Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

Part 9

Chapter 9 3,872 words Public domain Markdown

Kailán ma’y nagkakatalo ang General at ang mataás na kawaní, at sukat na ang isáng pahiwatig nitó upang ang una’y magmatigás sa kaniyáng balak.

Humanap ng̃ ibáng daan ang mataás na kawaní.

--Ang mg̃a “armas de salón” ay sa mg̃a dagá at inahíng manók lamang nakasásakit--ang wikà--masasabi......

--¿Na tayo’y mg̃a inahíng manók?--ang dugtóng ng̃ General na kinibít ang balikat--at anó sa akin? Ipinakilala ko náng hindî akó gayón.

--Ng̃unì’t may isáng bagay--ang hiwatig ng̃ kalihim--may apat na buwan lamang ng̃ayón, nang ipinagbawal ang paggamit ng̃ armas, na pinatibayan sa mg̃a máng̃ang̃alakal na tagá ibáng bayan, na ang mg̃a armas de salon ay may pahintulot.

Ikinunót ng̃ general ang noo.

--Datapwâ’y may kagamutan ang bagay na iyan--ani Simoun.

--¿Papaano?

--Walâng kaliwágan. Hálos lahât ng̃ “armas de salon” ay may anim na milímetro ang lakí ng̃ punglô, tang̃ì lamang kung may ibáng lakí na ipinagbíbilí. Pahintulutang ipagbilí ang lahát ng̃ mg̃a walâng anim na milímetro.

Pinuri ng̃ lahát ang náisip ni Simoun, tang̃ì ang mataas na kawaníng ibinulóng kay P. Fernandez na iyon ay hindî tuwíd, ni hindî pamamahalà.

--Ang gurô sa Tiani,--ang patuloy ng̃ kalihim samantalang binabasa ang iláng papel--humíhing̃îng bigyán siyá ng̃ lalòng malakíng bahay upang......

--¿Anó pang malakíng bahay, sa mayroon na siyáng sariling isáng kamalig?--ang putol ni P. Camorra na nalimutan na ang tresillo at lumapít sa usapan.

--Sirâ daw ang bubung̃án--ang sagót ng̃ kalihim--at sa dahiláng bumilí siyá ng̃ mg̃a _mapa_ at _cuadro_, sa sariling gugol, ay hindî mapabayàang ulani’t arawin......

--Ng̃unì’t walâ akóng pakialam sa mg̃a bagay na iyan--ang bulóng ng̃ General--sa Namamahalà sa Pang̃asiwàan huming̃î, sa Pang̃ulong Pulong lalawigan, sa Nuncio.....

--Ang masasabi ko sa inyó--ang sabi ni P. Camorra--ang _maestrillong_ iyan ay isáng _filibusterillo_ na masamâ ang loob; akalain ba ninyóng ipinagsásabí ng̃ ereheng iyan na ang inilílibíng daw ng̃ mainam na paglilibíng at ang hindî ay magkaisá din kung mabulók! ¡Balàng araw ay pagkukukutusán ko iyán, eh!

At inianyông pasuntók ni P. Camorra ang kaniyáng kamáy.

--At sadyâ namán,--ang wikà ni P. Sibyla na warìng walâng kinakausap kundî si P. Irene--na ang ibig mag-turò ay maaarìng magturò kahì’t saang dako, sa walâng bahay: si Sócrates ay nagturò sa mg̃a lansang̃ang bayan, si Platón ay sa mg̃a halamanan ng̃ Akademo at si Cristo ay sa mg̃a kabundukan at karagatan.

--Marami akong karaing̃an ng̃ _maestrillong_ iyán--ang sabi ng̃ General na nakipagsulyapan kay Simoun--inaakalà kong ang lalòng mabuti ay alisín siyá.

--¡Alisín!--ang ulit ng̃ kalihim.

Ikinalungkót ng̃ mataás na kawaní ang kapalaran ng̃ sawîng taong iyón na humíhing̃î ng̃ abuloy at ang nákamit ay ang pagkaalís sa katungkulan, kayâ’t tinangkâng saklolohan.

--Ang katotohanan ay--ang sabing may pang̃ang̃anib--na ang pag-aaral ay hindî naáarugâng mabuti.....

--Nagtakdâ na akó ng̃ maraming halagá na ipamímilí ng̃ mg̃a kailang̃an--ang sabing mataás ng̃ General, na warìng ang ibig turan ay: ¡Gumawâ na akó ng̃ higít sa nárarapat!

--Ng̃unì’t sa dahiláng walâng bahay na sadyâ ay nang̃asisirà ang mg̃a kasangkapang biníbilí....

--Hindî magagawâng sabáysabáy na lahát--ang biglâng putol ng̃ General--Hindî mabuti iyang paghing̃î ng̃ mg̃a gurô dito ng̃ mabubuting bahay gayóng ang mg̃a gurô sa España ay namamatáy ng̃ gutom. Kalabisán na iyang ibig pang humigít kay sa mg̃a nasa Ináng-bayan.

--¡Filibusterismo!....

--¡Una muna sa lahát ang Inang-bayan! ¡una muna ang ating pagkakastilà!--ang dugtóng ni Ben Zayb na ang matá’y kumíkináng dahil sa busóg ng̃ pag-ibig sa tinubùang lupà, at námulá ng̃ kauntî dahil sa nákitang siya’y napag-isá.

--Magmulâ ng̃ayón--ang sabi ng̃ General--ay alisín sa tungkól ang bawà’t dumaíng.

--Kung ang munakalà ko lamang ay tatanggapín--ang pasumaláng sabi ni don Custodio, na warìng kinákausap ang sarili.

--¿Ukol sa mg̃a bahay páaralán?

--Magaán, magágawâ at walâng gugol, na gaya ng̃ lahát ng̃ aking munakalà, anák ng̃ mahabàng pagkamalas sa mg̃a bagaybagay at pagkakilala sa lupaíng itó. Ang mg̃a bayan ay magkákaroon ng̃ páaralán na hindî paggugugulan ng̃ pamahalàan.

--Batíd na ang bagay na iyan--ang pakutyâng sabi ng̃ kalihim--ipag-utos sa mg̃a bayang itayô sa tulong ng̃ kaniláng sariling gugol.

Ang lahát ay nagtawanan.

--Hindî pô, hindî pô--ang sigáw ni Don Custodio na nang̃upinyó at namulá--ang mg̃a bahay ay nakatayô na at nag-áantay lamang na gamitin. Mabuti sa katawán, walâng kapintasan at maaliwalas......

Ang mg̃a prayle ay may pang̃ambáng nagting̃inan. ¿Ipalálagay kayâ ni Don Custodio na gawíng páaralán ang mg̃a simbahan at mg̃a kombento ó bahay-parì?

--¡Tingnán natin!--anáng General na ikinunót ang noo.

--Nápakadalî, aking General--ang tugón ni Don Custodio na umunat at ginamit ang malakíng boses na kagamitán niyá sa mg̃a tang̃ìng pagpupulong--ang mg̃a páaralán ay bukás lamang sa mg̃a araw na iginágawâ at ang mg̃a sabung̃án ay sa mg̃a araw lamang ng̃ pistá.... Gawíng páaralán ang mg̃a sabung̃án kahì’t sa loob man lamang ng̃ sanglinggóng araw.

--¡Bah, bah, bah!

--¡Pumuslít na rin!

--Ng̃unì’t ¡kung anó anó ang naiisip ninyó Don Custodio!

--¡Isáng kahalákhalák na panukalà!

--¡Ang lahát ay nalulusután nitó!

--Ng̃unì’t mg̃a ginoo--ang sigáw ni D. Custodio ng̃ máding̃íg ang gayóng mg̃a pabulalás--magpakatinô ng̃â tayo, ¿alín pa ang bahay na lalòng agpáng kay sa sabung̃án? Malalakí, mabubuti ang pagkakayarì, at walâ namáng kapararakan sa loob ng̃ sanglinggó. At magíng sa dako man ng̃ maayos na ugalì tingnán, ang aking panukalà ay matatanggáp; magiging isáng panglinis at pagsisisi sa lingguhan ng̃ sabung̃án.

--Ng̃unì’t maminsánminsán ay may sabong sa boong sanglinggó--ang pahiwatig ni P. Camorra--at hindî dapat na yamang ang may pasabong ay nagbabayad sa Pamahalàan ay......

--¡Oh, siyá...... sa mg̃a araw na iyan ay huwag magpaaral!

--¡Bah, bah!--anáng General--¡ang ganiyáng kakilákilabot na bagay ay hindî mangyayari samantalang akó ang namamahalà! ¡Hindî magpapaaral dahil sa nagsasabong! ¡Bah, bah, bah! ¡magbibitíw na muna ako ng̃ tungkól!

At ang General ay lubhâ ng̃â mandíng nasusulukasok.

--Ng̃unì’t aking General, mabuti na ang mawalâ sa iláng araw kay sa buwanang mawalâ.

--¡Iyan ay laban sa mabuting ugalì!--ang dugtóng ni P. Irene na lalò pa mandíng bugnót kay sa General.

--Lalòng laban sa mabuting ugalì, ang pagkakaroon ng̃ maiinam na bahay ang sugalan at ang páaralán ay walâ...... Magpakatinô tayo mg̃a ginoo at huwag tayong paakay sa mg̃a udyók ng̃ kalooban. Samantalang sa paggalang sa katauhan ay ibinabawal natin ang pagtataním ng̃ apìan sa mg̃a lupàng ating nasasakop ay binábayàan namán natin ang paghitít, ang nangyayari’y binabaka natin ang masamâng hilig at namumulubi tayo......

--Ng̃unì’t unawàin ninyóng iyan ay nagbíbigáy sa pamahalàan ng̃ may apat na raa’t limáng pûng libong piso na walâng anomang gawâ--ang tugón ni P. Irene na lalò’t lalò pang kumakampí sa pamahalàan......

--Siyá, siya na, mg̃a ginoo--ang sabi ng̃ General na pinutol ang pagtatalo--mayroon akóng balak tungkol sa bagay na iyan at iniuukol ko ang aking pagninilay sa katalinuhang bayan. ¿Mayroon pá bang bagay na pagpapasiyahán?

Warì’y natatakot na tiningnán ng̃ kalihim si P. Sibyla at si P. Irene. Ang pinakamalakí’y lálabas na. Ang dalawá’y humandâ.

--Ang kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na humihing̃îng pahintulot upang magbukás ng̃ isáng Akademia ng̃ wikàng kastilà--ang sagót ng̃ kalihim.

Nápuna sa lahát ng̃ nasa salas ang pagkaguló, at matapos siláng makapagting̃inan ay nápatitig sa General upang mákilala ang ipapasiya. May anim na buwan nang ang kahiling̃an ay nag-aantáy doon ng̃ isáng kapasiyahan at nagíng isáng warì’y _casus belli_ na tulóy ng̃ iláng lupon. Ang General ay nakatung̃ó na warìng upang huwag mákilala ng̃ ibá ang kaniyáng iniisip.

Bumíbigát ang anyô ng̃ pananahimik at ang gayón ay nahalatâ ng̃ General.

--¿Anó ang pasiyá ninyó?--ang tanóng sa mataás na kawaní.

--¡Anó pá ang ipasisiyá ko, aking General!--ang sagót ng̃ tinanóng na kinibít ang balikat at ng̃umitî ng̃ ng̃itîng malungkót--¡anó ang ipasisiyá ko kundî ang kahiling̃an ay karapatdapat at ipinagtátaká ko ang pagtatagál ng̃ anim na buan upang ang bagay na iyan ay mapasiyahán!

--Hindî’t may napapagitnâng mg̃a bagaybagay--ang malamíg na tugòn ni P. Sibyla na ipinikít ng̃ kauntî ang matá.

Mulîng ikinibít ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng balikat na warìng hindî niyá batíd kung anó ang mg̃a bagaybagay na iyon.

--Bukód sa walâ sa panahón ang ninanasà,--ang patuloy ng̃ dominiko--bukod sa tagláy niyáng laban sa aming kapangyarihan....

Hindî nakapagpatuloy si P. Sibyla at tuming̃ín kay Simoun.

--Ang kahiling̃an ay may anyông dapat paghinalàan--ang dugtóng nitóng hulí na nakipagting̃inan sa dominiko.

Itó’y makálawáng pumikít. Nang mákita ni P. Irene ang gayón ay nahalatâ na niyang ang kaniyáng usap ay talo na halos, sapagkâ’t kalaban si Simoun.

--Isáng payapàng pagtakwíl, isáng pagbabang̃ong ang gamit ay papel sellado--ang dugtóng ni P. Sibyla.

--¿Pagbabang̃on, pagtakwíl?--ang tanóng ng̃ mataás na kawaní, na nápating̃ín sa madlâ na warìng walâng maantiluhan.

--Ang nang̃ung̃ulo ay mg̃a binatàng kilalá sa pagkamakabago at napakalalò, kundî pang̃ang̃anlán ng̃ ibá pang tawag;--ang dugtóng ng̃ kalihim sa dominiko--ang isá sa kanilá’y nagng̃ang̃alang Isagani, ulong hindî matinô...... pamangkín ng̃ isáng klérigo......

--Isá sa mg̃a tinúturuàn ko--ang sagót ni P. Fernández--at akó’y nasisiyaháng loob sa kaniyá.

--¡Puñales, kasiyahán din namán iyán!--ang bulalás ni P. Camorra,--kamuntî na kamíng magpanuntukan sa bapor: sapagkâ’t nápakawalâng galang, ¡itinulak ko siyá at itinulak namán akó!

--Mayroon pang isáng nagng̃ang̃alang Makaragui ó Makarai......

--Makaraig,--ang sagót ni P. Irene na nakihalò sa usapan,--isáng binatàng nápakagandáng ugalì at nakalúlugód.

At ibinulong sa General.

--Iyan ang sinabi ko sa inyó, mayaman...... iniluluhog ng̃ _condesa_ na inyóng tingnán.

--¡Ah!

--Isáng nag-aaral sa panggagamót na nagng̃ang̃alang Basilio.

--Sa Basiliong iyan ay walâ akóng masasabi--ang tugón ni P. Irene na itinaás at ibinuká ang mg̃a kamáy na warìng mag _dodominus vobiscum_;--sa ganáng akin iyan ay tubig na hindî kumikilos. Kailán ma’y hindî ko naunawà ang ninanasà ni ang iniisip. ¡Sayang at hindî natin kaharáp ng̃ayón si P. Salvi upang magpakilala sa atin ng̃ pinagmulán ng̃ binatàng iyan! Náaalala kong aking náding̃íg na sinasabing niyong kaniyáng kabatàan ay may ipinakialám sa kaniyá ang guardia sibil.... ang kaniyáng amá’y nápatay sa isáng guló na hindî ko na maalaala....

Si Simoun ay napang̃itîng malumanay, walâng kalatís, ipinatanáw lamang ang kaniyáng ng̃iping mapuputî’t mabuti ang pagkakahanay....

--¡Ahá, ahá!--anáng General na tumang̃ô tang̃ô--¿gayón palá? ¡Italâ ninyó ang pang̃alang iyán!

--Ng̃unì, aking General,--ang sabi ng̃ mataás na kawaní ng̃ makitang masamâ ang tung̃o ng̃ salitâan--hanggáng sa ng̃ayón ay walâ pang nababatíd na bagay na laban sa mg̃a binatàng iyán; ang kaniláng kahiling̃an ay matuwid at walâ tayong karapatáng huwág dinggín dahil sa panunuláy lamang sa mg̃a hakàhakà. Sa akalà ko ay nárarapat na sang-ayunan ng̃ Pamahalàan ang kahiling̃an at sa gayón ay magpapamalas ng̃ kaniyáng pagkakátiwalà sa bayan at ng̃ katibayan ng̃ kaniyáng pagkakatatag; at siya’y may kalayàang bawìing mulî ang pahintulot kung mákitang dahil sa kaniyáng mabuting kalooban ay nagpapakalabis. Mg̃a sanhî at paraán sa pagbawì ay hindî mawawalán, mababantayán natin silá.... ¿Anó’t pasasamâín ang loób ng̃ iláng binatà, na mangyayaring magdamdám pagkatapos, gayóng ang kaniláng hiníhilíng ay nálalagdâ sa mg̃a utos ng̃ harì?

Si P. Irene, si don Custodio at si P. Fernández ay nagpamalas ng̃ kaniláng pagsang-ayon sa pamagitan ng̃ tang̃ô ng̃ ulo.

--Ng̃unì’t ang mg̃a indio ay hindî nárarapat mátuto ng̃ wikàng kastilà ¿batíd bagá ninyó?--ang sigaw ni P. Camorra--hindî dapat mátuto, sapagkâ’t pagkatapos ay nakikipang̃atuwiranan sa atin, at ang mg̃a indio ay hindî dapat mang̃atuwiran kundî sumunód lamang at magbayad.... hindî dapat manghimasok sa pagsurì ng̃ sinasabi ng̃ mg̃a kautusán at ng̃ mg̃a aklát ¡napakamatatalas at mg̃a mapag-usáp! Pagkaalám ng̃ wikàng kastilà ay nagiging kalaban ng̃ Dios at ng̃ España.... basahin ninyó ang kabuhayang “Tandâng Basio Makunat” at kung hindî gayón; ¡iyán ang aklát! ¡May mg̃a katotohanang ganganitó!

At ipinakita ang mabibilog niyáng kamáy na pasuntók.

Hinaplós ni P. Sibyla ang kaniyáng anit na bilang tandâ ng̃ pagkainíp.

--¡Isáng salitâ!--aniyá na umanyô ng̃ anyông lalòng mapayapà sa gitnâ ng̃ kaniyáng pagng̃ing̃itng̃ít--hindî ang pagtuturò lamang ng̃ wikàng kastilà ang pinag-uusapan dito, dito’y may isáng piping pagtutunggalî ng̃ mg̃a nag-aaral at ng̃ mg̃a parì sa Unibersidad ng̃ Sto. Tomás; kung masusunód ng̃ mg̃a nag-aaral ang kaniláng hang̃ád ay manghihinà ang pananalig sa amin, sasabihing kamí’y dinaíg at mang̃agmamataás, at walâ na ang paniniwalà, walâ na ang lahát! Pagkaguhô ng̃ unang sagkâ ¿sino pá ang makahahadláng sa kabatàang iyan? Sa aming paglagpák ay walâ kamíng gágawín kun dî ang ipakilala namán ang paglagpák ninyó! Matapos kamí ang pamahalàan namán.

--¡Iyan ang hindî mangyayari, _puñales_!--ang sigáw ni P. Camorra--¡tingnan muna natin kung sino ang may malakás na pangsuntók!

Sa gayón ay nagsalitâ si P. Fernández, na sa boong pagtatalo ay nanirá lamang sa kang̃ing̃itî. Lahát ay nakimatyág sapagkâ’t kilaláng siya’y may mabuting ulo.

--Huwag sumamâ ang loób ninyó sa akin, P. Sibyla, kung hindî ninyó akó káisá sa paghuhulòng ukol sa bagay na itó, ng̃unì’t nápakatang̃ìng kapalaran ang sa akin, na kailán man halos, ay kasalung̃át akó ng̃ aking mg̃a kapatíd. Ang sabi ko ng̃â’y hindî tayo dapat mabaklá. Ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ay mangyayaring pahintulutan ng̃ walâng anománg kapang̃aniban, at upang huwag lumabás na isáng pagdaíg sa Unibersidad, ay nárarapat na tayong mg̃a dominiko ay magpáuná sa pagkagalák ng̃ dahil sa bagay na iyan; iyan ang _política_. ¿Bakit tayo makikipaglabanán tuwî na sa bayan, sa tayo ay kakauntî at silá ay marami, sa kailang̃an natin silá at tayo’y hindî nilá kailang̃an?--¡Hintáy muna kayó, P. Camorra, hintáy muna kayó!--Payagan na nating ng̃ayón ay mahinà ang bayan at walâng maraming nálalaman, ako mán ay gayón din ang akalà ko, ng̃unì’t bukas ay hindî na gayón, ni sa makalawá. Bukas makalawá ay silá ang magiging malakás, mababatíd ang kaniláng mg̃a kailang̃an at hindî natin mapipigil, gaya rin namán ng̃ hindî mangyayaring mapigil, na, pagdatíng ng̃ batà sa iláng gulang ay makaalám ng̃ maraming bagay... Ang sinasabi ko ng̃â ay ¿bakit hindî natin samantalahín ang kalagayang itó sa kamangmang̃án upang magpalít ng̃ paraan sa pamamalakad at itatág sa matibay na batayán, na hindî mapapawì, sa batayáng katwiran, sa halimbawà, at huwag sa batayáng kamangmang̃án? Sapagkâ’t walâ nang kagaya ng̃ magíng makatwiran, gaya ng̃ sinabi ko sa tuwi na sa aking mg̃a kapatid, ng̃unì’t ayaw akóng dinggín. Ang indio, gaya rin ng̃ alín mang bayang batà pá ay mapag-usig ng̃ katwiran; humíhing̃î ng̃ parusa kung nagkasala, at námumuhî pag hindî kinamít ang gayón. ¿Marapat ang hinihing̃î? Ipagkaloob, ibigáy natin sa kanilá ang lahát ng̃ páaraláng kailang̃an, mapapagod din silá: ang kabatàan ay bulagbol na talagá, ang nag-uudyók lamang sa kanilá sa pag-uusig ay ang ating pagsalung̃át. Ang ating panilòng karang̃alan ay lumà na, P. Sibyla: gumawâ tayo ng̃ ibá, ang panilòng pagkilala ng̃ utang na loób, sa halimbawà. Huwag tayong magsamangmáng, gayahan natin ang mg̃a hesuita......

--¡Oh, oh, P. Fernández!

Hindîng hindî: matitiis na lahát ni P. Sibyla, liban na lamang sa pagayahan sa kaniyá ang mg̃a hesuita. Namumutlâ’t nang̃ing̃iníg na nagbubusá ng̃ mg̃a matalas na wikà.

--Magpransiskano na muna.... ¡Kahit na anó, huwag lamang hesuita!--ang sabing walâng patumanggâ.

--¡Oh, oh!

--¡Eh, eh! Padre P.....!!

Ang sumunód ay isáng pagtatalong panabáy ng̃ lahát, na nalimot na ang General; nagsasalitâng sabáysabáy, nagsisigáwan, hindî mang̃agkalinaw, nang̃agtatalo; si Ben Zayb ay kaharáp ni P. Camorra at nag-uumang̃án ng̃ suntók, binábanggit ng̃ isá ang mg̃a gansâ at ang isá’y ang mg̃a manghihitít ng̃ tintá, tinutukoy ni P. Sibyla ang kapítulo at si P. Fernández namán ay ang sa _Summa_ ni Sto. Tomás, at ibp., hangáng sa pumasok ang kura sa Los Baños at sinabing nakahandâ na ang pananghalìan.

Tumindíg ang Capitan General at sa gayó’y naputol ang pagtatalo.

--¡Siya, mg̃a ginoo!--ang sabi--ng̃ayó’y marami tayong nagawâ, gayóng tayo’y nasa kapanahunan ng̃ pagpapahing̃á! May nagsabing ang mg̃a maseselang na bagay ay dapat pag-usapan sa pagtatapós ng̃ pagkáin. Akó’y lubós na sang-ayon sa sabing iyón.

--Bakâ masirà ang tiyán natin--ang sabi ng̃ kalihim, na ang tinutukoy ay ang init ng̃ salitàan.

--Kung gayón ay ipagpabukas na natin.

Nagtindigang lahát.

--Aking General--ang sabing marahan ng̃ mataás na kawaní--ang anák na babai ni kabisang Tales ay nagbalík na mulî’t hinihing̃î ang paglayà ng̃ kaniyáng nunòng may sakít na hinuling bilang kapalít ng̃ amá......

Tiningnán siyáng masamâ ang loób ng̃ General, na hinaplós ang malapad na noó.

--Putris yatàng ¡hindî na babayàang ang tao’y makapananghalìng mapayapà!

--Ikatlóng araw na ng̃ kaniyáng pagparito; isáng kaawàawàng dalaga...

--¡Ah, demonio!--ang bulalás ni P. Camorra--sinasabi ko na ng̃âng mayroón akóng bagay na sasabihin sa General; kung kayâ ng̃â akó naparito ay...... upang katigan ang kahiling̃an ng̃ binibining iyán!

Kinamot ng̃ General ang kaniyáng taing̃a.

--¡Siyá!--ang sabi--padalhán ng̃ sulat ng̃ kalihim ang teniente ng̃ guardia sibil upang pakawalán. ¡Hindî masasabing hindî akó maawâín at mahabagin!

At tuming̃ín kay Ben Zayb. Ikinisáp ng̃ mamamahayag ang kaniyáng matá.

XII

PLÁCIDO PENITENTE

Masamâ ang loób at halos ang mg̃a matá’y lumuluhà ng̃ lumalakad sa Escolta si Plácido Penitente upang tumung̃o sa Universidad ng̃ Sto. Tomás.

May mg̃a iláng linggó lamang na kararatíng na galing sa kaniyáng bayan at makálawá nang sumulat sa kaniyáng iná na ang iniuukilkil ay ang kaniyáng nasàng iwan ang pag-aaral upang umuwî at maghanap buhay. Sinagót siyá ng̃ kaniyáng iná na magtiístiís, makuha man lamang ang pagka _bachiller en artes_, sapagkâ’t sayang namáng iwan ang pag-aaral, matapos ang apat na taóng paggugugol at paghihirap ng̃ isá’t isá sa kanilá.

¿Saán buhat ang pag-ayáw ni Penitente sa pag-aaral, gayóng siya’y isá sa mg̃a masumigasig at bantóg sa paaraláng pinamamahalàan ni P. Valerio sa Tanawan? Doon ay nábibilang si Penitente na isá sa mg̃a lalòng mabuti sa latin at matalas sa pakikipagkatwiranan, na marunong gumusót at maghanay ng̃ mg̃a paguusap na lalòng magàan at walâng kahirapan; siyá ang inaarìng lalòng pinakamatalas ng̃ kaniyáng mg̃a kababayan, at dahil sa kabantugang iyon, ay ibinibilang na siyáng pilibustero ng̃ kaniyáng kura, katunayang lubós na hindî siyá hang̃ál ni táong walâng namumuwang̃an. Hindî máwatasan ng̃ kanyáng mg̃a kasama ang gayóng nasàng pag-uwî at iwan ang pag-aaral; walâ namáng nililigawan, hindî mánunugal, bahagyâ ng̃ marunong ng̃ hungkìan at kapang̃ahasan na sa kaniya ang pakikilarô ng̃ isáng _rebesino_; hindî naniniwalà sa payo ng̃ mg̃a prayle, kinukutyâ ang _tandáng Basio_, may salapîng higít sa kailang̃an, may mahuhusay na damít; ng̃unì’t gayón man, ay masamâ ang loób kung pumasok at kinasusuklamán ang mg̃a aklát.

Sa tuláy ng̃ España, na ang tang̃ìng bagay na tagláy na ukol sa España ay ang pang̃alan lamang, sapagkâ’t sampû ng̃ kaniyáng mg̃a bakal ay galing sa ibáng lupaín, ay nákatagpô ng̃ mahabàng hanay ng̃ mg̃a binatàng tung̃o sa loób ng̃ Maynilà upang pumasok sa kaníkaniláng páaraláng pinápasukan. Ang ilán ay suót tagá Europa, matutulin ang lakad, na dalá ang mg̃a aklát at kuaderno, may iniisip, inaalaala ang kaniláng mg̃a lisyón at mg̃a sinulat na iháharáp; ang mg̃a itó’y tagá Ateneo. Ang mg̃a tagá Letrán ay nápupuná sapagkâ’t lahát halos ay suot pilipino, silá ang lalòng makapál at walâng maraming aklát. Ang bihis ng̃ mg̃a tagá Universidad ay lalòng maayos at makisig, mararahan ang lakad at madalás pang tungkód ang dalá at hindî aklát. Ang kabatàang nag-aaral sa Pilipinas ay hindî mapangguló at mapag-ing̃áy; nang̃aglálakád na warì’y may iniisip; ang sino mang makakita sa kanilá ay magsasabing sa haráp ng̃ kaniláng mg̃a matá ay walâng anó mang pag-asang nátatanáw, ni magandáng kinábukasan. Kahi’t na sa mg̃a ilan iláng dako’y nakapagpapasayá sa hanay ang matalagháy at makulay na anyô ng̃ mg̃a nag-aaral na babai sa Escuela Municipal, na may mg̃a sintás sa balikat at bitbít ang kaniláng mg̃a pinag-aaralang aklát at kasunód ang kaniláng mg̃a alilà, ay bahagyâ nang máding̃ig ang isáng tawa, bahagyâ nang máding̃ig ang isáng aglahì; walâng mg̃a awitan; walâng masasayáng parunggít; kung bagá man ay mabibigát na birò, awayán ng̃ maliliit. Ang mg̃a malalakí ay karaniwan nang walâng kibô at maayos ang kagayakan na gaya ng̃ mg̃a nag-aaral na alemán.

Si Plácido ay naglálakád sa liwasan ni Magallanes upang pumasok sa butas--dating pintô--ng̃ Sto. Domingo nang biglâng tumanggáp ng̃ isáng tampál sa balikat na siyáng nakapagpaling̃ón sa kaniyáng biglâ, na masamâ ang ulo.

--¡Hoy, Penitente, hoy, Penitente!

Ang tumampál palá ay ang kasama niyáng si Juanito Pelaez, ang mapaglang̃ís at minámahal ng̃ mg̃a gurô, walâng kapara sa kasamâán at kalikután, may ting̃íng mapanuksó at ng̃itîng mapagbirô. Anák ng̃ isáng mestisong kastilà, mayamang máng̃ang̃alakál ng̃ isá sa mg̃a arrabal, na umaasa sa katalinuhan ng̃ binatà; dahil sa kaniyáng pagkamakulabíd ay hindî náhuhulí sa ibá, may ugalìng mapagbirô ng̃ masamâ sa lahát at pagkatapos ay magkakanlóng sa likurán ng̃ mg̃a kasama at may katang̃ìtang̃ì siyáng kakubàan na lumálakí kailan ma’t may panunuksóng ginagawâ at nagtátawá.

--¿Nakapag-alíw ka bang mabuti, Penitente?--ang tanóng na kasabáy ang mg̃a malakás na pagtampál sa balikat.

--Ganoon, ganoon--ang sagót na may kamuhîán ni Plácido--¿at ikáw?

--¡Mabuting mabuti! Sukat ba namáng anyayahan akó ng̃ kura sa Tiani, na sa kaniyáng bayan akó magpahing̃á; naparoón akó........ kaibigan! ¿Kilalá mo ba si P. Camorra? Siyá’y isáng kurang mapagpaumanhín, mabuting kaibigan, matapát, lubhâng mapagtapát, kagaya ni P. Paco.... At sa dahiláng maraming dalagang magagandá doón, ay nanapatan kamíng dalawa, ang pigil niyá’y gitarra at kumakantá ng̃ mg̃a peteneras at akó namá’y biolin.... Masasabi ko sa iyó, kaibigan, na gayón na lamang ang sayá namin; walâng bahay na hindî namin inakyát.

Bumulóng sa taing̃a ni Plácido ng̃ iláng salitâ at pagkatapos ay nagtawá. At sa dahiláng nagpakita ng̃ pagkakámanghâ si Plácido, ay idinagdág pang:

--¡Maisusumpâ ko sa iyó! At walâng hindî pangyayari, sapagkâ’t sa pamag-itan ng̃ isáng utos ng̃ pamahalàan ay maaarìng pawìin ang amá, asawa ó kapatíd at tapús ang salitàan! Gayón man ay nakátagpô kamí ng̃ isáng ung̃ás, katipán mandín ni Basilio sa akalà ko. Nápakaulól niyóng si Basilio! Magkaroón ba namán ng̃ niligawang hindî marunong ng̃ wikàng kastilà, walâng yaman at nagíng alilà pa! Masung̃it na masung̃ít ng̃unì’t magandá. Isáng gabí’y hinambalos ni P. Camorra ang dalawáng nanapatan sa kaniyá at salamat na lamang at hindî nang̃ápatáy. Ng̃unì’t gayón man ay masung̃ít pá rin ang babai. Datapwâ’y susukò rin siyá na gaya ng̃ ibá.

Si Juanito Pelaez ay malakás na humáhalakhák na warì’y ikinaliligaya niyáng lubós ang gayón. Minasdán siyáng masamâ ang loób ni Plácido.

--Hintáy ka palá ¿anó bá ang iniulat kahapon ng̃ katedrátiko?--ang tanóng na inibá ang sálitàan.

--Kahapon ay walâng pasok.

--¡Oho! At kamakalawá?

--¡Tao ka, Huebes, e!

--Siyá ng̃â palá ¡napakahayóp akó! ¿Alám mo Plácido na nagíging hayop akó? At noong Miérkoles?

--¿Noong Miérkoles? Hintáy ka.... niyóng Miérkoles ay umambón.

--¡Mainam! at noong Martés?

--Noong Martés ay pistá ng̃ katedrátiko at hinandugán namin siyá ng̃ isáng orkesta, kumpól ng̃ mg̃a bulaklák at ilán pang handóg....

--¡Ah, putris!--ang bulalás ni Juanito--nakalimutan ko ng̃â palá, ¡napakahayop akó! At ¿itinanóng bá akó?

Kinibít ni Penitente ang kaniyáng balikat.