Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

Part 10

Chapter 10 3,784 words Public domain Markdown

--Ayawán ko, ng̃unì’t ibinigáy sa kaniyá ang tálàan ng̃ mg̃a may gawâ ng̃ pista.

--¡Putris!.... at noong Lunes ¿anó ang nangyari?

--Sa dahiláng siyáng unáng araw ng̃ pasukán ay binasa ang tálàan ng̃ mg̃a pang̃alan at itinakdâ ang lisyon: ang ukol sa mg̃a salamín. Tingnán mo; mulâ rito hanggáng doon, isasaulo, walâng labis walâng kulang.... tátalunán ang kaputol na ìtó at itó ang isúsunód.

At itinuturò ng̃ dalirì sa písika ni Ramos ang mg̃a dakong pag-aaralan, ng̃ bigláng sumalipadpad sa hang̃in ang aklát dahil sa isáng tampál na papaitaas na ibinigáy ni Juanito.

--Siyá bayàan mo ng̃â ang lisyón, mag _ipít na araw_ na tayo.

Tinatawag na _ipít na araw_ ng̃ mg̃a nag-aaral sa Maynilà, ang araw na napapagitnâ sa dalawáng kapistahan, na inaalís at pinapawì sa kaibigáng sarili ng̃ mg̃a nag-aaral.

--¿Alám mo bang nápakahayop mo ng̃â?--ang tugóng pagalít ni Plácido samantalang pinupulot ang kaniyáng aklát at mg̃a papel.

--Halinang mag _ipít na araw_--ang ulit ni Juanito.

Ayaw si Plácido: hindî dahil sa pagkukulang ng̃ dalawá’y hindî itútulóy ang klase ng̃ mahigít sa isáng daa’t limang pû. Naaalaala ang mg̃a paghihirap at pag-iimpók ng̃ kaniyáng iná na siyáng nagbibigáy ng̃ ginugugol niyá sa Maynilà at siyáng nagsasalát.

Nang mg̃a sumandalîng iyón ay pumapasok silá sa butas ng̃ Sto. Domingo.

--Maalala ko palá--ang bulalás ni Juanito ng̃ mákita ang liwasan sa haráp ng̃ bahay-aduana--¿alám mo bang akó ang nátungkuláng mang̃ilak ng̃ ambágan?

--¿Anóng ambagan?

--Ang sa monumento.

--¿Anóng monumento?

--¡Alín pá! ang sa kay P. Baltazar ¿hindî mo ba nálalaman?

--¿At sino ba ang P. Baltazar na iyán?

--¡Abá! ¡isáng dominiko! Kayâ’t lumapit ang mg̃a parì sa mg̃a nag-aaral. ¡Sulong na, magbigáy ka na ng̃ tatló ó apat na piso upang mákitang tayo’y hindî maramot! Upang huwag masabing sa pagtatayô ng̃ isáng estátua ay ang alapót nilá ang dinukot. ¡Sulong na Placidete! hindî mawawalâng kabuluhán ang salapî mo!

At sinabayán ang salitâng itó ng̃ isáng makahulugáng kindát.

Naalaala ni Plácido iyong isáng nag-aaral na nakalalampás sa pagsusurì dahil sa paghahandóg ng̃ kanario, kayâ’t nagbigáy ng̃ tatlóng piso.

--Tingnán mo, isusulat kong maliwanag ang iyong pang̃alan upang mábasa ng̃ propesor, ¿nákikita mo bá? Plácido Penitente, tatlóng piso. ¡Ah! ¡tingnán mo! Sa loób ng̃ ikalabíng limang araw ay pistá ng̃ propesor sa _Historia Natural_.... Alám mong napakamasayá, na hindî naglalagáy ng̃ pagkukulang at hindî tumátanóng ng̃ lisyón. ¡Kaibigan, dapat tayong gumantí ng̃ utang na loób!

--¡Siyá ng̃â!

--¿Anó, dapat ba nating handugán ng̃ isáng pistá? Ang orkesta ay dapat na magíng kaparis ng̃ dinalá ninyó sa katedrátiko sa Písika.

--¡Siyá ng̃â!

--¿Anó sa akalà mo kung gawín nating tigalawang piso ang ambagan? Sulong Placidíng, magpáuna ka sa pagbibigay, sa gayón ay máuuna ka sa talàan.

At sa dahiláng ibinigáy ng̃ walâng gatól ni Plácido ang hiníhing̃îng dalawáng piso, ay idinagdág ang:

--Hoy, apat na ang ibigáy mo, at sakâ ko na isasaulì sa iyó ang dalawá; upáng magíng pain lamang.

--Kung isasaulì mo rín ¿anó’t ibíbigay ko pá sa iyo? Sukat nang ilagáy mong apat.

--¡Ah, siyá ng̃â palá! nápakahayop akó! ¿alám mong nagiging hayop akó ng̃ayón? Ng̃unì’t ibigáy mo na rin sa akin upang ipakita ko sa ibá.

Upang huwag pabulaanan ni Plácido ang kura na naglagáy sa kaniyá ng̃ pang̃alan, ay ibinigáy ang hiníhing̃î sa kaniyá.

Dumatíng silá sa Universidad.

Sa papasukan at sa hinabàhabà ng̃ banketa na nakalatag sa palibid ng̃ Unibersidad ay nang̃aghihintùan ang mg̃a nag-aaral na nag-aantáy ng̃ pagpanaog ng̃ mg̃a propesor. Ang mg̃a nag-aaral ng̃ taóng paghahandâ upáng mag-aral ng̃ _Derecho_, ikalimáng taón ng̃ _segunda enseñanza_, at ng̃ paghahandâ upáng mag-aral ng̃ _Medicina_ ay nagkakahalobilo: ang mg̃a hulíng tinuran ay madalîng mákilala dahil sa kaniláng kagayakan at sa kaniláng kiyás na hindî nákikita sa ibá: ang marami sa kanilá ay galing sa Ateneo Municipal at kapiling nilá ang makatàng si Isagani na ipinakíkilala sa isáng kasama ang pang̃ang̃aninag ng̃ liwanag. Sa isáng pulutóng ay nagtatalotalo, nagkakatwiranan, bumabanggit ng̃ sinabi ng̃ propesor, ng̃ mg̃a nátatalâ sa aklát, ng̃ mg̃a _principios escolásticos_; sa ibáng pulutóng ay nagkukumpayan ng̃ mg̃a aklát, sa pamagitan ng̃ mg̃a tungkód ay iginuguhit sa lupà ang ibig ipakilala; sa dako pa roon ang nang̃alílibang namán sa panonood sa mg̃a mapanatang tumutung̃o sa kalapít na simbahan, at kung anó anó ang ibinubuhay dahil sa namamálas.

Isáng matandâng babai na akay ng̃ isáng dalaga ay papiláypiláy na nagdádasal; nakatung̃óng lumalákad ang binibini, natatakót-takót, nahihiyâng dumaan sa haráp ng̃ gayóng karaming tumíting̃ín; itinátaás ng̃ matandâ ang kaniyáng saya na kulay kapé ng̃ mg̃a kakapatid ni Sta. Rita, upang ipakita ang matatabâng paa at mg̃a medias na putî; kinagagalitan ang kaniyáng kasama at tinitingnán ng̃ masamâng ting̃ín ang mg̃a nanonood.

--¡Mg̃a _saragate_!--ang pang̃itng̃ít na bulóng--¡huwag mo siláng tingnán, itung̃ó mo ang iyong ulo!

Ang lahát ay nápupuná, ang lahát ay nagiging sanhî ng̃ biruán at buhaybuhay.

Minsan ay isáng mainam na _victoria_ na hihintô sa piling ng̃ pintùan upang iwan doon ang isáng mag-aanak na mapanata; dadalaw sa Birhen del Rosario sa kaniyáng pinilìng araw: ang mg̃a matá ng̃ nanonood ay handâng lahát upang tanawín ang anyô at lakí ng̃ paa ng̃ mg̃a binibini sa pag-ibís sa sasakyán: minsán ay isáng nag-aaral na lumálabás sa pintúan na tagláy pá sa mukhâ ang pagkakapanalang̃in: dumaan sa simbahan upang idalang̃in sa Birhen na mangyaring maliwanagan niyá ang lisyón, upang tingnán kung nároroón ang kaniyáng nilalang̃it, makipagsulyapan at tumung̃o sa páaralán na tagláy sa alaala ang mg̃a matáng magiliw na iyon.

Ng̃unì’t námatyág sa mg̃a pulutóng ang galawan, isáng warìng pagaantabáy, at si Isagani ay nápatigil at namutlâ. Isáng sasakyán ang humintô sa pintùan: ang magkaparis na kabayong putî ay kilaláng-kilalá. Yaon ang sasakyán ni Paulita Gómez na nakalundág na agád sa lupà, na mabilís na warì’y ibon, na hindî binigyáng panahóng mákita ng̃ mg̃a nanónoód ang kaniyáng paa. Sa isáng mainam na kilos at isáng haplós ng̃ kamáy ay naayos ang mg̃a tupî ng̃ kaniyáng saya, at sa isáng matuling sulyáp na warì’y hindî kinukusà ay nákita si Isagani, bumatì’t ng̃umitî. Bumabâ namán si aling Victorina, tuming̃ín ng̃ paimbabáw sa kanyáng salamin, nákita si Juanito Pelaez, ng̃umitî at binatì itó ng̃ magiliw.

Si Isagani ay sumagót ng̃ batìng takót, na namumulá dahil sa lugód; si Juanito ay nagpakayukôyukô, nag-alís ng̃ sombrero at ikinilos ang mukhâ na kagaya ng̃ bantóg na kómiko at karikato Panza kung tumatanggáp ng̃ pagakpakan.

--_¡Mecachis!_ ¡Kay gandáng dalaga!--ang bulalás ng̃ isá, na humandâ sa pagyao--sabihin ninyó sa katedrátiko na akó’y malubhâ.

At si Tadeo, itó ang kaniyáng pang̃alan, ay pumasok sa simbahan upang sundán ang dalaga.

Si Tadeo ay pumaparoon araw araw sa Unibersidad upang itanóng kung may pasok at tuwî na’y nagtátaká kung bakit may pasok: mayroon siyáng hinalàng may isáng _cuacha_ na panáy at walâng katapusán at ináantáy niyáng dumatíng sa bawà’t sandalî. At bawà’t umaga, matapos na hindî mangyari ang mungkahì niyáng magliwalíw, ay áalís na nagdádahiláng may malakíng kagipitan, ó gágawin, ó sakít, sa sandalî pa namáng ang kaniyáng mg̃a kasama ay papasok sa klase. Ng̃unì’t sa dî mabatíd na kaparaanan ay nakalálampás si Tadeo sa mg̃a pagsusurì, ginigiliw ng̃ kaniyáng mg̃a propesor at náhaharáp sa isáng magandáng kinábukasan.

Samantala namán ay nagsísimulâ ang mg̃a kilusán at gumágaláw ang mg̃a pulúpulutóng; pumanaog na sa klase ang propesor sa Písika at Kímika.

Ang mg̃a nag-aaral, na warìng nawalán ng̃ pag-asa, ay pumasok sa loób ng̃ páaralán na nang̃akabitíw ng̃ iláng bulalás sa dî kasiyahang loób. Si Plácido Penitente ay nakisunód sa karamihan.

--¡Penitente, Penitente!--ang tawag sa kaniyáng palihím ng̃ isá--lumagdâ ka rito!

--At ¿anó iyán?

--Huwag mo nang tanung̃ín, lumagdâ ka!

Warìng náramdamán ni Plácido na may pumipirol sa kaniyáng taing̃a; nasa sa alaala niyá ang kabuhayan ng̃ isáng kabisa sa kaniyáng bayan, na dahil sa pagkakálagdâ sa isáng kasulatang hindî batíd ang lamán, ay nábilanggông maláon at kauntî pang nápatapon. Upang huwág niyáng malimot ang pangyayaring iyón ay pinirol siyá ng̃ malakás sa taing̃a ng̃ isá niyáng amaín. At kailán mang nakakading̃íg siyá ng̃ salitàang ukol sa paglagdâ ay warìng náraramdamán niyá sa kaniyáng taing̃a ang sakít na tinanggáp.

--Patawarin mo akó, kasama, ng̃unì’t hindî akó lumálagdâ sa anó man, kailan pa ma’t hindî ko pa nauunawà.

--¡Napakahang̃ál mo! nakalagdâ na rito ang dalawáng _carabineros celestiales_ ¿anó pa ang ikatatakot mo?

Ang pang̃alang _carabineros celestiales_ ay nakapagbíbigay tiwalà. Yaón ay isáng banal na pulutóng na itinatag upang tumulong sa Dios sa pakikibaka sa dilàng kasamâan, upang pigilin ang pagpasok ng̃ _contrabando herético_ sa talipapâ ng̃ bagong Siyon.

Lalagdâ na sana si Plácido upang matapos na lamang ang usap sapagkâ’t nagmamadalî; ang kaniyáng mg̃a kasama ay nagdadasal na ng̃ _O Thoma_, ng̃unì’t náramdamán niyá mandíng pinipigilan ng̃ kaniyáng amaín ang kaniyáng taing̃a, kayâ’t nagsabing:

--¡Makatapos na ang klase! ibig ko munang mábasa.

--Napakahabà, ¿alám mo bá? ang bagay ay upang gumawâ ng̃ isáng kahiling̃ang laban, sa tuwid na sabi, isáng tutol. ¿Alám mo bá? Si Makaraig at ilán pang kasama ay humihing̃îng magbukás ng̃ isáng akademia ng̃ wikàng kastilà, bagay na isáng malaking kaululán......

--¡Siyá, siyá! kasama, mamayâ na sapagkâ’t nang̃agsisimulâ na--ang sabi ni Plácido na nagpupumiglás.

--¡Ng̃unì’t, hindî namán bumabasa ng̃ talàan ang inyong propesor!

--Oo, kung minsan ay bumabasa. ¡Mamayâ na! mamayâ na! At sakâ.... ayokong sumalung̃át kay Makaraig.

--Ng̃unì’t hindî namán pagsalung̃át, lamang ay......

Hindî na siyá náding̃íg ni Plácido, malayò na’t nagtutumulin sa pagtung̃o sa klase. Nakáding̃íg ng̃ ibá’t ibáng _¡adsum! ¡adsum!_ ¡putris, binabasa ang talàan!.... nagmadalî at dumatíng sa pintô ng̃ nasa letrang Q pa namán.

--¡Tinamàan ng̃...!--ang bulóng na nápakagát labì.

Nag-alinlang̃an kung dapat ó hindî dapat pumasok; ang guhit ay nakalagáy na at hindî na maaalís. Kayâ lamang dumádaló sa klase ay hindî upang mag-aral kundî upang huwag lamang magkaróon ng̃ _guhit_; walâng ginagawâ sa klase kundî pagsasabi ng̃ lisyong sinaulo, basahin ang aklát at malaki na ang mang̃isang̃isáng tanóng na malabò, malalim, nakalilitó, warì’y bugtóng; tunay ng̃â na dî nawawalâ ang muntîng pag-aaral--ang dati rin--na ukol sa kapakumbabàan, sa pagka-maalinsunod, sa paggalang sa mg̃a parì, at siyá, si Plácido, ay mapakumbabâ, masunurin at magalang. Aalís na sana ng̃unì’t naaalaalang nálalapít ang paglilitis at hindî pá siyá nátatanóng ng̃ propesor at warìng hindî siyá napupuná; mabuting pagkakataón iyón upang siyá’y mápuná at makilala. Ang mákilala ay katimbáng ng̃ pagkaraán ng̃ isáng taón, sa dahiláng kung walâng anomán ang magbigáy ng̃ _suspenso_ sa isáng hindî kilala, ay kailang̃ang magkaróon ng̃ pusòng matigás upang huwag mabaklá sa pagkakita sa isáng binatà na isinisisi sa araw-araw ang pagkaaksayá ng̃ isáng taón niyáng buhay.

Pumasok ng̃â si Plácido na hindî patiyád na gaya ng̃ dating ugalì kundî pinatunóg pá ang kaniyáng mg̃a takón ng̃ sapatos. At ¡labis na tinamó ang ninanasà! Tiningnán siyá ng̃ katedrátiko, ikinunót ang noo at iginaláw ang ulo na warìng ang ibig sabihin, ay:

--¡Walâng galang, magbabayad ka rin sa akin!

XIII

ANG ARALÁN NG̃ PÍSIKA

Ang klase ay isáng look na higít ang kahabàan sa kaluwang̃an at may malalakíng durung̃awáng may karali na pinapasukan ng̃ hang̃in at liwanag. Sa hinabahabà ng̃ dingdíng na bató ay may tatlóng baitang na bató na may takíp na dalíg, na punô ng̃ mg̃a nag-aaral na ang pagkakahanay ay alinsunod sa unang letra ng̃ kaniláng pang̃alan; sa ibayo ng̃ pasukán, sa ilalim ng̃ isáng larawan ni Santo Tomás de Aquino, ay nálalagay ang luklukan ng̃ propesor, mataas at may dalawáng hagdán sa magkabilâng panig. Liban sa isáng magandáng tablero na may markong narra na hindî halos nagagamit, sapagkâ’t násusulat pa ang _viva!_ na nákita roon sapol sa araw ng̃ pasukán, doon ay walâng anománg kasangkapang matinô ó sirâ. Ang mg̃a dingdíng, na pinintahán ng̃ putî at nátatanggól sa iláng dako ng̃ mg̃a lariong may sarìsarìng kulay upang maiwasan ang mg̃a pagkakakiskís, ay buhad na buhad; ni isáng guhit, ni isáng inukit, ni bahagyâng kasangkapan na ukol sa Písika! Ang mg̃a nag-aaral ay hindî nang̃ang̃ailang̃an ng̃ higít pá sa roon, walâng nagháhanáp ng̃ pagtuturò sa pamamag-itan ng̃ pagsasanay sa isáng karunung̃ang lubhâng ukol sa kasanayán; mahabàng panahón nang gayón ang pagtuturò at hindî naguló ang Pilipinas, kundî patuloy pá rin ng̃âng gaya ng̃ dati. Maminsan minsan ay bumábabâng buhat sa lang̃it ang isáng kasangkapan na ipinakikitang malayò sa nag-aaral, gaya ng̃ pagpapakita ng̃ Santísimo sa mg̃a mapanambáng nang̃akaluhód, tingnán mo akó ng̃unì’t huwag salang̃ín. Panapanahón, pag nagkakaroon ng̃ nagtuturòng may magandáng loób, ay nagtatakdâ ng̃ isáng araw sa loób ng̃ taón upang dalawin ang makababalagháng Gabinete at hang̃àan mulâ sa labás ang mg̃a kasangkapang dî maturan ang kabuluhán, na nang̃akalagáy sa loób ng̃ mg̃a kinalalagyán; walâng makadadaíng; ng̃ araw na iyón ay nakakita ng̃ maraming tansô, maraming bubog, maraming tubo, bilog, gulóng, kampanà, at ibp.; at hindî na hihigít pa roón ang pagtatanyág, ni hindî naguguló ang Pilipinas. Sa isáng dako namán ay alám ng̃ mg̃a nag-aaral na ang mg̃a kasangkapang iyón ay hindî binilí dahil sa kanilá ¡hindî hang̃ál ang mg̃a prayle! Ang Gabineteng iyón ay ginawâ upang ipakita sa mg̃a taga ibáng lupà at sa mg̃a matataás na kawaníng nanggagaling sa España, upang sa pagkakita noón ay igaláw ang ulo na may kasiyaháng loób, samantalang ang umaabay sa kanilá’y ng̃uming̃itîng ang ibig sabihin warì’y:

--¡Eh! Inakalà ninyóng ang mátatagpûan ay mg̃a parìng hulí sa kapanahunan? Kamí ay kapantáy ng̃ mg̃a kasalukuyan; mayroón kamíng isáng Gabinete!

At isusulat pagkatapos ng̃ mg̃a dayuhan at mg̃a matataás na kawaní, na pinasalubung̃an ng̃ malugód na pagtanggáp, sa kaniláng _mg̃a paglalakbáy ó mg̃a tala, na_: _Ang Real y Pontificia Universidad ñg Sto. Tomás sa Maynila, na pinamamahalaan ñg bihasang orden dominikana, ay may isáng mainam na Gabinete ñg Písika na ukol sa ikatututo ñg kabataan... Sa taóntaón ay may dalawáng daa’t limang pu ang nag-aaral ñg tinurang asignatura, at marahil dalá ñg katamaran, ñg pagwawalang bahala, sa kauntian ñg kaya ñg indio ó ibá pang sanhing likás sa kanilá ó bagay na di mawatasan.... hanggáng sa ñgayón ay hindi pa sumisipót ang isáng kahi’t munti man lamang, na Lavoisier, isáng Secchi, ni isáng Tyndall, na lahing malayong pilipino._

Datapwâ’y upang mapagkilala ang katotohanan ay sasabihin namin, na sa Gabineteng itó nag-aaral ang tatló ó apat na pûng pumapasok sa _ampliación_ sa ilalim ng̃ pamamahalà ng̃ isáng nagtuturòng gumáganáp namán ng̃ mabuti sa kanyáng tungkulin; ng̃unì’t sa dahiláng ang lalòng marami sa mg̃a nag-aaral ay galing sa Ateneo Municipal na ang pagtuturò doon ay sa pagsasanay sa loób ng̃ Gabinete, ay walâ ring malakíng kabuluhán ang gayóng pangyayari na dî gaya nang kung ang makasamantalá noon ay ang dalawáng daa’t limang pûng nagbabayad ng̃ kaniláng _matrícula_, bumibilí ng̃ aklát, nang̃ag-aaral at gumugugol ng̃ isáng taón at walâng namumuang̃an pagkatapos. Ang nangyayari, liban sa isáng _kapista_ ó utusán na nagíng bantáy ng̃ mahabàng panahón sa museo, kailán man ay walâng nábalitàng may nápalâ sa mg̃a isinaulong lisyón na pinagkakahirapan muna bago nátutuhan.

Ng̃unì’t balikán natin ang klase.

Ang katedrátiko ay isáng dominikong batà na tumungkól ng̃ lubhâng mahigpít at mabantóg sa kaniyang pagtuturò sa iláng kátedra sa paaralang San Juan de Letrán. Bantóg siyá sa pagkamabuting manalitâ’t mabuting pilósopo at isá sa mg̃a may mainam na maaasahan sa loob ng̃ kaniyáng pangkátin. Ang mg̃a matatandâ’y may pagting̃ín sa kaniyá at kinaiinggitán siyá ng̃ mg̃a batà, sapagkâ’t silá man ay mayroon ding pangkátpangkát. Yaón ang pang̃atlóng taón na ng̃ kaniyang pagtuturò at kahì’t ng̃ taóng iyón lamang siyá magtuturò ng̃ Písika at Kímika, ay kinikilala na siyáng marunong, hindî lamang ng̃ mg̃a nag-aaral, kundî sampû ng̃ mg̃a kagaya niyang palipatlipat na mg̃a propesor. Si P. Millon ay hindî kabilang ng̃ karamihang sa taóntaón ay palipatlipat ng̃ kátedra upang magkaroón ng̃ kauntîng pagkabatíd sa karunung̃an, nag-aaral sa gitnâ ng̃ ibáng nag-aaral, na walâng pagkakaibá kundî ang pangyayaring íisáng bagay lamang ang pinag-aaralan, tumátanong at hindî tinátanong, may mahigít na pagkabatíd ng̃ wikàng kastilà at hindî nililitis pagkatapos ng̃ taón. Hinahalungkát ni P. Millon ang karunung̃an, kilalá niyá ang Písika ni Aristóteles at ang kay P. Amat; maing̃at niyang binabasa ang _Ramos_ at maminsanminsán ay tumutungháy sa _Ganot_. Gayón man ay iginágalaw kung minsán ang ulo na warì’y nag-aalinlang̃an, máng̃ing̃itî at búbulong ng̃: _transeat_. Tungkol sa Kímika, ay inaakalàng mayroon siyang dî karaniwang kabatirán sapol noong, sa pag-alinsunod sa isáng banggít ni Sto. Tomás, na ang tubig ay isáng halò, ay maliwanag niyang pinatunayan na ang taga lang̃it na doctor ay nagpáuna ng̃ malakí sa mg̃a Berzelius, Gay Lussac, Bunsen at ibá pang _materialista_, na pawang may muntî ó malaking kahambugán. Datapwâ’t kahì’t na nagíng propesor sa _Geografía_ ay mayroon siyáng mg̃a iláng pag-aalinlang̃an tungkol sa kabilugan ng̃ mundó at gumagamit ng̃ may makakahulugáng ng̃itî pagsasalitâ ng̃ pag-ikit at pagligid sa araw, at binábanggít yaóng:

Ang sa bitûing pagbubulaa’y Isáng pagbubulaang mainam......

Ng̃umíng̃itîng may pakahulugán sa haráp ng̃ iláng paghahakà tungkol sa písika at inaakalàng hibáng, kundî mán bang̃áw, ang hesuitang si Secchi, na umanó’y ang pagputol nitó ng̃ pariparisukát sa ostia ay anák ng̃ pagkaguló sa astronomía, at dahil doón, ang sabi’y pinagbawalang magmisa; marami ang nakápuna sa kaniyá ng̃ tila pagkamuhî sa bagay na itinuturò; ng̃unì’t ang mg̃a kapintasang itó’y maliliít na bagay, mg̃a himaling sa paraán ng̃ pag-aaral at pananampalataya, at madalîng malilinawan, hindî lamang sa dahiláng ang karunung̃an sa písika ay lubós na galing sa kasanayán, sa kábabatyág at panghihinuha, samantalang siyá’y malakás sa pilosopía, lubós na ukol sa paghuhulòhulò, sa palagáy at kurò, hindî, sa dahiláng siya’y mabuting dominiko, na magiliw sa karang̃alan ng̃ kaniyáng kapisanan, ay hindî mangyayaring malugód sa isáng katarung̃ang hindî ikinábantog ng̃ isá man sa kaniyáng mg̃a kapatíd--siyá na ang unang hindî naniniwalà sa kímika ni Sto. Tomás--ng̃unì’t ikinadadakilà ng̃ ibáng Samaháng kalaban, sabihin na nating katunggalî nilá.

Itó ang propesor ng̃ umagang iyon, na matapos mabasa ang talàan, ay ipinauulit sa mg̃a tinuturùan ang mg̃a isinaulong lisyón na walâng labis walâng kulang. Ang mg̃a ponógrapo ay umalinsunod, ang ilán ay mabuti, ang ibá’y masamâ, ang ibá’y pautal-utál, nag-aanasan. Ang makapagturing ng̃ walâng malî ay nagtátamó ng̃ isáng _mabuting guhit_ at _masamang guhit_ ang magkámalî ng̃ higít sa makáitló.

Ang isáng batàng matabâ, na mukhâng nag-aantók at ang mg̃a buhók ay nang̃agtuwíd at matitigás na warì’y balahibo ng̃ isáng sepilyo, ay naghikáb ng̃ makalinsád-sihang at nag-inát na iniunat ang mg̃a kamáy na warì’y nakahigâ pá sa baníg. Nakita ng̃ katedrátiko at pinag-isipang gulatin......

--¡Oy! ikáw, matutulugín, abá! _cosa?_ _Perezoso también_, siguro hindî ka marunong ng̃ lisyón, ha?

Hindî lamang hindî pinúpupô ni P. Millón ang lahát ng̃ nag-aaral, gaya ng̃ sino mang mabuting prayle, kundî kinákausap pa silá ng̃ wikàng tindá, bagay na nátutuhan sa katedrátiko sa Cánones. Kung sa gayóng pananalitâ ay inakalà ng̃ Reberendo ang kutyâin ang mg̃a nag-aaral ó ang mg̃a banál na takdâ ng̃ mg̃a _concilio_, ay bagay na hindî pa napasisiyahán, kahì’t pinagtalunan na ng̃ mahabà.

Ang pagkakatukoy ay hindî ikinamuhî ng̃ mg̃a nag-aaral kundî ikinagalák pa at marami ang nang̃agtawanan; yaón ay nangyayari sa araw araw. Gayón mán ay hindî nátawá ang matabâ; biglâng tumindíg, kinuskós ang mg̃a matá, at warìng mákina ng̃ bapor ang nagpagaláw sa ponógrapo at sinimulán ang pagsasabi ng̃:

--“Tinatawag na salamín ang lahát ng̃ pamukhâng binuli at nálalaan upang malarawan sa kaniyá, dahil sa tamà ng̃ liwanag, ang mg̃a larawan ng̃ bagay na ilapít sa tinurang pamukhâ; dahil sa mg̃a bagay bagay na bumúbuô ng̃ mg̃a pamukhâng itó ay binabahagi sa salamíng _metal_ at salamíng bubog......”

--¡Hintáy, hintáy, hintáy!--ang biglâng pigil ng̃ katedrátiko--Jesús para kang pagupak! Tayo’y nasa salitàang ang mg̃a salamín ay binabahagi sa mg̃a salamíng _metal_ at salamíng bubog ¿ha? At kung bigyán kitá ng̃ isáng kahoy, ang kamagóng sa halimbawà, na lininis na mabuti at hinibùan, ó kaputol na marmol na maitím na pinakabuli, isáng balok na asabatse na másisinagán ng̃ larawan ng̃ mg̃a bagay na ilagáy sa haráp ¿saang bahagi mo ilálahók ang mg̃a salamíng iyán?

Ang tinanóng, sa dahiláng hindî maalaman ang isásagot ó kayâ’y sa dahiláng hindî nalinawan ang katanung̃an, ay tumangkâng makalusót sa pagpapakilalang alám niyá ang lisyón, kayâ’t nagpatuloy na warì’y bahâ:

--“Ang mg̃a una ay binúbuô ng̃ tansô ó pagkakahalòhalò ng̃ ibá’t ibáng metal at ang pang̃alawá ay binúbuô ng̃ isáng lapád na bubog na ang dalawáng mukhâ’y kapwâ kininis at ang isá rito’y may pahid na tinggáng putî.”

--¡Tum, tum, tum! hindî iyán; _dóminus vobiscum_ ang sinasabi ko sa iyó at ang isinásagót mo sa akin ay _requiescat in pace_!

At inulit sa wikàng tindâ, ng̃ mabaít na katedrátiko, ang katanung̃an na linahukán sa bawà’t sandalî ng̃ mg̃a _cosa_ at _abá_.

Hindî makaiwas sa kagipitan ang kaawàawàng binatà: nag-aalinlang̃an sa kung nárarapat niyáng ihalò ang kamagóng sa mg̃a metal, ang marmol sa mg̃a bubog at ang asabatse ay iwan sa alang̃anin, hanggáng sa ang kalapít niyáng si Juanito Pelaez ay bumulóng sa kaniyá ng̃ lihim na:

--Ang salamíng kamagóng ay kasama ng̃ mg̃a salamíng kahoy!

Inulit ng̃ litó nating binatà ang kaniyáng náding̃íg, kayâ’t nag-ihít sa kátatawa ang kalahatì ng̃ klase.

--¡Ikáw ang mabuting kamagóng!--ang sabi ng̃ katedrátiko na napilitang tumawa--Tingnán natin kung alín ang tatawagin nating salamín: ang pamukhâ, _per se, in quantum est superficies_, ó ang katawáng bumubuô ng̃ ibabaw na itó ó kayâ’y ang bagay na kinapapatung̃an ng̃ pamukhâng itó ang pinagbuhatang bagay, na náiba dahil sa pagkakabago sa kaniyá ng̃ tinatawag na pamukhâ, sapagkâ’t maliwanag na, sa dahiláng ang pamukhâ ay kabaguhan ng̃ mg̃a katawán, ay hindî mangyayaring mawalán ng̃ kabagayán. Tingnán natin ¿anó ang sabi mo?

¿Akó? ¡walâ! ang isásagót sana ng̃ kahabághabág na hindî na maalaman kung anó ang pinagsasalitàan dahil sa karamihan ng̃ mg̃a pamukhâ at mg̃a pagbabagong bumabayóng masakít sa kaniyáng taing̃a; ng̃unì’t nakapigil sa kaniyá ang udyók ng̃ kahihiyán, kayâ’t balót kahapisan at pinapawisan na, noong inulit ng̃ marahan:

--“Tinatawag na salamín ang lahát ng̃ pamukhâ na binuli....”

--_Ergo, per te_, ang salamín ay ang ibabaw,--ang dukit ng̃ katedrátiko.--Kung gayón ay linawin mo sa akin ang ganitóng bagay. Kung ang pamukhâ ay siyáng salamín, ay ibá sa kabagayán ng̃ salamín ang ano mang nálalagáy sa líkurán, sa dahiláng ang nasa likód ay hindî makapagbabago sa nasa sa harapán, _id est_, ng̃ ibabaw, _quæ super faciem est, quia vocatur superficies facies ea quæ supra videtur_; pinaayunan mo ó hindî?

Lalò pang nanindíg ang buhók ng̃ kaawàawàng binatà, na warì pinakilos ng̃ isáng malakás na galáw.

--¿Pinaayunan mo ó hindî?