Part 46
Bagá man hindi nasisirà ang catahimican n~g bayan, sa paimbabáw man lamang, n~guni't naliligalig ang capayapaan n~g bahay, tulad sa nangyayari sa isang lawà: bagá man nakikitang patag at waláng anó mang alon ang dacong ibabaw, n~guni't sa ilalim ay gumágamáw, nan~gagtatacbuhan at nan~gagháhabulan ang m~ga piping isdâ. Nan~gagpasimuláng nan~gagpainog-inog, wan~gis sa m~ga paró-paró, ang m~ga cruz, m~ga condecoración, m~ga galón, m~ga catungculan, m~ga caran~galan, capangyarihan, calakhán, matataas na camahalan at ibá pa, sa isáng impapawid na guintóng salapî sa m~ga matá n~g isáng bahagui n~g m~ga mámamayan. Sa isáng bahagui namán n~g m~ga mámamayang iyá'y napailangláng sa abót n~g panin~gin ang isáng alapaap na madilím, at nan~gin~gibabaw sa culay abó-abóng pinacapang-ilalim, ang maiitim na parang anino n~g m~ga rejas, m~ga tanicalâ, at pati n~g calaguimlaguim na bibitayán. Warì'y náririn~gig sa han~gin ang m~ga tanóng, ang m~ga bató, ang m~ga sigáw na pinápacnit n~g m~ga pahirap; nagagamagam ang Marianas at ang Bagumbayang cápuwâ nan~gababalot n~g isáng parang maduming pigtâ n~g dugóng culubóng: na sa culabô ang m~ga man~gin~gisdâ at ang m~ga isdâ. Ang nangyaring iyó'y iniláladlad ni Capalaran sa guniguní n~g m~ga tagá Maynilàng tulad sa m~ga tan~ging paypáy na galing sa China: napipintahan n~g itim ang isáng mukhâ; ang isá namá'y puspós n~g dorado, matitingcád na m~ga culay, m~ga ibon at m~ga bulaclac.
Naghaharì sa m~ga convento ang malakíng ligalig. Isinísingcaw ang m~ga carruaje, nan~gagdádalawan ang m~ga provincial, may lihim na m~ga pulong. Nan~gagsisiharap silá sa m~ga palacio upáng caniláng ihandóg ang caniláng tulong sa _Gobierno na na sa calakilakihang pan~ganib._ Muling napagsalitaanan ang m~ga cometa, ang m~ga pasaring, ang m~ga matutulis na pananalità, at ibá pa.
--¡Isáng _Te Deum,_ isáng _Te Deum!_--ang sinasabi n~g isáng fraile sa isáng convento;--¡at n~gayó'y sino ma'y huwag magcuculang sa pagpasacoro! ¡Hindi cacaunting cagalin~gan ang guinawâ n~g Dios, na ipakita cung gaano ang cahalagahan natin, n~gayón pa namán sa m~gá panahóng itóng totoong nápacasasamâ!
--Dahil sa ganitóng muntíng turò, marahil ay kinácagat ang canyàng m~ga labì n~g generalillong Buisit,--ang sagót namán n~g isá.
--¿Anó cayâ ang nangyari sa canyá cung hindi ang m~ga Capisanan n~g m~ga fraile?
--At n~g lalong umínam ang ating pagdiriwang, ipagbigay álam sa uldóg na tagapagluto at sa procurador ... ¡Gaudeamus (cainan) sa tatlóng araw!
--¡Amen!, ¡Amen! ¡Mabuhay si Salvi¡ ¡Mabuhay!
Ibá namán ang salitaan sa isáng convento.
--¿Nakita na ninyó? Iyá'y isáng nag-aral sa m~ga jesuita; ¡lumálabas sa Ateneo ang m~ga filibustero!--ang sabi n~g isáng fraile.
--At ang m~ga caaway n~g m~ga fraile.
--Sinabi co na: ipinapahamac n~g m~ga jesuita ang lupaíng itó, pinahahalay ang ugali n~g cabatàan; datapuwa't pinababayaan, sila't dahil sa gumuguhit sa papel n~g iláng m~ga waláng cawawaang cahig manóc cung lumilindol....
--¡At ang Dios ang nacacaalam cung papaano ang m~ga pagcacagawâ!
--Siyá n~gâ, ¿datapuwa't man~gahas cayóng sumalansang sa canila? ¡Pagca nan~gn~giníg at gumágalaw ang lahat! ¿sino ang macasusulat n~g m~ga cahig-manóc! ¡Walâ, si parì Secchi!....
At nan~gagn~gin~gitîan n~g malakíng pagpapawaláng halagá.
--¿N~guni't ang m~ga sigwá? at ¿ang m~ga bagyó?--ang tanóng n~g isá n~g matindíng paglibác;--¿hindi ba cadakidakilàan iyán?
--¡Sino mang man~gin~gisda'y nahuhulàan ang m~ga bagay na iyán!
--Pagcâ ang namiminuno'y isang halíng ... ¡sabihin mo sa akin cung anó ang anyô n~g iyong ulo, at sasabihin co sa iyó cung anó ang iyong panicad! N~guni't makikita rin ninyó cung nan~gagtatangkilican ang man~gagcacaibigan: halos hiníhin~gî n~g m~ga pamahayagang bigyán n~g isáng mitra (n~g catungculang pagca arzobispo ú obispo) si parì Salvi.
--¡At cacamtan n~gâ niyá! ¡Masusunduan niyá ang catungculang iyán!
--¿Sa acalà mo cayà?
--¡At hindi bagá! N~gayó'y ibinibigay ang catungculang iyán cahi't sa waláng cabuluháng bagay. Nacakikilala acó n~g isáng sa lalong waláng cabuluha'y nagcamit n~g mitra: sumulat n~g isáng waláng cawawaang aclát, ipinakilalang waláng caya ang m~ga _indio_ cung hindi sa m~ga gawain n~g camáy ... ¡psh! ¡matatandâ n~g pangcaraniwan!
--¡Tunay n~gâ! ¡Nacasisirà sa religión ang ganyáng caraming m~ga paglihís sa catuwiran!--ang bigláng sabi namán n~g isá;--cung may m~ga matá sana ang mitra at caniláng makita ang m~ga bao n~g ulong sa canilá'y pagpuputun~gan....
--¡Cung ang m~ga mitra sana'y pawang m~ga likhâ n~g Naturaleza,--ang dagdág namán n~g isá, na ang tinig ay lumalabas sa ilóng.--_Natura abhorret vacuum ..._
--Cayâ n~gâ cumacapit sa canilá; ¡ang pagcawaláng lamán ang sa canilá'y humahalina!--ang sagót n~g isa.
Ang m~ga itó at iba páng m~ga bagay ang m~ga sábihan sa m~ga convento, at ipinatátawad na namin sa m~ga bumabasa ang pagsasaysáy n~g m~ga ibáng m~ga upasalà na may m~ga culay político, metafísico at mahahangháng. Ating ihatid ang bumabasa sa bahay n~g isáng waláng anó mang catungculan, at sapagcá't cácauntî ang cakilala natin sa Maynilà'y doon tayo pumaroon sa bahay ni capitang Tinong, ang lalaking mapag-anyaya, na ating nakitang pinipilit anyayahan si Ibarra upáng papurihan siya n~g isáng dalaw.
Sa mayama't maluang na salón n~g canyáng bahay sa Tundó ay naroon si capitang Tinong, nacaupo sa isáng malapad na sillón, na hináhagpos ang noo't ang batoc, na may anyóng lubháng nahahapis, samantalang umíiyac at pinagwiwicaan siyá n~g canyáng asawang si capitana Tinchang, sa haráp n~g canyáng dalawáng anác na babae, na nagsisipakiníg mulâ sa isáng suloc na hindi nan~gagsisiimic, nan~gatútulig at nan~gabábagbag ang loob.
--¡Ay, Virgen sa Antipolo!--ang sigáw n~g babae.--¡Ay, Virgen del Rosario at de la Correa! ¡ay!, ¡ay! ¡Nuestra Señora de Novaliches!
--¡Nanay!--ang sa canyá'y sinabi n~g bunso sa canyáng m~ga anác na babae.
--¡Sinasabi co na sa iyó!--ang ipinatuloy n~g babae, na pagsisi ang anyô;--¡sinasabi co na sa iyó! ¡ay Virgen del Cármen, ay!
--¡N~guni't hindi ca namán nagsasabi sa akin n~g anó man!--ang ipinan~gahás isagót ni capitang Tinong na napapaiyac;--baligtád, sinasabi mo sa aking mabuti ang aking guinágawâ sa pagmamalimít co sa bahay na iyón at manatili sa pakikipag-ibigan cay capitang Tiago, sa pagcá't ... sa pagcá't mayaman ... at sinabi mo sa aking....
--¿Anó? ¿anó ang sinabi co sa iyó? ¡Hindi co sinasabi sa iyo iyán, walâ acóng sinasabing anó man sa iyó! ¡Ay! ¡cung pinakinggán mo sana acó!
--¡N~gayo'y acó ang bibigyan mong casalanan!--ang itinutol n~g masacláp na tinig, at sacâ tumampál n~g malacás sa camáy n~g sillón;--¿hindi mo ba sinabi sa aking magaling ang aking guinawâ na siyá'y aking inanyayahang cumain dito sa atin, sa pagcá't palibhasa'y mayaman ... sinasabi mong hindi dapat tayong makipagcaibigan cung di sa mayayaman lamang? ¡Abá!
--Tunay n~gang sinabi co iyán sa iyó, sa pagcá't ... sa pagcá't walâ n~g magágawâ; walâ cang guinágawâ cung hindi purihin siyá; _don Ibarra_ dito, _don Ibarra_ doon, _don Ibarra_ sa lahát n~g panig, ¡abaá! Datapuwa't hindi co inihatol sa iyong makipagkita ca sa canyá ó makipagsalitaan ca sa canyá sa pagcacapisang iyon; hindi mo maicacailà itó sa akin.
--¿Nalalaman co bang paparoon siyá roon?
--¡Abá! ¡dapat mong maalaman!
--¿Paano? ¿siyá'y hindi co man lamang nakikilala pa niyon?
--¡Aba! ¡dapat mo siyáng makilala!
--N~guni't Tinchang, ¡paano'y niyón co lamang siyá nakita, at niyón co lamang namán nárin~gig na siya'y pinag-uusapan!
--¡Aba! ¡dapat sanang nakita mo siyá n~g una, nárin~gig ang usapan tungcól sa canyá, sa pagcá't lalaki icaw, may salawal ca at bumabasa ca n~g _Diario de Manila!_--ang di mabilíng na sagót n~g asawa, casabáy n~g pagpapahatid sa canyá n~g cakilakilabot na irap.
Waláng maalamang itutol si capitan Tinong.
Hindi pa nasiyahan si capitana Tinchang sa canyáng pagwawaguíng itó'y pinacsáng siyá'y papangguipuspusín, caya't sa canyá'y lumapit na nacasuntoc.
--¿Cayâ ba nagpagál acó n~g mahabang panahón at nagtipíd n~g hindi cawasà, at n~g dahil sa iyóng cahalin~ga'y ipahamac mo ang bun~ga n~g aking m~ga pagod?--ang ipinagwica sa canyá,--N~gayó'y paririto silá't n~g icaw ay dalhín sa tapunán, huhubaran camí n~g ating pag-aarì, gaya n~g nangyari sa asawa ni ... ¡Oh, cung lalaki lamang acó! ¡cung lalaki lamang acó!
At n~g makita niyáng tumútun~go ang canyáng asawa, mulíng nagpasimulâ n~g pagtan~guyn~góy, n~guni't laguì ring inuulit:
--¡Ay, cung lalaki lamang acó! ¡cung lalaki lamang acó!
--At cung naguing lalaki icaw,--ang itinanóng sa cawacasan n~g lalaking nadadalimumot na,--¿anó sana ang gagawin mo?
--¿Anó? ¡abá!, ¡abá!, ¡abá! ¡n~gayón di'y háharap aco sa Capítan General, upáng acó'y humandóg sa pakikihamoc laban sa m~ga nanghihimagsic, n~gayón din!
--N~guni't ¿hindi mo ba nababasa ang sinasabi n~g _Diario?_ ¡Basahin mo! «Nasugpô n~g boong higpít, lacás at catigasán ang caliluháng imbî at casamâsamaan, at hindi malalao't daramdamin n~g m~ga suwail na caaway n~g Ináng Bayan at n~g caniláng m~ga cainalám, ang boong bigát at caban~gisán n~g m~ga cautusan» ... ¿nakita mo na? wala n~g himagsican.
--Hindi cailan~gan, dapat cang humaráp na gaya n~g guinawa n~g madla n~g taóng 72, at nan~gacaligtás n~ga namán.
--¡Siya n~ga! humaráp din si parì Burg....
Datapuwa't hindi natapos ang salita; tinacbó siya n~g babae at tinacpán ang canyáng bibíg.
--¡Halá! ¡sabihin mo ang pan~galang iyán at n~g bucas di'y bitayin ca sa Bagumbayan ¿Hindi mo ba nalalamang sucat na ang saysayin ang pan~galang iyan upang parusahan ca, na hindi cailangan ang gumawa pa n~g _causa?_ ¡Halá! ¡sabihin mo!
Cahi't ibiguin man ni capitan Tinong sundin ang utos n~g canyáng asawa'y hindi rin mangyayari; natatacpan ang canyang bibig n~g dalawáng camáy n~g canyáng asawa, at iniipit ang canyang maliit na ulo laban sa licuran n~g sillón, at marahil namatay sa pagcainis ang abáng lalaki cung hindi namag-itan ang isáng bagong dumatíng na tao.
Itó'y ang caniláng pinsang si Primitivo, na nasasaulo ang Amat, isáng lalaking may m~ga apat na pong taón ang gulang, malinis ang pananamit, titiyanin at may catabaan.
--_¿Quid video?_--ang bigláng sinabi;--¿anó ang nangyayari? _¿Quare?_[262]
--¡Ay, pinsan!-anáng babae na umiiyac at tumatacbong patun~go sa canyá;--ipinatawag cata, sa pagcá't hindi co maalaman cung anó ang mangyayari sa aming m~ga babae ... ¿anó ba ang hatol mo sa amin? ¡Magsalita ca, icaw na nag-aral n~g latin at m~ga _argumento_ (pakikipagmatuwiran)!..
--N~guni't bago magsalita acó, _¿Quid quaeritis? Nihil est in intellectu quod prius non fuerit in sensu; nihil volitum quin praecognitum,_[263]
At marahang naupô. Anaki mandín ang m~ga sinabing wicang latin ay may bisàng nacapagbibigay capanatagán, capuwa tumiguil n~g pagtan~gis ang mag-asawa, at nan~gagsilapit sa canyá at hinihintay sa canyáng m~ga labì ang aral, na gaya namán n~g guinágawa n~g m~ga griego n~g una cung hinihintay ang pangligtas na salita n~g «oráculo» na macapagliligtas sa canilá sa manglulusob na m~ga tagá Persia.
--¿Bakit cayó umiiyac? _¿Ubinam gentium sumus?_[264]
--Nalalaman mo na ang balità tungcol sa panghihimagsic.
--_¿Alzamentum Ibarræ ab alferesio Guardiæ civilis destructum? ¿Et nunc?_ ¿At anó? ¿May utang ba sa inyó si don Crisóstomo?
--Wala, n~guni't talastasin mong inanyayahan siyá ni Tinong na cumain dito, bumati sa canyá sa tuláy n~g España ... ¡sa liwanag n~g araw! ¡Wiwicain niláng si don Crisóstomo'y canyáng caibigan!
--¿Caibigan?--ang bigláng sinabing námamangha ang latino, at saca tumindíg, _¡amice, amicus Plato sed magis amica veritas!_[265] ¡Sabihin mo sa akin cung sino ang casacasama mo at sasabihin co sa iyo cung sino icaw! _¡Malum negotium et est timendum rerum istarum horrendissimum resultatum!_[266]
Namutla n~g catacottacot si capitang Tinong n~g canyang marinig ang gayóng caraming salitáng ang catapusá'y _um_; ang tunog na itó'y ipinalálagay niyáng masama ang cahulugan. Pinapagdaóp n~g canyáng asawa ang dalawáng camáy sa pagsamò, at nagsabi:
--Pinsan, huwag mo camíng causapin n~gayon n~g latín; talastás mo nang hindi cami m~ga filósofong gaya mo; causapin mo camí n~g tagalog ó castilà, datapuwa't hatulan mo camí n~g dapat naming gawín.
--Sayang na hindi cayó marunong n~g latín, pinsan; ang m~ga catotohanan sa latín ay casinun~galin~gan sa tagalog, sa halimbawà: _contra principia negantem fustibus est argüendum,_[267] sa latín ay isáng catotohanang tulad sa Daóng ni Noé; minsa'y guinamit co sa gawa ang bagay na iyán, ang pinangyarihan ay acó ang nabugbóg. Dahil dito, cahinahinayang na hindi cayó marunong n~g latín; sa latín ay mahuhusay na lahát.
--Camí ay maraming nalalaman namáng _oremus, parcenobis_ at _Agnus Dei Catolis,_ n~guni't n~gayó'y hindi tayo magcacáwatasan. ¡Bigyán mo n~ga n~g isáng _argumento_ si Tinong at n~g huwág siyáng bitayin!
--¡Masama ang guinawa mo, totoong cásamasamaan ang guinawa mo, pinsan, sa iyong guinawáng pakikipagcaibigan sa binatang iyan!--ang mulíng sinabi n~g latino.--Nagbabayad ang m~ga waláng casalanan sa gawâ n~g m~ga macasalanan; halos ihahatol co sa iyong gawin mo na ang iyong _testamento _(casulatang pinaglálagdaan n~g m~ga hulíng kalooban n~g isáng tao).... _¡Vae illis! Ubi est fumus ibi est ignis! Similis simili gaudet; alqui Ibarra ahorcatur, ergo ahorcaberis!_....[268]
At nagpapailing-iling na masamâ ang loob.
--¡Saturnino, anó ang nangyayari sa iyo!--ang sigáw ni capitana Tinchang, na puspós n~g tacot;--¡ay, Dios co! ¡Namatáy! ¡Isáng manggagamót! ¡Tinong, Tinonggoy!
Dumaló ang dalawáng anác na babae at nagpasimula ang tatló n~g pananambitan.
--¡Itó'y isang panghihimatáy lámang, pinsan, isáng panghihimatáy! Lalo pa sanang icatutuwâ co cung ... cung ...; datapuwa't sa cawaláng palad ay walà cung di isáng panghihimatay lamang. _Non timeo mortem in catre sed super espaldonem Bagumbayanis._[269] ¡Magdalá cayó rito n~g tubig.
--¡Huwág cang mamatáy!--ang panambitan n~g babae;--¡huwág cang mamatáy, sa pagcá't paririto silá't huhulihin icaw! ¡Ay, cung icaw ay mamatáy at saca pumarito ang m~ga sundalo, ¡ay! ¡ay!
Winiligán n~g pinsan n~g tubig ang mukha ni capitang Tinong, at pinag-saulìan itó n~g pag-iisip.
--¡Halá, huwág cayóng umiyác! _Inveni remedium,_ nasumpun~gan co na ang gamót. Ilipat natin siyá sa canyáng hihigán; ¡hala! ¡tapan~gan ninyó ang inyóng loob! nárito acó at ang lahát n~g carunun~gan n~g m~ga tao sa una.... Magpatawag cayó n~g isáng doctor;--at n~gayón din, pinsan cong babae, pumaroon ca sa capitán general at dalhán mo siyá n~g isáng handóg, isáng tanicalang guinto, isáng singsíng.... _Dadivae quebrantant peñas;_ (dumudurog n~g bató ang handóg); sabihin mong iyá'y handóg dahil sa pascó. Sarhán ninyó ang m~ga bintanà, ang m~ga pintô, at sino mang magtanóng sa aking pinsan, sabihin ninyóng may sakít na mabigát. Samantala'y susunuguin co ang lahát n~g m~ga súlat, m~ga papel at m~ga libró at n~g huwag siláng macakita n~g anó man, gaya n~g guinawâ ni don Crisóstomo. _Scripti testes sunt! Quod medicamenta, non sanant, ferrum sanat, quod ferrum non sanat, ignis sanat _[270].
--¡Oo, tanggapin mo, pinsan; sunuguin mong lahát!-ani capitana Tinchang;--nárito ang m~ga susì, nárito ang m~ga sulat ni capitang Tiago, ¡sunuguin mong lahát! Huwag ca sanang mag-iiwan n~g anó mang pamahayagang galing sa Europa, sa pagcá't totoong nacapagbibigay pan~ganib. Nárito itong m~ga _The Times_ na aking iniin~gata't n~g mapagbalutan n~g m~ga sabón at n~g m~ga damít. Nárito ang m~ga libro.
--Pumaroon ca na sa capitán general, pinsan,--aní Primitivo;--pabayaan mo acóng mag-isá. _In extremis extrema._ Bigyán mo acó n~g capangyarihan n~g isáng tagapamatnugot na romano, at makikita mo cung paano ang pagliligtás na gagawín co sa bay ... sa aking pinsáng lalaki bagá.
At nagpasimula n~g sunódsunod na pag-uutos, n~g paghalo n~g m~ga estante, n~g pagpupunit n~g m~ga papel, m~ga libró, m~ga sulat at iba pa. Hindi nalao't nag-álab sa _cocina_ ang isáng sigâ; caniláng sinibác n~g palacól ang m~ga lumang escopeta; itinapon nilá sa cumón ang m~ga cálawan~ging revolver; ang alilang babaeng ibig sanang iligpít ang cañón n~g isáng revolver at n~g magamit na hihip ay kinagalitan:
--_¿Conservare etiam sperasti, perfida?_ ¡Sa apóy!
At ipinatuloy ang canyáng pagsúnog.
At nacakita n~g isáng líbróng ang balát ay pergamino (balát n~g vaca) ay binasa niyá ang pan~galan:
«M~ga revolución n~g m~ga globo sa lan~git» (m~ga ganáp na pag-inog n~g m~ga planeta sa caniláng talagáng tinatacbuhan), na sinulat ni Copérnico; ¡pfui! _¡ite maledicti, in ignem calanis!_--ang bigláng sinabi at saca inihaguis sa nin~gas. ¡M~ga revolución at saca si Copérnico pa! ¡Patong patong na casalanan! Cung di dumatíng acó sa capanahunan ... «Ang calayaan n~g Filipinas»; ¡Tatata! ¡pagca m~ga libro! ¡Sa apóy!
At sinunog ang m~ga libróng waláng caanoano mang casamaan, na sinulat n~g m~ga taong waláng malay. Hindi man lamang nacaligtas ang nagn~gan~galang «Capitang Juan», na napacawalang sala. May catuwiran si pinsáng Primitivo: nagbabayad ang m~ga waláng casalanan sa m~ga sála n~g m~ga macasalanan.
Nang macaraan ang ápat ó limáng oras ay pinagsasalitaanan ang casalucuyang m~ga nangyayari sa isáng púlong n~g m~ga nagmámataas, sa loob n~g Maynilà. Silá'y caramihang matatandáng babae at m~ga dalagang matatandáng nacaca-ibig mag-asawa, m~ga asawa ó m~ga anác na babae n~g m~ga cawaní n~g pamahalaan, nan~gacasuot n~g báta, nan~gagpápaypay at nan~gaghíhicab. Capanayám n~g m~ga lalaki, na cawan~gis din namán n~g m~ga babaeng sa caniláng pagmumukha'y nahihiwatigan kung anó ang caniláng pinag-aralan at ang caniláng pinagbuhatan, ang isáng guinoong may catandáan na, maliit at pingcáw, na pinagpipitaganan n~g m~ga naroroon, at siyá namá'y nagpapakita sa canyáng m~ga caharap n~g isáng pagpapawaláng halagá sa canyáng hindi pag-imic.
--Ang catotohanan ay dating totoong nasususot acó sa m~ga fraile at sa m~ga guardia civil, dahil sa cagaspan~gán n~g caniláng m~ga asal,--ang sabi n~g isáng matabáng guinoong babae; n~gunit n~gayóng nakikita co ang sa canila'y pinakikinabang at ang caniláng m~ga paglilingcod, hálos aking icagágalac na pacasál sa alín man sa canilá. Macabayan acó.
--¡Gayón din ang sabi co!--ang idinagdág n~g isáng babaeng payát;--¡sáyang at n~gayo'y walâ rito ang náunang gobernador; cung siyá ang náririto'y lilinising parang «patena» ang bayang itó!
--¡At malilipol ang m~ga lahì n~g m~ga filibusterillo!
--Hindi ba ang sábiha'y marami pa ang m~ga pulóng kinacailan~gang padalhán n~g m~ga mámamayan doon. ¡Bakit hindi itápon doon ang ganyán caraming mayayabang na m~ga indio! Cung acó ang capitán general....
--M~ga guinoong babae,--anáng pingcáw;--nalalaman n~g capitán general cung anó ang canyáng catungculan; ayon sa aking nárin~gig ay totoong galit na galit siyá; sa pagcá't canyáng pinuspós n~g m~ga biyaya ang Ibarrang iyán.
--¡Pinuspos n~g m~ga biyaya!--ang inulit n~g payát na babae, na nagpápaypay n~g malaki ang poot;--¡tingnán na n~ga lamang ninyó ang pagca hindi marunong cumilala n~g útang na loob nitong m~ga indio! ¿Mangyayari bagáng silá'y ipalagáy na m~ga tao sa pagpapanayám? ¡Jesús!
--At ¿nalalaman ba ninyó ang aking nárin~gig?--ang tanóng n~g isáng militar.
--¡Tingnán natin!--¿Anó iyón?--¿Anó ang sinasabi nilá?
--Pinagtitibay n~g m~ga taong mapaniniwalaan,--anáng militar sa guitná n~g lalong malakíng hindi pag-imic n~g madlâ;--na ang lahát n~g m~ga cain~gayang iyón sa pagtatayô n~g isáng páaralan ay walâ cung di pawang catacata lámang.
--¡Jesús! ¿nakita na ninyó?--ang bigláng sinabi n~g m~ga babae, na nan~gag sisipaniwalà na sa catacata.
--Isáng sangcalan lámang ang páaralan; ang bantà niyá'y magtayô n~g isáng cutà, at n~g buhat doo'y macapan~ganlóng cung silá'y lusubin na namin....
--¡Jesús! ¡pagcálakilaking cataksilan! Ang isáng indio n~ga lámang ang tan~ging macapagtátaglay n~g ganyáng pagcaimbiimbíng m~ga isipan,--ang bigláng sinabi n~g babaeng matabâ. Cung acó ang capitán general, nakita sana nilá ... nakita sana nilá....
--¡Gayón din ang sabi co!--ang bigláng sinabi namán n~g babaeng payát na ang pingcáw ang kinacausap. Dáracpin co ang lahát n~g abogadillo, cleriguillo, mán~gan~galacal, hindi co na pagagawán pa n~g _causa_ at silá'y aking itatapon ó ipadádalá sa ibáng lupaín. ¡Bawa't masamâ'y bunutin patí n~g ugát!
--¡Abá, sabihana'y castilà ang magugulang n~g filibusterillong iyán!--ang pahiwatig n~g pingcáw na hindi tumitin~gin can~gino man.
--¡Ah, gayón palá!--ang sinabing mariin n~g hindi masiyahang babaeng matabâ;--¡cailán ma'y ang m~ga halûan ang dugô! ¡sino mang indio'y hindi nacawawatas n~g panghihimagsic! ¡Mag-alagà ca n~ga namán n~g m~ga uwác! ¡mag-alagà ca n~ga namán n~g m~ga uwác!...
--¿Nalalaman ba ninyó ang narin~gig cong salitaan?--ang itinanóng n~g isáng babaeng halûan ang dugô (mestiza), na sa gayóng paraa'y pinutol ang salitaan.--Ang asawa raw ni capitáng Tinong ... ¿naaalaala ba ninyó? iyong may-ari n~g bahay na ating pinagsayawan at hinapunan niyóng fiesta sa Tundó....
--¿Iyón bang may dalawáng anác na babae? ¿at anó?
--¡Abá, ang babaeng iyó'y bagong caháhandog n~gayóng hapon sa capitán general n~g isáng singsíng na isáng libong piso ang halagá!
Lumin~gón ang pingcáw.
--¿Siyá n~ga ba? ¿at bakit?--ang tanóng na numíningning ang m~ga matá.
--Ang sabi raw n~g babae, iyón daw ay bigáy niyáng papascó....
--¡Isáng buwán pa muna ang lálampas bago dumating ang pascó!
--Marahil nan~gan~ganib na bacá lagpacán siya n~g sigwá ...--ang pahiwatig n~g babaeng matabâ.
--At caya siyá'y cumúcubli,--ang idinugtóng n~g babaeng payát.
--Ang pagsasanggaláng cahi't hindi pinúpucol nino man ay pagpapakilalang tunay na may casalanan.
--Iyán n~ga ang sumasaisip co; tinamaan ninyó ang sugat.
--Kinacailan~gang tingnáng magalíng iyán,--ang hiwatig n~g pingcáw;--nan~gan~ganib acóng baca riyá'y may nacáculong na pusà.
--¡Nacáculong na pusà! iyán n~ga! iyán n~ga sana ang sasabihin co!--ang inulit n~g babaeng payát.
--At acó,--ang sinabi namán n~g isáng babae, na umagaw n~g pananalita sa payát;--ang asawa ni capitang Tinong ay napacaramot ... hanggá n~gayo'y hindi pa tayo pinadádalhan n~g anó mang hangdóg, gayóng tayo'y napaparoon na sa canyáng bahay. Tingnán ninyó, pagcá ang isáng maramot at macamcam ay nagbibitiw n~g isang handóg na isáng libong piso'y ...
--¿N~guni't totoó ba iyán?--ang tanóng n~g pingcáw.
--¡At napacatotoo! ¡at napacatunay! sinabi sa aking pinsáng babae n~g nan~gin~gibig sa canyá, na ayudante n~g capitán general. At hálos ibig cong acalaing ang singsíng na iyón ang suot n~g pan~ganay n~g araw n~g cafiestahan. ¡Siya'y lagui n~g batbát n~g m~ga brillante!
--¡Siyá'y isáng tindahang lumalacad!
--Isáng paraan din namáng magalíng upáng macapagbilí, na gaya rin n~g alin man sa ibáng m~ga paraan. Nang huwag n~g bumilí pa n~g isáng tautaohan ó bumayad pa n~g isang tindahan....
Linisan n~g pingcáw ang pulong na iyon sa pamamag-itan n~g isáng dahilán.
At n~g macaraan ang dalawáng oras, n~g nan~gatutulog na ang lahát, tumangáp ang iláng namamayan sa Tundo n~g isáng anyaya sa pamamag-itan n~g m~ga sundalo ... Hindî mapabayáan n~g Punong may capangyarihang ang m~ga tan~ging táong m~ga mahal at may m~ga pag-aari ay matulog sa caniláng báhay, na hindi magalíng ang pagcacain~gat at bahagya na ang lamig: ang pagtulog sa Fuerza n~g Santiago at iba pang m~ga bahay n~g gobierno'y lálong tiwasáy at nagsasaulì n~g lacas. Casama sa m~ga táong itóng pinacamamahal ang caawa-awang si capitang Tinong.
TALABABA:
[262] ¿Anó ang aking nakikita? ¿bakit?
[263] ¿Anó ang itinatanong ninyó? ¿Waláng ano mang linalaman n~g pag ìisip na hindi muna nagdaan sa pakiramdam. Hindi ninanais ang hindi nakikilala.
[264] ¿Sinong m~ga tao ang ating capanayam?
[265] Caibigan, aking caibigan si Platon, n~guni't lalong caibigan co ang catotohanan.
[266] Masama ang nangyayari at nan~gan~ganib acóng baca magcaroon n~g cakilakilabot na wacás.
[267] Sa pamamag-itan n~g hampás, ang pakikipagmatuwiran sa tumátangguì n~g pagkilala n~g m~ga catuwiran.