Part 2
At, dumating na ang ikawalo ng gabi. Di pa nagsisidating ang hinihintay nina Eduardo: ang paguwi nila Leoning. Inip na inip na si Eduardo. Sa mga gayong oras ay dapat nang magsiuwi sila sana, sapagka't matagal nang tapos ang tugtugan sa Luneta. Lahat ng mga taong nabuhat doon ay paraparang nasa kanila ng pamamahay.
Nguni't walang ano ano'y sa darating ang isang auto. Anong galak ni Eduardo! Halos mapalundag sa tuwa pagka't sila ay magkakatagpo.
--Halina at salubugin natin sina Leoning.
At, sila ay sabaysabay na nagsipanaog dahilan sa pagasang sa pagibis ng sakay ay aanyayahan sila ni Leoning, na pumanhik muna, sa kanilang tahanan. Hindi maaaring sila ay mapahiya sapagka't si Eduardo ay kilala ni Leoning at bukod pa sa rito'y kilala rin siya ni aling Rita.
Datapwa't kay laking kasamaang palad! Nabigo ang kanilang pagasa. Bakit? Ang autong tumigil ay walang sakay kundi ang Tsuper. Saan naroon sina Leoning, ang ali at ang matandang lalaki na kasama nito kanina sa pagliliwaliw sa Luneta, na pinagkatagpuan nila ni Leoning, na daglian?
Kay samang pagkakataon!
Isang pagkabigo na naman ang naging palad ng ating binata.
V
Gayon pala ang mangyayari kung sila man ay pagkita ni Eduardo: Magkatanaw-tama na lamang ang kanilang mga titig. Nagkasalubong sila, datapwa't parang walang ano man. Magkakausap ba sila ay kapwa matuling ang autong kinasasakyan?
Ganyan ang nangyari kanikanina lamang na sila ay magkita sa masayang liwaliwan sa Luneta.
Ah, kaya madalas ay nanginginip din siya! Iilan pa nga naman ang kanyang nagiging mga kakilala. Ang kanyang kabuhayan ay di nakatatamo ng dating ligaya paris ng nasa sariling bayan. Wala na nga namang napakatamis sa damdamin paris ng nasa sarili.
Bagama't noong una ay halos mapalundag siya sa katuwaan sa pagsapit ng Maynila, ay nang nalalaon na ay dinalaw rin ang kanyang puso ng pagkalungkot. Para sa kanya ay wala ring halaga ang maririkit na tanawin na kanyang nakikita sa Maynila, paris ng makita niya ang kanyang kasintahan. Ang mga panooring makabago sa kanyang pangmalas ay para bang madali niyang pinagsasawaan. Ang mailaw na siudad ng Maynila ay di niya maituring na kaligayahan ng puso.
Pumapasok ngayon siya sa paaralan ng mga may kasanayan sa pagbuborda. Twing umaga ay inihahatid siya ng auto ni mang Alejandro sa kanyang pinapasukan na nakatayo sa daang Heneral Solano, sa San Miguel. Datapuwa't ang ganito niyang kabuhayan ay di rin makapagbigay lubos kaaliwan sa kanyang buhay. Ang lagi niyang pinipitapita at idinadalangin ay ang makita ang mukha ng kanyang irog: ang mukha ni Eduardo. Datapwa't saan niya makikita si Eduardo? Ang kanyang mga kasama sa pasukan ay pawang mga babae lamang.
Kaya't kung umagang patungo siya sa kanyang pinapasukan ay halos, ang maraming taong nagsisipaglakad sa banketa ng mga iba't ibang lansangan ng siudad ay isa-isa niyang pinagsusuri. Datapwa't marami ng araw ang nakaraan ay pawang pagkabigo lamang lahat ang kanyang nagiging palad. Hindi niya makita si Eduardo. Saan nga naman niya hahanapin? Sa Escolta, habang siya ay dumaraan sa mataong yaon ay di rin niya masilayan sa karamihan ng nagdadaanan. Kahit nga naman si Eduardo ay magdaan sa kanyang tabi lamang datapwa't pag sadyang hindi sila nagtanaw-tama ay hindi sila magkikita. Kay dami daming tao, kay tutuling lakad pa naman.
Kahabaghabag na Leoning na sabik makita ang kanyang minamahal!
Pawang pagkabigo nga lamang ang nangyari sa kanya. Saang lipunan niya makikita ang kanyang iniirog? Oh, Maynila iyan pala ang Maynila, iyan pala ang iyong kahiwagaan! Kay gusot na siudad! At, si Leoning sa kanyang pagiisa ay minsan ay nasasabi na lamang sa sariling:
--Oh, ito ba ang Maynila? Kay gusotgusot pala!
Ang lahat nga lamang para sa kanya ay pagkabigo. Ang pagasa niya noong una, na, kanyang makikita agad ang iniibig ay parang isang pangarap lamang. Oo, pangarap lamang pala! Kay dami daming tao ng Maynila! Saan mo nga naman matitiyak makita agad ang isang Eduardo? Saan niya hahanapin? Pangit para sa kalooban ni Leoning ang siya ay magsadya sa tahanan ng isang binata. Nais niyang sukat na lamang ang sila ay magkita sa isang pagkakataon.
Pangit nga naman kung kanyang sasadyai'y tahanan pa ni Eduardo. Nais niyang makita ang kalagayan ng binata datapwa't hindi niya gagawin ang magsadya sa kanyang tahanan. At, sa paanong paraan niya maaring patunguhan ang bahay ng ating binata? Sinong magtuturo sa kanya? Oh! ang lahat ay di maaari. Hindi niya maaaring patunguhan pagka't ang mga iba't ibang bahagi nitong Maynila ay hindi niya nababatid. Ipagtanong? Nguni't kanino? Hindi ba isang kahiyahiyang siya ay tutungo sa gayo't gayong pook na ang sasadyain ay lalaki pa naman?
Hindi nga, naman mangyayari ang gayon!
* * * * *
Hanggang sa pagdating na ni Eduardo ng sariling tahanan na hindi malimutan ang kanyang tinamong pagkabigo, na, kanyang inaasahang sa gabing yaon ay magkakatagpong walang sala sila ni Leoning.
Kay pait na kapalaran naman para sa kanya ng gayon!
Gayon na lamang ang kagalakan ng loob noong una pagka't nagkaroon siya ng magandang palad na maalaman ang kinatitirahan ni Leoning at lubos na sa sarili ang pagasang sila ay magkikita. Anong buti nga namang pagkakataon ang kanyang sinamantala datapwa't hindi rin nagtagumpay!
At, ang kanyang hangad na pakikipagkita kay Leoning ay nawalang saysay. Nabigo siya ... Saan nga naman napunta sina Leoning, si aling Rita at ang matandang lalaking kasama nila: si mang Alejandro? Bakit nang dumarating na ang auto ay hindi sila sakay? Saan kaya sila nangaroon ngayon?
Saan nga naman naroon? Saan kaya natin hahanapin? Saang bahagi ng siudad sila nagsipunta? Saan natin hahanapin sa magusot na siudad ng Maynila?
Baka sakaling inaanyayahan ng mga kaibigan ni mang Alejandro? Baka kaya napapadalo sa isang kasayahan? Aywan natin. Malapit nga marahil na magkatotoo ang ganito. Si mang Alejandro ay maraming kaibigan sa siudad. Madalas ang siya ay anyayahan ng kanyang mga kaibigan. Sa mga liwaliwan, sa mga sayawan ay di nawawala ang matandang ito. Nguni't saan bahagi ng malawak na siudad naroon ngayon sila?
Sa isang maaliwalas na tahanan na natitirik sa daang San Marcelino ay kasalukuyang naghahari noon ang isang masiglang sayawan. Ang tahanang yaon ay lubhang napakaganda ang pagkakaayos na nasa loob pa mandin ng isang halamanang maraming mga bulaklakan ang mga palibot. Ang tahanang yaon ay mapagkikilala na isang mariwasa ang may-ari.
Kasalukuyan noong idinaraos ang sayawang parangal sa dalawang mapalad na pinagisang dibdib: ang anak na babae ni Don Gonzalo at ang lalaki na si Eligio Arce na isang taga Iloilo.
Ang bawa't panauhin, sa dalawang papasok sa panibagong baytang ng buhay, ay nagsisipaghandog ng maliligayang bati. Si mang Alejandro ay naroon. At kung naroon si mang Alejandro ay walang salang naroon din si Leoning at si aling Rita. Di nga mangyayaring mawala.
Noo'y naghahari ang gayon na lamang kasiglahan ng sayawan. Sa bawa't mukha ng mga panauhin ay walang ano mang kalungkutang mababakas. Lahat ay ngumingiti.
Datapuwa't para kay Leoning, bagama't ang kanyang damdamin ay nasa kandungan ng gayong kaligayahan, ngunit sa kanya ay walang ano man iyon. Kung sakali mang ang kaakitakit na mukha niya ay paminsanminsang sinusungawan ng mga ngiti ay ang mga ngiting yaon ay hindi kaligayahan ng kanyang puso. Ngumingiti siya, nguni't sa kabilang dako ay walang namamahay sa kanyang kalooban maliban sa kalungkutan at pangungulila sa kanyang iniirog. Ngumingiti siya datapwa't ang kanyang puso ay lihim na tumatangis at nalulungkot.
Nakikipagsayaw siya ng mga sandaling yaon ng nguni't hindi nasisiyahan ang kanyang puso. Sa gayong kandungan ng mga ligaya't pangarap ng mga pusong nauuhaw sa pagsimsim ng kaligayahan at katamisan ng buhay, para sa kanya ay isang ulap, lalo't kung hindi niya kapiling ang kanyang minamahal ng lalo't higit sa buhay: si Eduardo.
Halos hihirang tugtog ang hindi niya nasayawan at laging nakukuha siyang pareha ng mga bago niyang kakilala. Karamihan pa naman ay mga kilala't tanyag na mga kabinataan ang nagaagawang siya ang maging palad na makasayaw. Hindi nga kaya ang isang Leoning ay magbago ng loob sa gayong mga pagkakataon at limutin ang isang Eduardo? Mga kilala at tanyag na mga tao pa naman ang waring nagsisipaghagis sa kanya ng mga irap na may kahulogan at ibig sabihin. Hindi kaya siya makalimot pagdating ng ilang araw sa kanyang sinisintang si Eduardo? Hindi na kaya siya mabihag ng ibang binatang naaakit ng kanyang dilag at kagandahan?
Ilang mga binata na ang sa kanya ay naguunahang makipagsayaw datapwa't siya ay laging may kapareha. Ang gayon ay isang napakahiwaga.
Kaya't dalawang binatang waring lubos na nasasabik makasayaw si Leoning ang naguusap ukol sa binibini.
--Kung ako lamang ay magkakapalad na makasayaw sa dalagang yaon ay kay palad ko na.
--Ako man--ang sambot naman ng kausap.
--Napakaganda kung kumilos, ano hindi ba?
--Oh! kilos ba lamang? Pati mga titig niya ay lubos ng makabaliw sa isang puso.
--Ang ngiti man lang niya ay sukat ng makapagbigay, lugod sa iyo kung iyo ng kapareha.
--Oo, nga kung ngingitian ka niya ay walang salang maliligaya ka na ng gayon na lamang.
At, si Leoning nga naman ay waring isang bulaklak na namumukod sa lahat ang katangian: tulad ng kampupot na bago lamang na bumubukad na nagsasabog ng halimuyak. Maraming nagsisihanga at nagsisipaghagis ng titig sa kanya.
At, habang lumalakad ang panahon, si Leoning ay lalong dumadami ang kakilala: mga matataas na tao at marami'y mga _titulado_ pa. Hindi kung sino sino lamang na mga binata. Ano pa't sa matataas na lipunang lagi madalas siyang maanyayahan. Palibhasa'y si mang Alejandro ay kaibigan ng maraming kilalang tao sa Maynila kaya't ito namang si Leoning ay hindi rin nawawala at kasama saan mang kasayahan mapunta ang matandang ito.
Paris nga naman nang naganyaya ngayon sa kanila, na, hindi rin napahuhuli kay mang Alejandro. Mariwasa at maraming kumakalansing. Kaya't si Leoning, maging sa kasuotan ay hindi napapahuli sa mga lalong naggagaraan kasuotan palibhasa'y parang tunay na anak siya ngayon ni mang Alejandro. Ngayon ay di naman lamang pinagagawa ang ating binibini. Ang dating ginagawa niya noong una na magburda at manahi ay hindi na ngayon nahahawakan.
Kaya't karamihan sa mga kaibigan ni mang Alejandro, mayaman at matataas na tao, ngayo'y nagiging mga kakilala tuloy ni Leoning: at nagiging mga kapalagayang loob pa.
Natapos at natapos ang sayawan at umuwi ng sariling tahanan na ang taglay sa puso ay ang kalungkutan. Anong lugod nga naman sana kung ang sayawang yaong lipos ng aliw ay naging kasayawsayaw niya si Eduardo?
Kaya ito ang pagkabigo ni Eduardo noong gabi sa pagasang makita si Leoning.
Ang kanyang pagasa ay talagang nabigo. Sadyang hindi niya makakatagpo noon si Leoning. Ang autong yaon na kanilang hinintay at maasahang kinalululanan ni Leoning ay sadyang ipinahatid ni mang Alejandro sa kanilang tahanan upang ipagbigay alam sa mga utusang huwag hintin ang kanilang pagdating. Datapwa't ang autong iyon ay nagbalik din sa San Marcelino makalipas ang ilang sandali.
VI
Si Eduardo nga naman ay walang palad!
Nang magdamag na iyon ay halos di na siya naidlip kamuntiman. Sa pagkakita niya kay Leoning ay waring pinagiisip niya na napakahiwaga. Anong paraan nga naman at si Leoning ay naparito sa Maynila na hindi niya sukat akalain? May katwiran nga naman ang isang Leoning kung sisihin ng isang Eduardo kung bakit ibinalik na lahat ang liham ng binata. Wala nga palang totoo si Leoning sa sariling bayan. Nagtataka ang isang Eduardo? Bakit ni balita ay hindi man lang ibinalita sa kanya ni Leoning? Apat na liham ang nabalik sa kanya.
Napakalaking suliranin para sa kanya ang gayon! Naito pala sa Maynila si Leoning! Bakit? anong nagbigay daan at nawili siyang manahan sa siudad na itong puno ng hiwaga?
Sa pagkakita niya kay Leoning na waring lalong nagibayo ngayon ang ganda kay sa noong naroon pa sa lalawigan ay siyang lalo namang nagdudulot sa kanyang puso ng malaking pananabik at pakikipagtagpo sa binibini.
Halos ang bawa't tunog ng orasan ay kanyang narinig sa boong magdamag. Pilitin man niyang ipikit ang kanyang mga mata ay waring nakikita rin niyang lagi, sa kanyang mga balintataw ang magandang larawan ni Leoning.
Sa kanyang pagkakahimlay, ang maliwanag na sikat ng buwan ay waring nagtatanod sa kanya. Kaya't hanggang sa sumapit na ang kalaliman ng gabi na tahimik na ang lahat, ay nagbangon siya at ang maaliwalas at mabituing langit na walang bahid ng ano mang ulap ay kanyang pinagpakuan ng tingin.
Kay aliwalas nga naman ng langit noon!
Ni badha ng ano mang ulap ay walang masisinag sa kaitaasan. Kabilugan ang buwan. Anong dikit malasin kalangitan! Waring nagdudulot sa kanya ng lugod ng puso at kaligayahan ng damdamin. Kay sarap ng simoy ng hangin! Anong sarap kung masanghap! Kay bango ng simoy na dala ang mga kabanguhang humahalimuyak sa mga bulaklakan!
Ang gabing yaon ay isang gabing puno ng pangarap at tulain!
Sa kanya, ang gabi, ay waring nagpapahiwatig ng isang kaligayahan ng puso! Waring nagbabalita kay Eduardo ng magandang kapalaran ng buhay na puno ng pagasa. Waring ibinubulong sa kanya ang kaligayahan ng puso. Waring naririnig niya ang mga awit ng pusong mapapalad na nagduduyang sa bisig ng magandang kalikasang puno ng pangarap.
At ... nang magmamadaling araw na, bago siya maidlip ng bahagya ay walang nasabi ang kanyang sarili kundi:
--Anong lugod sana kung makakapiling ko si Leoning sa pagkakataong paris nitong gabing puno ng sariwang pagasa, ng lugod ng puso at buhay!
* * * * *
Kinabukasan, pagkagising ni Eduardo, ay wala nang ibang sinikap sa sarili kundi ang paraang kanyang gagawin upang makausap ang binibini.
Kaya't wala na siyang sinikap kundi ang maghanda. Kung baga sa digmaan ay para siyang lulusob.
Sa Tundo, kay ligayang pook!
Si Leoning ay doon naninirahan at bagama't ang pook na ito ay may kaunting kalayuan sa kanyang tinitirahan ay naging gayon na lamang kalapit para sa kanya. Kung noong una ay di man lang niya kinagigiliwan paroonan, ngayon ay siyang paraiso ng kanyang puso. Iyan ngayon ang kanyang kinagigiliwan.
Sa kanyang kalooban ay buo na ang pagasa at pananalig na makausap ang kanyang irog. Mababatid ni Eduardo kung ano ang dahilan at si Leoning ay naparito sa siudad. Mababatid rin naman ng ating binibini kung ano ang sanhi ng kanilang pagkakatigilan ng pagpapalitan ng mga balita ng kanilang pagsusulatan.
Para sa binata ay kay buting pagkakataon. Gayon na lamang ang kanyang kasiyahang loob.
Dumating ang takdang oras.
Magara ang damit ng ating binata at bagay na bagay sa kanyang tindig.
--At, anong palad na pagkakataon--ang nawika sa sarili.
Natanaw niya sa may durungawan si Leoning.
Anong palad nga naman! Ang kanilang mga paningin ay karakang nagkasalubong: nginitian agad siya at boong lugod na inanyayahang pumanhik.
--Mabuti na lamang at hindi nagbabago si Leoning--ang nawika ni Eduardo.
At si aling Rita na noo'y na sa labas ay pagdaka'y pumasok at sinalubong ng boong lugod ang ating binata.
--Eduardo, magtuloy ka, halika--ang wika ng matanda--Ano, kumusta ka?
--Mabuti po sa awa ng Dios.
--Bakit mo nalaman itong amin?
--Hindi ko po sinasadyang mapadaan dito nguni't nakita ko si Leoning sa inyong durugawan.
--Mabuti naman at nalaman mo ito. Pumarito ka ngang lagi.
Gayon na lamang ang pagkalugod niya sa anyayang yaon ng matanda; kay gandang loob!
--Leoning, kausapin mo nga sila, ipagsama mo sa loob, hala pasok kayo at ako lamang ay magaayosayos dito sa labas--ang dugtong pa ni aling Rita.
At nagsipasok sila. Anong tuwa ng binata! Wala kundi pawang kasiyahan sa puso ang naghahari.
Datapwa't paghakbang ni Eduardo sa loob ng kabahayan ay nagtaka at napamangha siya ng gayon na lamang. Bakit? Ano ang kanyang nakita? kung nababatid lamang niya! Hindi sana siya nagpunta agad kina Leoning, nagdaan muna sana siya kina Pako at magpalipas ng ilang sandili doon.
May panauhin pala si Leoning!
At, bakit nakikipagngitian kay Leoning? Nanggilalas siyang lalo ng mangusap ang binibini.
--Ipagpatawad ninyo ang sandaling iyon--ang sabi ng binibini sa lalaki. Hinagisan na lamang ni Eduardo ng tingin ang kinausap.
Ano nga naman ang kahulugan ng mga yaon? Sino ang taong ito? Ito kaya'y kaagaw niya kay Leoning?
Nang magkatama ng titig ang ating binata at ang dinatnang panauhin nina Leoning ay nagsalita ang binibini ng ganito:
VII
Kinararangal kong ipakilala sa iyo ang kinatawan sa lalawigang C ... ang kagalanggalang na kinatawang Velarde.
--Eduardo de la Rosa po.
--Maraming pong salamat.
--Ang binata pong iyan ay aking kababayan--ang patulo'y ni Leoning. Siya ay isang nagaaral dito sa Maynila at di magluluwat at makatatatapos na sa kanyang pagaaral,--ilang araw pa't siya'y isa nang manananggol na tatawagin.
--Ah, samakatuwid nga pala ay di nagkamali ang aking sarili sa pagpapalagay na sila--sabay turo sa kaharap--iyan ay nakilala ko na. Ang ngalang iyan Bbg. Leoning ay nakilala ko na noon pang mga buwang nakaraan.
--Nakilala na ng kinatawan? At, kayo po pala ay nagkatagpo nang minsan nila?
--Oo, lamang, ang pagkakakilala kong yaon ay di paris ng sa ngayong kami ay nagkaabutan ng kamay.
--At, sa ano pong paraan?
--Nakilala ko siya sa isang pagkakataon.
Samantalang sa kabilang dako ay ni kaputok na salita ay di man lamang makabigkas ang ating binata dahilan sa kanyang pagkamangha sa mga pangungusap ng kinatawan. Bakit sinabing siya ay nakakilala ng kinatawang yaon? Bakit nga naman ay sa ngangayon lamang sila nagkatagpo? Sa paanong paraan siya nakilala ng kinatawang ito? Kaya't kanyang naitanong sa sarili:
Datapuwa't ang sumagot ay ang kanya na ring sarili;
--Nakatagpo ko na kaya ang kinatawang ito?
Sinagot ng kanya na ring budhi: hindi, hindi, hindi. Hindi pa niya namumukhaan ang kinatawang yaon.
Gayon na lamang ang kanyang pagkamangha: isang kinatawan pa ang nakakilalang mauna sa kanya. Nagtataka siya nang gayon na lamang.
At pagkuwa'y naibulong pa rin niya sa sarili.
--Aywan ko sa kinatawang iyan kung bakit sinabi niyang ako ay kanya nang nakilala noong pang una.
At, ang katotohanan nga naman ay sadyang hindi pa nakakatagpo ni Eduardo ang kinatawang ito. Para kay Eduardo, hindi man lamang sila nagkakatama ng mata kundi ng mga sandaling yaon lamang. Ang katotohanan ay talagang hindi. Hindi pa sila nagkakatagpo ni minsan. Nguni't sa paanong paraan nga naman at nakilala siya ng kinatawan?
Nang boong liwanag na marinig ni Eduardo ang mga huling salitang yaon ay halos nais na niyang mangusap. Nguni't para bang ang kanyang dila ay nadikit sa ngalangala: ni hindi makapangusap. Pinagsusuri niyang mabuti ang kalooban ng kinatawan na baka ang gayong ginagawi ng ginoo ay isang paghamak lamang sa kanyang pagkatao. Baka isang pagalipusta nga lamang pagka't, sino nga ba naman siya sa harap ng isang kinatawan gayong siya ay isa lamang hindi kilala sa mga lubhang matataas na lipunan. Sino nga ba naman si Eduardo sa harap ng isang marangal na tao? Sino siya?
Datapuwa't hindi, si Eduardo ay isang may magandang bukas. Hindi pa lamang dumarating ang kanyang araw, hindi pa lamang ganap na sumisikat ang magandang liwayway ng kanyang palad ... Oo, si Eduardo ay hindi rin naman lubhang kaabaabaan sa harap ng kinatawang ito. May maningning siyang bukas na hinihintay. Siya ay may maningning na pagasang kasing uri ng lantay na ginto. Higit pa marahil sa ginto!
Kaya't, palibhasa'y taglay ng kanyang kalooban ang mapayapa at ang malamig na pagmumunimuni ay hinintay na muna niyang pamuling magsalita ang kinatawan.
--Malaon ko na nga iyang nakilala, Bbg. Leoning--ang patuloy ng kinatawan--nguni't gaya ng sinabi ko na sa inyo, lamang ang pagkakilala ko diyan ay di paris ng lubos kong pagkakakilala sa ngayon na kami ay nagkamay.
--At, sa ano nga pong paraan?--ang agad ay agaw ni Leoning.
--Ang pagkakakilala ko ay dahilan sa kanyang kagitingang kapuripuri para sa kanyang mga kababayan. Siya ay may maningning na pagasa sa kinabukasan ng ating lahi.
Namula at lalong napamangha ang ating binata dahilan sa kanyang pagaakala na sadyang siya nga yata'y nais lamang alipustain ng kinatawang yaon. Ang ating binata ay anyung dinalaw ng poot ang loob at sasagutin na sana niya ang marangal na kinatawan--akala niya ay hinahamak ang kanyang pagkatao,--nguni't hinadlangan agad siya ng ating kinatawang Velarde at sinabing:
--Hindi naman ito sa pagpuri ng harapan--ang dugtong ng kinatawan at saka nagpatuloy.
--Ang pagkakilala ko sa inyo ay ipagtataka nga ng inyong sarili. Hindi ba ginoong Eduardo de la Rosa?
--At sa ano pong paraan mahal na kinatawan?--ang pagdaka ay naisagot ng tinanong.
--Karangalan ninyo at karangalan ko ang ipagtapat ang lahat. At, masasabi ko pa ring hindi karangalan lamang natin kundi ng inyong bayan at mga kababayan.
Gayon na lamang ang pagkamangha ng dalawang kaharap, sa kinatawang nagsasalita at kung bakit nga nama't ayaw pang ipagtapat agad ng lubusan ang kanyang sasabihin.
--Nang kayo ay unang makilala ko, G. de la Rosa, ay buhat pa noong kayo ay magtamo ng _First Prize_ sa ginanap na talumpatian ng mga nagtatapos sa kolegio ng pagkamanananggol sa maaliwalas na Grand Opera House.
Nang mabigkas ang ganitong mga pangungusap ng kinatawan ay saka pa lamang nagluwag ang dibdib ni Eduardo at halos ang humalili sa kanyang pusong kanikanina ay waring may poot ay gayon na lamang kasiyahang loob. Totoo nga ang sinabi ng kinatawan.
--Kaya Bbg. Leoning, hindi sa pagpuri ng harapan ay masasabi ko sa inyong si G. de la Rosa ay isang mapagwagi sa katalinuhan na siyang karapatdapat putungan ng laurel ng tagumpay.
At pagkasabi nito ng kinatawan ay tinapunan ng isang tingin ng ating binibini ang binatang pinapurihan. Ang tinging yaon na may kahalong ngiti ay nangahulugan para kay Eduardo ng isang pangarap na puno ng pagasa at buhay. Isang kinatawan ang pumupuri sa kanyang pagkamatalino sa harap pa naman ng isang paraluman. Gaanong lugod at kagalakan sa puso ang gayon!
Purihin ng isang kinatawan? Kay palad na pagkakataon!
--Kaya gining Leoning, kung hindi sila magagalit sa aking pagpuring ito ay ipagpapatuloy ko.
--Mahal na kinatawan, wala kayong dapat alalahanin sa isang abang lingkod ninyo--ang sagot ng binata.
--Sila gining Leoning, ay maningning na pagasa ng ating lahi. Nasa kanya ang dangal at pagasa ng Inang Bayan. At, upang aking mapatutuhanan sa inyo ng boong pagtatapat ay kung narinig lamang ninyo ang kanyang binigkas ay sukat ng magdulot sa inyong puso ng isang alaala sa ginoong iyan, na, ang ginoong iyan ay marahil ay masusulat sa inyong puso ang ginintuang mga habilin na malalalim at may kahulugang mga pangungusap.
Opo, ang bawat taong mga naroon na nakikinig, nang mga sandaling yaon na binigkas niya ang talumpati ay naghabilin sa lahat ng diwa ng mga dakilang aral at mga may kahulugan at ginintuang kaisipan na namulas sa kanyang mga labi. Hindi ito isang pagkutya sa inyo G. de la Rosa. Ako'y nagtatapat sa inyong pagkatao sa mga sandaling ito, wala nga akong ibang nais at hangad kundi kayo ay aking makilala, maging matalik na kasama at kaibigan. Hindi kaya pangit sa loob ninyo G. de la Rosa?
--Maraming salamat po kung gayong ang abang palad ko ay mabibilang ninyong isang lingkod.
--Sakaling kayo ay nangangailangan ng tulong, ay nalalaan ako kung makakakaya.
--Gayon din po naman.
--Bb. Leoning, kaya marahil, ang lahat ay nabatid na ninyo.
--Maliwanag kung gayon ang lahat.
Para kay Eduardo ay isang karangalan niyang hindi malilimot ang gayong pagkakatagpo nila ng kinatawan. Isang karangalan ng kanyang sarili ang gayong pagpuri pa naman sa harap ng kanyang paraluman. Kay inam na pagkakataon!
Samantalang para kay Leoning ay isang karangalan sa sarili ang gayong pagkabatid niya sa mga ginintuang damdamin ng kanyang Eduardo. Karangalan niya ang isang Eduardo kung gayon. Nasa kanya ang pagasa at maningning na tagumpay ng bayan at lahi.