# Noli Me Tangere

## Part 42

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/noli-me-tangere-20228/index.md

--¡Abá! ikinatutuwa co; sa ganyá'y hindi acó mag-iisá. May dalá acóng baraja; pagcarin~gig co n~g unang tugtóg ay maglálagay acó sa canilá n~g _aldur_; sa icalawáng tugtóg ay maglálagay namán acó n~g _gallo_; ang m~ga barajang gumagaláw ay iyán ang m~ga baraja n~g m~ga patáy, na kinacailan~gang agawin sa pamamag-itan n~g pananagâ. ¿May dalá rin po ba cayóng baraja?

--¡Wala!

--¿At paano?

--Magaang; cung paano ang paglalagáy ninyó sa canilá n~g bangcâ; hinihintay cong silá namán ang maglálagay n~g bangcâ sa akin.

--¿At cung hindi maglagáy n~g bangcâ ang m~ga patáy?

--¿Anó ang gagawin? Hindi pa ipinag-uutos na sapilitang magsúsugal ang m~ga patáy....

Sandalíng hindi silá nag-imican.

--¿Cayó po ba'y naparitong may sandata? ¿Paano ang inyóng gágawing pakikiaway sa m~ga patáy?

--Sa pamamag-itan n~g aking m~ga suntóc,--ang isinagót n~g pinacamalaki sa canilá.

--¡Ah, diablo, n~gayón co naalaala! hindi tumátayâ ang m~ga patáy pagca may higuít sa isá ang bilang n~g m~ga buháy, at tayo'y dalawá.

--¿Siyá n~ga po ba? n~guni't áayaw acóng umalís.

--Acó ma'y gayón din, nan~gan~gailan~gan acó n~g salapi,--ang isinagót n~g pinacamaliit; n~guni't gawín natin ang isáng bagay: magsugál tayong dalawá, at ang matalo'y siyáng umalís.

--Halá ...--ang isinagót n~g isá na may cauntíng samâ ang loob.

Pumasoc silá't humanap sa gayóng nag-aagaw n~g dilim at liwanag n~g isáng lugar na lalong nauucol; hindi nalao't nacásumpong silá n~g isáng baunang bató at doon silá naupô. Kinuha n~g pinacapandác sa canyáng salacót ang baraja, at nagpanin~gas namán ang isá n~g fósforo.

Sa ilaw ay nagtin~ginan ang isá't isa, datapuwa't ayon sa pag-aanyô n~g canícaniláng mukha'y hindi nan~gagcacakilalanan. N~guni't gayón man, sa pinacamataás at tinig macalalaki ay makikilala natin si Elías, at sa pinacamaliit ay si Lucas, dahil sa pílat niyá sa pisn~gí.

--¡Alsahín po ninyó!--ang winica nitó, na hindi nálilin~gat n~g pagmamasíd sa caharáp.

Itinabí ang iláng butóng nakita sa ibabaw n~g libin~gang bató't saca nag-_andar_ n~g isáng alás at isáng cabayo. Pinagsunodsunód ni Elías ang pagpapanin~gas n~g fósforo.

--¡Sa cabayo!--anyá,--at n~g magcatanda'y nilagyán n~g isáng bun~gô n~g tadyáng.

--¡Juego!--aní Lucas,--at sa icaapat ó icalimang _carta_ ay lumabás ang isáng alás.

--Natalo cayó,--ang idinugtóng;--n~gayó'y pabayaan po ninyóng acó'y mag-isáng humanap n~g pagcabúhay.

Umalís si Elías na hindi nagsabi n~g catagâ man lamang, at nawala sa guitna n~g cadilimán.

Nang macaraan ang ilang minuto'y tumugtóg ang á las ocho sa relós n~g simbahan, at ipinahayag n~g campana ang oras n~g m~ga caluluwa; n~guni't hindi inanyayahan ni Lucas makipagsugál sa canyá ang sino man, hindi tinawagan ang m~ga patáy, na gaya n~g iniaatas n~g pamahiin; ang guinawá'y nagpugay at bumulóng n~g ilang panalan~gin, nagcruz n~g boong cataimtimang tulad sa marahil guinágawa rin sa sandaling iyón n~g puno n~g Cofradía n~g Santísimo Rosario.

Nagpatuloy ang pag-ambón sa boong magdamág. Pagca á las nueve n~g gabi'y madilím na ang m~ga daan at wala n~g taong lumalacad; ang m~ga farol n~g lan~gis na dapat ibitin n~g bawa't namamayan sa tapat n~g canilang bahay, bahagya n~g nacaliliwanag sa pabilóg na isáng metro ang luwang: tila mandin inilagáy ang m~ga ilaw na iyó't upang makita ang carilimán.

Naglálacad n~g paroo't parito sa magcabicabilang dulo n~g daang malapit sa simbahan ang dalawáng guardia civil.

--¡Maguináw!--ang sabi n~g isá sa wicang tagalog na may puntóng bisayà; hindi tayo macahuli n~g isá man lamang sacristan, waláng gágawa n~g casiraan n~g culun~gán n~g manóc n~g alferez ... Nan~gadalà dahil sa pagcápatay doon sa isá; nacayáyamot sa akin itó.

--At sa akin,--ang isinagót n~g isá;--sino ma'y waláng nagnanacaw; datapuwa't salamat sa Dios at ang sabiha'y na sa bayan daw si Elías. Ang sabi n~g alferez ay ang macahuli raw sa canyá'y máliligtas sa palò sa loob n~g tatlóng buwán.

--¡Aa! Nasasaulo mo ba ang canyáng m~ga _señas_?--ang tanóng n~g bisaya.

--¡Mangyari bagá! ang taás ay matangcád ayon sa alferez, catatagán ayon sa cay padre Dámaso; maiitím ang m~ga matá, catatagán ang ilóng, catatagán ang bibíg, waláng balbás, maitim ang buhóc....

--¡Aa! ¿at ang m~ga tan~ging _señas_?

--Maitím ang barò, maitím ang salawal, mán~gan~gahoy....

--¡Aa! hindi macatatacas, tila nakikinikinita co na siyá.

--Hindi co siyá pagcacamal-an sa ibá, cahi't macatulad niyá.

At ipinagpatuloy n~g dalawáng sundalo ang caniláng pag-_ronda._

Mulíng natatanawan na namán natin sa liwanag n~g m~ga farol ang dalawáng aninong nagcacasunod na lumalacad n~g boong pag-iin~gat. Isáng mabalasic na _¿quién vive?_ ang siyáng nagpahintô sa dalawá, at sumagót ang nauna n~g _¡España!_ na nan~gan~gatal ang tinig.

Kinaladcád siyá n~g m~ga sundalo at siyá'y dinalá sa farol upáng siyá'y kilalanin. Siyá'y si Lucas, n~guni't nan~gag-aalinlan~gan ang m~ga sundalo at nan~gagtatanun~gan sa tin~ginan.

--¡Hindi sinasabi n~g alferez na may pilat!--anáng bisayà sa sabing marahan.--¿Saán ca paroroon?

--Magdádala acó n~g pamisa upang gawín bucas.

--¿Hindi mo ba nakikita si Elías?

--¡Hindi co po siyá nakikilala, guinoó!--ang sagót ni Lucas.

--¡Hindi co itinátanóng sa iyo cung siyá'y nakikilala mo, ¡tan~ga! cami ma'y hindi namin siyá nakikilala; itinátanóng co sa iyó cung siyá'y nakita mo!

--Hindi pô, guinoo.

--Pakinggán mong magalíng, sasabihin co sa iyó ang canyáng m~ga _señas_. Ang taás ay cung minsa'y matangcád, cung minsa'y catatagán; ang buhóc at ang m~ga matá'y maiitim; at ang lahát n~g m~ga ibá pa'y pawang m~ga catatagán,--anáng bisayà.--¿Nakikilala mo na siyá n~gayón?

--¡Hindi po, guinoó!--ang isinagót ni Lucas na natútulig.

--¡Cung gayó'y _¡sulong!_ hayop, burro!--At ipinagtulacan siyá nilá.

--¿Nalalaman mo ba cung bakin ang acala n~g alferez ay matangcád si Elías at ang acalà naman n~g cura'y catatagán lamang ang taás?--ang itinanóng na nag iisip-isip n~g tagalog sa bisayà.

--Hindi.

--Sa pagcá't nacabaón sa pusáw ang alférez n~g siyá'y mámatyagan, at ang cura namá'y nacatayô.

--¡Siyá n~gâ!--ang bigláng sinabi n~g bisaya; mainam ang pag-iisip mo ... ¿bakit ca nagguardia civil?

--Hindi capagcaraca'y guardia civil acó; acó'y dating contrabandista,--ang isinagót n~g tagalog na nagpapahan~ga.

N~guni't silá'y linibáng n~g isá pang anino: sinigawán nilá itó n~g ¿quién vive? at bago dinalá nilá sa ilaw. N~gayó'y si Elías na n~gâ ang siyáng sa canilá'y humaharap.

--¿Saán ca paroroon?

--Akin pong hinahabol, guinoó, ang isáng taong humampás at nagbalà sa aking capatíd na lalaki; ang taong iyó'y may pílat sa mukhá't nan~gn~ga~ngalang Elías ...

--¿Há?--ang bigláng sinabi n~g dalawá at nan~gagtin~ginang nagsisipanghilacbót.

At pagdaca'y nan~gagtacbuhang ang tun~go'y sa simbahang sasandali pa lamang na pinaroonan ni Lucas.

=LIII.=

=IL BUON DI SI CONOSCE DA MATTINA.=

Maagang cumalat sa bayan ang balitang may nakitang m~ga ilaw sa libin~gan n~g gabing nacaraán.

May sinasabi ang punò n~g V.O.T. (Venerable Orden Tercera) na m~ga candilang may ilaw at cung paano ang anyô at cung gaano ang caniláng m~ga lakí, datapuwa't ang hindi matucoy ay ang bilang, n~guni't may nabilang siyáng hanggáng dalawampô. Hindi dapat atimín ni hermana Sipa, na caanib sa Cofradía n~g Santísimo Rosario, na ang macapagyabáng lamang na nacakita n~g biyayà n~g Dios na itó'y ang isáng na sa hermandad (capatiran) na caaway; sinabi namán ni hermana Sipa, cahi't hindi malapit doon ang canyáng tinátahanan, na siyá'y nacárin~gig n~g m~ga daíng at hibíc, at hanggáng sa tila mandín canyáng nakikilala ang tinig n~g tan~ging m~ga tao, na n~g unang panahó'y canyáng naca ..., datapuwa't alang-alang sa pag-ibig sa capuwa taong atas sa binyaga'y hindi lamang canyáng pinatatawad, cung di namán canyáng ipinananalan~gin at inililihim ang caniláng m~ga pan~galan, at dahil dito'y pagdaca'y pinapagtitibay na siyá'y santa. Hindi totoong matalas ang tain~ga, ang catotohanan, ni hermana Rufa, n~guni't hindi dapat tiisin niyáng narin~gig ang bagay na iyón ni hermana Sipa't siyá'y hindi, at dahil dito'y nanaguinip siyá at sa canyá'y humarap ang maraming m~ga caluluwa, hindi lamang n~g m~ga taong patáy na, cung di namán n~g m~ga buhay; hiníhin~gi n~g m~ga caluluwang silá'y bahaguinan n~g m~ga indulgenciang canyáng maliwanag na itinátala't pinacaiin~gatan. Masasabi niyá ang m~ga pan~galan sa m~ga familiang nan~gan~gailan~gan, at wala siyáng hiníhin~gi cung di isáng muntíng limós upáng isaclolo sa Papa, sa m~ga pan~gan~gailan~gan nitó.

Isáng batang ang hanap-buhay ay mag-alaga n~g m~ga hayop, na nan~gahás magpatibay na wala siyáng nakita liban na lamang sa isáng ilaw at dalawáng táong nan~gacasalacot, nahirapang lubha upang macaligtás sa m~ga hampás at m~ga lait. Nawaláng cabuluháng siyá'y manumpâ, na canyáng casama ang canyáng m~ga calabaw at silá ang macapagsasabi:

--¿Durunong ca pa sa m~ga celador at sa m~ga hermana, _paracmason,_ hereje?--ang siyáng caniláng sinasabi sa canyá't siya'y iniirapan nilá.

Nanhíc ang cura sa púlpito at inulit ang sermón tungcól sa Purgatorio, at muli na namáng lumabas ang m~ga pipisohin sa canicaniláng kinatataguan.

N~guni't pabayaan natin muna ang m~ga caluluwang nan~gaghihirap, at pakinggán natin ang salitaan ni don Pilipo at n~g matandáng Tasio, na may sakit at nag-íisa sa canyáng maliit na bahay. Malaon nang hindi bumaban~gon sa canyáng kinahihigaan ang filósofo ó ulól, at nararatay dahil sa isáng panghihinang madalî ang paglubhâ.

--Ayawán, sa catotohanan, cung marapat co cayóng handugan n~g masayáng batì dahil sa pagcátanggáp sa inyó n~g inyóng pagbibitiw n~g catungculan; n~g una, n~g hindi pakinggán n~g boong cawalánghiyaan ang palagáy n~g marami sa m~ga nan~gagpupulong, sumasacatuwiran cayóng hin~gin ninyó ang pahintulot na macapagbitíw cayó n~g inyóng catungculan; n~guni't n~gayóng cayó'y nakikitalád sa guardia civíl ay hindi magalíng. Sa panahón n~g pagbabaca'y dapat cayóng manatili sa inyóng kinalalagyan.

--Tunay n~ga, datapuwa't hindi, pagca naglililo ang general,--ang sagót ni don Filipo;--talastas na po ninyóng kinabucasa'y inalpasan n~g gobernadorcillo ang m~ga sundalong aking nahuli, at nagpacatangguítangguíng gumawa n~g cahi't anó pa man. Wala acóng magawa cung walang pahintulot ang aking punò.

--Wala n~ga, cung cayó'y nag-íisa, datapuwa't malakí ang magágawa ninyó cung catulong ninyó ang m~ga ibá. Dapat sanang sinamantala ninyó ang ganitóng pangyayari upang cayó'y macapagbigáy ulirán sa ibáng m~ga bayan. Sa ibabaw n~g catawátawáng capangyarihan n~g gobernadorcillo'y naroon ang catuwiran n~g bayan; iyán sana ang pasimula n~g isáng magalíng na pagtuturò ay inyóng sinayang na di guinamit.

--¿At anó bagá caya ang aking magágawa sa kinacatawán n~g m~ga malíng pananalig? Tingnan po ninyó't nariyan si guinoóng Ibarra, na napilitang makisang-ayon sa m~ga pananampalataya n~g caramihan, ¿inaacalà ba ninyóng siyá'y naniniwalà sa «excomunión»?

--Ibá ang inyóng calagayan cay sa canyá; ibig ni guinoóng Ibarrang magtaním, at upang magtaním ay kinacailan~gang yumucód at tumalima sa cahilin~gan n~g catawán; ang catungculan po ninyó'y magpagpág, at upang magpagpág ay nan~gan~gailan~gan n~g lacás at nin~gas n~g loob. Bucod sa rito'y hindi dapat gawín ang pakikitalád laban sa gobernadorcillo; ang marapat sabihi'y: laban sa lumalabis sa paggamit n~g lacás, laban sa sumisira n~g catahimican n~g bayan, laban sa nagcuculang sa canyáng catungculan; at sa ganitó'y hindi n~ga cayó mag-iisá, palibhasa'y ang bayan n~gayó'y hindi na gaya n~g nacaraáng dalawampóng taón.

--¿Sa acala po caya ninyó?--ang tanóng ni don Filipo.

--¿At hindi po ninyó nararamdaman?--ang isinagót n~g matandang ga humilig na sa kináhihigan;--¡ah! palibhasa'y hindi pô ninyó nakita ang panahóng nagdaan, hindi ninyó mapagcucurocurò ang bun~ga n~g pagparito n~g m~ga tagá Europa, n~g m~ga bagong aclát at n~g pagpasá Europa n~g m~ga kinabataan. Pag-isip-isipin ninyó't pagsumagsumaguin: tunay n~ga't nananatili pa ang Real at Pontificia Universidad n~g Santo Tomás, sampô n~g canyáng carunungdun~gang claustro, at pinapagsasanay pa ang iláng m~ga nag-aaral sa pagtatatág n~g m~ga «distingo» (pagkilala n~g caibhán) at bigyán n~g panghulíng ningníng ang m~ga catalasan n~g pagmamatuwiran tungcól sa iglesia, n~guni't ¿saán pô ninyó makikita n~gayón yaóng m~ga kinabataang mawilihíng sásalicsic n~g metafísica, panís n~g m~ga dunong, na sa capapahirap sa pag-iisip ay namamatay sa marayang m~ga pagbabalacbalac sa isáng suloc n~g m~ga lalawigan, na hindi matapustapos unawain ang m~ga saguisag n~g «ente», hindi macuhang masunduan ang liwanag n~g «esencía» (tining) at n~g «existencia» (búhay) cataastaasang palaisipang nagpapalimot sa atin n~g lalong kinacailan~gang maalaman: n~g nauucol sa ating cabuhayan at sariling calagayan? ¡Tingnán po ninyó ang cabataan n~gayón! Sa puspós na casiglahan n~g caniláng loob sa pagcákita sa lalong malayong tan-awin, silá'y nan~gag-aaral n~g Historia, Matemáticas, Geografía, Literatura, m~ga dunong sa Física, m~ga wicà n~g ibá't ibáng lahi, m~ga bagay na lahát na nang panahón nati'y ating dinírin~gig n~g malakíng pan~gin~gilabot na parang m~ga heregía; ang lalong mahiliguín sa calayaan n~g isip n~g panahón co'y pinapagtitibay na mababang-mababa ang m~ga dunong na iyán sa m~ga minana cay Aristóteles at sa m~ga pátacaran n~g «silogismo». Sa cawacasa'y napag-unawa n~g taong siyá'y tao; pínabayaan ang pagsisiyasat sa calagayan n~g canyáng Dios, ang pakikialam sa hindi matangnán, sa hindi nakita, at ang paglalagdá n~g alituntunin sa m~ga panaguinip n~g canyáng panimdim; napagkilala n~g taong ang canyáng minana'y ang malawac na daigdíg, na macacaya niyáng pagharian; na sa canyáng pagcapagál sa isáng gáwaing waláng cabuluhá't palalò, tumun~gó't pinagmasídmasíd ang lahát nang sa canyá'y nacaliliguid. Pagmasdán pô ninyó n~gayón cung paano ang pagsílang n~g ating m~ga poeta; binúbucsan sa ating unti unti n~g m~ga Musa n~g Naturaleza ang caniláng iniin~gatang m~ga cayamanan at nagpápasimulâ n~g pagn~giti sa atin upáng tayo'y bigyáng siglá sa pagpapatulò n~g pawis. Naghandóg na n~g m~ga unang bun~ga ang m~ga dunong na nagbúhat sa m~ga pinagdanasan; culang na lamang n~gayón ang lubós na pacabutihin n~g panahón. Naaalínsunod ang m~ga bagong abogado n~gayón sa m~ga bagong balangcás n~g Filosofia n~g Càtuwirán; nagpápasimulà na ang ilán sa canilá n~g pagníngning sa guitna n~g carilimáng nacaliliguid sa luclucan n~g m~ga tagapa-unawa n~g cagalin~gan, at nahihíwatigan na ang pagbabago n~g lacad n~g panahón. Pakinggán po ninyó cung paanong manalitâ n~gayón ang m~ga cabataan, dalawing po ninyó ang m~ga páaralang pinagtuturuan n~g m~ga dunong, at ibá n~g m~ga pan~galan ang umaalin~gáwn~gaw sa m~ga pader n~g m~ga claustro, diyán sa loob n~g m~ga pader na iyá'y wala tayong máririn~gig liban na lamang sa m~ga n~galan ni Santo Tomás, Suarez, Amat, Sánchez at m~ga ibá pa, na pawang pinacasásamba n~g panahóng co. Waláng cabuluháng magsisigáw buhat sa m~ga púlpito ang m~ga fraile laban sa tinatawag niláng pagsamâ n~g m~ga ugalì, tulad sa pagsigáw n~g m~ga magtitindá n~g isdâ, laban sa cacuriputan n~g m~ga mamimili, na hindi nilá napagkikilalang ang calacal nilá'y bilasâ na't waláng cabuluhán! Waláng cabuluháng ilaganap n~g m~ga convento ang caniláng mahahabang galamáy at m~ga ugat sa han~gád na inisín sa m~ga bayan ang bagong agos; pumapanaw na ang m~ga diosdiosan; mangyayaring mapapamayat n~g m~ga ugat n~g cahoy ang m~ga halamang doo'y itinatanim, datapuwa't hindi mangyayaring macaamís n~g buhay sa ibáng nan~gabubuhay, na gaya na n~ga n~g m~ga ibong napaiilangláng sa calan~gitán.

Masimbuyó ang pananalitâ n~g filósofo; nagníningning ang canyáng m~ga matá.

--Datapuwa't maliit ang bagong sibol; cung man~gagcáisa ang lahát, ang pagsúlong na totoong napacamahal ang ating pagbili'y mangyayaring caniláng mainís,--ang itinutol ni don Filipo na áayaw maniwala.

--Inisin siya, ¿nino? ¿n~g tao bagâ, iyáng pandác bang masasactín ang macaíinis sa Pagsulong, sa macapangyarihang anác n~g panahón at n~g casipagan? ¿Cailán bagá nagawâ niyá ang gayón? Lalò n~g itinulac siyá sa paglaganap n~g m~ga nan~gagpupumilít na siyá'y piguílin sa pamamag-itan n~g m~ga pinasasampalatayan, n~g bibitayán at n~g pinagsusunugang sigâ. _E por si muove_, (at gayón ma'y gumágalaw), ang sinasabi ni Galileo n~g pinipilit siyá n~g m~ga dominicong canyáng sabihing ang lupa'y hindi gumagalaw; ang gayóng salitá'y iniuucol sa pagsulong n~g dunong n~g tao. Mapipilit ang iláng m~ga calooban, mapápatay ang iláng m~ga tao, n~guni't itó'y waláng cabuluhán: magpapatuloy n~g paglacad sa canyáng landás ang Pagsulong, at sa dugô n~g m~ga mabulagtá'y bubucal ang m~ga bago't malalacás na m~ga suwi. Pagmasdán po ninyó ang m~ga pamahayagan man, cahi't ibiguing magpacátiratira sa cahulihulihan, gayón ma'y humáhacbang n~g isá sa pagsulong n~g laban sa canyáng calooban; hindi macatacas sa pagtupad sa ganitóng atas ang m~ga dominico man, caya't caniláng tinutularan ang m~ga jesuita, na cánilang m~ga caaway na cailán ma'y hindi macacasundô: gumágawâ silá n~g m~ga casayahan sa caniláng m~ga claustro, nan~gagtátayô n~g m~ga maliliit na m~ga teatro, nag-áanyô-anyô n~g m~ga tulâ, sa pagcá't palibhasa'y hindi silâ culang sa catalinuhan, bagá man ang boong isip nilá'y nan~gabubuhay pa silá sa icalabinglimáng siglo, napagkikilala niláng sumasacatuwiran ang m~ga jesuita, at silá'y makikialam pa sa daratníng panahón n~g m~ga batang bayang caniláng tinuruan.

--Ayon, sa sabi ninyó'y ¿caalacbáy ang m~ga jesuita sa paglacad n~g Pagsulong?--ang tanóng na nagtátaca ni don Filipo;--cung gayo'y ¿bakit silá'y minamasamâ n~g m~ga tagá Europa?

--Cayó po'y sasagutín co n~g catulad n~g m~ga nag-aaral n~g tungcól sa Iglesia n~g una,--ang isinagót n~g filósofo, na mulíng nahigâ at pinapanag-uli ang canyáng pagmumukháng palabiro;--sa tatlóng paraán mangyayaring macaacbay sa Pagsulong: sa dacong unahán, sa dacong taguiliran at sa dacong hulihán; ang m~ga nan~gun~guna'y siyáng namamatnugot sa canyá; ang nan~gasa taguilira'y cusang napadadala na lamang, at ang nan~gahuhuli'y pawang kinácaladcad, at sa m~ga kinácaladcad na itó nasasama ang m~ga jesuita. Ang ibig sana nilá'y silá ang macapamatnubay sa Pagsulong, n~guni't sa pagcá't nakikita niláng itó'y malacás at ibá ang m~ga hilig, silá'y nakikisang-ayon, at lalong minamagalíng niláng silá'y makisunod cay sa silá'y tahaki't yapacan, ó mátira caya sa guitna n~g marilím na daán. N~gayón po'y tingnán ninyó, tayo rito sa Filipinas ay may m~ga tatlóng siglo, ang cauntian, ang ating pagcáhuli sa _carro_ n~g Pagsulong: bahagya pa lamang nagpápasimula tayo n~g pag-alis sa «Edad Media» (476 hanggáng 1453); caya n~ga ang m~ga jesuita na nasa Europa'y larawan n~g pag-urong, cung pagmasdan dito'y larawan n~g Pagsulong; cautan~gan n~g Filipinas sa canilá ang bagong umúusbóng na pagdunong, ang m~ga dunong na catutubò n~g daigdíg (Ciencias Naturales), na siyáng cáluluwa n~g siglo XIX, na gaya namang cautan~gán sa m~ga dominico ang Escolasticismo (filosofía n~g Edad Media), na namatáy na cahi't anóng pagpipilit na gawín ni León XIII: waláng Papang macabuhay na mag-ulî sa binitay na n~g catutubong bait ... Datapuwa't ¿saán náparoon ang ating salitaan?--ang itinanóng na nagbago n~g anyô n~g pananalita;--¡ah! ang pinag-uusapan nati'y ang casalucuyang calagayan n~g Filipinas ... Siyá n~ga, n~gayó'y pumapasoc tayo sa panahón n~g pakikitunggalì, malî acó, cayó; nauucol na sa gabí camíng nan~gaunang ipinan~ganác, cami'y paalís na. Ang nagtutunggali ay ang nacaraang panahóng cumacapit at yumayacap na nagtútun~gayaw sa uugaugâ n~g malaking bahay na bató n~g m~ga macapangyarihan, at saca ang panahóng sasapit, na náririn~gig na buhat sa malayò ang canyáng awit n~g pagwawagui, sa m~ga sinag n~g isáng namamanaag n~g liwaywáy, tagláy ang Bagong Magandáng Balita na galing sa m~ga ibáng lupaín ... ¿Sinosino caya ang man~gatitimbuang at mababaon sa pagcaguhò n~g náguiguibang bahay?

Tumiguil n~g pananalitâ ang matandáng lalaki, at n~g makita niyang siyá'y tinititigan ni don Filipong nagninilaynilay, ngumitî at mulíng nagsalitâ:

--Halos nahuhulaan co ang iniisip po ninyó.

--¿Siyá n~ga pô ba?

--Iniisip po ninyóng magaang na totoóng mangyaring acó'y nagcacamalì,--ang sinabing n~gumin~gitî n~g malungcót;--n~gayó'y may lagnát acó at hindi namán acó maipalalagay na hindi namamali cailán man: _homo sum et nihil humani a me alienum puto,_ ani Terencio; n~guni't cung manacánaca'y itinutulot ang managuinip, ¿bakit bagá't hindi mananaguinip acó sa m~ga hulíng sandalî n~g buhay? At bucód sa roo'y ¡pawang panaguinip lamang ang aking naguíng buhay! Sumasacatuwiran pô cayó; ¡panaguinip! waláng iniisip ang ating m~ga kinabataan cung di ang m~ga sintahan at layaw n~g catawan: lalong malaki ang panahóng caniláng ginugugol at ipinagcacapagod sa pagdayà at paglulugsô n~g isáng capurihán n~g isáng dalaga, cay sa pag-iisip-isip n~g icagagaling n~g canyáng lupang tinubuan; pinababayaan n~g m~ga babae rito sa atin ang caniláng sariling m~ga familia, dahil sa pag aalaga n~g bahay at familia n~g Dios; masisipag lamang ang m~ga lalaki rito sa atin sa nauucol sa m~ga vicio at silå'y m~ga bayani lamang sa paggawâ n~g m~ga cahiyahiyâ; námumulat ang camusmusan sa m~ga cadilimán at sa m~ga calumalumaang pinagcaratihang aayaw baguhin; pinalálampas n~g m~ga cabataan ang lalong pinacamagalíng na panahón n~g caniláng buhay na waláng anó mang mithîin, at ang m~ga may gulang na'y waláng guinágawang sucat mamun~ga n~g cagalin~gan, waláng capacanán silá cung di magpasamâ sa m~ga kinabataan sa pamamag-itan n~g caniláng masasamáng halimbawang ipinakikita ... Ikinagagalac cong acó'y mamatáy na ... _claudite jam rivos, pueri._

--¿Ibig pô ba ninyó ang anó mang gamót?--ang itinanóng ni don Filipo, upáng magbago n~g salitaang nacapagbigáy dilim sa mukhâ n~g may sakít.

--Hindî nagcacailan~gan n~g m~ga gamót ang m~ga mamamatay; cayóng m~ga mátitira ang nan~gagcacailan~gan. Sabihin pô ninyó cay don Crisóstomo na acó'y dalawin niyá bucas, may sasabihin acó sa canyáng totoong mahahalagá. Sa loob n~g iláng araw ay yayao na acó. ¡Sumásacadilimán ang Filipinas!

Pagcatapos n~g ilàng sandali pang pag-uusapa'y iniwan ni don Filipong namámanglaw at nag-iisip ang bahay n~g may sakít.

=LIV.=

QUIDQUID LATET, ADPAREBIT, NIL INULTUM REMANEBIT.

Ipinagbibigay álam n~g campana ang oras n~g pagdarasal sa hapon; tumitiguil ang lahát pagcárin~gig n~g taguinting n~g pagtawag n~g religión, iniiwan ang caniláng guinágawa't nan~gagpupugay: inihíhintó n~g magsasacáng nanggagaling sa bukid ang canyáng pag-awit, pinatitiguil ang mahinahong lacad n~g calabáw na canyáng sinásakyan, at nagdarasal; nagcucruz ang m~ga babae sa guitnâ n~g daan at pinagágalaw na magalíng ang caniláng m~ga labì't n~g sino ma'y huwag mag-alinlan~gang sa caniláng silá'y mapamintakasi; inihihintô n~g lalaki ang pag-ámac sa canyáng manóc at dinárasal ang _Angelus_ upáng sang-ayunan siyá n~g capalaran; nan~gagdárasal n~g malacás sa m~ga bahay ... nalúlugnaw, nawáwalâ ang lahát n~g in~gay na hindi ang sa _Abá Guinoong Maria_.

Gayón ma'y nagtutumulin sa paglacad sa daan ang curang nacasombrero, na anó pa't pinapagcacasala ang maraming m~ga matatandáng babae, ¡at lalo n~g nacapagcacasala! na ang tinutungo niyá'y ang bahay n~g alférez. Inacala n~g m~ga matatandáng babaeng panahón nang dapat niláng itíguil ang pagpapakibót n~g caniláng m~ga labi upáng silá'y macahalic sa camáy n~g cura; datapuwa't hindî silá pinansín ni pari Salví; hindi siyá nagtamóng lugód n~gayóng ilagáy ang canyáng mabut-óng camáy sa ibabaw n~g ilóng n~g babaeng cristiana, upáng buhat diyá'y padaus-using maimis (ayon sa nahiwatigan ni doña Consolación) sa dibdíb n~g magandáng batang dalaga, na yumúyucod sa paghin~gî n~g bendición.

¡Marahil totoong mahalagáng bagay n~gâ ang nacaliligalig sa canyáng panimdím upáng malimutan n~g ganyán ang canyáng sariling cagalin~gan at ang cagalin~gan n~g Iglesia!

