Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

Part 11

Chapter 11 3,941 words Public domain Markdown

Ang ama. Sa man~ga nangyayaring ito, Juan, na catacataca ay totoong marami sa mundo; at ang pagiisip nang tauo, pagcatapus nang mahabang panahon na pag-uauariuari at pagcucurò ay natalastas na maliuanag ang tunay na cadahilanan nang man~ga nangyayaring ito; datapoua,t, di naman natalastas na lahat. Ang pagcatalastas nang man~ga bagay na ito ay maquiquita sa isang carunun~gan na hindi mo naaalaman man lamang cung ano ang pan~galan. Tinatauag na Fisica. Diyan ipinaquiquilala ang nangyayari sa calamigan, para naman nang sa man~ga ibang bagay na tinatauag na natural, na sucat pagtachan. Cung pananatilihin ninyo ang pagsisicap sa pagaaral, ay n~gayong man~ga ilang panahon ay ituturò co sa inyo ang naturang carunun~gan, na totoong pagcacaliban~gan ninyo. N~gayo,y, ualang capacanan ang pagpapaaninao co sa inyo nang bagay na ito, sa pagca,t, di pa ninyo maabot nang pagiisip.

Pagbalican natin si Robinson, at talastasin ninyo na niong mapatuyò na niya ang damô, ay muling ibinunton nang masinsin nang houag maano sa han~gin at ulan, sa pagca,t, caniyang linag-yan nang pinacabubong na cauayan, para nang guinagauà nang man~ga pastor sa canilang man~ga cubo na naquita ninyo na nababalot nang dayami. Guinugol niya ang man~ga sumunod na arao sa pagtitipon nang cahoy na tuyô na inaacala niyang cailan~gan; at saca hinucay niya ang caniyang silong. Sa catapusa,y, pinulot niya ang lahat nang man~ga dayap na hinog, na nan~galalaglag sa pagugà niya sa punò, at itinagò niya,t, nang magamit sa panahon nang taglamig; dito,y, napayapà na caniyang loob, sa pagca,t, inacalà niyang sapát na ang caniyang inihanda sa totoong taglamig.

Datapoua,t, magtatapus na ang bouan nang Octubre, ay hindi pa nararamdaman ang calamigan na totoo niyang quinatatacutan; datapoua,t, totoong naguulan na tila gumuguhô ang lan~git. Totoong nalilingatong dahil dito si Robinson, at totoo niyang ipinagpipighati ang pagcaculong sa caniyang tahanan na mahabang panahon na parang isang nabibilango; sa pagca,t, mahiguit sa labing limang arao na di siya lumalabas sa caniyang yun~gib, cundi sa pagparoon lamang sa caniyang silong, sa bunton nang damo at sa batis, sa pagcuha nang tubig at cacanin na quinacailan~gan niya at nang caniyang man~ga hayop.

¡Labis nang tagal at calumbaylumbay ang paquiramdam niya sa man~ga oras na nagdaraan, dahil sa caniyang pagiisa at, dahil sa ualá siyang magauang pagcaliban~gan! Di sucat maisip, man~ga anac co, cung gaano ang caniyang cahirapan. Cung mayroong magbibigay sa caniya nang isang libro, ó isang pliegong papel, pluma at tintero, ay maligayang ipagpipilit niya sa baua,t, pliego ang isang arao nang caniyang buhay. ¡Sa aba co! ang uiniuica niyang inuulitulit; ¡pagcaualang isip co noong aco,y, bata, na inaari cong ang pagbasa at pagsulat ay isang caabalahang nacayayamot, at ang pagcaulang gauà ay isang bagay na nacaalio! Ang lalong nacababagot na libro ay aariin co n~gayong isang cayamanan: sa isang pliegong papel at sa isang tintero na macuha co ay hindi co ipapalit sa paguiguing hari.

Sa boong panahong ualà siyang guinagauà at siya,y, nayayamot ay napipilitan siyang maglibang sa man~ga gauang hindi pa niya nararanasan. Matagal nang panahong caniyang iniisip ang paraan nang paggauà nang isang palayoc at isang ilauan, na totoong paquiquinaban~gan niya, at icaaauas nang caniyang caralitaan. Baga ma,t, totoong naguuulan, ay lumabas siyang nagtatacbo sa paghanap nang lupà, at pinasimulan niya ang paggauà nang palayoc.

Dapat nating matalastas na hindi muna lumabas na magaling, at sa una niyang paggauà ay nasisirà; datapoua,t, sa pagca,t, ualà siyang magauang bagay na lalong mahalaga, ay guinauà niyang liban~gan ang paggauà nang palayoc: at capag inacalà niyang yari na, n~gunit may naquiquita siyang casiraan, ay binabago niya, at guinagauang muli. Guinugol niya ang ilang arao sa paglilibang sa gauang ito, hangan sa mayari ang palayoc at ilauan ó tinghoy na totoong mabuti ang pagcacagauà, Inilagay niya sa caniyang cusina na malapit sa apuy, at nang tumigas at matuyò, at saca ipinatuloy ang paggauà nang ibang man~ga palayoc at caualì na iba,t, iba ang lalaqui at pagcayari, na dahil dito,y, nabibihasa siya nang paggauà.

Hindi tumitila ang paguulan, at napilitan si Robinson na magisip nang cung ano ang caniyang gagau-in sa panahong yaon, at nang siya,y, maligtas sa cayamutan nang ualang guinagauà. Ang una niyang pinagcaliban~gan ay ang paggauà nang lambat. May marami siyang natitipong man~ga pisi, ó man~ga baguing na maliliit na parang abacá; at palibhasa,y, may labis, siyang panahon at calamigan nang ulo sa pagaaral nang paggauà nang lambat na macaualo ó macasampuong sinisira niya, sa pagca,t, hindi cadaling lumabas na magaling, ay sa catapusa,y, natumpacan niya ang tunay na paraan nang paggauà, at sa casipagan niya ay totoong nabihasa siya, para nang man~ga babayi ó man~ga batang gumagauà dito nang lambat. Tunay n~ga,t, naisipan niya ang paggauà nang isang casangcapang cahoy, na pinutol nang caniyang sundang na bató, at guinauà niyang parang ihauan; at sa paraang ito ay nacagauà siya nang isang lambat, na sucat paquinaban~gan, para nang man~ga guinagauà nating lambat dito.

Capagdaca nama,y, bumungô sa caniyang pagiisip ang paggauà nang isang panà at ilang man~ga palasô. ¡Oh! ¡Totoong malaqui ang caniyang caligayahan sa pagcaisip nang bagay na ito, at sa pagcadilidili sa malaquing capaquinaban~gang cacamtan niya sa caniyang panà! Sa pagca,t, mapapanà niya ang man~ga hayop na llama, ó man~ga ibon, at ang lalo pang sucat niyang paquinaban~gan, ay maliligtas siya sa catampalasanan nang man~ga tauong bundoc na bacá sacali balang arao ay tampalasanin siya. Sa malaqui niyang cainipan, na ang ibig niya,y, maquitang mayari na ang caniyang pana, ay nagmadaling lumabas, na hindi inalumana ang ulan at han~gin sa paghanap nang cahoy na quinacailan~gan.

Di sucat nating paniualaan na ang alin mang cahoy ay nagagauang panà: napagtalastas niya na quinacailan~gang humanap siya nang matigas na cahoy, n~guni,t, mababaluctot, upang cung mahubog na, at umigcas naman nang malacas.

Nang macaquita na siya nang isang cahoy na matigas at mahuhubog, ay dinala niya sa caniyang tahanan, at caracaraca,y, pinasimulan na niya ang caniyang paggauà; datapoua,t, ¡laquing paghihirap niya sa caualan nang isang sundang na bacal! macadalauang puong tagâ bago niya malinis ang cahoy, na dito,y, sa isang tagà lamang ay sucat na sa itac na may patalim: at caya n~ga, bagama,t, maghapong ualang tiguil siya nang paggauà nito na di niya binibitinan, ay naguing cailin~gan ang ualong arao bago natapus. Ang ibang man~ga batang naquiquilala co ay hindi nagcacaroon nang ganitong cayamutan nang ulo.

Si Teodora. _(Na quinacausap ang caniyang, man~ga casama.)_ Ang bagay na ito,y, sinasabi nang ating ama sa atin.

Ang ama. Natumpacan mo, Teodora. ¿At ano ang inyong acalà? ¿di baga totoo ang uica co?

Si Teodora. Oo pô; datapoua,t, magmula n~gayon, ay capag pinasimulan co ang anomang gauà ay ipatutuloy co nang ipatutuloy hangan sa matapus.

Ang ama. Ganito n~ga ang magaling, sa pagca,t, sa paraang ito,y, napaiguing totoo si Robinson, caya n~ga nagcaroon siya nang di mamagcanong caligayahan nang maquita niyang sa icasiam na arao nayari na ang caniyang panà, na ualà nang culang cundi ang busog at man~ga palasò. Cung caniyang naisipan ang paggauà nang panà niong macapatay siya nang hayop na llama, marahil ay titicman niyang gauing busog; sa pagca,t, natatalastas niyang magaling na sa Europa ay ang caraniuang guinagauang busog ay ang bituca nang tupa; datapoua,t, sa caualan nang bituca, ay pinili niya ang lubid na lalong matibay, at saca isinunod niya ang paggauà nang palasò. ¡Gaano caya ang pagpapasalamat niya sa magbibigay sa caniya nang capirasong bacal na sucat mailagay sa dulo! Datapoua,t, nang pinagiisipisip niya na ualang masasapit ang caniyang nasà, ay siya,y, na sa sa pintô nang caniyang yun~gib at caniyang ilalagay sa dulo nang palasò, cahit hindi man bacal, nagcataong nailin~gon niya ang caniyang mata sa capirasong guintô, na parang ualang cabuluhang bagay ay nacalagay lamang sa lupà. Sinicaran niya ang capirasong guintò, at ang uicà niya, ay maguing bacal ca, cung ibig mong quita,y, pahalagahan. Capagcauicà nito ay hindi man lamang tiningnang mulî.

Sa caniyang caiisip, ay naalaalang narin~gig niyang minsan, na ang guinagamit nang man~ga tauong bundoc na pinacadulo nang sibat at palasò ay ang man~ga tinic nang isdang malalaqui, at ang man~ga bató namang matutulis, at pinasaya niya sa loob na matularan sila, at saca gumauà naman siya nang isang pinacasibat.

Capagcaisip nito ay napa sa tabi nang dagat, doo,y, nagcapalad naman siya na nacaquita nang man~ga tinic nang isdang caniyang hinahanap; namulot naman siya nang man~ga batong inaacalà niyang mababagay sa gagau-in niyang sibat; pagcatapus ay pumutol siya nang isang matouid at mahabang cahoy na gagau-ing tangcay, saca umoui sa caniyang tahanan na basang basà ang catauan.

Man~ga ilang arao ay nayari niya ang man~ga palasò at sibat; ang dulo nang sibat ay batong totoong matulis, at ang dulo nang man~ga palasò ay ang man~ga tinic nang isdà, at sa punò ay tinalian niya nang man~ga pacpac nang ibon, sa pagca,t, sa ganitong paraan ay tumatacbong magaling.

Tinicman niya ang caniyang panà, at inacalà niyang bagama,t, nagcuculang nang ilang bagay na quinacailan~gan, na cung ualang casangcapan ay hindi sucat mayari, gayon ma,y, inacala niyang sucat nang maipanà niya sa ibon at sa iba pang man~ga hayop, at sinapantaha pa niyang masusugatan niya nang panà niyang yaon ang isang tauong bundoc na hubad, cung lumapit sa caniyang magaling. Datapoua,t, ang totoong iquinaliligaya niya ay ang caniyang sibat.

At saca linapitan naman ang caniyang tinghay at man~ga palayoc at caualing lupa, na sa pagca,t, naquita niyang tuyò na, ay caniyang gagamitin; dahil dito,y, linag-yan niya ang isang cauali nang capirasong tabà na quinuha niya sa man~ga hayop na llama, na ang isip niya,y, cung matunao ay magagamit niyang pinacalan~gis. Datapoua,t, totoong sumamâ ang caniyang loob nang maquita niyang matunao ang tabâ ay tumatagas sa caniyang cauali, na caonting caonti lamang ang natira. Dito,y, napaghulohulo niya na gayon din ang mangyayari sa caniyang tinghoy at ibang man~ga cauali at palayoc.

Totoong malaqui ang caniyang capighatian, at baquit inaasamasam na niya na siya,y, macacacain nang sopas, at macacaroon siya nang ilao sa gabi; datapoua,t, naquita na ninyo na madaling napaui ang caniyang pagasa.

Si Enrique. Totoo n~ga pô na malaquing capighatian ang cacamtan sa pagcaquitang naualang cabuluhan ang caniyang pinagpaguran na mahabang arao.

Ang ama. Ualà n~gang pagsala, at mayroong man~ga tauo na mayayamot na at babasaguin na ang lahat. Datapoua,t, si Robinson ay mayroon nang caunting catiisan, at tinica niyang matibay na cailan ma,y, di gagauà nang anomang bagay na pasapiao lamang, cailan ma,t, mangyaring magaua niyang magaling.

Umupo siya sa isang suloc na caniyang pinagiisipan, (gayon ang tauag niya sa isang suloc nang caniyang yun~gib, na caraniuang pinapasucan niya capag may pinagcucurong anomang bagay na mahalaga) at pinasimulan niya ang pagcamot sa noo.

Hindi pa nagtitiguil ang laguing paguulan, at caya lamang nagliuanag ang lan~git ay nang macaraan na ang dalauang bouan. Inacalà ni Robinson na pasisimulan na ang panahon nang totoong taglamig ó invierno, datapoua,t, nacaraan na. Naquiquita niya nang malaquing pagtataca na ang primavera, ang panahon bagang pamumulaclac at pagusbong nang man~ga bagong halaman ay pinasisimulan na; ito,y, isang bagay na hindi niya malirip, at cahit caniyang naquita ay tila hindi pa mapaniualaan. Ang bagay na ito, aniya, ay nagtuturò sa aquin na di co dapat salahin pagdaca ang anomang bagay na di co mapaguari.

Ang ina. At capagcauicà nito ¿hindi caya natulog?

Si Teodora. Hindi pô, at cami po,y, hindi pa nagaantoc.

Ang ama. Tungcol sa bagay na iyan ay ualà acong balità; datapoua,t, sa dating historia nang pagcatahan ni Robinson sa pulóng yaon, ay ualang nangyaring anomang bagay sa arao na yaon; inaacalà co na nang matapus na niyang mapagcurocurò ang paraan nang houag tumagas ang caniyang palayoc, ay siya,y, natulog na. Ito rin naman ang gagau-in natin hangang mamaya, nang tayo,y, maguising na maaga.

=ICALABING ISANG HAPON.=

Si Juan. N~gayon po,y, cung malagay aco sana sa lugar ni Robinson.

Ang ama. ¿Ibig mo baga?

Si Juan. Oo pô, sa pagca,t, mayroon ang lahat na man~ga quinacailan~gan, at natitira siya sa isang lugar na totoong magaling, na ualang totoong taglamig ó invierno.

Ang ama. ¿Cung sa bagay ay nasa sa caniya ang lahat niyang quinacailan~gan?

Si Juan. ¿Di pô baga siya,y, mayroong patatas, at lamang cati, at asin, at dayap, at isdà, at pagong, at talaba, at gatas na caniyang guinagatas sa man~ga hayop na llama? ¿Di pô baga siya macagagauà nang mantica at queso?

Ang ama. Mangyayari n~gayong man~ga ilang arao ay macagauà siya.

Si Juan. ¿At di pô baga naman mayroon siyang isang panà at isang sibat; at ang lalonglalo pa ay mayroon siyang isang mabuting tahanan? ¿Cung gayon ano pa ang iibiguin?

Ang ama. Ang lahat nang ito,y, quiniquilala at pinahahalagahan ni Robinson nang ualang hangan, at pinasasalamatang macalilibo sa Dios; at gayon ma,y, ibibigay niya ang calahati nang man~ga arao nang caniyang buhay sa natitira, cung pagcacalooban siyang may dumating na isang sasac-yan nang siya,y, macaoui sa canilang bayan.

Si Juan. Datapoua,t, sabihin pô ninyo sa aquin. ¿ano pong quinuculang sa caniya?

Ang ama. Maraming bagay, totoong marami, at halos masasabi co sa iyo na quinuculang siya sa lahat nang bagay. Uala siya niyong man~ga cagalin~gan na iquina-paguiguing mapalad nang tauo dito sa mundo: uala siya sa casamahan nang man~ga tauo, uala siyang caìbigan, uala siyang capoua tauong sucat ibiguin at umibig sa caniya. Nalalayô siya sa caniyang man~ga magulang, na totoong nagpipighati dahil sa pagcaualà niya, naualay siya sa caniyang man~ga catoto, na ualà n~gang pagasang sucat pa niyang maquita cailan man, nalalayò siya sa lahat nang tauo dito sa lupa ... ¡Cahabaghabag na Robinson sa gayong cahambalhambal na calagayan! ¿Cahit ano bagang casaganaan niya sa lahat nang bagay dito sa lupa, ay ipagcacamit caya niya nang caaliuan? Ticman mong minsan na icao ay lumagay na isang arao sa isang suloc na ualang casama sinoman, at maquiquilala mo cung ano ang mabuhay na nagiisa.

Bucod dito,y, hindi pa niya natatacpan ang ibang man~ga cailan~gan na nacapagbibigay hirap sa caniya. Ang lahat nang damit na nasa catauan ay naaagnas gulagulanit, at hindi niya maalaman cung paano ang dapat niyang gau-ing paggauà nang bago.

Si Nicolás. Cahit ualang damit ay mangyayari siyang tumahan sa isang pulò, na totoong mainit, at doo,y, hindi nagdaraan ang invierno ó totoong taglamig.

Si Luisa. ¿Paano? ¿lalacad baga siyang hubad doon?

Ang ama. Totoo n~ga,t, hindi quinacailan~gan ang damit, sa pagca,t, doo,y, hindi totoong malamig; datapoua,t, quinacailan~gan ang siya,y, maligtas sa man~ga lamoc na totoong marami sa pulóng yaon. Ang man~ga lamoc doon ay totoong masasaquit sisiguid at totoong pinahihirapan ang man~ga nagsisitahan doon, at namamagâ ang lugar na masiguid at totoong masaquit na para nang siguid nang bubuyog at pucyutan; at caya n~ga ang muc-hâ at camay ni Robinson ay palaguing namamagâ. Tingnan ninyo cung gaano ang caniyang sindac, nang maquitang naaagnas na ang caniyang damit.

Ang bagay na ito at ang daquilang pagnanasang maquita ang caniyang man~ga magulang, ó ang macasama naman nang man~ga tauo, ay dahil sa man~ga bagay na ito,y, napipilitan siyang magbuntong hinin~ga sa touitoui nang mailin~gap ang matang lumuluhà sa malauac na dagat, na ualà siyang naquiquita cundi ang tubig at lan~git lamang. ¡Gaano ang casayahan nang caniyang pusò, na napadadala sa magdarayang pagasa cung nacaquiquita sa impapauid nang isang munting ulap, na sa caniyang guniguni ay inaaring isang sasac yan ná naglalayag! At capag napagquilala ang caniyang camalian, ¡ay gaano ang pagbagalbal nang luhà sa caniyang man~ga mata, at parang iniinis ang caniyang pusong nagbabalic sa caniyang tahanan!

Si Luisa. Ang nararapat niyang gau-in ay magsacdal sa Dios, na marahil ay padadalhan siya nang isang sasac-yan.

Ang ama. Ganito n~ga ang caniyang guinagauà; datapoua,t, idinadagdag na palagui ang ganitong pan~gun~gusap: _houag mong papangyarihin, Pan~ginoon co, ang calooban co, cundi ang calooban mo._

Sa pagaalaala ní Robinson, na bacá sacali ay mayroong dumaan sa malapit sa caniyang pulò, ó matiguil caya doon ang alin mang sasac-yan sa oras na siya,y, nalalayô sa tabi nang dagat, ay inacalà niyang maglagay sa isang pulô nang isang tandâ na pagcaquilanlan nang alin mang sasac-yan doon ay magdaan, na doo,y, may humihin~gi nang tulong. Nagtayò n~ga roon nang isang mahabang cahoy na binitinan nang isang bandilà.

Si Juan. ¿At saan pò quinuha ang bandilang iyan?

Ang ama. Sasabihin co sa iyo. Naquiquita niyang masamâ na ang lagay nang caniyang barò, na di na niya maisoot na muli; at quinuha niya ang pinacamalaquing piraso, at ibinitin niya sa caitaasan nang mahabang cahoy na caniyang itinayò. Sacá ninanasà niyang masaquit na lag-yan nang sulat iyong cahoy na caniyang itinayo nang mapagquilalang maliuanag ang mahigpit niyang cailan~gan; datapoua,t, ¿paanong gagau-in niya ito? Ang nacaisa isang paraan na caniyang magagauà ay ang sulatan niya nang dulo nang caniyang sundang na bató; datapoua,t, ang lalong mahirap ay ang caniyang matalastas cung anong uica ang caniyang ilalagay. Cung isulat niya sa uicang francés ó inglés, ay mangyayaring dumating ang isang sasac-yang holandés, castila ó portugués, at marahil ay sinoman sa man~ga nasasacay ay hindi nacatatalastas nang man~ga pan~gun~gusap na yaon sa capalaran niya,y, naalaala ang ilang man~ga uicang latin na itinuro sa caniya sa alisagà niyang pagaaral, na dahil dito,y, naipahayag ang caniyang inaacalà.

Si Juan. Datapoua,t, ¿mauunauà caya ito nang man~ga tauong nasasacay sa daong, na bacá sacali maparaan doon?

Ang ama. Dapat mong matalastas na ang uicang latin, baga ma,t, hindi ipinan~gun~gusap sa alin mang lugar, gayon man ay nacacalat at napaguunauà sa lahat nang nacion sa Europa: at halos ang lahat nang tauo na may camunting pinagaralan, ay macatatalastas nang caunti nang uicang ito. Naaayon n~ga sa catouiran ang pagasa ni Robinson, na ang alin mang sasac-yan na doo,y, mapasadsad, ay hindi mauaualan nang macatatalastas nang caniyang isinulat na uicang latin.

Si Juan. ¿At ano pò ang isinulat na yaon?

Ang ama. Ito ang isinulat: _Ferte opem misero Robinson._ ¿Natatalastas mo baga ito, Juan?

Si Juan. Ang cahulugan pò nito,y, Tulun~gan ninyo ang caauaauang si Robinson.

Ang ama. Ualang totoo siyang pinaghihirapan, para nang pagcasira nang caniyang sapin at medias, at ang man~ga lamoc ay sinisiguid na mainam ang caniyang paa na di niya maitiguil sa saquít; datapoua,t, sa boong panahon nang paguulan ay dumaming totoo ang man~ga hayop na ito, at dahil sa canilang man~ga siguid ay namamagâ ang caniyang muc-hâ, man~ga camay at paa.

¡Di mamacailang siya,y, umupò sa suloc na caniyang pinagcucuruan, at nang caniyang mapagisipisip ang man~ga paraan nang pagcacaroon nang damit! datapoua,t, ualà siyang napapaquinabang; cailan man ay siya,y, quinuculang nang alin mang casangcapan at nang ucol na carunun~gan, nang mangyaring caniyang macamtan ang lalò niyang ninanasà at ang lalò niyang quinacailan~gan.

Cung gagau-in niyang damit ang man~ga balat nang man~ga hayop na llama ay inaacala niyang siyang lalong madaling paraan; datapoua,t, ang man~ga balat ay magagaspang at matitigas, at cailan man ay hindi niya natalastas, at di man pinagmasdan niya cung paano ang guinagauà nang man~ga nagpapalambot nang balat, at cung sacali ma,t, natutuhan niya ang bagay na ito, ay ualà naman siyang carayom at sinulid na maitahi, at nang macagauà siya nang papaano mang damit.

Gayon ma,y, totoong malaqui ang caniyang pagcacailan~gan, sa pagca,t, sa arao ma,t, sa gabi ay hindi siya pinababayaan nang man~ga lamoc at iba pang hayop na naniniguid, na cung di niya lalag-yan nang paraan sapilitang siya,y, mamamatay.

Si Enrique. At ¿anong dahil at quinapal nang Dios iyang man~ga ualang casaysayang hayop, na ualang guinagauà cundi ang pahirapan tayo?

Ang ama. Maitatanong co naman sa iyo, ¿baquit linalang ca nang Dios, at aco naman, at ang lahat nang tauo? Ang caniyang cagalin~gan ay totoong daquila, na hindi inibig na siya lamang ang mapalad, cundi inibig naman na pati nang caniyang man~ga quinapal ay maguing mapalad. At itong man~ga hayop na pinauaualan mong halaga, ¿di caya nagcacamit naman nang canilang capalaran at caguinhauahan?

Si Enrique. Oo pô, sa pagca,t, naquiquita natin na naliligaya sa caliuanagan nang arao at sa cainitang tinatangap sa caniya, at naliligaya naman sa canilang quinacain at sa iba pang maraming bagay.

Ang ama. Cung gayo,y, dito mo mapagcucurò, na linalang sila nang Dios, nang magcamit sila dito sa lupà nang man~ga caguinhauahang iyan at nang capalarang sucat macamtan nila. ¿Di caya ito,y, isang panucalà na carapatdapatan sa isang Dios na cagalinggalin~gan at lubhang maauàin?

Si Enrique. Totoo n~ga pô; datapoua,t, ang ibig cong sabihin; ay mangyayaring houag lalan~gin nang Dios yaong man~ga hayop na nacapagpapahirap canino man.

Ang ama. Magpasalamat ca sa Dios at hindi guinauà ang gayong bagay.

Si Enrique. ¿At baquit pô?

Ang ama. Sa pagca,t, cung iyan ang caniyang guinauà, ay icao man, aco man, at sino man sa atin ay hindi mabubuhay sa mundo, sa pagca,t, tayong man~ga tauo ang siyang lalong nacapagpapahirap. Hindi lamang ating alipin ang ibang may caramdaman at buhay, cundi naman pinapatay natin sa toui nating maibigan, at nang ating macain ang canilang laman, at nang ating paquinaban~gan ang canilang balat, cung minsan nama,y, nang houag tayong siguirin, ó cung minsa,y, maraanan lamang natin ay pinapatay natin, at sa catapusa,y, cahit ualang cadahilanang ayon sa catouiran ay pinapatay natin. Cung sa bagay, ¿di lalong may catouiran ang man~ga hayop, sa pagtanong na cung baquit linalang nang Dios ang tauo na totoong malupit at tampalasan sa canila? At ¿anong isasagot mo sa isang lan~gao na tumanong nang ganito?

Si Enrique. Iyon pô ang hindi co naaalaman.

Ang ama. Paquingan mo, at aquing sasagutin ang tanong nang lan~gao: ang iyong tanong ay totoong pan~gahas, at maliuanag na napagtatalastas na ualà cang pagiisip na sucat macapagcurò; sa pagca,t, cundi gayon, ay sucat na lamang ang sandaling pagiisip, na ang Dios, dahil lamang sa caniyang cagalin~gan ay linic-hà ang caniyang man~ga quinapal, na ang isa ay magcacailan~gan sa isa at nang mabuhay, yayamang ang man~ga halaman at man~ga bun~ga nang cahoy ay dili sucat na macabusog sa sarisaring hayop na nan~gabubuhay. Nang mangyaring ang boong mundo ay mabuhay, yayamang sa tubig, sa lupa at sa han~gin ay may man~ga hayop na nan~galiligaya sa canilang cabuhayan, at nang houag naman dumaming lubha ang alin mang bagay na hayop na macasasamâ sa iba; ay inibig nang ualang hangang carunun~gan nang Dios na ang isa,y, macain nang iba. At caya n~ga icao, lan~gao, na iniitit mo ang dugò nang ibang man~ga hayop, at pati man nang dugò naming man~ga tauo, ¿baquit mo aariing masamâ ang icao,y, hulihin nang gagamba, at icao ay canin nang lan~gaylan~gayan?

¿Anong uica mo rito, Enrique? cung ang lan~gao ay may pagiisip, ¿di caya pahihinuhod sa sagot na ito?

Si Enrique. Aco,y, totoong napahihinuhod.