Ang Singsing nang Dalagang Marmol
Part 1
Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and PG Distributed Proofreaders. Produced from page scans provided by University of Michigan.
[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g. Mistakes in the original published work have been retained in this edition.]
[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit. Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mga pagakakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]
=Kathâ ni ISABELO DE LOS REYES=
=ANG SINGSING=
NANG
DALAGANG MARMOL
[Larawan: Isang binibini]
Ó SI
LIWAYWAY NG BALIWAG MGA NANGYARI SA PAGHIHIMAGSIK Ipinagbibili ng 20 cts. sa daang P. Rada, 467, Tundo.
[Patalastas: La Concepcion; Sanglaan ni Fausto O. Raimundo]
ANG SINGSING
NANG
DALAGANG MARMOL
Man~ga nangyari sa Paghihimagsik
SINULAT MUNA SA WIKANG TAGALOG N~G KAGALANGGALANG NA ISABELO DE LOS REYES SA PAHAYAGÁNG Ang Kapatid ng Bayan, BAGO ISINALIN NIYÁ SA WIKANG KASTILA SA PINAKA FOLLETIN NANG El Grito del Pueblo NOONG TAÓNG 1905. SAPAGKÂ'T NAWALÂ ANG UNANG ORIGINAL, AY MULING SINALIN SA WIKANG TAGALOG
NI
CARLOS B. RAIMUNDO
MANILA 1912
TIP SANTOS Y BERNAL Ave. Rizal 414 Sta. Cruz
[Larawan: Hon. Isabelo De Los Reyes]
SA KAY LIWAYWAY N~G BALIWAG.
_Magandáng Binibini_:
Sa bilang n~g páhayagáng tagalog _Ang Kapatid n~g Bayan_ na nauukol sa iká 14 n~g Septiembre n~g 1905, nábasa ko ang isáng lathalà na ganitó ang sinasabi:
"Nagíng dahil n~g mapupusok na paghahakà ang mainam na kathà, (novela) na sa pamamagitan n~g lagdâ n~g isáng kilaláng mánunulat ay aming inihahayág, at ipinalalagáy n~g; iláng _tiktik_ na ang _Dalagang Marmol_ ay nanánagisag sa _kapalaran n~g Filipinas_, na bagama't ngayo'y tila tumatalikód sa kaawà-awà nating bayan, n~guni't sa wakás ay gaganapin din ang kanyáng pakiki-isáng dibdib kay Pusò (táong may malakíng kabuluhán sa kathâ) na alinsunod sa m~ga _tiktik_ ay nanánagisag naman sa kahulugán n~g Diwà ó n~g Mithî n~g bayang tagalog.
"May balità kaming sinalin na raw sa wikàng ingles."
"N~guni, sinasabi naman n~g m~ga tagá Bulakán na ang _Dalagang Mármol_ ay walâng ibá kundî si binibining _Liwayway_ na tagá Baliwag, pagkâ't ang kanyáng m~ga kagandahang iginuhit ay siyá lamang tumútugón sa m~ga pagkakakilanlán sa katauhan n~g násabing binibini.
"Talagáng túnay ngâng nakahahangà ang kagandahan n~g dalagang _Liwayway_, n~guni't dî namin nababatid kung síyá n~gâ ang tinútukoy n~g nasabing mánunulat, at ang amin lamang masasabi ay yumaon na itó sa España. Sa kanyá sana tayo makapagtanóng."
At sa _El Grito del Pueblo_ n~g ika 20 n~g sinabing buwán ay napalathalà naman, na dalawáng piling Gurô sa pagtugtog ay nagsikathâ n~g isáng "Tanda de Vals" na kuha sa guní-guní n~g kaniláng pagkabasa sa kathâng násabi at yaó'y sadyâng sa inyó nilá ipinatungkól.
Ang m~ga balitàng it'óy nakaguló n~g aking isipan kayà akó humanap tulóy at nakakita namán sa m~ga natitipon n~g násabing Pahayagán n~g isáng aklát, na túnay n~gà't matatawag na m~ga nangyari sa Paghihimaksík natin n~g 1899 ang linálamán, n~guni't kun tátarukín ay makikitang kahalò ang isáng maliming pagaaral sa mahalagá at tan~ging ugali n~g ating m~ga kawiliwiling babai; kahit ang anyô ó ayos sa malayò pa'y naghihimatóng gawâ n~g isáng dakilàng mánunulat na may lubós kinabatirán sa ating m~ga kasaysayan.
Ilinalahad n~g kathâ, na bagamán parang _mármól ó hielo_ ang babaing tagalog dalá n~g malaking kahirapan kun ligawan, dapwâ't kung umibig ay may káya namáng magtiís sa lahát n~g hirap.
Akin n~gang tinagalog, at yamang ikáw pô ang itinuturó n~g inyóng m~ga kababayan na parang _Dalagang Mármol_, sa gayó'y walâ n~g ibá pang marapat paghandugán nitóng aking pinagpagalán kundî kayó, bagamán dì nìnyó kilalá ang aking katauhan.
CARLOS B. RAIMUNDO.
Ang Singsing
Nang Dalagang Marmol
I.
Matapus ang kasindáksindák na labanáng nangyari sa m~ga tagalog at americano sa Kin~gwá, lalawigan n~g Bulakán, n~g iká 23 n~g Abril n~g 1899, na siyáng ikinápatáy kay Coronel Stotsenburg, sa Capitán at ibá pang m~ga kawal americano, kamíng m~ga tagalog naman ay nagsiurong sa Sibul, at sa isáng bahay-gamutan n~g aming m~ga kawal ay nátagpuán ko ang isáng matapang na pinunòng tagalog na bahagyâ náng makagaláw at makapagsalitâ dahil sa marami niyáng súgat. Malakí ang awà sa kanyá n~g lahát n~g táong nan~garoroón at siyá na lamang ang napagúusapan at lubós nápupuri dahil sa kanyáng kabihasnán sa pakikilaban at sa kapusukan sa m~ga pakikipagsagupà; at sa katotohanan kahit mamámatáy na lamang ay pilit pa niyáng napaúrong ang malalakas naming m~ga kaaway.
Nang aking matantô ang labis na paglilingkód n~g bayaning itó sa ating Bayan, ay pinagsikapan kong siyá'y alagàan, bagamán walâ akóng pananalig na siyá'y maáari pang mabúhay.
N~guni't aywan kun sa kabagsikan n~g bisà n~g tubig sa Sibul, ang pinunong itó na Pusò ang pan~galan, isang araw ay idinilat ang m~ga matá at nagsalitâ n~g ganitó:
--Sino ka man pô, maawàíng kapatid na nag-áalagà sa akin, kayó'y pinasásalamatan ko, at ipinamamanhik sa inyó na huwág mo na pông lubhâng pagsikapang akó'y agawin sa m~ga kukó n~g kamatayan, pagkâ't batíd kong dî akó mabubúhay dahil sa aking m~ga súgat, at lalòng-lalò pa dahil sa kainitan n~g lupàing itó. N~guni't nápakatamis sa akin ang mamatáy sa paglilingkód sa kapús-palad nating Bayan.
Akó na kaylán ma'y di nakababatid kun paano ang pag-iyák ay kusang tumulò ang luhà ko't niyakap ang bayaning halos ay naghihingalô at aní ko:
--Huwág ka pông man~gambá matapang na pinunò pagka't nagsísimulâ na kayó sa isáng panggaling.
--¿Man~gambá ang sinabi ninyó--ang sagót ni Pusò--Di ko nakikilala ang pan~gambá ni ang tákot n~guni, kun inyóng mababatíd giliw na kaibigan ang lihim n~g luntáy-luntáy kong pusò, marahil kayó rin ang tutúlong dalá n~g inyóng pagkahabág, upang madalîín ang pagkamatáy ko.
At n~g masábi ang ganitó'y itinuro ang kanyáng singsing sa daliri at bago nagpatuloy:
--Kaibiga't kapatid; ipinamámanhik ko sa inyóng mangyaring pag-in~gatan ang singsing na itó pagkamatáy ko, n~g di maalís sa aking bangkáy at málibing na kasama ko. ¡Ay katoto! Kun inyóng málalaman ang pinanggalin~gan n~g singsíng na itó....
Hindi itinulóy n~g pinunò ang pagsasalitâ pagkâ't di napigilan ang kanyáng luhà sa pagkáalala n~g m~ga kapaitang kanyáng linálasáp. Inalagatâ kong siyá'y kusàng liban~gin at pasiglahin ang loób bago nagkunwa akóng tumatawa:
--¡Ha, ha, ha! Tila ba dî kayó--aní ko--sanáy sa m~ga pakikitunggali, palibhasà lubhâ na kayóng nalulunos dahil lamang sa isáng babai. Aking ipinaáalala sa inyó, mahál na pinunô, na sa gitnà n~g malakíng sakunâ n~g ating bayan ay di dapat isagunitâ ang bagay na kasalawahang loób n~g m~ga babai kahit silá'y sakdál n~g gándá.
--Mapalad ka pò, katoto, na sa masíd ay di pa naka lalasáp n~g libong kapaitan at m~ga lasong natatagò sa pusò n~g isáng babai.
--¡Oh, ginoó! Sa kanilá'y mayroóng masamá at may mabuti rin namán. At ang tuntunin ko'y náuuwî sa: Madaling pag-ilag sa m~ga may tagláy na kapintasan at manatili akó sa m~ga mairugin at dî salawahan.
--¿Anó ang sabi ninyó? Sa lagay, mayroón kayâng isáng babai man lamang na dî balibát ang ulo at dî salawahan?
--Mayroón pô at dî ang lahát ay pawàng kirí ó manglilipad....
--¿Túnay kayà? Kun sa ganáng akin, lagì na akóng nagíng kapús-palad sa dî pagkakatagpô n~g isáng babaing may ganáp na pagkukurò at íibig n~g tapát sa akin.
¿Alam mo pô ba kun bakit ang singsíng na itó'y lubhâ kong mimámahál?
--Huwág na ninyóng ipabatíd pagkâ't iyá'y isusukal lamang n~g iyó pông kalooban.
--Mabuti n~gâ, katoto, na umagos ang aking luhà at sa gayó'y maawasán n~g bigá't yaríng dibdib. Makiníg ka pô at isisiwalat ko sa inyó ang lihim n~g aking pusò.
Sa kaunti kong kabatirán tungkól sa pagkasalawahan n~g m~ga babai, lalò ang magagandáng maraming nan~gin~gibig, ay dî ko pinaháhalagaháng gasino mulâ pa sa aking pagkabatà ang ganyáng ásal; at ang palakad kong itó'y nagíng makabuluhán sa akin, palibhasà, kun lumalayô ang isáng lalaki ay silá an~g nagsisilapit, at kun ang lalaki'y nagpapakita n~g katamlayang loób at napagiin~gatang katabayin ang pag-iisip sa m~ga dahilanin n~g pagibig, ay madalîng makatagpô; n~gunì, kung ang lalaki'y maging mairugín ay agád kang hihiluhin n~g m~ga babai at pahihirapang lábis n~g walà muntî mang awà.
--Gayón, palá't batíd mo pô ang lahát n~g iyán, ¿bakit kayó napasilò?
--Akin nan~gâng sinabi, katoto, na kaylán ma'y di akó umibig sa kanilá; n~guní dalá yatà n~g aking malungkót na kapalaran, isáng araw ay nápaparito akó sa lalawigang itó n~g KABULAKLAKÁN ó Bulakán--sa m~ga kastilàng dî mátumpák bumigkás n~g máayos--at sa isáng maligayang halamanan ay nakita ko si Liwayway na sa kagandahan ay higít n~g malakí sa balitàng Helena, na dahil sa pagkatakas sa kanyá sa Paris ay siyáng pinanggalin~gan n~g kasíndák-sindák na patayan n~g m~ga panahón n~g kabayanihan.
Ang binibining itó'y túnay na tila isáng _Dalagang Mármol_, dî lamang sa pagkakahawig sa larawan ni _Venus_ na aking nákita sa Museo n~g Louvre sa París, kundî pagkâ't tila dî nakaráramdam kun minsan.
--Sinabi ko ná sa inyó, na ang kagandahan nilá ay siyáng nakapagbibigáy n~g kayaban~gan at kakirihán. Masisirà, sa wakás, ang inyóng isip pag-isasaloób ang libolibo niláng pang-aaglahi.
--N~guni, ¿dî ba dayà ikararagdág pa sa halagá n~g kaniláng m~ga kagandahang lantád, kun silá'y umibig n~g matibay at huwág parang isáng babaing nápalungî, na sa kanyáng malabis na karálitâán ay napipilit itakal ang m~ga pinaghunusan n~g kanyáng kahihiyán sa bala nang mákaibig?
--Sana n~gâ pô; n~guni't ang babai'y talagáng siyáng _demonio_ na ating kaaway, at úpang huwág nating mákilala ang kaniláng kasukabán ay ipinamámasid sa atin ang dati niláng mukhâ noóng silá'y isáng _angél_ pa, at sakà nagsosoót n~g barò't sáya.
Si Pusò'y nán~gitî n~g márinig ang masayá kong birò at bago nagsalitâ:
--Hindî, katoto; si Liwayway ko'y dî mangyayaring magíng isáng _demoniong_ may baró't sáya, kundî isáng diwatàng nagliliwanag sa kanyang dikit at kahinhinan, Gayón man, ¡oh, pusò! gaánon~g hapdî n~g súgat na sa iyó'y ipinagkaloób n~g malupít na diwatàng iyan!...
Hindî náituloy ang pagsasalitâ, umiyák at halos nagsimulâ sa paghihin~galô.
II.
Sumigaw akóng nagpagibík at aming pinagtulúngtulun~gang hinimasmasán sa pagpapaamóy n~g _eter_ ang kaawà-awàng si Pusó, at n~g makalipas ang may kalahatîng oras ay nagsaulì sa malay-táo, n~guni't dî ko na siyá pinayagang bumanggit man lamang sa pan~galan n~g kanyáng tinatawag _Dalagang Mármol_.
Makalipas ang dalawáng araw at n~g tila siyá bumubuti n~g bahagyâ ay tinawag akó't anyá:
--Ang aking kunwâng paggalíng na inyóng námamasdán ay hindî tátagál at di sásalang akó'y mamámatáy rin agád.
--¿Sa kátaón pa naman--aní ko--na n~gayó'y madalî náng sumusúlong ang inyóng paggaling?
--Iyá'y akalà lamang ninyóng mag-isa, at yamang may natitirá pa akóng kaunting búhay, n~gayo'y ipatutuloy kong ipahayag sa inyó ang m~ga kapaitang linalasáp niaríng kalulwá, upang akó'y pautan~gin ninyó n~g loób na ganapín ang iláng ipagbibilin ko, sakaling mátagpûán ninyó ang _Dalagang Mármol_.
--¡Mármol na namán! Útang na loób, kapatíd ko, huwág na sana munang banggitín n~gayón ang pan~galang iyán pagkâ't lúlubhâ ang iyó pông karamdaman.
--Námamalî ka pô, katoto; lalò akóng bibigát at dî makakátulog sa pag-áalalang akó'y mamámatay n~g di nalalaman nì Liwayway, na ang katapusáng pagmumuni ko't buntóng hinin~gá'y sa kanyáng lahát nátutungkól.
--Ang m~ga babaing parang _mármol_ na may pusòng matigás at malamíg na parang _hielo_, ay dî karapatdapat makabalino sa ating pag-iisip, lalònglalò pa sa kalagayang paris n~g înyó.
--Walâ kayóng pagtin~gín sa akin, katoto, kundî pakikinggán ang ipagbibilin ko--aní Pusò na parang walâ nang pananalig.
At n~g masabi itó'y naták ang luhà. Upang huwág n~g lalòng magdalamhati pa'y náyag na akóng siyá'y dinggín, bakit talagá rin namáng malabis ang han~gád kong maunawà ang m~ga lihim n~g dakilàng pusòng iyón n~g bayani.
--Si Liwayway--aní Pusò--ay naninirahan sa Baliwag sa bayan n~g m~ga nakawiwiling dalaga. Sa lalawigang itó'y walâ náng ibá pa na tan~gi sa pagkamagandá n~g kanyáng m~ga binibini kundî ang bayang iyón.
--Alám ko ná.
--At kun nakabibighanì ang halos lahát n~g babai sa násabing bayan, si Liwayway ko ang parang hari nilá dahil sa walâng kaparis na kagandahan. Ang kanyáng mukhà'y nagníningníng na parang araw, at upang paputîín at pamurukin ang kanyáng m~ga pisn~gí ay pinili n~g Lumikha ang mababangóng kampupot at alejandría, pinaghalò at doón kinuha ang kanyáng kúlay, kaya maputîng parang azucena na nasasapyawán n~g pamumúrok ang balát na parang búlak sa lambót. Ang buhók ay kúlay gintô at tila sadyâng kinulót n~g maselan na kamay n~g m~ga diwatà. Mainam at kahilìihilì ang húbog ng ilóng at pati m~ga tain~ga, sampu n~g dalawáng matáng nan~gun~gusap sa kapun~gayan; m~ga n~giping parang pinili, malinis at maputîng parang gáring; babang nakalulugód ang pagkahatì, at ang kanyáng makipot at mainam na bibig ay tulad sa isáng bulaklák na bagong bumubuká ó sa isáng bátis n~g matamis na biyayà pagkâ't makitid at namúmulá ang kanyáng kabighábighaning labi't n~guso at ¡ay! kung mangyayari sanang aking máhagkáng minsán, marahil ay máraragdagán pa ang búhay ko!
At sinabi itó n~g may kasamang malalim na buntóng hinin~gá.
--¿Totoó kayâ--ang tanóng ko sa kanyáng tumatawa akó upang pasiglahín--na kayó'y gágalíng sa isáng matamís na halík ni Liwayway?
--Walâng pagsala, maniwalà kayó sa akin; ngunì, ¡kaawà-awàng pusò ko! ¡walâ ná ang iyóng Liwayway at dî ko alám kun saán naroón n~gayón!
--Ihimatón man lamang ninyó sa akin at pagsisikapan ko ang siyá'y hanapin.
--Huwág na kayong mapágod, pagkâ't dî sásalang siyá'y lubhâng malayò ná, at isá pa, tiyák na magíging láson sa akin kun malaman ko pa ang kanyáng kinásapitan.
--¿At bakit?
--Iyán n~gâ ang lihim na kanino ma'y dî ko masasabi at dadalhin ko na sa húkay. Si Liwayway ay parang isáng makisig at masayáng kulasisi na nakawiwiling pakinggán pagmasayáng nagsasalitâ at dî nagbubulàan. Siyá'y balita sa lugód at inam makipag-usap; n~guni't mulà n~g akó'y kanyáng mákilala'y naparam na biglâ ang kanyáng pagkamasayá; parang ibong nalaglág sa isáng sumpít at naging larawang _mármol_ n~g pumaták sa lupà.
--¿At ano ang naging sanhi?
--Ang lan~git lamang ang nakatatalós. Isáng araw ay dumatíng kami sa nábangít náng bayan ni Liwayway. Doó'y tinipon ko sa liwasán ang pulutóng n~g aking kawal bago kami pasalabanán sa Marilaw, at aking pinan~gusapan upang silá'y pasiglahín at ipabatid tulóy ang lahát n~g dapat gawin. Maraming táo ang nanoód at nakinig n~g aking talumpatí na walâ sa áyos at sahól sa linálamán; n~guni, marahil sa awà n~g m~ga táo sa akin dahil sa akalàng akó'y mamámatay na walâng sala sa dadayuhing labanán, ay kinalugdán din akó't ipinagdíwang kahit dî karapatdapat.
Nang akó'y manaog sa pinagtalumpatian ay námasdán ko si Liwayway sa isáng súlok.
Sinasabi sa m~ga Banal na Kasulatan, na ang _angel_ na nákita ni Magdalena at m~ga kasama sa libin~gan ni Jesus, ay nagníningníng na parang araw. Gayón din si Liwayway, kumikináng sa kanyáng kagandahan, katimpîan at kahinhinán na parang bukáng liwaywáy n~g isáng araw na maligaya.
Sa m~ga sandalîng yaón ay gumiít sa aking puso ang isáng tan~ging damdamin na dî ko málamang sabihin at kaylán man hanggá noón ay dî ko pa napagkákabatirán. Ang kanyáng pananamit ay karaniwan, n~guni't malinis gaya n~g laging isinosoót n~g m~ga babaing bayan; at nabatíd kong siyá'y isáng ulila na kinúkupkóp lamang n~g isáng matandâng dalaga. Akó'y nagkaroón n~g magiliw na pagtin~gín sa kanyá at aking linapita't siya'y binati.
Magiliw namán siyáng sumagót, at dî nalalamang sa aking dibdib ay nagninin~gas ná ang isáng damdaming marahil ay yaón ang tinatawag ninyóng pag-ibig.
Matapus ang sandalî sa m~ga salitâan naming walâng kabuluhán ay sinabi ko sa kanyá:
--Liwayway, ¡oh, himalâng Liwayway sa kagandahan! Akó'y paroroón ná sa labanán at malapit ang dî ná ninyó akó mákita. Akó'y paris din ninyó, ulila sa lahát. Kun ang aking hinin~gá'y malagót sa párang n~g pakikihamok, ay parang isáng muntîng ilaw lamang na pinatáy n~g han~gin. Sa bagay na itó, ¿maipagkákaloób kayâ ninyó, diwatà n~g habág, ang mahalagá mo pông pañô upang akó'y may máidampî ó máitalì sa aking magiging súgat?
--Opò, ginoó--ang magiliw na sagót ni Liwayway at ibinigáy sa akin yaóng naipakamahalagáng pañô na nakapulupot sa kanyáng leeg na parang linalik.
Hinagkán ko ang maban~góng pañô at agád kong itinagò sa bulsá sa aking dibdib.
Napipi ang aking lugód at nasàng paggantíng loób sa kagandahang pusò ni Liwayway; n~gunì't kulang pa rin ang katuwàa't ikasisiyá kong loób, pagkâ't bagamán ibinigay ná sa akin ang kanyáng pañô, ay ipinalalagáy kong parang limós lamang sa kaninomang tagatanggól n~g tinubùan; datapwà't sa kabilâng dako, nahihiyâ namán akóng magparamdám agád sa kanyá sa lubós na kadalîán n~g umúunlád kong pag-ibig, at súkat ang sinabí ko sa kanyáng:
--Maraming salamat, mahabaging Liwayway; at gantihin nawa n~g Lumikhâ ang pusò mo pông gintô. Lahát n~g aking m~ga kawal ay may tagláy na kalmen ó antíng-antíng upang máligtás silá sa punlô, n~guni, ulóg lamáng ang iyó pông lingkód na walà anománg agimat, at dahil dito, kun parang limós na ibigay ninyó sa akin ang isáng buhók mo pô na labis kong pinaháhalagahán, ay ikalulugód ko at siyáng makapagbibigay sa akin n~g tápang at kahihiyán sa dî pagdúrong, pagkamí'y binabakang mahigpít n~g mayayaman at malalakás nating kaaway.
Nang máriníg itó ni Liwayway, minasdán akó, namulá n~g bahagya at dî akó sinagót agád; n~gunì n~g makalipas ang sandalî ay lumagót n~g isá sa kanyáng mainam na buhók at ibinigáy sa akin n~g malwág sa kalooban.
--Aytó pô--anyá--Láhat n~g maitutulong ko sa ating m~ga bayani, agád maáasahan sa akin.
Hinagkán ko ang buhók na aking kaaliwan at sakâ ko binalot sa pañông itinatagò sa bulsáng na sa tapát n~g dibdib.
Ibig ko pa ring magsalità at buksán ná sanang minsán ang aking pusò sa linalan~git kong dalaga; n~guni, akó, na kaylán ma'y dî nakakilala n~g tákot ay nagíng umíd, dalá n~g pan~gingilag na bakâ sabihin niyáng akó'y isáng mapan~gahás.
Sumakáy ná akó sa aking kabayo at ipinag-utos kong lumakad ná agád ang aking m~ga kawal at n~g lilisanin ka ná si Liwayway ay inyabót ko ang aking kamáy at isinalubóng anamán niyá sa akin ang kanyáng maririkít na dalirì. Di na kó nakapigil at pagdaka'y pinan~gahasan kong hinagkán ang magandá niyáng kamáy at sakâ ko sinabi n~g ako'y humihikbî:
--Paalám ná, ¡búhay ko! Kinaí-inggitán kong túnay ang mapalad na lalaking magkákamit sa nápakamahalagá at dakilà ninyóng pusó.
¿Akalá ba ninyó'y umiyák namán ang _Dalagang Mármol_ n~g akó'y mákitang híhikbî-hikbî'y lumalakad na tún~go sa pakikilaban at sa kamatayan? ... ¡Hindî pô! Súkat ang akó'y minasdáng parang siyá'y námanghâ.
At ang gayó'y nagíng parang isáng tinik na mahayap sa aking pusòng nahahapis, pagkâ't inasahan kong siyá'y umiibig ná sa ibá. Gayón pa man, ang pagyao nami'y lubhâng kalagím-lagím at halos lahát n~g m~ga babai'y nagsi-iyák, tan~gi lamang yaóng diwatàng _Dalagang Mármol._
III.
Talagáng túnay n~gâng kapuripuri si _General Antonio Luna_ sa m~ga labanáng lantaran, palibhasà'y tagláy ang katapan~gang dî pangkaraniwan, at dahil dito'y madalás niyáng maampát ang kabilisán sa pagsalakay n~g m~ga kawal americano, na may magagalíng na kañón, baríl, maramíng kabayong malalakí at ibá pang kasangkapang pawàng kalwagan sa pakikilaban; m~ga bagay na siyáng totoóng kulang sa amin, sa lubós na kasamâáng palad.
N~guni't sa isáng dako nama'y masasabing si Emilio Aguinaldo'y talagáng dalubhasà sa m~ga kaisipán at paraán n~g pagtambáng at panunúbok sa kaaway na dî nakahandâ; at dahil sa m~ga kagagawáng itó, malakí ang kanyáng nápulô noóng labanán sa kastilà, hanggán sa naratíng niyá ang magíng Pang-ulo n~g m~ga general na naghíhimagsík.
Ang katotohana'y dî n~gâ dapat makilaban n~g mukhâán sa isáng kaaway na may sapát na lakás at nakahíhigít sa lahát n~g bagay, at walâ n~gâng dapat gawín kundî daanin sa paraáng ikabibiglâ at sa m~ga pagtambáng.
Ang m~ga americano'y nan~gakaratíng ná sa Malolos, at kinalatan nilá n~g m~ga pulutóng na tánod ang lahát n~g himpilan n~g tren sa Bulakán at pinagsisikapang máitaboy si General Luna sa kabilâng dáko n~g ilog Kalumpít.
Sa gayó'y náisip naman ni Aguinaldong _dukutin_ ang m~ga pulutóng na nagtatanod sa m~ga himpilan n~g tren sa Bigaá, Bukawe at Mariláw; at isáng gabí ay pinalakad ang m~ga kawal na lúlusob at pati siyà'y dumaló búhat sa San Rafael, upang pamahalàan ang pagsalakay.
Ang paraán ni Aguinaldo'y pinalad. Sa lubós na pagkabiglà n~g m~ga americano dahil sa dî nilá ináasahang kapan~gahasan n~g m~ga tagalog, agád siláng nagsitakbó't nagtipon sa Guiguintô at ang iba'y sa dákong Maynilà, datapwâ't sa pag-urong ay marami ang nápatáy n~g m~ga tagalog; at sana'y mádadakíp na lahát kun nátanggáp lamang ni General Luna ang pautos ni Aguinaldo at nakadaló siyá n~g kasalsalan n~g labanán. Gayón man nakúha rin namin ang lahát-lahát na lamán n~g tatlóng Himpilang násabi.
Alám na ninyóng m~ga tagarito na akó ang lalòng ipinagdíwang sa gayóng pagtatagumpáy namin, pagkâ't kundî lamang dahil sa akó ang siyáng namayaning agád dumaluhong at nakalupig sa m~ga kaaway, kundî pagkâ't dahil din naman sa aking mabisàng pagdaló ay nagtagumpáy rin ang m~ga pulutóng na pinalúsob sa ibá't ibáng poók. N~guni't sa labanáng itó'y mulî akóng nasugatan n~g malubhâ, kayâ ginawâ akóng _Coronel_ ni Aguinaldo at ipinadalá akó sa bayang Baliwag upang ipagamót, palibhasà'y para akóng patáy n~g damputín sa párang n~g labanán.
Nang magsimulâ akó sa paggalíng at idilat ang aking m~ga matá, akalà ko ba'y nahíhibáng akó, nan~gan~garap ó nápaakyát sa lan~git, pagkâ't námasdáng hindî ibá ang nag-áalagà sa akin kundî ang kawiliwiling dalaga na nagpaalab sa payapà kong pusò n~g isáng parang Volcáng pag-ibig.
Kusà akóng nápasigáw agád at buntóng hinin~gá kong sinabi ang:
--¡Liwayway! ¡Liwayway! ¿Ikáw n~gâ pô ba ang matamís kong Liwayway?
--Opò--sagót n~g _Dalagang Marmol_--n~guni't huwág kayóng magsalitâ, pagkâ't ibinabawal n~g manggagamot.
--Bayàan ná ninyó, at kahìt mamatáy man akó n~gayó'y mámatamisín ko rín, pagkâ't sa pilin~g mo pô pápanaw ang búhay kong walâng kabuluhán.
--Huwág pô--aní Liwayway--Ikáw pô'y lubhâng batà pa at gayón ma'y _Coronel_ ná at marami n~g kapuriháng tinamó sa pagtatagumpáy. Aalagàan naming mabuti ang mahalagá ninyóng búhay na lubháng kailan~gan pa n~g ating kaawà-awàng Bayan.
--Nakawáwalâ n~g pag-asa ko, Liwaywáy, ang máriníg sa inyó na akó'y iyó pô lamang ináalagàan at ginagamót upang maipagtanggól ko ang ating tinubùan. Nais ko ang maglingkód sa kagalang-gálang nating Ináng bayan, n~guni, han~gád kong mabúhay namán upang ikaw pô, aking kayamanan ay siyáng magpalasáp sa akin n~g m~ga katamisan n~g pag-ibig.
--Maghunos dilì ka pô, ginoóng _Coronel_--ang sagót niyá sa aking may kalamigán n~g isáng _mármol_--tila yatà pan~git na ikáw pông hindî napasukò n~g malalakás na americano, n~gayó'y magiging bihag lamang n~g isáng dukhàng babai, n~gayón pa namán sa m~ga dakilàng sandalî na lubhâng kinakailan~gan n~g ating Bayan ang iyó pòng talino at lakás.
--Dî ko kailan~gan turúan mo pô akó n~g tungkól sa pag-ibig sa lupàng tinubùan; n~guni't ikáw pô at ang inyóng kataká-takáng kagandahan ay bahagi rin namán n~g Bayang iyán. Ang kátamis-tamisang pag-ibig ninyóng m~ga dalagang kababayan, ay siyáng tan~ging nápakamahalagáng gantíng palà na ináantáy naming kamtán sa likód n~g lubhàng pagsisikap sa pagtatanggól n~g ating bayan, kahit puhunanin ang aming búhay.
Hindi tumugón ang _Dalagang Mármol_; kumuha n~g isáng mangkók na sabáw at ipinainóm sa akin na para bagang dî niyá nápansín ang m~ga sinabi ko.
Sa gayó'y aking binalikán ang paglúhog at ani ko: