Part 5
Ang kinatawang Velarde, ay isang mananggol na kilala ang ngalan ng marami sa siudad. Marami ng usapin ang kanyang mga ipinanalo, na, ang mga usaping ito ay pawang mga maseselan pa naman. Sadyang ang kanyang mga pinagtagumpayan ay mga usaping mahigpit na pinagaaralang mabuti ng mga manananggol. Taglay niya ang pagkamatalino at maliksing pangangatuwiran.
Kaya kailangan na ang mga nagaaral ng pagkamananananggol ay magkaroon ng katutubong talino, kailangan ang matinong pagiisip at kailangan ang maliksing mangatuwiran na sa pangangatuwirang yaon ay maayos at wastong lagi. Kailangan ang puso ay laging buhay, buhay ang loob at matapang.
Datapwa't para kay Eduardo ay walang ginagawa ang sarili kundi ang laging magsanay, laging magsikap at adhikain ang mga lalong mabuting ikahahanap niya ng paraan sa pagtatagumpay.
Kailangan ang mahihigpit na suliraning kanyang pagaralan lalong lalo na ang mga suliraning bayan na kailangang ang bayan ay kanyang tulungan sa ikapapayapa ng mamamayan.
Kaya sa ganang sarili ni Eduardo ay pipiliting mabuti ang pagsisikap upang siya ay magtagumpay. Kung siya man ay makatapos ng kanyang pagaaral ay kanyang sisikaping sa harap ng kanyang kapwa manananggol ay hindi siya, pahuli at bagkus kanyang pipiliting siya, ay maging tampok ang ngalan sa kanyang mga kapuwa. Kailangang ang kanyang ngalan ay magkaroon ng sariling dambana.
Kaya, kailangan nga sa kanya ang siya ay mapantay o kung maaari ay humigit pa sa mga lalong tanyag at kilala ng mga manananggol, humigit pang lalo ang kaningningan ng kanyang pangalan sa mga nauna.
Ngayon pa nga nama'y makikita na ang kanyang pagka may maningning na pagasa. Ang kalahating taong pagsusulit na ginanap ng kanilang paaralan ay boong layang nalampasan niya.
At, nang kanyang malaman na ganito ang kanyang nota--kataasan sa lahat--ay halos gayon na lamang ang pagkagalak ng kanyang puso. Anong buting palad!
Nasiyahan ang kanyang loob ng gayon na lamang; kataasan sa lahat.
Kaya sa pangyayaring ito ay minsan pang tagumpay na naman ng kanyang sarili. Gayon na lamang ang kagalakang kinamtan. Diyata at siya ang kataasan sa lahat? Kaya nalulugod siya.
Nguni't ang gayong mga kasiyahang loob ay di niya maaaring sarilinin. Kailangan ang kanyang ibalita kay Leoning, at kung malaman ni Leoning na, kanyang kasintahan o di ito nga naman ay isa pang kagalakan din ng kanyang irog. Kaya kanyang ibabalita.
Ninais niya ang magtuloy sa tahanan ni Leoning. Pamuli na namang ang kanilang mga puso ay magkakaulayaw. Mauulit na naman ang kanilang pagngingitian. Ang mga sandali na pagtatagpo nila ay isa na namang maliligayang sandali sa kanilang puso.
Kaya hindi nga niya maaaring kalimutan ang gayong di ibalita kay Leoning. Oo, si Leoning ang kanyang pinagtatapatan ng lahat. Ibabalita niya ang tinamo na naman niyang tagumpay.
Hindi niya maaaring di ipaalam kay Leoning ang ganito sapagka't si Leoning ang tanging kanyang inaasahang makapagpapaligaya sa kanyang buhay. Si Leoning ang dalagang hindi nawawala sa kanyang gunita, di niya maaaring kalimutan. Maging sa pagkain man ay nais niyang laging kapiling kung mangyayari lamang sana. Nais niyang lagi silang magkakasalo sa dulang.
Maging saan man siya naroon ay para sa kanya ay kasama niya si Leoning. Kung bakit? Sapagka't sa mga balintataw ng kanyang mga mata ay waring nakadikit na ang larawan ni Leoning na, hindi napapawi. At, sa gunita pa kaya naman niya mapawi? Oh, makalilibong hindi!
Waring kung naaalaala niya si Leoning ay para bang nakikita niyang nagdudulot sa kanya ng ngiti. Kaya hindi maaaring sumagi sa kalooban ng binata ang gawang paglimot. Tunay at wagas ang kanyang pagibig at pagmamahal.
Ngayon pang kanyang damdamin ay hindi man lamang dinadalaw ng ano mang pagkainip pagka't mula na nang sila ay magsumpaan ni Leoning, na, di magkukupas ang kanilang matamis na pagsusuyuan, sa pakiwari niya ay siya na ang napakaligaya sa lahat sa sangdaigdig.
Para sa kanya ay waring laging mabituin ang langit, laging nasisinag niya ang pagasa, ang ligaya ng palad at kaaliwan ng puso.
Kaya sa pagpunta niyang yaon kina Leoning ay boong galak halos naguumapaw sa kanyang dibdib ang katuwaan. Inaasahan niyang malayolayo pa siya ay sasalubungin na agad ng ating binibining taglay ang ngiti sa labi. Inaasahan niyang pagkatanaw na sa kanya ang pagkaway na wari bang sinasabing: "Halika".
Datapwa't malapit na siya sa tinitirahan ni Leoning, ay hindi pa niya nakikitang ang binibini ay sumungaw man lamang sa durungawan. Wala kaya roon? Nasaan kaya ang dating ugali ni Leoning na malayolayo pa ang binata ay sinasalubong na agad ng kaway at ngiti?
Kaya sa ganitong pangyayari ay di na niya lubhang pinagtakhan sapagka't baka ang pagdalaw niyang yaon ay nagkataon lamang na hindi agad siya nakita ng binibini. Kaya hindi niya dinamdam ang gayon.
At, kung ang pagdating niyang yaon ay nakita ng ating binibini ay na sa durungawan pa ay agad ngingiti ang dalaga, sasalubong at siya kakawayan.
Sa gayon, ang ating binata payapa rin ang loob. Ang hindi niya pagkakitang yaon kay Leoning ay walang ano man. Isang pagkakataon lamang na di dapat ikalungkot ng kanyang damdamin. Ano nga naman kung siya ay di nakita?
Kaya ginawa niya nang nasa may pintuan na ng tahanan nina Leoning, ay marahang siya sa kanyang paghakbang. Ninais niyang si Leoning ay biglain, na, ang gayon ay hindi naman mamasamain ng binibini pagka't isang biro ng kanyang irog. Ang ginawi namang yaon ng binata ay hindi masama o pangit na magiging daan ng masamang pagtingin ng sino man kina Leoning. At isa pa ay kilala naman siya na mabuting ugali at gagawin ba naman niyang yaon ay isang pagsubok lamang kay Leoning na upang ang kanyang pagdating ay magkaraan ng ngitian pagkatapos sa dahilang ang mga dinatnan ay mamamangha!
Nang si Eduardo ay anyu ng papasok ng maaliwalas na tahanan, ang mga maririkit na kortinang nakatabing sa may pintuan ay siya niyang ginawang salag upang hwag makita ang kanyang katawan.
Datapwa't bago lamang niyang wawahiin ang tabing ng pintuan ay waring napauntol siya sa pagkarinig niya ng salitang:
--Leoning, buhat pa nang kayo ay makasayaw ko na ginanap sa tahanan ng Don Gonzalo sa San Marcelino ay inibig ko na kayo noon at hanggang sa ngayon ay walang ibang nagbibigay balisa sa aking damdamin kundi kayo lamang.
Oh! palad ... sa pagkarinig niya noon ay waring nagsiklab ang tibok ng kanyang puso. Sumiklab ang kanyang dugo. Ano ang kahulugan ng lahat ng yaon? Diyata?
Diyata at may ibang kaagaw siya kay Leoning? Kaya sa pagkauntol ng paghawi niya sa tabing ay kanyang hinintay ang pagtugon ng binibini datapuwa't hindi niya narinig sumagot.
At sa gayon ay pamuling nagsalita ang lalaki:
--Leoning, marahil ay sukat ng maniwala ang aking sarili na ang hindi ninyo pagsagot sa akin ay nangangahulugan ng pagsangayon. Hindi ba Bb. Leoning?
Datapuwa't ang binibini ay lalo ba waring napipi.
Ano ang naghari sa kalooban ng isang Eduardo? Dalawang suliranin: isang pagkapoot at ang ikalawa'y ninais magtuloy sa kalooban ng bahay upang makilala ang kaagaw na iyon kay Leoning. Waring nagalab ang kanyang loob. Bakit? May iba palang nakakaibig kay Leoning! Sino kaya ang taong yaon? Sino ang lalaking yaon? Ninais niyang pasukin upang makilala datapuwa't nang anyung gagawin na niya ay ang kanya na ring budhi ang tumanggi: Hindi.
Hindi kailangan!
Ano ang kanyang pakialam at bubulabugin niya ang gayong paguusap ng dalawa ni Leoning? Isang masamang paraan ang gayon. Nagaral siya at kung kanyang gawin ang gayon ay anong sasabihin ng tao? Masama siya!
Kaya ninais niya ang magpakatimpi ng loob. Kung kanyang gawiin ang pagpasok at maalaman ni Leoning ang kanyang ginawa di wiwikain ay wala siyang ugali, walang mabuting kalooban at walang pinagaralan.
Nguni't ang iniisip ni Eduardo'y ang pangyayaring hindi pagsagot ng binibini. Waring ang salita ng lalaking kausap na: "ang hindi pagsagot ni Leoning ay nangangahulugan ng pagayon, ay isang sampal na tumama sa kanyang mukha."
Ano nga naman ang kahulugan ng lahat ng iyon? Sino ang lalaking yaon? Samaktuwid ay may kalaban pala si Eduardo?
Kaya tinangka niyang lisanin ang tahanang yaon. Mabuti na lamang at ang kanyang paghakbang ng marahan ay walang nakamalay.
Sa paglisan niyang yaon ay hindi naman siya lalayo pipilitin niyang makilala ang lalaking yaon. Maghihintay siya sa paglisan ng lalaki sa tahanan nila Leoning. Kahit anong oras ang dumating, hihintain niya ang pagalis upang makilala niya kung sino.
Kaya hindi siya lalayo ng kinalalagyan buhat sa tahanan ng binibini hangga't hindi niya nakikita ang lalaking kausap ni Leoning.
Minsan pang nabigo ang kanyang palad? Ano ang ibinabala sa kanyang maningning na pagasa ang ganito?
May kahulugan ngayon para sa ating binata ang lahat ng yaon!
XIII
Unti-unti na ngang nakita ni Eduardo ang malaking ipinag bago ni Leoning buhat nang kanyang mabatid na may ibang dumadalaw sa kanyang kasuyuan. Ngayong nabatid niyang siya pala ay may kaagaw kay Leonora na nang mga ilang araw na nagdaan ay hindi niya namamalayan.
Kaya ngayo'y lumipas na tuloy ang isang buwang singkad na si Eduardo ay dumadalang ang pagpunta kina Leoning dahilan sa malaking ibang ipinakikitang loob sa kanya na di paris ng dati. Si Leoning ay nagbago na sa kanya, nawala na ang dating mga pagngiting isinasalubong sa kanyang pagdating.
Nawiwili na si Leoning sa kanyang bagong kasuyuan, ang kanyang kasuyuan ngayo'y siyang laging nagpupunta sa bahay ng binibini upang makipagusap at makipagpalitan kay Leoning ng mga balita at buhay-buhay.
Ang kaagaw niyang yaon ay isang matanda ng binata na ayon sa kanyang balita ay isang mayamang mangangalakal na naging kasama ni mang Alejandro na kapatid ng ali ni Leoning. Ang binatang ito ay tumutugon sa pangalang Daniel Perez, na ngayon ay naninirahan dito sa siudad. Siya'y isang kilalang mayaman sa Kabisayaan.
Daniel Perez, iyan, iyan, ang kalaban ni Eduardo sa pagibig kay Leonora.
Ang pagibig nga naman ni Leoning!
Ang pagibig ni Leoning ay parang natulad sa bula lamang sa gitna ng tubig na biglang nawala. Para ba kay Eduardo ay naglaho nang lahat ang kaligayahan ng kanyang buhay sa ngayon. Wala ng natira kundi pawang mga pangarap na lamang ng mga dumaan. Wala, wala na yata at sadyang hindi na magbabalik ang lahat. Para kay Eduardo ay pawang kapaitan lamang sa buhay ngayon ang naging palad niya.
Wala na!
Wala na at hindi na yata pamuling magbabalik ang kanilang kahapong nagdaang lipos ng kaligayahan at pangarap.
Si Leoning nga naman!
Nawala na nga kaya sa alaala ni Leoning ang lahat? Diyata't nilimot niya ang sumpaan sa pagibig? Kaya ngayon ay walang bumabagabag sa damdamin ni Eduardo kundi pawang mga mapapait na gunitain sa buhay! Pawang mga masasaklap lamang na pangarapin ang kanyang naging kapalaran. Wala na ang dating mga pagngiti sa kanya ni Leoning. Naglaho ng lahat!
Madalas ngayon, ang kanyang katawan ay nalulungkot, waring lagi ng matamlay at paminsanminsang nagbubuntunghininga na lamang. Maminsanminsan ay masabi sa sariling:
--¡Ay! Leoning! dahil sa iyo, dahil sa sumpa mong nilimot sa aba ko, ay wala na ang lahat.
Para kay Eduardo ay untiunting nagkukupas ang lahat. Kung baga sa bulaklak nalalanta at nalalaing. Ang dating paglingap sa kanya ni Leoning ay parang natulad lamang sa ulap, biglang naglahong paminsanan. Ang dating paglingap ni Leoning ay tulad lamang sa isang pagdadapithapong lumulubog na.
Para ng langit na ngayo'y puno ng ulap at wala ni isa mang bituin, iyan ngayon ang waring nakikita ni Eduardo.
Wala na, ang mga kaaliwan ay naglaho na sa kanyang lahat. Naglaho na sa kanyang palad ang maningning na pagasa at ngayon ay waring madilim at mga luksa ang kanyang nasisinag.
Wala ng paglingap sa kanya si Leoning!
Wala na, wala na, at makailan na niyang tangkaing dumalaw datapuwa't para lamang pagabigo ang kanyang nakamtam. Ano nga kaya naman ang nangyari sa kay Leoning? Bakit? Bakit daglian naman siyang lumimot sa dating kasuyuan...?
Parang kakahapon lamang na sila ni Eduardo ay lagi ng maliligaya at nagduduyan sa katamisan ng pagibig datapwa't ngayon, ngayon ay parang naging ulap na lamang, paraparang naglahong lahat.
Kahabaghabag na Eduardo!
Pusong sawi at kulang palad!
Ang buwan ay lumiit na't ngayon ay pamuling nagbalik ang kabilugang nagsasabog ng liwanag datapuwa't ang kanilang puso ay tila hindi na pamuling sumimsim ng katamisan ng buhay na dating kanilang ginagawa kung ganitong mabuti ang panahon.
Oo, parang mga ulap lamang ang nakabadha sa langit, ayon sa pakiwari ni Eduardo ay siya niyang nasisinag. Wala na nga naman ang lahat! Si Leoning ay wala na hindi na niya pamuling makakaulayaw paris ng dati.
Aywan nga ba nama't kay dali ni Leoning lumimot!
Para kay Eduardo'y pagkasaklap pagdilidilihin!
Diyata at si Leoning pa ang naunang lumimot? Oh! ang babai nga naman! Nahan ngayon ang pangakong sinumpaan ni Leoning sa pagibig? Nahan ang kanyang sumpang hanggang sa libingan ay hindi siya magbabago? Bakit ngayon ay naglahong lahat?
--Hanggang libingan....
--Hanggang hukay!
Oh! ang mga iyan ay naglaho ng lahat! Kabulaanang lahat! Kasinungalingang lahat! Oh! ang lahat ay wala, parang bula lamang sa gitna ng tubig na biglang nawala! Wala ng lahat, paraparang nabaon sa limot, sa ulap, sa wala.
Leoning, maanong ang isang binatang ngayon ay nasa kandungan ng pagkasawi at sinisiklot ng bagabag ay tapunan mo man kahit isang ngiti? Oo, isang ngiti man lamang.
Ngitian mo man lamang sana ang palad ni Eduardo ng minsang lumuwagluwag ang nagsisikip na damdamin sa mga pasakit. Ngitian mo sana ang palad niyang tila ba na sa bingit ng hukay. Nasa bingit ng hukay! Oh! kay saklapsaklap na kapalaran ng ating binata! Wala na namang pagasa, wala na, ang puso ni Eduardo ay hanggang sa lihim ng tumangis, lihim ng lumuha, manghimutok, lihim na mapa ¡Ay! oo dahil lamang sa iyo Leoning! Dahil sa sumpa mong nilimot!
Leoning, bakit nga naman kay daling magbago ng tibukin ng iyong puso? Nahan ang dakila mong sumpa?
Bakit nga naman Leoning? Bakit daglian mong nilimot ang dating kasuyuan? Hindi mo kaya nagugunitang dahil sa sumpa mong nilimot ay may isang palad na ngayon, ay sinisiklotsiklot ng bagabag? Hindi mo kaya nababatid na may isang pusong sa mga pasakit, na, natulad sa bulaklak na naunsiami?
Leoning, kahabagan mo ang isang palad na tulad ni Eduardo. Lingapin mo ang isang dahil lamang sa iyo ay masasawi, dahil sa iyo ay mawawalang pagasa, mawawala ang kaaliwan, mawawalan ng lugod sa puso at marahil sa wakas ay walang kasasadlakan kundi isang hukay, isang libingang mapanglaw. Leoning, Leoning, maawa ka!
Lihim mo sanang pakinggan ang daing ng iyong nilimot.
Namamanglaw at walang ibang tinatawag kundi ang iyong pangalan: Leoning, OO si Leoning lamang.
Leoning, nilimot mo kaya si Eduardo sapagka't siya ay isang binatang hindi mariwasa?
--Hanggang hukay!
Oh! kabulaanan! Hanggang hukay na parang kakahapon lamang. Hanggang hukay na ngayo'y waring siyang magdudulot ng kamatayan sa puso ng sinumpaan. Hanggang hukay na ngayon ay hindi pa dumarating ang tadhana ay naglaho agad na parang nilamon ng ulap.
Leoning, nahan ang puso mo kung gayon? Nahan ang puso mong datidati ay may paglingap? Nahan ngayon ang dating mabini mong kilos, ang iyong kayumiang taglay kahapon? Leoning, nahan ang puso mong noong una ay mabait at tapat? Nawala na kaya sapagka't ikaw ay nabilang na sa matataas na angkan ng mga tao ...? Nawala na kaya sapagka't ang mga marami mong nakakaharap ngayon ay mga taong nabibilang sa matataas na lipunan at mga kilala, mga mariwasa, mayaman at masalapi?
Ito kaya ang sanhi ng lahat ngayon Leoning? Sapagka't nakayapak ka na sa mga matataas na lipunan at mga sociedad, ay maglalaho na ang dating maningning mong ugali? Nahan ang kayumian mong dangal na lahi, na, nang mapasama ka at mawiling makipiling sa mga taong tanyag ay nagbago ka? Leoning gunitain mo man lamang kahit minsan ang iyong kahapon!
Kaawawang Eduardo!
Binatang umaasang may maningning na tagumpay, na hinaharap sa araw ng bukas. Binatang may pagasang magiging maligaya sa harap ng isang Leoning. Datapua't ngayon, ngayon, oh! sa aba mo ay tila isang maitim na ulap lamang ang lahat. Pangarap lamang ang lahat!
Binatang sinikap ang mga lalong ikadadakila ng kanyang sarili at sa gayong paghahanda ay para sa kanyang kadakilaan at ng kanyang irog. Ang pagsisikap niyang yaon ay dahil lamang sa kanyang mutya, dahil sa kay Leoning na kanyang puputungan sa noo ng laurel ng dangal, datapuwa't ngayon ay ano ang nagbabala sa kanyang palad? Ano kaya? Isang ulap lamang. Isang ulap nga, at naglaho lamang ang lahat!
Ang lahat! Oo, ang lahat ay wala na, wala na siyang pagasa sapagka't si Leoning ay hindi na niya maalaman kung bakit lumimot. Nguni't ano kaya ang katotohanan at si Leoning ay lumimot? Nilimot kaya siya sapagka't ang bagong kasuyuan ay isang mariwasa, isang mayaman, masalapi at bukod pa ay kasamahan ng marangal na tao? Marahil ay sa ganyang paraan nga nahimok ang ating binibini. Aywan nga natin.
Kaawaawang binata!
Oo, kaawaawang Eduardo, kulang palad na binata na nilimot ng kanyang irog. Nilimot ng kanyang kasintahan, nilimot ni Leoning, na, ngayon ang kanyang naging palad, oh! ang kanyang naging palad ay naritong magtiis ng hirap, siklutin ng bagabag, tulad ng bulaklak na nalalanta, tulad ng liriong natutuyo, kumukupas ang dating kasariwaan, nalalaing ba wari.
Dahil sa sumpa mong nilimot Leoning!
Dahil sa sumpa mong nilimot oh! Leoning ngayon ay walang ibang tinitiis ang puso ni Eduardo kundi ang mahahapding sugat, sugat na walang lunas, wala na kundi kung pamuling magbalik ang kahapong kaligayahan nila. Ngayon ay waring tinik na dumuro sa kanyang puso, tumagos sa kanyang dibdib hanggang sa kaliitliitang ugat ng kanyang kaluluwa, iyan ang dahil lamang sa sumpang nilimot ni Leoning.
Dahil sa sumpa mong nilimot ay wala na, walang ibang kinakaulayaw, kundi ang mga sakit, ang mga dalamhati, ang mga dusang kapanglawan sa buhay.
Oo, nga Leoning hindi na marahil hahaba pa ang kasaysayang ito, matatapos na sapagka't wala na, wala't dahil nga sa sumpa mong nilimot ay waring matatapos na ang lahat.
Waring matatapos na ang lahat sapagka't tila ba nakikita na lamang ni Eduardo ngayon ay isang luksang libingan na hantungan ng madlang dusa sa buhay. Dahil sa sumpa mong nilimot ay wala na siyang nakikita pang liwayway ng magandang palad, ng magandang pagasa, wala na, sawi na siya, pusong walang kaaliwan, walang pagasa at nilimot ng kasuyuan.
Si Eduardo ay wala na, wala na nga siyang magandang pagasang papangarapin. Naglaho na sa kanya, lumubog na ang maningning na araw na may dalang kapalaran. Dahil sa sumpa mong nilimot, si Eduardo ay nangungulila, nalulungkot at untiunting nawawalan ng sigla at waring nagtutumuling lumulubog ang pagasa.
Si Eduardo ay isang sawi, isang walang pagasa, walang aliw, walang lugod sa buhay. Nasa kandungan ng dusa, nasa kandungan ng sakit at sinisiklot ng bagabag ang paso. Siya ay nilimot at dahil sa sumpang nilimot ni Leoning ay, waring tapos na sa kanya ang lahat, tapos na ang aliw.
Oh! ang mabuhay nga naman sa sangdaigdig na itong puno ng hiwaga!
Isang pusong sawi ng dahil sa pagibig ng dahil sa sumpang nilimot! Kaya nagbago na ang lahat, si Eduardo ay hindi na pamuling magduduyan sa kandungan ni Leoning! Wala na, wala na at natapos na ang lahat.
Natapos na ang kanilang pagtitigan na sa pagtitigang yaon ay nagkakaalaman na sila ng lihim ng puso, natapos na ang kanilang pagngingitian, na, ang pagngingitiang yaon ay nagkakaalaman sila ng lihim ng diwa.
Waring hindi na nga magbabalik ang lahat. Oo, sa pangyayaring yaon ay matila na lamang sa mga pangarap. Ang naglahong araw na di na pamuling magliliwayway ang liwanag. Ang maningning na pagasa ni Eduardo ay waring may nakabadhang ulap. Ano ang kahulugan ng lahat ng iyon? Aywan din natin.
Kaya sa pagiisa ngayon ni Eduardo ay nakikita na lamang niya ay ang nagtutumulin na paglubog ng araw ng kanyang pagasa. Tulad niya ay isang bulaklak na nalalanta.
Wala na at waring natapos na sa kanya ang lahat at lahat. Magtiis ng hirap at magtiis ng bagabag ang kanyang naging palad.
Ngayon, maminsanminsan lamang niyang bigkasin kung nagiisa ay ang ngalan ng kanyang irog na lumimot.
--¡Ay! Leoning! Dahil lamang sa sumpa mong nilimot minsan man lamang malasin mo ang palad ko!
At wala na, iyan lamang, iyan lamang ang minsan ay kanyang masabi sa pagiisa. Waring wala na siyang napapangarap kundi ang larawan ni Leoning at ng bagong kasintahan na tila ba nasa mga balintataw ng kanyang mga mata ang larawang anyu ng dalawa na nagduduyan sa kandungan ng pagibig at sinasagap ang matamis na hamog ng pagsusuyuan: sa kandungan ni Daniel Perez.
Kaawaawang Eduardo!
XIV
Kasalukuyan noong idinaraos ang masiglang sayawan sa maaliwalas na _auditorium_ ng karnabal sa Maynila.
Sa sayawang yaon ay waring walang mababakas na ano mang kalungkutan sa bawa't mga naroroong mga nagsisipagsayaw. Waring ang mga puso ay naghehele sa katamisan ng kaligayahan sa kandungan yaong naging isang langitlangitan dito sa lupa na puno ng maraming mga bituing nagkislapkislap.
Ano pa't ang auditurium na yaon ay ganap na pugad ng tuwa at kaligayahan ng puso. Isang pugad na pinaghaharian ng tuwang walang kahulilip. Ang lahat ay ngumingiti at mayroon pang maririnig na malakas na halakhakan.
Datapwa't sa kabilang dako noon ay may isang puso ring bagama't gayong nasa kandungan ng katuwaan at kaluwalhatian ay paminsanminsan ding dinadalaw ng himutok. Sino kaya siya? Bakit sa harap ng halakhakang yaon ay hindi siya makipagngitian?
Kaya sa ganyang anyu ng binata ay may isang kaibigang lumapit sa kanya at sinabing:
--Eduardo, waring ang loob mo ngayon ay nagiging matamlay? Bakit, bakit ang mga sandaling paris nito ay iyong pinararaang tila ba walang kabuluhan?
--Pako, hwag mong pagaalahanin ang ganito para sa akin. Walang anoman Pako.
--Hindi ka sana dapat magkaganyan, halika at magsayaw ka.
--Hwag na, salamat, ikaw na lamang.
--Hindi, hindi Eduardo, halika--at binatak sa kamay ang kausap.
--Pako, sukat na huwag na....
Hindi nakatanggi ang ating binata at sumama rin. Masama nga namang malasin ang sila ay magbatakan pa sa karamihang yaon ng mga tao. Sukat na ang isa ay umayon.
--Pako, wala pati akong pareha.
--Eduardo hindi ka maaaring mawalan, halika na--na tuloy hila pa rin ang kamay ni Eduardo ni Pako.
At makalipas ang isang saglit ay siyang paglapit nila sa harap ng isang binibini na sa isang tanging luklukan at pagkaharap nila sa dinatnan ay sinabi ni Pakong:
--Ikinararangal kong ipakilala si G. de la Rosa.
--Fely Ester po.
--Eduardo dela Rosa po naman.
--Maraming salamat po.
--Gayon din po naman.
--Fely--ang wika ni Pako samahan mo nga silang magsayaw.
At ang dalaga ay walang naitugon kundi isang matamis na ngiti lamang na nagpapahayag ng pagayon.
Kaya sa tugtog ng isang malambing na "Waltz" ay sinaliwan nilang boong ayos. Waring sa mga bisig ni Eduardo ay naghehele sa katamisan ng pagindak si Fely, datapwa't gaano nga naman sanang lugod kung ang makakasayaw ni Eduardo ay ang dati niyang irog?
Para kay Eduardo ay naliligayahan man siya nang mga sandaling yaon ay isang kaligayahang pangkaraniwan lamang at di paris sana kung kasayaw ang dating kasuyuan, si Leoning, nalubos sana ang kagalakan ng kanyang puso.
Datapwa't hindi hinihintay ni Eduardo na sa pagsasayaw nilang yaon, ang binibini pa ang nangunang mangusap at sinabi sa kasayaw na:
--Kayo na po lamang ang magpaumanhin at ako ay hindi gasinong sanay.
At, ang gayong pangungusap ni Fely ay waring nagkaroon ng kahulugan para sa binata. Hindi niya akalaing si Fely ay magsasalita ng gayon. Alam niyang ang dalaga ay sadyang sanay at mabuti na lamang at sila ay kapuwa bihasa. Ang pagindak nila ay ayos na ayos at talagang mahusay.
Kaya ang gayong pangungusap ni Fely ay wari ba yatang isang pagkutya lamang sa binata. Datapwa't hindi, ang dalaga ay ibig lamang may mapagusapan.
Kapawa sila mabuti at nagkakaayos sa pagsayaw.