Noli Me Tangere

Part 50

Chapter 50 2,673 words Public domain Markdown

--Mahinang mahina acó,--ang sagót n~g hindi kilalá, na untiuntíng nagpacahandusay sa lupà, na nininiin n~g dalawáng camáy; may sugat acó, dalawáng araw n~g hindi acó cumacain at hindi acó natutulog ... ¿Walâ bang ibáng napaparito n~gayóng gabí?

Nanatili ang taong iyón sa pagdidilidili at pinagmamasid ang mahalagáng pagmumukhâ n~g batàng lalaki.

--¡Pakinggán mo!--ang ipinagpatuloy na ang tinig ay lalong mahina; marahil ay patáy na rin acó bago sumicat ang araw ... Sa may m~ga dalawampóng hacbáng buhat dito, sa cabiláng ibayo n~g batis na itó, may nacatimbóng maraming cahoy na panggatong; dalhín mo rito, pagpatungpatun~gin mo, ilagáy mo sa ibabaw ang aming m~ga bangcáy, tacpán mo n~g cahoy rin at sacâ mo susuhan n~g apóy, n~g maraming apóy, hanggáng sa cami'y maguing abó....

Nakikinig si Basilio.

--Pagcatapos, cung sacali't walâ sino mang dumatíng ... huhucay ca rito, macacasumpong ca n~g maraming guintô ... at ang lahát na iyá'y iyo. ¡Mag-aral ca!

Nalalao'y lalong hindi mawatasan ang tinig n~g hindi kilaláng tao.

--Hayo't humanap ca n~g cahoy ... ibig cong tulun~gan catá.

Yumao si Basilio, humaráp sa Silan~ganan ang hindi kilalá at bumulóng na wari'y nagdárasal:

--¡Mamamatay acóng hindi co nakikitang numingníng ang liwaywáy sa lupàng aking tinubuan!... ¡cayóng man~gacacakita n~g liwaywáy na iyan, batiin ninyó siyá ... huwag ninyóng limutin ang m~ga nahandusay sa boong magdamág!

Itinaás ang m~ga matá sa lan~git, gumaláw ang canyáng m~ga labíng anaki'y bumúbulong n~g isáng dalan~gin, tumun~gó pagcatapos at untiuntíng nahandusay sa lupà....

Nang macaraan ang dalawang oras, si hermana Rufa'y na sa sa batalán n~g caniláng bahay at guinagawa ang paghihilamos na caugalian pagcacaumaga, upang pumaroon sa misa. Tinátanawan n~g mapamintacasing babae ang calapít na gubat at canyáng nakitang may pumapaimbulog na nalululong macapál na úsoc; nagcunót ang m~ga kilay at, punô n~g banál na galit, ay nagsalitâ:

--¿Sino cayà ang hereje na sa araw n~g fiesta'y nagcacain~gin? Cayà dumarating ang maraming m~ga capahamacán. ¡Tingnán mong pa sa Purgatorio ca, at makikita mo cung cucunin catá roon, hamac na tao!

=PANGWACAS NA BAHAGUI.=

Sa pagcá't buhay pa ang marami sa m~ga taong sinaysay namin ang caniláng m~ga guinawâ sa casulatang itó, at sa pagca namán nan~gawalâ na sa ating m~ga matá ang m~ga ibá sa m~ga taong iyón, hindi n~gâ mangyayaring malagyán namin n~g tunay na pangwacás na bahagui ang aclát na itó. Sa icagagaling n~g tao'y papatayin namin n~g boong galac ang lahát n~g m~ga taong sinaysáy namin dito, na aming sisimulan cay parì Salví at wáwacasan namin cay doña Victorina, datapuwa't hindi mangyayari ... ¡m~ga buháy silá! yamang hindi camí cung di ang lupaíng itó rin lamang ang siyáng sa canilá'y magpapacain....

Mulà n~g pumasoc sa convento si María Clara'y iniwan ni parì Dámaso ang bayang dating canyáng kinalalagyan at sa Maynilà na siya tumitira, na gaya rin namán ni parì Salví, na samantalang naghíhintay n~g catungculang pagca Obispo ó Arzobispo'y manacánacang nagsesermon sa simbahan n~g Santa Clara, at sa convento nitó, n~g Santa Clara sa macatuwid, siyá'y gumaganap n~g isáng mataas na catungculan. Hindi pa maraming buwan ang nacararaan ay tumanggáp si parì Dámaso n~g utos n~g cagalanggalang na parì Provincial upáng ganapín ang pagcucura sa isáng malayong lalawigan. Ayon sa sábiha'y nápacalaki ang canyáng tinamóng samâ n~g loob sa bagay na iyón, caya n~ga't kinabucasa'y násumpun~gang patáy siya sa canyáng tinutulugan. Ang sabi n~g ibá'y namatáy sa _apoplegia_, anáng ibá'y sa ban~gun~got, n~guni't pinaram n~g médico ang pag-aalinlan~gan, sinaysáy niyáng biglâ raw namatáy.

Alin man sa m~ga bumabasa sa ami'y hindi makikilala n~gayón cung caniláng makita si capitang Tiago. Iláng linggó pa muna bago magmonja si María Clara'y nangyari sa canyá ang isáng malakíng panglulupaypay n~g calooban, na anó pa't nagpasimulâ siyá n~g pamamayat at naguing totoong malungcutin, mapaglininglining at culang tiwalà, tulad sa canyáng naguing caibigang si capitang Tinong. Nang másara na ang m~ga pintuan n~g convento n~g Santa Clara'y caracaracang ipinag-utos sa canyáng nahahapis n~g di anó lamang na pinsang si tía Isabel, na tipunin at cunin ang lahat n~g bagay na naguing pag-aarì n~g canyáng anác at n~g canyáng nasirang asawa, at siyá'y pumaroon sa Malabón ó sa San Diego, sa pagcá't sa haharaping panahó'y ibig niyáng mamahay na mag-isá. Nagsákit n~g catacottacot sa liampó at sa pagsasabong, at nagpasimulâ n~g paghitít n~g opio. Hindi na na pa sa sa Antipulo at hindi na rin nagpapamisâ; ikinatutuwang totoo n~g canyáng matandáng babaeng capan~gagáw, na si doña Patrocinio, ang canyáng pagdiriwang, sa pamamag-itan n~g paghilíc samantalang siyá'y nakikinig n~g m~ga sermón. Cung manacânaca'y maglacádlacád cayó, cung dacong hapon, sa únang daan n~g Santo Cristo, makikita ninyóng nacaupô sa tindahan n~g isáng insíc ang isáng maliit na tao, nanínilaw, payát, hucót, malalalim ang m~ga mata at anyóng nag-áantoc, culay marumi ang m~ga labi at ang m~ga cucó at tumítin~gin sa tao n~g wari'y hindi nakikita. Pagdatíng n~g gabí'y makikita ninyó siyáng tumindíg n~g boong hirap, at nanúnungcod na pinatutun~guhan ang isáng makipot na daan, pumapasoc sa isáng maliit na bahay na marumí at sa ibabaw n~g pintô nitó'y nababasa ang malalakíng letrang mapupula: FUMADERO PUBLICO DE ANFION. Itó'y yaóng totoong cabalitaang si capitang Tiago, na n~gayó'y lubós n~g nacalimutan n~g lahát, na anó pa't patí n~g sacristán mayor ay hindi na siyá naaalaala.

Idinagdag ni doña Victorina sa canyáng m~ga culót na buhóc na postizo at sa canyáng pag-aandaandalusahan, pakikiwan~gis bagá sa m~ga tagá Andalucía sa pagsasalitâ, ang bagong caugaliang siyá ang nan~gan~gasiwà sa pagpapalacad n~g m~ga cabayo n~g coche, at pinipilit niyáng si don Tiburcio'y huwag cumílos. Sa pagcá't maraming nangyayaring capahamacan dahil sa cahinaan na n~g canyáng m~ga matá, n~gayó'y gumagamit siyá n~g «quevedo» (salamin sa m~ga matáng isinisipit sa ilóng ang pinacatangcáy) na nagbibigay sa canyá n~g anyóng naguing cabalitaan. Hindi na muling natawag ang doctor upang gumamót can~gino man, napapanood siyá n~g m~ga alilang waláng n~gipin sa maraming araw n~g isáng linggó, bagay, na alinsunod sa talastás na n~g m~ga bumabasa'y masamáng tandâ.

Ang tan~ging tagapagtanggól n~g culang palad na itó, na si Linares, ay malaon n~g nagpapahin~galay sa Pacò, sa pagcá't pinatáy siyá n~g pag-iilaguín at n~g masasamáng guinágawâ sa canyá n~g canyáng hipag.

Napasa España ang nagdiwang na alférez, na ang catungcula'y teniente na may gradong comandante, at iniwan ang canyáng mairog na asawa sa canyáng barong franela, na hindi mapagsiyasat cung anó na ang culay. Nang makita n~g cahabaghabag na Ariadna ang pagcápabayà sa canyá, namintacasi ring gaya n~g anác na babae ni Minos cay Baco at sa pakikipacatoto sa tabaco, na anó pa't nan~gin~ginom at humihitít n~g boong alab n~g loob, na hindi na lamang ang m~ga nagdádalaga ang sa canyá'y natatacot, cung di namán ang m~ga matatandang babae't ang m~ga batà.

Marahil m~ga buhay pa ang ating m~ga cakilala sa San Diego, sacali't hindi silá nan~gamatáy sa pagputóc n~g vapor «Lipa» na nagpaparoo't parito sa lalawigan. Sa pagcá't sino ma'y waláng nan~gasiwà upang maalaman cung sinosino ang m~ga caawâawang namatáy sa gayóng capahamacán; at cung canicanino ang m~ga hìta at m~ga camáy na sumabog sa pulô n~g Convalecencia at sa m~ga pampáng n~g ilog, lubós na hindi nalalaman namin cung napasama ó hindi sa nan~gamatáy na iyón ang alin man sa m~ga cakilala n~g m~ga mambabasa sa amin. Natutuwà na camí at gayon din ang gobierno at ang m~ga pámahayagan n~g panahóng iyón, sa pagcacalám na ang iisaisang fraileng nacasacáy sa vapor ay nacaligtás, at walâ na camíng hinihin~ging ibá pa. Ang pan~gulo sa amin ay ang buhay n~g banál na m~ga sacerdote, na papanatilihin nawà n~g Dios ang caniláng paghaharì sa Filipinas sa icagagaling n~g aming m~ga caluluwa.[282]

Tungcól cay María Clara'y walà n~g naguíng balitang anó pa man, liban na lamang sa anaki'y siyá'y iniin~gatan n~g libin~gan sa canyáng sinapupunan. Ipinagtanóng naming macailan siyá sa iláng taong may malalaking capangyarihan sa santo convento n~g Santa Clara, n~guni't sino ma'y waláng nag-ibig magsabi sa amin n~g isá man lamang salità, cahi't ang m~ga masalitang madasaling tumátanggap n~g bantóg na fritada n~g atáy n~g inahíng manóc, at n~g salsa na lalò pang cabalitaang tinatawag na «salsa n~g m~ga monja», na guinágawâ n~g matalinong taga-paglutong babae n~g m~ga Virgen n~g Pan~ginoóng Dios.

Gayón man:

Isáng gabí n~g Septiembreng umaatun~gal ang bagyó at hináhampas n~g canyáng calakilakihang m~ga pacpác ang m~ga bahay sa Maynilà; dumáragundong ang m~ga culóg sa tuwing sandalî, waláng humpáy halos ang pagtatangláw n~g m~ga lintíc at kidlát sa m~ga iniwáwasac n~g buhawi at naglulubog sa m~ga namamayan sa caguicláguicláng tacot. Napapanood sa liwanag n~g kidlát ó n~g lintíc na nagpapakilwágkilwág, na tulad sa áhas, ang paglipád n~g isáng panig n~g bubun~gan ó n~g isáng bintana na dalá n~g han~gin, ang pagcáguibâ n~g bahay na cakilakilabot ang lagapacan: waláng isáng coche at waláng isáng taong lumalacad sa m~ga daan. Pagca náririn~gig sa malayò ang paós na ugong n~g culóg na inuulit n~g macasangdaan n~g alin~gawn~gaw, cung magcágayo'y naririn~gig ang pagbubuntóng-hininga n~g han~ging umiipoipo sa ulán, na siyáng gumágawâ n~g ulit-ulit na _tric-trac_ sa m~ga nacasarang dahon n~g bintanang capís.

Dalawang guardia ang sumisilong sa isáng bagong guinagawang bahay sa malapit sa convento: isáng sundalo't isáng _distinguido_.

--¿Anó ang atang guinágawâ rito?--ang sabi n~g sundalo;--sino ma'y waláng lumalacad sa daan ... dapat tayong pumaroon sa isáng bahay; tumatahan ang babae co sa daang Arzobispo.

--Malayolayô rin buhat dito hanggáng doon at mababasâ tayo,--ang sagót n~g _distinguido_.

--¿Anó ba ang cabuluhan noon, huwág lamang patayín tayo n~g lintíc?

--¡Bah! huwág cang mag-alaala; dapat magcaroon ang m~ga monja n~g isáng «pararayo» upang silá'y máligtas.

--¿Siyá n~ga ba?--anáng sundalo,--n~guni't anóng cabuluhan n~g pararayo'y n~gitn~git n~g dilím ang gabí?

At tumin~galâ upang macakita sa cadiliman: n~g sandaling iyó'y cumináng ang isáng kidlát na inulit at pagdaca'y sinundán n~g malacas at calaguimlaguim na culóg.

--¡Nacú! ¡Susmariosep!--ang bigláng sinabi n~g sundalo, na nagcucruz at tulóy hinihila ang canyáng casama;--¡umalís tayo rito!

--¿Anó ang nangyayari sa iyó?

--¡Tayo na, umalís tayo rito!--ang inúlit n~g sundalo na nagtataguctucan ang n~gipin sa tacot.

--¿Anó ang nakita mo?

--¡Isáng fantasma!--ang ibinulóng na nan~gán~gatal ang boong catawán.

--¿Isáng fantasma?

--¡Sa ibabaw n~g bubun~gan ... marahil siyá ang monja na naglíligpit n~g m~ga bága sa boong gabi!

Tumin~galâ ang _distinguido_ at ibig niyáng makita.

--¡Jesús!--ang bigláng sinabi at siyá nama'y nagcruz.

Siyá n~gâ namán, sa makináng na ilaw n~g kidlát ay canyáng nakita ang isáng anyóng taong nacatindíg, halos sa palupo n~g bahay, nacataas sa lan~git ang mukhà't ang m~ga kamáy, na para manding humíhin~gî sa canyá n~g awa. ¡M~ga lintíc at culóg ang itinútugón n~g lan~git!

Nang macatapos ang ugong n~g culóg ay nárin~gig ang isáng mapangláw na daíng.

--¡Hindi gawâ n~g han~gin ang daing na iyán, iyá'y sa fantasma!--ang ibinulóng n~g sundalo, na siyáng canyáng pinacatugón sa guinawang sa canyá'y pagpindót n~g canyáng casama.

--¡Ay! ¡ay!--ang naglulumampas na daíng sa han~gin at nan~gin~gibabaw sa in~gay n~g ulán: hindi matacpán n~g m~ga haguinít n~g han~gin ang matamís at cahabaghabag na tinig na iyóng puspós n~g capighatîan.

Mulíng cumináng ang isáng kidlát na nacasisilaw ang tindí.

--¡Hindi, hindi fantasma!--ang bigláng sinabi n~g _distinguido_;--mulí pang nakita co siyá; casinggandá n~g Virgen ... ¡Umalís na tayo rito't magbigáy álam tayo!

Hindi na hinintay n~g sundalong ulitin pa ang pagyacag sa canyá't nan~gagsialís ang dalawá.

¿Sino cayâ ang humihibic sa calaguitnaan n~g gabí, na hindi inaalintana ang malacás na han~gin, ang ulán at bagyó? ¿sino cayà ang matatacuting virgeng esposa ni Jesucristo, na nakikilaban sa nan~gagn~gan~galit na bagyó, tubig, lintíc at culóg at hinirang pa namán ang cagulatgulat na gabí at ang may calayaang lan~git, upang itaghóy mulà sa isáng mapan~ganib na cataasan ang canyáng m~ga daing sa Dios? ¿Linisan cayà n~g Dios ang canyáng templo at aayaw n~g dingguín ang m~ga hibíc sa canyá? ¿Bacâ cayà hindi macalampás sa bubun~gán n~g convento ang m~ga mithî n~g cáluluwa at n~g macapailánglang hanggáng sa trono n~g lubháng Mahabaguin?

Humihip n~g boong galit ang bagyó halos sa magdamág; hindi sumicat ang isá man lamang bituin sa boong gabí; nagpatuloy ang waláng pagcasiyahan sa hirap na m~ga ¡ay! na nacacahalo n~g m~ga buntóng hinin~gá n~g han~ging malacás, datapwa't nasunduan niyáng bin~gí ang Naturaleza't ang m~ga tao; nagpuyát palibhasa ang Dios ay hindi siyá náririn~gig.

Kinabucasan, n~g mapaspás na sa lan~git ang maiitim na m~ga alapaap ay mulíng sumicat ang araw sa guitnâ n~g nadalisay na himpapawíd, humintô sa pintuan n~g convento n~g Santa Clara ang isáng coche at doo'y nanaog ang isáng lalaki, na napakilalang siyá'y kinacatawan n~g may capangyarihan at hinin~ging siyá'y pakipag-usapin sa abadesa at sa lahát n~g m~ga monja.

Ang sabi'y may humaráp na isáng monjang basáng basá at punít-punít ang suot na hábito, tumatan~gis at isinumbóng ang cakilakilabot na m~ga cagagawan at hinin~ging siyá'y tangkilikin n~g tao laban sa m~ga catampalasanan n~g pagbabanalbanalan. Ang sábihan din namá'y totoong cagandagandahan ang monjang iyon, na may m~ga matáng ang cagandaha't catamisa'y walâ pang nakikitang macacawan~gis.

Hindi siya inampón n~g kinacatawan n~g may capangyarihan, nakipagsalitaan itó sa abadesa at iniwan ang monjang iyón at hindi pinakinggán ang canyáng m~ga samò at m~ga luhà. Napanood n~g monjang sinarhan ang pintô pagcalabás n~g tao, na gaya marahil n~g panonood, n~g hinatulang magdusa, n~g pagsasará sa canyá n~g pintuan n~g lan~git, sacasacali't dumating ang araw na maguiguing casíng ban~gís at mawawalán n~g damdamin ang lan~git na gaya n~g m~ga tao. Ulól daw ang monjang iyón ang sabi n~g abadesa.

Hindi marahil nalalaman n~g taong iyóng sa Maynilà'y may isáng hospicio na pinag-aalagaan sa m~ga nasisira ang isip; ó bacà cayà namán ipinalálagay niyáng ang convento n~g m~ga monja'y isáng ampunan n~g m~ga ulól na babae, bagá man hinahacang may catatagáng camangman~gan ang taong iyóng upáng macapagpasiya cung sirà ó hindi ang pag-iisip n~g isáng tao.

Sinasabi rin namáng baligtád ang ipinasiya n~g general J. n~g canyáng mabalitaan ang nangyaring iyón; tinangcâ niyáng tangkilikin ang ulól na babae caya't hinin~gî niyá itó.

N~gunit n~gayó'y waláng humaráp na sino mang dalagang cagandagandahang waláng umampón, at hindi itinulot n~g abadesang dalawin at tingnán ang convento, at sa ganitó'y tumutol siyá sa pan~galan n~g Religión at n~g m~ga Santong Cautusán sa Convento.

Hindi na mulíng napagsalitaanan pa ang nangyaring iyón, at gayón din ang tungcól sa cahabaghabag na si María Clara.

=WACAS ÑG PAGSASAYSAY.=

TALABABA:

[282] 2 n~g Enero n~g 1883. _(Paunawa ni Dr. José Rizal.)_