Part 12
Ang ama. Cung gayo,y, pagbalican natin n~gayon ang ating Robinson. Sa malaquing caguipitan niya, ay guinugol ang buo niyang casipagan sa pagpapalambot nang balat nang hayop na llama sa caniyang sundang na bató: ang unang guinauà ay isang sapin, at pagcatapus ay gumauà nang pinacamedias, baga ma,t, totoong masamâ ang pagcagauà. Sa pagca,t, di mangyari niyang tahiin, ay binutasan na lamang at caniyang tinalian nang capirasong lubid, na ilinapat niya sa caniyang paa, na baga ma,t, totoo siyang pinahihirapan; at cahit caniyang ilinabas ang may balahibo, ay toui na,y, nararamdaman niya ang malaquing cainitan sa paa, at ang matigas na balat ay nacagagasgas nang caniyang paa sa munti siyang lumacad. Gayon ma,y, minamagaan niya ang cahirapang ito sa man~ga siguid nang man~ga lamoc.
Ang capirasong balat, na totoong matibay at matamboc ay guinauà niyang máscara na linag-yan niya nang dalauang butas sa dalauang matá, at isang butas sa bibig nang siya,y, macahin~ga. At yayamang nagauà na niya ito, ay hindi pinabayaang di mayari ang isang pinacabarò at isang pinacasalaual: tunay n~ga at totoong mahirap gau-in ito; datapoua,t, ¿aling bagay ang nacacamtan nang ualang capaguran? ¿At aling cahirapan ang di nagagahis nang casipagan at catiisan? Sa catunaya,y, naquita ni Robinson nang boong caligayahan na nayari ang caniyang gauà.
Ang caniyang pinacabarò ay tatlong pirapiraso, dalauang piraso sa dalauang camay at isang piraso sa catauan, na paraparang natatali: ang caniyang pinacasalaual ay dalaua namang piraso, sa harapan at sa licoran, na nan~gatatali rin: at nang matapus na niyang maisoot ang bago niyang damit ay itinagò niya ang sirasirang lumang damit, at ang caniyang nasá ay isoot sa man~ga malalaquing capiestahan, at nang caniyang maipagdan~gal ang man~ga cumpleaños nang caniyang man~ga magulang.
Di sucat masabi at catacatacang anyò ni Robinson sa damit na yaon, at ang man~ga sandata at casangcapan na caniyang dala: nababalot magmulâ sa paa hangan sa ulo nang may balahibong balat; nasasacbat sa licod ang malaquing palacol na bató; nasasabit sa balicat ang caniyang supot, ang caniyang panà at man~ga palasô; tan~gan sa caniyang canang camay ang caniyang sibat na totoong mahabà; sa caliuang camay ay ang caniyang payong na dahon nang niyog; at isang sombrero na parang buslong matulis ang dulo na nababalot nang balat nang hayop. Pagisipisipin ninyo cung ano ang maguiguing lagay niya. Sino mang macaquita sa caniya ay hindi macapagsasabi ni sa ilàlim nang damit na yaon ay natatagò ang isang tauong may pagiisip; at pati siya ay hindi natiis ang pagtataua nang maquita ang caniyang anyò nang siya,y, manalamin sa isang tubig na malinao.
Sa pagnanasà niyang ipatuloy ang paggauà niya nang palayoc, ay gumauà siya sa sandaling panahon nang hurno; at nang maticman niya agad na cung sa carahasan nang apuy na nacuculong ay magcaroon nang pinacabarnis ang lupa, ipinasoc sa naturang hurno ang caniyang man~ga palayoc at man~ga cauali, at untiunting dinadagdagan nang apuy hangan sa nagalab ang boong hurno. Pagcatapus na caniyang maapuyan sa loob nang maghapong arao, ay pinabayaan niyang untiunting nagbauas ang init at nang caniyang maquita cung ano ang masasapit. ¿At ano caya ang nangyari? Ang unang palayoc ay hindi rin nagcabarnis, cahit anong casipagan ang caniyang guìnauà; gayon din ang icalaua at ang lahat naman; datapoua,t, nang caniyang pagmalasin ay natagpuan niya na ang isang cauali sa pinacapuit ay may pinacabarnis.
Inacalà niyang ito,y, isang bagay na di sucat mapagcuro. ¿Ano cayang bagay aniya, na ang isa lamang na ito ang magcacaroon nang barnis at ang iba,y, hindi yayamang ang lahat nang ito,y, iisa ring lupa, at iniluto sa iisa ring hurno? Matagal na pinagisip niya ito; datapoua,t, sa calaunan ay caniyang natagpuan ang cadahilanan, na naalaala niya na may caunting asin na nailagay siya sa caualing yaon, niyong isoot niya sa hurno: at dito inacalà niya na ang asin ang naguing dahil nang barnis na yaon.
Si Juan. ¿Tunay pô baga? ¿At ang asin pô baga ang gumauà niyon?
Ang ama. Tunay n~ga: ang natutuhan ni Robinson ay ang napagtatalastas na mahabang panahon, at siyang guinagauà sa Europa, na sa asin ay nagcacabarnis ang lupang inilulutò sa apuy. Binabasáng magaling ang man~ga palayoc sa tubig na maalat, ó hinuhulugan ang hurnong nagninin~gas, cung gayon ang caniyang guinauà, ay ang lahat sana,y, nagcaroon nang barnis, at ito ang caniyang naranasan.
Caniyang pinanin~gas na ang hurno; binasâ na niya nang tubig na maalat ang ilang man~ga palayoc at cauali, at ang iba,y, linag-yan niya nang asin at nang maticman niyang sabay ang dalauang paraan, datapoua,t, sa casalucuyan nang caniyang paggauà ay dinatnan siya nang isang sacunang totoo niyang iquinatacot na macalilibo: isang saquit.
Naramdaman niya ang mahihigpit na saquit nang ulo, pagsisicsic nang dibdib at malaquing panghihinà sa boong catauan na sa gayong cahirapan ay ano ang masasapit nang isang tauong ualang sucat magalagà sinoman.
¡Dios co! ang sigao niya ¿anong masasapit co, cung aco,y, mahigá sa banig dito na ualà sinomang mahabaguing tauo na magalagà sa aquin at tumulong, cung aco,y, manghinà; ualà cahit isang caibigan na pumahid nang malamig cong pauis, ó magbigay nang munting caguinhauanhan? ¿Ano, ang ipinagtalaga mo sa aquin, Macapangyarihang Dios?
Capagcauica nang man~ga pan~gun~gusap na ito, sa malaquing capighatian at cahirapan, ay nabual sa lupang naghihimatay.
Dito n~ga ang mahigpit na pagsuboc nang lan~git na ibig maticman ang caniyang catiisan, ay quinailan~gan niyang totoo na mahiguit sa una ang isang matibay at mapacumbabang pagasa sa Pan~ginoon nang dilang caauaan na sumasalahat nang bagay. Sa gayong calagayan na ualà sinomang tumulong, sa gayong panghihinà, ¿ano cayang caniyang sasapitin cundi ang mamatay na nalilipos nang di mamagcanong casalatan at cahirapan?
Sa pagcahandusay sa lupa, na nacahaluquipquip nang mahigpit na halos di macapan~gusap, at di man macapagisip, ay naquiquibaca sa di mamagcanong cahirapan; at manacanacà lamang ay nacacatin~gin sa lan~git, at inahihintò ang mataos niyang paghibic, at hinihin~gan niyang tulong ang Amang Dios sa pamagitan nang maauaing Mananacop nang man~ga tauo at nang caniyang calinislinisang Ina.
Datapoua,t, ang caniya ring pagcabalisa sa saquit na caniyang tinitiis ay hindi ipinahintulot na siya,y, malagay na mahabang oras sa lupà; at caya n~ga pinilit ang natitira niyang lacás, at ang nasà niya,y, ilapit sa caniyang hihigan, cung mangyayari, yaong man~ga totoong cailan~gan na caniyang cacanin, bago maglubhâ ang caniyang saquit na di na macaban~gon, at di na siya macacuha nang anoman; nangyaring nailapit niya, baga ma,t, di mamagcanong cahirapan ang caniyang tiniis, sa caniyang hihigan ang dalauang bauo nang niyog na punò nang tubig, ilang man~ga patatas na naquita niyang lutò, at apat na dayap, na siyang natira lamang sa caniyang man~ga itinagó; bahaguia na lamang natatapus ang gauang ito, ay nahapay siya sa pagod at nahapay siya sa caniyang hihigan.
Totoong icaliligaya ni Robinson na sa oras na yaon ay cunin na siya nang Dios sa buhay na ito, na biglang lagutin ang caniyang buhay, at nacapan~gahas pang hin~gin niya ang camatayan na parang isang tan~ging biyaya; datapoua,t, di naglaon at caniyang nagunamgunam na hindi ayon sa catouiran ang panalan~ging ito. ¿Di caya, aniya, aco,y, anac nang Dios? ¿di caya naman siya ang aquing Ama, at Amang maauain, macapangyarihan, at sacdal nang carunun~gan? Cung gayo,y, ¿baquit caya aco man~gan~gahas na magtuturò nang gagau-in sa aquin? ¿Di caya niya natatalastas ang lalong nararapat sa aquin? At ¿di caya gagau-in niya sa aquin ang lalong nauucol sa icagagaling co? ganito n~ga ang ualang pagsalang gagau-in sa aquin niyong maauaing Pan~ginoon. Sumapayapà ca, caloloua co; at sa ganitong pagiisa na ualang magampon ay magsacdal ca sa Macapangyarihang tagapagtangol nang man~ga tauo sa pamag-itan nang lubhang masintahing Virgen María, at sapilitang tutulun~gan ca, oo, tutulun~gan ca sa cabuhayan at sa camatayan.
Dito nanghinapang ang caniyang loob sa man~ga paggugunamgunam na ito, na nagmamacaauà siya sa Lan~git na siya,y, pagcalooban nang pagtitiis, nang houag siyang lubhang magdalamhati sa caralitaang yaon; datapoua,t, pinasucan siya nang isang malacás na lagnat. Cahit totoong nagbalot nang man~ga balat nang hayop na llama ay hindi siya maginit, na tumagal ang pan~gin~giqui nang man~ga dalauang oras. Sumunod ang pagiinit na parang apuy, na nanalaytay sa lahat nang man~ga ugat, ay parang iniihao ang loob nang caniyang catauan; at sa laguing tiniboctiboc at quinabacaba nang caniyang dibdib ay parang siyang totoong napapagod. Dito sa cahambalhambal na calagayan, ay bahaguia na lamang nadampot ang isang bauong tubig at caniyang nainom, nang malamiglamigan ang nanunuyô niyang dilà. Pagcatapus ay pinagpauisan nang catacot-tacot, na nacapagbigay sa caniya nang caunting caguinhauahan; dahil dito,y, pagcatapus nang isang oras ay lumacaslacás siya nang caunti.
Bumungô sa caniyang pagiisip na bacá sacali mamatay ang apuy, cung di niya dagdagan ang gatong, at pinagpilitan niya, cahit siya,y, totoong nanghihinà at nahihilo, na lumapit sa sigâ, at lag-yan niya nang man~ga cahoy na inaacala niyang casucatan hangan sa quinabucasan, sa pagca,t, niyo,y, matagal nang lumubog ang arao. Sa boò niyang buhay ay hindi siya nacaranas nang gayong calumbaylumbay at maligalig na gabi. Ang lamig at init nang lagnat na naghahalihaliling ualang pucnat, at ang lagui at matictic na saquit nang ulo ay hindi niya nacuhang maipiquit ang mata sa boong magdamag; at caya n~ga lalong pinaghirapan niya sa quinabucasan ang pagdaragdag nang cahoy sa caniyang sigâ.
Pinagpilitan niyang dagdagan din ang cahoy nang sigà sa gabi; datapoua,t, totoong naglubhâ ang caniyang saquit na hindi na niya nacuha. Napilitan siyang ihintò ang caniyang nasà, at inari niyang ualang cabuluhan ang pagiin~gat nang caniyang apuy, sa pagca,t, inacalà niyang tila malapit na ang caniyang camatayan.
Sa gabing ito,y, lalò siyang nabalisa na mahiguit sa una. Ang caniyang apuy ay napugnao na, ang tubig na na sa bauo ay lumangtot na, at si Robinson ay hindi na macapihit sa caniyang hihigan. Nang inaacalà niyang nararamdaman na niya ang man~ga cabalisanhang tagapan~guna sa camatayan, ay pinapanghinapang niya ang caniyang loob, sa paghahanda sa camatayan sa pamag-itan nang isang mataimtim na panalan~gin, na panibagong humin~gi siya nang tauad sa Dios sa caniyang man~ga casalanan, mapacumbabang nagpasalamat siya sa man~ga biyayang ipinagcaloob sa caniya habang siya,y, nabubuhay, baga ma,t, di siya carapatdapat; at tan~gi naman pinasalamatan ang man~ga cahirapang ipinahatid sa caniya na icapagbago niya nang buhay, at quinilala niyang totoong nacagaling sa caniya ang man~ga cahirapan ito. Sacá tinapos ang caniyang man~ga panalan~gin sa pagmamacaauà sa Dios na big-yang caaliuan at magandang capalaran ang man~ga cahabaghabag na magulang; at nang maipagtagubilin na ang caniyang caloloua sa ualang hangang caauaan nang Maycapal, ay hinintay nang boong pagasa ang huling sandali nang caniyang buhay.
Tila ang camatayan ay nagtutuling lumalapit sa caniya: nauululan ang pagcabalisa; cacabacaba nang dibdib, at untiunting naghihirap nang paghin~ga. Tila dumarating na ang caquilaquilabot na sandali; nagdamdam siya nang isang caquilaquilabot na saquít na biglang nacainis sa caniyang pusò, nagsiquip ang caniyang paghin~ga na iquinapan~ginig niya, nalun~gayn~gay na marahan ang ulo ni Robinson, naualan nang caramdaman, at nanlalamig ang boong catauan.
--Matagal na di na nacaquibo at di nanacaimic ang man~ga batang naquiquinig, na parang iguinalang ang pagcaalaala doon sa canilang catoto na cailan ma,y, hindi naquita. ¡Caauaauang Robinson! ang uicà nang iba na nagbubuntong hinin~ga. «¡Salamat, aniya, sa Dios! ang sigao naman nang iba, at natapus na ang caniyang man~ga cahirapan¡» At saca lumigpit na sila, at taglay sa isip ang isang paggugunamgunam at isang di maipagcailang pagdaramdam sa pagcatapus nang cauiliuiling historia dahil sa pagcamatay ni Robinson, na di pa nila inaacalang mamamatay na.
=ICALABING DALAUANG HAPON.=
Si Cárlos. ¿At sa hapon pong ito ay di ninyo pasisimulan sa amin ang alin mang historia?
Ang ama. Sa catunaya,y, napagquiquilala ninyong lahat sa aquing muc-hâ, na aco,y, natatalaga n~gayong magpahayag nang isang salitâ na sucat icatuto ninyo at icaalio; yayamang tayo,y, nagcatipon sa lilim nitong punong cahoy, ay samantalang linalala natin ang ating man~ga buslô, at nang tayo,y, mabihasa sa gauang ito, ay sasalitin co sa inyo ang isang nangyari ... ¿Canino caya nangyari...? Cay Robinson. ¡Baquit hindi cayo macasagot!
Si Cárlos. Mangyari pô; si Robinson ay namatay ...
Ang ama. Dahandahan ca, Cárlos. ¿Anong quinalaman natin cung pinagsaulan nang hinin~ga? ¿Hindi mo naaalaalà na niyong arao ay naacala na nating patay, at gayon man ay buhay pa?
Tunay n~ga iniuan nating naghihimatay, nacahilig ang ulo, at ualang caramdaman; datapoua,t, untiunting napapaui ang caniyang pagcaliping; untiunting nagsasauli ang caniyang man~ga caramdaman, at nagliuanag ang caniyang pagiisip.
Ang lahat. Mabuti pò, mabuti pò cun, gayon. Malaqui pong totoo ang aming caligayahan.
Ang ama. Isang malalim na buntong hinin~ga ang naguing unang tandà nang pagalam niya nang pagcatauo. Ibinucas ang caniyang man~ga mata, at inalin~gap sa magcabicabila ang man~ga nanlalabò niyang mata nang maalaman cung saan siya naroroon. Tila nagaalinglan~gan cung siya,y, buháy ó hindi; datapoua,t, nang matalastas na siya,y, buháy, ay totoong nagpighatî siya, sa pagca,t, doon sa cahambalhambal na calagayan ay lalò pa niyang iniibig ang magtuloy siyang mamatay.
Nararamdaman niya ang totoo niyang cahinaan, baga ma,t, ualang casaquitang anomang nagpapahirap sa caniya, at ang lagnat na totoo niyang dinaramdam, ay umouî sa pauis nang boong catauan; at nang mangyaring houag humintò ay siya,y, nagbalot nang man~ga balat nang hayop na llama at hindi siya cumilos, hangan sa nang matapus ang calahating oras nacaramdam siya nang malaquing caguinhauahan.
Hindi naglaon at sinumpong siya nang isang malaquing cauhauan; at nang siya,y, iinom, ay naquita niyang ang tubig ay lumangtot na; datapoua,t, nang maalaala niya ang man~ga dayap, ay hinati niya ang isa, at sa pagsipsip niya nang catas, ay nabasâ at nalamigan ang nanunuyò niyang bibig; pagcatapus nito,y, di rin tumitiguil ang caniyang pagpapauis, ay siya,y, natulog nang mahimbing hangang quinaumagahan.
¡Totoong maguinhaua ang paquiramdam niya doon sa man~ga oras nang caniyang pagpahin~galay cung inahahalintulad niya sa man~ga saquit na nagpahirap sa caniya nang macaraang arao! Ang cabigatan nang saquit ay nacaraan na, uala na lamang natitira cundi isang daquilang cahinaan; at nacacaibig na siyang cumain, ay nagalmusal siya nang isang inihao na patatas, na pinigan nang dayap at nang magcalasa. Ang caniyang man~ga hayop na hindi na niya naalaalang dalauang arao, ay nagpaquita nang catouà touang bagay; sa pagca,t, humilig sa caniyang paanan, at ang isa,y, tinitingnan siyang magaling, na parang itinatanong cung ano ang caniyang lagay. Hindi cacaunting capalaran, na ang man~ga hayop na yaon ay nangyaring nabuhay na di umiinom na man~ga dalauang arao, sa pagca,t, cung hindi gayon ay totoong napapasamà sila sa loob nang pagcacasaquit nang canilang pan~ginoon; bucod dito,y, sa pagca,t, hindi pa siya macaban~gon at mabig-yan niya nang tubig ang caniyang man~ga hayop ay magdaraan pa ang ilang arao na di sila iinom.
Ang inahing hayop ay lumapit cay Robinson, at yayamang nalalapit na sa caniya ay pinagpilitan niyang gatasan. Ininom ang gatas nang may saquit, at ualang sala na di nacatulong nang malaqui sa caniyang paggaling yaong gatas na mainitinit pa, sa pagca,t, yayamang nagcacailan~gan nang man~ga sustanciang pagcain, ay totoong nacabuti n~ga sa caniya at nacaramdam siya nang malaquing caguinhauahan.
Natulog siyang matahimic hangan sa lumubog ang arao, at nang maguising siya,y, nacaibig cumain, at yayamang ualà siyang sucat macain cundi ang man~ga patatas na pinigan nang dayap, ay quinain niya, at pagcatapus nito,y, muling nacatulog. Ang pagtulog na ito na totoong matagal at matahimic, at ang calacasan nang catauan nang ating may saquit ay nacatulong nang di mamagcano sa caniyang paggaling, na quinabucasan ay nacaban~gon na, at nacalacad nang caunti.
Bahaguia na lamang nacalabas sa caniyang yun~gib; at nang dumating sa labas, ay itinaas ang caniyang mata sa lan~git, sa oras na ang malamlam na sinag nang arao ay namamanaag magmulâ sa silan~ganan, naglalampas sa man~ga mayamungmong sa man~ga san~ga nang cahoy, at dumarating hangan sa caniyang muc-hà, at dahil sa caiguihang init ay nacaguinhaua sa caniya. Inaacalà niyang siya,y, magaling na; at sa di mapiguil niyang caligayahan ay napasigao siya nang ganito: «¡Caibigibig na Pan~ginoon, masaganang batis nang cabuhayan! hinahandugan quita nang ualang licat na pasasalamat dahil sa cagalin~gang ipinagcaloob mo sa aquing masdan co ang maliuanag na talà sa arao, at han~gaan co ang man~ga gauang cababalaghan nang iyong man~ga camay. Narito acong nan~gan~gayupapà na cumiquilala nang daquilà mong pagaampon, sa panahong aco,y, pinababayaan nang boong mundo; di mo pinabayaang aco,y, mamatay, at nang aco,y, mabig-yan mong panahon nang pagbabago cong buhay, at nang cung samantalahin co sa gauang itong lubhang mahalaga ang lalong caliitliitang sandali, ay humahandà aco sa alin mang oras sa pagpanao dito sa bayang cahapishapis at macarating aco sa huling darating sa tauo, na doon mo bibig-yan ang baua,t, isa nang ganti sa caniyang gauang magaling ó masamà.»
Dito sa caniyang pagganting loob sa Maycapal, ay lumipat sa paggugunamgunam nang man~ga quinapal. Pinagmamalas nang caniyang man~ga mata ang calachan nang lan~git, ang pananariuà nang man~ga halamang bagong nadidilig nang hamog, ó ang caniyang man~ga hayop na nagsisicsican sa caniya, na di lamang nagpapaquita nang caamoan, cundi naman nagpapasalamat sa caniyang paggaling. Sa pagcaquita nang bagay na yaon, na totoong catouatouà at cauiliuili, para nang dinaramdam nang isang tauong nangaling sa malayong lugar at naualang malaon, ay nuling nanunumbalic sa casamahan nang caniyang familia; ay lumambot ang caniyang pusò na iquinaluhà niya sa caligayahan.
Ang han~gin sa parang, ang pagcain nang gatas na tinubigan at ang capayapaan nang loob ay lubos na nacatulong sa caniyang cagalin~gan; at sa ilang arao ay nagsauli ang caniyang lacás, na siya,y, macapanunumbalic na sa man~ga guinagauà niyang bagay.
Ang caunaunahan niyang tiningnan at siniyasat ay ang caniyang man~ga palayoc at caualing lupà, at nang caniyang maalaman cung ano ang nasapit. Datapoua,t, bahaguia na lamang niya nabubucsan ang hurno, ay naquita niyang ang lahat ay paraparang may barnis, na parang guinauà nang isang bihasa. Sa malaqui niyang caligayahan dahil sa pagcatumpac na ito, ay hindi man lamang niya naalaala na baga ma,t, siya,y, may palayoc at cauali ay hindi niya paquiquinaban~gan, sa pagca,t, ang quinuculang sa caniya ay ang lalong cailan~gan, ang apuy bagá. Datapoua,t, nang caniyang mapagisipisip ang bagay na ito ay siya,y, natiguilan at napatun~gó ang ulo; cung minsan ay tinitingnan ang man~ga palayoc at cauali, cung minsan naman ay ang man~ga malalamig na abó nang caniyang sigá, at sa catapusa,y, nagbuntong hinin~ga.
Gayon ma,y, di niya pinahintulutan na siya,y, talunin nang calumbayan, at niuicà niya sa caniyang sarili; «ang Pan~ginoong Dios na nang una,y, nagbigay sa aquin nang apuy, ay may maraming paraan na mabig-yan niya aco uli; at cung inaacalà niyang mararapat, ay di pababayaang aco,y, magculang nitong bagay na totoong cailan~gan.»
Dalauang bagay ang iquinaaalio niya. Ang isa,y, ang pagcatalastas na hindi na siya quinuculang nang man~ga bagay naicaliligtas sa calamigan; at ang isa,y, baga ma,t, magmulà sa caniyang cabataan ay naugalian niya ang pagcain nang lamang cati, gayon ma,y, di na niya totoong paghihirapan na siya,y, maualan nang pagcaing yaon, sa pagca,t, sucat na sa caniya ang man~ga bun~gang cahoy at ang gatas nang hayop na llama.
Si Cárlos. Mangyayari pong cumain siya nang lamang cating pinaasuhan, na di nacailan~gan ang ihao pa ó ilutò pa.
Ang ama. At ¿ano ang ipagpapausoc niya?
Si Cárlos. Oo n~ga pô pala; hindi co pô naisipan ang bagay na yaon.
Ang ama. Gayon ma,y, di niya pinagsisihan ang pagcagauà niya nang man~ga palayoc at caualing lupà, sa pagca,t, magagauà man lamang niya na sisidlan nang gatas; at bucod sa rito,y, may pinaggamitan pa siya sa man~ga palayoc at caualing ito na aquing sasabihin. Natatalastas niya na ang man~ga patatas ay lalong masarap cung samahan nang manticà, at sa pagca,t, quinacailan~gan ang isang _cubeto_, sa macatouid ay isang sisidlang cahoy, na di niya magagauà, ay pinalitan niya ang caculan~gang ito nang isang palayoc na malaqui, na doo,y, tinipon niya ang lahat nang gatas na inaacalà niyang casucatan. Pagcatapus ay gumauà nang isang panghalucay na cahoy na may butas sa guitnâ, at doo,y, sinulutan niya nang capirasong tangcay; at dito na niya minulan ang paghalò na ualang tahan, hangan sa nabucod ang mantequilla sa gatas. Pagcatapus ay hinugasan niya nang tubig na malinis, linag-yan niya nang asin at linamas.
Dito,y, totoo siyang naliligaya sa pagcasunod nang caniyang nasà; datapoua,t, nang ibig na niyang camtan ang bun~ga nang caniyang casipagan, ay naalaalang sapilitan siyang man~gin~gilin sa pagcain nang patatas, sa pagca,t, ualang apuy na pagihauan; ito,y, isang bagay na sa pagmamadalî niya ay di na niya naisip. N~gayo,y, mayroon na siyang mantequilla, datapoua,t, ang quinuculang sa caniya ay ang ihahalò; tinitingnan niya,t, ninanasang canin; datapoua,t, nang di niya macain ay siya,y, nalumbay na para nang dati. Tunay n~ga,t, mangyayaring cumain siya nang talaba, gatas, níyog at lamangcating hilao na binugbog; datapoua,t, ¿di caya mangyayaring culan~gin siya balang arao? Ang totoong dinaramdam niya ay hindi niya maalaman ang paraan na icaguiguinhaua nang caunti nang caniyang capalaran.
¿Ano cayang bagay ang gagau-in niya n~gayon? Nagauà na niya yaong lahat nang bagay na sucat magauà nang caniyang camay, baga ma,t, ualang casangcapan; inaacalà na niyang ualà na siyang natitirang gagau-in; totoong mahirap na bagay na sa acalain lamang ay quinayayamutan na niya; totoong nagauî siya sa paggauà at sa pagsasamantala nang panahon. Totoong madalas niyang sabihin na caya nabago ang man~ga masasamâ niyang caugalian, ay sa pagca,t, napipilitan siyang gumauà nang man~ga bagay na caniyang quinacailan~gan, habang siya,y, nabubuhay na nacaisaisa. Ang laguing casipagan, aniya, ay ina nang maraming cabanalan, para nang laguing catamaran ay ina nang lahat na masasamang caasalan.
Si Luisa. Totoong mabuti ang uicà niya; capag ang isang tauo,y, ualang guinagauà, ay ualang naiisipan cundi ang man~ga cabuhun~gan.
Ang ama. At dahil dito,y, inihahatol sa man~ga batà, na agapang hiratihin sa paggauà, yayamang cung ano ang ating pagcabataan ay siya nating pagcacatandaan. Sundin ninyo, man~ga anac co, ang hatol na ito, at cailan ma,y, di ninyo pagsisisihan.
Ang caauaauà nating Robinson ay nagpapalipatlipat sa iba,t, ibang lugar at nang siya,y, may magauà, at nang mailagan ang catamaran, sa catapusa,y, natagpuan niya ang sucat magauang totoong mahalaga. ¿Mahuhulaan caya ninyo cung ano yaon?
Si Juan. Cung aco sana,y, siya, ay maaalaman co na cung ano ang aquing gagau-in.
Ang ama. Cung gayo,y, sabihin cung ano ang iyong naisipan.
Si Juan. Ang gagau-in co sana,y, ang paglilinis nang man~ga balat nang hayop na llama, at nang houag acong pahírapan nang cagaspan~gan nang balat, at aalisin co ang balahibo, at nang houag acong totoong mainitan, baquit ang pulóng yaon ay totoong mainit.
Ang ama. Datapoua,t, ¿ano ang cacasangcapanin mo sa paggauà nito?
Si Nicolás. Cung gayon po,y, ¿aling bagay ang pinilì niyang gagau-in?
Ang ama. Iniisip niya gabi,t, arao cung mangyayaring macagauà nang isang munting bangcà.
Si Juan. ¿Baquit pò?