Hiwaga ng Pagibig

Part 4

Chapter 4 3,817 words Public domain Markdown

--Oh! hwag na, sumakay ka na sa iyong auto at ako ay hahanap ng ibang magpapalakad pagka't ang kamay mo ay hindi makakilos.

--Sumama po kayo.

--Hwag na at ako ang bahalang maglahad sa maykapangyarihan nitong mahiwagang gulong ito.

--Sasama kayo sa maykapangyarihan at bakit?

--Sasama ako upang malaman ang lahat ng hiwaga ng pangyayaring ito na nagbigay ligalig sa maraming tao.

--Kung ikaw rin po lamang ang may kagagawan ng lahat kong itong sinapit, ay hwag na, hindi na kailangan.

--Ipinagsasama nila akong pilit upang kunan ng tanong--na sabay turo sa dalawang sekreta--hala magpunta ka agad sa pagamutan upang iyan ay malunasan.

At di na nagsalita pa ang binata. Sa mga pangungusap ng matandang Pepe ay hindi na siya kumibo. Ano nga namang kung pinipilit ng maykapangyarihan na siya ay ipagsama?

At hustong dumating naman ang karo-ambulansia. Sumakay siya at ang matandang Pepe naman ay ipinagsama ng dalawang sekreta sa Bagong Bayan upang kunan ng ilang tanong sapagka't walang iba kundi ito ang may kinalaman sa pangyayaring yaong gulo.

Kaya't gayon na lamang ang nagharing bulungbulungan! Ano nga naman ang naging sanhi nang pangyayaring yaon at ang isang Pako pa na pamangkin ni mang Pepe ang tinamaan?

Sino kaya ang nakababatid ng lihim na iyon?

Sino nga kaya? Ang lahat ay parang namangha na lamang. Kaya't ang maraming taong nakasaksi sa kaunting ligalig na nangyari ay nagkahiwahiwalay na ang mga pagkukuro ay nagtatalo sa kung ano anong hiwaga ang pinagmulan ng gulo.

Ang lahat ay parapara ng nagsipagalisan. Nilisan ang pook na yaong hindi naman nila man lamang nabatid ang tunay na naging simula.

Si Eduardo ay muling nanhik kina Leoning at sana'y pamuli pa niyang kakausapin ang binibini at ipagpatuloy ang naputol nilang masayang paguusap datapwa't ang gayon ay di na nangyari sapagka't maraming nagtatanong sa puno't dahilan ng gayon at pati si aling Rita ay nakihalo na sa kanilang paguusap sa kahiwagaan ng nangyari.

Kaya't gayon din lamang ang naghaharing bulungbulungan ay tinangka na niya ang magpaalam. At, isa pa ay itatanong sa kanya kung ano ang kahulugan ng mga hiwagang yaon datapwa't hindi naman niya masagot kaya't nagtindig na siya at sinabing:

--Leoning, hanggang sa muli.

--Hwag mo sanang limutin ang muli mong pagdalaw dito.

At si aling Rita pati ay nakilahok na sa usapan nila at sinabing:

--Hwag ka sanang makalilimot ng pagparito.

--Hindi po.

At nanaog na ang ating binata. Sa durungawan ay muli pang nagdulot si Leoning ng isang ngiting puno ng pagasa para kay Eduardo na habang natatanaw at naaabot ng kanyang titig ang binata ay di naaalis ang pagkakapako ng kanyang paningin. Para kay Eduardo ay naging ilaw naman niya sa paglakad ang gayong mga ginawi ng binibini.

X

Anong laking kahihiyan kung ang lahat ng lihim na naging puno't simula ng kanyang paghawak ng rebolber upang ipamaril ay mamalayan ng mga magsisi pagusig?

Diyata kaya't kanyang ipagtatapat ang lahat ng iyon? Diyata at hanggang sa harap ng hukuman ay kanyang sasabihin ang mga kabulukang dapat niyang ipaglihim at di dapat ipamalay sa tao? Maisalaysay kaya niyang lahat? Tila nakahihiyang sabihin!

Kaya't habang hindi pa dumaratal ng Bagong Bayan ay waring mahigpit na naglalaban sa kanyang kalooban ang dalawang malaking suliranin sa puso: ang siya ay magsabi ng totoo o gumawa ng paraan na kanyang ikaiilag sa pagkahiya? Alin nga kaya ang dapat niyang sabihin? Ang katotohanan?

Oh! ang katotohanan! kung kanyang sasabihin ang katotohanan ay kanyang lahat ang kahihiyan, sa kanyang lahat ang lagpak na kapulapulang ititingin ng tao. Magtatamo siya ng matutunog na halakhak. Bakit? Sapagka't nalalaman niya ang dila ng tao. At ano nga naman ang dila ng tao?

Oh! ang dila ng tao....

Papaano nga naman ang kanyang gagawin? Dapat nga namang ilihim niya ang lahat. Ano kaya ang sasabihin kung mamalayan ng madla? Ano ang sasabihin sa kanya? Walang ulo, walang dangal at niluko ng asawa.

Oh! pagkasamasama!

Wala nang nakapagbibigay lumo sa kanyang katawan kundi ang mga suliraning ito. Diyata at ipagtatapat niya sa harap ng hukuman na gayo't ganito ang nangyari? Kay saklap na sabihin at nakahihiyang totoo!

--Ang kanyang asawa'y nagsukab!

Kay samang pakinggan! Para bang sinampal siya ng isang malakas sa panga kung magkakagayon! Anong samang pakinggan! Para bang isang matunog na bomba kung kanyang maririnig ang salitang ito.

Pinagsukaban siya!

Kay samasama nga naman! Nguni't ano pa ang mangyayari? Waring napadikit na sa kanyang balintataw ng mga mata ang larawang anyung ginawa ng sukab na asawa. Manatili pa kaya siya sa harap ng isang asawang kanyang inaasahang magdudulot ng kaligayahan sa puso na, sa kabila pala ay lasong mapait at kamatayan ang idudulot sa kanyang mga kamay?

Datapwa't sino ang may sala ng lahat ng iyon? Sino nga naman ang dapat bigyang sisi?

Sa kabilang dako ay narito't nananaghoy at waring humihikbihikbi ang kanyang asawang nagtaksil.

--Walang kailangan sa akin ang ako ay iwanan ng lalaking yaon. Napakasal ako sa kanya ng dahil sa maling pananalig, hindi sa salapi pala nahahanap ang kaligayahan ng puso? Ang nais ko'y ang pagibig....

Ganyang mga pangungusap ang namulas sa labi ni Carmen nang waring nabubuhayan ng lakas ang loob. At, ang asawang Pepe ay sadyang hindi na katugon ng kanyang tibukin ng puso. Hindi ang puso ni Don Pepe ang makaliligaya sa kanya!

Kaya sa ngayon ay walang kaligayahan si Carmen kundi ang mapasa kandungan ng kanyang kaaliwan sa puso: kay Teofilo, sa isang batangbatang kawani sa malaking samahan ng "Smith Bell & Co.," na, ang kawaning ito, na salamat at nakailag na kusa sa pagbaril ni mang Pepe.

Gayon na lamang ang pagngingitngit ng galit sa kanya ni mang Pepe, na, mabuti na lamang at nakaligtas pa siya. Ano sanang laking gulo kung sinamang palad siyang tamaan?

Hindi pa siya sinasama!

At, kung nagkataon sana ay tumagos ang bala sa kanyang katawan na marahil ay aywan pa kung siya ay bigyan ng buhay.

Kung maghari nga naman ang kapangyarihan ng pagibig ay di iniilagan kahit kamatayan! Oh, ang hiwaga ng Pag-ibig!...

Kaya ang ginawa ni Carmen ay lumiham ng maiksi para kay mang Pepe at iniwanan sa ibahaw ng mesa. Nagbihis siya at nanaog na dala ang kanyang mga bihisan. Saan kaya siya pupunta? Sundin kaya ang asawa na kasama ng dalawang sekreta? Oh, hindi! Hindi, hindi ang kanyang asawa ang susundin sapagka't liliham pa ba siya sa asawang Pepe kung doon din lamang susunod?

Hindi nga!

Hindi na niya maaaring sundin pa siya. Napopoot sa kanya ang lalaking yaon! Lason ngayon siya sa pangmalas ni Mang Pepe.

Saan siya pupunta?

Kay Teofilo? Marahil, at ang kanyang tinungo'y ang tahanan ng batang kawani. Doon siya sasama sapagka't iyan ang nakakatugon ng kanyang puso sa pagibig. Iyan ang kanyang kaligayahan, hindi si mang Pepe. Sasama siya at hindi na siya ngayon tatangkilikin ng dating asawa.

--Teofilo--ang wika agad ni Carmen pagdating sa tahanan ng binata--hwag ka nang magdalang takot.

--Carmen, saan naroon si mang Pepe? baka ako ay kanyang patayin?

--Hindi, hwag ka nang pakikita sa kanya.

--Baka bagabagin ang ating kalagayan?

--Hwag kang manganib, hindi na siya maghahabol sa akin.

--Ako ay natatakot? Magbubunga nga pala ang ating ginagawang pagnanakaw na iyan ng kaligayihan.

--Teofilo, hwag kang manganib, sa iyo ako, at hindi na sa kanya.

--Diyata Carmen?

--Oo, sa bisig mo na ako magduduyan ng panibagong kaligayahan at sa bisig mo na rin mamamalagi.

--Nguni't ano ang sasabihin ng mga tao kung malaman?

--Ano, di wala?

--Ay ang asawa mo?

--Walang kailangan sa asawang paris niya.

Ang dalawang ito samakatwid ang magpipisan. Ang dalawang ito na nagkakaisa ng tibukin ng puso ang magduduyan sa kaligayahan ng katamisan ng pagibig. Ang dalawang ito na naging mapalad ang pagiibigan ang siyang magkakasundo.

Para kay mang Pepe ay isang lasong makamandag si Carmen sa kanya. Kaya't ngayon ay di na maghahabol. Pinabayaan na niya!

At, sa harap ng hukuman ay sinabi ni mang Pepe ang boong katotohanan. Siya ay di nagbulaan. Siya ay isang dakilang tao na ayaw magsinungalin. Iginalang niya ang kahalagahan ng batas. Hindi nakapanaig sa kanyang budhi ang magbulaan sa harap ng hukuman.

Kaya't matapos na siya ay kunan ng tanong sa mahiwagang yaong pangyayari at matapos maipahiwatig niya ang boong katotohanang kanyang ginawa kung kaya siya nagkagayon, ay pinalaya ng mga maykapangyarihan.

Umuwi siya ng tahanan at kanyang dinatnan ay ulila na sa kanyang kinapopootan. Mabuti na lamang at wala na doon ang lasong yaong sukab na babae. Waring nasiyahan pa ang kanyang puso pagka't naglaho na sa kanyang pangmalas ang asawang kanyang isinumpa.

Sa ibabaw ng mesa ay nakita niya ang liham ng sukab at kanyang binasa na ganito ang mga natititik:

PEPE:

Yamang ang tibukin ng puso natin ay di rin lamang magkaisa ay ngayo'y ninais ko na ang tayo ay magkahiwalay at ako ay asahan mong sa mga sandaling ito ay nasa iba ng kandungan: doon sa makapagdudulot ng kaligayahan ng aking puso.

_Paalam,_ CARMEN.

Kaya't walang nasabi si mang Pepe kundi ang ganito:

--Salamat at ako ay nawalay sa kanya. Nanaisin ko na ang sarili ay huwag makasilay pa sa kanya minsan man. Hindi ko na hahabulin kahit na siya saan pumunta. Malaya na siya sa malayo kong piling.

At, upang makailag si mang Pepe sa mga sasabihin ng tao ay ginawa ang lumayo, nilayuan ang pook na yaon. Humanap siya ng pook na tago sa mga mapagkunwaring babae na mapagsukab. Doon sa walang maririnig na bulungbulungan ang kanyang sarili. Inilagan niya ang masasamang kinakakakitaan ng paris noong nangyari sa kanya. At, kanya na lamang na isadilidiling:

--Ilan pa kaya ang mga babaing nagsisipagugali ng gayong hindi namamalayan ng kanilang mga kabiyak ng puso?

Salamat na lamang at ni ano mang balitang kumalat ay wala na siyang pinangingilagan. Mabuti at lihim na lamang na nangyari ang lahat na di naalaman ng tao.

Kaya't ang pangyayaring yaong nagbigay ligalig sa di iilan ay nagdaang parang walang ano man: nalihim sa madla.

XI

Ang simoy ng hangin ng gabi ay kay sarap samyuin! Waring dala ang mababangong halimuyak ng mga sariwang bulaklak na nagsisipamukadkad sa mga sariwang halamanan na pinapatakan ng hamog kung nagdadapit-hapon.

Pati mga ibon ay waring mga nananahimik na noon, na, nangagdapo sa sanga ng kahoy. Ang kanilang masasayang pag-awit ay natigil na at sa malalabay na lilim ng mga halaman ay doon nangaroon at nagsisipagpahinga: ang mga pipit, ang mga maya at iba't ibang ibon ay tahimik ng lahat.

Sa mga halaman ay walang mamamalas kundi ang katahimikan ang naghahari at ang mga punong kahoy na kung gumagalaw lamang ang mga dahon ay kung nahahalikan ng palaypalay na simoy ng malayang amihan.

Ang mga batis ay waring tahimik din na walang ibang masisinag kundi ang mga tila ba gintong nagkislapkislap o mga perlas kung mamalasin ang malinaw na tubig na natatamaan ng sikat ng kabilugan ng buwan.

Ang gabing yaon ay isang gabing lipos ng aliw, lipos ng pangarap na nakapagbibigay lugod sa mga hapong bisig sa pagdulang ng mahabang maghapong paggawa.

Kaya, ang lahat ay waring nagkakaisa sa idunudulot na kabutihang panahon nang gabing yaon. Ang langit ay maaliwalas at wala ni badhang ulap na masisinag. Waring ibinabalita sa ilalim ng langit na ito ang isang babala ng magandang kapalaran. Ang mga tanawin ay sadyang, nakasasabik pagmalasin na para bang ang isang bayang may sapot na ulap ng pagkabusabus ay di pinakikitaan sa mula't mula pa ng kalikasan ng ganito. Waring ang lahat ay tulad ng bulaklak na sariwang nagkakasiya sa patak ng hamog ng isang gabing yaong lipos ng tulain at pangarap sa mga pusong uhaw sa katamisan ng malayang buhay.

Bawa't puso ay waring nalulugod, bawa't diwa ay nasisiyahan sa idinudulot ng magandang panahon!

Ang mga bulaklak na waring mga nagsisibukad dili ay tila, mga nakangiting lahat dahilan sa patak ng biyayang hamog na siyang nagpapasariwa. Ang dahon ng kahoy na mga nalalanta at tuloy na mga nalalaing ay parapara bang nagsisipanariwang lahat, na nanauli sa dati. Nananariwang lahat sa patak ng hamog na ang gayon ay siyang lalong nakapagdudulot sa mga bulaklak upang lalong maging ganap ang kabanguhang humahalimuyak.

Datapwa't kung ang mga bulaklak na iyan, kung ang mga dahong iyan ng kahoy ay pamuling nanariwa sa mga patak ng hamog ng gabi, ay katulad rin naman iyan ng pusong tumutungga at nauuhaw sa sarong ginto ng katamisan ng hamog ng pag-ibig.

Ang mga puso ay katulad ng mga bulaklak. Ang pusong umiibig na uhaw sa lingap ng kanyang paraluman ay pusong uhaw sa biyaya ng kanyang langit na katulad ng mga bulaklak na waring nakangiti sa bawa't patak ng sariwang hamog. Katulad ng mga dahon ng kahoy na anyung nalalaing na sa patak ng hamog ay pamuling nananariwa, na, tulad ng isang pusong nauuhaw naman sa katamisan ng ngiti ng dalaga.

Katulad ng mga ibong malalaya ang buhay sa mataas na papawirin, walang dusa, walang nakaaalipin at paraparang maliligaya.

Na, katulad naman ng dalawang puso, na walang ulap na bumabadha sa kanilang matamis na pagmamahalan. Walang mapait sa mga damdamin: laging maligaya at nagngingitian.

Dalawang pusong sa gitna ng pagiisa ay kaligayahan ng damdamin ang siyang taglay ng diwa. Dalawang pusong manakanakang nagkakatitigan, na ang mga pagtitigang yaon ay sukat ng magkaalaman ng lihim ng puso. Dalawang pusong nagkakangitian, na ang mga, pangingitiang yaon ay sukat ng magkaalaman ng lihim ng diwa.

Oh! mapapalad!

Mapapalad nga at walang dusa: dalawang pusong sa kandungan ng kaligayahan ay umaawit ng tagumpay, nangangarap ng katamisan ng pagibig, ng matamis na pagmamahalan ng puso.

Kay palad nga naman!

--Leoning!

--Eduardo!

Ang mga mapalad na ito ay nagduduyan sa bisig ng maligayang kandungan ng gabing lipus ng pangarap.

Kay palad na gabi nga naman noon!

Ang gabi ay tahimik at ang maliwanag na sikat ng buwan ang siya lamang nakakamalag sa dalawang pusong mapalad na yaon. Saan naroon ang dalawang ito? Saan natin sila makikita?

Datapwa't kung nais natin masaksihan ang kanilang maligayang paguulayaw ay narito at madali nating makikita. Ating tingnan ang halamanang maraming bulaklakan nila Leoning. Sa ilalim ng isang mayabong na balag na ginagapangan ng mga baging umaakyat at sa ilalim ng mga dahon ng "cadena de amor" ay naroon at sila ay naghehele ang mga pusong uhaw sa katamisan ng pagibig.

Dalawang pusong naguulayaw, na, nagkakapalitan ng mga ngiti sa mga sandaling yaon, nagkakatitigan na nagkakahiwatigan ng lihim ng kanilang puso.

--Leoning, ang ilang araw na nagdaan na di natin paguulayaw ay waring sa palagay ko'y kung ilan ng taon para sa akin.

--Eduardo, marahil ay hindi lamang ang puso mo ang nagkaganyan; ang kay Leoning man.

--Diyata!

--Maniwala ka.

--Anong sarap mong magmahal.

--Ganyan ka rin naman kaya?

--Kaya Leoning, asahan mong ang pangyayaring itong di karaniwan ay di ko na marahil malilimot pa.

--Pasalamat tayo at nagkaroon ng ganitong pagkakataon.

--Salamat nga at magkaulayaw tayo ng boong tamis.

--Nguni't hindi na marahil mauulit.

--Kahimanawari Leoning ay maulit pa.

--Pagkakataon nga lamang yata ang ganito.

--Leoning, idalangin nating maulit.

--Aywan natin sa panahon.

--Kaya waring kamatayan ang ating paghihiwalay.

--Nagsinungaling ka na naman.

--Maniwala ka Leoning.

--Maniwalang magsisinungaling ka.

--Hindi.

--Eduardo, tapat na kaya ang puso mo sa akin magpakailan man...?

--Asahan mo Leoning.

--Nguni't ako ay nangangamba.

--Anong ipinangangamba mo?

--Ang ikaw ay lumimot.

--Nakakita ka na kaya ng ipinagbago ko sa iyo?

--Hindi pa nga nguni't....

--Nguni't ano?

--Na kung dumating na ang panahon?

--Leoning samakatwid ay nagaalapaap pa ang loob mo sa akin? Hindi mo ba ako iniibig Leoning?

--Eduardo, iniibig kita at ikaw lamang ang pagasa ko nguni't naalaala, ko lamang ang kasasapitan ng palad ko sakaling....

--Sakaling ano Leoning?

--Ako'y iyong kalimutan....

--Leoning, sa gunita mo ay iwaksi ang lahat ng iyan.

--Diyata kaya?

--Oo.

--Salamat!

--Oo, salamat pa daw.

--Leoning, alalahanin mong wala ng ibang lugod ang aking puso kundi sa piling mo lamang.

--Na hihdi kaya isang pagsisinungaling lamang?

--Huwag kang magalapaap ng loob.

--Eduardo, manalig na kaya ang palad ko?

--Manalig ka Leoning ko.

--Isinusumpa mo.

--Tunay.

--Hanggang....

--Hanggang libingan.

Anong tamis nga naman ng dalawang pusong naguulayaw at nagmamahalan? Anong ligaya ng dalawang pusong ang katamisan ng pagibig ang siyang naghahari? Ang hamog ng pagibig! Kay tamis sa dalawang puso!

--Kaya Leoning ko, inaasahan kong sa mga labi mo ay buhat ngayon ay maririnig kong bibigkasin mo kung ako'y tatawagin ang ngalan Eduardo ay dagdagan mo sanang lagi ng salitang "ko" na: Eduardo ko.

--Eduardo ko? Ang ganyang ay laon kong sa puso ay lihim na siyang, tinatawag sa pagiisa.

--Leoning, diyata, kay sarap mo nga palang magmahal.

--Oo, Eduardo ko, malaon na.

--Na di na kaya magbabago?

--Hanggang tumitibok ang puso ni Leoning.

--Leoning, anong sarap mo nga palang magmahal.

At ang binibini ay di na nakasagot at ang mahigpit na yakap ng pagmamahal ang iginawad kay Leoning.

--Leoning, nasa kamay mo lamang at iyong kandungan ang lahat na kaligayahan ng aking puso, kaya hwag mo sanang lilimutin ang isang Eduardo upang hwag magkaroon ng dalamhati.

--Nais ko nga ang laging kaligayahan ng puso mo nguni't baka pagkatapos ay lumimot ka sa sumpa.

--Kamatayan ko nga Leoning ko na baka ikaw ang lumimot.

--Ako man Eduardo, na tulad ko marahil ay isang bulaklak na lagas kung iyong limutin.

--At, kung lumimot ka, dahil sa sumpa mong nilimot, ako ay mamamatay.

--At kung ikaw naman ang lumimot dahil naman sa sumpa mong nilimot, bulaklak akong manglalagas sa tangkay.

--Kaya, Leoning, hwag nating alalahanin ang lahat ng ito.

--Oo, hwag nating limutin ang sumpaan.

--Oo, nga at kung limutin mo, dahil sa sumpang nilimot ako ay....

--Eduardo ko, ako'y gayon din, bulaklak akong manglalagas nang dahilan sa sumpa mong nilimot kung iyong gawin ito.

--Kaya Leoning ako ay umaasa.

--Manalig ka.

--Hindi kita pababayaan.

--Na ako ay iyong mamahalin.

--Ng lalo't higit sa buhay.

--Maging maligaya ka kung gayon sa katamisan ng aking pagmamahal.

--Salamat, at sa iyo nga lamang ako mabubuhay.

--Leoning, hwag kang makalilimot.

--Hanggang libingan.

--Leoning!

--Eduardo!

--ยก.....!

--Kaya, Leoning ko, bayaan mo sa ngayong awitin ang katamisan ng pagibig sa iyong kandungan.

--Hindi ba nasisiyahan ang puso mo? Eduardo ko ang palad ko lamang....

At sa malantik na baywang ni Leoning ay waring ang bisig ni Eduardo ay naging parang lumingkis na lamang na hindi tinanggihan ng binibini. Kay palad na bisig!

Ang ating binata ay naging mapalad ng gayon na lamang. Ang katamisan ng pagibig, at katamisan ng pagmamahal ni Leoning ay inawit niya ng boong tagumpay.

--Sukat na Eduardo ko--ang paanas na salita ng binibini.

--Leoning, samantalahin natin ang pagkakataong ito. Alamin mo Leoning na sa mga ganitong sandali lamang natin matutungga ang ganitong sarong ginto ng katamisan ng pagibig, sa mga sandaling ito lamang ang kaligayahan ng ating puso ... Oo, Leoning ko, malasin natin ang buwang iyan, iyang mga bituing nagkislapkislap at ang kabutihang panahong iyang idinudulot ng katalagahan na ang ganyan ay siya nating saksi ... Oo, Leoning. Magsalita ka, hindi ka ba naliligayahan?

--Eduardo ko sukat ng lahat ang iyong sinabi nguni't....

--Nguni't nais mo kaya ang kaligayahan ng aking puso.

--Hindi.

--Hindi pala Leoning.

--Kaya sa bisig ko ay bayaan mo ng awitin ko ang katamisan idinudulot ng pagibig. Bayaan mong sa bisig ko ay magduyan ka at sa kandungan mo naman ay maging akong maligaya. Sa kandungan mo ay bayaang mangarap ang puso kong uhaw sa hamog ng iyong pagmamahal.

--Eduardo ko!

At hindi na natugon ang tawag na ito ni Leoning at sa kanyang mga labi ay isang halik ang naiganti ng binata.

At ganap na naghari ang katahimikan. Sa bisig ni Eduardo ay waring naghehele si Leoning, nangangarap, nalulugod ang puso. Si Eduardo, sa kandungan ni Leoning, ay waring isang paruparung na sa piling ng bulaklak na nasisiyahan sa katamisan at kabanguhang humahalimuyak.

Kay papalad!

Mapapalad na tinamo at inawit ang tagumpay ng puso. Si Leoning ay nasa bisig ng binata, si Eduardo ay nasa kandungan ni Leoning na puno ng buhay, puno ng ligaya at katamisan, ng pangarap.

Dalawang pusong sa kaliwanagan ng buwan ng gabi ay maligayang nagduduyan sa katamisan ng pagibig. Dalawang pusong umaawit ng tagumpay na walang nakamalay....

Kay palad na mga puso!

Oo, kay palad sapagka't ang katamisan ng pagmamahalan, at katamisan ng pagsusuyuan ay nasamyo nilang boong laya, nasamyong tulad sa bulaklak na sariwang humahalimuyak na hinahalikan ng hamog.

XII

Ang panahon ay patuloy ng paglakad, na, waring ang kabuhayan ni Eduardo ay hindi man lamang dinadalaw ng ano mang bagabag sa buhay. Laging payapa at maligaya, walang ligalig at waring ganap na ang kanyang pag-asa na nasisinag na magandang bukas.

Pati kanyang pagaaral ay gayon na lamang ang ginagawang pagsisikap upang sa kabila ng kanyang mga pagpapagod ay matamo naman niya ang tagumpay. Walang mga sandaling pinalalampas upang sayangin sa ikatutuklas ng mga mabuting adhika't mga dapat na pakinabangan pagdating ng araw. Kaya buo na ang kanyang pananalig na may magandang bukas siyang hinaharap.

Sa kabilang dako naman ang masayang pamumuhay ni Leoning ay patuloy rin. At sa boong pananalig ng ating binata ay lagi nang inaalaala ang kanyang irog, na inaasahan namang gayon din sa kanya ang binibini.

Si Eduardo magmula na nang siya ay makilala ng kinatawang Velarde ay waring lalong naging masigla at masikap sa kanyang pagtuklas ng karunungan. Sa mga makabuluhang pangungusap at mga mabuting halimbawa na ipinagtapat ng kinatawan sa kanya ay waring siyang nagdulot sa kanyang puso ng lubos na pagaadhika upang lalong maging tawagin siyang mabuting bata.

Hindi na nga naman malalaon, siya ay tatawagin ng manananggol. Magiging isang tagapagligtas sa mga inaapi ng maling paratang ng mga may diwang naglulubog ng matuwid.

Mga kailan ay isa sa magtatanggol sa katuwirang ayaw pasikatin ng mga may diwang magaspang at mapagimbot. Na, ang lakas ng katuwiran ay siya niyang pasisikatin at ang mga inupasala ay ipagtanggol niya.

Magiging manananggol siya, na, sa harap ng kapwa manananggol ay makikipagtalo sa pagtuklas ng mga katuwirang sinisikap pagaralan ng mga lalong matalino. Kailangan ang siya ay magkaroon ng ngalan, sapagka't sa kanyang pagaaral pa lamang ay nagpakita na ng ningning ng kanyang pagkamaypagasa sa harap ng kanyang magandang bukas. Ang bukas na sa kanya'y naghihintay.

Hindi siya nagkamali sa pagpili ng kanyang minimithing karunungan na pagaralan. Bagay nga sa kanya ang manananggol. Maging sa tinig na lamang ng kanyang mga pangungusap ay sukat ng mapagkilala ang kanyang kakayanan sa karunungang ito.

Siya nga naman ay isang maningning na talang inaasahan ng kanyang bayan. Maging ang kanyang paguugali ay sukat ng mapagkilala ng sino mang kanyang makakaharap na siya ay isang taong may mataimtim na kalooban. Siya ay matapat at sa mga noo niya ay mababakas ang pagkamatalino at mabait na tao. Siya ay matapat at di kakakitaan ng ugaling magaspang na ginagamit lamang ng mga diwang may masamang pagiimbot. Ang ugali niya ay hindi makapagbibigay suklam sa harap ng iba.

Kaya minsang siya ay nagsadya sa tahanan ng kinatawang Velarde upang siya ay magaral ng mga lalong tumpak at wastong pangangatuwiran. At, ano ang kanyang tinamo? Pinuri siya sa kanyang pagkamasikap. At, sa bufete ng nasabing kinatawan ay ipinakita sa kanya ang mga lalong mabuting paraan at mga maayos na pagkilos ng isang manananggol na may ngalan. Itinuro sa kanya ang lalong mabuting paraan sa pangangtuwiran sa mga usaping maselan.