Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

Part 10

Chapter 10 1,820 words Public domain Markdown

--¿Teang, ano ang nangyari sa iyo?--ang patakang tanong n~g manang, samantalang ipinan~gan~gamba sa sarili ang pagkabaliw n~g anak, ayon sa ginawang pagyakap sa lalaking itinuturing na asawa ni Elsa.--¿Bakit naparito ka? ¡Naku, bunso ko!...

Nagbalik na naman sa bisig n~g ina ang abang si Teang.

--¡Ina ko! ¡Patawarin ninyo ako!...

At ang m~ga labi'y nagpalitan n~g halik: halik n~g anak sa kamay n~g ina; at halik n~g ina sa noo n~g anak....

--¿Nagkasakit ka ba?

--Hindi po; nguni't ... ¡oh, ang m~ga taong pinaghabilinan ninyo sa akin! ¡Patawarin nawa sila ni Bathala sa di nila nalalamang kanilang ginagawa!...

--¿Sinong m~ga tao?--ang pabiglang sunggab ni Tirso.--¿At nilapastan~gan ka ba? ¡Teang ituro mo at gagawin ko ang nararapat!

--Salamat, Tirso ... Huminahon ka't napawi na ang sigwa....

--¿Lumabas ka bang kusa sa kolehio?--ang tanong na naman n~g inang manghangmangha sa nangyari sa anak.

--Opo, inang; at sa ginawi kong ito'y inuulit kong, ako'y inyong patawarin, yamang ito ang tan~ging naging kaligtasan n~g anak ninyo. ¡Ah, ayokongayoko nang mag mongha! ¡Siya n~ga, inang! ¡Mamatay na muna ako bago muling matira n~g isang saglit sa loob n~g _Beaterio_!... ¡Maano nawang mabunyag na sa lahat n~g m~ga kababayan natin ang alin~gasaw n~g kabulukang naluluom sa loob n~g m~ga pinid na pinto't dun~gawan n~g m~ga gusaling ito!--Saka ibinaling sa makata:--Tirso, n~gayon ko napagtalastas kung bakit inibig mong mapatiwalag ka sa bakuran n~g Papa ... ¡May labis kang katuwiran!...

Samantala, ang dinaranas na pagpupuyos n~g budhi ni Elsa, habang nagiging saksi siya n~g lahat at lahat, ay di mailalarawan n~g lalong bihasang panitik.

May puso n~ga siyang nasasabi'y di niya maalaman kung tumitibok pa nang sandaling iyon ... Ang m~ga mata niya'y naroroo't nakadilat n~ga, subali't hindi niya maturol kung may nakikita pa ... Nakikinig siya sa pook na yaon, n~guni't sa kanyang m~ga tayn~ga'y isang kawang kuliglig mandin ang nagpapanabay na tumutulig at nagpapalito sa kanyang isipan....

Datapwa, nang magsalita ang katabi niyang ale na si donya Basilia at ibulong sa kanya sa anyong tila naninisi ang "¿Anong gusot, Elsa, itong pinasok mo? ¿Napakasal ka n~ga ba sa lalaking iyan, o ako'y iyong pinaglalakuan?" ay napukaw ang kanyang kaluluwa't sa kaibuturan n~g dibdib niya'y nagban~gon ang larawan n~g kapalaran niyang inaamis ni Teang, pagkaamis na humihin~gi n~g kanyang pagtatanggol, n~g kanyang paghihiganti, n~g kanyang tanang magagawa....

Sa isang an~gat n~g ulo ay nanglilisik na naipako niya ang kanyang m~ga panin~gin sa mapagwaging anyo ni Teang sa piling ni Tirso; at wala siyang makitang anomang karapatang tinataglay n~g babaeng iyon upang umagaw n~g kaligayahan niya ... Si Teang ay isang babaeng kung kinasilawan man n~g paghan~ga ni Tirso ay nilimot na naman nito, at siya--si Elsa--ang sa wakas ay pinagsanglaan n~g lalong mahal na hiyas n~g puso at pinaghasikan n~g matimyas na punla n~g isang pagibig na wagas at dalisay. Ang punlang iyo'y inaalagaan ni Elsa na taglay ang taimtim at tunay na pagmamahal, sa pananalig na sarili niya at tan~ging siya lamang ang may kapangyarihang maghari sa pagibig n~g naturang makata ... saka n~gayon sa namamalas niya'y si Teang ang kayapos n~g m~ga bisig ni Tirso ... ¡Oh, hindi niya mababata!

--¡Tirso, sukat na ang pagbibigay!--ang malakas na wika sa nan~gan~gatal na tinig.--¡Gunitain mong naririni akong nagmamasid sa iyo!

Ang lahat n~g mata'y napabaling at sukat sa nagbitiw n~g m~ga katagang iyang kulog manding sumambulat sa pangdinig ni Teang. At ang panggigilalas ay lalo nang nagulol at lumaganap sa tanang naroon.

Ang tin~gin ni Elsa at titig ni Teang ay nagkasagupang tulad sa dalawang sandatang nagkapingkian sa laot n~g paglalamas; dapwa't laban sa katan~giang likas sa isa't isa, sa pagkakapingking iyo'y si Elsa ang napipilan wari't siyang nagbaba n~g tin~gin, pagkapalibhasa'y may nabasa siya mandin sa m~ga balintataw ni Teang na isang katotohanang kinasilawan niya: ang katotohanan n~g pagkapariwara n~g lahat niyang pagasa.

N~guni't kay Teang, ang gayong pagyuko ni Elsa ay nagpapanumbalik naman n~g dati niyang pakikipagpalagayan sa mestisang ito, kaya't parang hindi dinaanan n~g ulap ang maaliwalas na lan~git n~g kanilang pagkikilala'y malugod niyang tinawag ang pan~galan nito.

--¡Elsa!--anya, at kasabay ang lapit na idinugtong:--Naniniwala akong kaya ka naririto'y dahilan sa akin, ¿hindi ba?

--Isinama lamang ako ni tia ...--ang may lungkot na pakli n~g mestisa.

--¿Ang ninang ko pati ay naririto?--at noon di'y pinagala ang tin~gin sa dami n~g taong nakapalibid, at hinanap si donya Basilia.

--Naririto ...--bahagya nang naitugon ni Elsa.

--¡Ah, ninang!--ang boong tuwa't pananabik na ibinati pagkakita sa hinanap, at pagdaka'y tinakbong niyakap at hinagkan sa kamay,--¡Anong himala't naparito tayong lahat!

Walang kumibo sa m~ga kaharap. Lahat ay nasa panonood at pagtataka.

Sa katotohanan, ang m~ga kilos ni Teang nang umagang iyon ay naging kapunapuna't malayo sa dati niyang asal. Marahil ay gawa n~g lagnat na nadama n~g inang umaapoy sa kanyang katawan.

Hindi hinihintay ni manang Magda na ang kanyang anak na babaeng pinalaki sa mabuting turo ay mamasdan niyang yumupyop na gayon sa dibdib n~g isang lalaking sa pagkabatid niya'y asawa pa naman n~g iba, ni Elsa. Si donya Basilia man nama'y natitilihan din n~g gayon na lamang, sa dahilang hindi niya maubos liripin sa sarili kung ano't itong lalaking sinasabing asawa ni Elsa ay siya pa namang ipinagibang kilos n~g mabait na babaeng kanyang inaanak sa namamalas n~g mestisang iyong dapat sanang masakita't magubos n~g kaya sa paguusig. At si Elsa naman, sa kanyang sarili, ay lalo nang may malaking ipinagiba. Kaikailan man ay hindi siya nan~gimi sa harap ni Teang kundi nang m~ga sandaling yaon. Samantalang si Tirso, habang nagtatagal n~g pagmamalas sa kaibigibig na alindog n~g babaeng unang nagkapan~galan sa kanyang puso, ay lalo nang napapatdahan n~g dila't sa laki n~g galak na lumulunod sa kaluluwa'y hindi makabigkas n~g isa mang kataga.

Subali't si Teang ay patuloy sa pagpapahan~ga....

Si Elsa't si donya Basilia ay hinawakan sa kamay at iniagapay sa kinatatayuan n~g inang si manang Magda sa harap n~g makata. At ang sabi pagkatapos:

--Inang, ninang, kaibigang Elsa ... huwag kayong mamangha sa ipakikilala ko: ang lalaking pinaghabilinan ko n~g aking kapalara'y naririto: si Tirso Silveira.

--¡Teang!--ang halos panabay na nasambit n~g tatlo.

--Huwag kayong magalaala: kasal na po kami....

--¡Hindi manyayari!--ang bigla't patiling hadlang n~g mestisang mistulang pinagdaupan n~g lan~git at lupa sa sandaling iyon.

--Nangyari na, Elsa ...--malumanay na tugon ni Teang.

--¡Pangahas!--ang bulalas na wika n~g nasasakitang mestisa, at umanyong duduhapan~gin ang kanyang katun~go.

--¡Dios ko!--ang tili n~g manang.

--¡Elsa!--malakas na tawag naman ni donya Basilia.

Siyang pamamagitan ni Tirso.

--Elsa ...--anya sa mahinahong pamimigkas.--Nalalaman kong si Teang ay para mong tunay na kapatid at dati kayong matalik na magkaibigan. Nalalaman ko rin na ang kaligayahan at kapalaran n~g isa sa inyo ay di lamang hindi ipagdaramdam ni ikaiinis n~g isa pa, kundi bagkus ikalulugod n~g walang pasubali. At kung sakasakali mang may nagkukulang sa sinoman sa inyong dalawa, ang pagkukulang na iya'y ipinagpaparaya rin alangalang sa katalikan n~ga n~g inyong pagsasama. Elsa, ¿hindi mo ba ikinalulugod ang kaligayahan n~g kaibigan mong si Teang?...

--Tirso ...--boong lumbay na ipinakli n~g mestisa,--¿diyata ba't isa ka pa sa magpapainom n~g lason sa akin sa tulong n~g matatamis na bulaklak n~g dila? ... At parang di alumanang sa palibid nila'y hindi kakaunting tao ang nagmamasid at nakikimatyag; ay isinusog pa sa nan~gan~gatal na, tinig:--Tapatin mo ako, Tirso: ¿hindi na ba ikaw ang Tirsong sinanglaan ko n~g lalong mahalagang hiyas n~g aking puri at nagdulot sa puso ko n~g pagasang balang araw ay sasayurin ko ang walang hanggang ... kaluwalhatian?

--¡Tirso ko!--ang sabat ni Teang na waring ... nagpaalaala n~g isang mahalagang tungkulin.

--Pumayapa ka, Teang,--ang salo n~g makata, bago pumihit na muli sa mestisa.--Elsa, ang m~ga nalilihis na hakbang ay di nararapat ipagpatuloy. Kung tunay na ako'y pinahahalagahan mo, ay inasahan kong iyong paiirugan ang isa kong samo: magpatawaran na tayo....

--¿Magpatawaran? ¿Ibig mo bang sabihi'y ipalupig ko sa babaeng, iyan ang aking dilang pagasa?...

--Hindi, Elsa; subali't ... ipinagtatapat kong taglay ni Teang ang boong karapatan sa narinig mong kanyang sinabi.

--¿At nahihibang ka ba?...

--Nahihibang ay hindi; datapwa't ... kinikilala kong ang isa't isa sa atin, Elsa, ay may kanikanyang pagkakasalang marapat patawarin n~g pinagkasalanan.

--¡Pagkakasala! ... ¿Anong pagkakasala ang ibubuhat mong aking nagawa pagkatapos na tupdin ko ang tanang itinitibok n~g aking puso sa pagkakilala sa iyo?--At sa pagsasalita n~g ganito'y; naramdaman n~g mestisang untiunting nagdidilim ang kanyang m~ga panin~gi't bahabahagyang nanglalabo ang kanyang pangwatas.

--Elsa, sa dakong iyan n~ga may bagay na dapat tayong kilalanin: na ang pakikipagtalik sa babae, kung minsan, ay nagiging paglalaro n~g apoy at sa ating pagkikilala ay sinasabi ko sa iyong ako ... ay nadarang, nasalab, napaso. Dahil dito'y patawarin mo n~ga ako, at sa lahat at lahat ay pinatatawad naman kita....

Ganap nang naglaho ang tanang namamalas n~g m~ga balintataw ni Elsa. At sa isang pikit-mata'y pabiglang nagbulalas n~g matunog na sigaw.

--¡Apoy! ...--saka nilabnot ang buhok at taas ang dalawang bisig na humarap sa madla,--¡Apoy na nakapapaso ang babae! ¡Ang babae'y nakadadarang, nakatutupok! ... ¡Ha-ha-ha-ha! ... ¡Tabi kayo't naito ang apoy! ¡Ang apoy! ... ¡Ha-ha-ha-ha-ha!...

At ang kahabaghabag na mestisa, ay naging baliw sa isang saglit....

Walang paalam, pasugod, tumatakbo at han~gos, sumisigaw at kumukumpas, humahalakhak at walang nakikilala, walang naririnig ... ang abang si Elsa ay nagmistulang bagong Sisa sa dahas n~g dagok n~g kasaliwaang palad na kanyang kinamtan....

Matulingmatuling naba at lumayas sa pagamutang iyon na animo'y salaring tumakas sa bilangguan, n~g sa likura'y nilisang ayaw mang pansinin ang di magkamayaw na tawag nina donya Basilia, manang Magda at n~g iba pang may paglin~gap sa kanya....

¡Kahambalhambal na naging wakas n~g sawingpalad na mestisang kung nakagawa man n~g malulubhang kamalian, ay walang iba kundi yaong ibinubuyo at iniuupat n~g isang pagibig na walang kapantay sa kasidhian!...

WAKAS

Maynila, K.P., Pebrero 7, 1920.

TALABABA:

[A] Ang _fox trot_ na ito ay nilapatan n~g tugtugin n~g kilalang gurong si G. León Ignacio, at sa ilalim n~g pamagat na ANG MESTISA ay maaaring matagpuan sa m~ga aklatan at tindahan n~g tugtugín. Bagay na bagay sa m~ga sayawan.

[Patalastas: A. Nolasco Hatter]

[Patalastas: Plaza Goiti, National Optical & Jewelry]