Panayam ng Tatlong Binata — Ikalawang Hati

Part 2

Chapter 2 2,542 words Public domain Markdown

Tanang man~ga bilin ay pawang tinupad nang nasabing Pari kaya't napanatag nagbuhay Angel na at walang hinarap kundi ang maglingkod sa Dios na wagas.

Kaya't nang dumating ang tadhanang guhit ang bayang payapa'y kinamtang tahimik bagaman nalígaw sa daang matuwid ay natutuhan ding muling nanumbalik.

ELECTO

Gayon din ang tunay na nakakapara nang nan~gahuhulog sa pagkakasala na nagsisuyo sila't pumifirma sa libro nang taksil na ating kabaka.

Ang firma ay kaya naaalis lamang at nan~gasisira yaong kasulatan kung ihin~ging tawad at ipagkumpisal ang sala't magsisi't tuloy pagtikahan.

Sapagkat ang Paring kay Kristong alagad sa tali nang sala'y silang kumakalag at kapag binigyan nila nang patawad umasang kay Kristo tayong tinatanggap.

Pagka't ang sinomang nasa salang mortal ang pinto nang lan~git nama'y nasasarhan n~guni't kundi iwan yaong kasalanan hirap sa Infierno'y siyang nalalaan.

BRILLO

May isang sasakyang minsa'y naglalayag sa baybayin niyong malalim na dagat kapitá'y tutoong malaki ang sindak doon sa nasapit nilang pagkabagbag.

Demonio'y makita ang ganoong ayos sa kaniyang puno'y nuhang pahintulot at ang tutuksuhin nang taksil na loob ay yaong kapitáng doo'y naguutos.

Nang mabigyang tulot nama'y yumao na manunuksong ayos marinero siya at yaong sasakya'y tinun~go pagdaka't sa man~ga utusan siya'y nakisama.

At sa paguutos na kasalukuyan sa lahat nang man~ga naruroong utusan nang upang maligtas sa kapan~ganiban ang malulubog na kanilang sasakyan.

Marinero n~gang Demonio'y paglapit kapitán aniya'y ano po ang ibig sagot ay itali sa kahoy ang lubid nang tayo ay huwag malayo sa gilid.

Lubid ay kinuha't ang pinatun~guhan ay lugar na walang sukat pagtalian saka wiwikain doon sa kapitán dito'y walang kahoy na mapaggapusan.

Kung gawing kaliwa ang siyang sabihin ay sa dapat kanan ay doon dadalhin at pinagagalit na tikis ang dahil ang kapitá'y upang magkasalang tambing.

Ang ginagawa n~gang man~ga panunukso kapitá'y nayamot na di mamagkano kung walang taliang kahoy man ó bató itali kahi't sa sun~gay nang Demonio.

Gayong pan~gun~gusap ay niyong madin~gig niyong marinero'y iniwan ang lubid nagtaglay nang takot at ang sumaisip siya'y nakilala kung kaya nagalit.

Kung kaya sinabi na sa aking sun~gay itali't ako pa ang pahihirapan agad nang umalis at humarap naman doon kay Satanás yaong tampalasan.

¿Wika ni Satanás ay anong lakad mo tugo'y nakilalang ako'y manunukso winika'y itali kahi't sa sun~gay ko kung walang taliang kahoy man ó bató.

Ang tinukso mo'y taong may Devocion na di madaraig at may magtatanggol yaon ang sa Mundo'y di napauulol at tunay na lingkod niyong Pan~ginoon.

ELECTO

Dito'y dapat nating huluin sa loob na kapag ang tao ay lingkod nang Dios kahi't si Satanás ay nan~gin~gilabot at di madaraya nang sa Mundong adyok.

At nakikilalang yaong nanunukso'y isa sa kampon nang taga Infierno kaya nararapat na pakupkop tayo sa Dios at Inang Virgeng masaklolo.

Huwag pabayaan ang tayo ay magahis nang kaaway nating sadyang malulupit na walang adhika kundi ang magahis tayo't makasama nilang magkasakit.

Sapagka't kanilang kinaiinggitan ang tanang biyaya nang Dios na mahal na pinatatawad kung magkasala man ang nan~gagsisisi't sala'y ikumpisal.

Demonio'y minsan lamang na nagsukab sila'y ibinulid sa balon nang hirap at hindi nangyaring sila'y pinatawad at parusang walang hangga ang nalan~gap.

BRINDO

At mayroon namang isang magasawa na ang anak nila ay lalaking isa at sa kabuhaya'y may lubos na kaya na hindi rin naman sukat kulan~gin pa.

Dapuwa't sa anak ay labis magmahal at tutoong sunod na sunod ang layaw na kahi't anomang gawing kasalanan hindi pinapalo kahi't pilantik man.

Kaya n~ga't lumaki ang kanilang anak na pagalagala't hindi naghahanap nang ikabubuhay na tungkuling dapat nang tao, kaya n~ga't kaiba sa lahat.

At sa kayamana'y labis na gumugol na ináaksayá sa pagayon-gayon niyong makaraan ang ilang panahon namatay ang Ina na nagkandongkandong.

Kaya ang natira'y ang Ama na lamang na siyang sa anak ay nagpapalayaw paglibot ang gawa sa gabi at araw palad nang matigil sa kanyang bahay.

Isang araw naman na pagkaumaga na pagkakain ay naglibot na siya dinatnan nang lagnat naman yaong Ama ang sakit nang ulo'y halos di mabata.

Di makuhang siya ay magluto naman nang pagkai't ayon sa matinding damdam sapagka't ang lagnat ay lubhang masásál saka masakit pa ang kasukasuan.

Nang dumating yaong naglibót na anak ay gutom sapagka't lampas na sa oras pagdating sa bahay ay agad nagbukas niyong paminggala't kakanin ang hanap.

Anopa at walang nakitang pagkain sapagka't ang Ama'y di makapagsaing pumasok na galit ay walang kahambing ang wika sa Ama'y bakit walang kanin.

Malubay na tugon niyong amang ibig di makapagsaing ako at maysakit hindi makaban~gon pagka't nan~gin~ginig yaring katawan ko sa lagnat na labis.

Sa anak na tugo'y magluluto lamang ang sakit na yaon ay dinadahilan ako ay gutom na ay walang daratnan nang pagkaing akin na inaasahan.

Di magsaing ka na ang sa Amang wika at tunay na ako'y di makagagawa at ang katawan ko ay malatang-malata't ulo ko'y masakit na hindi kawasa.

Magsasaing ako sa anak na sagot kita mo po't ako ay pagod na pagod lalo kung ganitong ako'y nayayamot maihahampas ko lamang ang palayok.

Kung hindi ka taong walang kahihiyan anang Ama't talos mo na ako'y may damdam may kakanin ka na't iluluto lamang ay di mo magawa't akong uutusan.

Madin~gig nang anak galit ay sabihin aniya'y ako pa palang hihiliin kahi't matuluyang ako'y di kumain ay ako ay hindi makapagsasaing.

Nagalit ang Ama't wika'y lapastan~gan at munti ma'y wala ka nang kahihiyan gala ka nang gala sa maghapong araw at di mailuto ang kakanin lamang.

Gayong pan~gun~gusap ano'y n~g madin~gig ang minamahal na anak ay nagalit at walang pitagang sa Ama'y lumapit yaong tampalasang alibughang isip.

Saka yaong Ama ay sinabunutan at hinila hanggang malapit sa hagdan ang kaawaawang Ama'y sumisigaw pagka't masasakit ang buong katawan.

Doon iniwan lamang yaong Ama at tuloy nanaog at umalis siya pagka palibhasa ay maraming kuwarta nang may isang linggo nama'y umuwi na.

Kaya n~ga at noong dumating sa bahay ay bangkay na lamang ang Amang dinatnan at dalawang araw nan~gang namamatay sa gutom na labis na di ano lamang.

Ano ang gagawin sapagka't patay na ay ipinalibing ang bangkay nang Ama sa apat katao siya ay umupa't nang oras ding yao'y ilinibing nila.

Nang mailibing na ang sa Amang bangkay siya'y nagiisang natira na lamang nagkaasawa ri't kapalibhasaan ay may kamunti pang natitirang yaman.

Isang lalaki rin yaong naging anak kawan~gis n~g Amang anhin mo'y pinilas at nang lumaki na'y tunay na kahuwad nang Ama, ang gawa at ugalig lahat.

At tunay n~gang lubos na pinakalakhan ang gumagala sa gabí at araw at kung oras siya na kakain lamang kaya umuuwi sa kanilang bahay.

Niyong lumaki na'y namatay ang Ina kaya't ang natira'y ay silang mag-ama haggang sa naging bagong-tao siya ang dating ugali ay di rin nagiba.

Isang araw yaong Ama ay dinatnan nang matinding lagnat na may kalubhaan masakit na lahat ang buong katawan at di makaban~gon doon sa hihigan.

Kaya sa hindi makayanang bathin yaong karamdama'y hahalihalinghing walang anoano nama'y sa darating ang anak sapagka't oras nang pagkain.

Pagpanhik sa bahay ay tinun~go niya yaong paminggala't kakaing talaga palayok nang buksan ay walang nakita kamunti nang sukat na makain baga.

Agad pinasok niya't kusang itinanong ang lutong pagkain kung saan naroon Ama ay bahagya na lamang tumugon aniya'y di ako makakilos n~gayon.

Sa anak na wika'y ang kamunting damdam ay minamalaki mona pong dahilan diwa ay talaga na lamang aayaw na ako'y pakanin at nanghihinayang.

Baga man ang Ama ay datay sa sakít ay napilitan ding dinayo nang galit dan~gan ang tao kang walang munting bait na nagsasalita'y hindi iniisip.

Nakikita mona na may damdam ako ang pagsasaing ko kaya ay paano nariyan ang bigas ay di iluto mo at huwag magsabi nang kung anoano.

Sa salitang yaong anak ay nayamot pagdaka'y tinangnan ang Ama sa buhok at kinaladkad na nang katakot-takot na hanggang sa lupa ay ipinanaog.

Niyong hinihilang malapit sa hagdan ang sigaw nang Ama ay dito na lamang sapagka't dito ko lamang inihanggan ang nuno mo niyong aking sabunutan.

Hindi rin nakinig ang kuhilang anak at doon sa hagda'y kinalakadladkad kaya't sa baytang ay nagkahampashampas nasisigaw tuloy sa malaking hirap.

At nasa lupa na'y kinakaladkad din ang hunghang na Ama nang anak na taksil at iniwan na n~gang hahalihalinghing at doon na lamang buhay ay nakitil.

Kaya n~ga't ang anak ay nang umuwi na dinatnan sa lupa ang bangkay nang Ama madlang nanunuod niyong datnan niya na hindi maisip yaong pagtataka.

Pagkamangha nila'y paganhing saysayin bangkay ay ginanap yaong paglilibing anak na naiwan ay di rin nagmaliw ang ugaling hayop ang siyang kahambing.

Yaong natitirang ari't kayamanan na minana doon sa Amang namatay ay naipagbili sampung pamamahay at naubos naman sa pagayon lamang.

Saka nang wala nang tunay na makain ang man~ga damit pa'y naipagbili rin nang walang pagkuha'y dito na umatim nang gutom na hindi makayang tiisin.

Ang ginalagala'y di rin nagtatahan at natun~go tuloy sa labas nang bayan at doon inabot niyong karamdaman nahiga sa lupa't di makagulapay.

Sapagkahiga ay walang anoano doo'y napalibot ang maraming aso linapita't asa'y patay nang tutoo kinagat na pinaghalihanan dito.

Katawa'y malata't mahinangmahina at hindi na halos makapagsalita kaya't ang pagbugaw niyang ginagawa'y di pansin nang asong nan~gagkakatuwa.

May limang dipá rin ang napaghilahan niyong man~ga asong nagkakaguluhan at bago pa nila nakilalang buháy ay nang mahalata nang ginalawgalaw.

Bagaman iniwan nang man~ga pagkagat ang dalawang paa'y tadtad na nang sugat lalo pang magulol ang matinding hirap at doon ang buhay na lamang nautas.

ELECTO

Ito'y siyang tubo nang man~ga magulang na sa man~ga anak ay mapagpalayaw kahi't gumawa man niyong kasalanan ay di binibigyan nang kaparusahan.

Kapag namihasa sa ganoong gawa ay ulol at ulol ang nagiging samâ at sila ang bilang na nagpapalala nang ugaling lihis mulang pagkabata.

At kung tumanda na't saka susupilin ang asal na gayong karimarimarim wala nang panahon at kung pipilitin abang nagpalayaw ang patatan~gisin.

BRILLO

May isang mag Inang sanggol n~g maiwan ang lalaking anak nang Amang namatay kaya n~ga't malabis yaong pagmamahal nang Inang may iwi sa anak na hiran.

Nang katabilan pa ang lagay nang bata na di mawatasan halos magsalita kapag inaglahi nang kahi't matanda ang itinuturo'y mahalay na wika.

Hanggang sa lumaki ay nakagawian pagbigkas nang bibig ay wikang mahalay at kahi't sa harap niyong kamahalan ang ibinubuga'y kasalaulaan.

Di na alumana ang bagay na yaon na katulad niyong masidhing ulupong Ina'y isang araw nama'y nagkataon na may panauhing nan~gagkakatipon.

Anak ay dumating na galing sa sugal at sa pagkatalo siya'y nagkautang pagharap sa Ina ang wika ay bigyan siya, nang salapi't may pagbabayaran.

Ina ay tumanggi't walang ikakaya doon sa salaping hinihin~gi niya kamandag na in~gat nan~ga'y ibinuga niyong tinuruang anak na vivora.

Pinaglasayan na n~g wikang mahalay ang Ina, nang anak na walang pitagan Ina ay nagtaglay niyong kahihiyan sa nan~garuroong panauhing tanan.

Kaya't ang mahalay na sabi nang anak sa bibig nang Ina'y siya ring binigkas anak ay nagtindig na likmua'y hawak at doon sa Ina'y siyang ihahampas.

Tanang panauhin ay dumalo naman dahilan sa Ina na nagsisisigaw at lubhang malakas ang pananambitan nang nagturong Ina niyong kataksilan.

Kaguluhan nila'y kahi't naapula kapintasan nama'y sumabog sa madla anopa't ang lahat nang makaunawa'y Inang sinisising uliran nang sama.

Sila na ang lubos na naging hantun~gan nang lahat nang taksil na magmamagulang kaya nga't nabantog ang kanilang n~galan ay di kabutihan kundi sa kasaman.

Yaong kapalaran kung sila'y dalawin ay di mamalagi at umaalis din parang sinasabik sa sandaling aliw at kung magdalita nama'y sapinsapin.

Anopa't ang lahat nang sa Mundong silo sa maginang yao'y walang nabibigo ginagawa nilang aliwan nang puso yaong walang awang hirap kung bumugso.

ELECTO

Kayong Ama't Ina na palatun~gayaw at mapagsalita nang wikang mahalay kayo ang sa anak ninyo'y umaaral nang lahat nang man~ga likong kaasalan.

At ang nagtuturo sa man~ga inanak nang bagay na man~ga di karapatdapat kayo rin sa huli naman ang lalan~gap nang bun~gang mapait sa binhing masaklap.

Tuwa mo'y kung ano nang bata pang munti sa pagtuturo mo nang salitang sawi kung lumaki nama't magkaroong sanhi ang tubo mo'y luha't pagdadalamhati.

Sapagka't kung ano ang punlang pananim ay siya rin namang bun~gang aanihin balang isang puno ay iyong timban~gin kung ilang ibayong papakinaban~gin.

Kaya karampatang in~gatan ang bata sa ano mang bagay na makasasama dito pa't sa isang buhay man ay huag ang ban~gis nang dusang pilit ilalagda.

BRINDO

May katuwatuwang duling na dalawa na nagkasalubong sa paglakad nila binati n~g isa na tatawatawa nanan~gis kunuwang sumagot ang isa.

Wika nang isa ay anong buhay mo't ang lakad mo'y tila malayong tutoo tugo'y mahalaga ang lakad kong ito at ako'y nanggaling sa isang mediko.

Napasa mediko at ano ang dahil tugon ay ang sanhi ay sa mata natin at hinihiling kong ang ating paningin ay mangyari lamang kanilang baguhin.

¿Ay ano ang naging panagot sa iyo? tugon ay wala nang daan pang mabago kanunuan natin ang may sala nito't naganyak nanuod doon sa Calvario.

Sa Poong kay Jesus nang nababayubay sa Cruz, at dahil sa sala nang tanan niyong malagot na ang hinin~gang tan~gan sa nin~gas nang kidlat sila'y nan~gasilaw.

Hindi magkawasto ang man~ga panin~gin at sa katakutang walang makahambing nan~gagtatakbuhang mata'y pasuliling at di matutuhan yaong tutun~guhin.

Katunaya'y noong si Kristo'y buhay pa ay wala nang gaya nitong ating mata si Kristong gagamot sapagka't patay na sa paggaling tayo'y wala nang pagasa.

Ito ang siya kong ikinalulumbay kailan ma't aking magunamgunam lagay natin n~gayo'y parang tinandaan niyong lihis nilang kagagawan.

Kundan~gan ang sila ay pakialami't walang kaguluhang di nakikipiling at nakikigaya pa sila marahil sa taksil na budhing man~ga mainggitin.

Naging pakinabang sa ganoong gawa ang tin~ging mabuti nila ay napasamâ sampung tayo n~gayo'y pinapalibhasa nang walang pitagang matabil na dila.

Dulo'y kundi tayo makapagpipigil laging basagulong makikita natin kaya wala tayong dapat na sisihin kundi silang naging sanhi nang hilahil.

Sila'y naglakad na't ang kalang makita ay linalapita't nananan~gis sila dahilan sa matang wala n~g pagasa na magkapanahong sila'y gumaling pa.

Balang makaalam nang kanilang sumbong man~ga katuwaan ay walang kaukol ang ganoong gawa nila ay patuloy hanggang sa kanilang bahay ay humantong.

ELECTO

Matuwid ang gayong palagay n~g duling kung tunay na ating didilidilihin tanang may ugaling mapakialamin madalas maramay sa man~ga hilahil.

At sa nangyaring man~ga kaguluhan sila'y nalalahok kahi't di kaalam ang di umaalis sa loob nang bahay sa sandaa'y isa kung magkagayon man.

Yaong man~ga taong gawa'y man~gutiya't walang kilos na di pamamalibhasa anopa't ang gayong pamamalibhasa siyang nagkakamit nang labis nang pula.

Kaya kapatid kong man~ga ginigiliw gayong kagagawang lihis ay alisin at doon ay walang papakinaban~gin kundi yaong dusa't pulang sapinsapin.

Kinakailan~gan nating pagaralan ang turo ni Kristong kapakumbabaan sundin ang kaniyang man~ga bili't aral nang tayo'y masama sa payapang bayan.

=KATAPUSAN=

[Patalastas: Imprenta Libreria y Papeleria de P. Sayo]

End of Project Gutenberg's Panayam ng Tatlong Binata, Ikalawang Hati, by Cleto R. Ignacio