Pag Susulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza
Part 8
FELIZA AT AMADEO: Ibinabalita sa aquin ni Urbana na tinangap ninyo ang Santo Sacramento nang matrimonio, at tuloy hinihin~gi na cayo,i, sulatang co, at ipaaninao ang man~ga santong cahatolang ucol sa bagong estado, na inyong tinangap. Pacatandaan na ang sacramentong ito,i, daquila, alinsunod cay Jesucristo, at sa Santa Iglesia, alinsunod cay Jesucristo sapagca,t, calarauan nang caniyang pagca Dios at pagca tauo, na nagcacaisa sa isang persona: gayon din daquila, alinsunod sa Santa Iglesia, sapagca,t, calarauan nang pagcacaisa nang lahat nang man~ga cristianos na isá ang ulong quiniquilala na si Jesucristo. Mahal ang pinagmulan, sapagca,t, lalang, nang Dios, at ang dalauang tauo ay naguiguing isa, ang loob ay isa, at palibhasa,i, sing isang catauan.[63] Sasalitin cong saglit sa inyo ang paglalalang nang Dios, nang Santo Sacramento nang matrimonio.
Naguisnan ni Adan sa Paraiso ay maraming hayóp na ang lahat may man~ga caparis. Bucod lamang siya, na namumugtong na ualang casama,t, catulong sa lugar na iyon na caayaaya.[64] Caya pinatulog nang Dios si Adan, at nang macatulog, ay hinugot ang isang tadyang ay guinauang babaye na ibinigay cay Adan. Sa pag laláng na ito, ay may isang misterio na naaninao si San Agustin.[65] Hindi quinuha nang Dios ang babaye sa ulo nang lalaqui; sapagca,t di itinalagá na gauing pan~ginoon mag uutos sa lalaqui; hindi quinuha sa paa at nang di irin~gin at ariing hamac na parang alipin. Quinuha sa tadyang sa tapat nang pusó, nang pacamahalin at nang ariing isang casama, na cacatulun~gin sa pagtitiis nang hirap sa buháy na ito. Si Adang nacatulog at nahimbing nang lalan~gin si Eva, ay calarauan ni Jesucristo na dinatnán sa Cruz nang tulog na camatayan, at nang mangyaring lalan~gin ang Santa Iglesia na icalauang Eva. Nang si Cristo,i, patáy na sa cruz ay nabucsán ang dibdib at binucalán nang pitong sacramentos, na ipagcacamit nang gracia at casantosan nang Santa Iglesia, at nang marapat na maguing esposa. Caya ang esposo at ang esposa, ay tulad cay Jesucristo at sa Santa Iglesia, na tinatalian nang pag-ibig. Tinatauag naman na magsing isang catauan, sapagca,t ang catauan nila,i, di na nasasarili; caya ang adulterio ó paglílilo sa asaua, ay isang casama-samaang casalanan. Daquilang sala ang sabi nang Dios sa Genesis; malalim ang tauag nang Profeta Isaias, caya calaqui-laquihan naman ang parusa. Dinguin ang nangyari cay Faraon. Si Sara, nang maquita ni Faroan ay quinalugdán, at pinagnasaang camtán, at cahit di tanto na esposa ni Abraham, ay pinarusahan din nang Dios, na iniramay sampo nang man~ga casambaháy. Sa man~ga di binyagan ang casalanang ito ay pinarurusahan nang catacot tacot; at, palibhasa,i, inaaring casama samaan. Sa man~ga Finedos, ay may ugali na pinupugutan nang ulo gayon din ang man~ga Arabes. Nang man~ga unang panahon, ay sinusunog nang man~ga Sidonios, at nang panahon ni Moises ay ipinagutos nang Dios na batohin nang bayan hangang sa mamátay.[66] Sa Egipto,i, nang naghahari si Sostris, ipinasusunog na buhay ano pa n~ga,t, ang galit nang man~ga di binyagan sa casalanang ito ay ualang pagcasiyahan na inaaring di na dapat mabuhay sa mundo ang maglilo sa asaua, na ipinapapatay sampo nang casama sa pagcacasala. Sa man~ga Romanos, ay destierro ang parusa.[67] Ipinagutos naman nang haring Constantino na pugutan ang lalaqui at ang babaye ay paloin at culun~gin sa monasterio.[68] Gayon din ang utos nang haring Alfonso Sábio.[69] Sa man~ga huling panahon ay binago ang parusa, pinapagisa ang babaye,t, sa lalaqui na capoua ipinag-utos na patain.[70] Ang parusa naman nang Santa Iglesia sa naglilo sa asaua ay excomunion.[71]
Ang excomunion ay isang parusa nang Santa Iglesia sa masamang cristiano, na pinagcacaitán nang dilang cagalin~gan na sa caniya,i, napapaquinabang; pipinagcacait ang pagaua at pagtanggáp nang man~ga Santos Sacramentos; ang Santo Sacrificio nang misa, ang paquiquipagusap sa capoua cristiano, ang olicio ó catungculan na caniyang ipinagcasaloob, at cun ang excomulgado ay mamatáy na di naquitaan nang pagsisisi, ay di ipinalilibing sa lupang sagrado, at ang babayeng lilo, cun ayao nang tangapin nang lalaqui, ay ipinacuculóng sa isang Monasterio, at nang doon magsisi sa casalanan. At cun sa man~ga panahong ito, ang marami sa man~ga parusang iyon ay di nasusunód, ay ipinababaya na sa Dios ang pagpaparusa.[72] Lalong catacot-tacot cun ang Dios ang magparusa; sapagca,t, cun patauarin dito, ay itatalagá doon sa isang buhay, at dili bihira na dito at doon ay pinarurusahan. Ang palaguing pagaauayan, paghihirap nang pagcabuhay, na saan man ilagay ang camay, ay di magdaang pala, at tila ang hampás nang Dios ang siyang namamalas. Cun minsan ang lilong lalaqui, ay nagagantihan na pinaglililuhan nang asaua, at cun di man magca gayo,i, ang man~ga anac ang magbabayad, at natutupád ang hatol nang ating Pan~ginoong Jesucristo: cun ano ang isinucat mo sa iba ay siyang isusucat sa iyo.[73]
Feliza at Amadeo, tanto co ang inyong cabaitan, ang tacot sa Dios, at ang pagiibigan, na di pahihinuhod sa paglililo; gayon man, ay minatapát cong italá sa sulat, ang cabigatán nang casalanang ito, nang may pagcaaninauan ang macababasa. N~gayo,i, isusunod co ang inyong catungculang magpilit na cayo,i, magcasundô.
Icao man, Amadeo, ay ulo ni Feliza,[74] ay magpaparayâ ca, at houag mong iguiguiit na palagui ang iyong capangyarihan, pacundan~gan sa cayo,i, ualang pagauayan. Alalahanin mo yaong pan~gun~gusap nang sacerdote nang tangapin mo ang Santo Sacramento nang matrimonio casama at di alipin ang ibibigay co sa iyo.[75]
Icao naman Feliza, ay magpilit na houag magbigay galit sa iyong esposo, at palibhasa,i, icáo ay nasusucuban nang caniyang capangyarihan.
Icao Amadeo, ay houag macalilimot, na catungculan mo ang maghanap buhay, palibhasa,i, ulo ca, na may cautan~gang magpacain sa esposa at sa maguiguing anac.
Icao naman Feliza, ay may catungculang magimpoc nang maquiquita ni Amadeo, at magalaga sa pamamahay: ilagan ang pagmamariquit nang labis, at nang di ninyo ipaghirap.
Icao, Amadeo, ay houag macalilimot sa gaui mong catahimican, nang di pagcaraanan nang pagcalimot sa Dios, at di naman pagcadahilanán na paghinalaang ca ni Feliza, na siya,i, pinaglililohan mo.
Icao naman Feliza, ay houag manaog nang ualang pahintulot ni Amadeo, nang di icao naman ang paghinalaan. Cayo naua,i, matulad sa jardin ó halamanang may susi, na ualang macapan~gahás pumasoc cun di ang may ari; sa batis na naquiquintatán nang calinauan[76] at binubucalán nang malinao na tubig.
Sa inyong pagsasama, ay houag ihiualáy ang calinisan. Ang Arao at Buan, ay nagpapaliguid-liguid sa mundo, palaguing nalacad ay di nasinsay sa daang iguinuhit sa canilá nang Dios. Ang man~ga alon sa dagat, ay sacdal nang bagsic, ang inugong ugong ay parang nagn~gan~galit, n~guni pagdating sa guilid ay nan~gan~gayupapa, at di lumalampas sa pasigang iguinuhit sa canila nang Dios.[77] Gayon din ang magasaua, may guhit na dapat tuntunin, hindi lalampasan, at nang di masira ang calinisan.
Alalahanin ninyong magasaua na ang Dios ay Santo, si Jesucristo ay Santo, ang matrimonio ay Santo, caya dapat ninyong pagpilitan na ang pagsasama ninyo,t, boong caasalan ay maturang Santo.
Alalahanin ang catungculan ninyong magibigan, at magmahalan. Ibiguin mo, Amadeo si Feliza, at alalahanin mo yaong salita sa Genesis, na ang babaye hinan~go sa tadyang nang lalaqui na tapát sa puso, at nang pagcaquilanlán na liban na lamang sa Dios ay ualang iibiguin ang esposo na para nang esposa, at gayon din naman ang esposa sa esposo.[78]
Alalahanin mo, Amadeo, na iniuan mo ang ama mo,t, ina, at sumama ca cay Feliza, at cayo,i, nagca isang catauan,[79] caya sa inyo,i, ualang magpapahiualáy cun di ang camatayan; sapagca,t, ang matrimonio, ay isang taling caloob nang Lan~git na di nacacalag nang tauo.[80] Caya dapat cayong magsunuran sa lahat nang bagay na di nalalaban sa utos nang Dios.[81]
Malasin mo, Feliza, ang caugalian ni Amadeo, at sundin ang caniyang calooban, houag lamang sa di catouiran.
Pagaralan mo naman, Amadeo na si Feliza ay maca sundó mo; at cahit catungculan nang babaye ang sumunód sa lalaqui, ay houag mong piliting masunód na lahat ang caibigán mo, sa pagca,t, magpacabait-bait man ang lalaqui, ay nacacapagpita sa babaye nang di macayanang sundin. Cun maminsan minsan ay di macasunód sa cahin~gian mo, ay houag tampalasanin, houag pan~gusapan nang di catouiran, at nang di maquisama sa iyo, na parang natutuntóng sa dulo nang sibat.
Cun si Amadeo, Feliza, ay patutun~go sa Simbahan, ó pasasa buquid caya,t, magsasaca, ay ihanda mo ang caniyang babaonin, nang macaquita nang loob sa iyo, at palibhasa nama,i, catungculan mo. Cun siya,i, matapos na gumauá, alamin mo ang oras nang pagoui, ihanda ang pagcain nang may pagcaguinhauahan sa pagod at hirap.
Cun nagdaan sa init nang arao ó nagdaramdám caya nang gutom, hindi malayo na maginit ang ulo, paquiramdaman mo, salubun~gin nang tua at pagibig, nang may pagcalamigan ang loob. Cun maquitaan mo nang galit, ay houag salansan~gin, at nang di pagtalunan. Cun may pangalin~gan na malayong lugar, ay bago mo tanon~gin nang ibang bagay, ang itanong mo muna, ay cun nagdaramdám nang cagutuman.
Cun may darating na malaquing fiesta ó Domingo caya, agapan mong alamin, cun may magagamit na damit ucol sa man~ga arao na iyon; at sacali ualá, ay ihanda. Gayon din, cun may punit, agapang buoin, houag hintin ang arao at oras nang pag gamit, at bacá ca magahól, mapilitan cang gumaua sa fiestang daquila, di ca macapan~gilin, at ipagcasala mo sa Dios dahil sa di pag gaua sa capanahonan.
Cun si Feliza, Amadeo, ay di macasunód sa iyo sa lahat nang bagay at may macaligtaan, ay magpáraya ca, ipahayag mo nang sabing banayad, houag gahasain, sapagca,t, ang isang babaye, ay uliran man nang cabaitan ay may pagcacaculan~gan din sa caniyang catungculan sa lalaqui, at palibhasa,i, ang babaye ay para rin nang lalaquing anac nang nagcamaling babaye.
Cun si Amadeo, Feliza, ay maquitaan mo nang galit, macabitao siya nang masaquit na sabi, ay pagaralan mong tiisin, nang cun maquitaan ca nang magandang halimbaua, ay magaral namang magtiis sa iyo. Marami ang babayeng matabil, di marunong mag tiis: ang isang sabi nang asaua, ay sasagotin nang sampo. ¿Ano ang quinásasapitan cun minsan nang man~ga ganitong babaye? Ang lalaqui pag nagalit, ay hahauac nang pamalo, at ang sampuong sagót nang babaye, ay gagantihin naman nang sampuong palo nang lalaqui. At dito na nagmumulà ang masamang pagsasama, na ang cahalimbaua ay infierno nang pagaauay at pagtutun~gayauan. Icao, Feliza, na minamahal cong capatid cay Jesucristo, caiin~gat na cayo,i, magca gayon.
Cun ang isang babaye, ay tumamà nang mapusóc na loob at tampalasang lalaqui, ay ualang mabuting gamot, cun di ang pagaralang tiisin, pagpaquitaan nang loob, dagdagán ang pagtauag sa Dios at cay Guinoong Santa María, at palibhasa,i, siya ang nag-iin~gat nang ating puso.
Gayon ang gaua ni Santa Mónica cay Patricio na caniyang asaua, ni Santa Marta cay Mario, ni Santa Gregoria cay Vitalino, ni Santa Rita de Cacia cay Fernando, na sa canilang man~ga panalan~gin, ay ipinagcaloob nang Dios na nagbago nang loob ang canilang man~ga asaua. Nauucol na basahin ang buhay ni Santa Rita de Caciá, nang may pagcunang ulirán ang may asauang babaye.
Cahiman Felisa,i, malayong malayo sa cabaitan ni Amadeo ang manampalasan sa iyo, ay sinaysay co rin ang man~ga bagay na ito, nang may pagcaaninauan ang iba. Sasalitin co pa sa iyo ang asal na cauili uli nang isang babaye, na naguing comare co nang aco,i, bata pa.
Ang asaua nang babayeng ito ay tamád sa paghahanap buhay, mauilihin sa sugál at man~gin~ginom. Cun macaquita nang caunting pilac, dadalhin sa sugalan, capag natalo na,i, iinóm nang alac, ooui sa bahay, at pagcaquita sa asaua ay cagagalitan, at tatampalasanin. Sa guinayon gayon; sa pagdadalamhati touina nang babaye, at sa casalatán nang pagcain na sumasala sa oras, ay dinatnán nang saquit. Ang babayeng ito na cahit casama co sa bahay, at nacacausap co touina minsan man ay hindi co naquitang dumaing sa magulang, sa aquin at sa can~gino, pa man. Sa maquita cong nangyayayat at cahit sinasayahan ang mucha, ay nahahalata rin ang dinaramdam na dalamhati ay di co natiis at tínanong cong minsan: _Cumare tila may dinaramdam cang saquit at cadalamhatían Cumpare_ ang sagot sa aquin, _cun maminsan minsan, at aco,i máy, dinaramdám na pighati sa loob, ay ualá acong pang gamót, cun di ang calun~gin co ang anac co, at ulit ulitin cong hagcán_. Ang sagót na ito,i, di na dinugtun~gang catagá man: aco nama,i, nagtindig na sa salitaan, nahambal aco, at ang aquing luha,i, nan~gin~gilid sa mata ¡Oh! babaye na sucat pagcunang ulirán nang may man~ga asaua! Cayong magasaua, Feliza at Amadeo, ay catatauag sa Dios na i-adya sa pagaauay.
Feliza, si Amadeo cun sacali,t, macalilimot sa Dios (hoag din nauang itulot nang Lan~git), ay aralan mo nang banayad, cun napopoot ay hoang salansan~gin, hihintin mo ang oras na natatahimic, malamig ang loob, saca mo pahayagan nang malambót na sabi, at amo amoin na houag mauili sa casalanan, tumauag cay Guinoóng Santa Maria sa toui touina, na ihin~gi niya sa caniyang mahal na Anac nang graciang icapagsisi sa casalanan. Dinguin mo ang casunód na
SALITA
Sinasabi nang beato Juan Exolto[82] na may isang lalaqui na may asaua na nabuhay sa casalanan, pinan~gan~garalan siyang palagui nang caniyang esposa, palibhasa,i, may loob sa Dios; n~guni hindi maquinyig. Sa ualang magauá ay ipinamanhic nang babaye, na yayamang (aniya) na di ca mag bago nang loob, ay magdasál ca man lamang nang isang Aba Guinong Mária sa touing mag daraan ca sa haráp nang larauan nitong mahal na Ina. Sinunód nang lalaqui ang hatol nang babaye. Isang gabing gumagala, at ang nasa,i, ang masunód ang masamang caibigán nang catauan, ay naca tin~galá nang isang ilao na nag liliuanag sa haráp nang isang larauan ni Guinoong Santa Maria, na may calong na Niño Jesús. Capagca quita,i, nag dasal nang Aba Guinoong María, palibhasa,i, pinag caugalian na. Sa pagdarasál niya, di caguinsa-guinsa,i, naquita ang Niño, na punó nang sugat at tumutulo ang dugo. Sa naquitang ito,i, ¿ano caya ang mangyayari sa caaua-auang macasalanan? Pinasucan nang malaquing tacot, at nang mapag dili dili na ang man~ga casalanan niya ang sumugat sa canyang Pan~ginoon ay nahambál ang puso, tumulo ang luha sa mata, lalo na nang maquita na siya,i, tinalicurán nang Niño. Sa ualá siyang matutuhang gauin ay nagdasál cay Guinoong Santa María at uinica: Oh ina nang aua itinatapon aco nang mahal mong Anac: ay ¿sino pa ang pagsasacdalán cong pintacasing mahabaguin at macapangyarihan naman, cun di icao lamang na caniyang Ina. Icao,i, aquing Reina tulun~gan mo aco, at ipanalan~gin mo sa caniya. Sinagót ni María ang tauag na ito, at uinica: Ina nang aua ang tauag ninyo sa aquin man~ga salaring tauo, n~guni palagui na ninyo acong guinagauang Ina nang hirap; sa pagca,t, sinasariua ninyo ang saquit nang aquing Anac; at aco,i, binibiguiang dusa. N~guni sapagca hindi marunong humabág itong maauaing Vírgen sa nag sasacdál sa caniya, at nan~gan~gayupapa sa caniyang harapan, ay humarap sa Anac, at inahin~ging tauad ang natauag na macasalan. Gayon ma,i, naganyó ring ayao mag patauad ang ating Pan~ginoon. Sa mag cagayon na,i, binitiuan ang caniyang Jesús, nag patirá pa sa mahal na harapan at uinica: Anac co, di aco titindig sa iyong paanan, hangang di mo pinatatauad ang macasalanang ito. Ina, ang sagot ni Jesús, di aco maca tatangui sa anomang cahin~gian mo. ¿Ibig mo bagá ang siya,i, patauarin co? Yayamang ibig mo,i, pacundan~gan sa aquing pag ibig sa iyo ay pinatatauad co naman. Siya ay palapitin mo sa aquin, at hagcan ang aquing man~ga sugat. Tuman~gis at lumuluhang lumapit naman itong macasalanang tauo, hinagcang pinag isa-isa ang man~ga sugat nang Niño, at hangang hinahagcan, ay gumagaling na lahat. Nang matapos nang mahagcan, ay niyacap naman siya ni Jesús, nang maguing tandá nang capatauaran. Dito na minulan ang pag babagong loob nitong naglilo sa asaua, at hangang sa matapos ang caniyang buhay, naninta,t, naglingcod cay Guinoong Santa María, na caniyang pinag cautan~gan nang gayong daquilang aua.
Sa salitang ito, Feliza, han~goin mo ang cahatolang ucol sa iyo,t, cay Amadeo. In~gatang cayo nang Dios.--ISANG SACERDOTE.
MAN~GA CAHATOLAN SA NAN~GAG DADALANG TAUO.
_Isang Sacerdote cay Feliza at cay Amadeo_.--MANILA ...
FELIZA: Cun ang inyong pag sasama ni Amadeo, ay bigyan nang Dios nang bun~ga, ay caiin~gatan mo,t, nang huag masira. Ang babayeng nagdadalang tauo ay maramdamin ang catauan, caya dapat itiguil ang pag aayunar, at baca ipag caramdam, at bucod sa rito naman ay di ang sariling catauan, cun di sampu nang sangol na dalá sa tiyan, ay nag cacailan~gan nang pagcain. Magpilit, ca namang mag hauac nang loob, umilag sa malaquing cagalitan, at baca mo icapahamac.
Pag saquitan mo naman, Amadeo na houag maca pag bigay dalamhati cay Feliza: icao at siya,i, catatauag sa Dios at cay Guinoong Santa María, na in~gatan ang buhay nang inyong anac, at nang magcamit nang Santo Bautismo. Arao arao ay tumauag cayo sa Angel na catutubo, hin~gin ninyo na cayo,i, hulugan nang magandang tica, iilag sa pan~ganib na icamamatay nang inyong anac: sapagca,t, malaquing totoo ang nasa nang demonio na houag maguing cristiano, at nang di maguing campon nang Dios.
Limitan mo, Feliza, ang pagcocompisal at paquiquinabang ihin~gi nang aua ang sarili mong caloloua, at ang maguiguing anac mo, lalong lalo na sa icasiyam na buan, sapagca,t, catungculán nang babayeng nag dadalang tauo ang mag compisál sa panahóng ito, at palibhasa,i, malaqui ang pan~ganib nang nan~gan~ganac, lalong lalo na cun nan~gan~ganay.
Cun mag daan cang maloualhati ay mag pasalamat ca sa Dios.
Cun ang inyong anac, Amadeo at Feliza, ay maguing cristiano na, ulitin ang pag papasalamat sa Dios, ihain sa pag lilingcód at pamimintuho sa caniyang camahalan.
Sa arao, Feliza, nan iyong pag sisimba, ihain mo ang anac mo sa Dios at cay Guinoong Santa María, hin~gin mong cupcupin na ariing anac, at sambitin mong ulit-ulitin itong panalan~ging hatol ni Padre Claret: Jesús y María, houag mong ipahintulot na aco,i, maguing ina nang man~ga hunghang: cun ang aquing anac ay mapapasamà, ay bauian mo na nang buhay, hangang siya,i, Angelito na ualang casalanan.[83]
Amadeo,t, Feliza, ang inyong anac ay anac nang Dios sa gracia, caya dapat paca alagaan.
Cun ang isang hari sa lupa ay mag catiuala sa inyo, na paalagaan ang isa niyang anac, ang iyong pagcacalin~ga capala pa,i, ualang pagcasiahán.
Ang inyong anac, na anac nang Dios at ni Guinoóng Santa María na pina-aalagaan sa inyo, cun di cayo maca tupád nang catungculang ito ay magagayác ang parusa, at cun maca tupád naman ay magandang ganti.
Cun magca loob na, ay lalong daquila ang catungculan ninyo sa inyong anac: ang pag tuturo nang man~ga catotohanang icaquiquilala at ipaglilingcód sa Dios, ang pagbibigay nang magandang halimbaua, ang pag iin~gat na siya,i, magcasala, ang pag lalagay estado. Ang lahat nang ito ay natatalá sa man~ga sulat ni Urbana, sa Pláticas Doctrinalas, at sa man~ga sulat co naman.
Gayon man sa casunód na sulat, sasaysayin co ang man~ga cahatolán na dapat alinsunurin nang magulang cun lumaqui na ang canilang anac. Pagcallooban nauá cayong mag asaua nang Dios nang magandang capalaran. Adios, Feliza at Amadeo.--ISANG SACERDOTE.
CAHATULAN SA MAN~GA MAGULANG AYON SA PAG LALAGAY SA ESTADO SA CANILANG MAN~GA ANAC.
_Isang Sacerdote cay Amadeo,t, cay Feliza_.--MANILA ...
AMADEO AT FELIZA: Ang catungculan nang magulang sa pag cacalin~ga sa anac, cun di mamatamisin sa loob at patutulong sa Dios, ay mahirap tupdin, at pag di natutuhan ay palaguing ¡ay! ang mabibitiuan nang ama at nang ina. Laquing hirap nang ina, na siyam na buang pagdadalang tauo, sa boong panahón nang pag papasuso, at gayon din naman ang ama, sa pagquita nang ipacacain sa asaua,t, anac; at lalong mahirap sa pagtuturo sa anac nang man~ga catotohanang icaquiquilala sa Dios, sa pag lalagay sa estado. Gayon man, cun ang magulang ay quinacasihan nang gracia nang Dios, mabigat man ang catungculan ay macacayanang pasanin. Caya catatauag sa Dios cayong mag asaua.
Tinangap ninyo ang Santo estado nang matrimonio, cruz ni Jesucaito na inyong ipinan~gacong pasanin, ang daquilang catungculang calangcap, ay di carampatang ariing mabigat. Ang estadong iyan ay isang daang lalacaran ninyo sa pag tun~go sa lan~git ay di carampatang sinsayan, at pagsininsayan ay di cayo macararating sa linalacbay na caloualhatian. Ang baua,t, isang hirap na inyong pagdadaanan, ay houag ariing hirap cun di hiyas na niyayari ninyo at ipinamumuti sa corona ni Jesucristo, bulaclac na doon sa lan~git ay inyong daratnán ay siyang ipuputong sa inyo.
Isa sa inyong man~ga catungculan ang pag sasaquit, na ang inyung anac ay malagay sa estado pagdating nang capanahonan.
Cun ang inyong anac ay maca quilala na nang man~ga catungculan nang pagca cristiano at nang paquiquipag capoua tauo; ang dapat isipin naman ay ang pag lalagay sa estado.
Maraming magulang ang naquiquita na ualang mapait sa canilang loob, na para nang mag asaua ang canilang man~ga anac na dalaga, na hangang sa tumanda ó canilang camatayan ay ayao papagaasauahin. Hindi pinag iisip nitong ualang bait na magulang na ipag susulit nila sa Dios, ang di nila pagtupad nang catungculang ito. ¿Sino caya baga ang magsusulit sa Dios nang casalanang na gagaua nang man~ga anac nilang dalaga? ¿Ilang cayang pag iisip na laban sa calinisan, ilang maruming pag iibigan, ilang masamang gauà ang nagagauà nang man~ga anac nilang dalaga, na ualá silang malay-malay ay ipagsusulit nila sa Dios at sila ang parurusahan?[84] ¿Ano ang masasapit nang ganitong man~ga dalaga? Sa caramihan nang nan~gan~gasaua, sa calaunan nang panahon ang guinayon-gayon, na papahamac ang puri, naguiguing casiraan nang camaganacan, escándalo nang bayan, at ang lalong casáquit-sáquit ay ang pagca pahamac nang caloloua nitong caaua auang man~ga dalaga, at ang maraming tauo na nag casala sa masamang halimbauang naquita sa canila. ¿Sino caya baga ang sisisihin nang Dios sa man~ga bagay na ito cun di ang masamang magulang?
Marami rin naman ang naquiquita na bagun tauong nag si sitanda, nag calat sa lansan~gan, catulad ay cuagong sa gabi ang gala,t, ang huni ay calumbay-lumbay. Calumbay-lumbay anaquin, sapagca,t, ang pag aauit sa daan, ay ang man~ga bucang bibìg nang man~ga binatang ito, ang caramiha,i, hinguil sa calupaan at pang patay sa caloloua. ¿Sino ang may casalanan na sisisihin nang Dios sa gayong asal na calupit lupit? Sino cun di ang masamang magulang na nag papabaya na di pinagsisicapang ilagay sa estado ang canilang man~ga anac pag dating nang capanahonan.
Ayon sa catungculang ito nang magulan, ay dalauang bagay ang dapat tantoin: ang una,i, ang anac dapat pumili nang estado o calagayan, na inaacala niyang mapapasan, at ang icalaua,i, ang magulang ay dapat mamahala. Daquilang bagay ito, na cun pagcamalian, ay dalauang capahamacan hangang sa camatayan ang uica ni Padre Arbiol.
Sa man~ga anac ay may itinatalaga ang Dios sa matrimonio, mayroong sacerdocio, at mayroon naman sa pagca dalaga hangang sa camatayan. Cun ang isang anac ay lumagay sa estado na di talagá sa caniya nang Dios, ay marahil di niya natupad ang catungculang calangcap, at pag di matupad ay sapilitang icasasamá. Caya ang carampatan ay malasin nang magulang ang cahinguilan nang anac, at sacá ilagay sa estado na caniyang guinahihinguilan. N~guni hindi carampatan na ipag dumali, catatauag muna sa Dios ang magulang, at nang maquilala cun alin ang estadong ibibigay sa anac, at nang houag mag camali. Titingnan anaquin, ang cahinguilan nang anac, at ang tularan ay ang magugulang na taga Atenas, na nag mamasid muna sa caugalian nang anac at ibinabagay sa ugali nang anac ang estadong ibinibigay. Gaya sa cahariang ito naquita ang man~ga tauong balita sa carunun~gan, at ang man~ga guerrerong bantóg sa catapan~gan, na pinag tac-han nang boong mundó.