Ang Singsing nang Dalagang Marmol

Part 2

Chapter 2 4,114 words Public domain Markdown

--Aking nakikita Liwayway, na walâng pakiramdám, na kúlang akóng lubós sa m~ga karapatán upang ihandóg sa inyó ang marálitâ kong pusò. Gayón man, marapatin ninyóng sagutín lamang ang aking itinátanóng upang maawasán ang aking dibdíb sa isáng pag-áalinlan~gang totoóng nápakabigát.

--¿At anó pô iyón--aní Liwayway.

--Ipagtapát mo pô lamang sa akin kun mayroón nang lalaking lalòng mapalad na siyáng nag-íin~gat sa susi n~g dakila ninyóng pusò.

--Walâ pô. Kaylán ma'y dî ko pa ginágawâ ang umibig dahil sa aking lubhâng kabatàan. At ináakalà ko na kaylán ma'y dî ko ná marárating ang umibig, palibhasà'y walàng tumataláb sa aking damdamin sa m~ga pagsintáng isinusuyò n~g m~ga binatà.

Ganyán dî pô ang akalà ko bago kayó nakilala; masanghayang bulaklák n~g luwalhating Bulakán, n~guni't n~gayóng násumpun~gán ko ang lábis na hináhanap ó kayâ'y ang isáng pusòng malinis na walâ pang iníibig, ¡ay Liwayway! tugunín mo pô akó, alang-álang sa Lumikhâ, at kun hindî ay huwág na ninyó akóng alagaan pa ni gamutín, palibhasà nais ko pa ang mamatáy kay sa mabúhay n~g walâng ináasahan.

Hindî rin sumagót ang _Dalagang Mármol_ ni nabago ang kanyáng mukhâ: túlad na mistula sa _mármol ó hielo_; n~guni't marubdób ang pag-áalagà niyá sa akin, at umaga't hápon ay hináhandugán akó n~g magaganda't sariwàng bulaklák na pitás sa kanyáng marilág na halamanan.

Ganyáng talagá ang lahát n~g dalagang tagalog na nátatan~gi sa kaniláng likás na kahinhinan at samantalang mahihirap mapasogót ay lalò namáng nagliliyáb ang ating pag-ibig sa kanilá.

N~guni, ¡ay! Ang _hielo'y_ untî-untîng natutunaw ná at ang larawang _mármol_, parang hiwagà'y nagkákaroón n~g búhay at kasiglahán at nagiging mairugíng kasintahan n~g dî niyá námamatyagán man lamang.

Kaylán ma'y hindî ipinagtapát sa akin na iníibig niyá akó; n~guni't isáng araw na akó'y dinalaw n~g m~ga pinunò n~g aming hukbó, silásilá'y nagpápainamán n~g pag-garà kay Liwayway, at siyá, malayòng lisanin ang gayón ay masayáng nakikipag-usap sa kanilá.

Ang ganitó'y sumúgat sa lalóng kalaliman n~g aking pusò, palibhasà kaylán ma'y dî siyá nagpamalas sa akin n~g gayóng pagkatuwà. N~guni, dî akó nagpahalatâ at gayón pa man, sa masíd ay parang ikinalilibáng ko rin ang katuwàan nila.

Nang makaalis ang m~ga panauhin, lumapit sa akin si Liwaywáy upang akó'y gamutín, n~guni sinabi ko sa kanyá n~g mabuti ang aking mukhâ at sa lubós na paggalang, na magágamót ko náng magisá ang aking m~ga súgat, pagkâ't akó'y malakás ná.

Siyá'y nagpumilit; n~guni't dî ko pinayagan.

--¿Sumukal ba ang inyóng loób sa akin?--ang tanóng niyá na aking sinagot namán n~g:

Walâ akóng kapangyarihang magalit sa inyó, Liwayway; n~guni't nakasúgat n~g malubhâ sa akin ang kasayahang isinalubong ninyó sa m~ga binatàng pinunò, pagkâ't sa akin, kaylán ma'y dî mo pô náipakita ang mahál ninyóng pagtawa.

--¡Nakú! ¿at dahil lámang diyán?

--¿Lámang ang sábi ninyó? Dapat mo póng mabatíd, Liwayway, na túnay akóng nasaktan; at saksí ko ang Diós: ibig ko pang mamatáy n~gayón din--ang náisigáw ko n~g dî na naaring ipagkunwarî pang itagò ang aking dinaramdám.

--¿At kun akó na lamang ba ang inyóng patayín, yamang akó ang tan~ging nagkasala?--ang mairog niyang tugón sa akin.

--¿At sino akong papatáy kun ganitóng walâng-walâ akóng kapangyarihan sa inyó?

--¡Ah totoó n~gâ palá! Upang magkaroón n~g kapanyarihang iyán ay tanggapin ninyó n~gayón ang marálitâng singsíng na itó: Siyá ang inyóng kagatin at sa kanyá ibuntó ang inyóng malabis na gálit--ang sinabi niyá at saká nagtawá.

Agád akóng nákaramdam n~g isáng katuwaáng hindî masáyod. Natulad akó sa isáng bin~gíng nagkaroón n~g pakiníg ó sa bulág na biglâng pinagsaulan n~g pani~gin. Hinabol ko upang hagkán ang _Dalagang Mármol_ na karaka'y nagíng palabirô at kawiliwiling diwatà. N~guni't dî ko ná siyá inábot at walâng naiwan sa akin kundî ang kanyáng sinsíng.

Nang makalipas ang may isáng oras ay dinalhan akó ni Liwayway n~g pagkain. N~guni, walâ na sa kanyáng maalindóg na mukhâ, ni bakás man lamang n~g pagtawa kanina, at sinabi sa akin na parang galít:

--Kaylán man, huwág ninyó akóng pan~gán~gahasáng hagkán, at kun hindî, tayó'y totohanang magkákagalit. Akíng ipinan~gan~gakò sa inyó at kayó'y pináhihintulutang akó'y patayin kun márapatang umibig sa ibá. At mulà n~gayó'y manahimik ka pô.

¡Ang katuwàan ko'y dî maipagsaysáy! Madaling sumulong ang aking paggalíng, palibhasà, laging naaalalang akó'y _Coronel_ ná at maidaragdág pang akó'y mag-aasawa sa lalóng magandáng diwatà na nanggaling sa makapangyarihang kamáy n~g kábanalbanalang Lumikhà n~g Sangkatauhan.

Datapuwa't matigás n~g kaunti ang úlo ni Liwayway. Aywan ko kun sapagká't hindî pa nararatihan sa m~ga láyaw n~g pagibig, kayâ ang nangyayari'y madalás kaming magkaroón n~g m~ga alitan; n~guni't paglalòng mahigpit ang aming pagkakáalít ay lalò rin namáng humihigpít ang m~ga buhól na nakatatali sa aming pagsisintahan; at bukód sa rito, totoóng nápakatamis at dî masayod na kaluguran ang umáapaw sa aming m~ga kalulwáng nagkakasintahan, pagkami'y kusàng nagkakahin~gian n~g tawad.

Mangyari'y sa París akó lumakí at doón ko kinámihasnáng mákita ang malayáng pagsisintahan na dî ikinúkubli at lalò pa ang ikahiya, at siyáng totoó, na ang m~ga pagsisintahan ay isáng bagay na katutubo sa babai't lalaki, kayâ dî ko mákita ang matwíd kun bakit ang gayó'y ating ikahihiyâ.

Doó'y dî n~ga ikinahihiyâ ó itinatagò ang pagmamahalan n~g dalawáng pusòng nagsisíntahan, at ang kadalasán, sa m~ga lansan~ga'y makikita ninyóng naghahalikan ang isáng laláki't isáng babai, n~g sino ma'y hindî nagtataká; pagkâ't doón, ang halik ay halos parang isáng pagkakamáy lamang n~g dalawáng magkatotong nagmamahalan. N~guni, dito sa boóng Kapilipinasan ay lubhâng nakamúmuhî ang iláng palakad sa m~ga bagay na itó, pagkâ't ibinabawal n~g m~ga magulang sa m~ga anak nilang dalaga ang pakikipag-usap n~g tungkól sa pag-ibig sa isáng laláking may nasàng lumigaw.

At mayroón pang lubhâng pan~git na ináasal ang matatandâng babai, paris n~g kun pinapagbabantáy sa gitnâ n~g isáng dalaga't bagong táong nag-uusap ang isáng batà, upang huwag siláng makapagsalitâan n~g tungkól sa pagsintá; gayóng isáng sulyáp lamang ay madalás pang nagiging makabuluhán kaysá mahabàng pagsasaysáy n~g pag-ibig. ¿At anó ang malimit mápalâ sa ganitô? Na, tinatamó n~g matatandâng babai sa kaniláng kahigpítan ang huwág n~gâng makipag-usap n~g sa pag-ibig ang anák na dalaga kun na sa haráp nilá; n~gunì, palibhasà ang m~ga bagay na itó'y hindî maáarìng sansalàin kahit anóng gawín, kayâ pumapayag tulóy ang dalaga na makipag-usap na mag-isá sa kanyáng mangliligaw n~g sa m~ga hating gabí, at sa dilím, bagay na siyang madalás ikápahamak n~g kapús-palad na babai, at sino ma'y walâng may kasalanan sa gayóng katiwalîan kundî ang m~ga malî nating ugalì sa bagay na itó.

Isáng araw na akó'y nakikipag-usap sa isáng dalaga n~g m~ga bagay na waláng kabuluhán, anó ba't napagitnâ sa amin ang isáng batàng laláki upang mápakinggán ang aming salitâan; sa gayó'y agád akóng umalîs at sinabi ko sa matandâng babaing may bahay na akó'y bábalik kun kaylán mawalâ ang m~ga ugalìng nábabagay lamang sa m~ga igurót at hindî sa m~ga táong mulát sa kabihasnán.

Ang _Dalagang Mármol_, kailan ma'y hindî nánalís sa m~ga halamanan n~g kanyáng kawiliwiling bayan, kayâ namán parang ibong gúbat na mailáp.

--Dapwâ't alalahanin ninyó, bayani--ang giit ko--na ang m~ga ibong gúbat ang siyáng lalòng masaráp kanin marin~gal masdán at siyáng kahanapán n~g m~ga táo dahil sa kailapán nilá; paris din namán n~g m~ga bun~gang kahoy na pag-masaráp ay mahirap kitàin, at sino man ay ayaw kumain n~g pagkaing lamás.

--Siyáng totoó--ang sagót ni Pusò--n~gunì, ang ugalì ni Liwayway at ugalì ko ay magkaibá: kami'y nagkásumáng at kun minsa'y nagkákabanggâng kusà. Gayón man, untî-untî kong nahinayod sa kalakìhan n~g aking pag-ibig. Siyá'y hindî na n~gayón yaóng _Dalagang Mármol_ ó isáng halamang bundók na may lasang masakláp, kundî isáng bulaklák na mainam at masamyó, ó isáng kalapating púnay na maamò na ulóg sa tamís umibig.

N~guni, ¡oh sa abâ n~g aking sawîng kapalaran! Ang matandâng babaing nag-áalagà sa kanyá ay nag-isip sa akin n~g masamâ; pará bagáng mangyáyari na ang isáng lalaking nínibig n~g maálab at sa boóng pagtatapát ay makagágáwâ n~g isâng gawîng hindî marapat ó isáng kaliluhán sa kadakilàan n~g kanyá pa namáng sinásambá n~g taós sa kalooban. Inakalà marahil n~g tampalasang matandà na akó'y kabílang n~g m~ga ibáng táong kanyáng nákilala na may ugalìng magaspáng at walâng dan~gál.

At, ang ginawâ'y itinákas si Liwáyway sa isáng bayang dî ko alám upang ipakasál sa ibá. Pinagpilitan kong siyá'y hanapin, n~guni't dî ko natagpûán, at alinsunod sa nábalitàán kó'y malayò ná ang kinaróroonán at dî sasalang n~gayó'y kasál ná sa ibá, pagkâ't dî maáaring madalá n~g matandâ si Liwayway n~g dî itó kasabwát sa pagtataksíl sa kahabághabág kong pusò.

Dî rin namán akó makasunód sa kanyá sa totoóng malayò, palibhasà'y dî ko maiwan ang aking m~ga kawal dahil sa kapansanang pakikilaban araw-araw sa kaaway na dî kamí iníiwan magíng araw at gabí; at sa wakás, aytó n~gâ akó't namámatáy.

Pinulasán n~g luhàng mapaít ang bayani, at sa gayó'y kinusà kong liban~gín.

At sa ibáng sandalî, aní Pusò sa akin:

--Kun sa isáng pagkakataón at mátagpûán ninyó si Liwaywáy, ay sabihin lamang sa kanyá na kahit siya'y naglilo sa akin ay pinatátawad ko rin n~g dî nagbabago ang aking pag-ibig sa kanyá at akó'y pápanaw na binábanggit ang kanyáng matamís na pan~galan. At kun inyóng máhalatàng nakagigising ó mulîng nabubûhay sa larawang _mármol_ ang anománg magiliw na pagtin~gin sa akin, anyayahan mo pô at siya'y tulun~gang hukayin ang aking bangkáy at hanapin ang singsing ko, upang maisaoli. Marahil kahit naging lupà ná ang aking kaabâabâng m~ga butó't lamán ay sisigáw pa rin akó at sasabíhing:

--¡Liwaywáy, matamís kong Liwaywáy! ¡Alalahanin mo ang iyóng isinumpâ sa akin, n~g ipagkaloób mo ang iyóng dî malilimot na singsíng, na, anímo'y patayin kitá kun umibig sa ibá!

Mulîng naták na namán ang masakláp na luhà n~g kahabághabág na bayani na waring ibig náng panawan n~g mahalagáng búhay, n~gunì't sa bisà n~g _eter_ ay amin díng nahimasmasán pá.

Ang singsing na sinasabi ay gintòng linubid na wan~gis sa karaniwang gamitin n~g m~ga dalagang Bulakán. Tiyák na sinasabing natataliàn n~g m~ga diwatàng Bulakán ang pusò n~g kaniláng m~ga kasintahan, n~g sa kailán ma'y dî na maáaring siràin, sa pamamagitan n~g singsíng na iyáng linubid na sadyâ n~g tibay.

Tungkól kay Liwayway, naunawà ko sa hulí na ikinasál sa isáng americano, alinsunod sa pahayag n~g isáng táong nakakita; at n~g matapus ay nagsiyao raw silá sa isáng lalawigang malayò. N~guni, ipinaglihim ko ang bagay na itó sa kapús-palad kong kaibigan.

V.

Isáng araw na akó'y nakikipagsalitâan kay Pusò na tila untî-untî náng gumágaling, karaka'y naghiyawan ang m~ga táo na kamí'y linúlusob n~g m~ga kábayuháng americano, at sunód dito ang isáng kasindák-sindák na pútukan.

Agád-agád na inabót ni Pusò ang kanyáng _revolver_ at ang wikà sa akin:

--¡Madali! Ilapit ninyó ang aking hinihigán sa tapát n~g bútas na iyón n~g dinding at ikanlóng mo pô akó sa haligi. At, n~gayó'y dumating ná, kapatíd ko, ang oras na aking maitátakal n~g mahál ang búhay na itóng walâng kabuluhán. Aytó, itagò ninyó n~g boong in~gat ang tan~gi kong hiyás, ang minúmutyâ kong sinsing, upang huwág maágaw sa akin n~g m~ga kaaway. Isauli lamang kay Liwaywáy, sakalìng siyá'y matagpûán.

--Huwág na kayóng makilaban--ang amuki ko--mahál na katoto, pagkâ't kayó'y malubhâ at matitiyák kong dî ka pô aanhin n~g m~ga kaaway sa kalagayang iyán.

--Hindî maáari--ang mapusok na sagót sa akin--lahát n~g kawal na may dan~gal, ay dapat mamatáy muna, bago sumukò sa kanyáng kalaban. Tumakbó ka pô't aytó na silá.

Dî n~gâ naman nagkabulà at sa isáng kisáp-matá'y pinaputukán kamí n~g m~ga americano at agád parang pinutakti ang aming bahay sa tamà n~g punlô na lusót-lusutan sa lahat n~g dako. Itinulak akó ni Pusò at siyá'y naláglagán n~g isáng paták na luhà sa pagiinit, n~g mákitang ayaw ko siyáng iwan at anyá:

--Lumákad ka pô, kapatíd ko at iligtá ang singsing na lábis kong minámahál.

Sa gayó'y tumakbó akóng dalá ang singsíng at kamuntî na akóng abútin n~g isáng americanong kábayúhán, kundî n~g mákita ni Pusò na akó,y hináhabol ay agád siyáng pinaputukán at noón di'y patáy na nahulog sa kabayo ang americano.

Kinubkób n~g m~ga kaaway ang bahay na kinároroonán ni Pusò at n~g akó'y makalayô na sa katamtamang agwát sa loób n~g isáng masukal na tálahibán, ay nákita kong marami pang nápatáy si Pusò, palibhasà't may mabuti siyáng panudlâ at sa bawa't punlô n~g kanyáng _revolver_ ay isáng americanong patáy ó sugatáng malúbhâ ang kapalít.

N~gunì't sa wakás ay tinamàan naman siyá at nátanawán kong nahulog na parang patáy.

Nang walâ náng sumásagót sa putók n~g m~ga americano ay dumaluhong na silá't tinalón ang bahay at doón nákita si Pusò na walâng malay-táo, n~gunì't huminhingá pa n~g kauntî.

Malakí ang pagkámanghâ at pagpuri n~g m~ga americano sa kanyáng katapan~gan, palibhasà, gayóng butó't balát na lamang ay lumaban pa sa lalòng kabayanihan.

Hinubarán si Pusò upang siyasatin ang kanyáng m~ga súgat at n~g mákitang siya'y Coronel ay sinikap na linanggás n~g main~gat ang bago at m~ga dáti niyáng súgat at sakà ginamót.

Sa liblíb na aking kinátatagùan ay nagdaán ang dalawáng makabebe na kasama n~g m~ga americano, at aking nápakinggán sa kanilá ang sumúsunód na salitân.

UNANG MAKABEBE:--Itó ang "nunò" n~g tápang. ¿Sino ang mag-áakalàng, makamatáy pa n~g walóng americano, ang Coronel na itóng halos ay naghíhin~galô na lamang?

IKALAWÁNG MAKABEBE:--Sinasabi n~g americanong manggagámot na kun sa m~ga súgat daw lamang uy maáari pa siyáng mabúhay, pagkâ't ang punlô'y hindî naman nakasirà n~g m~ga sangkáp na mahahalagá sa loób n~g katawán; n~guni, may kahirapan daw siyáng iligtás dahil sa lubhâng kakulan~gan n~g dugô, kayâ nawáwalâ tulóy ang pag-asa dahil sa kahinàan n~g katawán.

Inakalà kong nákaramdám mandín ang m~ga makabebe na may táo sa aking kinalalagyáng liblíb, kayâ agád akóng tumalilís at nagtatakbó n~g walâng tígil, hanggan sa isáng náyong malapit sa Baluarte; at matápus ang walâng lagót na takbó ay dumatíng akó sa Gapáng kinabukasan, n~guni't patay na halos sa pagkagútom, sa pagkasindák at sa pagkapágod.

Tumawag akó sa unang bahay na aking natagpûán at magiliw namán akóng tinanggáp n~g málaman nilá ang nangyari sa akin, na nakatákas lamang akó sa m~ga americano. Bahagyâ na akóng makapagsalitâ dalá n~g malaking panghihinà at ni ang pan~galan n~g bayani't matapang na Pusò ay di ko ná nábanggit man lamang.

Isáng matandâng babai na nag-n~gan~galang Edeng na lagìng may púgong na pañô sa úlo, paris n~g ugaling kataglayan n~g matatandâng babai sa lupàing itó, ang siyáng nan~gan~ga siwà sa aking pagkain at sa ilán pang m~ga kailan~gan; n~guni't kun minsán, akó'y nayáyamót sa matandâng itó dahil sa tuwî náng káu-usisà sa akin n~g tungkól sa m~ga balità n~g labanán; at lahát halos n~g m~ga pinunò ay itinátanóng sa akin kun saán dapat mákita. Akó namán na talagáng mayayamutin ay agad sumásagót na walâ akóng nalalaman at lalò ko pang sinásadyâ, pagkâ't kun minsan ay hinihinalà kong bakâ isáng tiktík n~g m~ga americano. Pagkatapus n~g m~ga iláng tanóng niyá sa akin, tuwî na'y nahuhulog sa pagsisiyasat n~g kun saán pumuntá ang m~ga kawal n~g balitàng si Pusò. At sinásagót ko naman n~g: "Aywán."

Sa gayó'y tumútugón ang matandâng Edeng na anyá'y:

--Parang linamon n~g lupà si Pusò; marahîl ay namatáy ná, kayà walâ náng mábalità sa kanyá, pagkâ't noóng siyá'y buháy, araw-araw ay napag-úusapan ang mahigpît niyáng panglulusob sa m~ga pulutóng n~g kaaway.

--Aywán kó pô, aywan ko--ang lagi kong sagót. At sa sarili ko'y nasasabing:

--Datihan ang tiktík na itó. Marahil ay makaligtás sa pagkálibing n~g buháy.

Isáng araw ay isinoót ko ang singsing n~g aking katoto at bahagyâ pa lamang namasdán ni matatandang Edeng ay hinawakang nan~gán~gatál ang aking kamáy, tiningnáng mabuti ang singsing at nápaiyák. Akó'y nagtaká at aking tinanóng:

--¿Bakit pô?

--¡Taksíl na táo!--ang sagot na humahagulgól--Ikáw pô palá ang pumatáy sa kulang palad kong si Pusò at n~gayó'y nagkukunwarî pa kayóng waláng namamalayan sa kanyá. Sábi ko na n~ga ba't sa mulâ pa'y kumúkutób na sa aking loób na ang táong itó'y may kinalaman kay Pusò ko.

--Ikáw pô ba'y anó ni Coronel Pusò? ¿Kayó pô ba'y ina sakali?

--Opò. Kayâ n~gâ ipinamámanhík ko sa inyóng sabihin lamang agád sa akin ang nangyari sa hirang kong bunsô.

--Totoó't kinusà ko pô ang pa-ewan sa inyo pagkâ't hinihinalà kong kayó'y isáng tiktík n~g m~ga americano; alám na ninyóng kun minsán ay m~ga babai ang ginágamit nilá sa tungkuling itó, at si Pusò'y para kong kapatid, katunayan, n~g kamí'y maghiwaláy at n~g siyá'y humándâ sa pakikilaban n~g walâ anománg pag-asàng mabúhay pa, ibinigáy sa akin ang kanyáng pinakamúmutyâng singsíng upang isaulì ko sa may ari.

--¿Siyá pô ba'y buháy pa ó patáy ná?

--Dî ko pô masabi, pagkâ't dinampót na parang patáy n~g m~ga americano; n~guni't n~g matapus ay sinasabi niláng alinsunod sa manggagámot, kun dahil daw lamang sa kanyáng m~ga súgat ay maáari pang mabúhay, palibhasà't hindî sumirà n~g m~ga bahaging maselan sa loób n~g katawán; n~guni't na sa kahangganan daw ang kanyáng panghihiná.

--¿At saán naroón n~gayón?

--Iniwan ko pô sa dákong Sibul na ináalagàan n~g m~ga americanong nakábihag sa kanyá.

--Kun gayó'y ibigáy na ninyó sa akin ang singsíng.

--Patawarin mo pô akô. Mahigpit na lubhâ ang bilin sa akin at kahit kayó ang kanyáng iná'y dî ko pô maipagkakaloób sa inyó, kundî sa túnay na may ari; at siyá ma'y kinakailan~gang sabihin muna sa akin ang pagkákakilanlán.

--¿At anó ang palátandâan?

--Sa pan~galan niyá. Hanggá n~gayón, akó'y inyóng patatawarin, hindî pa lubós ang paniwalà ko sa inyó; akó'y iyó pong náhuli sa biglâan at dahil lamang sa pagkatutóp kayâ nagsabi sa inyó n~g totoó.

--Huwag kayóng mag-isip sa akin n~g masamâ--ang sagót n~g nahahapis na matandâ. Ang pan~galang inyóng hinahanap ay ... ¡Liwaywáy!

--¡Iyán n~ga pô!

--¡LIWAYWAY! Iyán ang naging kapahamakán n~g aking kulang palad na anák.

--¡Totoó n~gà pô! At kundî dahil sa kanyá ay dî hinanap ni Pusò sa lubós na kawalâng pag-asa ang kamatayan sa parang n~g labanán. Tila pô parating siyá'y nagpápatiwakál ... Súkat na pô. Kung túnay na kayó ang iná n~g Coronel ay dî dapat siyasatin pang lahát ang lihim n~g aking kaibigan, upang huwág ka pông malunod sa kadalamhatian ... ¡Liwayway! ¡Oh, walâng awàng Liwayway!

At, nagkahalò ang aming luhà n~g kapús-palad na iná.

VI.

Nang mahimásmasán ang aming m~ga pag-iyák ay sinabi sa akin ni matandâng Edeng:

--Súkat ná, mahál kong anák; akó'y mayroóng kauntîng salapî na ating mábabaon. Ating hanapin si Pusò at siyá'y alagàan upang mabúhay pa kun itutulot n~g maawàing Maykapál. Kun sa m~ga americano lamang natin siya iáasa ay mahirap, pagkâ't marami rin namán siláng gagawàing ináatupag.

--Tayo na pô--aní ko.

At matapus ihandâ ang kauntîng abúbot na aming dadalhín ay lumakad kamí.

Nang may isáng linggó na kamíng naglálakád ay natagpúan din namin si Pusò sa isáng bahay-gamútan sa Maynilà. Ipinakilala ko sa m~ga americano na si matandàng Edeng ay siyáng iná n~g Coronel at hinilíng naming ipahintulot nilá na aming maalagàan si Pusò doón din sa báhay-gamútang yaón; bagay na ipinayag namang malwág n~g m~ga americano, at hanggan sa kami'y binigyán pa n~g mátutulugan at pagkain, n~g maunawàng kamí'y nanggaling sa malayòng bayan.

Si Pusò'y hindî pa nakakákilala n~g táo; nahihibáng at madalás mábanggít ang n~galan ni Liwaywáy ó ang n~galan ko; n~guni't isáng bagay na kaibá: kaylán ma'y hindî nábanggít ang sa kanyáng iná.

Ang malápot na sabáw n~g m~ga americano at ang bisàng tambin~gan n~g kaniláng m~ga gamót; ay madalîng tumaláb sa m~ga sangkáp n~g katawán ni Pusò; at dî nagluwát ay pinagsaulan siyá n~g isip. Dî siyá nágúlat n~g akó'y mákita pagkâ't akalà niyá marahil ay dî kamí nagkákahiwaláy at hindî siyá bihag n~g m~ga americano.

Ang kanyáng iná'y dî napakikita at kun natútulog lamang si Coronel Pusò sakâ lumálapit upang huwág daw mabiglâ sa pagkatuwâ.

N~guni, isáng gabí, n~g mákita kong dî ná makikilos ang kanyáng paggaling at ligtás ná ang kalagayan, sinabi kong dumating ang kanyang iná.

Si Pusò'y nag-alan~gan sa una at sakâ nagsalità n~g lubhâng malakí ang pagtataká:

--¿Anó ang sinabi ninyó katoto? Walâ akóng iná ni amá at matagál náng panahóng akó'y naulila. ¿Nanánaginip kayâ akó?

--Hindî, katoto; nariyán sa labás ang matandáng Edeng na nagsasabing ikáw pô'y kanyáng anák; at lubós nagdadalamhati dahil sa ginawà sa inyó ni Liwayway, n~guni't n~gayó'y walâng pagkásiyahán ang tuwâ dahil sa inyóng paggalíng.

--¿Edeng? ... Hindî ko man lamang naáalala ang pan~galang iyán.

--Dî maáari. Siyá ang nagpumilit na kami'y parito't kayó'y paghanapin; siyá ang nagdúkot sa lahát n~g gugol n~g aming paglalakbáy at sa mulâ-mulâ pa'y siyá na rin ang aking kasama't katulong sa pag-aalagà sa inyó.

--¡Malakíng kababalaghán ó pagkahibáng ang ganitó! ¿At bakit siyá'y dî ko nákita minsán man lamang?

--Pagkâ't kusàng nagtatagò pag-kayó'y gisíng upang anyá'y huwág kayóng mabinat sa biglâng pagkatuwâ; n~guni't siyá ang nag-iinit at naghahándâ n~g inyóng m~ga gamót at naglilinis n~g inyóng m~ga damít; at kun kayó'y natútulog ay siyá ang nagpúpuyát sa inyóng siping n~g dî ináalis sa iyó pông mukhâ ang kanyâng m~ga matá, matáng lagì na'y dinadaluyan n~g masaganáng luhà nóong kayó'y malubhâ.

--¿Iyán ba'y birò ó totoó?

--Kaylán ma'y dî akó nan~gahás bumirò sa inyó.

--¿Bakà kayâ si Liwaywáy!

--- Hindî mangyayari pagkâ't siyá'y isáng matandâng húhukót-hukót ná at dî pansín kun minsán ang maglinis n~g sariling katawán.

--Si Liwayway ay batàng-batà at salamín sa pagkamalinis.

--Hindî n~gâ maáaaring siyá'y si Liwayway, pagkâ't kun akó'y natátanóng at sinásaysay ko naman ang madlâ ninyóng sinabi sa akin tungkól sa inyóng m~ga pag-ibig kay Liwayway, ay sinusumpâ niyá sa matindíng pagdaramdám ang kataksilán n~g _Dalagang Mármol_....

--¿At ang singsíng?

--Na sa akin. Hinihin~gî n~gâ n~g matandâ n~guni't dî ko ibinigay.

--¿Nahíhibáng kayâ akó, oh, Dios ko? ¿Sino kayâ ang matandâng Edeng na iyán? Marahil, isáng kamag-ának kong totoóng malayò. Inyó na n~gâng papasukin.

At pinaroonán ko't tinawag naman si matandâng Edeng.

--¿Dî kayâ mabinat kun akó'y biglâ niyáng mákita?--ang tanóng'sa akin n~g matandâ, sa lubós na pagmamasakit.

--Hindî pô--aní ko--pagkâ't tila malakás pa kay sa akin.

Nások kamíng magkasama. At si Pusò, dalá marahil n~g kanyáng panghihinà pa, ó panglalabò n~g ilaw ó n~g malabis niyáng pagtataká ay dî nákilala sa sandalìng iyón si matandâng Edeng, kayà anya:

--¡Kaawà-awàng matandâ! Marahil ay napagkámalán ninyó akó, pagkâ't matagál náng panahóng namatáy ang aking iná at dî ko man lamang kayó nakikilala. Gayón man, mulá n~gáyó'y paparahin ko kayóng túnay na iná, alang-alang sa mairog na pag-aalagàng ginawâ ninyó sa akin, at salamat sa gayón, akó'y mulîng nabúhay. Kun sakali't kayó'y nakaranas n~g kakulan~gang palad na mawalán n~g anák, ay magíng akó na pô ang mákapalít at maáasahan ninyón~g ang boóng búhay kó't wagás na pagganti at lubós ihahandóg sa inyó.

--Hindî akó kulang-pálad, kundî nápakamapalad n~g mákita kitang mabuti ná! Gayón din, hindî akó námamali. Makiníg ka, irog kong anák;

Isáng dalagang kulang-palad ay pinagtulun~gang inagaw n~g kanyáng m~ga kamag-ának, sa lalaking kasintaha't katipán. Dinalá sa malayò at doó'y pinilit ipakasal sa isáng americano. Ang dalaga'y nag kunwarîng umayon at na pakasal n~gâ dilì ang hindî, n~guni't mulâ rin doón sa Simbahan ay tumanan siyáng patun~go sa bulubundukin, upang hanapin ang dati't túnay niyang kasintahan; at n~g huwág siyáng malapastan~gan n~g m~ga lalaki ay naglagáy sa ulo n~g úban at nanamit n~g tulad sa isáng gusgusing matandâ. Ang dalagang iyán ay ... ¡náitó n~gayón!