Part 2
--Tinanggap natin ang biling ito,--aniya,--baka tayo'y mapahamak. Ang katad ay mahal, ang _barini_ ay magagalitin; huwag lamang tayong magkamali ay ... Ang iyong mata ay malinaw kaysa akin; ang iyong kamay ay lalong tumpak; naito ang sukat, tabasin mo ang katad at samantala ay gagawing ko ang iyong ginagawa.
Sumunod si Mikhail, tinagnan ang katad, iniladlad at pinasimulang tinabas.
Tinitignan ni Matrena, na hirati sa gayong gawain, at ikinamangha na tinabas ni Mikhail ang katad sa isang anyo na hindi magagamit na pambota. Ibig niyang magsalita, nguni't kanyang naisip:
--Marahil ay hindi ko naulinigan kung anong anyo ng bota ang kailangan ng _barini_; nalalaman ni Mikhail ang ginagawa, at hindi ko siya pakikialaman.
Ginawa ni Mikhail na isang susuutin sa paa at tinahing parang sandalyas. Namangha si Matrena, nguni't hindi siya pinakialaman, at ipinagpatuloy ni Mikhail ang pagtahi. Dumating ang oras ng pagkain. Tumindig si Semel at kanyang napuna na ginawang sandalyas ni Mikhail ang katad at hindi ginawang bota, bagay na nakapagtataka sa isang tao na kailanman ay hindi nagkamali. Si Semel ay nakapagbigkas tuloy ng isang badyang pamangha.
--Ating nasira ang katad; ano kayang sasabihin ko sa _barini_? Saan kaya ako makakasumpong ng ganyang katad?
At sinabi kay Mikhail.
--Anong ginawa mo. Ako'y iyong ipinahamak, katoto. Hinihingan ako ng _barini_ ng bota. Nasaan?
Noon nga ay may tumuktok sa pintuan. Sa dungawan ay nakita ang alila ng _barini_, na nagtatali ng kanyang kabayo sa pintuan. Pinagbuksan ni Semel at ang alila ay patang-pata sa pagod.
--Magandang gabi po, suki.
--Magandang gabi rin pu naman. Anong nangyayari?
--Inutusan pu ako ng asawa ng _barini_ upang kunin ang mga bota.
--Ang mga bota?
--Opo, hindi na pu kailangan ng _barini_; hindi na pu niya maisusuot. Nais sa inyo ng asawa ng barini na humaba nawa ang inyong buhay.
--Hindi pu nagawing dumating na buhay sa bahay. Namatay sa _vozok_ o karwahe. Dumating kami, aking pinagbuksan at nakita kong nakatimbuwang at bangkay. Pinaghirapan namin ng paglalabas sa _vozok_. Inutusan ako sa inyo ng asawa ng _barini_, na sinabing:--Pumaroon kang sabihin mo sa magsasapatos, na ang gawin ay sandalyas na pansuot sa bangkay at huwag bota na gaya ng ipinasadya ng _barini_. Sabihin mong ipagmadalian. Ikaw ay maghintay at dalhin mo ang mga sandalyas.
Dinampot ni Mikhail ang sandalyas at pati ng pinagputulang katad, binalot na lahat at iniabot ang balutan sa alila, na naghihintay:
--Adiyos mga kapatid, tulungan nawa kayo ng Maykapal.
VIII
Nakaraan ang isang taon, dalawa, at may anim nang taon na si Mikhail ay na sa bahay ni Semel. Ang buong pamumuhay, ay di rin nagbabago. Kailanma'y hindi siya umaalis. Bahagya nang magsalita at mamakalawa lamang napangiti, na ang una, ay ng hainan siya ng asawa ni Semel, at ang ikalawa'y ng dumalaw ang _barini_. Si Semel ay tuwang-tuwa sa kanyang pangulong manggagawa at di niya tinatanong kung saan galing; iisang bagay ang kanyang pinapanimdim, na baka si Mikhail ay lumayas.
Isang araw ay nagkakapisan silang lahat. Ang mga bata ay naglalaruan at nangaghahagaran sa mga bangkong malapit sa mga dungawan. Si Matrena ay nagpapainit ng mga bakal na pambaluktot; si Semel ay may hawak na pambutas; at si Mikhail ay nagtatapos ng isang takong. Isa sa mga bata ay humilig sa balikat ni Mikhail na nasa tabi ng dungawan at nagsabing:
--Tignan mo, Mikhail, naito ang isang tindera na may kasamang dalawang batang babae; tila mandin paparito sa atin. Isa sa mga batang babae ay pipilay-pilay.
Pagkarinig ng mga salita ng bata ay iniwan ni Mikhail ang gawain at dinungaw. Si Semel ay napataka; si Mikhail ay hindi nanunungaw kailanman at ngayo'y nakikita niyang nakadukwang. Si Semel ay nakidungaw rin. Kanyang nakita nga, na may isang babaing lumalapit, na maigi ang pagkabihis at may kasamang dalawang batang babae na nangababalabalan ng katad at nangakapamindong sa ulo ng panyong lana. Ang dalawang bata ay magkamukha at halos hindi mawari ang pagkakaiba nilang dalawa, nguni't ang isa sa kanila ay napipilay at kinakaladkad ang paa.
Ang babae ay tumigil sa pintuan, ibinukas ang pinto, at nasok na kasunod ang dalawang bata.
--Magandang umaga po, mga maestro,
--Dumating nawa kayo ng maligayang oras. Anupung sadya ninyo?
Ang babae ay naupo, at ang mga bata ay hindi humiwalay sa kanyang siping.
--Ititingin ku po ng sapatos ang mga batang ito.
--Kailanman po ay hindi kami gumawa ng napakaliit, nguni't maigagawa namin kayo ng inyong ibigin. Amin pung titignan kung maigagawa namin kayo ng aporong basahan o ng katad. Sabihin ninyo ang inyong ibig. Si Mikhail na aking pangulong manggagawa ay totoong matalino.
Lumingon si Semel at nakita niya na walang kaalis-alis ang mata sa mga bata.
Si Semel ay napamangha ng higit at higit. Tunay na ang mga munting batang yaon ay magaganda, nakatutuwa, may mga pisnging namumula-mula at maiitim ang mata; ang mga balabal at ang mga pamindong ay napakarikit, nguni't hindi niya maunawa kung bakit nakahalina ng gayon na lamang kay Mikhail, na para bagang kilalang-kilala na niya. Si Semel ay nakipagsalitaan sa babae at kanyang kinuha ang sukat.
Kinalong ng babae ang pilay at nagsabing:
--Kunan ninyo ng dalawang sukat ito.
Igawa ninyo ng isang sapatos ang paang pilay at tatlo ang magaling, sapagka't kambal ay magkapara ng sukat.
Pagkatapos na masukatan, ay nagtanong si Semel na nakatingin sa pilay:
--Anu po ang ikinapilay? Ipinanganak na pu bang ganyan?
--Hindi po, natuntungan ng kanyang ina.
Si Matrena, na nakakapakinig ng salitaan ay nakisagot.
--Sino ka,--aniya--at sinu-sino ang mga batang ito? Ina ka ba nila?
--Ako'y hindi nila ina o kamag-anak man; sila'y mga inari kong anak.
--Diyata't pinakaiibig mong maigi ay hindi mga kadugo?
--Bakit hindi ko iibigin sila? Pinasuso ko sila ng aking gatas. Ako'y nagkaanak ng isang lalaki na kinuha sa akin ng Diyos; hindi ko totoong inibig na gaya ng mga ito.
--Kanino ngang anak sila?
IX
Si Matrena ay nakipagsalitaan sa babaing yaon, na nanalaysay ng ganito;
--May anim na taon nang ulila sila. Ang ama ay namatay ng martes at ang ina ay ng biyernes. Sila'y naulila sa ama bago naipanganak at ang kanilang ina ay hindi nabuhay ng isang araw man lamang pagkapanganak sa kanila. Nuon nga ay nakatira kami ng aking asawa sa nayong yaon, at sila'y aming kakapit-bahay. Ang ama'y gumagawa sa gubatan, at nabuwalan ng isang punong-kahoy; nasaktan ng di kawasa na anupa't pag-dating sa bahay ay inihandog ang kanyang kaluluwa sa Diyos. Ang kanyang asawa'y nanganak pagkaraan ng tatlong araw, na ang mga ito ang naging anak. Mga kaawa-awa at walang mag-andukha. Sa palibot ng kanilang higaan, ay walang hilot o alila; nanganak na mag-isa. Dinalaw ko kinaumagahan, ako'y pumasok at aking natagpuang patay na ang abang babae. Pagkamatay ay nadaganan ang munti at napilay ang paa nito. Dinaluhan ng mga tao, inayos ang bangkay, isinilid sa kabaong at ibinaon sa lupa. Ang mga kapitbahay ay mabubuting tao, nguni't ang mga sanggol ay naulila at walang mag-andukha. Ako nga ang tanging nag-alaga sa kanila; nagpapasuso ako ng aking panganay at ipinakisuso ko sila. Ang mga _mujik_ ay nagtitipon, nagsalitaan, nagsanggunian kung ano ang marapat gawin sa kanila, at ito ang sinabi sa akin:
--Ikaw na ang bahalang mag-alaga sa mga sanggol na ito, iyong pasusuhin at mapagiisip-isip mo ang lalong magaling. Napasuso ko na ang una, nguni't ang isa, ang abang pilay ay hindi pa, hindi ko akalaing mabuhay, nguni't agad iniwaksi ko ang aking katigasang-loob; dumadaing at aking kinahabagan. Bakit maghihirap iyang kaluluwang anghel? Aking pinasuso at inalagaan ang tatlo, ang aking anak at ang mga ulila, ako nuo'y bata at malakas, kumain akong mabuti at nagkaroon ako ng saganang gatas, at ako'y pinagpala ng di kawasa ng Panginoon. Pinasususo ko ang dalawahg bata at naghihintay ang ikatlo, pagkabusog ng dalawa, ay saka ko pinasususo ang ikatlo at ipinagkaloob sa akin ng Diyos na sila'y aking mabuhay. Ang aking anak ay namatay pagkaraan ng dalawang taon, at hindi na ako pinagkalooban, pa uli ng Diyos ng anak. Habang ito'y nangyayari ay bumubuti ang aming pamumuhay, ngayo'y natitira kami sa isang alilisan, sa bahay ng isang may tindahan. Binabayarang kaming mabuti at ang aming buhay ay tiwasay, nguni't wala akong anak. Sinu pang aking lilingapin kung wala ang mga batang ito? Wala nga akong mga kasama. Bakit ko nga di ibigin at mahalin sila? Sila ang mga anino ng aking mata at ligaya ng aking buhay.
Niyakap ng babae ang mga bata, hinagkan ang pilay at naglaro ang luha sa kanyang mga mata.
Nabubuhay ang walang ama at walang ina; hindi nabubuhay ang walang Diyos, anang kawikaan.
Gayon nagsalitaan at humanda na ng pag-alis ang babae. Sa paghahatid sa kanya nina Semel ay nalingunan si Mikhail na nakayakap ang mga kamay sa mga tuhod, ang mga mata'y nakatirik sa langit at nakangiti.
X
Siya'y nilapitan ni Semel at pinagsabihan.
--Anong ginagawa mo, Mikhail?
Tumindig si Mikhail, iniwan ang ginagawa, nag-alis ng tapi, yumukod sa mag-asawang panginoon niya at nagsabi sa kanilang:
--Patawarin ninyo ako, mga panginoon, pinatawad na ako ng Diyos. Patawarin naman ninyo ako.
Napagkita nina Semel, na si Mikhail ay nagliwanag. Tumindig si Semel, yumukod sa kanya at nagsabing:
--Napagkikita ko, Mikhail, na ikaw ay isang taong di gaya ng iba, at hindi kita mapipigil sa aking piling o matatanong man. Sabihin mo lamang sa akin: Bakit ikaw ay napakawalang-imik, at totoong gitla ng ikaw ay aking matagpuan at ipagsama sa aking bahay?
--Bakit ka pinagsaulian ng loob, ng hainan ka ng aking asawa ng pagkain? Nuon nga'y napangiti ka at sumigla ang iyong kalooban.
Saka ng pumarito ang _barini_, na magpasadya ng mga bota ay napangiti kang muli at lalong sumigla ang iyong kalooban, at ngayong dalhin dito ng babaing ito ang mga bata ay napangiti kang makaitlo at nagliwanag ang iyong mukha. Sabihin mo sa akin, Mikhail. Bakit sumisilang sa iyo itong dalisay na liwanag at bakit ka ngumiting makaitlo?
At sumagot si Mikhail.
--Sumisilang sa akin ang liwanag, sapagka't ako'y naparusahan; hinatulan ako ng Diyos at ngayo'y pinatawad na ako; ako'y napangiting makatatlo sapagka't dapat akong makarinig nga ng tatlong salita ng Diyos at aking nangarinig. Narinig ko ang una ng mahabag ang iyong asawa sa aking kaabaan, yaon nga'y una kong ikinangiti. Napangiti akong muli ng pumarito ang _barini_, sapagka't naihayag sa akin ang ikalawang salita; at ngayon, pagkakita ko sa mga bata ay ikinangiti kong pangatlo sa pagkarinig ko ng ikatlong salita ng Diyos.
Tinanong siya ni Semel: sabihin mo sa akin, Mikhail kung bakit ka pinarusahan ng Diyos at kung anong mga salita ito upang malaman ko naman.
Si Mikhail ay sumagot:
Pinarusahan ako ng Diyos dahil, sa aking paglabag. Sa langit ay isang anghel ako, at siya ay aking sinuway. Nuon ay isa ako sa mga anghel sa langit at sinugo ako ng Diyos sa isang kaluluwa, sa kaluluwa ng isang babae. Bumaba ako sa lupa at nakita ko ang isang babae na nakalugmok sa higaan, may sakit at kapanganganak lamang sa dalawang batang babae. Ang mga ito ay nangagsisihibik sa tabi ng ina, at siya'y napakahina na di niya mapasuso sila. Pagkakita sa akin ay nataho na kailangan ng Diyos ang kanyang kaluluwa; tumangis at nagsabi sa aking namamanhik:
Anghel ng Diyos, ang aking asawa ay namatay, na nabuwalan ng isang punong-kahoy sa gubat; ako'y walang ina, o kapatid, o ali: ang aking mga ulila ay walang inaasahan, liban sa aking abang kaluluwa: pabayaan mo akong mapalaki ko ang aking mga anak; ipagpaubaya mong sila'y makalaki sapagka't ang mga bata ay hindi maaaring mabuhay ng walang ama o ina.
Sinunod ko ang babae, ipinatong ko ang isang anak sa kandungan at ang isa'y sa kanyang bisig; muli akong napailanlang sa langit, at pagharap ko sa Panginoon ay sinabi kong: Hindi ko nagawing dalhin ang kaluluwa ng nanganak. Ang ama'y namatay, siya'y may dalawang anak na kambal at ipinamanhik sa akin na siya'y pabayaan kong mabuhay hanggang sa mapalaki niya ang kanyang mga anak na hindi mangyayaring mabuhay ng walang ama o ina. Hindi ko nga dala ang kaluluwang iyan.
Sinagot ako ng Diyos:
Ikaw ay yumaon at dalhin mo sa akin ang kaluluwa ng inang iyan, at mapagkikilala mo ang tatlong salita ng Diyos; iyong malalaman ang _sumasa mga tao, ang hindi ipinabatid sa tao at ang bumubuhay sa tao_. Pagkakilala mo ng tatlong salitang ito ay babalik ka sa langit.
Nagbalik ako sa lupa at dinala ko ang kaluluwa ng abang ina. Ang mga bata ay nagsibitiw sa sinapupunan ng ina at ang bangkay, sa pagkabuwal sa tagilirang kaliwa, ay nadaganan ang paa ng isa sa mga bata. Ng ako'y nakatayo sa may dakong itaas ng nayon upang dalhin ang kaluluwa sa Maykapal ay hinadlangan ako ng isang buhawi, nanghina ang aking pakpak at nangatikom: Ang kaluluwa ay naipalanlang sa langit, at ako'y napalugmok sa lupa sa tabi ng lansangan.
XI
At napag-unawa nga ni Semel at ni Matrena kung sino yaong kanilang binihisan at pinakain at kung sino yaong kasama nila. Sila'y napaiyak sa kagalakan at katuwaan, at ang anghel ay nagpatuloy ng pananalita:
Ako'y nanatiling mag-isa at hubad na nasa daan. Nuo'y hindi ku pa kilala ang anumang kahirapan ng tao, ang ginaw o ang gutom man. Ako'y naging tao, nagdamdam ako ng gutom at di ko malaman kung anong gagawin. Nakakita ako ng isang simbahan, na itinalaga sa Walang Hanggan at inisip kong tumuloy roon. Ang pinto ay nakatalasok. Sapagka't hindi ako makapasok ay naupo ako sa pintuan at pinagsikapang kong duon makasilong; gumabi, nagdamdam ako ng ginaw, nagdamdam ako ng gutom, ininda ko, at ako'y nanginig. At ang hirap ay sumaakin. Agad akong nakarinig ng yabag sa daan; may dumarating na isang tao; may dalang mga bota at nagsasalitang ang mga ngipin ay nagngangalit. Nuon ako nakakitang una ng mukha ng taong may kamatayan, at kung sa bagay na ako'y tao na rin ay natakot pa rin sa mukhang yaon, Inilingon ko ang aking ulo at aking narinig, na nagsasalitang laban sa akin.
Paanong pakakanin ko ang aking asawa at, aking mga anak? Paanong kakandilihin ko sa ginaw ng taginaw ang mga nanginginig na sangkap namin ng katawan? At inisip kong:
Ako'y namamatay sa ginaw at gutom at naito na dumaraan ang taong ito na ang iniisip lamang ay ang kanyang kailangan at di matutuhan ang ako'y saklolohan.
Nakita ako ng nagdaraan, nagkunot ng noo, nag-anyong marahas at nagpatuloy ng paglakad ... Nawalan ako ng pag-asa. Pagdaka'y nakita kong bumalik, siya'y aking tinignan at hindi ko nakilala: Ang kanyang mukha ay patay ng una at nakita kong nagliwanag ng larawang Diyos. Ang nanauling buhay ay lumapit sa akin, binihisan ako, tinagnan ako sa mga kamay at ipinagsama ako sa kanyang bahay. Ang kanyang asawa ay nasa sa pintuan ng dampa at nangusap: ang babaing yaon ay lalong kakila-kilabot kaysa lalaki; ang anyo ng kamatayan ay nabubuka sa kanyang bibig, ang anyong nakamamatay ng kanyang mga salita ay umiinis sa akin, at ako'y nanlupaypay; inibig niyang mahandusay na muli ako sa ginaw, sa hirap, sa kamatayan, at aking napag-unawa na siya man ay mamamatay rin sa pagtataboy sa akin. Agad pinagsalitaan siya ng kanyang asawa ng tungkol sa Diyos. Pagdaka'y nagbago ang babae; hinainan ako ng pagkain at sapagka't ako'y tinitignan niya ay tinitigan ko siya: ang patay ay muling nabuhay, at nakilala ko ang Diyos sa kanyang mukha. At aking naalala ang salita ng Diyos: _Iyong malalaman ang sumasatao_. Napagtalastas ko sa ganito na sumasa mga tao ang pag-ibig. Naginhawahan ako sa pagkahayag ng isa sa mga salita ng Diyos, at una kong ikinangiti; nguni't hindi ko napag-alamang lubos sa isang sandali, hindi ku pa napag-uunawa _ang hindi ipinabatid sa tao ni ang bumubuhay sa tao_.
Natira akong isang taon sa inyo; ang barini ay naparito na nagpasadya ng mga bota, mga botang dapat magluwat ng isang taon na hindi man lamang mahihiwid o masisira man. Tinignang ko siya at nakita ko sa kanyang siping ang isa sa aking mga kasama, ang anghel ng kamatayan; ako lamang ang nakakita; siya'y aking nakilala at aking napag-unawa na bago lumubog ang araw ay mahihiwalay ang barini sa kanyang kaluluwa at inisip kong:
Ang tao ay nagtitipon ng sa isang taon; nguni't di niya nalalamang siya'y mamamatay sa paglubog ng araw.
At aking naalaala ang ikalawang salita ng Diyos: _Iyong malalaman ang hindi ipinabatid sa tao_.
Ang _sumasatao ay nalalaman ko na_. Nalaman ko nuon ang _hindi ipinabatid sa tao_. Hindi ipinabatid sa kanya ang pagkukulang sa kanyang katawang ikinangiti ko.
Nguni't hindi ku pa batid, at hindi ku pa nauunawa _ang bumubuhay sa mga tao_. Nabuhay ako sa paghihintay ng pahayag ng Maykapal, ng huling salita ng Diyos. Sa ikaanim na taon ay naparito ang babae na may kasamang dalawang batang kambal, aking nangakilala at napuna kong sila'y nabuhay. Ng magkagayo'y aking naalamang lahat at inisip ko.
Namamanhik ang ina, dahil sa kanyang mga anak at aking dininig ang ina; pinaniwalaan ko, na ang mga ulilang iyan ay natatalaga sa kamatayan at naito, na sila'y pinakain at kinupkop ng isang babae, ng isang di kilala.
At ng ang babaing iyan ay mapaiyak sa kabutihan, ng kanyang minahal at kinahabagan, ay nakita ko sa kanya ang larawan ng Diyos at aking napag-unawa _ang bumubuhay sa tao_. Aking napag-unawa na naipahayag sa aking ng Diyos ang huling salita at iginawad sa akin ang kapatawaran at siyang ikatlo kong pagkangiti.
XII
At ang anghel ay naghubad ng kanyang pagkalupa at nagbihis ng liwanag; ang mga mata ng tao ay nangasilaw sa liwanag na yaon. Naglakas ng kanyang tinig na parang galing sa langit at nagsabing; _At aking naunawa, na ang tao ay hindi nabubuhay sa kanyang mga sariling kailangan, kundi nabubuhay sa pag-ibig_.
Hindi alam ng ina ang bubuhay sa kanyang mga anak; hindi alam ng barini ang kailangan; hindi alam ng sinumang tao na kung buhay sa gabi, ay mangangailangan ng bota o kung patay ay sandalyas.
Ako'y nabuhay sa pagkatao, hindi sapagka't kinandili ko ang sarili, kundi sapagka't inibig ng isang naglalakad at ng asawa niyaon; nangahabag sa akin at ako'y inibig. Nangabuhay ang mga ulila sapagka't nagkaroon ng isang babae na nagtaglay sa kalooban ng maningas na pag-ibig. Nabubuhay ang mga tao, hindi sapagka't kinandili nila ang sarili, kundi sapagka't ang pag-ibig ay kumandili sa kalooban ng mga tao.
Alam ko kapagkaraka, na pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng buhay at inibig niyang sila'y mangabuhay: ngayo'y napag-unawa ko na ayaw ang Diyos, na ang tao ay mabuhay na mag-isa, at dahil dito ay inilihim niya sa isa't isa ang kailangan. Ibig niya na ang bawa't isa ay mabuhay sa ikagagaling ng mga iba at dahil dito ay inihahayag niya sa isa't isa ng paminsan ang makabuluhan sa sarili at pati ng sa iba.
Napag-unawa ko nga na ang mga tao na may paniwalang nabubuhay sa sariling sikap, ay hindi nga nabubuhay kundi sa ngalang pag-ibig. Ang nabubuhay sa pag-ibig ay nabubuhay sa Diyos at ang Diyos ay nananahan sa kanya, dahil sa ang Diyos ay pag-ibig.
At ang anghel ay umawit ng pagpupuri sa Panginoon; umuga ang bahay sa kanyang tinig, nabuksan ang bubungan at isang haliging apoy, ay napailanlang sa kalawakan.
--Si Semel, ang asawa at ang kanyang mga anak ay paraparang nagsiluhod sa lupa. Ang Anghel ay nagbukadkad ng kanyang malalaking pakpak at umilanlang sa langit.
Ng pagsaulan ng malay-tao si Semel ay namasdan niyang ang bahay ay gaya rin ng dati na walang linalaman liban sa kanya at sa mga dating nangaroon.