Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)
Part 7
Kung linggo n~g hapon, si Elsa ay masigla ang katawang nagsasadya sa Luneta, at doon, kaabay n~g makata n~g kanyang m~ga pa~ngarap, ay nagyayao't dito sa lahat n~g dako, samantalang ninanamnam n~g kanyang kaluluwa ang nagpapainamang tugtugin n~g banda n~g Konstabularia na nagiging marapat sa dilang paghan~ga. Naroong magpabalikbalik sila sa pabilog at pasalasalabat na m~ga landas, magtigil at magmasidmasid sandali sa harap n~g hugis pisóng bantayog ni Rizal, saka mauupo sa alinmang likmuang mawalan n~g tao. Naroong sila'y dumako sa may dinudunghal n~g "Manila Hotel", at mula sa ibabaw n~g m~ga naglalakihang bato't talampas na saganangsagana sa pook na yao'y boong lugod na pinanonood ang tila naguunahang salpok n~g alon sa lahat n~g pagilid, saka ang kaakitakit na kulay n~g langit sa dakong Kanluran sa m~ga sandali n~g pagsibsib n~g araw sa likod n~g m~ga bundok na natatanaw sa kabila n~g dagat. Kung minsan nama'y siya nilang tinatalunton ang daang pahabay sa dagat na patugpang Pasay, at doo'y malinit silang nagtitila m~ga ibong namamayagpag n~g boong lugod at panabay na umaawit n~g isang pagiirugang walang pagkupas....
Sa "Jardin Botánico" ay madalas din namang sila ay nagpapalipas n~g mahahabang sandaling puspos n~g tamis at kaluwalhatian. Sa ibabaw n~g damuhan at sa lilim n~g malalabay na punongkahoy na nagbibigay n~g kahalihalinang anyo sa pook na yaon, hindi mamakailang sila'y naguulayaw n~g boong payapa at ang m~ga puso nilang kalong n~g ligaya'y binibigyang panahong magkapalitan n~g wagas na tibukin ... At kung mapagod na sa panonood n~g hayop na walang kasingamo sa loob n~g kulungang bakal gayong pagkailapilap kapag nasa kagubatan, kung man~galay na ang m~ga mata't magsipamitig ang m~ga litid sa pagmamasid sa pagsasalimbayan n~g sarisaring ibong may iba't ibang kulay, sa paghahabulan n~g m~ga dagang-kosta, m~ga koneho, sa paguumakyat-manaog sa m~ga nagsalabat na kahoy n~g m~ga unggong mukhang taong pan~git, sa kiniwalkiwal n~g buwaya, sa pamamalupot n~g sawa, sa paninin~gasing n~g baboy-damo, tamaraw at iba't iba pa; kung sila ay manghinawa na n~ga sa lahat n~g iyan ay saka lamang nila lilisanin ang pook na yaon n~g sa puso'y taglay ang m~ga alaalang labis na makabuo n~g isang gintong kabanata sa kasaysayan n~g kanilang pagsisintahan....
Ang m~ga tula n~g makata ay bihirang hindi naglalarawan n~g alinman sa m~ga pook na yaong pinagtatamasahan n~g aliw n~g kanilang kaluluwa. Bihirang hindi bumabanggit sa maliligayang sandali n~g kanilang pagsisinaya sa kahilihiling kapalaran. At walang bigong talatang di nagpapagunita sa mestisa n~g nagtatamisang pangyayaring nangyari sa mabiyayang panahon n~g kanilang suyuan....
Si Elsa't si Tirso ay dalawang kinapal n~gang sa kabila n~g maraming araw na di pagkakatugunan n~g m~ga damdamin ay magkayapos din ang m~ga palad na nakapasok sa di kawasa sa isang panahong ang lahat ay tamis, layaw at pagibig....
Ang lan~git na namamalas ni Elsa ay sagana sa silahis na kaakitakit, at ang papawiri'y naghahandog sa diwa niya n~g matatamis na guniguni. Ibig niyang lumipad, pumaimbuyog sa kalawakang walang wakas, at sa kabila n~g busilak n~g alapaap ay kanyang ipagdiwang sa apat na panulukan n~g Katalagahan ang pananagumpay n~g kanyang m~ga adhika sa puso n~g makatang tanging aliw n~g kanyang kaluluwa.
At si Tirso, ang makatang tuwina'y may salamisim sa diwa, may gayuma sa mata, may pulot sa labi't may lambing sa bawa't kilos, ay natatalagang huwag lumayo kaunti man sa piling n~g mestisa. Ibig ding lumipad magsaibong sasalun~ga sa hihip n~g han~gin upang maawitang parati n~g kanyang pagibig, masuob n~g kamanyang n~g paghan~ga't masabugan n~g bulaklak n~g papuri ang karilagang tan~gingtan~gi n~g kanyang liyag....
Lamang, ay isang sagabal ang nararamdaman niya waring pumipigil sa kanyang m~ga bagwis, parang lubid na bumabaliti sa m~ga pakpak niya at siyang hindi ika-panibulos n~g kanyang m~ga lakad. Si Elsa ay malayang singlaya n~g hangin na maaari n~gang makasunod sa bawa't pithaya n~g pusong sumisintang wagas. Datapwa't siya, si Tirso, ay may tanikala sa boong katawan, na ang pagkakagapos ay may mahigpit na buhol na di niya kayang kalagin.
At ang tanikalang ito, ang gapos na itong ayaw magtulot sa kanya upang makapakiagapay sa kataasan n~g lipad n~g m~ga pangarap n~g mestisa, ay dili iba't ang sumpang binitiwan niya't nilagdaan n~g kanyang kamay sa harap n~g hukuman sa Sampiro.
Ang sumpang iyon ay kusa niyang inilagda noong isang gabing ang kanyang puso'y inaapawan n~g di masayod na pagibig sa ibang alindog: kay Teang. At hindi sukat ang masabing ipinagbili n~g babaeng ito sa mababang tawad ang karan~galan n~g kanyang pagkababae, sakaling magkaganito man upang mapawian n~g bisa ang naturang sumpa. Mangyayaring ang hindi pagsipot n~g sulat na ipinangako n~g boong higpit ni Teang ay magkaroon n~g kahulugang ang babaeng iya'y nagtaksil na n~ga at kusang lumimot kay Tirso; n~guni't gayon man, sa harap n~g Batas n~g katuwiran at sa ilalim n~g Katuwiran n~g batas, ang lalaking ito ay walang kakarakarapatang "bumawi n~g pan~gulugi" sa kandun~gan n~g sinomang linikhang maiiba sa babaeng sinumpaan na niyang minsan. Mangyayaring magkatotoo na si Teang ay isang hamak na manyikang tumatawa't pumipikit sa kamay n~g isang mapaglarong pari, gaya n~g balita ni Martinez; subali't hindi mangyayaring si Tirsong napalun~gi sa babaeng iya'y maluwag nang makahahanap n~g panibagong kapalaran sa sinapupunan n~g ibang langit. Mangyayaring maibunto kay Teang ang tanang kasamaang magagawa n~g isang babae; datapwa't hindi dahil diya'y kalapating malaya na si Tirso na makapamamayagpag na lilipat sa ibang pugad na ibig niyang patun~guhan....
Nariyan ang balakid. Iyan ang malaking sagabal, ang tanikalang gapos na ang m~ga kawil ay lihim na lumilingkis at bumabaon sa m~ga lamad n~g puso ni Tirso, kung kaya't ang kanyang pagsunodsunod sa m~ga bakas ni Elsa ay pawang may katugong masaklap na dilidili sa liblib na pitak n~g kanyang nasasalimuot na isipan....
Walang kamalaymalay si Elsa sa lihim na itong sinasarili ni Tirso. Subali, ang kawalang malay na iya'y hindi naman makaganyak sa kahinubong bait n~g nabanggit na makata upang magsamantala.
Kalaban si Tirso n~g lahat n~g uri n~g pagsasamantala sa kahinaa't pagtitiwala n~g babae. At kung may naipupula sa kanya ang m~ga kapwa niya lalaki, ay wala nang iba kundi ang kalamigan n~g kanyang loob at malabis na pitagan sa babae, kasakdalang ito man ang nagbubukas n~g daang kanyang mapaglalagusan,
Ang kapunapunang pagwawalang bahala na kanyang inasal sa harap n~g mapupusok na pitlag n~g damdamin n~g mestisa, na di na kaila sa marami, ay hindi mamakailang naging dahil n~g panunudyo't paglibak sa kanya n~g m~ga kapwa niya lalaki. Sinasabing ang kanyang pag kamakata ay nasa tulaan lamang at wala sa gawa; na ang kanyang pagkalalaki ay madalas na di nabibigyang halaga sa ginagawi niyang pagpapakadun~gong lagi sa harap n~g babae. Madla n~ga ang nagpapalagay na ang pagkalalaki n~g isang paris ni Tirso ay dapat kilatisin ang uri sa kasanayang magsamantala sa masisimbuyong silakbo n~g damdaming katutubo sa babae, at ang alinmang pagpapalampas n~g m~ga pagkakataong nasa naaabot n~g kamay ay itinuturing na isang kadun~guang nararapat sa dilang paglait.
Datapwa, sa katotohanan, ang bagay na iyan ay tinitingnan ni Tirso n~g alinsunod sa kanyang kabaligtaran. Alalaong baga: iyang kakutyaang ipinalalagay n~g tanang may laos na ugali, ay siyang sa ganang sa makatang sinabi'y karan~galang nararapat ipagmalaki. Ang pagpipitagan tuwina sa talosaling na kalagayan n~g babae ay isang kapurihang banal n~g m~ga lalaki. At ang kadakilaan n~g isang lalaki ay dapat kilalanin sa matimping ugali at hindi sa nararahuyo sa tukso n~g kababaang asal. Ang babae, bagama't mataginting na tulad sa kristal, ay isang babasaging pagkarupokdupok na sapat sa lahat n~g kapariwaraan; samantalang ang lalaki'y bakal na mistulang kalarawan n~g tibay na sapat naman sa dilang kabayanihan. N~guni't para kay Tirso Silveira, hindi sapagka't bakal ito at kristal iyon ay kabayanihan na nitong huli ang pagdiriwang na lagi sa ibabaw n~g kahinaan, karupuka't pabiglabiglang tibok n~g puso n~g una. Ang babae ay isang bulaklak na may halimuyak na pinakahahan~gaan n~g kanyang pagkatao, hiyas n~g lahing may pitak n~g pagmamahal sa guwang n~g kanyang dibdib, dakilang bathalang may dambana sa kanyang lubos na paggalang. Paban~gong mahal na iniin~gatan sa gusi n~g kanyang dilang pagpapahalaga, ang babae ay ikalulunos n~g kanyang budhi kung magtila tubig na mabuhos sa lupa sa kagasuhan n~g lalaki. Ang babae ay bahagi n~g Katauhan, isang kailan~gang kapag nawala, ay wala na rin ang buhay.
Dito nasasalig ang paniniwala at m~ga kurokuro ni Tirso tungkol sa kadakilaan n~g babae. Siyang tuntuning sinasagisag niya sa ibabaw n~g mababang ugali n~g ibang lalaking gising sa kamaliang dulot n~g mundo.
Kaya, nang panahong si Teang ang tampulan n~g kanyang dilang pan~garap at boong pagirog, anomang mapamihag na kilos na sa kanya'y ni Elsa ay han~gin lamang na nagdaraan sa papawirin kanyang pagpapakundan~gan.
Datapwa't....
Kailan man ay hindi naging malamig ang apoy. Walang nagmalikot na maglaro nito na hindi napaso. At ang babae, sa ibabaw n~g lahat, ay apoy na may malagablab na nin~gas: laging nagaalimpuyo, nagn~gan~galit at nahahandang dumarang o tumupok sa sinomang sa kanya'y magpain n~g buhay....
At si Tirso, tao palibhasa, sa pakikilaguyo sa mestisang si Elsa, ay nadarang ang puso, nasalab ang kaluluwa at nagalimpuyo ang damdamin, hanggang sa mawalang parang usok sa gunita niya ang larawan at pan~galan n~g babaeng una niyang nakilala sa sintahan ... ¡Makailang ang Tukso n~g Kamunduha'y nagtirik n~g kanyang bandila sa ibabaw n~g maran~gal na Budhi!
Sa kabilang dako, kung ano ang tunay na katuturan n~g hindi pagsangayon ni Tirso sa mungkahing sila'y lumagay na sa panatag, ay siyang hindi nahulaan n~g matalinong si Elsa.
Mangyari'y tuwinang mapaguusapan ang bagay na iyan ay kaagad nang tatawagan n~g makata ang alaala n~g mestisa tungkol sa kinakailan~gang pagpapakahinahon n~g sinomang gaya nila na tumutuntong sa gayong baytang n~g kabuhayan. Sa mahabang lakbayin, ani Tirso, ay hindi nababagay ang pusok n~g loob at pagsusumugod n~g lakad; kinakailan~gan ang tiyaga, ang pagiin~gat at tulong n~g panahon. At ang pagaasawa ay iyang madawag at mahahabang lakbayin na di matatagpusan sa pahan~gos at walang tuos na pagtakbo. Saka, ang pagaasawa, anya pa, ay bun~ga n~g halamang may likas na pangakit: may bulo sa balat, masarap ang amoy, maganda ang hugis at biglaw pa'y may marikit nang kulay na sapat ipaglaway n~g sinomang pihikang makamamalas. Malinamnam at nakabubusog kung suko sa gulang, dapwa't mapait na walang kasingpait at lasong nakamamatay kapag bubot na kinitil sa tangkay. Tubig din namang sakdal lamig at kusang napaiinom ang pagaasawa, kapag ang binata at dalagang tutungga sa saro ay hindi gagamit n~g pagpapakalabis; n~guni't alak na nakalalasing, apdo't sukang nakaduduwal kapag namarusa sa sinomang kayamua't walang tuto sa paglagok....
Hindi natatalos ni Elsang sa napagdanasan n~g sarili hinahan~go ni Tirso ang ganyang hakahaka hinggil sa suliraning kanyang iminumungkahi. Di niya nalalamang nang matutuhan n~g makata ang ganyang turo ay nitong mapagaralan na lamang sa pagkakarahuyo sa isang babaeng nawala at sukat matapos na siya'y pahan~gahan~gain sa angking alindog. At malayong pagsalagimsiman ang makata n~g kahi't anong di mabuting hinala, kung pinananayn~gahan n~g mestisa ang nan~gabanggit na parirala n~g kanyang talisuyo, ay ipinalalagay pang siya'y nakaririnig n~g tinig n~g anghel na tumatawag sa kanya't nan~gan~garal n~g kabanalan.
Sa wakas, bagaman sugat na dinaramdam n~g mestisa ang nangyaring pagkapagsalita sa kanya n~g kanyang kapatid dahil kay Tirso, at kahima't naidadaing niyang malimit ang kinirotkirot n~g sugat na ito, huwag na hindi magbitiw n~g kahi't anong payo ang makatang hantun~gan n~g kanyang dilang paghan~ga, ay napipipi siya't nagsasawalang imik na lamang at sukat. Bagkus kinikilala pa niyang nasa matuwid at mabuti ang pagunita ni Tirsong masarap ang mamalaging mahabahaba pang panahon sa pagkadalaga. Ang dalaga ay bulaklak na masamyo at sariwa na laging katalamitam n~g layaw at kaligayahan. N~guni't kapag nagasawa, na, ibigin ma't hindi ay pinapanawan na n~g ban~go, kinukupasan n~g kulay at nalalanta sa tin~gin n~g balana. Nasain mang manatili sa pagkakatampok sa alaala at pagpapahalaga n~g Kapisanan, ang Kapisanan ay siya nang kusang lumilimot sa kanya't ang n~galan niya ay itinuturing na lamang na isang bituing untiunting nawawala sa masayang lan~git.
At si Elsa ay hindi pa kadaglidagling makatatalikod sa kasayahan. Sa gitna n~g kasayahan nakilala niya ang makatang nagpatibok n~g tunay na pagibig sa kanyang murang puso't nihag n~g kanyang tanang paghan~ga; nagaalaala siyang kung siya'y lumayo sa kasayahang iyan ay baka lumayo na rin naman ang kapalarang hinihintay niya sa pagtatan~gi n~g naturang makata.
Si Elsa n~ga ay mamamalagi pang dalaga, hiyas na maningning na gaya n~g dati'y palamuting ayok sa bawa't kilusan n~g kabinataan; sariwang bulaklak na naghahalimuyak n~g sanghaya sa halamanan n~g pagibig, na ang m~ga talulot ay mapan~gan~gayupapaan n~g bawa't paroparong uhaw sa luwalhati....
XXIV
ISANG SAKUNA
N~gunit habang nagpapatuloy ang di mahahabol na takbo n~g m~ga araw na sunodsunod na yumayao, ay untiunti namang gumigitaw sa isipan ni Elsa ang nino n~g alinlan~gang nababanghay sa m~ga tanong na itong iniuukol niya sa kanyang sarili:
--¿Ano kaya ang tunay na niloloob ni Tirso sa ganito kong katayuan? ¿Bakit kaya't hindi na siya nagbabalak na ako'y ilagay sa kapanatagan, kung aking inuuntag sa kanya ang bagay na ito'y nililibang pa ako sa kung anoanong matatamis na pan~gun~gusap at maririkit na halimbawa? ¿Habang panahon kaya'y ganito na lamang ang ibig niyang panatilihan ko? Kahapo't kamakalawa, ang hindi pa pagkatapos n~g kanyang pagaaral ay isa sa m~ga mahigpit na idinadahilan, n~guni't ngayong siya'y maluwalhati nang nakaraos ay ang pagsusulit naman sa _corte suprema_ ang iginigiit ... ¡Kung ako man lamang sana'y nahalataan na niya n~g pagkamasilawin sa _título!_ ¡Kung sa akin sana'y hindi pa sapat ang kanyang pagkamakata! ¿Iniimbot kaya niyang pagdayaan o linlan~gin ako?...
At, si Elsa ay may labis na katuwirang mabalisa sa bahagyang kilos ni Tirsong kinasisinagan n~g panglilinlang o pagbabagong loob. Kung nang m~ga araw na kay Teang nabubuhos ang pagibig n~g makata ay kinamalasan siya n~g m~ga kilos na di maaakalang magawa n~g karaniwang babaeng silang sa bayang ito, n~gayong ang pagibig na iya'y sa kanya na nagtatamo n~g tamis at kaluwalhatian, higit doon ay lalo nang sukat siyang makapagisip at makapagsagawa n~g m~ga bagay na natutun~god sa ikapapanuto n~g kanyang katiwasayan.
Ang m~ga, araw na lumipas ay naging mapapalad na saksi n~g pagkakalagak sa sinapupunan n~g mestisang iyan n~g isang tatak na di makakatkat kundi n~g kamatayan lamang. Sa matabang linang n~g kanyang pusong nabababad sa tubig n~g paggiliw, n~g paggiliw na dalisay at marubdob, may malusog na binhing napahasik sa lalang n~g kahilihiling pagsusuyuan nila n~g makata; isang binhing palibhasa'y laging nadidilig n~g hamog n~g mayamang pagmamahal, ay patuloy na umuunlad at balang araw ay tatanghaling isa nang ganap na halamang boong pamimisagak na umaan~gat sa lupang kinahasikan....
Ang halamang iyon, pagsapit n~g takdang araw, ibigin ma't hindi ni Elsa ay siyang magwawasiwas sa apat na panulukan n~g Katalagahan n~g balitang nagkaroon n~g ani ang pagiibigan nila ni Tirso, n~guni't siya rin namang lilikha n~g maitim na aninong ipanghihilakbot n~g babae sa harap n~g balana, kapag ang makatang nagkalaya sa loob n~g kanyang bakuran ay di natutong magpahalaga sa tinurang halaman.
Maraming balak ang nagdaan sa panimdim ni Elsa tungkol sa hinaharap n~g kanyang palad. Ang pagasang matututuhan din malao't madali ni Tirso ang pagliligtas sa kanya sa kahihiyaang kinauuman~gan dahil sa nararamdamang walang untol na pagunlad n~g halamang sinabi, kung sa bagay ay di pa naman nawawala sa kanya, n~guni't gayon ma'y nakararating ang kanyang dilidili hanggang doon sa nararapat niyang gawin kung sakali't maging iba kaysa inaasahan niya ang mangyari.
Natunghan niyang minsan sa isang pahayagan ang balitang sa m~ga botika ay napansin daw ang pagkamabili n~g gamot na ipinanunugpo sa pagdami n~g katauhan. At hindi napaglabanan ni Elsa ang pagtatanong sa alaala niya kung sinong parmaseutiko ang mapapamamanhikan niya n~g bagay na iyon, sakaling kailan~ganin. Naisip din namang idaing sa kapatid at hipag ang isang maselang karamdamang kunwa'y nararamdaman niyang tumutubo sa loob n~g katawan, at sa bisa n~g dahilang ito ay papasok siya sa isang pagamutan at pabubusbos sa sinomang bihasang manggagamot na babayaran n~g maraming salapi, upang sa gayo'y magapas sa puno ang halamang ipinan~gan~ganib niya sa malaki't di masayod na kahihiyaan.
Subali't sa harap n~g mababan~gis na panukalang ito ay nagsisipanghumindig ang m~ga balahibo ni Elsa. Anhin man niyang tayahi'y kasalanang humihin~gi n~g kabigatbigatang parusa ang pagsasagawa n~g tinurang panukala. At siya ay hindi pa naman nalalabuang gaano upang lumusong sa ban~gin n~g ganyang kabuktutang gawa.
Gayon man, ang pagkamapagpasumala niya't katutubong lakas n~g loob ay siyang nakayari n~g isang mabisang kaparaanang ikahuhuli niya sa nagiilap manding loob n~g makata.
* * * * *
Hapon noon n~g araw n~g mierkoles, ika-27 n~g Septiembre, araw na natatakdang idarating n~g mabunying sugo n~g bayan na galing sa lupain n~g mabituing watawat.
Hindi kaila kina Tirso't Elsa ang pagdating na yaong pinaggagayakan n~g marin~gal at karapatdapat na pagsalubong n~g boong bayang galak na galak sa tagumpay na tinamo sa pagkapatibay sa _Bill Jones_. At sila ay nagkaisang manood n~g gagawing m~ga pagdiriwang. N~guni't sa dahilang ang pagpasok pa lamang sa Corregidor n~g sasakyang kinalululanan n~g dakilang anak n~g bayang ipagbubunyi ay ibabalita na raw n~g sipul n~g yelo, at sapagka't ayon sa m~ga pahayagan ay malamang na sa dakong gabi na ang pagahon n~g hinihintay, ay napahinuhod si Tirso sa mungkahi ni Elsang pumasok muna sila sa sine "Ideal" samantalang maagaaga pa.
At nasa m~ga sandaling namamalikmata ang lalaki sa panonood n~g gumagalaw na anino, nang yariin sa sarili n~g dalaga ang kanyang gagawing pakana upang mabihis ang m~ga pagaalinglan~gan niya.
--Tirso,--ani Elsa sa pabulong na turing, kasabay ang pagkukubli n~g bibig sa likod n~g kanyang pamaypay,--¿hindi ba maganda ang pelikulang ito?
--Oo n~ga, Elsa,--ang magiliw na sambot n~g makata na humilig pa mandin n~g kaunti sa dakong kinalilikmuan n~g kanyang kaagapay,--at tan~gi sa maganda ay nakapagtuturo pa sa m~ga nanonood. M~ga ganyang palabas ang talagang nasasarapan ko.
--¿Iiwan pa ba natin ang pelikulang ito hangga't hindi natatapos?
--Kung ibig mo'y dito na natin antabayanan ang paghihip n~g sipul n~g yelo, at kung malapit nang aahon si Quezon ay saka na tayo lumabas.
--Mabuti n~ga yata. Bakit ay masama pa, ang lagay n~g panahon: ang ula'y tila papalakas pa.
At ang dalawa ay nagpako n~g nawiwiling m~ga mata sa iba't ibang pangyayaring nakapagpapakaba n~g loob na ipinakikita n~g palabas na iyon.
Hindi natataho ni Tirso ang lihim na kinikimkim sa diwa n~g kanyang magandang liyag. Di niya nahuhulaang nang ibig lamang noon ni Elsa ay gabihin sila sa loob n~g sineng iyon, upang sa paglabas ay magkaroon n~g mabuting panahon ang pagsasagawa n~g balak niyang taglay-taglay sa isip.
At samantalang pinakahihintay sa sarili ni Tirso ang nababalam na sipul n~g yelo, si Elsa nama'y nakararamdam n~g kasiyahan sapagka't tila pinapatnubayan n~g mabuting pagkakataon ang kanyang binabalak na gawin.
At ang kasiyahang iyan ay nalangkapan pa n~g di kakaunting lugod, nang marinig niya ang ganitong winika n~g makata:
--Elsa, ¿maaari bang turan mo sa akin kung saan pa ang ibig mong magtun~go tayo pagkatapos n~g ating panonood n~g m~ga paran~gal kay Quezon?
--¿At hindi pa ba tayo magpapauwi n~g bahay?--pahimbabaw na itinanong n~g mestisa.
--Kung ibig mong mauwi na kaagad, ako nama'y may ibang patutun~guhan ...--pan~giting pakli n~g lalaki.
--¿Saan?--maagamagam na tanong n~g dalaga.
--Susundan ko ang langkay n~g naggagandahang m~ga _centro escolarina_ na makikilahok sa m~ga pagdiriwang n~gayong hapon ...--ang pabirong sagot ni Tirso.
--¿At ano?
--At kapag ako ay may napiling isang maganda sa lahat, ay ... hindi na ako hihiwalay.
--Kung gayo'y makasusulong ka na n~gayon pa; at ... tataglayin mo ang aking maligayang bati.
--¿At ikaw?
--Maiiwan na ako rito.
--Baka mayroon kang katipanan....
--¡Mayroon n~ga!
--¿Sino?
--Hindi kailan~gang makilala mo.
Nagalaala si Tirsong baka "magpinid n~g tindahan" sa di oras ang kanyang irog. Kaya't ang sinabi sa malamyos na pamimigkas:
--Elsa, ¿hindi mo ba nahuhulaang sa m~ga taga "Centro Escolar" ay wala akong mapipiling isa mang maganda?
--Mangyari'y wala na roon si Teang....
--Namamali ka; mangyari ay ... wala nang iba pang babaeng may ganda't alindog na gaya n~g mestisang nasa piling ko....
--¡Sinun~galing!
--Siyang tunay, Elsa....
--Maano Tirsong magtahan ka niyang m~ga kaululan mo.
--Tin~gnan mo, tin~gnan mo ang babaeng iyang nasa pelikula: ¿maganda, ano?
--¡Iyan ang talagang maganda!
--_Pues_ maganda ka pang hindi hamak diyan, kapag ganyang tila ka nagtatampo sa akin....
--¡Pshe!
Siyang pagkarinig sa sipul n~g pagawaan n~g yelo: tatlong mahahabang huni ang sunodsunod na ipinaghumiyaw sa boong Kamaynilaan.
--Nasa Corregidor na,--ang parang wala sa loob na nasabi ni Tirso.
--Lumabas ka na't baka maiwan ka n~g m~ga _escolarina_ mo,--- paaglahing wika ni Elsa.
--¡Talagang mabuti kang manunukso, hane!--pan~giting salo n~g makata.
--Ako'y hindi nanunukso,--ang tanggi n~g mestisa,--ipinagugunita ko lamang sa iyo ang isa mong balak na kapay naurong ay sayang.
--¡Anhin ko ba kung maurong man! ¡Huwag lamang bang malayo ako sa piling n~g aking pinakatatan~ging mutya, eh...!
Sumunod sa salitang ito n~g lalaki ang isang kilusang kamuntik nang ipaghinala n~g kahi't ano n~g m~ga taong kalapit nila sa upuan. Salamat at ang katimpian ni Tirso'y siya ring nakapangyari.
--"Magtanim ka n~g magtanim, nang marami kang anihin" ...--pabantang saad n~g mestisa.
--¡Bah! Ang "halaman" ko ay nakatanim na ...--masiglang sunggab n~g makata.
--¡Buwisit! ¡Makikita mo, paglabas natin!--ang mahina pang salo ni Elsa na di nalalaman ni Tirsong kahi't biro ay may kalakip na katotohanan.
--¿Makita ko? ¿At ipakikita mo ba? Kung gayon ay tayna.
--¡Magtahan ka na n~ga! Hindi ko na tuloy maunawaan itong pinanonood natin....
Pagkasabi nito'y ipinahiwatig na ni Elsa ang unang bahagi n~g kanyang salamangka: pasadlak na isinandig ang katawan sa sandalan n~g kanyang likmuan, biglang tinutop n~g isang palad ang dibdib na tapat n~g puso, saka nagbuntonghinin~ga n~g malalim. At ang lahat n~g ito ay ginawa sa paraang sukat mapansin n~g kaagapay na makata. At napansin n~ga.
--¿Bakit, Elsa? ¿Napapaano ka? ¿May sakit ka ba?--ang gulilat na m~ga tanong n~g lalaki.
Hindi kumibo ang babae.
--Baka mabuti'y lumabas na tayo....
Ipinikit pa ni Elsa ang kanyang m~ga mata at hindi rin kumibo. Lalo nang nabakla ang loob n~g makata. Makasandali'y saka idinaing:
--Lumilibat ang aking _puntada_ ... Nagsisikip ang paghin~ga ko....
--Tayna n~ga kaya lumabas, Elsa,--maalapaap na amuki n~g lalaki.
--N~guni't walang anoman, Tirso: hindi ako maaano ...--pabalatkayong bawi n~g dalaga.--Maminsanminsan ay talagang sumusumpong sa akin ang ganitong sakit ... Ibig kong tapusin nating sandali ang pelikulang iyan bago tayo umalis.
--¿Sa palagay mo kaya'y maaari ka pang makapanood n~g pagahon ni Quezon?
--Oo....
--Baka makasama sa iyo.
--Hindi....
At natiwasay ang kalooban ni Tirso.
Datapwa, natapos ang pelikulang idinadahilang ibig na panoorin, ay hindi rin umaan~gat sa upo ang mestisa. Sa gayo'y parang nakaino ang makata.