Part 13
Ang ama. Dahil sa isang bagay na totoong mahirap at totoong mahalaga, ang pagpipilit bagang macabalic sa casamahan nang man~ga tauo, at nang siya,y, maca-ualà doon sa capanglaopanglao na pag-iisa, na magmulà noong siya,y, maualan nang apuy ay lalò siyang nalulungcot.
Inaacalà niya na hindi nalalayong lubha sa caniyang pulò ang lupang América; at cung siya,y, mangyaring magcaroon nang isang bangcâ, cahit anong liit, ay tumatalaga na siyang sumagui sa alin mang pan~ganib, at tumauid doon cung mangyayari. Sa malaqui niyang pagnanasà, ay lumabas siya isang arao sa paghanap nang alin mang punong cahoy, na caniyang mahuhucay at nang caniyang magauang bangcâ; at dahil dito,y, nilibot niya ang ibang lugar nang pulô na di pa niya nasasapit hangan niyon, napagmalas niya ang ibang halaman na di niya naquiquilala, at ninasà niyang tingan cung caniyang macacain. Natagpuan niya, bucod sa ibang man~ga bagay, ang man~ga ilang tangcay nang mais.
Si Nicolás. ¿Para pô baga niyong naroroon sa ating halamanan?
Ang ama. Ganoon din n~ga. Pinagtac-han niya ang calac-han nang man~ga pusò, na ang iba,y, may dalauang daang butil na toong malalaqui at nagcacadiquitdiquit. Inacalà niya agad na sa man~ga butil na yaon ay magagauang pagcain at tinapay naman. Datapoua,t, ¿paano ang gagau-in niyang pagliguis? At cung ualang apuy ¿paano ang gagau-in niyang paglulutò nang tinapay? Baga ma,t, inaacalà niyang hindi maaari, ay namitas siya nang ilang pusò, at ang nasa niya,y, itanim ang man~ga butil. ¿Sino, aniya, ang nacaaalam, cung sa calaunan ay paquiquinaban~gan co ito?
Itinuloy niya ang paglacad, at nacaquita naman siya nang isang cahoy na may bun~gang nabibiting parang pusò, na hindi niya naquiquilala; at nang bucsan niya ang isa, ay naquita niya sa loob ang man~ga apat na puong tila almendras na totoong malalaqui. Baga ma,t, inacalà niyang hindi mabuti ang lasa, ay itinagò niya sa supot ang ilang man~ga bun~gang hinog.
Si Juan. ¿At ano pô ang man~ga almendras na yaon?
Ang ama. Man~ga butil nang cacao na guinagauang siculate.
Si Nicolás. Mabuti n~ga, at siya,y, macaiinom na nang siculate.
Ang ama. Dahandahan tayo. Caunaunaha,y, hindi natatalastas ni Robinson na yao,y, cacao. Sacá quinacailan~gan na ibusá, liguisin, at haluan nang asucal, na ualà siya; at houag na nating sabihin ang canela at iba pang bagay na caraniuang inihahalò, at nang magcalasa ang siculate sa pagca,t, ang caualan nitong ma~nga bagay na ito ay hindi sucat maitulad sa caualan nang apuy.
Sa catapusa,y, nacaquita si Robinson nang isang cahoy na totoong malaqui, na di niya naquiquilala na para rin nang cacao. Ang bun~ga ay totoong malaqui na para nang niyog; datapoua,t, ualang matigas na balat, at ualà namang bunót, at ang boong bun~ga ay nacacain na totoong masarap. Ang cahoy na yaon ay iba ang lagay sa niyog, sa pagca,t, ang niyog ay mayroong isang punò at sa itaas ay ang man~ga dahon ay parang bun~ga; datapoua,t, ang cahoy na yaon ay may maraming san~gá na nababalot nang man~ga dahon. Nang tumagal ay napagquilala, na ang cahoy na yaon ang tinatauag na _cahoy nang tínapay_, na caya tínatauag na ganoon, ay sa pagca,t, ang caniyang bun~ga ay siyang pinacatinapay nang man~ga tauong bundoc.
Minamasdan niya na ang punò nang cahoy na yaon, dahil sa caniyang catandaan ay hucáy na ang cabilang tabí; dahil dito,y, inacalà niyang yaon ang totoong mabuting gau-ing bangcâ, cung mangyayaring maihahapay niya at malalaliman nang hucay. Datapoua,t, ¿baquit puputulin ang isang cahoy na totoo niyang paquiquinaban~gan? Baquit siya,y, nagaalan~gan cung siya,y, macagaugauà nang isang bangcâ ó hindi. Ang pagcucurong ito,y, totoong nacapagpahinà nang caniyang loob; at nang matapus na niyang mapagtimbang timbang cung dapat putulin ó hindi, ay tinandaan niyang magaling ang lugar na quinatatamnan nang cahoy, at umouî siyang nagcacadalaua ang caniyang loob sa isang bagay na dapat pagcuruing magaling.
Nang ipatuloy niya ang caniyang paglacad ay natagpuan niya ang ninanasà niyang mahabang panahon, ísang pugad baga nang loro, na totoong nacatouà sa caniya. Ang maliliit na inacay na totoong nacatatacot at may man~ga bag-uis na, ay nan~gagliparan: liban na lamang sa isa na di totoong malicsi ay napahuli cay Robinson, na totoong natouà sa pagcahuling ito, higuit sa cung siya,y, macatagpò nang isang cayamanan, at siya,y, nagtuloy na sa caniyang tahanan.
Si Luisa. ¿At ano pong mapapaquinabang niya sa isang loro?
Ang ama. Ibig niyang turuan nang ilang man~ga pan~gun~gusap, at nang siya,y, mauiling maquinig nang isang voces na para nang sa tauo. Tayo na nabubuhay na casama nang íbang man~ga tauo, at sa lahat nang oras ay nacacamtan natin ang pagcaquita at pagcarin~gig sa ibang may pagiisip na para natin, at macacausap natin sila ay inaacalà nating ualang cabuluhan yaong paglilibang na ninanasà ni Robinson cung mangyaring mapaquingan niya ang pan~gun~gusap nang isang loro; datapoua,t, cung tayo,y, lumagay sa caniyang quinalalag-yan, at matatalastas natin na ang inaacalà natin n~gayon na isang bagay na ualang casaysayan, ay tunay na caaliuan niyong nalulungcot na tauong nacaisaisa.
Bahaguia na lamang dumating sa caniyang tinatahanan, ay inisip ang paggauà nang isang culon~gan na paglalag-yan nang bago niyang casama; inilagay sa siping nang caniyang hihigan, at nahigà siyang natotouà, na parang nacaquita nang isang caibigan.
=ICALABING TATLONG HAPON.=
Ang ama. Sa pagtauag co sa inyo n~gayon man~ga anac co, ay hindi co inantay na dumating ang caraniuang oras, sa pagca,t, bago co pasimulan ang pagsasalaysay nang aquing historia, ay mayroon acong isasangunì sa inyo na isang bagay na totoong mahalaga, at ibig cong marin~gig ang inyong pasiya.
Si Basilio. Naririto na pô caming lahat na tumatalagang sumunod sa inyo.
Si Ramon. ¿At ano pong bagay ang ibig ninyong isanguni sa amin?
Ang ama. Tungcol sa ipinagaalinglan~gan ni Robinson sa boong magdamag, di niya iquinacatulog sumandali man.
Si Cárlos. ¿Ano pô baga yaon?
Ang ama. Ang caniyang ipinagaalinglan~gan ay cung caniyang puputulin ó hindi ang _cahoy nang tinapay_ na naquita niya cahapon nang hapon, yayamang di niya natatalastas cung matutumpacan niya ó hindi ang paggauá nang bangcá.
Si Juan. Cung sa ganang aquin ay hindi co pahahamacan ang cahoy na yaon.
Si Basilio. Cung aco,y, ibubual co.
Ang ama. Mayroon na tayong dalauang acalang nagcacaalit: ang isa,y, putulin na at ang isa,y, houag. Paquingan natin ang acalà nang iba.
Si Ramon. Inaayunan co ang acalà ni Juan.
Si Cárlos. Aco pô naman; di dapat putulin ang cahoy.
Si Enrique. Dapat putulin; sa pagca,t, quinacailan~gan ni Robinson ang isang bangcá.
Si Nicolas. Gayon din pô naman ang uicà co.
Ang ama. Nagcacaparis ang ating man~ga caisipan; caya ang nagiibig na putulin ang cahoy ay lumipat sa aquing canan, ang ayao ay lumipat sa aquing caliuà.--Totoong magaling: yayamang cayo,y, nasa calalag-yan na, ay paquingan natin ang catouiran nang baua,t, isa. Magsasalitang una si Juan; at sasabihin sa atin na cung baquit ibig na houag putulin ang cahoy.
Si Juan. Sa pagca,t, namumun~ga nang totoong masarap, at cacaunti ang cahoy na yaon sa pulóng yaon.
Si Basilio. Yao,y, isang cahoy na matanda at ucab na, at di na maglalaong panahon ang caniyang pamumun~ga.
Si Juan. ¿Baquit mo natalastas? Cahit ucab sa isang tabi, ¿di caya maraming cahoy ang naquiquita nating may malaquing hucay sa punò, ay namumun~ga ring mahabang panahon?
Si Nicolás. Dapat pasuplin~gan ni Robinson ang ilang san~ga nang cahoy na yaon, para nang guinauà niya sa man~ga niyog; at cung gayo,y, cahit ihapay niya, ay may matitira sa caniya nang man~ga cahoy na yaon.
Si Ramon. Oo; ualà n~gang dapat gau-in cundi ang pasuplin~gan! At ¿madali caya mamun~ga ang man~ga cahoy? Marahil man~ga apat ó limang taon bago mamun~ga.
Si Enrique. Datapoua,t, ¿di caya lalong magaling ang magcaroon si Robinson nang isang bangcà at nang siya,y, macapagbalic sa casamahan nang ibang man~ga tauo, nang houag siyang mapalagui na nacaisa isa sa pagtirá sa pulóng yaon, na ang caniyang quinacain ay ang bun~ga nang cahoy?
Si Juan. Cung ang bangcà ay magagauá agad, ay dapat sanang putulin; datapoua,t, nacaisa isang palacol na bató ang caniya, ay ¿paano ang gagau-ing pagputol niyong cahoy na totoong malaqui? ¿Paano ang gagau-ing paghucay?
Si Basilio. Cung siya,y, magtitiyagá nang paggauà at di magbabalisausauin, ay inaasahan cong mayayari niya.
Si Ramon. Datapoua,t, cung ualà siyang layag sa caniyang daong, ¿paano ang caniyang gagau-in?
Si Nicolás. Magdala siya nang gaod.
Si Carlos. Mabuting totoo palá. At ¿cung mabali ang caniyang gaod, ó cung mapagod siya? ¿Hindi mo naaaalaala ang nangyari niyong tayo,y, nasasacay sa isang paraoparauan, noong tayo,y, nalalapit sa Travemunda sa dagat nang Báltico, at sa pagca,t, nabali ang gaod nang isang marinero? Ay sinabi sa atin niyon nang ating ama, na cung mabali sa dacong itaas, na di na mangyaring igaod, ay di tayo maisasadsad sa lupà nang man~ga marinero sa isang gaod lamang.
Si Basilio. Oo n~ga; datapoua,t, yao,y, isang bangcang malaqui, na quinalululanan nating labing ualo catauo; sucat na lamang ang magcaroon si Robinson nang dalauang gaod ay macaaalis na sa pulóng yaon.
Ang ama. Naquita na ninyo, man~ga anac co, na ang bagay na iyan ay totoong mahirap acalain. Lahat nang catouirang inyong sinabi ay naacalà na ni Robinson at sa ganang magdamag ay pinagcucuro niya ang baua,t, isa sa lahat na yaon; sa pagca,t, ang pagsisiyasat cung nararapat na gau-in ó houag ang alinmang bagay, ay siyang tinatauag na pagcucurò. Magmulà nang maranasan niya ang masamáng quinasapitan nang caniyang capan~gahasan na paglibot sa mundo, at pinabayaan niya ang bahay nang caniyang man~ga magulang, mulà na niyon ay caniyang sinusunod na parang isang utos, na houag gumauà nang anomang caliitliitang bagay, cundi muna mapagcurong magaling, at sa pagsunod niya sa utos na ito tungcol sa bagay na hinaharap, ay napaggunamgunam niya ang lahat nang cabagayan, at napagunaua niya na ang dapat siyasatin, ay cung cabaitan baga ang lisanin ang isang tunay na paquinabang, baga ma,t, maliit, dahilan sa paghanap nang isang capaquinaban~gang malaqui, cahit hindi natatalastas cung macacamtan cung hindi. Dahilan dito,y, bumungò sa caniyang pagiisip ang fábula nang aso na nagdaraan sa ilog na may lalang lamangcati ...
Si Cárlos. Iyan po,y, nasasaulo co. Paquingan ninyo,t, aquing sasabihin:
_Sa sinomang nagnanasà pagaari nang capouà alipa,y, mauaualà ang ari niyang alagà._
May isang asong sa ilog ay natauid, Camunting lamangcati,y, tan~gay sa n~gipin, Nang siya sa tubig ay nananalamin, Isip ay ibang asong dalang cacanin.
Inacalang inagao sa bibig niya, Datapoua,t, dito,y, nagcamalî siya, Pagca binitiuan ang caniyang dala At hindi nacamtan ang ninanais niya.
Ang ama. Natatantô naman ni Robinson ang fàbulang ito na para mo; datapoua,t, pinagcurocurò niya na ang man~ga magsasaca,y, itinatanim ang butil na sucat paquinaban~gan, at pinababayaang mabuloc at masirà dahil sa pagasang macacamtan ang lubhang marami niyang ibubun~ga. Oo n~ga, aniya, ang casaquiman nang aso ay ualang sucat paquinaban~gan, sa pagca,t, ninanasa niya ang isang anino na di niya aabutan, cahit ano ang caniyang gau-in. Hindi gayon ang pagasa nang man~ga magsasacá, sa pagca,t, naaayon sa catouiran ang canilang ninanasà sa pagani nang bun~ga, baga ma,t, may sucat dumating na anomang sacunâ na ìcasirà nang pananim.
¿Di caya ito ay catulad co? Cung aco,y gumauà arao arao nang boong casipagan, ¿di caya maipan~gan~gacò co na magagauà sacali,t, ito,y, mayari co, ¿di co caya maaasahan na aco,y, macaalis dito sa paggiisang ito, at dahil sa aquing bangcà ay aco,y, macalìlipat sa alin mang lupang may tauo?
Ang pagcucurong ito,y, sa pagca,t, totoong naaayon sa caniyang pinagnasaang lubhà, ay totoo siyang sinipag, na caracaraca,y, nagban~gon, tinangnan ang caniyang palacol, nagtacbo sa cahoy, at pinasimulan ang putol.
Cung mayroong bagay na totoong matagal at totoong pinaghirapan si Robinson, ay ang pagputol nang cahoy ay siyang pinacapan~gulo. Ang iba,y, sucat huminà ang loob; at bibitiuan ang palacol sa unang pagtagà, at aacalain na ang gauang iyon ay hindi mayayari,t, aariing ualang cabuluhan; datapoua,t, ang ating bayani cahit magibayo pa ang cahirapan at calaunan nang gauang iyon, ay hindi niya babayaan: yayamang natatalastas na natin, na inari niyang parang isang mahigpit na cautusan ang di pagsasalauahan sa paggauà nang anomang bagay ni caniyang pinagisip na magaling.
Sa boong umaga,y, hindi niya linicatan ang paggauà; datapoua,t, totoong mababao pa ang caniyang natatagà sa di mabilang na caniyang pagpalacol: dito na niya mapagcucurò cung gaanong panahon ang quinacailan~gan bago niya maihapay ang cahoy at bago niya magauan, bangcâ. Sa pagcatalastas niya na ang gauang ito,y, bibilang nang maraming taon ay inacalà niyang cailan~gan na siya,y, magcaroon nang isang método ó maayos, na pagcacabahabahagui nang caniyang man~ga gagau-in, na sa gayong oras ay gayong bagay ang gagau-in niya; sa pagca,t, naranasan niya sa sarili na ualang totoong nacadadalî sa pagganap nang man~ga catungculan nang isang masipag na pamumuhay, para nang uastong pagbabahagui nang panahon. Sasaysayin co sa inyong isaisa ang pagcacasunodsunod nang man~ga guinagauà ni Robinson sa arao arao.
Nagbaban~gon pamamanaag nang arao, at pagdaca,y, tinutun~go ang calapit na batis, na doon niya hinihilamusan ang caniyang muc-hà, at hinuhugasan ang man~ga camay, dibdib at man~ga paa, at sa caualan nang pamunas, ay inaantay niyang matuyò nang han~gin, at catulong sa pagcatuyong ito ang pagtacbo niyang papaouì sa caniyang tahanan. Dito,y, nagbibihis, at pagcatapus ay umaaquiat sa ibabao nang buról, na sa ibabà, nito,y, naroroon ang caniyang yun~gib. Sa pagca,t, ualang nacapipiguil na anoman sa caniyang man~ga matá ay inililin~gap niya sa sarisaring cababalaghang guinauà nang Dios; at capagang caniyang loob ay itinataas na sa lan~git sa gayong pagcaquita, ay nan~gan~gayupapà siyang naniniclohod, na sinasamba niya at tinatauag sa caibuturan nang pusò ang Lumic-hâ nang lahat nang bagay. Di naman niya quinalilimutang ipanalan~gin na pagcalooban nang auà ang caniyang man~ga magulang na caniyang linisan. Dinadain~gan naman niya, at hinihin~gang tulong ang calinislinisan at mapagpalang Virgen na siya,y, tulun~gan, at houag pabayaang magcasala sa arao na yaon at sa lahat nang arao nang caniyang buhay, gayon din napaaampon cay San José, sa Angel na tagatanod, at sa man~ga santong caniyang pintacasi, nang siya,y, iligtas sa dilang capan~ganiban nang caloloua,t, catauan sa arao na yaon, at sa man~ga haharaping arao nang caniyang buhay. Pagcatapus siya,y, nananaog at caniyang guinagatasan ang caniyang hayop na llama, na untiunting dumarami; nagaalmusal siya nang caunting gatas na mainitinit pa; at itinatagò niya ang natitira sa caniyang pamingalan. Ito ang caniyang guinagauà sa unang oras nang umaga.
Isinasacbat niya ang caniyang sandata sa pagtatangol nang caniyang buhay, at ang caniyang man~ga casangcapan sa paggauà, nagtutuloy siya, cung oras nang pagurong nang tubig, sa tabí nang dagat, at doo,y, namumulot siya nang man~ga talaba na cacanin sa tanghali; at cung sacali,t, oras nang pagsulong ay nagtutuloy siya sa cahoy na pinasimulan niyang pinuputol na gagau-ing bangcâ. Caraniua,y, sumusunod sa caniya ang caniyang man~ga hayop na nan~gin~ginain, habang siya,y, may guinagauà.
Capag man~ga á las diez na ang arao na totoong umiinit, ay napipilitang itiguil niya ang caniyang guinagauà. Nagbabalic si Robinson sa tabi nang dagat, sa paghanap nang man~ga talaba, cung sacali,t, ualà siyang naquita cung umagang umaga, at sa paliligò naman, na caraniuang guinagauà niya macalaua maghapon, at bago mag á las doce ay nagbabalic na siya sa caniyang tahanan na casama ang caniyang man~ga hayop.
Guinagatasang mulî ang caniyang man~ga hayop; gumagauà siya nang parang queso, at inihahandà niyang madalî ang caunti niyang pagcain, na ualà cundi capirasong quesong binasâ nang gatas, ilan talaba at calahating niyog. Ang caiguihan lamang ay hindi siya malacas cumain doon sa mainit na lugar, gaya nang caraniuang quinacain sa man~ga malalamig na lugar; datapoua,t, sa pagca,t, nahirati mulâ sa cabataan sa pagcain nang lamangcati, ay dili mangyaring di niya hanapin; at nang mangyaring macamtan niya ang nasà niyang ito, ay ang guinagauà niya,y, linulutò niya sa bubog.
Habang siya,y, cumacain, ay nagaalio siya sa pagtuturò nang pan~gun~gusap sa caniyang loro, at inuulitulit niya na di mamacailang ang isang pan~gun~gusap, na ang nasà niya,y, matutong man~gusap balang arao.
Si Enrique. ¿At ano pô ang ipinacacain niya sa loro?
Ang ama. Ang man~ga loro,y, capag nacacaualà, ay ang caraniuang quinacain ay man~ga niyog, man~ga papaya, man~ga butó nang calabasa at iba pang man~ga bun~ga nang cahoy; datapoua,t, ang man~ga inaalilà, ay nahihirating cumain nang lahat halos na quinacain nang tauo; at caya n~ga marahil ang ipinacacain ni Robinson sa caniyang loro ay gatas at niyog.
Sa tanghali ay nagpapahin~gang isang oras sa lilim, cung minsa,y, sa lugar na inaacalà niyang maguinhaua ang hihip nang han~gin, ó cung minsan nama,y, sa caniyang yun~gib, na nalilibot siya nang caniyang man~ga hayop na llama, at ang loro,y, na sa sa caniyang siping. Cung minsa,y, siya,y, nacaupô at nacaharap sa caniyang man~ga hayop na caniyang quinacausap, tulad sa isang batang nagsasalitâ sa caniyang man~ga manícà. Totoong malaqui ang caniyang nasà na ipaquilala ang laman nang caniyang loob sa isang tauong capouà niya may pagiisip, cung minsa,y, nacacalimutan niya na ualang pagiisip ang man~ga hayop na caniyang caharap; at capag nadirin~gig niya na ang caniyang loro, na tinauag niyang si Pol, ay natututong man~gusap na maliuanag nang isang pan~gun~gusap, ay totoo siyang naliligaya, na para siyang nacaririn~gig nang pan~gun~gusap nang tauo; at nacacalimutan niya ang pulóng caniyang tinatahanan, ang caniyang man~ga hayop na llama at ang caniyang loro, ay naguguniguni niyang siya,y, na sa casamahan na nang man~ga tauo. Datapoua,t, capag siya,y, nacapagmulimuli, at maalaala niyang siya,y, nacaisa isa doon sa mapanglao na ilang, ay nagbubuntong hinin~ga siya, na ang uica niya,y, ¡caauaauang Robinson!
Man~ga á las dos nang hapon....
Si Nicolás. ¿Paano pong pagcatalastas niya nang oras cung ualà siyang orasan?
Ang ama. Tinutularan niya ang man~ga tauong bundoc, na ang minamasdan ay ang taas nang arao, at pinagaacaacalà cung anong oras.--Sa á las dos nang hapon ay nagbabalic sa cahoy na caniyang pinuputol, at dito sa pinacamahalaga niyang gauà ay guinugugol niya ang dalauang oras, pagcatapus ay napatutun~gong muli sa tabing dagat sa paghanap nang talaba, ó naliligò caya cung totoong naiinitan.
Guinugugol ang natitirang oras nang arao sa pagtatanim sa caniyang halamanan nang man~ga mais at patatas, at inaasahan niya na cung siya,y, magcaroong muli nang apuy, ay siyang lalong masarap niyang pagcain: cung minsa,y, pinasusuplin~gan niya ang _cahoy nang tinapay_: dinidilig niya ang man~ga bagong supling: nagbabacod caya siya nang man~ga halamang buháy, at nang masarhan ang caniyang halamanan, ó quinacapon caya ang man~ga punong cahoy, na parang man~ga bacod na nacalilibid sa harap nang caniyang tahanan, binabaluctot niya ang man~ga san~gang malalambot, at nang cung lumaqui ay magbigay lilim sa caniyang tahanan.
Malaquing totoo ang capighatian ni Robinson na ang pinacamahabang arao sa pulóng yaon ay hindi lumalampas sa labing tatlong oras, at sa calaguitnaan nang tagarao ó estío, na isa sa apat na estaciones nang taon sa Europa, ay gabi na ó á las siete. Sinasamantala niya ang pinacadaquilang bahaqui nang arao; at bago magtaquip silim capag ualà siyang malaquing capansanan ay nagsasanay siya....
Si Ramon. ¿Anong pagsasanay na caniyang guinagauà?
Ang ama. ¿Ang pagbigcas nang panà, at ang paghahaguis nang sumbiling, at nang siya,y, mabihasa at maipagtangol ang buhay, cung sacali,t, siya,y, may masumpun~gang man~ga tauong bundoc na man~ga maban~gis, ó anomang hayop na ganid na totoo niyang quinatatacutan. Untiunti siyang nabihasa sa dalauang gauang ito, na cahit malayo ang caniyang pinatatamaan na casinglaqui nang piso ay bahaguia na lamang siya sumasala.
Pagdating nang gabi, na cung minsa,y, sa liuanag nang bouan, at cung minsa,y, sa malamlam na banaag nang man~ga bituin, ay hinahapunan niya ang caraniuan niyang quinacain, at bago siya magpahin~galay, ay tinitipon niya ang caniyang loob sa pagsisiyasat nang caniyang man~ga guinaua, at tumatanong siya sa caniyang sarili: ¿ano ang pinagcagugulan mo sa arao na ito? N~gayon at tumangap ca nang man~ga bagong biyaya, ¿itinaas mo caya ang iyong man~ga pagdidilidili sa camahalmahalang batis na pinangangalin~gan? ¿Napuspos baga ang iyong pusò nang caguilioguilio na pagibig at pagquilalang loob sa Macapangyarihang nagbigay sa iyo? ¿Nagbigay ca caya nang tandâ nang iyong pagasa sa man~ga capighatian mo? ¿Nacacalimutan mo caya siya sa iyong man~ga caguinhauahan? ¿Itinapon mo caya sa iyong loob ang man~ga masasamang panimdim? ¿Pinagpilitan mo cayang supilin ang man~ga ualang tutong nasà nang iyong pusò? Sa catagang uicà, ¿tunay baga ang pagbabagong buhay mo?
Sa touinang nacasasagot at natatahimic ang caniyang conciencia sa ganito,t, iba pang man~ga tanong, ay nagpapasalamat siya sa pinangangalin~gan nang lahat nang gracia, na tumulong sa caniya nang siya,y, masulong nang caunti sa landas nang cabanalan; datapoua,t, capag may naquiquita siyang bagay na di icatahimic nang caniyang conciencia, ay totoong nagpipighati at nagbubuntong hinin~ga siya sa pagcasayang nang arao na yaon, sa pagca,t, inaacalà niyang masasayang yaong arao na ipinagisip niya ó iguinauà caya nang anomang bagay na nimamasamà niya sa pageexámen ó pagsisiyasat nang caniyang conciencia sa gabi. Sa tabi nang guhit na pinagtatandaan niya nang arao sa isang cahoy na guinagamit niyang parang calendario, ay linalag-yan niya nang isang cruz, tandà nang caniyang casalanan na ipinan~gan~gacò niyang pacaiin~gatan nang totoo at nang houag niyang macamtang mulî.
Ang paraang ito, man~ga anac co, ang guinagamit ni Robinson sa pagbabago nang asal, at inihahatol co sa inyo na tularan ninyo ang caniyang cahalimbauà, cung iniibig ninyong cayo,y, mahirati sa paggauà nang cabanalan para nang nararapat. Magcaroon cayo touing gabi nang sandaling oras na matahimic sa pagsisiyasat ninyo nang inyong inasal sa loob nang maghapong yaon; at cung sa inyong man~ga panimdim, uicà at gauà ay may maquita cayong anoman na di matangap nang inyong conciencia, ay itandâ ninyo sa isang munting cuaderno, nang inyong maalaalang manacanacà, at nang sa pagcaquilala ninyo nang inyong pinagcamalan, ay pacain~gatan at pacailagan ninyong magaling sa haharaping arao. Sa ganitong pagpipilit ninyo na icababago nang alin mang asal na hindi magaling, ay mararagdagan arao arao ang toua,t, caligayahan nang inyong loob.
Totoong iquinaliligaya co, man~ga anac co, na cayo,y, totoong masunurin, at naquiquita co na ang baua,t, isa sa inyo ay lumiligpit sa iba,t, ibang punong cahoy, at guinaganap ninyo ang mahalagang hatol na ibinigay co sa inyo n~gayon.
=Catapusan= nang unang tomo