g mangha.

--¿Ano n~ga ba ang maipaglilingkod?--ang tanong pa ni Elsa, samantalang nakikimatyag sa salitaan ang dalawang matanda.

Maikling sandali pa ang namagitan bago nakasagot ang tinukoy.

--Ipagpatawad po nilang sabihin ko na sa kaibayong kuwarto ay isang babaeng tila nasisiraan n~g bait ang naghihihiyaw at bumabanggit n~g inyong pan~galan,--ang wikang kay Tirso nakatin~gin.--At kayo ay ipinakikiabot, tinatawag n~g ubos lakas, at waring napaliligtas sa isang malaking kapahamakan ... ¿Itinutulot ba ninyong ipakuha ko kayo rito at sandaling sumaglit sa kinaroroonan n~g babaeng sinabi?

--¿Ano po ang pan~galan?--ang panabay na usisa n~g dalawang magkumare.

--Hindi ko naitanong sa kasamahan naming nagbabantay sa kanya, n~guni't inaakala kong makikilala ninyo pagdating natin doon.

Napaban~gon si Tirsong hindi na naghintay n~g sinomang aalalay sa kanyang nanghihihang katawan. N~guni't gaputok may hindi nagsasalita. Sa liblib na pitak n~g kanyang dibdib, hindi sasalang may sinasarili siyang isang malaking lihim.

--¿Ibig mo bang pumaroon?--ang tanong ni Elsang tila may balisa, na rin sa gunamgunam.

--Ibig kong lumapit sa tumatawag ...--nanghihin~gapos na sambot n~g maysakit.

--Kung gayon po'y magpapakuha ako n~gayon din n~g inyong sasakyan,--anang _nurse_ na maliksing lumabas.

Halos di naglipat sandali't dumating ang sasakyang kinuha na iginugulong n~g dalawang lalaki.

--Ihihilig po kayo rito,--ang wika n~g masipag na _nurse_.

--Huwag na po,--ang tanggi ni Tirso,--ako'y lalakad na lamang....

--Baka kayo mapagod na totoo....

--Kaya ko na ang aking katawan.

At pagkasambit nito'y marahan nang tumindig at umanyong lalakad.

--Akbayan mo, Elsa,--ang utos n~g ale.

Subali't ang utos na iya'y tila hindi narinig n~g pamangking pinagsabihan, sapagka't ang buong pagiisip nito ay ganap na nabuhos noon sa pagtatanong sa sarili kung sino n~ga ang babaeng iyon na ibinabalitang tumatawag sa n~galan ni Tirso.

--¿Sino n~ga ba ang babaeng yaon?--ang ulit pang tanong ni donya Basilia.

--Aywan n~ga po ba,--ang sambot n~g _nurse_ habang sila'y samasamang lumalakad sa lagusang palipat sa ibang bulwagan.--N~guni't ang sabihanang narinig ko ay kagabi idinating ditong may kasamang isang lalaking sugatan sa loob n~g isang _ambulancia_, galing sa Intramuros at itinelepono n~g isang pulis.

Nagibayo ang sikdo n~g puso ni Elsa, pagkarinig sa m~ga pahayag n~g _nurse_.

¿Diyata n~ga kaya't yaon na ang babaeng walang malaytaong nakapiling ni Tirso sa loob n~g _ambulanciang_ nakasagasa n~g kalesa?...

Isang iglap na lamang at mapagkikilala kung siya ay sino....

XXVII

¡APOY!...

Natatakot, sumisigaw, tumatan~gis....

Alan~gang malinaw ang isip at alan~gang nahihibang; unat at taas ang m~ga kamay na tila nalulunod at tumatawag n~g makasagip; m~ga matang halos magkanglulusot sa laki n~g sindak, na parang nakakikita n~g isang kapan~ganyayaang mahirap iwasan; m~ga patak n~g luhang pabugsobugsong nanaloy sa humpak n~g pisn~gi: mukhang kahabaghabag na nakikipan~gagaw sa kulay n~g suka; samongsamong na buhok na wari'y dinaanan n~g matinding buhawi; katawang pumapalag na anaki'y nagpupumiglas makatakas sa kamay na yumayapos ... iyan ang sa biglaang paglalarawa'y siyang pagaanyo n~g babaeng yaon na kinabubuntahan nang umagang iyon n~g dilang pagkagulumihanan sa "Hospital General".

M~ga medikong manakanakang nagtatanong, m~ga _nurses_ walang matutuhang gawin sa pagaaruga; maraming maysakit na nagban~guna't lumapit sa isang dulo n~g bulwagang pinagbubuhatan n~g alin~gawn~gaw; saka iba pang m~ga kawaning takangtaka sa nangyayari, ang m~ga pan~gunang saksi sa ganyang anyo at m~ga kilos n~g tinurang maysakit na tumatawag sa n~galan ni Tirso.

At ang sinasabi sa gumagaralgal at pauntolutol na tinig ay nabubuo sa ganitong m~ga katagang halos di maunawaan gayong maliliwanag:

--¡Asawa ko! ¡Asawa ko! ¿Saan ka naroon? ¿Nahan ang awa mo?... ¡Halika! ¡Tirso! ¡Halika! ... ¡Ikaw lamang ang makapagliligtas sa akin sa kapahamakang ito!...

--¿Sinong Tirso ang inyong hinahanap?--ang tanong n~g isang manggagamot na kaharap doon.

--¡Si Tirso Silveira! ¡Ang aking asawa! ... ¡Ay Tirso! ¿Nasaan ka n~gayon? ¡Parito ka't lin~gapin mo ang aking napagsapit!...

Marinig ito n~g isang _nurse_, ay madali n~gang nanaog na nagtungo sa silid n~g makatang nasa ibang bahagi n~g gusaling iyon.

Samantala'y patuloy ang m~ga pagtataka, at patuloy ang m~ga pagsusumigaw n~g abang maysakit na di nagsasabi kung siya ay sino.

--¡Patawarin mo ang aking m~ga pagkakamali! ¡Limutin mo ang aking m~ga pagkukulang! ¡Oo, Tirso, inaamin ko ang pagkabulag n~g aking paniwala at ang pagkapatun~go ko sa ligaw na landas! ... ¡Minarapat kong tumalikod sa layaw n~g mundo at sampu n~g sumpang isinangla sa iyo ay aking hinamak, sa pagaakalang kabanalang dakila itong aking pinagsakitang marating! Datapwa't ... ¡hindi pala! ¡Ang _Beaterio_, na nang una'y itinuring kong isang _Paraiso_ na katatagpuan n~g dilang luwalhati n~g babaeng banal, ay siya palang tunay na impiyerno sa balat n~g lupa, isang parusahang kinasasadlakan n~g m~ga nahihibuan n~g buktot na hatol! ¡Ang m~ga taong itong kung sabihin n~g aking m~ga ninuno'y matapat na alagad n~g Kabanalang sinugo n~g Dios upang maghasik sa daigdigang ito n~g malusog na binhi n~g Dakilang Asal, at di umano pa'y m~ga tagapagakay sa m~ga kinapal na ninitang ginhawa, ay wala pala kundi m~ga kasumpasumpang kawa n~g Pagpapakunwari na sa tulong n~g balatkayong Tumpak na Pananampalataya'y nagiging halimaw na laging uhaw na mapagsamantala sa puri at dan~gal n~g kahima't sinong mahulog sa kanilang inuumang na lambat! ... ¡Ah, n~gayon ko nakilala ang malaking pagkakamaling aking nagawa laban sa iyo, asawa ko! ¡Dahil sa iyong pagkakasapi sa isang Kapisanang di ko nakilala, pagkasaping ayon sa paring di ko nahulaang may imbot, pala sa aking pagkababae'y sukat daw upang ikaw'y pangdirihan n~g sinomang gaya kong may loob sa Dios, minarapat ko ang sa iyo'y lumimot ... pinagsisihan ko n~g gayon na lamang ang pagkakilala sa iyo ... aking ininis sa sariling dibdib ang pagsintang tumibok na kusa sa mura kong puso ... at ang kadalisayan n~g aking pan~gako ay kusang hinamak at pinapagmaliw n~g lubuslubusan ...! ¡Patawad n~ga, Tirso, ang hinihin~gi sa iyo nitong asawa mong nagbabalik-loob!...

At, habang hindi naglulubay n~g kasasalita ang babaeng iyon na kahi't pagbawalan ay para ring di nakaririnig, sa isang hiwalay na umpok n~g ilang kataong kabilang sa m~ga nalilimpi sa palibid n~g tinurang babae, ay siya namang pinananayn~gahan ang ganitong pahayag n~g manggagamot na umaaming siyang kasama sa _ambulancia_ nang gabing nagdaan:

--Dinatnan kong ang babaeng iya'y walang ulirat na nakalugmok sa harap n~g pulis na tumelepono rito kagabi; hindi masabi n~g pulis na iyon ni n~g sinoman sa ilan pa kataong nagmamalas sa kanya, kung siya ay sino at kung saan galing. Pagdaka'y nakita na lamang daw n~g pulis na susuraysuray na sumasalubong at napasasaklolo sa kanya, n~guni't pagkalapit ay bigla na lamang napahandusay. Nang aking siyasati'y may ilang bugbog sa katawan, na mahihinuhang gawa n~g pagkakahulog mula sa alinmang mataas na lugal. Ang aming _ambulanciang_ ikinuha sa kanya ay nakasagasa naman sa raan n~g isang kalesa. At sa banggaang iyo'y isang lalaki ang nasawi. Walang malaytaong ito'y dinala rin namin, kasama n~g isang mestisang pagdating dito ay nagpahayag na asawa niya. Ipinatala n~g tinurang mestisa na ang pan~galan n~g kanyang asawa ay Tirso Silveira. At n~gayo'y ... ¡hayan at Tirso Silveira rin ang isinisigaw n~g babaeng iyan!

--¡Kay laking hiwaga!--ang nagpalipatlipat sa isa't isang bibig.

Kapagkuwa'y narinig na namang nagsisisigaw ang babae.

--¡Oh, Tirso! ¡Narito na naman ang halimaw na ganid! ¡Narito't anyong ako'y gagahasain! ¡Iligtas mo ako, Tirso! ¡Halika!...

Siyang pagsipot sa bulwagang iyon n~g lalaking pinagpatalastasa't sinundo n~g _nurse_ kasunod si Elsa, si donya Basilia at si manang Magda.

Pagkairinig sa huling pagibik na iya'y ang manang ang una at boong liksing nakalapit, n~guni't si Tirso ma'y naroon na ring hawak sa bisig ni Elsa.

--¡Anak ko!

At sa loob n~g isang pikitmata halos ay tambing nang dinuhapang na niyakap n~g matanda ang abang maysakit. N~guni't ito ay waring di nakakikilala n~g tao't parang walang naririnig na anoman. Nasa m~ga bisig na n~g matanda, ay isang sigaw pa, sigaw na ubos lakas, ang narinig n~g lahat.

--¿Nasaan ka, Tirso? ¡¡Tirso!!...

Mabilis na tulad sa kidlat, ang tinawag na di pa natatanaw n~g nagpapagibik ay biglang nagkawala sa, pagkakapigil n~g kaakbay na mestisa at parang limbas na dumaluhong sa harap niyon, kasabay n~g tawag na:

--¡Teang!

Si Teang ang maysakit. At sa tawag na ito ay waring natauha't pinagsaulan n~g lakas n~g katawan at linaw n~g isip.

--¡Ah, si Tirso!...

At noon di'y naghulagpos sa m~ga kamay ni manang Magda at matuling lumipat sa m~ga bisig n~g makata.

Halos napigil ang paghin~ga n~g tanan sa gayong hindi akalaing mapanood.