Panayam ng Tatlong Binata — Unang Hati
Part 2
Tatlong Emperador ay sa kagalitan nagpaembahada silang sabaysabay at pinaguusig ang nawalang buhay nang lubhang bayaning kanilang General.
Sa takot nang Haring hindi hamakhamak ay sa Emperador na tatlo'y humarap mahinahon niyang inahin~ging tawad ang pagiibigang di niya talastas.
Kung ang anak niya ay nagpahiwatig na may katipanan siyang iniibig di ko pipiliti't baka n~ga masapit ay ang gaya n~gayong buhay ay napatid.
Ang tatlong Monarka ay dinin~gig naman ang sa Haring samo't man~ga karain~gan yaon din ang mulang ipinagkaramdam nang Hari at siya ay nakitlang buhay.
ELECTO
Walang katuwiran anak ay pilitin sa bagay na pakikipagisang giliw karampatan munang sila ay tanun~gin ang isa at isa'y nang walang sisihin.
Katungkulan din n~ga na ipili nila nang lalong mabuti na maging asawa kailan~gan naman ang ipakilala yaong tutun~guhing hindi natataya.
Lubha pa kung tunay nilang nalilirip na ang kasintahan ay ugaling pan~git sawayin at bigyang hatol na matuwid at in~gatang huwag daanin sa galit.
Yaong malubay na pagpapaunawa at huwag ang man~ga salitang gahasa pagmura't tun~gayaw at man~ga pagsumpa na bagkus nakapaguulol nang sama.
At kung ang anak pa ay walang pitagan sasagutsagutin ang isang magulang nang kasakitsakit na paglapastan~gan sa dapat suyuin nila at igalang.
Bakit karaniwan nang man~ga inanak kapag nasansala sa adhikang linsad itinatakwil na nila ang paglin~gap sa utang na walang katapatang bayad.
BRINDO
May isang soldado ang Haring maran~gal na wala nang Ama't mahirap ang buhay ang nagaaruga ay Ina na lamang sa bugtong na anak niyang minamahal.
Hindi ibig halos mawalay sa titig ang kaniyang bunsong pinakaiibig dan~gan di mangyaring siya ay mapalit ay hahalinhan na't hirap ay mabihis.
Sa pagsusundalo'y nang ilan nang buwan tumanggap nang atas nang haring maran~gal sa puno nang torre nang Princesang mahal kabilang na isa sa man~gagbabantay.
N~g araw ring yaon sila'y lumakad na't tinun~go ang torre nang bunying Princesa nang dumating doo'y tinamaang mata sa Princesang dilag na kaayaaya.
Kaya't mula noon sa puso'y natanim yaong sa Princesang kagandaha't ningning at siyang nagbigay guló sa panimdim na sa gabi't araw ay di magupiling.
Inakala niyang gumawa nang titik at doon sa torre ay kusang ihagis n~guni't lubos namang siya'y nan~gan~ganib na baka ang bunying Princesa'y magalit.
Anopa at siya'y walang maisipan na yaong pagsinta'y magkaroong daan kaya't walang munting oras na tiwasay sa gayon ang puso niya't kalooban.
Kung nagiging bantay siyang mahalili sa laang bantayang tapat niyong torre siya ay tatanaw tanaw na parati sa bintana't ayon sa laking pagkasi.
Lalo na kung lagi niyang nakikita na nakapanun~gaw ang bunying Princesa ay halos di ibig mawalay sa mata sa laking pagirog na hindi makaya.
Maupo't tumindig nama't magpasyal Princesa ang siyang tinitingnan tingnan sa Princesang hindi naiino naman pagkapalibhasa'y di namamalayan.
Sa malaon niyang pagbabantay doon sa torreng may bilang sa tatlo nang taon walang gawa kundi ang tumaghoy taghoy sa sarili niya't ang wika ay gayon.
Kung natatanto mo lamang yaring hirap Princesa kong sinta at tinawag tawag puso mo ma'y batong buhay na matigas sa man~ga daing ko'y pilit maaagnas.
Wala ni munti mang oras na itigil ang hibik ko't buntong hinin~gang malalim dahil sa pagsintang di ikagupiling at man~ga pagluhog na hindi mo lining.
Mata kong sa iyo'y laging nakatitig na nagbabalita nang aking pagibig ay di mo man pansin bago'y tumatan~gis itong nagdurusa'y di mo nalilirip.
Kung nanunun~gaw ka sa iyong bintana ang hinahalaw mo'y ang ikatutuwa n~guni't di makita ang linuhaluha nitong sa dilag mo'y nan~gan~gayupapa.
Nagwawala ka n~gang bahala sa lagay at nagpapasasa sa kaligayahan bago'y di mo tantong nasa kalumbayan akong sumintang di maipamalay.
Hirap na gumiliw nang isang mababa sa uring mataas na tinitin~gala namamalas mo nang mata'y lumuluha ay tikis mong winawala ring bahala.
Tantuin mong yaring dusang tinataglay ay magiging landas niyaring kamatayan pagka't sa puso ko'y pan~gakong matibay na tataghuyang kasukdang maging bangkay.
Malasin nang inyong masaghayang titig ang tatapong buhay dahil sa pagibig at wala nang lunas sa sukat ikapit kundi ang lin~gap mong nasa kong makamit.
Ang lalong masarap na man~ga pagkain at lahat nang tuwa'y tapos na sa akin ikaw na n~ga lamang ang makapipigil sa dustang libin~gang laang tutun~guhin.
Di na malalao't iilan nang araw sa Mundo, ang aking pakikipanayam inot inot ko na na nararanasan na itong puso ko'y may malubhang damdam.
Pagka't ang hinin~ga'y laging nan~gan~gapos sa di pagkakai't di pagkakatulog ako'y nanghihina't di na ibig halos magluat nang aking buhay na maayop.
Ang gayong pagtaghoy na di naglilikat na walang bahagyang pagitan ang oras inot inot na n~gang napawi ang lakas at ang humalili ay pan~gan~gayayat.
Makita nang puno yaong kalagayan ay ipinapasok agad sa hospital at doon ginamot yaong karamdaman n~guni't lumalalang lalo't di humusay.
Kaya't sa sundalong hiniling pagdaka na siya'y ihatid sa kanyang Ina nang araw ring yaon ay ipinadala sa dahilang tantong mahina na siya.
Sa Inang makita ang bugtong na anak luha'y di napigil sa malaking habag anya'y ang nasapit nang imbi mong palad n~gayon ay tunay na pawang buto't balat.
Ang kalagayan mo'y kung aking pagmasdan kundi humihin~ga'y mistula nang bangkay ¿ano baga kaya ang naging dahilan niyang marawal mo na kinahinatnan?
Tugon nang sundalo'y oh Ina kong giliw ang damdam kong ito'y wala nang paggaling ang lahat mang gamot ay kahit ubusin ay wala nang daang ilunas sa akin.
N~gayon ay wala na akong kailan~gan kung hindi ang ako'y makapagkumpisal ang kaluluwa ko ay bago pumanaw ay mapawing lahat yaring kasalanan.
Gayong kahilin~ga'y sinunod nang Ina tumawag nang Pareng kahilin~gan niya nang dumating naman ay nagkompisal na at saka tuloy na nagkomunion pa.
Kahilin~gang yao'y matapos tanggapin sa irog na Ina naman ay nagbilin Ina ko aniya ay huwag limutin itong kamunti ko na ipagbibilin.
Na kung makitil na yaring aking buhay medikong marunong ang tawagin lamang at ang aking dibdib ay agad pabuksa't kunin ang puso ko at iyong in~gatan.
Huwag pabayaan mapalibang oras na di ang dibdib ko'y agad ipabiyak puso ko'y itago sa lalagyang dapat bilang alaalang sa iyo po'y lagak.
Ang tugon nang Ina ay aking susundin bunso ko ang iyong mahigpit na bilin di lubhang nalaon buhay ay nakitil nang ang karamdaman ay sa sinta dahil.
Man~ga pananaghoy nama'y sabihin pa nang kaawaawang Inang naulila mulang pagka bata'y dinulangdulang na ang kabaitang sumunod sa kaniya.
Sabihin pa baga ang man~ga pagtan~gis at man~ga pagluha at hinibikhibik at halos mawaray ang kaniyang dibdib nang pagkaulila sa anak na ibig.
Bagaman malaking dalamhati niya pinaram ding agad at naalaala ang bilin nang anak kaya't kapagdaka pantas na mediko siya'y tumawag na.
Nang dumating doo'y agad pinabuksan yaong dibdib niyong sa anak na bangkay ang puso'y kinuha't kusang pinagyaman at itinago na sa loob nang kaban.
Saka yaong bangkay nama'y ilinibing ang Inang may lumbay nama'y kasama rin yaong panambitan at dinaingdaing nang naiwang Ina ay di maiturin.
Niyong nalilibing na ilan nang buwan ang sundalong anak niyang minamahal Inang naulila'y naisip-isipan na tingnan ang pusong inin~gat sa kaban.
Binuksan na niya't agad na kinuha at sa pagkabalot ay inalis niya n~guni't di masayod yaong pagtataka doon sa iniwang bilang alaala.
Pusong nababalot ay kusang nagmaliw at ang nahalili'y batong nagniningning iba't ibang kislap ang kulay na angkin na sa matang titig ay nakaaaliw.
Ang Inang may lumbay ay di mapaghaka ang nangyaring yaong anaki'y himala agad pumasok sa kanyang gunita na yao'y isang mahalagang mutya.
Kaya't minagandang kaniyang ialay sa Hari ang batong puspos karikitan binalot na niya na pinakainam at saka dinala sa Haring maran~gal.
Ang tuwa nang Hari naman ay sabihin doon sa alay na batong nagniningning kinuha at saka binigyan noon din niyong kayamanang makakayang dalhin.
Sa labis na pagkamangha at ligaya na di pagsawaan nang titig nang mata kaya't ang ginawa ay ipinadala doon sa kaniyang anak na Princesa.
Lugod nang Princesa naman ay sabihin nang makita yaong batong nagniningning matay nang kaniyang pagwariwariin ay di mapagsiyang lubos sa panimdim.
Sa ibabaw niyong mesa'y ilinagay naupo sa silya't minamasdanmasdan hindi maisulit ang kaligayahan sa kislap nang batong iba't ibang kulay.
Nang minamalas niya'y walang anoano ay naging puso ang maningning na bato at doon sa mesa ay lumukso lukso at nanaghoy nan~gang ang wika'y ganito.
Pakatantoin mo oh Princesang mahal na sanhi sa iyo ang ikinamatay na sininta kita nang higit sa buhay ay hindi nangyaring aking ipamalay.
Tuwing sa bintana ay manunun~gaw ka at tamaang titig niyaring man~ga mata ay nauululang lagi yaring dusa na nasa puso kong di mo natataya.
Banta ko'y kung ito lamang madirin~gig ang man~ga daing ko at hinibikhibik ay kahit hindi mo gawi ang mahapis ay sisibulan ding habag iyang dibdib.
¡Prlncesa kong sinta'y saan ilulun~goy yaring kahirapang narating ko n~gayon di kana naawa sa tinaghoytaghoy nitong sumisintang sa libing humantong!
Diyata't ang aking tunay na paggiliw ay minatamis mong mahimlay sa libing muntima'y di kana nahabag sa akin at binayaan mong hinin~ga'y makitil.
Tugon nang Princesa ¿ikaw baga'y sino? ako anya'y isang hamak na sundalo at doon sa tore nagbabantay ako kaya ko namasdan ang karikitan mo.
Di ko kasalanan wika nang Princesa ang pagkamatay mong sanhi sa pagsinta at ang pagsuyo mo'y di ko natataya saka una'y ikaw ay di ko kilala.
Mangyayari kayang aking mawawari ang kahirapan mong sa akin ang sanhi ni sa gunita ko'y hindi sumasaging sundalo'y sintahin ako ni aglahi.
Sapagka't sinoma'y nakatatalastas na bawal suminta tungkol dugong hamak sa man~ga may taglay na uring mataas at may pan~ganib pang búhay ay mautas.
Gayon ma'y ang buong may sala ay ikaw na ang pagibig mo'y di ipinamalay kung iyong sinabi nang ikaw ay buháy banday baga akong di ka kaawaan.
Di nagsapalarang ipinaunawa sa akin, ang iyong sintang inadhika nang upang ang iyong matinding dalita ay naibsáng ko kahi't babahagya.
Ang kahihinatnan ay ano pa n~gayon nang iyong pagsinta na ilinulun~goy ibig ko mang dinggin ang iyong pagtaghoy di na mangyayari't wala nang panahon.
Walang sinisisi ako kundi ikaw sa iyong nasapit na pagkaparawal n~gayo'y ibig ko mang hirap mo'y lunasan ¿anong gagawing ko'y puso ka na lamang?
Dan~gan ang palad mo ang talagang kapos di laang magtamong tuwa sa pagirog nang pusong puso na'y saka pa luluhog na wala nang sukat ikasayáng loob.
Madla mong pagsamo ay kahi't ubusin malubha mong damdam ay di na gagaling pagka't hinamak mo ang buhay na angkin na ipinarool lamang sa paggiliw.
Sisihin mo n~gayon ang sariling isip at hindi na araw ito nang pagibig ang tatamuhin mong damay sa paghibik ang idalan~ging ka sa Dios sa lan~git.
Tugon n~g Princesa'y sa pusong mabatyag tumaghoytaghoy na't ang wika'y ay palad ang dukhang suminta sa uring mataas damay sampung buhay ay di rin katumbas.
Yayamang wala nang sukat pang mangyari kundi ang tuman~gistan~gis sa sarili at kahi't anomang gawing pagsisisi di na maiuli buhay na naputi.
Ang tao n~ga palang mahirap ang buhay saka ang puso pa ay pahihirapan ay siyang matinding nagiging dahilan nang pagkalugami nang hinin~gang tan~gan.
Puso'y tumigil na niyong paghalinghing yamang walang daang magtamo pang aliw nauli sa dating batong nagnininghing na gaya nang unang ligaya sa tin~gin.
ELECTO
Kaya nararapat na pakain~gatan nang man~ga lalaki't maging babae man tungkol sa pagsinta'y kinakailan~gan na kung lalapit ma'y doon sa kabagay.
Yaong lumiligaw na man~ga mahirap sa man~ga may dan~gal maging sa may pilak kapintasan lamang yaong hinahanap o ang matawanan nang makatatatap.
Ang karaniwan nang gayon kung umibig ay di nagninilay ang mahulong isip ang di man~ga himlay at sa sintang labis karaniwang tubo'y nan~gagkakasakit.
Sa hidwang tan~ging man~ga kaisipan niyong sumisinta sa hindi kabagay nagugugol lamang yaong kapagalan at nalulugso pa kung minsan ang buhay.
Dapat pagaralang anomang gagawin kinakailan~gang pagbagaybagayin nang di ikahiya sa matang titin~gin at kahi't sino ma'y nang walang wikain.
Pagka't karaniwan n~g sa Mundong lakad pag di gawa niya ay madla ang pintas kahi't lalong lihim ay inihahayag at nagmamapuri sa nakatatatap.
=Wakas nang unang hati=.
[Patalastas: Imprenta Libreria y Papeleria de P. Sayo]
End of Project Gutenberg's Panayam ng Tatlong Binata, Unang Hati by Cleto R. Ignacio