Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)
Part 5
Sa katatanong n~g ganito sa kanyang sarili, ay nagunita ni Tirso ang mestisang si Elsa, ang pamangking buo ni donya Basilia. Tunay na si Elsa at si Teang ay untiunting pinapaglayo n~g m~ga hiwaga n~g puso, n~guni't sa dahilang ale n~g una ang may-ari n~g bahay na sinasabing pinangyarihan n~g "himalang" ibinalita ni Martinez ay dili ang hindi kahihiwatigan ang tinukoy na mestisa n~g anomang tandang sukat mapagkakilanlan kung tunay o hindi ang sinasabing "himala". Bakit ay nagunita pa ni Tirso na kaya raw siya inanyayahan ni Elsang sumama sa Pandakan n~g gabing kalilipas, ay sa dahilang may ibig ibalita sa kanyang ilang ulat na may kinaalaman kay Teang at sa kanya. ¿Isa lamang kayang biro n~g mestisa ang gayong pahayag?
Naalaala ni Tirso ang sulat na tinanggap na galing kay Elsa. Madali niyang dinukot sa isang kahon n~g kanyang sulatan na pinagtaguan niya upang iyo'y huwag nang makilala ni Martinez, at pagdaka'y binuksan.
¡Ah, anong kalatas na pagkahabahaba ang kanyang nabasa! ¡Anong pagkalungkotlungkot na m~ga katagang animo'y sigaw na napaaawa n~g isang inabot n~g sigwa sa laot n~g dagat!
Sinasabi n~g kalatas na yaong ang sigwa ay kay Tirso nagbuhat, ¿nababagay n~ga kayang ang makatang ito ang sumaklolo't sumagip kay Elsa?
Sa laran~gan n~g pagibig, kung may nakikilalang hiwaga ang puso n~g tao, ang hiwagang umaakibat sa kapalaran n~g makatang si Tirso ay isa nang hindi karaniwan halos masasabing walang kapan~galawa sa tanang nangyayari, at kung sakali't mayroon ay bihirangbihira.
Sa isang dako'y ipinagtatalo n~g kanyang loob ang hindi pagkatupad n~g kapan~gakuang iniwan sa kanya n~g babaeng pinagsanglaan n~g walang tubos n~g kanyang kaisa-isang pusong namana sa magulang, saka ang m~ga balitang tungkol sa babaeng iya'y inihatid sa kanya n~g isang binatang itinuturing na kaibigan; samantalang sa kabila nama'y hayan ang kalatag n~g mestisang sa mula't mula pa n~g kanilang pagkikilala'y wala nang ipinatamasa sa kanya liban sa di karaniwang pagtatan~gi't tuwina'y pagkahalina sa anomang kanyang ginagawa, sa lahat niyang m~ga tula ... Samantalang ang m~ga pangyayari at ang m~ga natatanggap na balita'y nagtataboy sa kanya upang pagbuntuhan niya n~g n~gitn~git at ikahiya sa kabatiran n~g iba si Teang, si Elsa naman ay patuloy na nagpapasinaya sa kanya n~g, mataas na pagtin~ging sukat lamang hintin sa isang tunay na kasuyo, sa isang tapat na kasing nananagisag n~g kawagasan. Sa m~ga sandaling yao'y hindi niya maturol kung sa kaninong anak n~g Dios nahahabilin ang palad ni Teang, at sa m~ga sandali ring yaon ay nasa harap naman niya ang liham ni Elsang naglalahad n~g walang pagtutumpik sa tanang pithaya n~g pusong nauuhaw sa pagirog ... At ang sulat na iyong kinakaharap niya, higit sa isang pagpapahayag n~g mataas na pagtin~gin, ay isang tunay na paghin~gi't paghihintay n~g kanyang magagawa, n~g sukat niyang ilin~gap sa isang minamahal at itinatan~gi sa buhay ... ¿Paano ang marapat niyang gawin sa pagpapabaya ni Teang? ¿At paano ang gagawin naman niya sa gayong pagbubukas n~g dibdib n~g mestisang nabihag n~g kanyang pagkamakata? ¿Saang panig siya dadako? ¿Doon? ¿Dito?...
Sa wakas ay minarapat ni Tirsong ibilang pa n~g ilang araw, n~g ilang panahon, ang paghihintay n~g sulat n~g babaeng pinagtiwalaan niya n~g puri't karan~galan, samantalang ang sukat itugon sa sulat n~g mestisa ay siya namang pinagliming masusi n~g kanyang bait at siyang nihanap n~g hatol sa kahinahunan n~g kanyang pagkukuro.
N~guni, lahat n~g kanyang naisip tungkol sa isasagot kay Elsa, ay di niya inibig na sulatin sa ayos n~g isang kalatas na ipadadala sa tinukoy na mestisa. Ang sulat ay isang katibayang kanawanawang maipapalad sa harap n~g ibang tao. At ang kaselanan n~g kanyang tayo dahil sa sinumpaang pakikiisang dibdib sa harap n~g hukuman sa Sampiro, ay nagaatas sa kanya upang magpakain~gat sa ikapagkakaroon n~g masasangguning katibayan n~g pakikitalamitam niya sa sinomang babaeng naiiba kay Teang.
--Mabuti'y makipagkita ako sa kanya, at sa harapang paguusap nami'y saka ko siya tutugunin n~g nararapat,--ang tapos ni Tirso sa kanyang magulong pagninilay.
Makailang saglit ay may tumawag kay Tirso, at ipinagbigay alam na sa telepono n~g botikang nasa silong n~g gusaling kanyang tinitirha'y mayroong naghinintay na ibig makipagusap sa kanya.
Nagdudumali siyang nanaog.
At pagkahawak sa telepono'y tinig n~g babae ang kanyang narinig.
--¿...?
--Si Silveira n~ga po itong kausap ninyo. ¿Sino po ba naman sila?
--....
--¡Ah, ikaw pala, Elsa!
--¿...?
--Oo, natanggap ko.
--¿...?
--¿Kung kailan mo tatanggapin ang sagot? Ang ibig ko sana ay sagutin kita n~g harapan sa isang pagniniig ... ¿Paiirugan mo ba ako?
--....
--Kung kailan ka may panahon ay tumipan ka't ating pagusapan ang bagay na iyan.
--¡...!
--¿Pariyan ako sa m~ga araw na ito? Iyan ang hindi mabuti. Maipalalagay niyang tayo ay naninikis....
--¡...!
--Huwag ka sanang mabiglain. Ang galit n~g kapatid ay pagmamahal. Kung hindi ka minamahal, ay di ka kagagalitan....
--¿...?
--Isang araw ay masok tayo kahi't sa aling sine at doon natin pagusapan.
--¿...?
--Ikaw ang bahala: pasama ka kahi't kay Dioni, kung nan~gan~gamba ka nang makipagniig sa akin n~g sarilihan. Nalalaman ko namang paibaibang talaga ang lagay n~g panahon....
--¿...?
--Wala akong ibig sabihin kundi ang pagpapaubaya sa iyo n~g boong kapasiyahan. Marapatin mong magsarili kita, salamat: magsama ka naman n~g kahi't sinong mabutihin mo, salamat din ... Ako ay walang hindi kinadoroonan.
--....
-Kung gayo'y hihintayin ko ang araw at pook na iyong itatakda.
--....
--Salamat, Elsa.
--¡...!
--¡Adios! Taglayin mo ang aking alaala....
Bahagyang naibsan n~g pabigat ang kaluluwa ni Tirso sa pagkapagusap nilang iyon n~g mestisang sumulat sa kanya.
Gayon ma'y nakalipas ang singkad na maghapong hindi niya halos namamalayan, n~g siya ay nanghihinamad mandi't walang alis sa pagkakatun~go sa ibabaw n~g kanyang sulatan.
XXI
PAGSISISI AT PAGBABAGONG LOOB
Dalawang linggong mahigit ang nadaan. Bagama't gayon na lamang ang pusok n~g loob ni Elsa nang kanyang sulatin ang liham na ipinadala kay Tirso, ay nakalipas din ang gayong dami n~g m~ga araw n~g ang tipanan nilang paguusap na sarilihan sa bagay na iyon ay hindi pa nabibigyang katuparan. Paano'y sa siyang pinaiiyahan n~g lalaki, ay parating nagkakaroon n~g salabid tuwing ipagbabalak n~g araw at pook ang ikabubunsod n~g gayong salitaan.
Sa loob n~g panahong iyan na hindi rin idinarating n~g sulat ni Teang, kay Tirso naman ay lalong nagtitibay ang paniniwalang napalun~gi n~ga ang kanyang palad sa babaeng kung bakit ba't napaghabilinan niya n~g kanyang boong pagtitiwala.
Ang pagpapahalaga sa m~ga balitang tinanggap niya kay Martinez ay untiunti n~guni't patuloy na naguugat sa guwang n~g kanyang puso, at nakatutulong n~g malaki upang ang pan~galan ni Teang ay maging buntuhan n~g kanyang kasuklama't lalong masasaklap na hinala. Pati n~g unang balak na paghanap o pakikibalita sa kinaroroonan n~g babaeng iyon ay bahabahagya nang iniwawaksi sa kanyang isip, yamang kung gayon anyang kay Teang nanggaling ang paghamak sa kanilang sumpaan, magusig man siya'y ibayong hirap na lamang n~g loob ang kanyang mapapala. Si Tirso ay kasal sa babaeng iyon, oo, nalalaman niya; n~guni't ¿bakit pa niya hahan~garin ang mapapisan sa isang talipandas na walang tunay na pagibig sa kanya? Saka, ang kanilang pagkakasal ay lihim na lihim at walang sinomang nakamamalay liban sa hukom na sa kanila'y nakialam. Ang pagmamakain~gay tungkol sa paguusig ay magiging isang tunay na pagkakalat na lamang n~g kanyang sariling kahihiyaan. "Patawarin ang nagkakasala at ipagparaya ang nagkukulang" ang aral na itinuturo n~g Kapisanang kanyang kinaaaniban; at malalabag na lamang sa itinuturo n~g aral na iyan ang paguusig sa babaeng kusang tumaliwakas sa kadakilaan n~g sumpa, ang yumurak at gumutay sa kahalagahan n~g pan~gako. Manan~ga'y tumahimik na n~ga siya't kanyang pagaralang pawiin sa alaala ang pan~gala't larawan n~g babaeng bumitay n~g kanyang magandang pagasa.
Samantala, sa isa sa m~ga bulsa niya ay laging hindi nahihiwalay ang sulat ni Elsa na kinalilimbagan n~g isang pagibig na walang kapantay sa karubduban. Ang pagibig na iyong sa kanya iniuukol ay hindi nakakikilala n~g pagmamaliw. Ulani't arawin man sa laot n~g kanyang pagkawalang loob, na sa nagdaang m~ga araw ay siya niyang ipinahalata sa naturang mestisa, ay patuloy ring; taglay ang dakilang uri, ang kawagasan, na sa wari niya'y sukat ang kanyang naisin upang pagtamasahan niya n~g dilang lugod, n~g madlang biyaya at tanang luwalhati, na sa buhay na ito'y siya na lamang mahihintay n~g kinapal na paris niya.
Sa harap n~g sulat na iyong hindi gumagamit n~g anomang bahid n~g pagpapakunwari, ¿ano pa ang magiging katuturan n~g pagpapakabalisa ni Tirso sa isang babaeng gaya ni Teang kung hindi kabaliwan? Magpakabaliw kung kinababaliwan ay hindi masama at lilikha pa kaipala n~g paghan~ga sa sinapupunan n~g Kapisanan. Datapwa't magpakabaliw sa babaeng humahalakhak at umooroy sa kanyang kasawian ay iyan na ang sukdulan n~g kahalayan na hindi sukat makita sa isang paris ni Tirsong paano't paano man ay may pan~galan na ring nakikilala sa maraming lipunan.
Kaya, masakit mang walang kasingsakit, ay kailan~gan na ni Tirso ang makiayon sa tadhana n~g kanyang palad. Ang tadhana ay waring nagaanyaya sa kanya sa isang dako upang sayurin niya ang kadalisayan n~g pagibig ni Elsa, hindi siya dapat magmalaking huwag magpakundan~gan sa anyayang iyan.
At, habang dumarami ang m~ga araw na hindi idinarating n~g sulat na pan~gako ni Teang, ay patuloy namang pumapanaw kay Tirso na parang kimpal n~g ulap na nawawala sa katingkaran n~g sikat n~g araw, ang pan~gala't alaala n~g babaeng binanggit, katiyap n~g untiunting paguusbong sa pitak n~g kanyang puso, tulad sa halamang busog sa alaga, n~g pagkahalina sa m~ga pakibang loob n~g malulugding mestisa.
* * * * *
Minsan, isang gabi, ay minarapat ni Tirso ang gumawi sa may pook nina Elsa, n~guni't hindi ang tangka'y manhik n~g bahay kundi mula sa palibidlibid n~g looban niyon ay pakimatyagan ang kalagayan n~g dalagang untiunting nagpupunla n~g balisa sa kanyang gunamgunam. At gayong pakikimatyag na n~ga lamang ang kanyang minabuting gawin, sapagka't sa bahay na yaon ay ayaw muna niyang lumantad magmula nang may mahalata siyang sukal n~g loob sa kapatid n~g nasabing mestisa.
Si Tirso ay sa may gawing baybayin n~g dagat nagdaang paahon sa bulaos na patu~ngo kina Elsa. Pinili ang lalong madidilim na palumpong, naglagos sa m~ga palikolikong landas, at pagkalapit sa may tinatalikuran n~g silid n~g mestisa, ay naghagis n~g tin~gin sa dakong itaas at tinangkang makilala sa siwang n~g sarisaring halamang gumugubat sa looban kung sinosino ang m~ga lalaking narinig niyang nagkakatuwa. N~guni't wala siyang nakilala isa man. Ang tinig ni Elsa ay naulinigan din niya, subali't kung ano ang sinasabi'y hindi niya mawatasan.
Makasandali ay kanyang narinig ang piano, pasimula n~g isang _one-step_ ang tinutugtog, tugtog na noon din ay sinundan n~g mahihinang sagitsitan n~g m~ga paang nagsasalimbayan sa ibabaw n~g tabla.
--¡May sayawan!
Datapwa't ang namalas ni Tirso ay pawang m~ga lalaki rin ang nagsisiindak na magkakayapos sa gitna n~g bulwagan, at anino man ni Elsa ay di niya matanaw.
Inakala niyang si Elsa ang nunugtog n~g piano. N~guni't ¡ano bang tugtog! _one-step_ n~ga ang narinig niyang pinasimulan, na siyang sinundan n~g pagsasayawan n~g m~ga lalaking panauhin ni Elsa, dapwa't hindi pa halos nakabubuo n~g tigisang inog ang bawa't magkapareha, ay _marcha funebre_ na ni Chopin ang pagdaka'y kanyang naulinigan.
Ang sayawan ay biglang natigil. At ang humalili'y ang matunog na halakhakan n~g m~ga lalaki.
--¡Napilya na naman tayo ni Elsa!--ang malakas na wika n~g isang nanun~gaw pa sa bintana pagkabalatong n~g pagsasayaw.--Sapul pa kanina'y pawang sa ganyang tugtog sa patay tinatapos ang alinmang _tandang_ ating sayawan.
At malinaw nang nawatasan ni Tirso ang tinig n~g maganda niyang paraluman.
--Kayo ay hindi ko pinipilya,--ang sabi.--Itinanong ko kung ano ang ibig ninyong aking tugtugin, at aninyo'y ako ang bahala kung alin at kung paano ang tumutugon sa loob ko.
--¿At sa lagay ay siyang tumutugon sa loob mo ang _marcha_ ni Chopin?--itinanong pa n~g isa.
--Mangyari,--ang sambot n~g mestisa,--ay sa dinatnan ninyong patay sa akin ang dating kaligayahan n~g puso; at bagaman namamalas ninyong ako'y nakatawa rin, ang kaluluwa ko ay putos n~g luksa't may nilulunok na apdo n~g kadalamhatian.
Ang dating tawana'y nasaksihan ni Tirso na napaltan n~g sandaling pananahimik.
Kung ang m~ga lalaking iyon ay walang napunang panglalamlam n~g dating masayang mukha ni Elsa kapagkarakang ito'y makiharap sa kanila nang gabing iyon, disin ay may nagdamdam na sa ganyang m~ga kataga na walang kagatolgatol na kanilang narinig. N~guni, ang totoo, si Elsa n~ga ay madali nilang napanibaguhang malungkot noon at siya rin namang kaagad ibinulong n~g hipag na si Dioni at ipinagbilin pang huwag pagpapansinin pagka't walang anoman. Kaya, ang isinagot na lamang n~g isa sa kanila'y:
--Kung ganyang ikaw ay may dinaramdam na kalungkutan, ay ibig naming makiramay sa iyo, Elsa.
--Inaakala kong iya'y hindi ninyo magagawa, sapagka't ang m~ga damdaming ito ay para lamang sa aking sarili....
--Sarili mo ma'y makapakikiramay rin kami, kung huwag na kaming magtagal na gaano sa pagkakatuwang ito rito.
--N~guni't hindi ko sinasabi, m~ga kaibigan, na ikinaiinip ko itong ating matiwalang paghaharap.
--Gayon ma'y kami ang nagaakalang marapat igalang ang m~ga sandaling ipinakikilaban mo sa iyong m~ga kalumbayan.
--Kung ayaw na kayong magsayaw ay magusapusap na lamang tayo.
--¿Ano pa ang paguusapan natin ay sa hindi mo naman ipagtatapat sa amin kaipala ang sanhi n~g iyong m~ga lungkot?
--Hindi kayo mawawalan n~g anomang sukat maikuwento sa akin....
At ang m~ga panauhi'y namalas ni Tirsong may m~ga hawak nang sombrero at anyong nagaabot n~g kamay sa mestisa.
--Hintay muna pala sandali,--ang pigil n~g dalaga,--paunlakan muna, ninyo ang munting bagay na pinagaabalahan n~g aking mabait na hipag.
--¡At may pinagaabalahan pa pala si aling Dioni! Sa wakas ay napahinuhod din ang m~ga panauhin.
N~guni't saglit n~ga lamang, at matapos pairugan ang ilang pamatid-uhaw na magiliw na ipinaganyaya ni Dioni, ay nan~gagpaalam na rin.
Si Tirso, na nakasaksi sa tanang nanyari, nang umalis sa pook na iyon ay taglay sa dilidili't siyang pinaglilimi ang m~ga katagang narinig niyang binigkas ni Elsa,
¿Tunay n~ga kayang patuloy kay Elsa ang m~ga pagdadalamhating nasasabi sa kanyang sulat?
¿Si Elsa kaya, hanggang sa m~ga araw na iyong hindi pa nagkakaroon n~g katuparan ang salitaan nilang pagtatagpo sa panonood n~g sine upang doon pagpasyahan ang suliraning ipinaghihintay n~g magiging loobloob n~g makata, ay hindi pa dinadalaw n~g dating katiwasayan n~g kaluluwa?
Naramdaman ni Tirsong ikinaiinip niya ang hindi pagkakatuloy n~g kanilang tipanan n~g mestisa. At sa pagkainip ay iniisip niya kung saan sila lalong maluwag na magkakausap ni Elsa, kung gayong tila may kahirapan ang pagkikita nila sa sine.
Kanyang binalak ang sa isang paliligo sa dagat, yamang arawaraw ring lamang halos ay lumulusong ang dalaga; at binalak din naman ang sa alinman sa m~ga bahay n~g ibang kakilala sa Pasay na rin, sa may di gaanong kalayuan sa pook na iyon, upang huwag maging halatain sa kapatid na pinakikitimban~gan ang gagawing paguusap na lihim. Datapwa't ¿paanong ang gayo'y maisasangguni niya kay Elsa ay sa matagaltagal nang ito'y hindi man lamang lumiliham ni tumatawag sa kanya? Kung may telepono man lamang sana sa bahay nina Elsa, disi'y nan~gahas nang magpaunang tumawag si Tirso. Subali't sa kasamaang sukat ay wala n~ga, ¿paano ang kanyang gagawin?
Samantala'y nalalapit na untiunti ang m~ga araw na ipagdiriwang kay Momo. Nagunita n~g makata na ang siyudad nito na tinitigib n~g m~ga halakhakang ginaganap sa likod n~g m~ga n~giwi n~g sarisaring balatkayo, ay siyang malimit pagsinayaan n~g m~ga pusong uhaw sa ligaya, siyang kadalasang pinagtitiyapan n~g m~ga kaluluwang malaon nang naghihintay n~g isang dakilang pagkakataon, ¿hindi pa kaya sila makapakibahagi sa m~ga biyayang iyang idinudulot n~g karnabal sa m~ga nasa kapanahunang paris niya't ni Elsa?
Sunodsunod na nagdaan sa papawirin n~g alaala n~g makata ang m~ga pangyayaring kanyang napanood sa loob n~g bakod n~g m~ga karnabal na idinaos sa ilang taong tinalikdan. Yaong isang Pierrot at isang Columbinang nahigin~gan niyang nagkaisang magtanan sa m~ga kasama't maliksing nakay sa isang autong aywan niya kung saan nagtun~go; yaong isang dimonyong pula at isang dimonyong itim na nakipagindakan muna sa kapal n~g tao sa "Auditorium", saka pagkatapos ay magkakawit ang m~ga bisig na nagkubli sa dilim, nanunton sa m~ga pook na lin~gid at makasandali'y matagal na nawala sa kung saang bahagi n~g maluwang na siyudad na iyon; yaong isang Aida at isang Radames na nagpakalan~go muna sa malaking _bar_ n~g "San Miguel Brewery" sa loob n~g siyudad at kapagkuwa'y naghudyatang tila may paroroonang mahalagang bagay, bago'y pagkatalin~gid sa m~ga taong sukat makapuna sa kanila'y boong bilis na inihatid n~g isang auto sa isa sa m~ga ligpit na _hotel_ sa San Sebastian, samantalang ang kanilang m~ga kasama'y nakikipagbiruang walang hulaw sa loob n~g mailaw na siyudad ... ang lahat n~g iyon ay m~ga alalahaning kumakayag sa budhi ni Tirso upang siya ay magmunukala n~g isang kaparaanang sukat bagang ... ikaganap n~g kanilang nabibiting tipanan ni Elsa.
--Bahala na sa karnabal, kapag hindi pa natupad sa m~ga araw na ito,--ang nawika sa sarili ni Tirso, matapos sayurin n~g kanyang guniguni ang nan~gabanggit na pangyayaring napanood niya sa siyudad ni Momo.
At parang babala n~g mabuting kapalaran, isang umagang siya'y magawi sa Escolta ay nakatagpo niya ang mestisa na kasama ni Dioni at n~g isa pang babaeng marahil ay kamaganak, kaibigan o kaya'y kanyang kapit-bahay.
Sa pagkikita nilang dalawa noon, ay masasabing mabuti na rin ang nangyari, sapagka't bagaman sasandali at panakaw pa ang pagkakausap nilang lihim at sarilihan ay napagtalastas ni Tirso kay Elsa; na ang bagay na ipinagtipan nilang manonood n~g sine ay sa karnabal na paguusapan; na yao'y maluwag nang mabubunsod kaipala, yamang ang kapatid na lalaking pinan~gin~gilagan n~g dalaga ay nagtun~go sa Nueba Esiha at malamang na hindi mabalik kundi kung makaraan na ang nabanggit na karnabal; na ang binibili nina Elsa nang umagang iyon ay m~ga kayong gagawing balatkayo, at ang may kagustuhan niyon, bilang pinakapangaliw sa m~ga pan~gun~gulungkot na palagi ni Elsa, ay dili iba't ang kanyang hipag na si Dioni.
--Kung ano ang sidhi n~g loob mo, Elsa, sa iyong sulat ay siya namang sidhi n~g loob kong magkaniig tayo, paris n~g ating pinagusapang minsan: datapwa't hangga n~gayon ay nasa paghihintay na lamang ako ...--- ang may himig n~g panunumbat na nasabi n~g makata sa pagkapagusap nilang iyon.
--Panahon lamang, Tirso, ang wala sa atin ...--ang nagpapasigla n~g pagasang isinagot noon n~g mestisa.
--Gawan mo sana n~g paraan na maibalita agad sa akin ang itatakda mong araw, hane,--ang pasamong bilin pa ni Tirso.
--Hamo't kung hindi kita mapadalhan n~g kahi't isang _postal_ ay tatawagan kita sa telepono,--matibay namang pan~gako ni Elsa.
--¿Hanggang kailan ang ipaghihintay ko?
--Hanggang sa bago dumating ang m~ga araw n~g karnabal.
--Maghihintay ako, kung gayon.
--Asahan mong gagawin ko ang lahat n~g maaaring gawin.
--Salamat, Elsa.
--Wala kang sukat ipagpasasalamat, Tirso. Ako ang nararapat magpasalamat sa iyo, sapagka't sa di kawasa'y ... nakilala na rin n~ga yata n~g iyong puso na may isang sawing babae ritong....
--Akin ang kasawian, Elsa, at sinomang babaeng nakikilala ko ay sadyang tinatangkilik n~g magandang kapalaran.
--Aywan n~ga ba kung ako ang bukod na natatan~gi sa m~ga mapapalad na iyan....
At minsan pang namalas ni Tirso noon ang talagang pagmumukhang nahahapis n~g diwatang yaong kapatid n~g kasayahan.
Ang mestisa't ang makata ay nagkatalikod noong taglay-taglay sa ubod n~g puso nitong huli ang m~ga bagong tibukin....
Ang dating pagpapalagay sa mestisang iyon na may tamis n~g pagtatan~ging kapatid, nitong magpakasira si Teang sa kapan~gakuang iniwan kay Tirso, tan~gi sa katamisa'y nalahukan pa n~g init n~g paglulunggating ibinubuyo n~g isang pagmamahal na mahigit sa nagagawa n~g pagkakapatiran. Anopa't sapul nang gumitaw sa kanyang dibdib ang kutob na pinagmamaliwan na't nililimot siya n~g babaeng nan~gako n~g pagtatapat, ang nakakikiliting kilos at anyo ni Elsa nang gabing mapanhikan niyang aawitawit na nagiisa sa loob n~g bahay, at ang matiwalang pagsama sa kanya noon hanggang sa bangka, saka ang nilalaman n~g mahabang liham na ipinadala sa kanya, ay hindi lamang m~ga pangyayaring laging sariwa sa alaala ni Tirso kundi nagdudulot din naman sa kanyang puso n~g bagong damdaming sinisibulan n~g bago ring pagasa ... Ang buhay n~g tao ay nasasalalay sa gulong n~g Kapalarang walang humpay na umiinog. Kung sa ganang kay Tirso'y napailalim siya sa pagkabighani niya kay Teang, nitong nalulurok na n~g boong pagpapahalaga n~g kanyang kaluluwaang bawa't bugtong o talinghagang iniuukol sa kanya n~g magandang mestisa ay parang ibinubulong n~g kanyang sarili na nalalapit na naman ang kanyang pamamaibabaw at ikatatampok sa karurukan n~g tagumpay.
At buhat noo'y hinintay na niya arawaraw ang pagdating n~g tagadalang-sulat na magaabot sa kanya n~g pan~gako ni Elsa, o kaya'y ang pagtawag nito sa teleponong nasa silong n~g gusaling kanyang tinatahanan....
Ang makata ay nabigo na sa paghihintay n~g sulat ni Teang, ¿sa paghihintay n~g _postal_ o sa pagtelepono naman ni Elsa ay mabibigo pa rin kaya siya?...
XXII
MGA NAGAGAWA NG BALATKAYO
¡Karnabal!
Lubhang makapangyarihan kung magutos ang dios n~g m~ga halakhak at pagbibiro, ang hari n~g balatkayuang lunas sa m~ga dalamhati n~g kaluluwa at puso....
Babago pang napaguusapan ang m~ga araw n~g kanyang pagdiriwang, sa iba't ibang panig n~g Maynila ang m~ga tao'y abalangabala na sa sarisaring paghahanda. Ang m~ga masalapi ay nagsisipagpagawa sa kanikanilang mananahi n~g m~ga kasuutang ikatatampok nila't ikauun~gos sa gayak n~g iba: m~ga sutlang kayong pulangpula na animo'y dugo, mayroon namang dilaw na nakikipan~gagaw sa kulay n~g apoy, at may lungtian pang nagbabalita wari n~g pananagana sa lahat n~g bagay n~g taong sa kanya'y nagpapakahibang ... Ang m~ga maralita naman, sa kabilang dako, ay nagtatamad sa paggawa, ilang araw na di sisipot sa pinapasukan, nagsasangla n~g isang tumbagang singsing o n~g isang hilakong hikaw, na tan~ging hiyas n~g kanilang karukhaan, nan~gun~gutang n~g salaping patubuan at ... bumibili n~g isang murang balatkayo, isang nakan~gising maskara, upang sa likod n~g m~ga ito'y sandaling limutin ang kanilang kahinubong pagkasahol sa buhay, at sandali ring makilahok sa m~ga halakhaka't panunukso sa kakilala't hindi man. Ang m~ga dalaga ay karaniwang magsuot n~g gayak Columbinang kaakitakit sa bawa't makakita, at ang m~ga binata nama'y nagdadami't Pierrot na lubhang katawatawa. Bawa't pusong pinasisigla n~g apoy n~g kabataan, bawa't kinapal na nasa panahon pa n~g kasariwaan, ay dili ang hindi naguubos n~g kaya sa paghahanda n~g tanang nararapat niyang gamitin sa pagsagap n~g luwalhati sa sinapupunan n~g dakilang karnabal. At yaong may kaluluwang hindi nagtitikim n~g biyaya n~g maligayang kapalaran, ay nagsisipan~garap na sa m~ga araw na iyan ay mabibihis ang kanilang kasawian, mapapaltan n~g tuwa ang kanilang m~ga paghihirap at sa duyan n~g luwalhati'y sandali silang aawit n~g kasiyaha't mahahalinhan n~g kabusugan ang binabata nilang uhaw....
At, hindi malilihis sa katotohanan kung ang mestisa at ang makata ay ibilang sa ganyang m~ga may hinihintay.