Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

Part 8

Chapter 8 4,037 words Public domain Markdown

--¿Hindi pa kaya dumarating si Quezon sa m~ga sandaling ito?--malumanay na itinanong.

--Marahil ay malapit na,--ang naging tugong tila wala sa loob ni Elsa, pagkaraan n~g saglit na di paghuma.

--¿Ano, di pa po ba tayo lalabas?

--Tayna.

* * * * *

Nang lisanin n~g dalawa ang sine "Ideal" ay laganap na ang dilim sa lahat n~g dako. Ang m~ga ilaw sa daang Carriedo at sa liwasang Goiti ay nan~gakasindi na't siyang tumatanglaw sa makapal na taong sumasagasa sa kasamaan n~g panahon na pawang patun~go sa pook na natatakdang lulunsaran n~g dakilang sugo n~g bayan: sa "Magallanes Landing".

Si Elsa ay mahinay na lumalakad n~g ang kanyang isang palad ay mahigpit na nakakapit sa bisig ni Tirso. N~guni't kung nang gabing iyo'y naging mainuhin ang makata, ay napanibaguhan sana, niya sa mukha n~g mestisa ang isang lihim na sinasarili sa guwang n~g kanyang dibdib.

Nang dumating sila sa liwasang Lawton ay natanawan na nilang idinaraos na kasalukuyan ang _inauguracion_ n~g "Quezon Gate".

--¡Huli na yata tayo!--mahinayang na saad ni Tirso.

--¡At dumating na pala!--ani Elsa naman.

M~ga taong walang hulugang karayom na nagsilurok sa kaputikang gawa n~g matagal na ulang bumuhos nang singkad na maghapong iyon; maraming banda n~g musikang nakalipana sa magkabilang panig n~g daang Padre Burgos at Paseo de Magallanes; mula sa may gusali n~g "Intendencia" hanggang "Jardin Botanico", sarisaring watawat n~g di mabilang na kapisanang dumalong kasama ang pinakamarami sa kanikanilang m~ga kasapi; mahahabang hanay n~g m~ga "Guias Nacionales" at "Guerrilleros Filipinos" na nakatalatag sa pinagdaanan ni Quezon; m~ga automobil, kalesa, kalesin, at iba't ibang sasakyang nalilimpi sa m~ga gilid n~g lansan~gan; ang malaking langkay n~g m~ga binibining taga "Centro Escolar" na nagalay kay Quezon n~g isang marikit na pangnan n~g m~ga sariwang bulaklak na may kalapating nakasilid ... iyan ang m~ga namalas n~g humahan~gang m~ga mata ni Tirso na sa palibidlibid n~g pook na yao'y siyang nagpapasikip n~g gayon na lamang, at siyang nagpapakilala n~g di masayod na kagalakang naghahari sa madla alangalang sa karan~galan n~g mabunying anak n~g bayang may ipagsusulit na tagumpay sa kanyang pagbalik sa lupa niyang tinubuan.

Subali't ¿bakit kaya baga't parang hindi pansin ni Elsa at waring hindi ikinasisiya ang alinman sa gayong kasiglahan?

Inakala ni Tirsong marahil ay patuloy na nakapipinsala sa kanyang magandang mestisa ang karamdamang idinaing nang sila pa'y nasa sine. Kaya't inalok na magpauwi na.

N~guni't noon di'y nanigas na lamang n~g walang kaabogabog at napahandusay sa m~ga bisig n~g makata, ang sariwang katawan n~g mestisang yaon na sinusundan n~g nahihilam na m~ga mata n~g di kakauunting taong nakakita sa kanila sa liwasang Lawton.

--¿Bakit po?

--¿Napapaano po ang inyong asawa?

--¡Hinihimatay!

--¡Paypayan natin!

--¡Wiligan n~g tubig sa mukha!

--Ang mabuti, mama, ay dalhin ninyo agad sa ospital ang inyong senyora.

--¡_Ambulancia_!

Samantalang paganyan ang m~ga sambitlaing nagpapalipatlipat sa bibig n~g maraming nakasaksi sa gayong kusang ginawa ni Elsa, si Tirso naman, na ipinalalagay n~g balanang nakamalas sa anyo n~g dalawa na asawa n~g mestisa, ay hindi magkantututo sa marapat gawin.

--Elsa ... Elsa....

At ang tinatawag ay patuloy na walang imik at nanunuwid sa pagkakahilig sa balikat niya.

Siyang pagharap n~g isang kutserong dukha n~guni't dapat uliranin n~g m~ga kapwa niya maralita: mapitagang inihandog ang kanyang kalesang nakatigil sa isang panig n~g liwasan.

--Mama,--anya kay Tirso sa magiliw na pan~gun~gnusap--inabot po yata n~g sakuna ang inyong asawa, naririto po ang aking kalesa at ating magagamit n~gayon din para sa ospital.

--Kailan~gan n~ga pong makarating sa ospital ang inyong asawa,--ipinayo naman n~g maraming nagkakalipumpon sa dalawa.

--Sumakay na kayo.

At ang gayong munti n~guni't dakilang handog ay boong pusong sinangayunan n~g nasisindak na makata.

Ang matigas na katawan n~g mestisa ay boong higpit n~guni't main~gat na niyapos ni Tirso sa nakikita n~g madla, saka pinagdahang isinakay sa kalesang inihandog na kusa n~g naban~ggit na kutsero.

Buongbuo sa isipan ni Elsa na di na siya hihiwalay kay Tirso nang gabing iyon. Inaakala niyang sa gayong pagkapasubo ni Tirso sa harap n~g madla na umaming walang tutol sa pagpapalagay na sila'y magasawa, ay hindi na naman makapangyayari pa ang paguurong-sulong n~g makatang ito tungkol sa ninanasang mangyari n~g mestisa.

N~guni't sa gayong pagdadala sa kanya sa pagamutan dahil sa ginawa niyang paghihimahimatayan, ay di niya maalaman kung paano ang gagawin. Sa likod n~g nakatabing na tarapal, at habang patuloy na tumatakbo ang kanilang sasakyan, ay nararamdaman ni Elsang maminsanminsang bumubulong sa kanyang m~ga pisn~gi ang namumuyong m~ga labi ni Tirso, kasabay n~g magiliw na pagtawag sa kanyang pan~galan na kinalalarawan n~g sindak at pagmamahal. At ang gayong pagkakalaya na naman ni Tirso, sa kanyang pagkadalaga, ay lalo nang nagpapatibay sa kanyang tinitikang gawin noon.

Subali't ... si Elsa ay nalilito. Hindi niya maubos isipin kung marapat o hindi na bago sila dumating sa pagamutan ay magmulat na siya n~g mata't makipagharap kay Tirso upang sabihin n~g tahasan ang tunay niyang ibig na mangyari. Kung, mapagtalastas naman ni Tirso ang kanyang ginawa'y ¿hindi kaya, mabagot sa kanya? ¿Hindi kaya ikamuhi ang gayon niyang pangliliho, sa halip na siya'y lin~gapi't pakiayunan? ¿At ano ang wiwikain n~g kutsero kung makilala ang kanyang salamangka?

Tila isang malaking _escandalo_ na magbubun~ga n~g maalin~gasn~gas na salitaan sa lahat n~g dako ang ginawa niyang iyon, kapag nahiwatigan n~g kutsero.

Saka, ¿sino ang makapagsasabi kung sa pulutong n~g di kakaunting taong nakasaksi sa ginawa niyang pagpapatibuwal sa m~ga bisig n~g makata ay walang sinomang nakakikilala sa kanya?

Nasa ganitong m~ga pagninilaynilay ang may katutubong lakas n~g loob na mestisa nang walang anoano'y ang kalesang kanilang sinasakya'y biglang nahagip n~g dumaragunot na _ambulancia_ n~g "Hospital General" na nanggagaling sa Intramuros na tumatawid sa Padre Burgos at patun~gong Avenida Taft. Ang kalakasan n~g pagkakabangga ay gayon na lamang na sa isang pikitmata ay nawasak ang kalesa't napahagis sa lupa ang kanyang m~ga lulan. Ang _ambulancia_ nama'y nakalayo pa muna n~g may m~ga dalawampung dipa bago napahinto sa isang gilid n~g lansan~gan.

Sa harap n~g gayon di hinihintay na kasakunaa'y ¿sino ang makahuhula sa napagsapit na palad nina Tirso at Elsa?

¿Patay?

¿Buhay?

Maliksing naba sa sasakyang nakasagasa ang isang manggagamot upang siyasatin ang m~ga nasawi. At di pa gaanong nalalapit sa pook na kinaroroonan n~g m~ga labi n~g nadurog na kalesa't n~g m~ga napahamak na sakay, nang maulinigan na niya ang kalunoslunos na daing n~g tinig n~g babae.

--¡Naku, Tirso ko! ¡Tirso...! ¡Tirso kooo...!

At noon di'y napatambad sa m~ga mata n~g manggagamot ang isang nakahahambal na anyo n~g m~ga nasawi sa banggaang iyon: isang kalesang nagkadurogdurog sa dako roon, nakalugmok na kabayo sa gawi rito, at sa hinaharap niya'y isang lalaki ang nakapalun~gayn~gay at naliligo sa sariling dugo na hinahaplos sa mukha n~g isang babaeng tumatan~gis at tawag n~g tawag sa n~galan n~g lalaki, samantalang ang kutsero'y parang napaghimalaang hindi man lamang nagkagalos sa katawan gayong napahagis sa malayo.

¿Patay n~ga kaya ang lalaking pinananan~gisan?

Kailan~gang siyasatin agad n~g manggagamot.

At nakitang may sugat sa ulo at walang malay tao.

Sa gayo'y madaling tinawag ang dalawang tao n~g _ambulancia_, saka sinabi sa mestisa:

--Ang sugat n~g inyong asawa ay may kalubhaan po: kinakailan~gang malapatan n~g lunas sa lalong maikling panahon. ¿Itinutulot baga ninyong isakay sa _ambulancia_?

--¡Para na n~ga ninyong awa, doktor! ...--pasamong tugon n~g babae na di man tumutol sa pagkasabing "asawa" niya ang lalaking may sugat.--¡Sasama po ako...!--ang dugtong pa.

--¿Kayo po ba'y nagtamo rin n~g m~ga kapinsalaan?

--Tila po hindi; n~guni't ang tanang inyong magagawa ay lubos na sana sa pagliligtas sa buhay n~g ... asawa ko.

--Opo; ako ang bahala.

--¿Maliligtas po kaya?

--Tingnan natin ... Tayna.

Sa isang hudyat na ibinigay n~g manggagamot, ay binuhat pagdaka n~g dalawang lalaki ang katawan ni Tirsong pigta sa dugo at malambot na tila sutla. At noon di'y dinala sa _ambulancia_ na inaagapayanan ni Elsa at n~g manggagamot.

Pagkalulan ni Elsa sa tinurang sasakyan ay namalas niya sa loob niyon ang isang babaeng nakakubli ang mukha na nakahigang unat na unat at di kumikilos. Napaghahalatang gaya ni Tirso ay wala ring malay-tao.

--¿Sino kaya ang babaeng ito?--ang di sasalang naitanong n~g mestisa sa loob man lamang niyang sarili.--¿At napapano kaya?

Nang m~ga sandaling iyo'y saka lamang may lumapit na isang pulis na tila sa malayo pa nanggaling.

--¿Bakit at ano ang nangyari?--ang tanong na tila ibig pang magmagaling.

--Isang sakunang hindi kinukusa n~g sinoman,--madaling ipinakli n~g manggagamot.

Ang lahat n~g paliwanaga'y ginanap na lamang sa pahapyaw na ulat n~g manggagamot na sinabi, at pagkatapos na ibigay ang ilang tala na nahihinggil sa _ambulanciang_ nakasagasa, ay ipinahayag sa pulis:

--Hayan ang kutsero: siya ninyong kausapin. Kami ay di makapagtatagal pa. Ang kalubhaan n~g lagay n~g m~ga nasawi ay nan~gan~gailan~gang malunasan kaagad.

At ang pulis ay nagkasiya na sa paguukol n~g ilang tanong sa kutsero, samantalang ang _ambulancia_ ay humaginit na n~g takbong patun~go sa "Hospital General".

Pagkaraan n~g ilang saglit pa, ay napatala sa aklat n~g pagamutang iyon na ang lalaking ipinasok doon, dahil sa pagkabugbog, at m~ga sugat n~g katawan, ay si Tirso Silveira na asawa n~g isang nagn~gan~galang Elsa Balboa ni Silveira.

N~guni, ¿sino kaya naman ang babaeng may karamdamang nakaangkas sa _ambulancia_?...

XXV

KAKAIBANG PAGAASAWA

Halos wala nang tao sa pook na pinagdausan n~g m~ga pagdiriwang nang magdaan ang trambiang kinalululanan ni Elsang galing sa pagamutang pangkalahatan. Sa liwasang Goiti ay madalang na rin ang nagsisipaghintay n~g trambia, palibhasa'y may kalaliman na ang gabi.

Gayon ma'y patuloy rin kay Elsa ang kanyang balak; sa bahay n~g kanyang tia Basilia sa San Lazaro patutun~go upang doon, manggising man, ay wala siyang sukat ipan~gilag at masasabi na niyang siya'y hindi muna makauuwi sa Pasay pagka't nagtanan na sila n~g kanyang kairugang lalaki.

--Ako'y hindi mangyayaring makagalitan n~g aking tia Basilia,--ang kanyang pinagpaparoonan sa gagawin,--kahi't ano ang aking gawi'y maipagpaparaya niya't ipagtatanggol pa ako sa harap n~g aking kapatid na walang salang magagalit sa akin.

At habang tumatakbo ang trambiang kinasasakyan niya, ay napaguulitulit namang sinasabi sa sarili ang ganito:

--Paggaling ni Tirso, na sapilitang mangyayari n~g hindi bibilang n~g maraming araw, yamang pinatutunayan n~g medikong hindi naman kalubhaang gaano ang tinamong sugat, ay magiging isang katotohanan ang aming pagkakasal. At pagkatapos n~g lahat, taas na naman ang noo kong haharap sa kanila at ipakikilala ang aking nakaisang palad. Kung gayo'y ¿ano pa ang kanilang masasabi? N~guni't upang huwag magkaroon n~g daang mapulaan ako't masisi n~g sinomang makatatalos n~g bagay na ito, kinakailan~gan papaniwalain ko siyang kasal na kami ni Tirso n~gayon pa.

Walang ulikulik n~gang tumawag sa bahay ni donya Basilia ang mestisang pawang kasinun~galingan ang laman n~g ulo nang m~ga sandaling iyon n~g pakikipaglamay sa kasun~gitan n~g gabi.

At pagbubukas n~g pinto n~g kanyang ale, ito'y kaagad niyang hinagkan sa kamay, tanda n~g paggalang.

N~guni't ang maybahay ang unang nagsalita sa patakang tanong:

--¿Elsa, bakit?

--Dito ako matutulog n~gayon, tia,--ang marahan n~guni't may lambing na sagot n~g mestisa.

--¿Saan ka nanggaling?--ang siyasat pa ni donya Basilia.

--Wala po ...--tan~ging naipulas sa bibig ni Elsa.

--¿Walang ano? ¿At sino ang iyong kasama?

--Wala n~ga po....

--¡Ang batang ito! ¡Huwag mo akong patayin sa pagaalaala!

--¡Si tia!--at n~gumiti pa si Elsa sa pagbigkas n~g m~ga salitang ito.--¡Wala po kayong sukat ipagalaala sa pagkaparito kong ito!

--¡Wala raw! Halika n~ga sa loob at dini kita magusap.

Nasok ang dalawa sa isang bulwagang wala nang nakatatanglaw liban sa isang munting bughaw na _bombilla_ na taang talaga sa pagtulog. At pagkalikmong magkaagapay sa isang sopang luma, ay muli na namang nagusisa ang matandang sa mukha ay kinababakasan n~g pagkabagong gising noon.

--Sabihin mo n~ga, _hija_--anya:--¿bakit ba hatinggabinghatinghatinggabi'y naparito ka?

--Ibig ko lamang pong dito muna makatulog....

--Ibig mo n~ga, nalalaman ko; n~guni't ¿ano ang bagay n~g pagsusumagi mo n~g pakikitulog dito? ¿Nakagalitan ka ba n~g kapatid mo, o nagkaalit kayo ni Dioni?

--Maging alinman po sa riyan ay walang tama. Ako ay hindi sa amin nanggaling n~gayon, at....

--¿At ano?

--... ¡Ayoko munang umuwi sa aming ilang araw, tia!

--¿Bakit at ano n~ga ang sa iyo'y nangyari?

--Ako po ay....

--Ikaw ay ... ¿ano?

--Ako po'y ... Tia, ¿hindi ba kayo nagagalit?

--¡Lokang bata ito!...

--Ako po ay ... ako po'y ... nagasawa na.

--¿Nagasawa ka?

--Opo, tia....

--¿Nalalaman n~g kuyang mo?

--Hindi n~ga po eh....

--¿At nagtanan ka?

--Opo.

--¿Kanino ka nagasawa?

--Sa isa pong lalaking malaon ko nang katipan....

--¿Pangalan?

--Tirso ...

--¿Apelyido?

--Silveira po.

--¡Tirso Silveira!

Ang matanda ay saglit na nagtun~go n~g tin~gin sa ibaba at nagisip.

Kaginsaginsa'y itinanong:

--¿Hindi ba iyan ang masong animo'y kasintahan ni Teang noong araw?

--¡Tia ...--saka idinukmo ang mukha sa kandun~gan n~g ale, at sa muling pagan~gat ay idinugtong:--¿Di ba kayo namumuhi sa akin?

--¿Bakit ako namumuhi?--malumanay na ipinakli n~g matanda na ang isipa'y nagduduklayduklay sa balabalaki n~g kabataan.--N~guni't linawin mo, Elsa: ¿hindi n~ga ba iyan ang nakagustuhan ni Teang na sinasabi mo?

--Sa palad po n~g tao, tia, ay Tadhana lamang ang nakapangyayari. Niloloob po n~g Tadhanang iyan na siya ang aking maging kapalaran....

Si donya Basilia ay natilihan at hindi na nakahuma.

Sumurot nang sandaling iyon sa alaala niya ang naging sanhi n~g pagkaalis sa bahay na yaon n~g mabait na dalagang kanyang inaanak sa binyag. At naalaala ring si Elsa ang may kagagawan n~g gayong nangyari. ¡Napakamakapangyarihan n~ga naman ang dios n~g pagibig sa puso n~g kabataan!

--¿N~gayo'y saan naroon ang asawa mo?--makasandali'y itinanong n~g matanda.

--Hindi ko po kasama ...--ang nagaalan~ganing sambot n~g mestisa.

--¿Saan kayo naghiwalay?

--Sa ... ospital po.

--¿Ha?

--Doon ko n~ga po siya iniwan, sapagka't....

--¿Sapagka't ano?

--Nagkaroon po n~g sugat....

--¡Elsa, alangalang sa Dios, ako'y linawin mo!

--Tia, si Tirso po ay nasa pagamutan n~ga, sapagka't sa di namin hinihintay na sakuna, ay nagtamo siya n~g ilang sugat at bugbog sa katawan....

--¿Anong sakuna? ¿Hinabol ba kayo? ¿Nagkaroon ba n~g away o basagulo?

--Hindi po, n~guni't nang kami ay nakasakay sa isang kalesa ay biglang nasagasaan n~g isang dumaragunot na _ambulancia_, ang aming sinasakyan, at noon di'y napahagis lamang kami sa malayo....

--¡Susmaryosep!

Sumunod sa ganitong napalakas na salita ni donya Basilia ay biglang nagtaas n~g ulong parang nagulat ang isang matandang babaeng nasa kabila n~g pinto n~g silid na hinaharap n~g pagkakaupo ni Elsa.

--¡Dios ko!--ang pabulalas na sigaw na narinig n~g dalawang naguusap.

--Kumare,--malakas na tawag ni donya Basilia sa nasa silid.-¿Bakit?

Ang matanda ay muling nahiga, bago tumugon.

--Wala, kumare,--nanaginip lamang pala ako. Para ko bang nakitang ang anak ko'y nilalapitan n~g tatlong lalaking may sun~gay.

--Panaginip n~ga lamang iyan; matulog na kayong muli.

Nang hindi na tugunin ang ganitong saad ay itinanong naman ni Elsa sa kanyang ale:

--¿Sino, tia, ang matandang iyon?--ang bulong.

--Si kumareng Magda,--paanas na sagot n~g itinanong.

--¿Si manang Magda? ¿At kailan pa po rito?

--Kaninang tanghali lamang.

--¿At kasama rin po ang pari?

--¡Bah, hindi! Si pari Casio ay wala na sa X ... sa m~ga araw na ito. Nakainisan daw n~g m~ga tagaroon at pinagusig n~g gayon na lamang hanggang sa napalipat n~g ibang bayan.

--¡Hm! ¡May tigas din naman pala ang m~ga taga X ... na di nahuhutok n~g kapangyarihang simbahan!

--N~guni't hindi ganyan ang paghahaka ni kumare,--saka lalong hininaan ang pagsasalita,--Sa katunaya'y ibinigay sa "La Compañia de Jesus" si Teang sa himok n~g paring iyon bago napaalis sa X....

--¿At si Teang po ba'y nasa kolehio n~gayon?

--Matagal na; at siyang sadyang dadalawin n~g kanyang ina, itinaon na lamang tuloy sa pagdating ni Quezon ang pagluwas dito.

--¿Ay bakit naman inalis pa sa "Concordia", gayong sa kolehio't kolehio rin pala ipapasok?

--Mangyari, ang tika ay magmongha raw.

--¿Diyata po't magmomongha si Teang?

--Siyang himok n~g pari na minabuti n~g ina, at kaipala'y sinangayunan na rin naman n~g may katawan.

Hanggang dito ang naging salitaan n~g magale, sapagka't si donya Basilia, na sinasasal na yata n~g antok, ay nagtindig noon din at ipinagsamang masok sa isang silid ang pamangkin upang makatulog na.

* * * * *

Kinabukasan ay ipinagpaunang sabihin ni Elsa sa kanyang tia Basilia na huwag muna sanang ipamamalay kay manang Magda, kung ito ay magising na, ang kanyang pagkapagasawa kay Tirso. Marahil paano't paano ma'y nan~gun~gunti rin naman siyang maalaman n~g manang na iyon na ang kanyang nakaisang palad ay dili iba't ang lalaking nan~gibig kay Teang.

--Hamo't hindi ako kikibo,--ang ayon ni donya Basilia,--n~guni't sa malaon at madali ay sapilitang mababalitaan niya ang bagay na iyan; at kung hindi sa iyo o sa akin unang manggagaling ang pagbabalita sa kanya, ay lalo na siyang magkakamatuwid na maghinanakit o magpalagay n~g di mabuti sa nangyari.

--Kung sa bagay ay katungkulan kong ako n~ga po ang magsabi, subali't ako ay nahihiya ...--ang pakli ni Elsang bahagyang natatawa.

--Ang mabuti'y ganito: walang pagsalang yayain kitang dumalaw kay Teang sa kolehio n~gayong umaga; gawin mo naman, bago ka pumayag, ay anyayahan siyang sumama sa kanilang dumalaw sa ospital, at kapag naroon na'y bahala na siyang mapamangha sa kanyang makikita at ikaw nama'y wala nang gagawin kundi ang sumagot na lamang sa kanyang m~ga sasabihin.

Pagkasabi nito'y hindi lamang ang mestisa ang natawa kundi pati na rin ni donya Basilia. Makasandali ay siya namang hinarap n~g matanda ang pagpapahanda n~g agahan, at si Elsa ay naiwang nakapanun~gaw sa isang bintanang paharap sa halamanan.

Mapamayamaya pa'y sa lalabas na si manang Magda.

--¡_Ave Maria Purísima_!--ang pagdaka'y ibinati sa nakapan~galumbabang mestisa,--¡Narito ka pala, ineng!--ang dugtong pa.

--Opo, manang,--magalang at pan~giting tugon naman n~g binati, kasabay n~g pagpihit n~g mukha sa kumausap.--Kayo po, ¿kumusta naman?

--Mabuti, Elsa, sa awa't tulong n~g Mahal na Birhen,--saka nakipiling sa kinauupang bangko in Elsa.

--¿Nakapanood ba kayo n~g m~ga kasayahan kagabi?

--Oo. ¡Naku, kay damidaming tao! At nabasa pa tuloy kami sa ulan. N~guni't ... ang kasayahan ay gayon na n~ga lamang; sanggaano mang sigla, ay natatapos din.

--Wala po naman yatang anomang bagay rito sa mundo na walang katapusan, eh....

--Dahil n~ga riyan, kung kaya ako ay walang laging sinisikhay kundi yaong m~ga may kapakinaban~gan hanggang sa kabilang buhay. Tingnan mo; kung kaawaan n~g Dios na makaraos sa pagmomongha ang aking anak, wala nang napakaligayang buhay na gaya n~g tatamuhin ko marahil....

--¡Siya n~ga pala! Si Teang daw ay nasa "La Compañia" para sa ganyang layon, ¿tunay n~ga po ba?

--¡Bah, talagang buongbuo ang loob ko sa tun~guhing iyang ipinakilala sa akin ni pari Casio! ¡Iyan ang pinakadakilang magagawa n~g isang magulang na nagmamahal n~g taos sa kanyang anak na babae!

--N~guni't ang bagay na iya'y naaalinsunod din kaipala sa hilig n~g may katawan. Marahil ay talagang nasa pagmomongha ang hilig ni Teang....

--¿At ikaw? ¿Ayaw ka bang magmonghang paris niya?

--Aywan ko po ba; marahil ay madadali ang buhay ko, kapag ako'y napakulong sa _Beaterio_ at nawalay sa m~ga kasayahan....

--¡Bata ka pa n~ga!

--Ang totoo po, kung ako ang pamimiliin n~g aking dapat na harapin sa buhay na ito, ay walang salang iibigin ko ang magartista, sapagka't, sa ganang aki'y ito lamang ang tan~ging daan upang malasap n~g isang tao ang tunay na katamisan n~g mabuhay sa balat n~g lupa.

Ang huling saad na ito n~g mestisa marahil ay narinig n~g isang lalaking han~gos na pumasok sa tarangkahan n~g bahay na iyon, kaya't buhat pa sa may tapat n~g durun~gawan sa lupa ay malakas nang tumawag.

--¡Elsa!

Si Elsa ay hindi sumagot. N~guni't di sasalang nakilala niya agad ang tinig na yaon, kaya biglang nagitla at pinamutlaan n~g labi.

--¿Sino iyon?--ang painong tanong n~g manang na di nagkaroon n~g katugunan.

--¡Tia Basilia!--ang ulit pa n~g nasa lupa.

At ang matandang maybahay ay dumun~gaw sa isang bintanang makipot ang pagkakabukas.

--¡Ikaw pala!--ang nawika pagkakitang kapatid ni Elsa ang dumarating, saka maliksing humudyat sa pamangking babae n~g hudyat na nawatasan naman agad n~g mestisa.

--¿Nariyan po ba si Elsa?--ang nagkakanggagahol pang tanong n~g nasa lupa.

--Narini; magtuloy ka,--at tumawag noon din n~g isang alila at ipinagutos na buksan ang pinto sa sibi.

Parang dinagukan ang dibdib ni Elsa at, malaong hindi nakapan~gusap, pagkatalos na ang dumarating ay kanyang kapatid, at sa isang may baklang titig sa ale'y waring ibinulong: "¿Paano ang idadahilan ko?"

Ilang saglit pa at nagkaharap ang magkapatid sa nasasaksihan n~g dalawang matanda.

Sa unangunang tin~gin lamang n~g lalaking iyong maputla't waring hindi nagtikim n~g tulog sa magdamag nanagdaan, ay naibulalas nang lahat ang tanang ibig sabihin sa kapatid na ipinalalagay na nagkasala.

Si Elsa ay lumin~gon na lamang at nagtapon n~g isang titig na humihin~gi mandin n~g saklolo sa ale.

Datapwa't si donya Basilia naman ay nalilito sa pagdulang na biglaan sa isip n~g sukat niyang gawing pamamagitan sa magkapatid.

Si manang Magda, na bahagya nang napansin at napagpugayan n~g lalaki, ang tan~ging makapagparinig sa dumating:

--Sinusundo mo na yata siya.

Salamat sa winikang itong nagpapahayag n~g pagkawalang malay sa lihim n~g dalawa, ang maypoot ay nagtimpi at pinilit na tan~gayin n~g isang impit na buntonghinin~ga ang lahat niyang sukal n~g kalooban. Saka bumaling sa nagsalita, at sa masayang mukha'y bumati:

--Manang magda, naluwas po pala kayo n~gayon.

--Oo, at ako naman ang dumadalaw rito, yamang sinoman sa inyo'y walang nagagawi sa aming matagaltagal na.

--Ibig naman daw n~g kumare ko na magkitakita tayong minsan pa,--ikinatlo ni donya Basilia pagkarinig sa himig n~g ganyang payapa nang paguusap,--kaya ba pinigil ko na tuloy na dito na matulog si Elsa kagabi. ¿Nagagalit ka ba sa kanya?--ang tanong pa.

--Hindi po,--itinugong di naiwasan n~g lalaki:--n~guni't kagabi pang hatinggabi'y kamunti na akong makarating dito sa paghanap sa batang iyan....

--How, eh saan ba naman mapapatun~go si Elsa kundi rito sa kanyang tia,--ang saklaw naman ni manang Magda.

Subali't ang mestisa ay hindi nakahuma gaputok man sa sidhi n~g kalituhang naghahari sa kanyang pagkababae. Napasasalamat siya sa pagkakataong iyong kaharap si manang Magda at sa maayos na pagkapamagitan ni donya Basilia; n~guni't nauubos ang kanyang talino'y hindi niya matutuhan ang kanyang marapat gawin upang ang galit ay huwag makapanghinaig sa kanyang kapatid, sakaling mapagtalastas na nito ang nais niyang palitawing siya'y napakasal na kunwa kay Tirso nang gabing natapos.

Mabuti na lamang at ang kapatid niya ay tila hindi magtatagal at mananaog din. Narinig niyang nakipagbalitaan sa manang na taga lalawigan n~g ilang bagay na karaniwan na sa m~ga magkakakilalang malaong hindi nagkikita. At mapamayamaya pa'y nagpaalam na n~gang mananaog at di umano'y may iba pa siyang lalakaring bagay na madalian.

--Magagahan ka muna bago ka manaog ha,--ang pigil ni donya Basilia.