# Noli Me Tangere

## Part 30

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/noli-me-tangere-20228/index.md

--¡Lumayô cayó!--ang mulíng isinigáw na nagbabalà ang tinig; ¿anó? ¿nan~gan~ganib ba cayóng dumhám co ang aking camáy n~g maruming dugó? ¿Hindî ba sinabi co na sa inyóng tiwasay na tumitiboc ang aking pusô? ¡Lumayò cayó sa amin! ¡Pakinggan ninyó m~ga sacerdote, m~ga hucóm, na ang boong acalà ninyo'y hindî cayó cawan~gis n~g ibáng m~ga tao at nagbibigáy cayó sa inyóng sarilí n~g ibáng m~ga catuwiran! Ang aking amá'y isáng taong may malinis na capurihán, ipagtanóng ninyó diyan sa bayang lubós na iguinagalang ang pagaalaala sa canyá. Ang aking amá'y isáng mabait na mayaman: inihandóg niyá ang canyáng pagpapacahirap sa akin at sa icagagaling n~g canyáng bayan. Laguing bucás ang canyáng báhay, laguing handâ ang canyáng dulang sa taga-ibang lupain ó sa pinapanaw sa canyáng kinaguisnang lupâ, na sa udyóc n~g caralitaa'y tumatacbó sa canyá! Siya'y mabuting cristiano: lagui n~g guinagawâ niyá ang cagalin~gan at cailan ma'y hindî siyá umapí sa mahinang naguiguipit at hindî siyá humabág sa na sa malakíng carukhaan.... Binucsán niyá sa taong sumasadálitâ ang m~ga pintuan n~g canyáng bahay, pinaupô niyá at pinacain sa canyáng dúlang at canyáng pinan~galanang caibigan. ¿Anó ang pagtumbás na sa canyá'y guinawâ? Siya'y pinaratan~gan, pinag-usig, pinapanandata n~g laban sa canyá ang camamangman~gan at siya'y pinag-usig hanggang sa libin~gang pinagpapahin~galayan n~g m~ga patáy. At, hindî pa nagcacasiyà sa ganitóng m~ga gawa'y ¡pinag-uusig naman n~gayon ang anác na lalaki! Aco'y tumacas sa canyá, iniílagan cong siya'y aking macaharap ... Nárinîg ninyó siyá caninang umaga na hindî pinagpacundan~ganan ang púlpito, idinalirî acó sa halíng na pananampalataya n~g m~ga taong han~gál sa bayan, n~guni't hindî acó umimíc. N~gayo'y naparito't aco'y hinahamit; nagtiis acó sa hindî pag-imíc na inyóng pinangguilalasán, datapuwa't mulíng linait ang lalong pinacamamahal n~g lahát n~g m~ga anác sa caibuturan n~g caniláng alaala ... Cayóng m~ga nariritó, m~ga sacerdote, m~ga hucóm, ¿nakita baga ninyó ang pagpapacacasipag sa paggawâ n~g matandâ ninyóng amá, at n~g masunduan ang inyóng icagagalíng, mamatay sa hapis ang amáng iyán sa isáng bilangguan, na nagbubuntong hinîn~gà sa pagmimithíng cayo'y mayacap; na humahanap n~g isáng taong sa canyáng umalíw, nag iísa, may sakít, samantalang cayo'y na sa ibáng lupain?... ¿Narinig ba ninyó pagcatapos na siniraan n~g purì ang canyáng pan~galan, nasumpun~gan baga ninyóng waláng laman ang sa canya'y pinaglibin~gan n~g pumaroon cayó at ang talagà ninyo'y manalan~gin sa ibábaw n~g baunang iyón? ¿Hindî? ¿Hindî cayó umiímïc? ¡cung gayo'y hinahatulan ninyóng tunay n~gâ siyáng masamâ!

Inian~gat ang bísig; datapawa't malicsíng tulad sa cabilisán n~g sinag n~g liwanag, pagdaca'y napaguîtnâ ang isáng dalaga at piniguil n~g canyáng linalic na camáy ang mapaghigantíng bîsig: ang dalagang iyo'y si María Clara.

Tiningnan siyá ni Ibarra n~g isáng titig na wari'y nan~gan~ganîno ang casiraan n~g ísip. Untî unting lumuag ang pagcahawac n~g m~ga naninigás na m~ga dalirì n~g canyáng m~ga camáy at pinabayaang lumagpac ang catawan n~g franciscano't ang sundang, tinacpán ang mukha't tumacas na sinagal ang caramihang tao.

=XXXV.=

=MGA SALISALITAAN.=

Pagdaca'y lumaganap sa bayan ang balita n~g nangyaring iyón. N~g bagobago'y ayaw maniwalâ sino man, n~guni't sa pan~gan~gailan~gang pahinuhod sa catotohanan, nan~gag-iinaman ang lahat sa pagsigáw n~g pagtatacá.

Bawa't isa'y nagbubulaybulay alinsunod sa abót n~g cataasan n~g canicaniláng calinisan n~g budhî.

--¡Si párì Dámaso'y namatáy!--ang sabihan n~g m~ga iilán;--n~g itindíg nilá siya'y naliligó ang canyáng mukhâ n~g dugô at hindî humihin~gà.

--¡Magpahin~galay nawâ siyá sa capayapaan, n~guni't waláng guinawâ sa canyá cung dî papagbayarin lamang n~g canyáng utang--ang malacás na sabi n~g isáng binatà--Wariin ninyóng waláng sucat maipan~galan sa guinawâ niyá caninang umaga sa convento.

--¿Anó ba ang guinawâ? ¿Mulì bang sinuntóc ang coadjutor?

--¿Anó ba ang guinawâ? ¡Ating tingnán! ¡Sabihin mo sa amin!

--¿Nakita ba ninyó n~g umagang itó ang isáng mestizong castílà na lumabás sa dácong sacristía samantalang nagsésermon?

--¡Oo! ¡oo n~gâ, siya'y nakita namin! Pinagmasdán siyá ni párì Dámaso.

--Ang nangyári'y ... pagcatapos n~g sermón, siyá'y ipinatáwag at tinanóng cung anóng dahil sa siyá'y lumabás.--"Hindî pô acó maálam n~g wicang tagálog, padre",--ang isinagót.--"¿At bakìt ca nanglibác, na sinabi mong wicang griego iyón?"--ang isinigáw sa canyá ni párì Dámaso, at tuloy sinampál siyá. Gumantí ang bináta, nagpanuntóc ang dalawá, hanggáng sa silá'y pinag-awatanan.

--¡Cung sa akin mangyari ang gayóng bágay!...--ang ibinulóng n~g márahan n~g isáng estudiante.

Hindî co minamagalíng ang guinawâ n~g franciscano,--ang idinugtóng namán n~g isá,--sa pagca't hindî dapat ipagpilitan ang Religióng párang isáng parusa ó isáng pahirap; datapuwa't hálos ikinatútuwâ co, sa pagca't nakikilala co ang binátang iyán; siyá'y tagá San Pedro Macatí at maigui siyáng magwicang tagálog. N~gayo'y ibig niyáng siyá'y ipalagáy na bágong gáling sa Rusia, at ipinagmámapuri ang pagpapacunuwaríng hindî niyá nalalaman ang wícà n~g canyáng m~ga magugúlang.

--Cung gayó'y ¡linílikhâ silá n~g Dios at silá'y nan~gagsusuntucan!

--Gayón ma'y dápat táyong tumútol sa cagagawáng iyán,--ang sábing malacás n~g isáng estudiante namán;--ang dî pag-imíc ay párang isáng pag-sangáyon, at ang guinawáng iyó'y mangyayaring gawín namán sa alín man sa átin. ¡Nanunumbalic táyo sa m~ga panahón ni Nerón!

--¡Nagcácamalî ca!--ang tútol n~g isá;--¡si Nerón ay isáng dakîlang artista, at si párì Dámaso'y isáng casamasamaang magsesermón!

Ibá namán ang salisalitaan n~g m~ga táong may catandaan na.

Samantalang hiníhintay nilá sa isáng maliit na bahay, na na sa labás n~g báyan ang pagdatíng n~g Capitán General, itó ang sinasabi n~g Gobernadorcillo:

--Hindî n~gâ bágay na magaáng sabíhin cung síno ang may catuwíran at cung síno ang walâ, datapuwa't cung nacapagmunimuni sána si guinoong Ibarra....

--¿Cung nagcaroón sána si párì Dámnaso n~g calahatî man lámang n~g pagmumunimuni ni guinóong Ibarra, ang talagáng ibig pô ninyóng sabihin maráhil?--ang isinalábat ni don Filipo,--Ang casamaa'y nagpalít silá n~g catungcúlan: ang bátà ang nag ásal matandâ at ang matandâ ang nag-ásal bátà.

--¿At ang sabi pô ninyo'y walâ síno mang dumalô upáng silá'y awatin, liban na lámang sa anác na babáe ni cápitang Tiago?--ang tanóng ni cápitang Martín. ¿Sino man sa m~ga fraile, cahi't ang Alcalde man lámang? ¡Hm! ¡Lálò pa n~gang masama! Hindî co nanasaing aking casapitan ang calagayan n~g binatâ. Sino ma'y walang macapagpapatawad sa gayóng sa canyá'y pagcatácot. ¡Lálò pa n~gang masama! ¡Hm!

--¿Sa acalà cayâ ninyó?--ang tanóng ni cápitang Basilio, na totoong malakí ang han~gad na macatalastas.

--Umaasa acó,--ani don Felipong nakipagsulyápan cay cápitang Basilio,--na hindî siyá pababayaan n~g bayan. Dápat náting alalahanin ang guinawâ n~g canyáng m~ga magugúlang at ang canyáng casalucúyang guinágawâ n~gayon. At sacali't hindi umimic ang bayan, dahil sa pagcatacot, ang canyang m~ga caibiga'y....

--N~guni, m~ga guinoo,--ang isinalabat n~g gobernadorcillo,--ano baga ang ating magagawa? ¿ano ang magagawa n~g bayan? Mangyari ang ano mang mangyari'y ang m~ga fraile ang siyang "lagui" n~g na sa catuwiran!

--"Lagui" na silang na sa catuwiran, sa pagca't "lagui" n~g binibigyang cabuluran natin sila; minsan man lamang ay magbigay tayong catuwiran sa ating sarili, at pagsacagayo'y saca tayo mag-usap!

Kinamot n~g gobernadorcillo ang canyáng ulo, tumin~gala sa bubun~gan at saca nagsalita na ang tinig ay masaclap:

--¡Ay! ang ínit n~g dugo! Tila mandin hindî ninyo nalalaman ang lupaíng kinalagayan natin; hindî ninyo nakikilala ang m~ga cababayan natin. Ang m~ga fraile'y mayayaman at nan~gacacaisa; tayo'y nagcacáwasac wasác at m~ga dukha. ¡Siya n~ga! ¡ticman ninyong siya'y inyóng ipagmalasakit, at makikita ninyóng cayo'y pababayaan n~g ating m~ga cababayang mag-isa sa m~ga sagutin!

--¡Siyá n~ga!--ang biglang sinabi ni don Filipo n~g boong sacláp,--mangyayari n~ga ang gayon samantalang ganyan ang pinagiisip, samantalang totoong nagcacahawig ang tacot at ang pagiin~gat. Lalo pang pinapansin ang isáng capahamacáng hindî pa nalalaman cung mangyayari n~ga, cay sa kinacailan~gang pagcápacagaling; pagdaca'y dinaramdam ang tácot, sa hindî ang pananalig; bawa't isá'y walang iniisip cung dî ang ganang canya, sino ma'y hindî nag-iisip n~g ganang sa m~ga ibá, caya mahihinà táyong lahát!

--Cung gayo'y isípin na muna ninyo ang sa ganáng m~ga ibá, at bago ninyó isipin ang sa ganáng inyó, at makikita ninyó cung paáno ang pagpapabayang sa inyó'y gagawin. ¿Hindi ba ninyó nalalaman ang casabihang castilà: "na nag-pasimula sa saríling catawán ang mahúsay na pagcacaawang gawâ"?

--Ang lálong magalíng na inyóng masasabi--ang sagot na pagalit n~g teniente mayor--na nagsisimulá ang mahusay na caruwagan sa malabis na pag-ibig sa sariling catawan, sa nawawacasan sa pagcawala n~g cahihiyan! N~gayón di'y ihaharap co sa Alcalde ang pagbibitiw n~g aking catungculan; bundat na acó n~g paglagay sa cahihiyan, na canino ma'y wala acong nagagawang cagalin~gan. ¡Paalam!

Iba naman ang m~ga panucala n~g m~ga babae.

--¡Ay! ang buntóng hinin~ga n~g isáng babae na ang anyó'y mabait;--¡cailán ma'y ganyán ang m~ga cabataan! Cung nabubuhay ang canyang mabait na ina'y ¿anong sasabihin? ¡Ay, Dios! Pagca napag-iisip co na maaaring magcaganyan din ang áking anác na laláki, na mainit din namán ang úlo ...¡ay Jesús! halos pinananaghilian co ang canyáng nasirang iná..,¡mamamátay acó sa dalamháti!

--N~guni't acó'y hindî ang sagót namán n~g isáng babáe,--hindî acó magdadalamháti cung sacali't magcacaganyan din ang áking dalawáng anác na laláki.

--¿Anó pô ang sinasabi ninyo, capitana Maria?--ang sabing malacás n~g unang babáeng nagsalita, na pinagduduop ang m~ga camáy.

--Ibig cong matuto ang m~ga anác na nagsasanggaláng n~g capurihan n~g namatay n~g m~ga magugúlang nilá, capitana Tinay; ¿ano pô ang wiwicain ninyo cung isáng araw na cayo'y bao na márinig ninyóng pinaguupasalaan ang inyóng asawa, at itun~gó n~g inyóng anác sa Antonío ang úlo at huwag umimic?

--¡Ipagcacait co sa canyá ang aking bendicion!--ang sabing malacas n~g pan~gatlóng babae, na ito'y si hermana Rufa--datapuwa't....

--¡Hindî co maipagcacait ang aking bendición cailan man!--ang isinalabat n~g mabait na si capitana Tinay;--hindî dapat sabihin n~g isáng iná iyan ...datapuwa't hindî co maalaman ang aking gagawin ... hindî co maalaman ... sa acalà co'y acó'y mamámatay..siyá'y ...¡hindi! ¡Dios co! datapuwa't hindî co na marahil iibiguing muling makita co pa siya ... ¿n~guni't cung anó-anó ang m~ga iniisip ninyó, capitana Maria?

--Datapuwa't gayón man,--ang dugtóng ni hermana Rufa,--hindî dapat limuting isang malaking casalanan ang magbuhat n~g camáy sa isang taong "sagrado."

--¡Lalò n~g "sagrado" ang pagmamalasakit sa capurihán n~g namatáy na m~ga magugúlang!--ang itinútol ni capitana Maria.--¡Waláng macapagwáwalang galang sa canilang santong capurihán, cahì man ang Papa, at lalò n~g hindî si párì Damaso!

--Túnay n~ga!--ang bulóng ni capitana Tinay, na nagtataca sa carunun~gan n~g dalawa;--¿saan ninyó kinucuha ang ganyáng pagcagagaling na m~ga pan~gan~gatuwiran?

--¿N~guni't ang "excomunión" at ang pagcapacasama?--ang itinutútol namán n~g Rufa.--¿Anó ang capacanán n~g m~ga dan~gal at n~g capurihan sa búhay na itó cung mapapasasama naman tayo sa cabilang búhay? Dumaraang madali ang lahat ... datapuwa't ang excomunión ... sumirang púri sa isang kinacatawan ni Jesucristo ... ¡iya'y ang Papa lamang ang nacapapapatawad!

--¡Ipatatawad n~g Dios na nag-uutos na igalang ang ama't ina; hindî siya eexcomulgahin n~g Dios! At itó ang sinasabi co sa inyó, na cung pumaroon sa aking bahay ang binatang iyan, siya'y aking patutuluyin at cacausapin; at iibiguin cong siya'y aking maging manúgang, cung mayroon sana acóng anac na babae; ang mabaít na anac ay maguiguing mabaít namang asawa at mabaít na ama; ¡maniwalà cayó, hermana Rufa!

--Hindî gayón naman ang aking acala, sabihin na ninyó ang ibig ninyóng sabihin; at cahi man tila mandín cayó ang sumasacatuwiran, ang cura rin ang siyang paniniwalaan co cailan man. Ang unaúna'y ililigtas co múna ang aking caluluwa, ¿anó pô ang sabi ninyó, capitana Tinay?

--¡Ah, anó ang ibig ninyóng aking sabihin! Capuwa cayó sumasacatuwiran; sumasacatuwiran ang cura, datapuwa't ¡dapat ding magcaroon n~g catuwiran ang Dios! Ayawan co, acó'y isang tan~ga lamang ... Sasabihin co sa aking anac na lalaking huwag n~g mag-aral, ang siya cong gagawin! ¡Namamatay daw sa bibitayan ang m~ga marurunong! ¡María Santisima, ibig pa naman pa sa Europa n~g aking anac na lalaki!

--¿Anó pô ang inaacala ninyóng gawin?

--Sasabihin co sa canyang manatili na lamang siya sa aking tabi, ¿anó't iibiguin pa niyang maragdagan ang canyang dúnong? Búcas macalawa'y mamamatay rin cami, namamatay ang marúnong na gawa rin n~g mangmang ... ang kinacailan~ga'y mamúhay n~g payapà.

At nagbúbuntong hinin~ga ang mabait na babae at itinitin~galá sa lan~git ang m~ga matá.

--Acó naman,--ang sabi n~g bóong cataimtiman ni capitana María,--cung acó ang gaya ninyóng mayaman, pababayaan cong maglacbay--bayan ang aking m~ga anac; sila'y m~ga batà, at darating ang araw na sila'y man~gagcacagulang cacauntì n~g panahón ang aking icabubuhay ... magkikita na camí sa cabilang buhay ... dapat magmithi n~g lalong mataas na calagayan ang m~ga anac cay sa calagayang inabot n~g canilang m~ga ama, at wala tayong naituturò sa canila, cung sila'y na sa ating sinapupunan, cung dî ang pagcamusmús.

--Ay, cacatuwâ namang totoo ang m~ga caisipan pala ninyo!--ang bíglang sinabi ni capitana Tinay, na pinagduduop ang m~ga camay;--¡tila mandin hindî ninyo pinaghirapan ang pan~gan~ganac sa inyong cambal na m~ga anac, na lalaki!

--Dahilan n~gâ sa sila'y pinaghirapan co n~g pan~gan~ganac, inalagaan at pinapagaral, cahi man camí dukhâ, hindî co íbig na pagcatapos n~g lubhang maraming capagalang sa canila'y aking guinúgol, ay waláng cahinatnan sila cung dî maguing calahating tao lamang.

--Sa áking palagáy hindî pô ninyó iniibig ang inyóng m~ga anác n~g alinsunod sa ipinag-uutos n~g Dios!--ang may cahigpitang sábi ni hermána Rufa.

--Ipatáwad pô ninyó, umiibig bawa't iná sa canyáng m~ga anác n~g alinsunod sa canyáng adhicâ; may m~ga ináng umiibig sa canyáng m~ga anác at n~g caniláng pakinaban~gan, ang ibá nama'y umiibig sa canyáng m~ga anác dáhil sa pag-ibig nilá sa sarili, at umiibig namán ang ibá sa icagagaling n~g canilá ring m~ga anác. Acó'y nabibilang dito sa m~ga hulíng sinábi co, ganitó ang itinúrò sa ákin n~g áking asáwa.

--Hindî totóong nababagay sa átas n~g religión, capitana María, ang lahát ninyóng m~ga iniisip; ¡cayó'y másoc n~g pagca hermana sa Santísimo Rosario, cay San Francisco, cay Santa Rita, ó cay Santa Clara!--ang sabi ni hermana Rufa, na ang anyo'y párang nagsesermón.

--Hermana Rufa, pagca carapatdapat na acóng maguing capatíd (hermana) n~g m~ga táo, aking sisicaping acó'y maguing capatíd namán n~g m~ga santo!--ang canyáng sagót na n~gumin~gitî.

Upang mabigyáng wacás ang bahaguing itóng nauucol sa m~ga salisalitaan n~g báyan; at n~g mapagwarì man lámang n~g m~ga bumabasa cung anó cayâ ang iniisip n~g m~ga waláng málay na m~ga tagabúkid sa nangyari, pumaroon tayo sa lílim n~g tolda n~g plaza, at pakinggán nátin, ang m~ga salitaan n~g iláng nan~gároroon, ang isá sa canila'y cakilala nátin, na dî ibá cung dî ang nananaguinip sa m~ga doctor sa panggagamot.

--Ang lálong dináramdam co'y hindî ná mayayari ang páaralan!--ang sinasabi nitó.

--¿Bakit? ¿bakit?--ang tanun~gan n~g m~ga nakíkinig malakí ang pagpipilit na macaálam.

--¡Hindî na maguiguing doctor ang áking anác, siya'y maguiguing magcacaritón na lamang! ¡Walâ! ¡Hindî na magcacapáaralan!

--¿Sino ang nagsábing hindî na magcacapáaralan?--ang tanóng n~g isáng han~gál at matabáng tagabúkid, na malalakí ang m~ga pan~gá at makítid ang báo n~g úlo.

--¡Aco! ¡Pinan~galanang "plibastiero" si don Crisóstomo n~g m~ga páring mapuputî! ¡Hindî na magcacapáaralan!

--Nagtatanun~gan ang lahát sa pagsusulyapan. Nababago sa canilá ang pan~galang iyón.

--¿At masamâ bâ ang pan~gálang iyán?--ang ipinan~gahas na itinanóng n~g han~gál na tagabúkid.

--¡Iyan ang lálong masamáng masasabi n~g isáng cristiano sa cápuwà niyá!

--Masamâ pa bâ iyán sa "tarantado" at sa "saragate"?

--¡Ah, cung sána'y ganyán na n~gâ lámang! Hindî mamacailang tináwag acó n~g ganyán ay hindi man lámang sumakít ang áking sicmúrà.

Datapuwa't marahil namá'y hindi na sasamâ pa sa "indio", na ¡sinasabi n~g alférez!

Ang nagsabing magcacaroon n~g isáng anác na laláking carretonero'y lálo pang nagpakita n~g calungcútan; nagcamót namán sa úlo ang isá at nag-íisip isip:

--¡Cung gayó'y maráhil catúlad n~g "betelapora" na sinasabi n~g matandáng babáe n~g alférez! Ang masamâ pa sa riya'y ang lumurà sa hostia.

--Talastasín mong masamâ pa sa lumurâ sa hostia cung viernes santo, ang isinagót n~g bóong cataimtimán. Naaalaala na ninyó ang salitáng "ispichoso", na sucat n~g icapit sa isáng táo, upang siya'y dalhín n~g m~ga civil ni Villa Abrillo sa tapunán ó sa bilangguan; unawáin ninyóng lálò pa manding masamâ ang "plibustiero." Ayon sa sábi n~g telegrafista at n~g directorcillo, cung sabíhin daw n~g isáng cristiano, n~g isáng cura ó n~g isáng castílà, sa isáng cristianong gáya nátin ay nacacawan~gis n~g "santusdeus" na may "requimiternam;" sa minsáng tawaguin cang "plibastiero," mangyayari ca n~g magcumpisal at magbayad n~g iyong m~ga utang sa pagca't walâ magagawâ cung di ang pabítay ca na lámang. Nalalaman mo na cung dapat macaalam ang directorcillo at ang telegrafista: nakikipag-usap ang isá sa m~ga cáwad, at marúnong namán ang isá n~g castílà at walâ n~g gamit cung di ang pluma.

Páwang nanglúlumo ang lahát.

--¡Pilitin na acóng papagsuutin n~g zapatos at huwag acóng painumín sa bóong áking búhay cung di iyán lámang ihì n~g cabáyo na cung tawagui'y cerveza, capag napatáwag acó cailáan man n~g "pelbistero!"--ang sumpáng sinabí n~g tagabúkid, na nacasuntóc ang m~ga camáy.--¿Sino? ¿Acó, mayamang gáya ni don Crisóstomo, marúnong n~g castílang gáya niyá, at nacapagdadali-dali n~g pagcaing may cuchillo at cuchara? ¡magtátawa acó cahit sa limáng m~ga cura!

--Tatawaguin cong "palabistero" ang únang civil na aking makitang nagnanacaw n~g inahing manóc!... at pagdaca'y magcúcumpisal acó!--ang bulóng na maráhan n~g isá sa m~ga tagabúkid, na pagdáca'y lumayô sa pulutóng.

=XXXVI.=

=ANG UNANG DILIM=

Hindi sahól ang ligalig na naghahari sa bahay ni capitang Tiago sa caguluhan n~g pag-isip n~g m~ga tao. Waláng guinágawâ si María Clara cung dî tuman~gis at áyaw pakinggan ang m~ga salitáng pang-alíw n~g canyang tia at ni Andéng na canyáng capatíd sa gátas. Ipinagbawal sa canyá n~g canyáng amá ang pakikipag-úsap cay Ibarra, samantalang hindî kinácalagan itó n~g m~ga sacerdote n~g "excomunión."

Si capitang Tiago na totoong maraming guinagawâ sa paghahandâ n~g canyáng báhay, upang matanggap doón n~g carapatdapat ang Capitán General ay tinawag sa convento.

--¡Huwág cang umiyác anác co!--ang sinasabi ni tía Isabel, na pinupunasan n~g gamuza ang maniningning na m~ga salamíng pan~gáninuhan; siya'y cácalagan n~g excomunión, man~gagsisisulat sa Santo Papa ... magbibigay táyo n~g malakíng limós ... Hinimatáy lamang si párì Damaso ... ¡hindî namátay!

--¡Huwag cang umiyac!--ang sábi sa canyá ni Andéng n~g paanás;--gágawâ acô n~g paráan upang siya'y iyong macausap; ¿anóng cadahilana't itinatág ang confesionario, cung dî n~g gumawá n~g casalanan? ¡Súcat na ang sabihin cura sa upang ipatawad na lahát!

¡Sa cawacasa'y nagbalic si capitang Tiago! Hinánap n~g m~ga babáe sa mukhá niyá ang casagutan sa maráming tanóng; datapuwa't nagbabalità ang mukhá ni capitang Tiago n~g panglulupaypáy n~g lóob. Nagpapawis ang abang laláki, hinahaplos ang nóo at hindî macapan~gúsap n~g isáng salita man lamang.

--¿Ano ang nangyari, Santiago?--ang tanóng ni tia Isabel na malaki ang pagmimithi.

Sumagót ito n~g isáng buntóng-hinin~ga, at pináhid ang isáng lúhà.

--¡Alang-alang sa Dios, magsalitá ca! ¿Anó ang nagyayari?

--¡Ang aking ipinan~gan~ganib na n~ga!--ang sa cawacasa'y sinábing pabulalás na halos umiiyac. ¡Napahamac n~g lahat! Iniuutos ni párì Dámaso na sirain ang m~ga salitaan, sa pagca't cung hindî'y ¡mapapacasama raw acó sa búhay na itó at sa cabiláng búhay! ¡Gayon din ang sábi sa ákin n~g lahát, patí ni párì Sibyla! Hindî co dápat papanhikin siyá sa aking báhay, at may útang acó sa canyang mahiguit na limampóng libong píso! Sinabi co itó sa m~ga pari, dapuwa't hindî nilá acó pinansin: ¿Alín ba ang ibig mong mawalâ, ang sabi nila sa akin,--limampóng libong píso ó ang iyong búhay at ang iyóng cáluluwa? ¡Ay, San Antonio! ¡cung nalalaman co lámang ang gayón! ¡cung nalalaman co lamang ang gayón!

Humáhagulgol si María Clara.

--Huwág cang umiyác, anac co,--ang idinugtóng at linin~gon niyá itó;--hindî ca gáya n~g nanay mong hindî umiiyac cailan man ... hindî umiiyac cung dî sa paglilihí ... Sinasabi sa ákin ni párì Dámasong dumating na raw ang isáng camag-ánac niyáng gáling sa España na siyáng itinátalagang man~gibig sa iyó ...

Tinacpan ni María Clara ang canyáng m~ga tain~ga.

--N~gúni, Santiago, ¿nasisira na ba ang ísip mo?--ang sigáw ni tía Isabel; ¿dapat bang magsabi ca sa canyá ang ibang man~gin~gibig? ¿Inaacalà mo bang nagbabago ang anác mo n~g m~ga man~gin~gibig na gaya n~g pagbabago n~g báro?

--Iyán din n~ga ang iniisip co Isabel; si don Crisostomo'y mayaman ...¡cayâ lámang nagaasawa ang m~ga castila'y sa pag-ibig sa salapi ... datapuwa't ¿anó ang ibig mong aking gawín? Pinagbalaan nilá acông lapatan n~g isá ring excomunion ... sinasabi niláng lubhâ raw nan~gan~ganib, hindî lámang ang akíng cáluluwa, cung dî namán ang aking catawán ...¡ang catawán! ¿naririnig mo? ¡ang catawán!

--¡N~guni't walâ cang guinagawâ cung dî pasama-ín ang lóob n~g iyóng anác! ¿Hindî ba caibigan mo ang Arzobispo? ¿Bákit hindî ca sumúlat sa canyá?

--Ang Arzobispo'y fraile rin, waláng guinagawâ ang Arzobispo cung dî ang sinasabi n~g m~ga fraileng canyáng gawin. N~guni, María, huwág cang umiyác; dárating ang Capitan General, nanasain cang makita, at mamúmulá ang m~ga mata mo ... ¡Ay! ang isip co pa nama'y magtátamo acó n~g isáng hápong maligaya ... cung dî lámang itong nángyaring malakíng casacunâang ito'y acó sána ang lálong maligaya sa lahat n~g m~ga táo at mananagbíli sa akin ang lahát ... Tumiwasáy ca, anác co; ¡higuit ang casaliwâng palad co cay sa iyó ay hindî acó umiiyác! ¡Maaaring magcaroon ca n~g man~gin~gibig na lálong magaling, datapuwa't acó'y mawáwalan n~g limampóng libong piso! ¡Ay, Virgen sa Antipolo, cung magcaroon man lámang sána acó n~g magandáng palad sa gabing itó!

M~ga patóc, gúlong n~g m~ga coche, tacbúhan n~g m~ga cabáyo, músicang tumútugtog n~g marcha real ay nan~gagbalítang dumating na ang mahal na Gobernador General n~g Kapulùhang Filipinas. Tumacbó si María Clara at nagtágò sa canyáng tinutulugang cabahayán ... ¡cahabaghabag na dalaga! ¡pinaglalaruan ang iyóng pusô n~g m~ga magagaspáng na m~ga camáy na hindî nacakikilala n~g canyáng m~ga maseselang na m~ga cuerdas!

