Sa Ano Nabubuhay Ang Tao

Part 1

Chapter 1 3,799 words Public domain Markdown

Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and Distributed Proofreaders. Para sa pagpapahalaga ng panitikang Pilipino.

[Transcriber's note: Mistakes in the original published work has been retained in this edition.]

[Paalala ng nagsalin: Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mga pagkakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]

Sa Ano Nabubuhay Ang Tao

I

KATHANG-SALAYSAY NG KONDE LEON TOLSTOY NA NASALIN SA WIKANG KASTILA AT ISINALIN NAMAN SA TAGALOG

NI

SOFRONIO G. CALDERON

Ikaw ay yumaon ... at malalaman mo:

I. Ang sumasatao; II. Ang hindi ipinabatid sa tao; at III. Ang bumubuhay sa tao.

M. COLCOL & Co.

_Publisher_ 878 Rizal Avenue, Manila

SA ANO NABUBUHAY ANG TAO

I

Isang magsasapatos ay nananahanan sa isang nayon na kasama ang kanyang asawa't anak. Sila'y nakatira sa bahay ng isang _mujik_ (may pagawaan ng sapatos), sapagka't sila'y walang bahay o lupa man at bahagya nang makakita ng kanilang maipagtatawid-buhay. Ang tinapay ay mahal, at may kahirapan ang panahon; kung gaano ang makita niya ay kanilang pinagkakasiya, siya'y walang anumang tinatangkilik at ang kanyang asawa'y wala kundi iisang chuba[1] na totoong luma na. May ilan nang taong naghahanap ng salapi ang magsasapatos upang maibili ng mga balat ng tupa at ng kanyang magawang bagong _chuba_ o pambalabal.

Ng panahong tagulan ay nakatipon ng kaunti, ng tatlong _rublo_ na kanyang naingatan sa sisidlan ng kanyang _baba_ (asawa). Sa kapit nayon ay may nagkakautang sa kanya ng limang rublo at dalawang pung _kopek_ [3].

Isang umaga ay pinasiyahan ng magsasapatos na maghanap ng mga katad. Nagbihis, nagkubong sa ulo ng isang panyo, isinilid sa bulsa ang tatlong _rublo_, kinuha ang kanyang tungkod at pagkatapos na makapag-agahan ay yumaon.

Sisingilin ko sa _muhik_ ang limang _rublo_,--aniya,--idaragdag ko rito sa tatlo, saka ko ibibili ng mga katad na magagawang _chuba_.

Pagsapit sa kanyang sinadyang nayon ay tinungo ang bahay ng _muhik_. Ang _muhik_ ay nakaalis na: at ipinangako na lamang ng _baba_ na sa linggo ring yaon ay dadalhin ng kanyang asawa ang kuwarta, nguni't walang ibinigay.

Sa ibang bahay ay ipinagtapat sa kanya na walang maibabayad, kundi dalawang _kopek_ muna. Iniisip ng magsasapatos na siya'y makauutang ng mga katad; datapwa't di siya pinagkatiwalaan ng maytinda.

Bayaran mo ako,--ang sabi sa kanya,--at pumili ka ng iyong ibig, sapagka't alam na namin kung gaano kahirap ang maningil.

Hindi nga nangyari ang panukala ng mag-sasapatos; wala naman siyang dala, liban na sa dalawampung _kopek_ na kanyang nasingil sa pagtatagpi ng isang _valenki_[1] na sa kanya'y ipinagawa.

Sa sama ng kanyang loob ay napasa isang tindahan ng alak at iniinom ang kanyang dalawampung _kopek_ saka yumaong walang dalang katad. Ng umagang yaon ay di siya nakaramdam ng ginaw at subali ay nainitan pa, dahil sa pagkainom ng alak. Sa kalasingan ay tignan ninyo at pinaiikot ang tungkod at isinasaksak sa mga dakong pinamumuuan ng tubig; natutuwa at pinapipihitpihit sa kanyang mga kamay ang mga _valenki_; at nagsasalita ng ganito:

Wala man akong chuba o balabal ay naiinitan ako, sapagka't tumungga ako ng kaunting alak; ang tiyan ko'y busog sa alak; anupang ipangangailangang ko ng isang balabal na pampainit? Nilimot ko ang aking karalitaan; ako'y isang tao lamang; walang kabuluhan sa akin ang lahat. Ako'y makapamumuhay na maigi ng walang balabal; hindi na ako gagamit niyan kailanman. Ngunit totoong daramdamin ng aking asawa at may matwid. Ipinaghahanap-buhay namin ang mga _mujik_, pakinabangan nawa nila ang aming kapaguran. ¡Teka! Di mo ako dinalhan ng kuwarta. ¡Maraming salamat! ¡May Diyos! Sulong ..." Ganyan ang pagbabayad ng dalawampung _kopek_ lamang. Anong mapapakinabang sa dalawampung _kopek_? Itungga ng alak at wala na. Saka sasabihing "¡Ang hirap!" ¡Aha, aha! ¿Ang hirap ko nga? Ikaw ay may bahay, may hayop at lahat ng kailangan, at ako'y walang anuman. Ikaw ay may kinakaing bunga ng iyong lupa, at ako upang kumain ay kailangang bumili; kailangan ko'y tatlong _rublo_ sa bawa't sanlinggo; kung dumating ako sa bahay ay wala nang pagkain at maggugugol pa ako uli ng isang _rublo't_ kalahati. Pagbayaran mo nga ako ng iyong utang.

Papaganito ang kanyang anyo hanggang sa nakarating sa tabi ng isang simbahan, at may namataan sa likuran nuon na wari maputi. Gumagabi na at ang magsasapatos ay nagkantitignan.

Anong naroon? Wala namang batong maputi. Baka ba kaya, yaon? Hindi, hindi mandin baka. Ayon sa ulo ay tila isang tao; nguni't bakit maputi? At bakit magkakatao rito?

Lumapit si Semel at lubos nalinawan! Katakataka! Tao nga; buhay o patay? Nakaupo, na hubad; nakasandig sa pader ng simbahan, hindi gumagalaw. Ang magsasapatos ay sinidlan ng takot at nasabi sa sarili:

--Pinatay; hinubdan ng damit at inihagis dito; kung lapitan ko ay baka ako pa ang mapahamak.

Kanyang linagpasan, tinalikdan na sa kanyang paningin ang taong yaon. Makaraan ang sandali, ay lumingon siya at nakita niyang ang tao'y lumayo sa pader at gumalaw na wari tinititigan siya. Sa tuwi-tuwi na ay lalu siyang nahihintakutan, nag-antanda ang magsasapatos at tinaya ang kanyang kalooban kung uurong o tatakas.

Kung siya'y lapitan ko,--dinidilidili niya--di malayong ako'y mapahamak. Ano kayang tao ito? Tila mandin masama; dadaluhungin ako at ako'y hindi maliligtas. Kung hindi man ako patayin ay hahalayin ako. Gayunman, hindi ako makapaghuhubad upang bihisan ko siya, upang ipagkaloob ko sa kanya iring tanging suot. Magtutumulin ako.

At dinalas ang hakbang. Pagdaka'y napatigil sa daan,--Anong inaasal mo sa sarili. Anong gagawin mo? Namamatay ang isang tao at iyong kinatatakutan at nilalayuan. Mayaman ka na ba kaya? Natatakot ka bang mawalan ng kayamanan? Ano, Semel, ito'y hindi magaling.

II

Pagdaka'y bumalik si Semel sa simbahan at tinungo ang tao. Pagkalapit ay minasdang maigi. Ang taong yaon ay bata pa at may mabuting katawan. Wala namang anumang bugbog na nababakat sa kanyang katawang hubad, nguni't nanginginig sa ginaw at parang nagulat. Sa pagkasandal sa pader ay hindi tumitingin kay Semel; sa pagkahiya mandin ay hindi man lamang maidilat ang mga mata. Tinunghan ni Semel at agad nabuhay ang loob ng taong yaon, idinilat ang mga mata, inilingon ang ulo at minasdan si Semel.

Pagkamalas ng magsasapatos ng tinging yaon ay nagtaglay ng pag-ibig doon sa taong di niya kilala. Inilapag ang kanyang dalang bota; kinalag ang kanyang sinturon at naghubad ng sako.

--Hala,--aniya,--huwag ka nang magbadya pa ng anuman; magbihis ka; madali ka; hala, dali-daliin mo ...

Tinagnan ni Semel sa bisig yaong di niya kilala, ibinangon, itinayo, saka minasdan ang kanyang katawang maganda. Maputi at pati nga ng kanyang kaayaayang mukha.

Ipinatong ni Semel sa mga balikat ang sako; nguni't di matumpakan ng lalaki ang pag-susuot ng manggas. Isinuot ni Semel, ibinutones, nilagyan ng sinturon, inalis ang kanyang gorang sira-sira at isusuot sana, datapwa't nakaramdam siya ng ginaw sa ulo at inisip:

--Ako'y kalbong-kalbo, at siya'y may mahahabang buhok na kulot.

At muling isinuot ang gora.

--Mabuti manding suutan siya ng bota.

At pagkaluhod sa siping nuong lalaki, ay isinuot ang mga bota niyang dala. Saka, ng maitindig niya, ay kanyang pinagsalitaang:

--Ano, kapatid! Hala, gumalaw ka ng kaunti. Ikaw ay magpainit. Huwag na tayong magluwat dito. Tayo na.

Nguni't ang lalaki ay nakatayo pa, di umiimik, malugod na minamasdan ni Semel; di makapagbigkas ng isa man lamang salita.

--Anong nangyayari sa iyo? Bakit di ka magsalita? Hindi maaaring magparaan tayo ng taginaw rito. Kailangang umuwi tayo ng bahay. Eto ang aking tungkod, iyong tungkurin kung nanghihina ka; hala, tayo na.

At ang lalaki ay lumakad at di naiwan.

Sila'y magkasabay at nangusap si Semel.

--Tagasaan ka?

--Hindi ako tagarito.

--Kilala ko ang mga tao sa lupang ito; eh, bakit nasa likuran ka ng simbahan?

At ang tugon ng kasama:

--Hindi ko masabi.

--Ikaw baga'y hinarang?

--Hindi, walang humarang sa aking sinuman; pinarusahan ako ng Diyos.

--Alam na natin, na ang lahat ay galing sa Diyos; nguni't may pinagbubuhatan. Saan ka paroroon?

--Kahit saan.

Namangha si Semel. Ang taong ito'y walang pagmumukhang masama, ang boses niya'y kalugod-lugod, nguni't walang ipinagbabadya na tungkol sa kanyang sarili. Inisip ni Semel na may mga bagay na di masaysay at pinagsalitaan ang kasama.

--Sumama ka sa aking bahay at ng mainitan ka.

Nagpatuloy lumakad at sinabayan ng kasama. Humihip ng malakas ang hangin at pinaspas ang baro ni Semel. Sapagka't napawi na ang alak, ay nagdamdam ng ginaw. Nagmadaling nagbububulong at iniisip:

--¡Mabuting gawa ito! Mabuting balabal ang dala ko! Ako'y nanaog upang bumili ng isang balabal, at sa pagbalik ay wala man lamang ako kahi't sako at may dala pa akong isang taong hubad. Di nga ako katutuwaan ni Matrena.

Si Matrena, ay ang kanyang asawa. Sa ganitong pag-aala-ala kay Matrena ay nagulomihanan si Semel; nguni't paglingon niya sa kasama ay naalaala niya yaong tinging ipinamalas sa kanya mula roon sa simbahan at muling nagdamdam ng kagalakan sa kalooban.

III

Ang asawa ni Semel ay nag-ayos ng bahay na maaga; nagsibak ng kahoy, sumalok ng tubig, nagpakain ng mga bata at kumain pati siya, saka nag-isip. Iniisip ang kakanin, nararapat kayang ihanda ngayon o bukas. May natitira pang kaunti sa paminggalan; kung si Semel ay nakakain na sa nayon at hindi humapon mamayang gabi ay may kasiyang pagkain sa kinabukasan. Muli't muling tinignan ang nalalabing pagkain.

--Hindi ako magtitinapay ngayon,--aniya;--saka kakaunti ang aking harina; baka sakaling umabot hanggang biyernes.

Pagkatapos na maitago ang tinapay, ay naupo si Matrena sa siping ng dulang upang magsursi ng baro ng kanyang asawa; nananahi at inaalala si Semel, na namili ng katad.

--¡Baka madaya pa ng maytinda! Napakahangal ang asawa ko. Siya ang di marunong magdaya kaninuman at napadadaya maging sa bata. Sa halagang walong _rublo_ ay makabibili na ng isang mabuting balabal; hindi kabutihan, nguni't may kaigihan na. Totoong nagbata kami ng taginaw na iri dini sa iisang balabal. Hindi makapaglaba sa ilog ng wala niyan, at eto, upang makalakad ay dinala ang aking suot. Hindi ako makapanaog ng ganiri!... Pagkaluwat! Naparaan ba kaya sa tindahan ng alak?

Kabibitaw pa lamang sa bibig ng mga salitang ito, ay siyang pagkarinig ng mga yabag ni Semel sa may hagdanan. Iniwan ni Matrena ang sursihin at napatungo sa silid. Nakita niyang nasok, ay dalawang lalaki, na walang sombrero at nakabota. Malayo pa'y nahalata na ni Matrena, na ang kanyang asawa ay naglasing.

Siya ko na nga bang kutog ng loob, aniya.

Pagkakitang walang kapote at nangakalitaw ang mga kamay, walang imik at wari nahihiya, ay kumaba ang loob ng abang asawa.

Iniinom nga ang kuwarta. Nakipaglasingan sa isang hampas-lupa at ngayo'y dala rine. Wala na kami kundi ito lamang.

Pinabayaan niyang magtuloy sila at kanyang sinundan na di umiimik.

Napaghalata niya na ang kasama ay may kabataan, payat, putlain, nakakapote na walang baro sa katawan at wala ni gora. Ng makapasok na ay tumigil na walang kibo at nakatungo. Inisip ni Matrena.

Suwitik ito, nahihiya pa, naghihintay ng mangyayari.

Nag-alis ng gora si Semel at umupo sa bangko na parang isang batang mabait.

--Oy, Matrena,--aniya--pahahapunin mu ba kami?--Hindi pa ako kumakain.

Si Matrena ay hindi lumilingon na nagbububulong. Tumigil sa may kusina, saka minasdang isa-isa, na iiling-iling at di kumikibo.

Nahalata ni Semel na galit ang kanyang asawa; nguni't anong gagawin? Sapagka't walang may ibig, ay tinagnan niya sa kamay ang kasama at sinabing:

--Maupo ka, kapatid. Humapon tayo.

Ang kasama ay naupong walang imik.

--Ano Matrena; hindi ka ba naghanda ng hapunan?

--Oo't naghanda ako; nguni't hindi sa iyo; ikaw ay naglasing hanggang sa mawalan ka ng isip ... Ikaw ay bibili ng isang bagong balabal at umuwi ka pa ng walang kapote. Sa ikalulugmok natin ay nagsama ka pa ng isang hampas-lupa. Ako'y walang maipahahapon sa mga lasing.

--Siyana, Matrena; walang kailangang magsalita upang wala nang pag-usapan. Lalong magaling ang itanong mo sa akin kung sino ang taong ito.

--Pasimulan mong sabihin sa akin kung saan mo iniwala ang kuwarta,--ang tugon ng asawa.

Dumukot si Semel sa bulsa at inilitaw ang tatlong _rublo_.

--Eto ang kuwarta; si Trofimoy ay hindi nagbayad, nangako sa akin bukas na.

Si Matrena ay lalong nag-init. Sa aba ng balabal, at pati ng kaisa-isang kapote ay ibinigay pa sa isang hampas-lupa na dinala rini sa ikadaragdag sa hirap. Eto ang kuwarta at saka dinugtungan.

--Wala akong hapunan; hindi ako makapagpapakain sa mga hampas-lupang lasing.

--Oy, Matrena, huwag kang maingay at dinggin mo iring aking sinasabi!

--Ako! Makinig ng mga kaululan ng isang walang hiyang lasing! May matuwid ako na umayaw na maging asawa kita! Iniwanan ako ng aking ina ng pambili ng damit at iniinom mo ng alak; ngayo'y bibili ka ng isang balabal at iniinom mo rin.

Hindi magawing maipaaninaw ni Semel, na dalawampung _kopek_ ang kanyang iniinom at gayon din na kung paanong kanyang nasumpungan ang kanyang kasama; ayaw paraanin ni Matrena ang kanyang salita, sunud-sunod ang kanyang salita, sunud-sunod kung tugunin siya. Pati nuong nangyari ng may sampung taon, ay ipinamumukha pa sa kanya. Salita pa ng salita, at saka tinagnan si Semel sa manggas.

--Isauli mo sa akin ang suot ko, wala kundi iyan at kinuha mu pa; siya mo ngayong suot, asong galisin. Hindi ka pa tangayin ng diyablo!

Huhubdin na ni Semel; binaltak ng asawa at natastas ang mga tahi; sa katapus-tapusan ay tinagnan ni Matrena ang suot, isinuot at napasa dakong pinto upang yumaon, nguni't agad napatigil sa galit; wari ibig makipagkaalit kahi't kanino at mabatid kung sino ang taong yaon,

IV

Tumigil si Matrena sa tabi ng pinid at nagsabing:

Kung iya'y mabuting tao, ay hindi sana hubad; magkakaroon man lamang ng baro. Kung ikaw ay gumawa ng isang mabuting gawa, ay sasabihin mu sana sa akin kung saan nanggaling ang palaboy na ito.

--May tatlong oras nang sinasabi ko sa iyo, nguni't di mo ako dinidinig. Nagdaraan ako sa tabi ng simbahan, ay nakita ko ang binatang ito na halos naninigas at hubad; wala nga tayo sa panahong tag-araw. Inakay ako ng Diyos sa kanya; na kung di gayon ay namatay sana ito ngayong gabi. Anong gagawin ko? Siya'y aking binihisan, binalabalan at aking ipinagsama. Tumahimik ka nga, Matrena, iya'y isang kasalanan. Tayong lahat ay para-parang mamamatay.

Si Matrena ay nagbuka ng bibig upang sumagot. Biglang napatingin doon sa di kilala at tumahimik. Nakaupo sa bangko na di umiimik, Ang kanyang dibdib ay nanlalaki, halos magputok, na nakayakap ang mga kamay sa mga tuhod, nakatungo ang ulo, naka-pikit ang mga mata, na parang napipighati. Napatahimik si Matrena. Siya'y malugod na pinagsabihan ni Semel.

--Matrena; nawala na ba kaya ang Diyos sa iyong kalooban?

Pagkarinig nito ng asawa ay napatingin doon sa di kilala, na nakatingin naman sa kanya, at ang kanyang kalooban ay nabagbag. Siya'y muling nasok at upang maghanda ng hapunan. Siya nga ay naghain at kanyang inihain ang kahuli-hulihang tinapay.

--Hala, kumain ka,--ang sabi.

Binatak ni Semel ang binata hanggang sa dulang.

--Lumapit ka kapatid.

Pumutol ng tinapay, binasa at nagpasimulang kumain.

Si Matrena ay naupo sa isang sulok na nakapangalumbaba at nakapatong ang mga siko sa mga tuhod saka minasdan yaong hindi kilala.

Nagdalang habag siya; at nagtaglay siya ng habag sa kaaba-abang yaon. Agad nagalak ang kalooban ng di kilala at pagtataas ng ulo ay tuminging napangiti doon sa abang babae. Pagkatapos ng pagkain ay iniligpit ng asawa ang mga pinggan at nagsabing:

--Saan ka nanggaling?

--Ako ay hindi tagarito.

--Bakit nasa tabi ka ng simbahan?

--Hindi ko masabi.

--Sinong naghubad sa iyo?

--Pinarusahan ako ng Diyos.

--At hubad ka na bang ganyan?

--Nanatili ako roong hubad. Ako'y naninigas sa ginaw, nakita ako ni Semel at nahabag sa akin; isinuot sa akin ang kanyang damit at pinasunod ako sa kanya. Ikaw ay nagdalang habag sa aking hirap; iyo akong pinakain at pinainom. Pagpalain ka nawa ng Diyos!

Si Matrena ay tumindig, binuksan ang kanyang baul at kinuha ang limang baro ni Semel na kanyang sinursihan at upang maisuot sa kinabukasan, kinuha ang salawal at pagkabigay niya ng mga yaon doon sa di niya kilala ay magiliw na sinabing tanggapin mo, nakita kong wala kang baro; magbihis ka at mahiga ka kung saan mo ibig, sa bangko o sa kusina.

Nag-alis ng balabal ang di kilala, isinuot ang baro at nahiga sa bangko. Pinatay ni Matrena ang ilaw at sinunggaban ang balabal at nahiga sa silid sa siping ni Semel; ginamit ang balabal nguni't hindi makatulog; ang sumasaulo niya ay yaon di kilala at saka kanyang naiisip na naubos ang lahat ng tinapay na nalabi at wala silang makakain sa kinabukasan. Naibigay pa ang baro at salawal ni Semel; siya'y namamanlaw at hindi mapalagay. Nguni't sa pagkaalala niya ng ngiti niyaong taong hindi kilala ay nasiyahan ang kanyang loob. Maluwat-luwat na di nakatulog si Matrena. Si Semel man ay hindi rin makatulog at namimilipit sa balabal.

--Semel!

--Ay!

--Ating naubos ang lahat ng tinapay. Hindi ako nagtinapay ngayon. Anong gagawin natin bukas? Manghihiram ba kaya ako kay Melania ng ating makakain bukas?

--Bahala na. Hindi magkukulang ng pagkain.

Sandaling napatahimik.

--Tila mabuti ang taong ito.

--Bakit kaya ayaw magsabi kung sino siya?

--Walang salang siya'y pinagbabawalan.

--Semel!

--Ano?

--Tayo'y nagbibigay, at sa atin ay walang nagbibigay.

Walang naisagot si Semel.

--Siya ka na ng kauusap,--ang sabi, saka pumihit.

At nangakatulog.

V

Si Semel ay gumising na maaga; natutulog pa ang mga bata; ang asawa'y yumaon upang manghingi ng tinapay sa kapitbahay; yaon lamang di kilala ang nakaupo sa bangko, na nakatingala sa kisame. Ang kanyang pagmumukha ay lalong tiwasay kaysa tinalikdang araw.

Sinabi ni Semel:

--Ano nga kapatid; ang tiyan ay nangangailangan ng pagkain at ang katawa'y nangangailangan ng damit. Kailangan ngang mamuhay, magkasiya sa sarili. Marunong ka bang gumawa?

--Wala akong nalalaman.

Idinilat ni Semel ang mga mata at nagsabing.

--Natututuhan ang balang ibigin, kailan ma't di kukulangin ng pagkukusa.

--Lahat ay nagsisigawa; gagawa rin akong gaya ng iba.

--Anong pangalan mo?

--Mikhail.

--Kung gayon, Mikhail, ayaw kang magsabi ng anuman tungkol sa iyong buhay, mabuti, nguni't kailangang kumain; kung susundin mo ang aking sasabihin, ay aampunin kita.

--Tulungan ka nawa ng Diyos! Turuan mo ako, ituro mo sa akin ang di ko nalalaman.

Sumunggab si Semel ng kanyamo at binaluktot.

--Ito'y hindi gawain noong isang Huwubes; tignan mo.

Tinagnan ni Mikhail, tuloy inabot ang kanyamo, binaluktot, at agad itinuro sa kan ya ni Semel ang pagtabas, pagtahi, pagbutas, paglalapat ng suwelas, at pag-aanyo ng tahi. Sa ikatlong araw ay natutuhang lubos ni Mikhail ang buong paraan ng paggawa; ang kanyang kaliksihan ay gayon na lamang, na parang isang daan nang taong manggagawa ng sapatos. Walang sinayang na sandali; kaunti kung kumain. Pagkatapos ng kanyang gawa ay tumatabi sa kanyang sulok na nakatungong walang imik; bahagya nang magsalita, hindi tumatawa kailanman; hindi umaalis sa bahay; at hindi siya nakitang ngumiti, kundi miminsan, nuong unang gabi na pahapunin siya ng asawa ni Semel.

VI

Nagdaan ang araw at araw, linggo at linggo hanggang sa umabot ng isang taon. Si Mikhail ay patuloy pa rin ng pagtulong sa bantog na kay Semel; walang ibang nakagagawa ng magagaling at matitibay na bota na makahihigit pa kay Semel. Sa tanaw lamang ay kilala na siya at unti-unting yumaman si Semel.

Isang araw ng tag-inaw, na gumagawang magkatulong ang dalawang magpanginoon, ay sa darating ang isang _voyok_ o karwahing hila ng tatlong magagaling na kabayo, na nagtutunugang masaya ang mga kampanilyang nakakuwintas, at sa titigil sa harap ng pintuan nila. Bumaba sa piskante ang isang alila na nagbukas ng pinto, at ang sakay na isang _barini_ o isang maharlika ay bumaba na nababalot ng isang magaling na balabal. Nanhik sa hagdanan. Binuksan ni Matrena ang pintuan. Ang _barini_ ay yumuko na nasok at tumayong matuwid; ang ulo ay halos masukdol sa kisame at nalalaganapan niyang mag-isa ang isang sulok ng kabahayan. Si Semel ay bumating may pagkamangha sa _barini_. Kailanman ay di siya nakakita ng taong gaya niyaon. Si Semel ay natigilan, si Mikhail ay walang imik; si Matrena ay naging parang isang tuyong punong kahoy. Ang taong yaon ay masasabing parang galing sa ibang mundo; ang kanyang pagmumukhang malaki at mabilog at ang kanyang leeg-toro ay nakapaglalarawan sa kanya ng isang kakaibang taba.

Pagkahinga ng buong lakas ay nag-alis ng balabal ang _barini_, naupo sa bangko at nagsabing:

--Sino sa inyo ang maestro sapatero?

Si Semel ay lumapit.

--Ako po, Kagalang-galang.

Tinawag ng _barini_ ang kanyang alila; iabot mo sa akin ang katad, Fedka.

Dinala ng alila ang isang balutan, inilapag sa hapag (mesa).

--Buksan mo ang balutan.

Ang alila ay sumunod.

Itinuro ng _barini_ kay Semel ang katad.

--Nakikita mo bang maigi, magsasapatos?

--Opo, Kagalang-galang.

--Nakikilala mo ba kung anong uri iyan?

Pinitik ni Semel ang katad at nagsabing:

--Iyan po ay pinakamabuting uri.

--Oo nga, iya'y pinakamabuting uri, tulig; kailanman ay hindi ka nakakita ng gaya niyan; iyan ay katad na galing sa Alemanya, nalaman mo ba? Ang halaga ng katad na iyan ay dalawampung _rublo_.

Si Semel ay natatakot-takot na tumugon:

--Paanong ibig ninyong kilalaning ko?

--Mabuti. Maigagawa mo ba kaya ako ng mga bota sa katad na ito?

--Opo, Kagalang-galang.

Ang _barini_ ay nagbigkas.

--Mangyari! Tignan mong mabuti ang tao na nagpapagawa sa iyo niyan at pati ng kainaman ng katad na iyan; igawa mo ako ng mga bota na magluluwat ng isang taon; na isang taon kong magagamit na hindi man lamang masisira o mapapahiwid. Kung magagawa mo ay tanggapin mo ang katad na ito at iyong tabasin; kung hindi naman ay iyong tanggihan. Aking ipinagpapauna sa iyo, na kung ang mga botang iyan ay masira bago mag-isang taon ay ipapasok kita sa bilangguan, kung magtagal sa akin ng isang taon ay pagkakalooban kita ng sampung _rublo_.

Si Semel ay nagitla, nagdili-dili, hindi niya malaman ang gagawin. Tinignan niya si Mikhail, kanyang siniko at itinanong kung maaaring tanggapin o hindi.

Tinanguan siya ni Mikhail, at tinanggap ni Semel na nangako na kanyang gagawing mga bota na hindi masisira o mapapahiwid man lamang sa loob ng isang taon.

Tinawag ng _barini_ ang alila. Iniunat ang kanyang paa, at nagsabing kung gayon ay sukatan mo ako, ang paa ng _barini_ ay napakalaki na nangailangang gumupit pa ng ibang papel bagaman ang una ay napakalaki na. Sinukat ni Semel ang talampakan, ang ibabaw ng paa at saka sinukat ang binti; nguni't ang papel ay hindi nag-abot na maigi, ang binti ay napakataba. Habang kinukunan ng sukat ni Semel, ay lilingap-lingap ang _barini_ sa lahat ng dako. Namataan si Mikhail.

--Sino ito?--ang tanong.

--Siya kong manggagawa--ang sabi ni Semel.

--Magpakaingat ka! Dapat magluwat ng isang taon.

Tinignan ni Semel ang pagkatungo ni Mikhail at kanyang nahalata na wala sa loob nito ang _barini_, kundi nakatingala siya sa ulunan ng _barini_ na parang may nakikita siya. Si Mikhail ay tingin ng tingin. Agad napangiting masaya.

--Anong ikinatatawa mo?--ang tanong ng _barini_. Pag-ingatan mo, na ang mga bota ay iyong mayari sa takdang panahon.

Si Mikhail ay sumagot:

--Mangyari, kailanman at kailanganin.

--Mangyari,--ang bigkas ng barini na sabay isinuot ang balabal. Tumungo sa may dakong pinto; nguni't nakalimot yumuko, at naumpog ang ulo sa halang, na anupa't nagbubulong sa galit. Agad lumamig ang ulo, kinuskos ang noo at sumampa sa _vosok_.

Pagkaalis ng _barini ay sinabi ni Semel_.

--Ito nga ang matibay na parang puno ng kahoy; nasira ang halang at bahagya nang naramdaman.

At sinabi ni Matrenang:

--Sa taglay niyang pamumuhay ay mabuting tao kaya? Parang bakal mandin at di madadaig ng kamatayan ng gayun-gayon lamang.

VII

Hinarap ni Semel si Mikhail.