Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

Part 4

Chapter 4 4,061 words Public domain Markdown

--N~guni, Tirso, sa kasaysayan n~g Balagtas na iyan ay ¿nasasabi bang siya ay nagkaroon n~g dalawang Selia?

--Hindi.

--Kung gayon, kahi't makata ka, ay hindi mo maipagpapalagay na ikaw ay si Balagtas.

--¿At bakit? ¿Dalawa ba ang Elsang kinakaulayaw ko sa sandaling ito?

--Hindi n~ga; datapwa't samantalang di mo napapawi ang paniwala kong ang iyong Selia'y si Teang, n~gayong magkasarilihan tayo sa gabing ito ay di ko masasangayunan ang iyong halimbawa....

--¿Ang Selia ko'y si Teang? ¡Isang paratang na salat na salat sa katotohanan! Si Teang ay malayo na, nagpakalayolayo upang patibayan ang wika ko sa iyo na ang pagkikilala namin ay ganap nang natapos; at sa kalaliman n~g hatinggabing ito ay ikaw ang aking kaniig at siyang tan~ging pinaghihin~gahan n~g lalong dalisay kong damdamin. ¿May iba pa kayang Selia ang makata sa sandaling ito, Elsa, liban sa iyo?

Minsan pang natigilan ang mestisa. Nagaagawan sa kanyang panimdim ang pagibig at pan~gamba. Iniibig niya si Tirso; n~guni't sa dahilang di niya hinihintay na magkakaroon n~g gayong pagtuturing ang makatang ito sa gabing iyon n~g kanilang paglalamay, ay nan~gan~gamba naman siyang baka iyo'y kung ano nang babala n~g kanyang kapariwaraan.

Salamat na lamang at ang pagkakatigilan nilang dalawa ay ginambala n~g mahinang salita n~g matandang tagapagpalakad n~g bangka.

--Sadsad na po tayo.

At siya n~ga naman. Nang lin~gunin ni Elsa't ni Tirso ang dakong dulo n~g bangka, ay naanag-agan nilang isang dangkal na lamang halos ang layo sa lunsarang pampang.

Sa gayo'y maluwag nang nakahin~ga ang dalaga.

Ang makata naman ay dili ang hindi nakapagbitiw n~g isang malalim na buntonghinin~ga.

--Pandakan na po,--ang saad n~g matanda;--at ang bahay na iyong natatanaw nating sagana sa ilaw, ay siya ninyong patutun~guhan.

--Marami pong salamat,--ang nagkapanabay na sambot n~g magkasama.

Mula sa malayo ay may makapangyarihang tinig na sumi~gaw:

--¿Elsa?

At ang tinig ay nakilala n~g mestisa: sa kanyang kapatid.

--Oo, ako n~ga,--itinugong kakabakaba ang dibdib sa pagdadalang takot.

At ang tumawag ay napaharap noon din sa dalawa.

--¿Sino ang kasama mo?--ang may katigasan pang tanong n~g sumalubong.

--Si ... Tirso,--ang sagot n~g dalaga.

--Ako,--ang pakilala naman n~g makata.

At, noon din ay samasamang lumakad ang tatlo n~g ang sinoman sa kanila'y hindi nagbibitiw n~g kahi't isang salita....

XIX

PAGIBIG AT DALAMHATI

Malungkot si Elsa.

Ang mukha niyang datidati'y pinaaaliwalas n~g nagtatamisang n~giti na malimit mamilaylay sa kanyang mayuyuming labi, nang hapong yao'y pinapan~gulimlim n~g isang kalumbayang tinutugunan sa puso n~g mapapait na tibukin. Ang m~ga balintataw niyang may kislap n~g tala ay nagmistulang alitaptap na bahagya nang makagitaw ang liwanag sa sun~git n~g kapighatian.

At ang sanhi n~g lahat ay mapagkikilala sa isinasaysay n~g kalatas na itong kanyang sinusulat sa gayong pagiisa sa loob n~g kanyang tahimik na silid:

"Pasay, Enero I, 1916."

"TIRSO:"

"Aywan kung nahulaan mo ang tunay na kahulugan n~g m~ga kilos na ating napuna sa kapatid ko kagabing tayo'y magkaakbay na umahon sa Pandakan, N~guni't ang totoo, ay tinanggap ko sa kanya, oras na pagkauwi namin n~g bahay at pagkatalikod mo, ang di maulatang galit na kanyang ibinabaw sa akin dahil sa pagkabalam n~g ating dating sa bayang sinabi."

"¡Oh, gayon na lamang ang iyak ko!"

"Kung hindi pa ako nakalasap n~g di gagaanong mabuting pagtin~gin at pagpapalayaw n~g kapatid kong ito, marahil ay di ko pa pakadaramdamin ang ganitong poot niya sa akin ... ¡Pagkahiraphirap n~ga n~g ganitong napagsapit ko!"

"At sapagka't kung tutuusi'y ikaw lamang, Tirso, ang tan~ging pinagbuhatan n~g lahat n~g ito, ay itulot mong sa iyo ko rin tan~ging isiwalat ang binabata kong hirap, upang kung tunay na nagbubuhat sa ubod n~g iyong mahabaging puso ang m~ga pamimigkas na iyong ipinasinaya sa akin kagabi, ay matapunan mo ako mula riyan sa iyong katiwasayan hanggang dini sa laot n~g walang kahulilip na pagluha, n~g iyong mapagkandiling paglin~gap...."

"Lin~gapin mo n~ga, Tirso, ang ganitong kalagayan kong napagsapit alangalang sa iyo ... Alangalang sa iyo sapagka't ang pagiisa kong kasama mo nang tayo'y mainip na salubun~gin n~g kapatid ko sa lunsaran sa Pandakan ay siyang pinagmulan n~g lahat niyang pagkagalit sa akin."

"Dapat kong ipagtapat, Tirso, na nakagawa n~ga ako n~g malaking pagkakasala. Nang sila n~g hipag ko ay bago magtun~go sa bayang nasabi ay hiniling ko sa kanilang ako'y iwan na at may katipanan lamang na ilang kaibigan dalaga na sa gabi na darating doon. Naniwala sila. At pinakahintay n~gang darating ako sa Pandakan n~g ang kasama'y m~ga babae ring paris ko. Datapwa't nagdatin~gan daw roong sunodsunod ang madlang pananuhin at ang tanang kakilala namin, anino ko man anya'y hindi nila makita at sinoman sa m~ga yao'y walang makapagsabi kung ako'y saan naroon at kung darating pa o hindi na."

"May palagay ako na ang malimit na pagtatanong tungkol sa di ko pagsipot n~g kaibigan naming naghanda ang siyang nakapagulol na lalo sa kainipan at kung anoanong sapantaha n~g aking kapatid. Bakit ay mahigit daw sa tatlong oras na pinamutian siya n~g mata't nagtila kaning nagpakapanghal sa pagaabang sa lunsaran, n~guni't ang kung bakit di ako dumarating ay hindi niya masayod liripin."

"Laban sa dating lubusang pagtitiwala niya sa aking pinagaralan, ay itinanong sa akin n~g kapatid ko, sa ayos na kapitapitagan at nakapangyayari, kung ano ang di sasalang sinasapantaha n~g balanang nakabatid sa gayong ating ginawa, na anopa't para bang inilagay sa alinlan~gan ang kalinisan n~g pagkababae ko buhat sa gabing iyon...."

"Tinunton at pinanghinayan~gan ang m~ga pagpapalayaw na kanyang ipina-utang sa akin, at sa paniwala raw niya'y labis ang aking napagaralan upang mapagtalastas ko ang pan~git at kapuripuri, ang masama at mabuti. N~guni't ang ginawa ko raw na iyon ay dapat lamang umanong hintin sa m~ga babaeng talipandas, halaghag at walang pinagpapakundan~ganang pan~galan sa harap n~g Kapisanan."

"Bakit ang isa pa ay kulang na lamang ang ako'y itulak sa hagdanan upang masabing ako ay itinataboy. At halos tiyakin na sa aking ikinahahalay na n~g kanyang pan~galan ang pananatili ko sa lilim n~g tahanang ito...."

"Ang lalong masakit nito ay ang ginawa niyang walang pigil na pagsasalita sa akin sa naririnig n~g aking hipag, n~g hipag kong matagaltagal na ring may hinalang lihim sa ating m~ga palagayan. Limpaklimpak daw na kahihiyaan ang itinapon ko sa harap n~g m~ga taong dumalo sa Pandakan...."

"Ako ay ipinagtanggol na mabuti in Dioni, n~g mabait at mapagmahal na hipag ko: datapwa't ang pamamagitan niya't malulubay na paliwanag ay nagparang tubig lamang na nabuhos sa buslong butas. Ang kagalitan n~ga n~g kapatid ko ay di nakarinig sa m~ga katuwiran n~g sinoman sa aming dalawang babae...."

"Sa lahat n~g ito, Tirso, ay lubos na lubos ang kanyang paniwala na ako ay nagpain n~g puri sa iyo at ... pinagsamantalahan mo naman. Nang magmatuwid ako, ay sinabi pang kung talaga raw na nakapananagutan ako sa aking ginagawa ay makita niya kung paano ang gagawin kong pagbaban~gon sa aming pan~galang inilagpak ko kagabi sa lusak n~g dilang kapulaan."

"N~gayon, Tirso, ay nasa iyo ang karapatan sa pagpapasya. Kapagkarakang magkakilala tayo ay di ko na pinagalinlan~ganan ang busilak mong budhi at gintong kalooban. At kung tunay na nagsipamuhatan sa guwang n~g iyong dibdib ang m~ga kataga mong ipinasinaya sa akin magmula sa bahay, pati sa kalesa, sa _hotel_ at hanggang sa bangka ... at kung hindi pagsasamantala lamang ang ginawa mong malimit na pagpisil sa m~ga kamay ko ... ay panahon nan~ga n~g ayong marapat kang mapukaw, mahabag at matutong human~go sa akin sa kinasadlakan kong kahihiyaan. ¡Ah, Tirso! Tahasang sinasabi ko na di ako maaaring mamalagi sa ganitong buhay na pinaghatdan mo sa akin...."

"Inuulit kong ikaw n~ga, Tirso, ang sanhi at kadahilanan n~g lahat na ito. Kung hindi sa malaking pagtitiwala ko sa kabayanihan n~g puso mo,--bakit ba't di ko pa ipagtatapat, ay sa ako'y sadyang kalaban n~g pagpapakunwari,--ay hindi sana ako bumalangkas n~g kasinun~galin~gan sa harap n~g kapatid ko't hipag, at disi'y di ka naman nagkaroon n~g maliligayang sandali sa pan~gan~garap n~g gising sa piling ko kagabi...."

"Kung sa bagay, ay di n~ga kaila sa iyo ang aking pagkamestisa. N~guni't hindi maikakait n~g sinoman na sa m~ga ugat ko'y tumatakbo rin naman ang dugong pilipino. Ang pagkakaroon ko n~g kahi't gapatak n~g dugong ito ay sapat upang angkinin ko rin ang likas na ugali n~g babaeng pilipina, na kung ganitong napapan~gat na sa kapulaa't nagiging sanhi n~g m~ga pan~git na sabisabi, ay gumagamit n~g karapatan sa paghanap n~g katubusan sa kamay n~g lalaking puno at dahil n~g ganitong kinahinatnan."

"Ako n~ga, Tirso, ay binawian n~gayon n~g pagmamahal n~g bugtong kong kapatid, at anya'y ipinalalagay na n~g madlang taong nagtitipon sa Pandaka't nakahiging sa pangyayaring iyon, na ako raw ay isa na lamang alibughang walang puri, samantalang hindi mo inilalawit ang aking kaligtasan...."

"Dumudulog n~ga sa iyo n~gayon, Tirso, ang abang babaeng sinundo mo sa kanyang tahanan, iyong iniangkas sa kalesa, kinasalo mo n~g boong lugod sa _hotel_ at katalamitam mo't tan~ging kaakbay sa pakikigiit sa kapal n~g tao sa Escolta, kaparepareha mo sa sayawan sa inyong klub at sa wakas ay kapilingpiling mo n~g boong laya sa pamamangka sa ilog sa Pandakan...."

"Ipinaghalimbawa mo kagabi na ikaw ay si Balagtas at ako ang iyong Selia. Ipinagunita ko naman sa iyo ang n~galan ni Teang, n~g babaeng hinan~gaan mo sa simbahan Datapwa't walang gayon ang ginawa mong pagpapatibay na ... ako na lamang ang tan~ging laman n~g iyong dibdib at kaaliwan n~g iyong puso. At n~gayong nanghahawak ako sa gayong m~ga winika mo, ay ¿babayaan mo kaya ako, mabait na makatang nagsuob at gumising sa puso ko n~g m~ga tulain sa buhay?..."

"Sa ano't paano man ang kapasyahan mo, ay ipinamamanhik ko sa iyong sagutin mo lamang ang napalawig na liham na ito, kapagkarakang mabasa mo na, upang sa ganya'y mapagtalastas ko kung ako ay totohanan na n~gang sawi sa mata n~g Kapisanan, at kung ikaw nama'y sadyang may maran~gal na budhing tan~gi at ibangiba sa karamihan n~g m~ga lalaking paris mo."

"¿Di mo kaya ako hahabagin?"

"Salamat kung gayon...."

"Naghihintay n~g boong lungkot,"

"ELSA BALBOA."

Matapos lagdaan n~g nan~gin~ginig na m~ga kamay n~g mestisa ang mahabang kalatas na ito, ay minsan pang ibinaling sa dakong puno ang kanyang m~ga namumugtong mata at muli pang pinaraanan n~g masiyasip na pagbasa, bago nagbitiw n~g isang pahimutok na buntonghinin~gang kinalalangkapan n~g di masukatang sukal n~g loob.

--Nahahabilin sa sulat na ito ang lahat kong pagasa,--ang nanghihin~gapos niyang wika, kapag nabigo pa ako rito ay tapos na sa akin ang lahat....

Kapagkuwa'y naglabas n~g isang munting sobre, ito ay sinulatan, tuloy diniktan n~g nauukol na selyo, at noon di'y tumawag n~g isang utusan upang ipahulog sa koreo ang kanyang ginawa.

Ang kanyang kapatid na katatapos pagsikpan n~g dibdib dahil sa sasal n~g poot, ay nanaog umagangumaga pa n~g araw na iyon at ayon sa iniwang sabi'y sa palaisdaan na niya sa Malabon magpaparaan n~g pananghalian. Si Dioni namang may likas na mababang luha na madaling dumadamay sa sinomong dinaratnan n~g ligalig sa buhay, ay maghapong halos ayaw umalis sa kusina na wari bagang walang pusong maitatagal kung makarating sa kanyang m~ga pangulinig at mamalas n~g kanyang m~ga panin~gin ang tinan~gistan~gis n~g kanyang magandang hipag.

Mahigit sa kailan~gang panahon n~ga ang nagamit ni Elsa sa pagsisiwalat n~g tanang dalamhati n~g kaluluwa niya sa kalatas na kanyang ipinadala kay Tirso.

N~guni, sa halip na kilalaning paggalang sa kalubhaan n~g m~ga sandaling tinatawid niya ang katuturan n~g di pan~gan~gahas ni Dioni na gumambala sa kanyang kusang pagtatago sa silid, na siyang tan~ging tunay na ibig sabihin n~g ginawa n~g hipag niyang ito, ay ipinalagay ni Elsa na marahil ay nasusuklam na n~ga sa kanya pati ni Dioning sa una't una pa'y pinakamahal na niya't itinuring na katapatang lihim na walang kasingbait. At dahil sa ganitong pagpapalagay ay lalo nang-naputos n~g luksa ang kanyang puso at lalo nang naganyong libin~gan ang tanang namamalas n~g kanyang luhaluhaang m~ga balintataw....

Sa laki n~g hinanakit sa kanyang hipag na sinasapantahang nagiiba n~g loob sa kanya't pumapanig sa asawa, ay ipinagbiling ni Elsa sa alilang pinagbigyan n~g sulat na si Dioni'y papasukin sandali't mayroon lamang siyang sasabihing ilang bagay na lihim.

At, babahagya pang nasusun~gaw sa ginto ang mukhang malamlam n~g hipag na ipinatawag, ang mestisa ay kaagad nang humagulhol na animo'y batang paslit na nilisan n~g magiiwi. At mababa rin namang sandali ang namagitan, bago nakuhang magsalita n~g ganito:

--¡Naku, Dioni! ¡Pati ikaw naman yata!...

At ang hipag n~g mestisa ay natuluan pagdaka n~g luha sa malaking pagkalunos.

--Elsa, wala kang dapat ipaghinala sa akin,--tan~ging naisambot.

--¿Hindi ba't pati ikaw ay nagagalit na sa akin?--ang malumbay na tanong n~g dalaga.

--Hindi, at minamahal din kitang kagaya n~g dati.

--Salamat, Dioni, kung gayon ... N~guni't ¿bakit kaya baga't nakaraan ang singkad na maghapong kibuin dili mo ako sa ganitong pamamahay ko sa di maulatang kapanglawan?...

--Nahahambal lamang akong totoo sa nanyayari sa iyo....

--Nabahambal ka, ¿samakatwid ay di mo sinasabing ikinahihiya mo ang pananatili ko sa lilim n~g bubong n~g bahay na ito?

--Hindinghindi, Elsa, at ikaw'y kapatid ko ring pinaguubusan n~g mabuting pagtin~gi't lubos na pagmamahal.

--Subali't ang kapatid ko, si kuyang, ay ... ¡galit na galit sa akin!

--Siya lamang ang nagagalit sa iyo....

--At sukat ang gayong pagkagalit niya, upang ako ay huwag nang bilan~gan n~g maraming araw sa tahanang ito....

--¿Saan ka paroroon?

--Aywan, Dioni, at ang lalaking puno at dahil n~g ganitong napagsapit ko ay akin nang sinulatan n~gayon.

--¿Sinulatan mo si Tirso?

--Oo....

--¿At sa anong bagay?

--Bagay sa nararapat niyang gawin upang ako ay mahan~go sa ganitong kapulaan....

Napamata na lamang si Dioni, pagkarinig sa ganitong pahayag n~g mestisa. Ang m~ga unang kutob n~g loob niya hinggil sa gayo't ganitong maaaring maging katuturan n~g kilusa't palagayang malimit niyang mapuna sa hipag niya't kay Tirso, n~gayo'y hindi kutob lamang kundi isang katotohanan nang pinatitibaya't siyang inaamin n~g kanyang kausap. Dahil sa gayong ginawang pagliham sa makatang hinihinala na n~ga niyang namamalakay sa bahay na iyon, ay maliwanag na nadama niya ang kaselanan n~g m~ga sandaling tinatawid n~g kanyang hipag, palibhasa siya man, si Dioni, nang magdaan na sa mapan~ganib na katayuang paris niyon, ay gayon ding pagsulat kaagad ang ginawa, pagsulat na siya tuloy ikinabunsod na maaga n~g kanyang pagaasawa sa kapatid ni Elsa.

--¿Iiwan mo na n~ga ba ako, kapatid ko?--ang makasandali'y boong kalumbayang itinanong sa mestisa.

--Siyang tan~ging marapat kong gawin upang manumbalik ang dating payapang buhay ni kuyang....

--Elsa, kung kinikilala't minamahal mo ang iyong kaisa-isang kapatid, ay hindi mo siya nararapat pakitikisan. Kinagalitan ka niya, hindi sapagka't talagang ikinasusuya na ang iyong pamamalagi sa lilim n~g kanyang kalin~ga, kundi alangalang din sa ikapapanuto n~g malinis na pagkababae mo.

--N~guni't ako ay wala nang kasingdumi sa tin~gin niya....

--Hindi naman, Elsa, ipinakita lamang sa iyo ang kamalian mo. At walang taong hindi nagkamali.

Tumagaltagal din ang salitaang iyon n~g dalawang maghipag na kapwa sinasakbibi n~g dalamhati ang m~ga puso.

At hindi nagkawakas ang hinikbihikbi n~g isa't isa sa kanila, kundi nang marinig nang tumatawag buhat sa hagdanan ang kapatid ni Elsang asawa ni Dioni.

Nagwalawalaang sumalubong ang asawa sa kanyang dumating na giliw, samantalang pinapananauli sa kanyang maaliwalas na mukha ang masayang anyo na di sukat kahalataan n~g anoman.

Si Elsa naman ay kusang nagpaiwang nagiisa sa loob n~g kanyang silid, na, nang sandaling iyo'y bahabahagya nang nilalaganapan n~g dilim, upang kung mangyayari'y mabigyan niya n~g maluwag na pagkakataon ang pakikipagbulun~gan sa dalamhati n~g kaluluwa niyang ginugutay n~g bagabag....

XX

SI TEANG AT ANG "HIMALA"

Sabay na tumawag sa pinto n~g hagdanan ni Tirso Silveira si Martinez at ang tagadalang-sulat na nagabot n~g kalatas ni Elsa.

Pagkatanaw n~g makata sa tagadalang-sulat ay nakaramdam kaagad n~g biglang pagsinsin n~g pintig n~g puso, pagka't sinapantaha niyang yaon na kaipala ang sulat na pinakahihintay niyang magbubuhat kay Teang. Datapwa't ang sikdo n~g dibdib ay tinugunan noon din n~g isang pamumutlang bumakas na maliwanag sa kanyang mukha, kaya't nahulaang madali ni Martinez ang pagkabigong tinanggap n~g makata.

--Hindi yata dumating,--ang painong turing n~g binatang kapapanhik.

--¿Alin?--pakailang tanong n~g maybahay.

--Ang sulat na hinihintay mo,--ang wika pa ni Martinez.

--Ako'y walang hinihintay,--lalo pang pakailang iwas n~g makata.--¿At sino naman ang susulat sa akin sa m~ga araw na ito?

--Si Teang ... si Elsa....

--Si Teang ay hindi. Si Elsa, manapa....

Hindi nalalaman ni Tirsong tinik na sumubyang sa dibdib ni Martinez ang huli niyang winika. ¿Susulat sa kanya si Elsa? ¡Talagang hindi namamali n~g hinala si Martinez!

Si Martinez ay naparoong daladala sa isip ang isang lihim na tangka n~g paghihiganti sa lalaking ikinalupig n~g kanyang m~ga lakad sa mestisa, gayong pinautan~gan niya n~g tulong ukol naman kay Teang. At ang narinig niyang sinabi ni Tirso ay parang paghahamon sa ikatutuloy n~g kanyang tangka.

Subali, ang totoo, sa harap n~g makatang magiliw ring naganyaya sa kanya hanggang sa silid na sulatan niyon, ay natutubigan siya mandi't hindi matutuhan kung ano't kung alin ang sasandatahin niya sa gayong balak.

Sa hindi niya pagimik na parang nawawalan, ay si Tirso ang nagsalita.

--Matagaltagal nang hindi mo ako binabalitaan n~g tungkol sa iyong kababayan ...--ang wika.

At si Martinez ay lihim na namuhi.

--¿Ano pa ang kailan~gan sa iyo?--itinanong na tuyongtuyo.

--¿Bakit?--anang makata.--¿Alan~gan na ba akong magpatuloy n~g pakikipagkilala sa kanya?

--Hindi sa alan~gan, kundi sa dalawang dahila'y wala nang kailan~gang balitaan pa kita n~g anomang natutungkol sa kanya: una, sapagka't wika mo'y si Elsa at hindi si Teang ang hinihintay mong susulat sa iyo at ikalawa, sapagka't si Teang nama'y ... malayo na sa mararating n~g m~ga gunita mo.

--¿Si Teang ay malayo na sa mararating n~g m~ga gunita ko?

--Siyang totoo.

--Martinez, ¿ano ang ibig mong sabihin?

--Silveira, ang ibig kong sabihi'y ang paris n~g iyong narinig.

--¿Tinatalinghagaan mo ba ako?

--Hindi; at ang m~ga sinasabi ko ay maliliwanag.

--Kung maliliwanag ay sukat sanang mawatasan ko kaagad ang tukoy n~g iyong pan~gun~gusap, n~guni't ang totoo ay nalilito ako.

--Wala akong magagawa kung ikaw ay nalilito; n~guni't kung sadyang nais mo ring mabatid kung bakit sinabi kong malayo na si Teang sa mararating n~g m~ga gunita mo, ay wala akong dapat gawin kundi isa: ang ipaala-ala sa iyo na siya ay wala na sa bahay n~g kanyang ninang sa San Lazaro.

--¿At saan naroon?

--¡Aywan kay pari Casio!

--¿Ha?

Napuna ni Martinez ang untiunting pagkainis n~g kausap. Ang n~galan ni pari Casio ay nang oras na iyon na lamang niya naisip, at kung gayong tila ang natuklasan niya'y magkakabisa, ay kailan~gan nang ipatuloy yamang nasimulan na. ¿Subali't ano kaya ang kanyang kakathain hinggil kay Teang at sa binanggit niyang pari? ¡Ah, may nadampot siya! At ang kanyang isinagot:

--¿Ikaw ba, Silveira, ay patay na loob na di nakabalita, kahi't balita lamang, tungkol sa _milagrong_ nangyari kina donya Basilia?

Lalong nagibayo ang bakla n~g panimdim n~g makata. At itinanong:

--¿_Milagro_? ¿Kailan?

--Nitong ilang araw na kalilipas na bago maalis sa bahay na iyon ang babaeng ipinagtatanong mo.

--Iulat mo, Martinez.

--Iulat ay huwag na. Sasabihin ko na lamang sa iyo, kung talagang wala kang naaamuyan, na marapat mong pagsisihan ang pagkakilala sa babaeng sayang at naging aking kababayan. ¡Naku, Silveira, may katotohanan pala ang bulun~gang kumakalat sa amin bayan tungkol kay pari Casio at kay Teang!

--¿Ano?...

--¡Ano pa raw! ¡Tanun~gin mo si manang Magda, at siya ang nakatutop sa bayaning pari sa tulugang katre n~g kanyang anak na dalaga!

--¡Martinez, kapag hindi mo napatunayan ang iyong sinasabi'y...!

At biglang dinaluhong ni Tirso at ginagap sa dalawang balikat ang binatang iyong naparoon yata upang umaglahi n~g walang kasingsakit sa kanyang kapalaran.

N~guni't si Martinez, na talagang inaalihan noon n~g malaking paghahan~gad na makapaghiganti sa katotong ipinalalagay niyang umagaw n~g kanyang ligaya, ay di nabalino sa gayong namamalas na kilos n~g kausap, kundi bagkus nagpakatatag at parang nakatanaw n~g nalalapit na pagwawagi.

--¡Ikaw ang bahala, Silveira! ¡Kung ayaw kang maniwala, ay mapanisan ka n~g laway n~g dilat ang iyong m~ga mata!

Nakaramdam si Tirso n~g isang malaking pagkahapo n~g katawan. Sa kanyang noo ay gumiti ang malalamig na butil n~g pawis, samantalang ang m~ga litid n~g dalawang paa'y tila bahabahagyang tinatakasan n~g lakas. Makasandali pa, ay boong panglalambot nang ibinagsak ang katawan sa isang peresosang nasa may likuran niya. At ang iba pang ibig sanang sabihin ay ipinahayag na lamang sa pamamagitan n~g ilang buhol n~g buntonghinin~gang sakdal n~g pait.

--N~guni't hintay,--ang bawi ni Martinez mapamayamaya.--Hindi ko makita ang bagay kung bakit ipagdaramdam mo n~g ganyan ang gayo't ganitong "kababalaghan" ni pari Casio at ni Teang, ay sa n~gan~gayon pa lamang halos ay sinasabi mong si Elsa ang hinihintay mong susulat sa iyo. ¿Hindi ba totoong si Teang ay inibig mo sa isang saglit lamang, samantalang ang magandang mestisa'y siyang talang nagniningning na lagi sa diwa mo at alaala?

Hindi na sumagot si Tirso. Di na lamang niya anhin ay matapos na ang gayong paguusap na labis niyang ipinanggigipuspos. Sa bawa't dalawa o tatlong sabihin ni Martinez ay palad nang siya'y magbitiw n~g isang kataga. Salamat na lamang at ang isa ay para namang nasiyahan na sa nangyari kay Tirso, kung kaya't pagkaraan n~g m~ga, sampung minuto sa pagbubuklat n~g ilang aklat na kanyang natunghan sa sulatan, ay nagpaalam na't di umano'y may lalakarin siyang bagay na mahalaga sa bahay n~g isa pang kasama.

Pagkaalis ni Martinez ay sarisaring mapapait na gunitain ang sumilid sa panimdim n~g makata. Ang balitang natanggap kay Martinez ay lumikha n~g isang malaking sugat sa guwang n~g kanyang puso, sugat na walang tan~ging ikababahaw kundi ang alinman sa dalawang ito: o pagusigin niya kahi't saan naroon ang babaeng alibugha na naglaro sa kanyang kapurihan upang papanagutin sa bigat n~g salang ginawa sa kanya, o yao'y ilibing niya sa hukay n~g limot na parang hindi niya naging kakilala kailan man. Datapwa't maging alinman naman sa dalawang ito ay tila malayo sa ikabubunsod, palibhasa'y kung magpapakapusok siyang magusig kay Teang sa m~ga araw ding iyon ay sapilitang mababalatong ang pagtatapos n~g kanyang pagaaral, at kung limutin nama'y lalong hindi mangyayari pagka't buhol na walang kalag ang sinumpaan niyang higpit n~g kanyang pakikiisang kapalaran sa babaeng iyon. ¿Paano ang mabuti niyang gawin?

Unaunang marapat niyang matiyak ay kung, hanggang saan ang taglay na katotohanan n~g m~ga ipinahayag sa kanya ni Martinez. Kinakailan~gan niya ang patotoo n~g kahi't isa man lamang saksi, kung baga sa isang usaping nililitis sa hukuman, upang mabigyan niyang halaga ang m~ga balitang kanyang tinanggap. At sa bagay na ito'y ¿sino ang kanyang lalapitan? ¿Sino ang makapagbibigay n~g patibay na kinakaila~gan niya?