Casaysayan ng Catotohanang Buhay ng Haring Clodeveo at Reyna Clotilde sa Reyno nang Francia

Part 1

Chapter 13,924 wordsPublic domain

Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad, Pilar Somoza and the Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit.]

CASAYSAYAN

ng

CATOTOHANANG BUHAY

ng

Haring Clodeveo

_AT_

Reyna Clotilde

_SA REYNO NANG FRANCIA NA TINULA SA LUBOS NA CATIAGAAN NI_

CLETO R. IGNACIO

_Concepcion, Malabon, Rizal_.

* * * * *

_SIPI SA TUNAY NA HISTORIA_

=1917=

IMPRENTA, LIBRERIA Y PAPELERIA DE P. SAYO Vde. DE SORIANO Rosario 225. Plaza del Conde 1003 y Azcarraga 552, Tondo

Manila, I.F.

=PAUNAUA=

_Manga maguiliuing puso sa pagbasa nang catotohanang hanay nang historia, dito'y lubos ninyong mapag-kikilala ang cay Clodoveong buhay na talaga._

_Niyong unang siya ay di pa cristiano ay Clovis ang tauag sa pangalang moro, nang binyagan siya'y naguing Clodoveo at Reyna Clotilde ang asaua nito._

_Siya'y isang tangi cung sa cabaitan at ulíran naman cung sa cahinhinan, nang tanang babae, nang casalucuyang siya ay dalaga't nang mag-asaua man._

_Caya cailangang pacatatastasin yaong buhay niya't nang iyong malining, mulang puno't dulo'y iyong pasayurin at nang upang iyong matantong magaling._

_Hangang dito aco't ang bahala'y icaw sa tula cong hamac na pinag-inutan, sa dahop cong cayang hinimalay lamang na butil, nang manga nalagas sa uhay._

=Simula nang buhay=

* * * * *

Taong isang daan ualungpu at apat mula nang manaog ang Poong Mesias, sa Reyno nang Francia ay noon tumangap si Clovis nang pagca Haring napatanyag.

Nang panahong yao'y ang Reyno n~g Francia ay hindi cristiano at man~ga gentil pa, si Clovis ang siyang nagbinyagang una't sa Dios ay siyang unang cumilala.

Sa panahong yao'y ang Borgoña nama'y man~ga cristianong tumangap nang aral, nang man~ga Apostol ni Cristong hinirang na nagsilaganap sa sangsinucuban.

Noon ay ang Hari namang sinusunod na namamahala ay si Agabundos, at ang bunso niyang capatid na irog ay yaong Infante na si Hispericos.

Ang bunying Infante ay nagca-asaua nang isang Duquesa na si Aprodicia, dalauang babayeng naguing Anác nila na ang bunso'y ualang cauan~gis nang ganda.

Mabunying Infante Estatira bilang n~galan nang canilang Anác na pan~ganay, ang bunso'y Infanta Clotildeng timtiman sa Reynong Borgoña'y tan~ging cagandahan.

Bucod sa caniyang cagandahang angkin ay nahiyasan pa nang bait at hinhin, at nang cabanalang pagca-masintahin sa Dios na Poon at sa Ináng Virgen.

Sa araw at gabi ay di sumasala nang pananalan~gin sa Dios na Amá, at sa Ináng Virge't sa touing umaga'y pilit guinaganap yaong pagsisimba.

Madalas ding siya ay nag-cocompisal at tuloy ring siya ay nakikinabang, lubos na caniyang pinag-iin~gatan ang pagca-babaeng loob nang maycapal.

At bagamang cahit magcapatid sila ang caugalia'y di nag-cacaisa, ang sa cay Clotildeng guinagaua toui na ay ang cagalin~gan niyong caluloua.

Siya'y di gumamit magpacaylan man niyong pananamit na lubhang marin~gal. tunay na caniyang kinasusuclaman yaong masasaguang man~ga cagayacan.

Caya n~ga at naguing casabihan siya sa ugali't kilos tan~gi pa sa ganda, anopa't marami ang naliligaya bakit n~ga sa duc-ha ay malimusin pa.

Doon na Borgoña'y isang araw naman nag-fiestang ang tauag ay sa calahatan. caya n~ga ang Hari at caguinoohan ay dumalo't sampong taong caramihan.

Para-para silang nakinig nang Misa sampon nang Infanteng Hispericos bagá doon sa Simbaha'y napipisan sila at nananalan~gin sa Dios na Amá.

Ginagamit nila ang boong pag-galang at lubhang malabis na pagpipitagan, at sila ay doon nakikipanayam sa Dios na Haring macapangyarihan.

Isa ang Infante na si Hispericos na capatid niyong Haring Agabundos, sa tanang guinoo siya ay calahoc nang pananalan~gin sa may lic-hang Dios.

Nagcataon namang sa loob n~g Templo'y si Hispericos at isang concejero, sila'y nag-uusap na nakita dito nang Hari, ay tantong galit ay sumubó.

Caya't nang matapos ang mahal na Misa sa palaciong lahat nan~gagtuloy sila, tinanong nang Hari noon din pagdaca dalauang nag-usap niyong nagsisimba.

Saad sa canila nang Haring maran~gal na sikip sa pusò yaong cagalitan, bakit at di bagá ninyo nalalaman na yaong Simbaha'y laang dalan~ginan.

Tayo'y nan~gaglacbay doon at ang dahil sa Dios na Poon ay mananalan~gin, batid ninyong Dios ang caharap natin bakit pag-uusap ang inyong gagauin.

Ipinalalagay ninyong ang caharap doo'y isang taong gaya nating hamac, at di pa hinintay na Misa'y nautas at cayo'y doon na sa labas nag-usap.

Inaari ninyong ualang cabuluhan ang Dios na dapat sambahi't igalang, sa guinaua ninyong man~ga catacsilan marapat sa inyo'y alisan n~g búhay.

Mabilis na hatol pagdaca'y guinanap doon sa dalauang sa Templo'y nag-usap nang di pamarisan yaong gauang linsad at ipinatapon ang bangcay sa dagat.

Saca namang yaong hirang na asawa at ang isa niyang Anác na Infanta na bilang pan~ganay na si Estatira pinaalis silang dalauang mag Iná.

Ayon sa canilang man~ga caasalan na hilig ang puso sa toua at layaw kung caya n~ga sila'y pinagtabuya'y di ayos cristiano ang canilang asal.

N~guni't si Clotindeng bunsong iniirog na hipag nang Hari na si Agabundos, doon sa palacio'y nanatiling lubos sapagca't may bait at galang sa Dios.

Bakit sa pagsinta'y lubhang mahiliguin sa, Dios, at uili sa pananalan~gin, caya n~ga namahal sa Haring amain yaong si Clotindeng may bait na angkin.

Sa panahong yao'y ang Inperiong Francia ay hindi cristiano at man~ga gentil pa, at ang Hari doon na kinikilala na namamahala ay si Clovis bagá.

Ualang ano ano'y pasoc sa panimdim na yaong Reyno nang Borgoña'y bacahin, caya n~ga't caniyang inutusang tambing tanang embajador nang ganitong bilin.

Cayo ay maglacbay sa Borgoñang Reyno at ipatalastas ang cahilin~gang co, sa Haring lisanin ang pagca-cristiano at sila'y sumamba sa man~ga Idolo.

O, cung dili caya siya'y magbibigay n~g buis sa baua't isang taóng araw, na ayon sa aking maguing cahin~gian at siya'y sacop co ang catotohanan.

Sa cahilin~gan co'y cung susuay siya babahá nang dugò ang Reynong Borgoña, at man~ga pupucsa silang para-para sa aking dadalhing malaking armada.

Matapos ang bilin ay agad nag-lacbay sa Borgoña yaong man~ga inutusan, nang dumating doo'y sinabi ang pacay sa mahal na Haring macapangyarihan.

Ang cay Agabundos na uica'y ang lahat na bilin sa inyo nang Haring nag-atas, ay sabihin ninyong di co matutupad ang ualang halagang man~ga pan~gun~gusap.

Diyata't Dios cong tunay ang lisanin at yaong Idolo ang aking sambahin, sa cahilingan niya'y ang aking patalim siyang mananagot sa balang ibiguin.

Sa sinabing yao'y hindi nagsiimic yaong embajador nang Haring si Clovis, ala-ála nila ay baca magalit Haring Agabundos cung muling magsulit.

Ay hindi mangyaring panoorin nila yaong cagandahan nang bunying Infanta, pagca't sila'y hindi nacakikita pa gayong cagandahang naca-liligaya.

Na di iba't yaong Infanta Clotilde na ang ganda't hinhin ay cauili-uili, ualang capintasang sucat pang masabi ang hirang na dilag sa pagca-babae.

Caya n~ga't sa pagcatahang tatlong araw sa palacio niyong embajadang tanan, ay hindi mangyari nilang pagsauaan ang sa cay Clotildeng tan~ging carikitan.

Yaong tatlong araw ay nang maganap na sa Hari ay nan~gag-paalam na sila, at nan~gagsibalic sa Reyno nang Francia at sa Haring Clovis humarap pagdaca.

At ipinagsabi yaong casagutan niyong sa Borgoñang Haring pinaglacbay, at nang matapos nang canilang isaysay ang lahat, sa Hari ay sinabi naman.

Na sa palacio ay nan~gatahan silang hustong tatlong araw, caya n~ga't nakita, ang dalagang ualang catulad nang ganda at ualang pangdamdam ang di maligaya.

Ang tabas nang muc-ha't tindig nang catauan anhin mo'y guinaua nang balitang camay, mata'y cung ititig at iyong pagmasdan ay bató nang pusò ang di matiguilan.

Lalo cung n~gumiti't siya ay man~gusap ay isa nang toua nang magcacapalad, at cung sa pintuan siya'y lumalabas anhin mo'y ang talang bagong sumisicat.

Caya caming lahat ay natitiguilan sa hindi maisip naming carikitan, sa Francia, at cahit sa ibang Reyno man doon ay uala nang maca-áagapay.

Bakit ang ugali't kilos nang cristiano'y totoong malinis na di gaya dito, ang man~ga babae ay di nabubuyo tungcol sa lalaking makihalobilo.

Sapagca't ang anyo nang man~ga binyagan ay iba sa ating man~ga inaasal, ang man~ga babae ay iniin~gatan ang puri't salamin ang siyang cabagay.

Yaong camahalan nang canilang ayos maguing pan~gun~gusap at sa man~ga kilos, anopa't cung ating man~ga-papanood bulaan ang hindi maganyac ang loob.

Ang man~ga balitang yao'y nang mabatid nabihag ang pusò nang Haring si Clovis, doon cay Clotildeng balita nang dikit namahay sa pusò ang laking pag-ibig.

Di na natahimic yaong calooban at laguing ang dibdib ay gapos nang lumbay, dahil cay Clotildeng baca di macamtan sa pagca at siya ay hindi binyagan.

Lalo nang lisanin ang Haring si Clovis nang man~ga balita na embajadores, parang namamalas sa caniyang titig yaong cay Clotildeng cagandahang labis.

Uupo't titindig noo'y tututupin saca magbubuntung hinin~gang malalim, hindi mapaghulo anhin mang isipin ang lalong mabuting paraang gagauin.

Sa bagay na yao'y cusang namalagui siya, sa lubos na pagdadalamhati, ualang matutuhang lunas na ipaui sa gayong pagsintang ikinalugami.

Caya't napilitang sumanguni siya sa paham na Conde Aurellano baga, pagca't sa mag-isip ay lubhang sanay na cung caya n~ga yaon ang siyang pinita.

Aniya'y Conde Aurellano'y icaw ang siya cong lubos na inaásahan, na siyang sa akin ay tutulong bilang sa matinding dusang aking pinapasan.

Dahil sa balitang Infanta Clotilde na taga Borgoñang hirang na babae, ay siya cong nasang maca-isang casi caya isipin mong paraang mabuti.

Ito n~ga ang sanhing di co icaidlip sa araw at gabi di icatahimic, huag mong payagan di camtan nang dibdib yaong si Clotildeng pinaca-iibig.

Sapagca't icaw ang totoong magaling umisip nang man~ga paraang gagauin, caya ang lubos mong caya ay gugulin sa cahirapang cong di macayang bathin.

Ano'y nang madin~gig ang sinabing ito nang bantog na Conde na si Aurellano, ibig na sauayin sa pagca at moro mahirap maibig nang isang cristiano,

N~guni't siya nama'y tantong nan~gan~ganib na baca ang Hari ay magdalang galit, caya ang uinica'y iyong itahimic Hari, ang loob mo't aco'y mag-iisip.

Upang tamuhin mo ang sa pusong nasâ ay lilinin~ging co ang paraang pauâ, anang Hari nama'y icaw ang bahala't tanang cailan~gan ay nang maihanda,

Ang mahal na Conde ay napaalam na at siya'y omuui sa tahanan niya, inisip ang lalong paraang maganda na macaulayaw ang bunying Infanta.

Sa gayong caniyang man~ga pag-lilining nacatuclas niyong paraang gagauin, na icausap sa himalang ningning caya't sa palacio'y naglacbay noon din.

Hari co aniyang macapangyarihan aco'y mayroon nang maguiguing dahilan, pagca't sa veinte cinco nitong buan nang Diciembre, Pascua nang man~ga binyagan.

May ugali yaong Infanta Clotilde na maglimos siya sa man~ga pulubi, yaon n~ga ang siyang panahong mabuti na ang ating nasa'y malapit mangyari.

Ang tugon nang Hari ay iyong sabihin cun ano ang ating cacailan~ganin, na nauucol mong doon ay taglayin sa Reynong Borgoñang iyong tutun~guhin.

Tugon niyong Conde na si Aurellano ay isang singsing po ang ipagaua mo, na guintong dalisay saca ang retrato mo'y siyang tampoc na ilagay dito.

Gayong cailan~gan ay nang maisaad sa mahal na Haring agad na guinanap at iba pang man~ga cailan~gang dapat sa pagsasacdalan n~g sa Haring hirap.

Tanang bagay-bagay ay nang mahanda na tinun~go nang Conde ang Reynong Borgonya pagca't malapit nang dumating ang Pascua niyong pan~gan~ganac sa nacop sa sala.

Di lubhang nalaon yaong paglalacbay ang Reynong Borgonya'y cusang niyapacan, at doon naghintay na may ilang araw nang sayang ugali nang cacristianuhan.

Niyong sumapit na ang aveinti-cinco na capan~ganacan sa Divino Verbo, na inuugali nang man~ga Cristiano na puspos ang sayá sa araw na ito.

Sa gabing visperas nang nasabing Pascua na pinan~gan~ganlang bagang Nochebuena, doon sa Simbaha'y gagauin Misa Infanta Clotilde'y pilit magsisimba.

Ang pag Mamaytinez ay bago iraos sa man~ga pulubi siya'y maglilimos, Conde Aurellano ay doon lumahoc sa man~ga pulubi't siya'y nakiayos.

Caya't nang dumating ang bunying Infanta na may dalang supot na pang limos, baga, nang casalucuyang namamahagui na nakihanay naman ang Conde pagdaca.

At noong siya na ang linilimusan ay agad humalic sa Infantang camay, cay Clotilde namang nahalatang tunay na hindi pulubi siya't taong mahal.

Nagualang kibo na't nang hindi mahayag Misa'y nang matapos ay ipinatauag, ang Conde, at niyong dumating sa harap malubay na galit ang ipinan~gusap,

¿Bakit ca gumaua (anya) nang ganito na pinan~gahasang hagcan ang camay co, ang cadahilana'y ipatalastas mo sampon nang pan~galan cun icaw ay sino.

Ang tugon nang Conde ó Infantang mahal Aurellano po ang aking pan~galan, sinugo nang Haring sa iyo'y ialay ang singsing na tanda nang sintang dalisa'y.

Nang sa cay Clotildeng abutin nang titig may larauang sinsing nang Haring si Clovis, (aníya'y) paano ang aking pag-ibig siya'y di Cristiano't di co capanalig.

Ang sa Condeng tugo'y huuag manimdim ca cung tungcol sa gauang pagsampalataya, tunay na hindi makikialam siya caya n~ga hindi ca sucat na man~gamba.

Sandaling nag-isip sa gayong sinabi ang hiuagang gandang Infanta Clotilde, mahinahon niyang dinidilidili ang cahihinatnang huling pangyayari.

Tan~gi dito'y di co magagaua naman ang aking sariling man~ga calooban, aco'y may amaing dapat pagsabihan lalo't sa ganitong may halagang bagay.

Tangapin mo na po ang sagot nang Conde ang sinsing na itong tanda nang pagcasi, at sa amain mo'y bahàla na caming na mag embahadang sa canya'y magsabi.

Mabatid ang gayon nama'y tinangap na ang regalong sinsing nang Hari sa Francia, ang sa Condeng uica ay n~gayon (aniya) sa Francia ay Reynang kikilalanin ca.

Sa sinabing yaon ay di umiimic ang bunying Infanta't parang di narin~gig, at ualang halaga sa caniyang isip yaong caran~galang bagay na binanguit.

Tunay na ualanguala sa loob niya nasa'y cung sa Hari siya'y macasal na, ay maguing binyagan ang Reyno nang Francia't sa totoong Dios ay magsikilala.

Magandang adhicang lubos na panimdim ni Clotilde'y di co lubhang pasayurin, ang Condeng nagbigay nang regalong sinsing ay napaalam nang toua ay sabihin.

Nang siya'y dumating sa Reyno n~g Francia ang uica sa Hari icaw po'y magsayá, pagca't ang larawan mo po'y tinangap na nang pinaglacbay cong irog mong Infanta.

Lugod ay sabihin nang Haring si Clovis ang cay Aurellanong uica'y nang madin~gig, at biglang napaui sa caniyang dibdib yaong calumbayang di icatahimic.

Ipinatauag nang lahat ang guinoo sa sacop nang Corte nang caniyang Reyno, dumating na lahat naman sa palacio yaong tanang piling man~ga Caballero.

Sa Haring cay Clovis nang maharap sila (aniya) ay cayo'y caya co pinita, gumayac n~gayon din cayong para-para at mag si paroon sa Reynong Borgonya.

Ipamanhic niniyo sa cay Agabundos na Hari, nang boong pacumbabang loob, na marapatin nang caniyang itulot ang Francia't Borgonya'y magcaisang lubos.

Ang lalong mabuting man~ga pan~gun~gusap sa cay Agabundos ang siyang isaad daanin sa man~ga magandang hicayat upang mahinahong siya ay pumayag.

Tanang cailan~gan ay iguinayac na at nan~gagsilacad noon din pagdaca, di lubhang nalaon ay dumating sila sa canilang tun~gong Reyno nang Borgonya.

Sila'y nagsipanhic sa palacio real at nagbigay niyong boong cagalan~gan Haring Agabundos ay gumanti naman tuloy pinaupo silang calahatan.

Nang man~ga licmo na'y saca inusisa niyong paglalacbay cun anong adhica, anang embajahada'y ang boong payapa sa camahalan mo ang ipinag sadyá?

Ang utos sa amin nang Haring si Clovis sa iyong sanghaya'y aming ipamanhic, na marapatin na nang mahal mong dibdib Francia at Borgonya naua'y magcasanib.

Maguing isang hiyas n~g Reyno n~g Francia Infanta Clotilde ang kilanling Reyna, sa Hari't saca sa tanang sacop niya ay isang dakilang turing na ligaya.

Haring Agabundos ay niyong mabatyag ang sa embajadang man~ga pan~gun~gusap, (aniya'y) paano ang aking pagtangap si Clovis, ay gentil na aking talastas.

Ang sagot nang piling man~ga embajada icáw po ay huag na mag-ala-ala, cung tungcôl sa gauang pagsampalataya ay di mangyayaring sisirain niya.

Saca tan~gi ditoy ang man~ga ligalig nang Francia't Borgonya ay matatahimic, at mag-iisa nang damdamin ang dibdib at maiilagan ang pagcacaalit.

Dirin hamac namang pan~gan~gahasan pa nang cahima't sino ang Francia't Bogonya, sa pagca at mapagtatalastas nila na iisang loob ang Reynong dalaua.

Ani Agabundos ay mangyayari yaong hiling niniyo na ipinag sabi, saca di papayag yaong si Clotilde na sa di Cristiano'y makiisang casi.

Nang sa tesorerong madin~gig ang saad ay kinuha yaong lalagyan nang hiyas, nang bunying Infanta't sa pagcacaharap nang Hari, at man~ga consejong lahat.

Cay Agabundos n~gang tunay na namasid sinsing na mayroong larauan ni Clovis, na sa cay Clotildeng inin~gatang tikis caya n~ga at siya ay nag bagong isip.

(Aniya) ay yamang akin nang nanuynoy na ang pamangking co'y maycusang pag-ayon, aco ay uala nang masasabing tugon cundi ang sumama siya't siyang ucol.

Ipinatauag din namang ualang liuag ang pamangkin niya't pagdating sa harap, n~gayon din (aniya) icaw ay gumayac paroon sa Francia't tuparin ang usap.

Sa sinabing yao'y ang bunying Infanta ay gumayac naman noon din pagdaca, lumuhod sa harap nang amain niya't humin~ging bendicion at napaalam na.

Cay Agabundos din na pinasamahan sa lahat nang Dama ang pamangking hirang, lumacad na sila na hindi naliban at ang Reynong Francia ang pinatun~guhan.

Nang dumating doo'y sinalubong sila niyong buong Reyno nang dakilang sayá, sigaw ay mabuhay mabuhay ang Reyna na capayapaan nang Francia't Borgonya.

Ang Haring si Clovis ay sumalubong din na caguinoohang madla ang capiling, caya't nang makita ang himalang ningning ang toua nang pusò ay ualang cahambing.

Niyong dumating na sa palacio real ay saka ginanap n~g kinabukasan ang inuugali nilang pagcacasal na caacbay sampon n~g caguinoohan.

Boong Reyno nama'y nag-aalay n~g saya tanda niyong ganap na paggalang nila, sa boong casulocsulucan nang Francia ay namimintuho sa canilang Reyna.

Ang oras n~g gabi ano'y n~g dumating n~g mahihiga na Reyna'y nanalan~gin n~g casalucuyan n~g pananaimtim sa Dios, ang Hari lumapit sa siping.

Saca ang uinica'y casing minamahal at pan~ginoong cong pinaglilingcuran, humiling nang iyong maibig na bagay at tunay na hindi kita masusuay.

Ualang minimithi aco anang Reyna cundi ang icaw ay sumampalataya, sa iisang Dios na tatlong Persona na uala sinomang lalalo pang iba.

Ang may lic-ha'y siya nitong santinacpan at siya ang Dios na ualang capantay, tan~gi sa tayo'y caniyang linalang sa salang minana'y siya ang humadlang.

Tanang man~ga Dioses na sinasamba mo iya'y pauang lic-ha lamang n~g Demonio. siyang dumadaya sa lahat n~g tao, upang macaramay nila sa Infierno.

Sa dahilang sila ay pinarusahan n~g Dios, at ayon sa capalaloan, sa adhica nilang sa Dios mapantay ang napala'y hirap magpacailan man.

Caya n~ga sa iyo'y isinasamo co na lisan ang Dioses na sinasamba mo, at talicdan mo na iyang pagca moro at iyong harapin ang pagkikristiano.

Pacaisipin mong tauo'y cung mamatay sa lan~git, ay buhay namang ualang hangan, ang nasa loob nang cay Cristong bacuran at sundin ang utos ay gloriang cacamtan.

N~gun'i yaong man~ga aayaw pabinyag dusa sa Infierno'y siyang malalan~gap, at ang sa totoong Iglesia'y lumabas ay sa Infierno ri't lalan~gap n~g hirap.

Sa bagay na ito ay cung mabinyagan icaw, at gayon din ang lahat mong caual at sundin ang utos n~g Dios na mahal upan ding matamó ang payapang bayan.

At ipatayo mo uling panibago ang man~ga Simbahang ipinasira mo, at ihin~ging tauad ang lahat nang ito sa iisang Dios na Personang tatlo.

Isa pang samo co ay iyong sin~gilin ang ari n~g aking Amang guiniguiliw sa cay Agabundos na aking amain na siyang humatol cay Amang patain.

Ang di catuirang canyang guinaua lubos cong sa Dios ipinabahala, ang cay Clovis namang binigcas na uica ang unang hin~gi mo'y mabigat na lubha.

Di n~ga maaamin niyaring calooban na ang man~ga Dioses ay aking talicdan at lubhang marami akong cautangan na caloob niyang man~ga bagay bagay.

Animo'y Dios mo ang aking sambahin at ang man~ga Dioses ay aking limutin, ay iba nang bagay ang iyong hilin~gin at tunay na hindi kita susuayin.

Cung sa ganang akin cay Clotildeng saad ay cagalin~gan mo cung caya co han~gad, n~guni't cung sa iyo ay minamabigat tungculin co lamang na ipatalastas,

Na yaong Dios co ang siyang lumic-ha nang lahat nang bagay maguing lan~git lupa siya'y tumigil na't di na nagsalita at ang usap nila'y napayapang cusa.

At n~g maumaga Hari ay nag-utos sa embajadores na caniyang lingcod na sila'y humarap sa cay Agabundos at sabihin nila na ipagcaloob.

Ang lupa n~g Reyna at ang m~ga bayan na minana bilang sa Amang namatay at inyong hintayin yaong casagutan cung ibibigay niya ó caya hindi man.

Man~ga embajada pagdaca'y lumacad at cay Agabundos sila ay humarap, nang dumating doo'y ipinatalastas ang bilin nang Haring Clovis na nag-atas.

Niyong maunaua yaong cahilin~gan sa cay Agabundos namang ibinigay, ang ucol na mana nang pamangking hirang at ang pagtatalo'y upang mailagan.

Tanang casulata'y nang maigauad na ay napaalam na yaong embajada, at sila ay agad nagbalic sa Francia't na Haring nag-utos ibinigay nila.

Iguinauad naman nang Reynang butihin yaong casulatan caya't nang malining, ay napasalamat at ualang hilahil na ibinigay nang tunay na amain.

Man~ga pagsasama'y lubhang mahinusay at nagsusunuran silang malumanay, pan~gaco ni Clovis ay guinagampanang sa sampalataya'y di makikialam.

Cay Clotilde namang laguing hinihiling sa Dios, cung siya ay nananalan~gin, na ang calooban ay paliuanaguin nang asaua't iuan yaong pagcahintil.

Di lubhang nalaon niyong pagsasama ay isang lalaki yaong naguing bun~ga, Hari ma'y aáyaw na binyagan niya ay inamo rin n~ga nang sabing maganda.

Sa gayong caniyang man~ga paghicayat ay napilitan ding Hari ay pumayag, bininyagan na n~ga't n~galang itinauag ay si Rosalino sa bugtong na Anác.

Ang toua nang Reyna ay di ano lamang at ang hiling niya'y cusang pinayagan, n~guni't nang dumating ang icatlong araw bata'y nagcasakit at nakitlang búhay.

Caya ang uinica nang Haring si Clovis sa Reyna cun icaw lamang ay nakinig, na huag binyagan at sa aking Dioses ay iyong ialay at doon manalig.

Sangol ay di sana búhay ay nakitil at ualang pagsalang canyang aamponin, ang sagot nang Reyna cung sa ganang akin ay di dinaramdam nang pusò't panimdim.

Bagcus nagpupuri't nagpapasalamat aco, sa Dios na lumic-ha sa lahat, na ipinagsama't cusang minarapat sa bayang payapa nang Santos at Santas.

Yaong unang bun~ga nitong aking tiyan caya n~ga hindi co ikinalulumbay, at tunay na aco'y di macasusuay sa balang caniyang maguing calooban.

Malibang panahon ay muling nagbuntis ang Reyna Clotilde sa aua nang lan~git, n~guni't lalaki rin yaong sa pag-ibig nila'y naguing bun~ga na aliw nang dibdib.

Hari ay ayaw ring bata'y pabinyagan n~guni at sa Reynang pinakiusapan, caya't sa pagsamong lubhang malumanay nang Reyna sa Hari, ay umayon naman.

Ang nasa nang Reyna ay cusang natupad noon din ang bata'y bininyagang agad, at Sigesmundo ang n~galang itinauag nang Rey sa Clotildeng loob na banayad.

Cun anong talaga niyong calan~gitan ay nang macaraang may ilan nang araw, na yaong Príncipeng bata'y mabinyagan ualang ano-ano nama'y nagcaramdam.

Na paulit-ulit at di mapagaling caya n~ga't ang asa ay mamamatay rin, ang uica nang Hari sa Reynang butihin cundan~gan ayaw cang makinig sa akin.

Uica co sa iyong huag mong binyagan at baca ito rin ang siyang caratnan, sapagca't ang gauang iya'y nalalaban sa Dioses, cung caya kita'y sinasanay,

Pag-iya'y namatay na gaya nang una ay lubos na icaw ang siyang maysala dahil sa sabi cong ayaw makinig ca ang Dioses sa iyo'y galit nang talaga.