# Noli Me Tangere

## Part 24

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/noli-me-tangere-20228/index.md

--¡Magcacaroon na pô n~g panahón sa bágay na iyán!--ang isinagót ni Ibarrang n~gumin~giti n~g sapilitang pagn~gitî, at humandáng samáhan ang m~ga dalaga.

Nanaog silá sa hagdanan.

Nangguiguitnâ si María Clara cay Victoria at cay Iday, sumusunod sa licuran si tía Isabel.

Nagwawahi ang tao sa udyóc n~g paggálang, at n~g sila'y mabigyáng daan. Puspós n~g catacatacang cagandahan si María Clara: napáwi ang canyáng pamumutlâ, at cung nananatiling tila may iniísip ang canyáng m~ga mata, ang canyáng bibig namán ay warì'y waláng ibang nakikilala cung hindî ang n~gitî. Tagláy iyáng cagandahan n~g loob n~g isáng lumiligayang dalaga, siya'y bumabatì sa canyáng m~ga dating cakilala mulâ pasa camusmusan, at n~gayo'y nagsisipangguilalás sa canyáng mapálad na cabatâan. Sa cúlang pang labíng limáng áraw ay nanag-úlì sa canyá yaóng lubós na pagpapalagay n~g loob, yaóng catabiláng musmos na tila mandin nagulayláy sa guitnâ n~g makikipot na tahanang nalilibot n~g pader sa beaterio; masasabing kinikilala n~g paroparó ang lahat n~g m~ga bulaclac pagcaalís niya sa canyáng bahay-uod; nagcasiya sa canyá ang lumipád na sumandali at magpainit sa m~ga doradong sínag n~g áraw upang mawalâ ang catigasan n~g m~ga casucasuan n~g bágong nagcacapacpác. Cumikisláp ang bágong búhay sa boong cataohan n~g dalaga: pawang magaling at maganda ang canyang tin~gin sa lahát; isinasaysay ang canyáng pagsintá sa pamamag-itan niyang calugodlugód na asal n~g isáng virgeng palibhasa'y waláng namamasdán cung dî m~ga budhîng dalísay, hindî nakikilala cung anó ang dáhil n~g m~ga paghihiyahiyâan. Gayón man, pagca siya'y inaalayan n~g masasayáng m~ga aglahi'y tinatácpan niya ang canyáng mukhâ n~g abanico; datapuwa't pagca nagcacagayó'y n~gumin~gitî ang canyáng m~ga matá at lumalaganap sa canyáng boong cataohan ang bahagyang kilabot.

Pinasimulaang lagyán n~g m~ga ílaw ang m~ga pan~gulong báhay, at sa m~ga daang pinagdaraanan n~g m~ga música ay sinisìndihan ang m~ga ílaw n~g m~ga arañang cawayan at cahoy na inihuwad sa m~ga araña n~g simbahan.

Natatanaw buhat sa daan, sa m~ga bintanang bucás, ang hindî naglilicat na pagpaparoo't parito n~g m~ga tao sa m~ga bahay, sa guitnâ n~g caliwanagan n~g m~ga ílaw at halimuyac n~g m~ga bulaclac, sa caayaayang tínig n~g piano, arpa ú orquesta. Nan~gaglalacaran sa m~ga daan ang m~ga insíc, m~ga castila, m~ga filipinong may suot europeo ó suot tagalog. Nan~gagcacahalòhalò sa paglacad, na nan~gagcacasicuhan at nan~gagtutulacán ang m~ga alilang lalaking may dalang carne ó m~ga inahíng manóc, m~ga estudianteng nacaputî ang pananamit, m~ga lalaki't m~ga babae, na nan~gagsisipan~ganib na sila'y matahac n~g m~ga coche at m~ga calesa, na cahit sumisigaw n~g "tabì" ang m~ga cochero'y nahihirapan din silang macapaghawì n~g daan.

Bumati sa ating m~ga cakilala, n~g na sa tapát silá n~g báhay ni capitang Basilio, ang iláng m~ga kinabataan, at inaayayahang pumanhic muna sa báhay. Ang masayáng voces ni Sinang, na tumatacbóng papanaog sa hagdanan, ang siyáng nagbigay wacás sa m~ga pagdadahilan upang huwag pumanhic.

--Pumanhíc muna cayóng sandalî upang aco'y macasama sa inyó,--ang sinasabi niya. Nababagot acó sa pakikipanayam sa gayóng caraming hindî co m~ga cakilalang walang pinag-uusapan cung di m~ga sasabun~gin at m~ga baraja.

Nan~gagsipanhic silá.

Punongpuno ang salas n~g m~ga tao. Nan~gagpauna ang ilán upang bumati cay Ibarra, na kilala, ang pan~galan n~g lahat; canilang pinagmamasdan n~g boong pagcahan~ga ang cagandahan ni María Clara, at nan~gagbubulungbulun~gan ang ilang m~ga matatandang babae, samantalang n~guman~gan~gà: "¡mukhang vírgen!"

Napilitan silá roong uminóm n~g chocolate. Naguing matalic na caibigan at taga pagsanggalang ni Ibarra si capitang Basilio, mula n~g araw na sila'y maglibang sa caparan~gan. Naalaman niya, sa pamamag-itan n~g telegramang inihandóg sa canyang anac na babaeng si Sinang, na natatalos ni Ibarra ang canyang pananalo sa usapin, ayon sa hatol n~g hucom, at dahil dito'y sa pagca't aayaw siyang pagahis sa cagandahan n~g loob, canyang ipinakiusap na pawalang cabuluhan ang pinagcayarian n~g sila'y maglarò n~g ajedrez. Datapwa't sa pagca't aayaw pumayag si Ibarra sa gayóng bagay, ipinakiusap naman ni capitang Basiliong ang salaping dapat na ibayad sa m~ga costas ay gamitin sa pagbabayad n~g isang maestro sa gagawing escuela n~g bayan. Dahil sa gayóng nangyayari, guinagamit ni capitang Basilio ang canyang mainam na m~ga pananalita, at n~g huwag n~g ipagpatuloy n~g ibang m~ga causapin ang canilang m~ga cacaibang adhica, at sa canila'y sinasabi:

--¡Maniwala cayó sa akin: sa m~ga usapín ang nananalo'y siyang nahuhubdan!

Datapwa't wala siyang mapahinuhod na sino man, baga man canyang sinasambit ang m~ga romano.

N~g macatapos n~g macainom n~g chocolate, napilitan ang ating m~ga cabataang pakingan ang pianong tinutugtog n~g organista n~g bayan.

Pagca siya'y pinakikinggan co sa Simbahan ani Sinang, nacacaibig acong magsayaw; n~gayong piano ang canyang tinutugtóg ang naiisipan co nama'y magdasal. Dahil dito'y sasama acó sa inyó.

--¿Ibig pô ba nínyóng pumarito sa amin n~gayóng gabí?--ang inianás ni capitang Basilio sa tain~ga ni Ibarra n~g itó'y magpaalam na--maglalagáy si parì Dámaso n~g isáng maliit na ban~gcâ.

N~gumitî si Ibarra at sumagót n~g isáng tan~gô n~g úlo, na mangyayaring ang maguing cahuluga'y pagsang-ayon, at mangyayari namang hindî pagsang-ayon.

--Sino ba iyan?--ang tanóng ni María Clara cay Victoria, na itinurò sa isáng mabilís na sulyáp ang isáng binatang sa canilá'y sumusunod.

--Iyan ... iya'y isáng pinsan co,--ang isinagót na halos nagugulumihanan.

--¿At ang isá?

Iya'y hindî co pinsan.--ang dalidaling isinagót ni Sinang;--iyá'y isáng anác n~g aking tía.

Nagdaan silá sa harapán n~g conventong tahanan n~g cura, na ang catotohanan ay hindî sahól sa m~ga ibáng lugar sa casayahan. Hindî napiguilan ni Sinang ang isáng sigaw n~g pangguiguilalás n~g canyáng makitang may m~ga ílaw ang m~ga lámpara, m~ga lámparang ang m~ga anyó'y sa caunaunahan pa, na hindî pinababayaan cailan man ni párì Salving siyang pag-ilawan at n~g huwag magcagugol sa petróleo. May nan~gariring na m~ga sigawan at malalacás na halakhacan, napapanood na ang m~ga fraile'y lumalacad n~g mahinà, at iguinagalaw ang úlo n~g ayon sa compás, at malakíng tabaco ang napapamuti sa m~ga lábì. Pinagsisicapan n~g hindî páring sa canila'y nakikipanayam, na caniláng gagarin ang lahát n~g guinágawà n~g m~ga mababait na fraile. Ayon sa m~ga damit europeong caniláng casuutan, marahil sila'y m~ga cawanì (empleado) n~g gobierno ó m~ga punong lalawigan.

Natanawan ni María Clara ang mabilog na pan~gan~gatawán ni parì Dámaso sa tabí n~g makisig na tindíg ni parì Sibyla. Hindî cumikilos sa canyáng kinalalagyán ang matalinghaga at mapanglawing si parì Salví.

--¡Nalulungcot!--ang ipinahiwatig ni Sinang;--canyáng pinag-iisip-isip ang canyáng magugugol sa gayóng caraming m~ga panauhín. N~guni't makikita rin ninyóng hindî siyá ang magbabayad cung hindî ang m~ga sacristán. Sa tuwituwi na'y cumacain ang canyáng m~ga panauhin sa ibáng lugar.

--¡Sinang!--ang ipinagwicâ sa canyá ni Victoria.

--Totoóng aco'y galít sa canyá mulâ n~g iwasac ang "Rueda de la Fortuna," hindî na acó man~gun~gumpisal sa canyá.

Natan~gî sa lahát n~g m~ga bahay ang isáng waláng cailaw-ilaw, at hindî man lamang bucás ang m~ga bintana; ang bahay na iyón ang sa alférez. Nagtacá sa bágay na itó si María Clara.

--¡Ang asuang! ¡ang Musa n~g Guardia Civil, ang wicà n~gà n~g matandáng lalaki!--ang bigláng sinabi n~g catacot tacot na si Sinang.--¿Anó ang ipakikialam niyá sa ating m~ga catuwaan? ¡Marahil ay nagn~gan~galit! Pabayaan mong dumating ang cólera at makikita mong siya'y mag-aanyaya.

--Cailán ma'y kinasusutan co siyá, at lalonglalo na n~g guluhin ang ating pagcacatuwa sa pamamag-itan n~g canyáng m~ga guardía civil. Cung Arzobispo lamang aco'y ipacacasal co ang babaeng iyán cay parì Salvi.... ¡makikita mo cung anó ang caniláng maguiguing m~ga anác! Sucat bang ipahuli ang caawaawang piloto, na sumugbá sa tubig macapagbigay loob lamang....

Hindî niyá natapos ang sinasabi; sa suloc n~g plaza na pinagcacantahan n~g isáng bulág na lalakî, na isáng guitarra ang catono, n~g casaysayang ucol sa m~ga isdà, may isáng hindî caraniwang napapanood.

Yayó'y isáng lalaking ang nacapatong sa úlo'y isáng malapad na salacót na dáhon n~g bulí, at dukhang totoo ang pananamít. Ang suut niya'y isáng gulagulanit na levita at salawal na maluang, na cawan~gis n~g salawal n~g m~ga insic, na punít sa ibá't ibáng lugar. Carukharukhaang m~ga panyapác ang nacasuut sa canyáng m~ga paa. Sumasadilím ang canyáng mukhâ dahil sa canyáng salacót; n~guni't manacanacang nagmumulâ sa cadilimáng iyón ang dalawang kisláp, na pagdaca'y napapawi. Siya'y matangcád, at napagkikikilalang siya'y bátà pa, dahil sa canyáng m~ga galáw. Inilalagáy sa lúpà ang ísang baculan, at pagcatapos ay lumalayo't nagsasalitâ n~g m~ga cacaibang tínig na hindì mawatasan; nananatiling nacatindíg, lubós ang pagcalayô sa m~ga ibá, na anaki'y siya at ang caramihang tao'y talagáng nan~gagpapan~gilagan ang isá't isá. Pagcacagayo'y nan~gagsisilapit ang iláng m~ga babae sa canyáng baculan at inilalagáy doon ang m~ga bun~gang cáhoy, isdâ, bigás at ibá pa. Pagcâ walâ n~g lumalapit na sino man, nan~gagsisilabás sa m~ga cadilimang iyón ang ibáng m~ga tínig na lalong malulungccót, n~guni't hindî na totoong nacalulunos, napasasalamat marahil; dinarampot ang canyang baculan at sacâ lumalayô upang ulitin ang gayón ding gawâ sa ibáng lugar naman.

Nagunitâ ni María Clara sa gayóng nakita ang isáng sacunâ, at pinagsumakitang itanóng cung anó anó nangyayari sa cacaibáng táong iyón.

--Iyan ang sanlázarohin,--ang isinagót ni Iday.--May apat na taón na n~gayóng kinapitan siyá n~g sakit na iyan: ang wicà n~g ibá'y dahil sa pag-aalagà, sa canyáng iná, at anáng ibá namá'y dahil sa pagcapiit niya sa malamíg na bilangguan. Siya'y doon tumatahan sa cabukiran, sa malapit na sa libin~gan n~g m~ga insíc; hindî siya nakikipag-abot-usap canino man, nan~gagsisilayóng lahát sa canyá sa tacot na bacá mahawahan. ¡Cung makita mo sana ang canyang dampâ! Iyón ang dampâ ni Guiríng-guiríng: ang han~gin, ang ulán at ang araw ay pawang pumapasoc at lumalabas na catulad n~g carayom sa damít. Ipinagbawal sa canyáng humipò n~g anó mang bagay na pag-aari n~g sino mang tao. Nahulog isáng áraw sa san~ghá ang isáng batà; hindî naman malalim ang san~ghá, datapuwa't nagcátaong siya'y dumaraan doon, ang guinawâ niya'y tinulun~gan niya ang batà sa pag-ahon doon. Napagtantô n~g amá n~g batà ang nangyaring iyón, pagsacdal sa gobernadorcillo, at ipinapalò siya nito n~g anim sa guitnà n~g daan at sacâ ipinasunog pagcatapos ang yantóc. ¡Cakilakilabot iyón! Tumatacbó sa pagtacas ang sanlazarohin, hinahabol siya n~g tagapalo at sinisigawan siya n~g gobernadorcillo: "¡Mag-aral ca! mabuti pang malunod na n~ga ang isang tao, huwag lamang magcasakit na gaya n~g sakit mo."

--¡Tunay n~gâ!--ang ibinulóng ni María Clara.

At hindî nalalaman ang canyang guinagawa'y dalidaling lumapit sa baculan n~g cúlang palad, at inilagay roon ang relicario na bago pa lamang cahahandóg sa canya n~g canyang ama.

--¿Anó ang guinawâ mo?--ang sa canyá'y itinanóng n~g canyáng m~ga caibigang babae.

--¡Walâ acóng ibang sucat máibigay!--ang isinagót, at canyáng inilihim sa pamamag-itan n~g isáng tawa ang luhà n~g canyáng m~ga matá.

--¿At anó ang canyáng gágawin sa iyong relicario?--ang sa canyá'y sinabi ni Victoria.--Binigyán siyá isáng araw n~g salapî. N~guni't ang guinawâ n~g sanlazarohin ay inilayô sa canyá ang salapíng iyón sa pamamag-itan n~g isáng patpat: ¿anó ang gágawin niyá sa salapî sa gayóng walâ sino mang tumangáp n~g anó mang bágay na gáling sa canyá? ¡Cung macacain sana ang relicario!

Tiningnán ni María Clara n~g boong pananaghilì ang m~ga babaeng nagbibilí n~g m~ga cacanín, at ikinibít ang m~ga balicat.

N~guni't lumápit ang sanlazarohín sa baculan, kinuha ang hiyás na cumináng sa canyáng m~ga camáy, lumuhód, hinagcán ang hiyás na iyón, at saca nagpugay at bago isinubsób ang canyáng noó sa alabóc n~g bacás n~g dalaga.

Ikinublí ni María Clara ang canyáng mukhâ sa canyáng abanico at dinalá ang panyô sa canyáng m~ga matá.

Samantala'y lamapit ang isáng babae sa culang palad na anaki'y nagdárasal. Lugáy at gusamót ang canyáng mahabang buhóc, at sa liwanag n~g ilaw n~g m~ga faról ay napanood ang payát at namumutlâ n~g mainam na pagmumukhâ n~g ul-ol na si Sisa.

N~g maramdaman n~g sanlazarohin ang paghipò sa canyá, nagpacasigawsigaw, at tumindíg sa isáng lucsó. N~guni't humawac sa canyáng bísig ang ul-ol na babae, sa guitnâ n~g malakíng pan~gin~gilábot n~g tao, at itó ang canyáng sinabi:

--¡Magdasál tayo! ¡magdasál tayo! ¡N~gayón ang caarawan n~g m~ga patáy! Ang m~ga ilaw na iyá'y siyáng m~ga búhay n~g m~ga tao; ¡ipagdasál natin ang aking m~ga anác na lalaki!

--¡Ilayô ninyó ang babaeng iyán, papaglayuin ninyó silá! sa pagca't mahahawa ang ul-ol na babae!--ang sigawan n~g caramihang tao, datapwa't waláng man~gahás na lumapit sino man.

--¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón sa campanario? ¡Ang ilaw na iyón ang aking anác na si Basiliong nananaog sa pamamag-itan n~g isáng lúbid! ¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón na convento? Ang ilaw na iyón ang aking anác na si Crispín, n~guni't hindî co silá paroroonan sa pagca't may sakit ang cura at siya'y maraming m~ga onza, at ang m~ga onza'y nan~gawawalâ. ¡Magdasal tayo at ating ipatungcol sa caluluwá n~g cura! Dinadalhán co siyá n~g amargoso at zazalidas; punongpunô ang aking halamanan n~g m~ga bulaclac at dating may dalawa acong anác na lalaki. ¡Dati acóng may halamanan, nag-aalagà aco m~ga bulaclac at dating may dalawá acóng anác na lalaki!

At binitawan ang sanlazarohin at lumayóng cumacantá:

--¡Dáting may halamanan aco't m~ga bulaclác, aco'y dating may m~ga anác na lalaki, halamanan at m~ga bulaclác!

--¿Anó na ba ang nagawâ mong magaling sa cahabághabág na babaeng iyán?--ang tanóng ni María Clara cay Ibarra.

--¡Walâ pa! siya'y nawala n~g m~ga araw na itó sa bayan at hindi nangyaring siya'y masumpun~gan!--ang isinagót n~g binatang nagdadaláng cahihiyan--Bucod sa roo'y totoong marami ang aking guinawâ, n~guni't huwág ca sanang mahapis; ipinan~gacò sa akin n~g curang tutulun~gan niyá acó, tulóy ipinagtagubilin niyá sa akin ang malaking pag-iin~gat at paglilihim sa pagca't tila mandin isang cagagawán n~g guardia civil ¡Totoong ipinagmamalasakit n~g cura ang babaeng iyán!

--¿Hindî ba sinasabi n~g alférez na canyáng ipahahanap ang m~ga bátà?

--¡Oo, n~guni't n~g sabihin iyo'y may caunting....calan~guhan siyá!

Casasabi pa n~g gayóng bágay n~g caniláng makitang hindî inihahatíd cung di kinacaladcad ang ul-ol na babae n~g isáng soldado: aayaw sumama si Sisa.

--¿Bákit ba ninyó hinuli ang babaeng iyán? ¿Anó ang canyáng guinawá? ang tanong ni Ibarra.

--¿Cung bákit? ¿Hindî ba ninyô nakita cung paano ang guinágawâ niyáng pag-iin~gay?--ang sagót n~g tagapag-in~gat n~g catahimican n~g bayan.

Dalidaling kinuha n~g sanlazarohin ang canyáng baculan at lumayô.

Minagalíng ni María Clarang umuwî na, sa pagca't lumipas sa canyá ang tuwá at casayahan.

--¿Mayroon din palang m~ga taong hindî lumiligaya! ang canyáng ibinulóng.

Pagdatíng niyá sa pintuan n~g canyáng bahay, canyáng naramdamang naragdagan ang canyáng capanglawan, n~g canyáng mahiwatigang aayaw pumanhíc at nagpapaalam ang nan~gin~gibig sa canyá.

--¡Kinacailan~gan!--ang sabi n~g binatà.

Pumanhíc sa hagdanan si María Clarang ang sumasaisip ay totoong nacayayamot ang m~ga araw n~g fiesta, pagcá dumarating ang m~ga panauhing tagaibang bayan.

=XXVIII.=

=MAN~GA SULAT=

_Ang bawa't tao'y nagsasaysay ayon sa kinasasapitan sa fiestang pinaroroonan._

Sa pagca't waláng anó mang mahalagang nangyayari sa m~ga taong sinasaysay natin ang buhay na pinagdaanan, sa gabí n~g sinusundang araw n~g fiesta at gayón din sa kinabucasan, magalac na lalactawan namin ang araw na itó n~g pagsasayá, cung di lamang inaacala naming baca sacalì han~garing maalaman n~g sino mang bumabasang taga ibang lupaín cung paano ang guinagawá n~g m~ga filipino sa caniláng m~ga pagpifiesta. Sa ganitóng cadahilana'y sisipiin naming hindî daragdaga't hindî babawasan ang iláng m~ga sulat, na ang isá sa canila'y ang sa "corresponsal" n~g isang pamahayagang matimtiman at tinatan~gi sa Maynilà, na cagalanggalang dahil sa canyang cataasan at cahigpitang manalitá. Ang m~ga bumabasa sa amin ang siyá n~g bahalang magpunô sa ilang maliliit at calacarang m~ga cauculan.

Narito ang sulat n~g carapatdapat na "corresponsal" n~g mahal na pamahayagan:

"Guinoong Namamatnugot....

"Tan~gi cong caibigan: cailan ma'y hindî pa acó nacapapanood, at inaacalà cong hindî na acó macapapanod pa sa m~ga lalawigan n~g isáng fiestang tungcòl sa religióng totoong dakilà, maningning at nacababagbag n~g loob, na gaya n~g pagsasayáng guinagawa sa bayang ito n~g m~ga totoong cagalanggalang at m~ga banal na m~ga paring Franciscano."

"Pagcaramirami n~g dumalo: nagtamó acó rito n~g ligayang bumati sa halos lahát n~g m~ga castilang tumitira sa lalawigang ito, sa tatlong cagalanggalang na m~ga Paring Agustino na na sa lalawigang Batan~gan, sa dalawang cagalanggalang na m~ga Paring Dominico, na ang isá sa canila'y ang totoong cagalanggalang na si Pári Fray Hernando de la Sibyla, nasa canyáng pagparito'y canyang pinaunlacan ang bayang itó, bagay na hindî dapat calimutan magpacailan man n~g m~ga carapatdapat na m~ga tagarito. Nakita co rin naman ang lubhang maraming m~ga caguinoohang taga lalawigang Tan~guay, Capangpan~gan, ang maraming mayayamang m~ga taga Maynilà at maraming m~ga banda n~g música, at ang isá sa canila'y ang lubháng mainam na banda sa Pagsanghán, pag-aari n~g guinoong Escribanong si guinoong Miguel Guevara at ang caramihang m~ga insic at m~ga indio, na taglay n~g m~ga insíc ang canilang talagang dating caugaliang pagca maibiguíng macakita n~g iba't ibang bagay, at n~g m~ga indio ang caniláng asal na mapamintacasi, hinihintay nilá n~g maalab na pagmimithî ang pagdating n~g araw na ipagsasaya ang dakilang fiesta, upang caniláng mapanood ang palalabasing "comico-mímico-lirico-coreográfico-dramático," at n~g magawá ang bágay na itó'y sila'y nagtayò n~g isáng malaki at maluang na tablado sa guitnâ n~g plaza."

"N~g icasiyam na oras n~g gabi n~g araw na icasampô nitóng buwan, araw na sinusundan n~g fiesta, pagcatapos n~g isáng masaráp at saganang hapunang inihandóg sa amin n~g Hermano Mayor, tinakhan naming lahát na m~ga castila't m~ga fraileng na sa convento, ang caaliw-aliw na tugtóg n~g musicang may casabay na nagsisiksicang caramihang tao at n~g úgong n~g m~ga cohete at malalaking bomba, at pinamamatnugutan n~g m~ga guinoo n~g bayan, ang tinutun~go'y ang convento upang cami'y sunduin at ihatíd sa lugar na nahahandâ at iniuucol sa amin at n~g doo'y panoorin namin ang catuwaang palalabasin."

"Napilitan caming pahinunod sa gayóng magandáng anyaya, bagá man lalo sanang minamagaling co pa ang magpahin~galay sa m~ga bisig ni Morfeo, at pagcalooban n~g masanghayang pagpahin~galay ang aking nananakit na m~ga laman at buto, salamat sa nilundaglundag n~g lulanáng sa ami'y ipinagcaloob n~g Gobernadorcilio sa bayan n~g B."

"Nanaog n~ga camí at aming hinanap ang aming m~ga casamang humahapon bahay na pag-aari rito n~g mapamintacasi at mayamang si don Santiago de los Santos. Ang totoong cagalanggalang na si Párì Fray Bernardo Salvi na cura nitóng bayan, at ang totoóng cagalanggalang na si Párì Fray Damaso Verdolagas, na sa tanging biyayà n~g Cataastaasan ay magaling na sa dinaramdam na sa canya'y guinawa n~g camáy na pusóng, na ang casama'y ang totoong cagalanggalang na si Párì Fray Hernando de la Sibyla at ang banál na cura sa Tanawan at iba pang m~ga castilà, ang siyang m~ga panauhín n~g mayamang filipino. Diya'y nagtamó caming capalarang pangguilalasan, hindî lamang ang lubhang mahahalagang casangcapan at cagalin~gang magpamuti n~g may-ari n~g bagay, bagay na hindî caraniwan sa m~ga taong tubò rito, cung di naman ang camahálmahalan, cágandagandahan at mayamang dalagang magmamana, na nagpakilalang siya'y tunay at ganáp na alagad ni Santa Cecilia sa pagtugtóg n~g lalong caayaayang músicang likhá n~g m~ga alemán at n~g m~ga italiano, sa canyáng mainam na piano, na anó pa't ang canyáng cagalin~gang tumugtóg ay nagpaalaala sa akin sa babaeng si Galvez. Sayang at napacatimtiman naman ang gayong lubós sa cagalin~gang binibini, at inililihim ang canyang m~ga carapatán sa madláng caguinoohang pawang pagpupuri lamang ang sa canya'y handóg. Hindî co dapat iwan sa tintero, na sa bahay n~g nag-anyaya'y pinainóm cami n~g champaña at masasarap na m~ga licor n~g boong casaganaan at cagandahang loob na siyang caugaliang hindî nagbabago n~g kilalang mamumuhunan."

"Pinanood namin ang palabás. Kilala na po ninyó ang ating m~ga artistang si na Ratia, Carvajal at Fernandez; camí lamang ang nacaunawa n~g canilang carikitang lumabas, sa pagca't ang m~ga taong walang pinag-arala'y walang napagtantò cahi't babahagya. Magaling ang pagcacalabas ni Chananay at ni Balbino, baga man may caunting pamamaos nilá: isang pagcantáng hidwa n~g caunti sa música ang guinawa ni Balbino, datapuwa't catacatacá ang cabooan at ang canilang pagpupumilit sa mabuting pagganap. Lubháng naibigan n~g m~ga indio at lalong-lalò na n~g gobernadorcillo ang comediang tagalog: nagpakita n~g malaking catuwaan ang gobernadorcillo at sinasabi sa aming sáyang daw at hindi pinapakipag-away ang princesa sa gigante na sa canya'y umagaw, bagay na sa canyáng balac ay lalò sanang caguilaguilalas, at higuit pa, cung hindî mangyaring talban ang gigante cung di sa púsod lamang, na gaya baga n~g isang nagn~gan~galang Ferragús, ayon sa nababasa sa casaysayan n~g buhay n~g Doce Pares. Nakikisang-ayon sa acala n~g gobernadorcillo ang totoong cagalanggalang na si Parì Fray Damaso, taglay iyáng cagandahan n~g púsong siyang ikinatatangì niyá, at ang idinagdag pa'y cung sacali't magcagayon daw, ang princesa na ang hahanap n~g paraan at n~g canyáng masunduan ang púsod n~g gigante upang sa gayo'y canyang mápatay."

"Hindî co pô kinacailan~gang sabihin sa inyong samantalang guinágawâ ang pagpapalabas ay di itinulot n~g Rothschild na filipinong magculang n~g ano man sa cagandahan n~g canyang loob: ang m~ga sorbete, m~ga limonada gaseosa, m~ga refresco, m~ga matamis, m~ga alac at iba't iba pa'y saganang ipinamamahagui sa aming lahat na nangaroon. Ininóng totoó, at na sa catuwiran n~ga ang gayong pag-ino, ang pagcawala roon n~g kilala at marunong na binatang si don Juan Crisostomo Ibarra, na ayon sa talos na ninyo, ay dapat na siyáng manguló búcas sa pagbebendición n~g unang bató na nauucol sa dakilang "monumento" na canyang ipinatatayò sa udyóc n~g malaking nais na macagawâ n~g magalíng. Ang carapatdapat na calahing itó n~g m~ga Pelayo at n~g m~ga Elcano, (sa pagca't ayon sa napagtantò co'y tubò sa ating bayani at uring mahál na m~ga lalawigan sa dacong Timugan n~g España ang isá sa canyáng m~ga nunò sa amá, na marahil ay isá sa m~ga unang kinasama ni Magallanes ó ni Legaspi) ay hindi rin napakita sa m~ga nalalabing oras n~g araw, dahil sa caunting sakit na canyáng dinaramdam. Nagpapalipatlipat sa m~ga bibig ang canyáng pan~galang ipinan~gun~gusap lamang upang purihin, m~ga pagpupuring hindî mangyayaring di mauuwî sa icararan~gal n~g España at n~g tunay na m~ga castilang gaya na n~gâ natin, na cailan ma'y hindî natin pinasisinun~galin~gan cailan man ang ating dugô, cahit magpacáramirami ang m~ga maguing cahalò."

