# Noli Me Tangere

## Part 35

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/noli-me-tangere-20228/index.md

Si doña Victorina'y isang guinoong babaeng may taglay n~g m~ga apat na po't limang agosto, na catumbas n~g tatlompo't dalawang abril ayon sa canyang balac sa aritmética. Maganda siya n~g panahong bata pa, malamán ang canyang catawan,--gayon ang madalas niyang sabihin--n~guni't sa canyang pagcawili sa panonood sa canyang sarili, pinawal-ang halaga niya ang maraming sa canya'y nan~gin~gibig na m~ga filipino, palibhasa'y ang minimithi niya'y ang ibang lahi. Hindi niya inibig ipagcatiwala can~gino man ang canyang maputi at maliit na camay, datapuwa't hindi sa pagcuculang tiwala, sa pagca't hindi mamacailang nagbigay siya sa ilang lagalag na m~ga tagaibang lupain at m~ga tagarito n~g m~ga pamuti at m~ga hiyas na hindi maulatan ang cahalagahan.

Anim na buwan pa muna bago dumating ang panahong sinasaysay namin n~gayon, nasunduan niyang ganap ang lalong caligaligaya niyang panaguinip, ang panaguinip n~g boong buhay niya, na dahilan dito'y pinawalang halaga niya ang m~ga pagsuyo n~g cabataan at sampo n~g m~ga pan~gacong pagsinta ni capitang Tiago na n~g una'y ibinubulong sa canyang tain~ga ó inaawit sa ilang m~ga pananapat. Lampas na n~ga sa panahon n~g masunduan niya ang canyang mithi; n~guni't palibhasa'y cahi't pamalimali'y nagsasalita si doña Victorina n~g wicang castila, at higuit cay Agustina na taga Zaragoza ang canyang pagca española, nalalaman niya yaong casabihang "Mas vale tarde que nunca" (Magaling cay sa wala ang magcamit cahi't malaon), at siya rin ang umaaliw sa sarili sa pagsasalita nito sa canya rin.--"No hay felicidad completa en la tierra" ay isa naman sa canyang laguing guinagamit na casabihan sa canyang buhay, sa pagca't hindi lumalabas sa canyang m~ga labi ang dalawang casabihang ito sa harap n~g ibang m~ga tao.

Si doña Victorinang pinagdaanan na n~g una, pan~galawa, pan~gatlo at pang-apat na cabataan sa paglaladlad n~g canyáng m~ga lambat upang mahuli sa dagat n~g daigdíg ang bagay na adhica n~g canyáng m~ga hindi pagcacatulog, sa cawacasa'y napilitang sumang-ayon sa ibig n~g capalarang sa canya'y ipagcaloob. Cung naguing tatlompo't isang abril sana ang canyáng gulang, at hindi tatlompo't dalawá,--ang layo'y totoong malaki ayon sa canyáng aritmética.--isinauli disin n~g cahabaghabag na babae sa Capalaran ang inihahandog sa canyáng huli sa lambát, upáng maghintáy n~g lalong naaalinsunod sa canyang calooban. N~guni't palibhasa'y pinapanucala n~g tao at ang pan~gan~gailan~gan ang siyáng nagpapasiya, siyáng malaki n~g lubha ang pan~gan~gailan~gan n~g asawa, napilitang magalin~gin na niyá ang isáng abang lalaki na iniabsang n~g bayang Extremadura (España), at pagcatapos na macapaglagalag sa daigdig n~g anim ó pitóng taón, Ulisis na bago, sa cawacasa'y nasumpun~gan niya sa pulo n~g Lusóng ang mapapanuluyan, salapi at isang panís n~g Calipso, na canyáng-cabiac dalandán ... ¡ay! at ang dalanda'y maasim. Tiburcio Espadaña ang pan~galan n~g caawaawa, at baga man tatlompo't limang taón ang gúlang ay tila matanda na; gayón ma'y lalong bata pa siya cay doña Victorina, na may tatlompo't dalawa lamang. Magaang maunawa ang cadahilanan nitó, n~guni't pan~ganib na sabihin.

Siya'y na pa sa Pilipinas na ang catungcula'y Oficial Quinto sa m~ga Aduana, datapuwa't totoong napacalihis ang canyang palad, na bucód sa siya'y nahilong mainam at nabalian siya n~g isang hita samantalang naglalacbay-dagat, binawian siya n~g catungculan n~g macaraan ang labing limáng araw mula n~g siya'y dumating, pagbawing sa capanahuna'y dinala sa canyá n~g "Salvadora", n~g wala na siya cahit isang cuarta man lamang.

Sa canyáng pagcadala sa dagat, hindi niya inibig umuwi sa España hanggang hindi siyá yumayaman, at inisip niyáng maghanap-buhay sa ano man. Ayaw itulot sa canyá n~g capalaluan n~g budhi n~g pagca castila ang paggugugol n~g lacas: han~gad sana n~g lalaking mamuhay siyá sa isang paraang walang icapipintas ang sino man, n~guni't ayaw ipahintulot sa canya n~g capurihan n~g m~ga castila na gugulin niyá ang lacás sa paggawa, at hindi siya mailigtas sa m~ga pan~gan~gailan~gan n~g capurihang iyón.

N~g m~ga unang araw ay nabubuhay siya sa gugol n~g ilang cababayan niya, n~guni't palibhasa'y marunong mahiya si Tiburcío, sa damdam niya'y masaclap ang canyang kinakain, caya't hindi tumataba cung di bagcos pa n~gang nan~gan~gayayat. Sa pagca't wala siyang dunong, salapi ó mataas na taong tumangkilic sa canya, inihatol sa canya n~g canyang m~ga cababayan, upang huwag na siyang macabigat pa sa pamumuhay na siya'y pa sa m~ga lalawigan at doo'y magpanggap siyang doctor sa pangagamot. N~g m~ga unang mula'y aayon sana ang lalaki, sa pagca't tunay n~ga't siya'y naguing alila sa Hospital n~g San Cárlos n~guni't wala siyang natutuhang ano man sa carunun~gan tungcol sa panggagamot: ang tungculin niya roo'y pagpagan n~g alaboc ang m~ga bangco at papagnin~gasin ang m~ga bagang pangpainit, at ito'y hindi pa, nalaon. Datapuwa't sa pagca't nalalao'y humihigpit ang caguipitan, at pinapawi n~g canyang m~ga caibigan ang m~ga pag-aalap-ap niya, pinakinggan niya sila sa cawacasan, siya'y na pa sa m~ga lalawigan, nagpasimula siya n~g pagdalaw sa ilang m~ga may sakit, at sumisin~gil siya n~g alinsunod sa inihahatol sa canya n~g sariling budhi. Datapuwa't ang nacawan~gis niya'y ang binatang filósofo na sinasabi ni Sameniego, sa cahulihuliha'y sumin~gil siya n~g mahal at linagyan niya n~g mataas na halaga ang canyang m~ga dalaw sa m~ga may sakit; dahil dito'y ipinalagay siyang dakilang manggagamot, at marahil siya sana'y yumaman, cung hindi nabalitaan n~g m~ga pan~gulong manggagagamot sa Maynila ang camalacmalac na canyang pagsin~gil at ang pakikipan~gagaw na guinagawa sa m~ga ibang manggagamot.

Namag-itan sa canya ang m~ga walang catungculan at ang m~ga profesor.--"Caibigan,--ang canilang sinabi sa maganapin sa catungculang si Dr. C.,--pabayaan na ninyong siya'y macatipon n~g caunting puhunan, at pagca may anim ó pitong libo na siya'y macaoowi na sa canyang bayan at n~g doo'y mamuhay sa capayapaan. Sa catotohana'y ¿ano ang guinagawa sa inyong masama? ¿na canyang dinaraya ang m~ga hindi marunong mag-in~gat na m~ga "indio"? Sila'y magpacatalino. Siya'y isang caawaawa; huwag po ninyong alisin sa canyang bibig ang pagcain; cayo sana'y mag-asal mabait na castila!"

¿Palibhasa'y mabait n~gang castila ang doctor, napahinuhod siyang magwalang malay n~g cagagawang iyon; n~guni't sa pagca't dumating sa tain~ga n~g bayan ang gayong balita, nagpasimula n~g pagcuculang tiwala sa canya, at hindi nalao't wala n~g pagamot cay don Tiburcio Espadaña at sa ganito'y napilitan na namang halos magpalimos n~g kinakain sa araw-araw. N~g panahong iyo'y nabalitaan sa isang caibigan niya, na naguing matalic namang caibigan ni doña Victorina, ang malaking pan~gan~gailan~gan n~g asawa n~g guinoong babaeng ito, ang canyang pagsinta sa bayang España at ang cagandahan n~g canyang puso. Natanawan ni don Tiburcio roon ang isang capilas na lan~git, at ipinakiusap na siya'y ipakilala cay doña Victorina.

Nagkita si doña Victorina't si don Tiburcio. ¡"Tarde venientibus ossa," ang biglang sinabi marahil ni don Tiburcio cung marunong sana siyá n~g latin! Si doña Victorina'y di na masasabing maaariari pa, tunay na di na maaari; nauwi na lamang ang canyáng malagong buhóc sa isang pusód, na ayon sa sabi n~g canyáng alilang babae'y ang ulo n~g bawang ang nacacasinlaki raw, ang m~ga culubót n~g canyang mukha'y tulad sa dinaanan n~g araro at nagpapasimula na n~g pag-uga ang canyang m~ga n~gipin, nan~gagdaramdam na rin naman ang canyáng m~ga matá, at malaki na ang ipinagdamdam, caya't kinacailan~gan na niyáng ga ipikit na n~g caunti upang macakita sa dacong may calayuan; ang caugalian na lamang niya ang tan~ging sa canya'y natira.

Nan~gagcaunawaan n~g matapos ang calahating horas na pagsasalitaan, at nan~gagtanggapan sila. Dahil sa ang ibig niya ang isang castilang hindi napacapiláy, hindi totoong utal, hindi lubháng upawin, huwag napaca bun~gi ang m~ga n~gipin na huwag mapacalabis ang pananambulat n~g laway cung nagsasalita, at magcaroon sana n~g lalong malaking licsi at "categoria", na gaya n~g caraniwan niyang sabihin; n~guni't ang ganitóng m~ga bagay na castila'y hindi lumapit cailan man sa canyá upang ipakiusap na sa canya'y pacasal. Hindi miminsang canyang narin~gig na "la ocasión la pintan calva" (ilinalarawang walang buhoc sa ulo ang magaling na pagcacataon), at inacala niyá n~g taimtim sa loob na si don Tiburcio'y siyang tunay na magaling na pagcacataon, sa pagca't salamat sa m~ga gabíng lubhang mapighating canyáng dinaanan, maagang nangyayari sa canyá ang pagcapanot n~g ulo. ¿Sino ang babaeng hindi matalino sa icatatlompo't dalawang taóng gulang?

Nagdamdam naman si don Tiburcio, sa ganang canyá, n~g hindi mawatasang pamamanglaw n~g canyáng dilidilihin ang m~ga unang buwan n~g canyang pag-aasawa na ang caraniwa'y nagtatamasa n~g boong catamisan. N~guni't caniyang taglay ang pagsang-ayon sa sawing capalaran, at humin~gi siyang saclolo sa pag-aalaala sa dinaanan at dinaraanan pang gutom cung sacali. Cailan man ay hindi niya inisip ang luman~goy sa yaman ó magtamo n~g mataas na catungculan, magagaang na camtan ang canyang m~ga adhica n~g loob, hindi malalawac ang canyáng m~ga mithi; datapuwa't ang canyang pusong virgen pa n~g m~ga panahong iyón ay naghan~gad n~g ibang nacasisintahing lubhà.--Doon sa canyang cabataan, cung pagal na siya sa cagagawa, pagcatapos na magawa niyá ang dukhang paghapon, nagpapahin~galay siya sa masamang hihigán upáng tunawin ang "gazpacho", at natutulog siyang ang napapanag-inip ay isang larawang nacan~giti at mapagbigay layaw. Pagcatapos, n~g maragdagan ang m~ga sama n~g loob at m~ga casalatan, nagdaan ang m~ga taón at hindi dumating ang calugodlugod na larawan, ang inisip na lamang niya'y ang isang mabait na babae, masipag, mabuting mamahay, na macapagdala sa canya n~g caunting salapi sa pagcacasal, macapagbigay aliw sa canya sa m~ga pagal n~g paggawa at manacanacang siya'y cagalitan.--¡tunay, ipinalalagay niyang isang caligayahan ang m~ga pag-aaway n~g mag-asawa! Datapuwat n~g siya'y mapilitang maglagalag sa bayanbayan, na ang hinahanap niya'y hindi na ang cayamanan cung hindi caunti man lamang caguinhawahan sa pamumuhay sa panahon canyang ipinananatili pa sa daigdig; n~g pucawin sa canya ang pag-asang macakikita n~g caguinhawahan n~g m~ga balibalitang bigay sa canya n~g canyang m~ga cababayang galing sa cabilang ibayo n~g dagat, lumulan siya sa isang sasacyang tun~go sa Filipinas, pinapamugad n~g layon sa canyang dibdib ang isang calugodlugod na mestiza, sa isang magandang india na may malalaking matang maitim, napuputos n~g sutla at m~ga nan~gan~ganinag na m~ga damit, tiguib n~g taglay na m~ga brillante at guinto at iniaalay sa canya ang pagsinta, ang m~ga coche, at iba pa. Dumating sa Filipinas at ang boong acala niya'y nasunduan na niya ang caganapan n~g canyang panag-inip, sa pagca't tinititigan siya n~g may halong pagtataca n~g m~ga dalagang nacasacay sa m~ga cocheng plateadoong nagpapasial sa Luneta at Malecón. Datapuwa't n~g siya'y bawian n~g catungculan, nawala sa canyang panimdim ang mestiza ó ang india, at linikha naman niya n~g boong hirap ang larawan n~g isang bao, n~guni't isang baong calugodlugod. Caya n~ga't n~g makita niyang naguiguing catotohanan ang isang bahagui n~g canyang panaguinip, siya'y namanglaw n~guni't palibhasa'y taglay niya ang caunting catutubong pagsangayon sa ano mang nangyayari, sinabi niya ang sa canyang sarili: ¡"Yao'y wala cung di isang panaguinip lamang, at sa daigdig ay hindi nabubuhay sa panaguinip"! Sa ganito'y binibigyan niyang capasiyahan ang canyang m~ga pag-aalinlan~gan: gumagamit siya n~g galapong n~g bigas, pshe! cung macasal na sila'y ipag-uutos na niyang huwag gumamit; na marami n~g culubot ang balat, n~guni't ang levita niya'y lalo n~g maraming guisi at m~ga sursi, na yao'y isang matandang babaeng mapagyabang, mapagpasuco at asal lalaki, datapuwa't ang gutom ay lalo n~g asal lalaki, lalo n~g mapagpasuco at lalo pa manding mapagyabang, at bucód sa roo'y caya n~ga naman catutubo na niya ang pagcamatimyas na ugali, at ¿sino ang nacacaalam? binabago n~g pagsinta ang m~ga caasalan; na totoong masamang man~gastila, siya man nama'y hindi rin magaling man~gastila, ayon sa sinabi sa canya n~g puno n~g Negociado n~g ipagbigay alam sa canya ang sa canya'y pagbawi n~g catugculan, at bucod sa roo'y ¿ano baga iyon? ¿na ang babaeng iyo'y isang matandang pan~git at catawatawa? ¡siya nama'y pilay, wala n~g n~gipin at saca panot pa! Lalong minamagaling pa ni don Tiburcio ang siya'y mag alaga cay sa siya'y alagaan sa pagcacasakit sa gútom. Pagca linilibac siyá n~g alin mang caibigan niyá, ito ang canyáng isinasagot: "Bigyan mo aco n~g pagcain at tawaguin mo acong tan~gá".

Si don Tiburcio'y isa riyan sa caraniwang sinasabing hindi gumagawa n~g masama cahi't sa isang lan~gaw: mahinhin at walang cayang magtaglay n~g isang masamang caisipan, siya disi'y nagmisionero n~g m~ga unang panahón. Hindi nangyaring nacapanagumpay sa canya ang lubos na paniniwala n~g malaking cataasan, n~g dakilang camahalan at mataas na cahalagahang sa loob n~g ilang linggo'y cumacapit sa calooban n~g pinacamalaking bahagui sa canyang m~ga cababayan. Hindi nagcasiya cailan man sa canyang puso ang magtanim n~g galit; hindi pa siya nacasusumpong n~g isa man lamang na "filibustero"; wala siyang nakikita cung hindi m~ga haling na isip na kinakailan~gang agawan n~g pagcabuhay, sacali't aayaw na maguing halíng pa cay sa canila. N~g pag-acalaang siya'y pag-usiguin sa harap n~g m~ga hucuman dahil sa pagpapanggap niya n~g pagca manggagamot, hindi siya naghinanakit, hindi siya dumaing; kinikilala niya ang catuwiran, at ito lamang ang canyang isinasagót: ¡Datapuwa't kinacailan~gang mabuhay!

Sila n~ga'y napacasal ó nagsiluan ang isa't isa[260], at na pa sa Santa Ana sila at n~g doon nila lasapin ang catimyasan n~g unang buwan n~g bagong casal; n~guni't n~g gabi n~g sa canila'y pagcacasal, nagcasakit si doña Victorina, dahil sa catacottacot na hindi pagcatunaw n~g kinain; si don Tiburcio'y napasalamat sa Dios, nagpakitang siya'y mairog at maiguing mag-alaga. Gayón man, n~g icalawang gabi'y ipinakilala niyáng siya'y lalaking marunong magmahal sa capurihan, at n~g manalamin siya n~g kinabucasan, n~gumiti n~g boong calungcutan hanggang sa ipakita niya ang canyang m~ga n~gidn~gid na walang n~gipin: ang cauntia'y may sampong taón ang canyang itinanda.

Sa lubhang malaking pagcalugod ni doña Victorina sa canyang asawa, ipinagpagawa niya siya n~g magagaling na m~ga n~giping nailalagay at naaalis, ipinag-utos sa lalong magagaling na m~ga sastre sa ciudad na igawa ang canyang asawa n~g lalong magagaling na m~ga casuutan; bumili n~g m~ga araña at m~ga calesa; nagbilin sa Batan~gan at sa Albay n~g lalong magagaling na m~ga "pareja" n~g m~ga cabayo, at hanggang sa pinilit niya si don Tiburciong magcaroon n~g dalawang cabayong handa sa m~ga tacbuhang darating.

Samantalang binabago niya ang calagayan n~g canyang asawa'y hindi niya nililimot ang canyang sariling catawan: canyang iniwan ang sayang sutla at ang barong pinya at ang guinamit niya'y ang pananamit europea; inihalili niya sa madaling gawing puyod n~g m~ga filipina ang magdarayang m~ga "flequillo", at sa pamamag-itan n~g canyang m~ga pananamit na cagulatgulat ang sa canya'y hindi pagcabagay, binigyang niyang ligalig ang capayapaan n~g tahimic at walang guinagawang m~ga mamamayan.

Ang canyang asawang cailan ma'y hindi umaalis na naglálakad,--(aayaw si doña Victorinang makita ang capilayan n~g canyang asawa),--dinádala siya sa m~ga lugar na walang tao, bagay na ikinahahapis na totoo ni doña Victorina, palibhasa'y ang ibig niya'y maipagparan~galan ang canyang asawa sa lalong hayag na m~ga paseo: n~guni't hindi siya umiimic sa pagpipitagan niya sa m~ga unang buwan n~g catamisan n~g m~ga bagong casal.

Nagpasimula ang pagbabawas n~g timyas n~g canilang pagsasama, n~g acalain n~g canyang asawang siya'y pakiusapan tungcol sa "polvos de arroz" (galapong n~g bigas) at sabihin sa canyang yao'y daya at hindi catutubo; pinapagcunot ni doña Victorina ang canyang m~ga kilay, at siya'y tinitigan sa m~ga n~giping nailalagay at naaalis. Hindi na umimic ang lalaki, at napagwari n~g babae cung alin ang pangpahina sa canya n~g loob.

Hindi nalao't ang isip niya'y siya'y nagdadalang tao na, at canyang ipinamalita ang gayong bagay sa lahat n~g canilang m~ga caibigan:

--Acó at si de Espadaña'y cami pasasa "Peñinsula" sa buwang darating; aayaw acong ipan~ganac dito ang aming anac at tatawaguing "revolucionario".

Nilagyan niya n~g isang "de" ang apellido n~g canyang asawa; hindi pinagcacagugulan n~g ano man ang "de"; n~guni't nacapagbibigay "categoria" (camahalan sa pan~galan). Cung pumifirma siya'y ganito ang inilalagay niya sa sariling pan~galan: Victorina de los Reyas "de" de Espadaña; ang "de" de Espadañang ito ang siyang ikinasisira n~g canyang isip; bagay na hindi nangyaring naalis sa canyang ulo n~g litografong gumawa n~g canyang m~ga tarjeta at n~g cahi't canyang asawa.

--Cung isa lamang "de" ang aking ilalagay, mawiwicang talagang wala cang "de", ¡haling!--ang sinabi sa canyang asawa.

Walang licat ang canyang pamamalita n~g guinagawa niyang m~ga paghahanda sa paglalacbay, pinagsicapan niyang isaulo ang m~ga pan~galan n~g m~ga duon~gang dinaraanan n~g m~ga sasacyang patun~go sa España, at nacalulugod na pakinggan siya sa pananalita:--"Aking makikita ang ismo n~g canal ni Suez; sinasabi ni De Espadañang siya raw lalong maganda, at nalibot ni De Espadaña ang boong daigdig. "--" Marahil ay hindi na aco uuwi dito sa lupain n~g m~ga taong gubat, "--" Hindi aco ipinan~ganac upang matira aco sa lupaing ito; lalo pang nababagay sa akin ang Aden ó Port Said: musmos pa aco'y gayon na ang aking caisipan," at iba pa. Pinagbabahagui ni doña Victorina ang daigdig, sa canyang "geografía," sa Filipinas at España, na naiiba naman sa m~ga chulo (m~ga taong han~gal sa Madrid) na binabahagui ang daigdig sa España at America ó China sa ibang pan~galan.

Nalalaman n~g canyang asawang ang ilang sa m~ga bigay na iyo'y m~ga cahalin~gan, n~guni't hindi umiimic at n~g huwag siyang masigawan at maipamukha sa canya ang canyáng cautalan. Nagpacunwari si doña Victorinang siya'y naglilihi, at nagpahumaling sa pagsusut n~g m~ga damit na sarisari ang m~ga culay, nagbalot n~g m~ga bulaclac at n~g m~ga sintas at nagpapasial na nacabata sa Escolta, datapuwa't ¡oh casaliwaang palad! nagdaan ang tatlong buwan at nalugnaw ang panag-inip, at sa pagca't wala n~g dapat ipan~gilag upang huwag maguing revolucionario ang anac na lalaki, hindi na niya ipinatuloy ang paglalacbay. Ang kinahiligan nama'y ang pagtatanong sa m~ga manggagamot, m~ga hilot, m~ga matatandang babae't iba pa, datapuwa't nawalang cabuluhan; siyang aayaw pasaclolo sa can~gino mang santo ó santa, at canyang nililibac si San Pascual Bailon, bagay na totoong ikinahahapis ni capitang Tiago; caya n~ga't sa canya'y sinabi n~g isang caibigan n~g canyang asawa:

Maniwala po cayo sa akin, guinoong babae, cayo po ang bugtong na may "espiritu fuerte" (matapang na diwa) sa nacayayamot na lupang ito!

Siya'y n~gumiti baga man hindi niya nauunawa cung ano ang "espiritu fuerte" at pagcagabi, sa oras n~g pagtulog, itinanong cung ano ang cahulugan niyon sa canyang asawa.

--Guiliw co,--ang isinagot nito,--ang nalalaman cong e ... espiritu fuerte ay ang "amoniaco;" isang "re ... retórica" (bulaclac n~g pananalita) lamang marahil ang sinabi n~g aking caibigan.

Buhat niyó'y sinasabi niya cailan ma't maaari:

--Aco ang bugtong na amoníaco sa lubhang nacayayamot na lupaing ito, sa pananalitang retórica; gayon ang sinabi ni Guinoong N. de N., peninsular na totoong mataas ang "categoria".

Ang bawa't maibigan niyá'y kinacailan~gang gawin; totoong napasuco niyang lubos ang canyang asawa, na hindi naman nagpakita n~g malaking pagsalangsang sa canya, na ano pa't naguing cahalimbawang tunay n~g isáng ásong maliit na sumusunod sa bawa't maibigan ni doña Victorina. Cung guinagalit siya'y hindi pinahihintulutang siya'y macapagpasial, at cung totoong siya'y pinapagn~gin~gitn~git, inaagaw cay don Tiburcio ang postizong m~ga n~gipin at pinababayaan siyang magmukhang cagulatgulat sa isa ó ilang araw caya, ayon sa maisipan.

Naisipan ni doña Victorinang dapat maguing doctor sa Medicina at sa Cirugía ang canyang asawa, at ipinaunawa niya cay don Tiburcio ang bagay na ito.

--¡Guiliw co! ¿ibig mo bang aco'y dacpin?--ang tanong na nagugulat.

--¡Huwag ca sanang báliw, pabayaan mo't aco ang nacacaalam!--ang isinagót,--hindi ca manggagamot can~gino man, datapuwa't ibig cong tawaguin ca nilang doctor acó'y doctora, ¡halá!

At kinabucasa'y tumanggap si Rodoreda n~g biling iukit sa isang losa n~g maitim na mármol ang ganito: Dr. DE ESPADAÑA, ESPECIALISTA EN TODA CLASE DE EMFERMEDADES (manggagamot na tan~gi sa lahat n~g bagay na sakít).

Ipinag-utos sa lahat n~g m~ga lingcód nila sa bahay na itawag sa canilá ang canilang m~ga bagong titulo, at dahil dito'y naragdagan ang bilang n~g m~ga flequillo, cumapál ang pahid na polvos de arroz, at dumami ang m~ga cintas at ang m~ga encaje, at lalo n~g tiningnang n~g malaking pagpapawalang halaga ang canyang m~ga aba at culang palad na m~ga cababayang babae, na ang m~ga asawa'y mababa ang camahalan cay sa canyang asawa. Bawa't araw na magdaan ay nararamdaman niyang lalong naguiguing mahal at lalong tumataas siya, at cung magpapatuloy ang gayong calacarán, paguiguing isang taó'y sasapantahain na niyang siya'y calahi n~g Dios.

Hindi nacahahadlang ang m~ga dakilang caisipang itó, na hanggang nagdaraan ang araw ay lalo siyang tumatanda at lalong nagmumukhang catawatawa. Cailan mang masasalubong niya si capitáng Tiago at maaalaala niyang nawalang cabuluhan ang pan~gin~gibig sa canya nitó, pagdaca'y nagpapadala siya n~g piso sa Simbahan sa pamisa, bilang pasasalamat. Gayón ma'y iguinagalang na totoo ni capitang Tiago ang canyang asawa dahil sa título na pagca manggagamot sa lahat n~g bagay na sakít, at canyang pinakíkinggang magaling ang m~ga ilang salitang canyang naipan~gun~gusap dahil sa canyang cautalán. Dahil dito, at dahil sa hindi dumadalaw ang manggagamot na ito sa can~gino man, hinirang siya ni capitang Tiago upang siyang gumamot sa canyang anac na babae.

Cung tungcól sa binatang Linares ay iba na. N~g gumagayac n~g pagpasa España, inacala ni doña Victorina ang maglagay n~g isáng tagapan~gasiwáng castila, sa pagca't walang tiwala siya sa m~ga filipino naalaala n~g canyang asawa ang isang pamangking na sa Madrid, na nag-aaral n~g pag-aabogado at ipinalalagay na siyang pinacamatalas ang caisipan sa lahat n~g m~ga magcacamag-anac sinulatan n~ga siya, na ipinagpauna ang bayad sa sasacyan n~g pagparito, at naglalacbay-dagat na siyang dito ang tumpá, n~g mapugnaw ang pananag-inip tungcol sa pagdadalang tao.

Ang tatlong guinoong ito ang siyang bagong cararating.

Samantalang cumacain sila n~g pan~galawang agahan, dumating si pari Salví, at sa pagcá't siyá'y cakilala na n~g mag-asawa, ipinakilala nila sa canyá, sampo n~g m~ga tagláy na carapatán n~g binátang si Linares, na nagdamdam cahihiyan.

Ayon sa caugalia'y si María Clara ang siyáng pinag-usapan; ang dalaga'y nagpapahin~galay at natutulog. Napagsalitaanan ang tungcol sa paglalacbáy: ipinagparan~galan ni doña Victorina ang canyang catabilán sa pagpintas sa m~ga tagalalawigan, sa canilang m~ga bahay na pawid, sa canilang m~ga tulay na cawayan, na hindi kinalimutang sabihin sa cura ang pagca sila'y m~ga caibigan n~g Segundo Cabo, n~g Alcaldeng si gayón, n~g Oldor na si ganyán, n~g Intendente at iba pa, m~ga táong pawang matataas na totoong naaalang-alang sa canila.

--Cung naparito po sana cayo camacalawa, doña Victorina,--ang isinunód ni capitang Tiago, pagcatapos n~g isáng sandaling pagtahimic n~g usapan,--inyó po sanang nacatagpo ang marilag na Capitan General: diyan siya nacaupo.

--¿Anó? ¿Paano? ¿Naparito ba ang capitang General? ¿At dito sa inyong bahay? ¡Casinun~galin~gan!

--¡Sinasabi co po sa inyong diyan siya nacaupo! Cung naparito pó sana cayó camacalawa....

