Hiwaga ng Pagibig

Part 1

Chapter 1 3,770 words Public domain Markdown

Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net (This file was made using scans of public domain works from the University of Michigan Digital Libraries.) Handog ng Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga ng panitikang Pilipino. (http://www.gutenberg.ph)

HIWAGA

ng

PAG-IBIG

B.B.Nanong.

="PUSONG MINATAMIS ANG MAMATAY NG DAHIL SA PAGSUSUKAB NG ASAWA"=

=NOBELANG TAGALOG=

HIWAGA NG PAGIBIG

KATHA NI

Balbino B. Nanong

(Kasapi sa "PANULAT BANAHAW")

LUKBAN, TAYABAS

KAUNAUNAHANG AKLAT NG

"Panulat Banahaw"

=UNANG PAGKALIMBAG=

=Maynila, K.P.=

=Limbag sa=

"ORIENTAL PRiNTING" 408 Ronquillo, Sta. Kruz MAYNILA, K. P. 1922

Ang sino mang may nais magkaroon ng sipi ng aklat na ito maaaring makipagusap o makipagalam kay Gg. P. C. Palines, katiwala ng may katha. Tel. 8601, 1030 Azcarraga, Maynila.

Gayon din, ipinagbibili sa mga libreria.

[Larawan: BALBINO B. NANONG]

Ang pagibig ay isang bagay na hindi dapat paglaruan; kung ang pagibig ay isang laruan ay walang katamisan sa puso.

_B.B. Nanong._

_SA MADLA:_

_Ang aklat na ito, sakaling sa pagkatunghay ninyo sa mga dahon, ay di kakitaan ng mga matatamis na pangungusap, ng matatayog na pagkukuro ng kaisipan, at gayon din, sakaling di maging masarap sa inyong panglasa ang nalalaman dito, ay hinihiling ko ang paumanhin ng madla sa abang kathang ito; pagka't ako ay hindi isang tanyag na manunulat at mangangatha._

_Sinulat ko ang aklat na ito, sa maalab na nasang makapaglingkod ang abang kaliitan sa bayang may sariling wika, nguni't alanganing lagi ang katatayuan--maraming nagtatakwil sa Inang Wika_....

_Sinulat ko rin ito, sa maalab na nasang mailarawan ang tinawid ng dalawang magkasintahan nguni't kapag nagkaminsan ang matamis na pagiibigan ay nagkakaroon ng mapait na wakas para sa dalawang puso_.

_Ngayon, ay ipinababatid ko sa madla, na, sakaling maraming mali sa pagkakasulat nito, marahil, sanhi na lamang ng kabataan ng aking panitik--hindi pantas na mangangatha._

_Kaya aking inuulit, na, sa pagbasa ng aklat na ito at hindi kapulhan ng bagay sa inyong panglasa, ay hingi ko ang paumanhin sa lahat, dala ng hindi ko pa kabihasnan. Gayon man ay hangad ko rin at inaasahang ito ay isa man lamang mabilang sa mga punpon ng aklat na nasusulat sa ating wika._

_BALBINO B. NANONG._

=HANDOG=:

Sa mahal kong kapatid: kay Consolacion Elento at sa madlang kasapi sa "Panulat Banahaw" lalong lalo na sa mga magagandang tala: Ursula Maderal, Atilana Abrilla, Guadalupe Abad, Pining Ravida, V. Abutal at Roming Dator; at sa masisiglang kasaping Z. O. Maderal, B. E. Palacio, E. Nañola at Ben. Racelis. At, gayon din inihahandog ko ito sa mga kapisanang naglilinang ng sariling wika sa lalawigang Tayabas, lalong lalo na sa "Pagasa ng Lucena", "Panitik Atimonan" at "Hilaga ng Tayabas."

_ANG SUMULAT_.

HIWAGA N~G PAGIBIG

I

SA LILIM NG ISANG MANGGA.

Kung madadama lamang natin ang dibdib ni Leonora, ay ating mararamdaman na para bang lalong lumalakas ang pagkaba. Malakas at masasal na parang tinatahip ang dibdib sa lakas ng tibok ng puso. Parang may sindak, nguni't sa harap pa ba kaya naman ng isang kasintahan masisindak at waring matatakot? Isang hiwaga ang ganito!

Sila'y magkapiling ni Eduardo. Ang kanilang mga puso ay parang nangapiping ilang sandali sa dahilang tila tumagos sa puso ng binibini ang pangungusap na binigkas ng binata. Ang huling katagang binigkas ni Eduardo ay parang nagdulot sa puso ni Leoning ng isang pagkaawa. Nguni't ang pagkaawa niyang yaon ay nangahulugan ng kanyang pagkapipi sa dahilang hindi mabigkas ng bibig ang isasagot, samantalang, sa katotohanan ay di natin nababatid ang mga lihim ng kanilang puso.

At upang matalos naman natin kung bakit ang binibini ay parang sumisikdo ang puso at parang tinatahip ang dibdib ay narito ang dahilan. Siya ay di natin dapat pagkamalang natatakot. Ang nasa harap niya ay si Eduardo, isang uliran, mabait at matimtimang binata. Walang kilos na magaspang at marungis na paguugali.

Nang mga sandaling yaon ay idinadaing niya sa harap ni Leoning ang dalisay na tibukin ng kanyang puso sa dahilang sinisinta niya nang tapat si Leonora.

--Leoning, malaon nang ang palad ko ay nasa kandungan ng dusa. Nguni't kailan ko pa kaya matatamo ang pagasang maituturing kong ligaya ng aking buhay? Katulad ko Leoning ay isang bulaklak na nalalanta at ang tanging makapagpapasariwa, lamang ay ang hamog ng iyong kaawaan.

Datapwa't ang binibini ay patuloy sa kanyang pagkapipi; hindi pa rin sumasagot, kaya si Eduardo ay muling nangusap.

--Leoning, kailan pa? Maanong sa ngayon ay idulot mo na at kung hihintayin mo pa ang bukas, oh! Leoning, sa aba ko ay wala na! Tila isang libingang napakapanglaw ang kahihinatnan ng palad ko. Kaya, kung may paglingap ka ay igawad mo na ngayon sa akin.

Ang ganitong mga pangungusap na binigkas ni Eduardo ay parang lubos na tumagos sa kaibuturan ng puso ni Leoning. Sa gayon, si Leoning ay nagkaroon ng awa at tila ganap na nahabag sa anyong kanyang namalas kay Eduardo. Naawa siya. Nguni't ang kasagutang bibigkasin ay parang nabitin sa kanyang labi. Pinagaalinlanganan niya ang pagbigkas sa matamis na salitang "OO" para sa isang Eduardo, kaya't pinigil pa rin niya at di binitawan.

Ang mga sandaling yaon ay siyang huling gabi ng kanilang paguusap, at kung maulit man ay maluluwatan na pagka't sa kinabukasan ng araw na yaon ay patungo ng Maynila, si Eduardo, sa dahilang panahon na naman ng pagbubukas ng mga paaralan. Hindi na niya maaaring magawa pa ang dating pagdalaw kay Leoning na walang liban tuwing hapon.

Kaya't boong pagsusumikap ang ginawa ni Eduardo, upang kung maaari lamang tamuhin niya ang kanyang mithing makamtan; ang pagibig ni Leoning bago lisanin ang sariling bayan. Kaya't sa gitna ng paghaharing yaon ng katahimikan ay pamuli siyang nangusap:

--Leoning, ano ang kahulugan ng di mo pagsagot na ito sa akin? Niwawalang bahala mo kaya pagka't akong kaharap mo ay isang abang maralitang Eduardo lamang na di dapat pansinin?

--Eduardo, bakit ka nagsalita ng ganyan?

--Leoning, hindi ba katotohanan ang aking sinabi?

--Eduardo, huwag mong pasakitan ang aking puso. Oo, iniibig kita. Ikaw lamang ang buhay ko.

--Leoning, salamat, diyata...?

--Eduardo, asahan mong boong puso kitang iniibig.

--Leoning!!!

--Eduardo!!!

Walang naitugon ang binata sa dalaga kundi isang halik sa mapulang labi at isang mahigpit na yakap. Kay papalad na mga puso! Salamat at walang nakasaksi sa kanila kundi ang mga bituin at ang kabilugang buwang sa kaliwanagan ay parang nakabitin sa langit.

--Eduardo, baka pagkatapos ng lahat ng ito ay pabayaan mo ang aking palad?

--Leoning, alalahanin mong libingan ang kasasadlakan ko kapag nagmaliw ang aking pag-ibig.

--Eduardo, baka....

--Leoning, maniwala ka.

--Baka sabi mo lamang ang lahat ng iyan.

--Leoning, malasin mo ang mga bituin, malasin mo ang buwang iyang nagsasabog ng kaliwanagan--iyan, iyan ang mga tangi kong saksi.

--Masasaksi mo nga iyan; nguni't hindi mo ba naaalaala na ang buwang iyan ay naglalaho kung sinasaputan ng ulap? Ganyan din naman ang iyong pagibig na mangyayaring maglaho pagdating ng panahon.

--Huwag mong pahirapan ang aking puso. Alalahanin mong ang puso ko ay katulad ng isang bulaklak na kapag hindi nadilig na isang umaga ay nalalanta; kaya't kung malanta nga ang paglingap mo, ay! sa aba ko ay wala nang pagasa kundi ang tunguhin ang huling hantungan ng lahat.

--Eduardo, ang lahat ng iyan ay masasabi mo; nguni't pagdating mo marahil sa Maynila, ay pawi nang lahat sa iyong alaala ang mga pangungusap mong iyan sa harap ko.

--Leoning, balintuna ang iyong hinagap. Alalahanin mong sa kaibuturan ng puso ko ay isa kang bulaklak na pinakakaingatan at laging dinidilig ng aking pagmamahal.

--Eduardo, marahil ay malilimot mo rin ang lahat ng iyong mga pangungusap. Kung nasa piling mo na marahil ang magagandang bulaklak sa Maynila, na, pugad ng mga pusong uhaw sa hamog ng ligaya ay lilimutin mo na ang lahat ng ito.

--Leoning, huwag mong pangarapin ang ganyang mong hinala; alalahanin mong ang paglisan ko bukas ay nangangahulugan ng mapait na gunitain.

--At marahil, sa paglisan mong iyan ay limot mo na ako sa alaala.

--Leoning, alamin mo na mula sa mga sandaling ito ay nakatitik na sa kaibuturan ng aking puso ang iyong pangalan.

--Oo, nguni't pagdating sa Maynila, ay pawi na.

--Leoning, namamali ka; ang sabihin mo'y hanggang libingan.

--Hanggang libingan na di mo na maaalaala ang iyong pangako? Marahil nga....

--Leoning, saan man mahantong ang aba kong palad ay di maaaring mawalay sa gunita ko't alaala ang larawan mo.

--Isinusumpa mo kaya ang lahat mong mga pangungusap na iyan?

--Leoning, sumpa ko.

--Hanggang....

--Hanggang hukay Leoning ko!

--¡...............!

--Leoning!

--Eduardo!

--Habang buhay!!!

--Hanggang libingan naman!

--Hindi ka kaya makalimot?

--Habang tumitibok ang puso ko.

Saksi nila ang mabituing langit. Ang liwanag ng buwan ay parang nalulugod na bumabati sa kanilang pagkamapalad. Ang simoy ng hangin ay parang nagbabalita sa madla ng pagkamapalad ng dalawang puso: ni Eduardo at ni Leoning. Ang halimuyak ng mga bulaklak na nasa bakurang mahalaman ay tila naghahatid ng samyo at kabanguhan sa kahilang paguulayaw.

Kay papalad!

Dalawang pusong nagkakaisa ng tibukin. Si Eduardo ay naliligaya sa piling ni Leoning. Si Leoning ay nalulugod sa harap ni Eduardo. Si Leoning ay isang mabangong bulaklak na humahalimuyak kung nagbubukang liwayway. Si Eduardo naman ay isang paruparung nagkapakpak na uhaw sa katamisan ng nektar at bango ng pag-ibig.

Ang gabing yaon ay parang isang langit na mabituin at puno ng mga pangarap at pagasa kay Eduardo. Kung pagkuruin niya ay tila siya na lamang ang pinakamapalad at pinakamaligaya sa sangdaigdig. Laging sariwa ang ngiti. Naging masigla siya buhat ng mga sandaling bitiwan ni Leoning ang oong kanyang malaon nang ninanais makamtan. Kay palad nga naman niya! Tinamo rin niya sa kabila ng pagod at masasaklap na pagtitiis ang ligaya ng kanyang puso.

Samantala, si Leoning ay nalulugod din naman sa kabilang dako. Pusong umiibig sa kapwa puso ay pusong naliligaya. Kay tamis dilidilihin! Isang batisang pinagmumulan ng mga pangarap at kaaliwan para kay Leoning ang kanyang puso sa dahilang siya'y umiibig.

Datapwa't sa pagkalugod ni Leoning ay parang nakatatanaw siya sa kabilang dako ng manipis na ulap: nalulugod siya sa harap ni Eduardo, nguni't iilang sandali na lamang ang itatagal ng kanilang paguulayaw at pagpapalitan ng ngiti at titig. Matatapos na ang paguusap nang lihim ng kanilang mga mata kung sakali't nahihinto ang kanilang paguusap. Kinabukasan ay hindi na mauulit ang ganito. Aalis na si Eduardo at ang pangyayaring ito ay tila isang tinik na susubyang sa kanyang puso. Magkakahiwalay silang maluwat. Kay lungkot na mga sandali!

Kay Eduardo man ay gayon din. Parang subyang na dumuduro sa kaibuturan ng kanyang puso ang gayong paghihiwalay. Ilang saglit na lamang at sila'y magpapaalaman.

--Leoning, huwag sanang magbabago ang iyong damdamin.

--Eduardo, huwag ka sanang makalilimot sa iyong sumpa.

--Leoning, aalis na ako. Huwag ka sanang magbabago ng kalooban at alalahanin mo sana akong parati.

--Eduardo, ipinababaon ko ang aking pagmamahal sa iyo. Alagaan mo sanang lagi at ako ay iyong alalahanin.

--Leoning, Leoning, hanggang hukay.

At isang mariing halik at mahigpit na yakap ang nailagda ni Eduardo kay Leoning. Salamat na lamang at walang nakasaksi sa kanila. Ang dalawang batang kasama ni Leoning at saka ang matandang kanyang ali, ay salamat at paraparang nagsisipaghilik ng mga sandaling yaon at kung hindi sana ay di nila magagawa ang gayon.

Habang naaabot ng tanaw ni Leoning, si Eduardo ay di nagbabago ang pagkakatitig ng binibini. Sa palagay ni Leoning ay parang isang dapit-hapon ang gayon. Dinalaw rin siya ng munting pagkalungkot. Isang tanaw pa ang inihabol ni Leoning, nguni't, oh! wala na....

Pagdating ni Eduardo sa sariling tahanan ay nagbihis ng kanyang damit na pangpahinga at bago natulog ay idinalangin at sinabi ang ganito:

--Huwag nawang makalilimot si Leoning sa aming sumpaan!

II

Dalawang buwang singkad ang lumipas mula nang lisanin ni Eduardo ang sariling bayan.

Si Eduardo ay parating tumatanggap ng mga sulat na buhat kay Leoning.

Si Eduardo ay palagay ang loob. Ang kanyang pagaaral ay lalong sinisikap upang sa wakas ay magtamo ng tagumpay.

Lalo at lalong sumisigla ang kanyang katawan. Lubos na nasisiyahan. Kay palad na Eduardo nga naman! Lagi nang sa mga huling titik ng mga liham na kanyang tinatanggap ay di nawawala ang matatamis na alaala ni Leoning, na, siyang lubos niyang nagiging kaluwalhatian.

"--Tanggapin mo ang matatamis na alaala at walang kupas na pagmamahal ng iyong Leoning na sumisinta hanggang hukay."

Ganyang mga pangungusap ang lagi nang tinatanggap at nababasa ni Eduardo kung sumusulat sa kanya si Leoning.

Kay tamis nga namang magaalaala ni Leoning!

Kaya't gayon na lamang ang kasiyahang loob ng binata. Iyan ang tangi niyang nagiging kaligayahan sa lahat ng sandali ng pagiisa.

Ang bawa't pangungusap ni Leoning ay di pinangangawitang basahin. Minsan ... makalawa ... makaitlo ... Kung tinititigan niya ang sulat mula sa binibini ay waring siya'y nakikipagusap. Anong tamis nga namang magmahal ni Leoning!

Si Leoning ay isang binibining katutubo ang kayumian. Ang kanyang puso ay minsan lamang kung sumumpa sa kanyang iniirog, bukod sa maganda at mabait.

Nguni't sa pagiisa ni Eduardo ay kanyang naiisip na matagal pang panahon bago niya masisilayan ang mukha ni Leoning.

Iyan ang mapait dilidilihin para sa kanya. Kailan pa niya makikita ang mukha ng kanyang kasintahan? Kailan pa?

Kailan pa kaya niya makikita ang kanyang ilaw at buhay? Kailan niya makikita ang titig na mapangakit ng kanyang Leoning?

Kay pait nga naman ng ganito!

--Ano kaya ngayon si Leoning? Naaalaala rin kaya niya ako paris ng ginagawa kong pagaalaala sa kanya?--ang madalas nasa pagiisa'y naitatanong ni Eduardo sa sarili.

Oh! ang puso nga namang nalalayo sa sinisinta!

Para kay Eduardo ay lalo't lalong nananariwa ang pagkasabik na kanyang makita si Leoning. Kaya't madalas niyang masabi sa sarili:

--Huwag nawang maglalaho ang kanyang sumpa!

Nalulungkot siya sapagka't ang kanyang kasintahan ay nasa malayong hindi maabot ng kanyang tanaw. Ang kanyang puso ay nangungulila sa madlang kaaliwan. Ngayon niya nadadama ang sakit ng malayo sa kasintahan. Walang kasing pait!

Baka nga naman pagdating ng panahon ay ganap na siyang limutin? Anong malay ng isang Eduardo, na, nasa malayo?

Oh! kaawaawang Eduardo kung magkakaganito!

Pati yaong gabi ng mga sandaling sila'y nagpapaalaman ay waring sumusurot sa kanyang alaala. Maaaring sa isang iglap nga lamang ay ipagwalang bahala ni Leoning ang gayon. Maaari ngang mangyari ang lahat ng mga hinagap na ito.

Sukat ng maalaala ni Eduardo ang kanyang bayan ... Maari ngang ang isang Leoning ay ganap na makalimot. Maaari nga sapagka't doo'y maraming mayayamang binata. Maaaring si Leoning ay mabihag ng iba.

Paano nga naman ang isang Eduardo, kung ang isang Leoning ay lumimot pagkatapos?

Kaawaawang binata!

Oh! ang puso nga namang nalalayo sa kapuwa puso!

Mangarap na lamang at umasa. Manalig sa pagasang ikinakalat ng bubukang liwayway pagsikat ng araw.

III

Bulaklak na uhaw sa patak ng hamog sa kaumagahan at anyung nalalanta; kampupot na ang kabanguhan ay humahalimuyak nguni't ang kasariwaan ay waring naluluoy na,--katulad ng isang talang untiunting tinatakasan ng liwanag,--ganyan, ganyan ngayon ang kaparis ni Leoning.

Ang kanyang puso ay waring may subyang. Nangungulilang lubos sa mga kaaliwan sa buhay. Sa kanyang pagiisa ay madalas na pumapatak na lamang ang masasaklap na butil ng luha--luhang tila perlas na dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Kay pait ng mga sandaling mangulila sa kasuyuan!

Apat na liham na ang kanyang ipinadala kay Eduardo, nguni't kahit isang kasagutan ay di siya nagtatamo man lamang. Nasaan nga naman ang dating paglingap ng ating binata? Bakit parang kasing bilis ng kidlat na naglaho? Nasaan ang kanyang dating paglingap kay Leoning? Nilimot na kaya niyang lahat?

Datidati nga naman agad siyang sinasagot ni Eduardo. Datapuwa't ngayon? Oh! parang ulap ang pagasang siya'y makatanggap ng sulat mula kay Eduardo. Bakit sa apat niyang liham ay wala siyang natatamong kahit isang sagot? Kahabaghabag na Leoning!

Si Leoning ay napapaluha na lamang halos sa bawa't sandali. Ang kanyang puso'y lihim na tumatangis. Si Eduardo nga nama'y kay daling lumimot!

At, ngayon ay boo na sa kalooban ni Leoning na sadyang siya ay nilimot ni Eduardo. Aling puso nga namang tulad ni Leoning ang hindi tumangis? Aling kaluluwa ang hindi dalawin ng lungkot kung gayong maulila sa kanyang kasuyuan?

Aling bagay pa kaya ang kalungkotlungkot gunitain sa isang damdamin paris ng maulila sa pagiibigan? May masakit pa kaya sa isang pusong may malinis na pagibig paris ng limutin ng kasintahan? May puso kayang makapagtitiis na hindi lumuha dahil sa paglimot ng isang sinanglaan ng wagas na pagibig? Aling puso ng babai na may malinis na pagibig ang hindi maghimutok sa paglimot ng isang irog?

Eduardo, diyata't ang sumpa mo'y napatulad na lamang sa asong matapos tangayin ng hangi'y napauwi sa wala? Napatulad na lamang kaya sa paglubog ng araw sa pagdadapit hapon na hindi na muling sisikat? Ay! alalahanin mo ang aking palad! Sa aba ko! Diyata't papagtitiisin mo ng hirap ang isang pusong umiibig ng tapat? Oo, hindi kumukupas sa puso ko ang banal kong pangako: iniibig kita, iniibig kita! Nguni't, oh palad!

Naghihimutok ang kanyang damdamin sapagka't buo na ang kanyang pananalig na siya ay nilimot ng kanyang irog, ng kanyang minamahal ng higit sa buhay: si Eduardo.

Sadyang si Leoning ay isang dalagang uliran sa pagibig. Minsan lamang kung sumumpa sapagka't siya ay may dangal at may puri. Ngayon ay nadadama niya ang hirap ng isang umiibig na nalalayo sa piling ng kanyang kasintahan.

Sa tabi ng bintana ay madalas mapatigil ang kanyang pagbuburda na malayo ang titig at waring may malalim na iniisip.

* * * * *

Noo'y isang masayang umaga.

Walang anoano'y isang autong "Buick" ang huminto sa tapat ng kanilang bahay. Ang autong ito ay galing sa Maynila. Sino ang lalaking sakay? Ang kasintahan kaya ni Leoning? Si Eduardo kaya? Kaya't matamang pinagmasdan ni Leoning ang sakay samantalang umiibis sa sasakyan.

Nguni't ang hinalang yaon ni Leoning ay nabigo. Yao'y isang lalaking matanda na: ang kapatid ng ali ni Leoning, si mang Alejandro.

--Tuloy po kayo--ang pagdaka ay nawika ni Leoning--Bah! si mang Andoy--at tuloy tinawag ni Leoning si aling Rita, na, noo'y na sa silid ng tahanan at nagaayosayos ng ilang mga damit na tahiin.

--Aba, si Andoy--ang boong galak na nawika ni aling Rita--ano kumusta ang dalawang bata na ipinadala ko sa iyo? Kumusta sila roon?

--Mabuti naman sa awa ng Diyos--ang sagot ng kausap--pinapagaaral ko sila sa "Tondo Primary School" na siyang pinakamalapit na eskuelahan sa bahay.

--Di mabuti kung gayon.

--Rita, kaya ako naparito ngayon, ay, upang sabihin ko sa iyo kung maaari ay ikaw na sana ang aking maging taong bahay sapagka't lubhang napakahirap sa akin ang walang kasama dahil sa ako'y nagyayaot-dito sa mga kalapit na lalawigan. Napakahirap ang _magnegocio!_ At, upang ikaw na tuloy ang mamahala sa dalawang bata.

--At pasa sa Maynila ako? Di kung gayon ay ipagsasama ko na pati ang batang ito--sabay turo kay Leoning--pagka't wala iyang kasama rito.

--Mangyari pa.

--Nguni't anong magagawa niyan doon Alejandro, ay sa narito ang kanyang pinagkakakitaan: ang manahi at magburda ng damit.

--Ah, at marunong ba siya?

--Oh! tingnan mo ang kanyang mga gawa--at ipinakita noon ang niyayaring burda ni Leoning.

--Sa Maynila ay malaking higit sa rito ang makikita ng batang iyan. Oo, ipagsama na natin, ¿bakit hindi mo agad ibinalita sa akin, di sana'y nakasahod na iyan ng malakilaki? Oo, ako ang bahala, ipapasok ko agad siya sa pagawaan riyan sa Maynila.

--Kung gayon ang lahat ay maaari.

Anong galak ang tinamo ni Leonora! Oh Maynila! Gayon na lamang ang pagkatuwa niya dahilan sa sasapiting walang pagsala ang pook ng aliw ... ang Maynila! Sasapiting walang pagsala ang laging napapangarap--ang kinalalagyan ng kanyang irog: ni Eduardo.

Anong ligaya nga naman ng gayon sa puso ni Leoning! Nananariwang tulad ng sampagitang humahalimuyak ang naging malulungkutin niyang kalooban pagka't makikita niyang walang pagsala si Eduardo.

Ang lahat ay wala ng pagkaurong. Ang mga daladalahan nina Leoning at aling Rita ay handa ng lahat. Ang lahat ay ayos na.

Kay palad na pusong magkakaisang bayan at di na paris ng dating ang kanilang pagkakalayo ay napapagitanan ng malalawak na kaparangan, matatarik na bundok at mahahabang tanawin!

IV

Sa tapat ng isa sa mga restaurant sa daang Juan Luna, sa pook ng Tundo, ay nagsilunsad mula sa isang auto ang tatlong binata at doo'y nagsitungga ng serbesa. Sila ay sina Jose, Pako at Eduardo.

Sa harap ng isang mesa ay maligaya silang nagsisipagusap:

--Pako, bakit mo nakilala ang dalagang yaon?

--Kilala ko siya, nguni't hindi ko lamang kabatian. Hindi ko pati nalalaman kung ano ang kanyang pangalan.

--Kailan mo pa siya nakita?

--Hindi na marahil ngayon kukulangin sa isang buwan.

--Eduardo--ang sabad naman ni Jose--tila may ibig sabihin ang mga pagkikita ninyong yaon. Hindi ba?

--Iyan ang dalagang sinabi ko sa iyo kaninang tayo ay magkausap sa tabi ng dagat.

--Ah! iyan ba?--at kinamayan ang kausap ng boong galak--Sadyang may suerte ka kaibigan.

--Ah, Eduardo--ang sambot naman ni Pako--sadyang ang ganda lamang ng dalagang yaon ay sukat na. Buhat pa ng unang makita ko siya dito sa Maynila ay lubos na akong humanga sa kanyang pagkamabining kumilos. Talagang may suerte ka nga naman kaibigan.

--Nguni't ako'y walang malay na siya ay naririto.

--Kung nalaman ko ba lamang agad--ang--tugon ni Pako--naibalita ko agad sa iyo.

--Sana nga; sayang na sayang.

--Bakit naman siya naparito sa Maynila?

--Iyan nga ang di ko maalaman.

--Pako, hindi mo ba alam kung saan nakatira?

--Ang matandang may-ari ng kanyang kinatitirahan ay kilala sa tawag na Don Alejandro. Siya ay isang mayamang sa Tundo.

--At, sa akala mo kaya ay talagang mariwasa?

--Sa palagay ko, sukat na ang sa kanyang kilos ay makilala. Ang autong kihalululanan ng binibining ating nakita ay pagaari niya bukod pa sa ang matandang yaon ay madalas kong makitang kasama ng mga matataas na taong nabibilang sa mga lalong kilalang lipunan na kadalasan ay mga kilalang abogado at kinatawang bayan.

--Nguni't sa akala mo naman kaya ay di tayo kaabaan na makayapak sa kanilang tahanan?

--Nasa iyo iyan kaibigan.

--Kabatian ko ang binibini, isa pa ay tunay ko siyang kababayan. Marahil ay hindi naman tayo mahihiya.

--Kung gayon ay may pagasa tayong makapanhik; nguni't aywan ko lamang ... hindi ko pa rin lubhang natataho ang kaugalian ng matanda.

--Kung gayon ay anong mabuting paraan upang sila ay ating makatagpo ngayon?

--Tumungo tayo sa amin--ang anyaya ni Pako sa dalawa.

At makatapos makapagbayad ay nagtindigan na sila at nagsisakay na pamuli sa auto.

Sumapit sila sa tahanan nina Pako, sa may Liwasang Moriones, Tundo. At, palad! gayon na lamang ang pagkagalak ni Eduardo pagka't ang tahanang yaon ay katapat ng tahanang kinatitirahan ng kanyang irog: ni Leoning.

--Pako, at tapat pala nitong inyo ang kanila?

--Oo, malasin mo ang ganda ng pagkakaayos ng tahanang iyan.

--Oo, nga kay ganda!

At bagama't hindi pa napapanhik ni Eduardo ang kinatitirahang yaon ni Leoning ay gayon na lamang ang kanyang paghanga sa pagkakaayos.

Palibhasa'y ang mga bintana ay nakabukas na lahat kaya't ang ganda ng pagkakaayos ng ilang bahagi ng loob ay di naging kaila sa paningin ng ating binata.