# Noli Me Tangere

## Part 11

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/noli-me-tangere-20228/index.md

Sinásaysay n~g m~ga historiador[211] na sinasamba at dinídios nilá ang caniláng m~ga núnò at magugulang; n~gayó'y tumbalíc ang nangyayari: ang m~ga patáy ang nagcacailan~gang mamintuhô sa m~ga buháy. Sinasabi rin namáng iniin~gatan n~g m~ga taga Nueva Guinea sa m~ga caja ang m~ga but-ó n~g caniláng m~ga patáy at nakikipagsalitaan sa canilá; sa pinacamarami sa m~ga bayan n~g Asia, Africa at América'y hinahayinan ang caniláng m~ga patáy n~g lalong masasaráp niláng m~ga pagcain, ó ang m~ga pagcaing minámasarap n~g m~ga patáy n~g panahóng silá'y nabubuhay, at nan~gagpípiguing at inaacalà niláng dumádalo sa m~ga piguíng na itó ang m~ga patáy. Ipinagtátayô n~g m~ga taga Egipto n~g m~ga palacio ang m~ga patáy, ang m~ga musulmán nama'y ipinagpápagawâ, silá n~g maliliit na m~ga capilla, at ibá pa; datapowa't ang bayang maestro sa bagay na itó, at siyáng lalong magalíng ang pagcakilala sa púsò n~g tao'y ang bayan n~g Dahomey[212]. Natátalastas n~g m~ga maiitím na itó, na ang táo'y mapanghigantí, at sa pagca't gayó'y sinasabi niláng upang mabigyang catowâan ang namatáy, walâ n~g lalong magalíng cung dî ang patayín sa ibabaw n~g pinaglibin~gan sa canyá ang lahát n~g canyáng m~ga caaway; at sa pagcá't ang táo'y malulugdíng macaalam n~g m~ga bagay-bagay, sa taón-tao'y pinadadalhán siyá n~g isáng "correo" sa pamamag-itan n~g linapláp na balát n~g isáng alipin.

Tayo'y náiiba sa lahát n~g iyán. Bagá man sa nababasa sa m~ga sulat na nauukit sa m~ga pinaglibin~gan, halos walâ sino mang naniniwalang nagpapahin~galay ang m~ga patáy, at lalò n~g hindî pinaniniwalâang sumasapayápà. Ang lalong pinacamagalíng mag-ísip ay nan~gag-aacalang sinásanag pa ang caniláng m~ga núnò sa túhod sa Purgatorio, at cung di siyá mápacasamâ (mapasainfierno bagá), masasamahan pa niyá, silá roon sa mahábang panahón. At ang sino mang ibig tumutol sa amin, dalawin niyá ang m~ga simbahan at ang m~ga libin~gan sa boong maghapong itó, magmasíd at makikita. Datapowa't yamang tayo'y na sa bayan n~g San Diego, dalawin natin ang libin~gan dito.

Sa dacong calunuran, sa guitnâ n~g m~ga palaya'y nároroon, hindî ang ciudad, cung dî ang nayon n~g m~ga patáy: ang daan n~g pagparoo'y isáng makitid na landás, maalabóc cung panahóng tag-ínit, at mapamámangcàan cung panahóng tag-ulán. Isáng pintûang cahoy, at isáng bácod na ang calahati'y bató at ang calahati'y cawayan ang tila mandin siyáng ikináhihiwalay n~g libin~gang iyón sa bayan n~g m~ga buháy; datapowa't hindî nahihiwalay sa m~ga cambíng n~g cura, at sa iláng baboy n~g m~ga calapít báhay, na pumapasoc at lumálabas doon upang man~gagsiyasat sa m~ga libin~gan ó man~gagcatowâ sa gayóng pag-iisá.

Sa guitnâ n~g malúang na bacurang iyón may nacatayóng isáng malaking cruz na cahoy na natitiric sa patun~gang bató. Inihapay n~g unós ang canyáng INRI na hoja de lata, at kinatcát n~g ulán ang m~ga letra. Sa paanan n~g cruz, túlad sa túnay na Gólgota[213], samasamang nábubunton ang m~ga bun~gô n~g úlo at m~ga but-ó, na ang waláng malasakit na maglilíbing ay itinatapon doon ang canyáng m~ga nahuhucay sa m~ga libin~gan. Diyá'y man~gaghíhintay silá, ang lalong malapit mangyari, hindî n~g pagcabúhay na mag-ulî n~g m~ga patáy, cung dî ang pagdatíng doon n~g m~ga háyop at n~g silá'y painitin n~g caniláng m~ga tubíg at linisin ang caniláng malalamig na m~ga cahubdán.--Námamasdan sa paliguidliguid ang m~ga bagong hûcay: sa dáco rito'y hupyác ang lúpà, sa dáco roo'y anyóng bundúc-bunducan namán. Sumísibol doo't lumálagô n~g máinam ang tarambulo't pandacákì; ang tarumbulo'y n~g tundûin ang m~ga bintî n~g canyáng matitiníc na m~ga bún~ga, at n~g dagdág namán n~g pandacakì ang canyáng amóy sa amóy n~g libin~gan, sacali't itó'y waláng casucatáng amoy. Gayón ma'y nasasabúgan ang lúpà n~g iláng maliit na m~ga bulaclac, na gaya rin namán n~g m~ga bun~góng iyóng ang Lumikhâ lamang sa canilá ang nacacakilala na: ang n~gitî n~g m~ga bulaclác na iyó'y maputlâ at ang halimúyac nilá'y ang halimúyac n~g m~ga baunan. Ang damó at ang m~ga gumagapang na damó'y tumátakip sa m~ga súloc, umuucyabit sa m~ga pader at sa m~ga "nicho"[214], na anó pa't dináramtan at pinagáganda ang hubád na capan~gítan; cung minsa'y pumapasoc sa m~ga gahác na gawà n~g m~ga lindól, at inililihim sa m~ga nanonood ang m~ga cagalanggalang na m~ga libin~gang waláng lamán.

Sa horas n~g pagpasoc namin ay binúgaw ang m~ga hayop; ang man~gisan~gisang baboy lamang, hayop na mahirap papaniwalâin, ang siyáng sumisilip n~g canyáng maliliit na m~ga matá, isinusun~gaw ang úlo sa isáng malakíng gúang n~g bacod, itinataás ang n~gusò sa hán~gin at wari'y sinasabi sa isáng babaeng nagdárasal:

--Howág mo namáng cacanin lahát, tirhán mo acó nang cauntî, ¿ha?

May dalawáng lalaking humuhucay n~g isáng baunan sa malapit sa pader na nagbabalang gumúhò: ang isá, na siyáng maglilíbing ay waláng cabahábahálà; iniwawacsi ang m~ga gulogód at ang m~ga butó, na gaya na pag-aabsáng n~g isáng maghahalamán n~g m~ga bató at m~ga san~gáng tuyô; ang isá'y nan~gán~ganin~ganí, nagpapawis, humíhitit at lumúlurâ mayá't mayâ.

--¡Pakinggán mo!--anang humíhitit, sa wícang tagalog.--¿Hindî cayâ magalíng na catá'y humúcay sa ibang lugar? Ito'y bagóng bágo.

--Pawang bágo ang lahát n~g libíng.

--Hindî na acó macatagál. Ang but-óng iyáng iyóng pinutol ay dumúrugò pa ... ¡hm! ¿at ang m~ga buhóc na iyán?

--¡Nacú, napacamaselang ca naman!--ang ipinagwícà sa canyá n~g isá--¡Ang icaw ma'y escribiente sa Tribunal! Cung humúcay ca sanang gáya co n~g isáng bangcáy na dadalawampong araw pa, sa gabí, n~gitn~git n~g dilím, umúulan ... namatáy ang farol cong dalá....

Kinilabutan ang casama.

--Naalís ang pagcapacò n~g cabaong, umaalin~gásaw ... at mapilitan cang pasanín mo ang cabaong na iyón, at umúulan at camíng dalawá'y cápuwà basâ at....

--¡Kjr!....At ¿bákit mo hinúcay?...!

Tiningnan siyá n~g maglilíbing n~g boong pagtatacá.

[Larawan:--¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcay pagcatapos?--ang ipinagpatuloy na pagtanóng n~g maselang.--Imp de M. Fernández. Paz 447. Sta. Cruz.]

--¿Bákit?...¿nalalaman co bâ? ¡Ipinag-útos sa áking hucáyin co!

--¿Sino ang nag-útos sa iyó?

Napaurong n~g cauntî ang maglilíbing at pinagmasdán ang canyáng casama, mulâ sa páa hangáng úlo.

--¡Abá! ¡tila ca namán castilà! ang m~ga tanóng díng iyán ang siyáng guinawâ sa akin pagcatapos n~g isáng castilà, datapuwa't sa lihim. N~gayó'y sásagutín catá, n~g gaya n~g pagcásagot co sa castilà: ipinag-útos sa akin n~g curang malakí.

--¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcáy pagcatápos?--ang ipinagpatúloy na pagtatanóng n~g maselang.

--¡Diablo! cung dî co lamang icáw nakikilala at natatalastas cung icáw ay "lalaki", sasabihin cung icáw ay túnay n~gang castilang civil: cung magtanóng ca'y túlad din sa canyá. Gayón ...ipinag-utos sa akin n~g curang malakíng siyá'y ilibíng co sa libin~gan n~g m~ga insíc, n~guni't sa pagcá't totoong mabigát ang cabaong at maláyò ang libin~gan n~g m~ga insíc....

--¡Ayaw! ¡ayaw! ¡ayaw co n~g humúcay!--ang isinalabat n~g causap na lipós n~g pan~gin~gilabot, na binitiwan ang pála at umahon sa húcay;--akíng nábaac ang bá-o n~g isáng úlo at nan~gan~ganib acóng bacâ hindî acó patuluguín sa gabíng itó.

Humalakhác ang maglilíbing n~g canyáng makitang samantalang umaalis ay nagcucruz.

Unti-unting napúpunô ang libin~gan n~g m~ga lalaki't m~ga babáeng páwang nan~gacalucsâ. Ang ibá'y nan~gagháhanap na maluat n~g baunan; silá-silá'y nan~gagtatatalo, at sa pagca't hindî mandín silá man~gagcasundò, silá'y nan~gaghíhiwalay at bawa't isá'y lumúluhod cung saán lalong minamagaling niyá,; ang m~ga ibá, na may m~ga "nicho" ang caniláng m~ga camag-anac, nan~gagsísindi n~g malalakíng candilà at nan~gagdárasal n~g taimtím; naririnig din namán ang m~ga buntóng hinin~gá at m~ga hagulhól, na pinacalalabis ó pinipiguil. Narírin~gig na ang alin~gawn~gaw n~g "orápreo, orápresis" at "requiemeternams."

Násoc na nacapugay ang isáng matandáng lalaki. Marami ang nan~gagtawá pagcakita sa canyá, ikinunót ang m~ga kílay n~g iláng m~ga babae. Tila mandín hindî pinúpuna n~g matandáng lalaki ang gayóng m~ga ipinakikita sa canyá, sa pagcá't napatun~go siyá sa buntón n~g m~ga bun~gô n~g úlo, lumuhód at may hinanap sa loob n~g iláng sandalî sa m~ga but-ó; pagcatapos ay main~gat na inisaisáng ibinucód ang m~ga bun~gô n~g úlo, at sa pagca't hindî mandín makita niyá ang canyáng hinahanap, umilíng, lumín~gap sa magcabicabilà at nagtanóng sa maglilíbing.

--¡Oy!--ang sinabi sa canyá.

Tumungháy ang maglilíbing.

--¿Nalalaman mo bâ cung saan naroon ang isáng magandáng bungô n~g úlo, maputíng tulad sa lamán n~g niyóg, waláng caculangculang ang m~ga n~gípin, na inalagáy co sa paanán n~g cruz, sa ilalim n~g m~ga dahong iyón?

Ikinibít n~g maglilibing ang canyáng m~ga balícat.

--¡Masdán mo!--ang idinugtóng n~g matandâ, at ipinakita sa canyá, ang isáng pílac na salapî,--walâ aco cung hindî itó, n~guni't ibíbigay co sa iyó cung makita mo ang bun~góng iyón.

Pinapagdilidili siyá, n~g ningníng n~g salapî, tinanáw ang buntunan n~g m~ga, butó, at nagsalitâ:

--¿Walâ bâ roon? Cung gayó'y hindî co nalalaman. N~guni't cung ibig ninyó'y bíbigyan co pô cayó n~g ibá.

--¡Catulad ca n~g baunang iyóng hinuhucay!--ang winíca sa canyá n~g matandáng lalaking nan~gín~ginig ang voces;--hindî mo nalalaman ang halagá n~g nawawalâ sa iyo. ¿Sino ang ililibing sa húcay na iyán?

--¿Nalalaman co bâ cung sino? Isáng patáy ang ilílibing diyan!--ang sagót na nayáyamot n~g maglilibing.

--¡Tulad sa baunan! ¡tulad sa baunan!--ang inulit n~g matandáng lalaking nagtátawa n~g malungcot;--hindî mo nalalaman ang iyong hinuhucay at ang iyong nilalamon! ¡Húcay! ¡húcay!

Samantala'y natapos n~g maglilíbing ang canyáng gawâ; dalawáng nacatimbóng lupang basâ at mapulápulá ang na sa magcabilang tabí n~g húcay. Cumúha sa canyáng salacót n~g hichó, n~guman~gà at pinagmasídmasíd na may anyóng tan~gá ang m~ga nangyayari sa canyáng paliguid.

TALABABA:

[210] Caraniwang tawaguin n~g m~ga tagalog ang fiesta n~g lahat n~g m~ga santo, na "Todos los Santos", baga man ito'y wicang castila.

[211] Ang sumusulat n~g m~ga libro n~g m~ga casaysayan n~g m~ga nangyari n~g panahong nacaraan na.

[212] Dating caharian n~g m~ga itím na tao sa Guinea, at colonia francesa mulâ n~g 1892.

[213] Tinatawag ding Calvario, na ang cahuluga'y timbunan ó lalagyán n~g m~ga bun~gô. Ang Calvario ó Gólgota'y na sa ibabâ n~g Jerusalem at caugalîan n~g m~ga judíong doon patayín ang m~ga tulisán at magnanácaw. Diyán n~ga ipinácò sa Cruz si Jesús, ang Dakilang Banál na hinatulang mamatay roong tulad sa isáng imbíng magnanácaw. Sa bundoc din n~g Gólgota naroon ang halamanan ni José de Arimathea na pinaglibin~gan sa bangcay n~g Mananacop. S. Mateo XXVII. 33: Marcos XV. 22; Lúcas XXIII. 32; Juan XIX 17, 41.--Sinasapantáhà n~g ibáng iyón din ang bundóc "Moriah", na pinagdalhán ni Abraham sa canyáng anác na si Isaac upang patayín, sa pagtalima sa utos n~g Dios. Génesis XXII. 2.--P.H.P.

[214] Ang guang na sadyáng inilálagay sa m~ga pader n~g m~ga libin~gan, at doon inilílibing ang m~ga bangcáy na may cabaong, sa pamamaguitan n~g mahál na bayad sa párì ó cura n~g bayan.--May m~ga bayang tagalog na tinatawag na "bútas" ang "nicho."

=XIII.=

=MGA PAUNANG TANDA NANG UNOS=

Nang sandalíng lumálabas ang matandáng lalaki, siyá namáng pagtiguil sa pasimulâ n~g bagtás ó landás n~g isáng cocheng tila mandín maláyò ang pinanggalin~gan, punóngpunô n~g alabóc at nagpapawis ang m~ga cabayo.

Umibís si Ibarra sa cocheng casunód n~g isáng alílang matandáng lalaki; pinaalis ang coche sa isáng galáw lamang n~g úlo at napatun~go sa libin~gang waláng kibò at malungcót.

--¡Hindî itinulot n~g aking sakít at n~g aking m~ga pinan~gan~gasiwâang acó'y macabalíc dito!--ang sinasabi n~g matandáng lalaki n~g boong cakimîan;--sinabi ni Capitang Tiagong siyá na ang bahalang magpatayô n~g isáng "nicho"; datapuwa't tinanimán co n~g m~ga bulaclác at isáng cruz na acó ang gumawâ....

Hindî sumagót sí Ibarra.

--¡Diyan pô sa licód n~g malakíng cruz na iyán--ang ipinagpatuloy n~g alilà, na itinuturò ang isáng súloc n~g silá'y macapasoc na sa pintûan.

Lubháng natitigagal n~gâ ang caisipán ni Ibarra, cayá't hindî niyá nahiwatigan ang pagtatacá n~g iláng táo n~g siyá'y caniláng makilala, na tumiguil sa caniláng pagdarasál at sinundán siyá n~g tin~gín, sa lakí n~g pangguiguilalas.

Nag-iin~gat ang binatà n~g paglacad, pinan~gin~gilagan niyáng dumaan sa ibabaw n~g m~ga pinaglibin~gan, na madalíng nakikilala sa cahupyacán n~g lúpà. Tinatapacan niyá n~g una, n~gayó'y iguinagalang niyá; gayón din ang pagcacálibing sa canyang amá. Humintô siyá pagdatíng sa cabiláng daco n~g cruz at tumin~gín sa palibotlibot. Námanghâ at napatigagal ang canyáng casama; hinahanap niyá ang bacás sa lúpa ay walâ siyáng makitang cruz saan man.

--¿Dito cayâ?--ang ibinúbulong;--hindî doon; n~guni't hinúcay ang lúpà.

Tinitingnan siyá ni Ibarra, na totoong masamâ ang lóob.

--¡Siyá n~gâ!--ang ipinagpatuloy,--natátandaang cong may isáng bató sa tabí; may caiclîan ang húcay niyao'y may sakít ang maglilibing, cayá't isáng casamá ang siyáng napilitang humúcay datapuwa't itátanong natín sa canyá cung anó ang guinawâ sa cruz.

Pinatun~guhan nilá ang maglilibíng, na nagmámasid sa canilá n~g boong pagtatacá.

Yumucód itó sa canilá, pagcapugay n~g canyáng salacót.

--Maipakikisabi pô bâ ninyó sa amin cung alín ang húcay na doó'y dating may isáng cruz?--ang tanong n~g alílà.

Tiningnan n~g tinatanong ang lugar at nag-isíp ísip.

--¿Isáng cruz bang malakí?

--¿Opò, malakí,--ang pinapagtibay na sagót n~g matandáng lalaki n~g boong catuwâan, at tinitingnan niyá n~g macahulugán si Ibarra, at sumayá namán ang mukhâ nitó!

--¿Isáng cruz na may labor at may taling oway?

--¡Siyá n~gâ! ¡siyá n~gâ! ¡iyán n~gâ! ¡iyán n~gâ!--at iguinuhit n~g alilà sa lupà ang isáng anyóng cruz bizantina[215].

--¿At may taním na m~ga bulaclác sa húcay?

--¡M~ga adelfa, m~ga sampaga at m~ga pensamiento! ¡iyán n~gâ!--ang idinugtóng na malakí ang towâ, at inalayan niyá n~g isáng tabaco ang maglilíbing.

--Sabihin n~ga ninyó sa amin cung alín ang húcay at cung saán naroon ang cruz.

Kinamot n~g maglilíbing ang tain~ga't sumagót na naghíhicab:

--¡Abá ang cruz!... ¡akin n~g sinúnog!

--¿Sinúnog? at ¿bákit ninyó sinúnog?

--Sa pagcá't gayón ang ipinag-útos n~g curang malakí.

--¿Síno bâ ang curang malakí?--ang tanóng ni Ibarra.

--¿Síno? Ang nangháhampas, si parì Garrote.

Hinaplós ni Ibarra ang canyáng nóo.

--Datapuwa't ¿masasabi pô bâ ninyó sa amin man lamang ang kinalalagyan n~g húcay? Dapat ninyóng matandaan.

N~gumitî ang maglilíbing.

--¡Walâ na riyán ang patáy!--ang mulíng isinagót n~g boong catahimican.

--¿Anó pô ang sabi ninyó?

--¡Abá!--ang idinugtóng n~g táong iyóng ang anyó'y nagbíbirô;--ang naguing capalít niyá'y isáng babaeng inilibíng co roong may isáng linggó na n~gayón.

--¿Nauulól pô bâ cayó?--ang itinanong sa canyá n~g alílà,--diyata't walâ pa namáng isáng taóng siyá'y aming inilílibing.

--¡Tunay n~ga iyón! marami n~g buwan ang nacaraan mulâ n~g siyá'y aking hucayi't cuning ulî sa baunan. Ipinag-utos sa aking siyá'y hucayin co n~g curang malakí, upang dalhin sa libin~gan n~g m~ga insíc. N~guni't sa pagká't mabigát at umúulan n~g gabíng yaón....

Hindî nacapagpatuloy n~g pananalitâ ang táo; umudlót sa pagcáguitlá n~g makita ang anyô ni Crisóstomo, na dinaluhóng siyá't sacá siyá tinangnán sa camáy at ipinágwagwagan.

--At guinawâ mo ba?--ang tanóng n~g binatang ang anyô n~g pananalita'y hindî namin maisaysay.

--Howág po cayóng magalit, guinoo--ang sagót n~g maglilíbing na namumutla't nan~gín~ginig;--hindî co po namán siyá inilíbing sa casamahán n~g m~ga insíc. Mabuti pa ang malúnod cay sa mapasama sa m~ga insíc--ang wica co--at siyá'y iniabsáng co sa tubig!

Inilagáy ni Ibarra ang canyáng m~ga camay sa magcabilang balicat n~g maglilíbing at mahabang oras na siyá'y tinitigan n~g tin~ging hindî maisaysay cung anóng íbig sabihin.

--¡Icáw ay walâ cung dî isáng culang palad!--ang sinabi, at umalís na dalîdaling tinatahac ang m~ga butó, m~ga húcay, m~ga cruz, na paráng ísang sirâ ang ísip.

Hináhaplos n~g maglilíbing ang canyáng bísig at bumúbulong:

--¡Ang guinágawang m~ga caligaligán n~g m~ga patáy! Binugbóg acó n~g bastón n~g páring malakí, dahiláng ipinahintulot cong ilibíng ang patáy na iyón n~g aco'y may sakít; n~gayo'y cauntí n~g balîin nitó ang aking bísig, dahil sa pagcahucay co n~g bangcáy. ¡Itó n~ga namáng m~ga castilà! ¡Marahil pa'y alisán acó nitó n~g aking hánap-búhay!

Matúlin ang lacad ni Ibarra na sa maláyò ang tanáw; sumúsunod sa canyáng umíiyac ang alílang matandáng lalaki.

Lúlubog na lamang ang áraw; macacapál na m~ga dilím ang siyáng lumalatag sa Casilan~ganan; isáng han~ging mainit ang siyáng nagpapagalaw sa dúlo n~g m~ga cáhoy at nagpaparaíng sa m~ga cawayanan.

Nacapugay na lumalacad si Ibarra; sa canyáng m~ga matá'y walang bumabalong na isáng lúhà man lamang, waláng tumatacas sa canyáng dibdib cáhi't isáng buntóng hinin~gá. Lumalacad na parang may pinagtatanauan, marahil sa pagtacas sa anino n~g canyáng amá, ó bacâ namán cayà sa dumádating na unós. Tináhac ang báya't lumabás sa luwál, tinun~go yaóng lúmang báhay na malaon n~g panahông hindî tinutungtun~gan. Naliliguid ang bahay na iyón n~g pader na sinísibulan n~g m~ga damóng macacapál ang dahon, tila mandin siyá'y hinuhudyatán; bucás ang m~ga bintánà; umúugoy ang iláng-ílang at ipinápagaspas n~g boong casayahan ang canyáng m~ga san~gáng hític n~g m~ga calapati na nagpapaliguidliguid sa matibong na bubóng n~g caniláng tahanang na sa guitna n~g halamanan.

N~guni't hindî pinápansin n~g binatà ang caligayaháng itóng iníháhandog sa canyáng pagbalíc sa lúmang báhay: nacapácò ang canyáng m~ga matá sa anyô n~g isáng sacerdoteng canyáng macacasalubong. Itó'y ang cura sa San Diego, yaong laguing nagdidilidiling franciscano na ating nakita, ang caaway n~g alférez. Tiniticlop n~g han~gin ang canyáng malapad na sombrero; ang canyáng hábitong guinggo'y dumirikit sa canyáng catawán at ipinakikita ang anyo nito; na anó pa't námamasid ang canyáng m~ga payát na hítang may pagcá sacáng. Sa cána'y may háwac na isáng bastóng palasang may tampóc na gáring. Noón lamang nagcakita siláng dalawá ni Ibarra.

Pagsasalubong nilá'y sandalíng humintô ang binata't siyá'y tinitigan; iniiwas ni Fr. Salví ang canyáng m~ga matá at nagpaconowaríng nalílibang.

Sandalíngsandali lamang tumagál ang pag-aalinlan~gan: malicsíng linapitan siyá ni Ibarra, pinatiguil at idiniín n~g boong lacás n~g canyáng camáy na ipinatong sa balicat n~g párì, at nagsalitáng halos bahagyâ na mawatasan:

--¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?--ang itinanóng.

Si Fr. Salvíng namutlâ, at nan~gatál n~g mabasa niyá ang m~ga damdaming nalalarawan sa mukhâ n~g binátà'y hindi nacasagót; nawalán n~g diwâ.

--¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?--ang mulíng itinanóng na nalulunod ang voces.

Ang sacerdoteng untîunting nahútoc, dahil sa camáy na sa canyá'y nagdíriin ay nagpumilit at sumagót:

--¡Cayó po'y nagcacamalî; walâ acóng guinagawang anó man sa inyóng amá.

--¿Anóng walâ?--ang ipinagpatuloy n~g binátà, at sacâ siyá idiniín hanggáng sa siyá'y mápaluhod.

--¡Hindî pó, sinasabi co sa inyó ang catotohanan! ang aking hinalinhán, si párì Dámaso ang may cagagawán....

--¡Ah!--ang sinabi n~g binata't siyá'y binitiwan at bago tumampál sa noo. At iniwan ang abáng si Fr. Salví at dalidáling tinun~go ang canyáng sariling báhay.

Samantala'y dumatíng ang alilà at tinulun~gan sa pagtindíg ang fraile.

[Larawan:--¿Inanó mo ang aking amá--ani Ibarra sa fraile.--Imp. de M. Fernandez Paz 447. Sta. Cruz]

TALABABA:

[215] Isáng cruz na catulad n~g guinagamit n~g una sa Bizancio pa n~gayo'y Constantinopla.

=XIV.=

=ANG ULOL NA SI TASIO Ó ANG FILOSOFO=

Naglálacad sa m~ga lansán~gang waláng tinutun~go't waláng iniisip ang cacaibáng matandáng lalaki.

Nag-aral siyá n~g una n~g Filosofía, at iníwan niya ang pag-aáral sa pagsunód sa canyáng ináng matandâ na; at hindî niyá ipinagpatuloy ang pag-aaral, hindî sa caculan~gan n~g magugugol at hindî rin sa caculan~gan n~g cáya n~g pag-iísip: tumíguil siyá n~g pag-aáral, dahilán n~gâ sa pagcá't mayaman ang canyáng iná, at dahilan sa ayon sa sabiha'y matalas ang canyáng ísip. Natatacot ang mabaít na babaeng maguíng pantás ang canyáng anác at macalimot sa Dios, cayâ n~ga't siyá'y pinapamilì, sa siyá'y magpárì ó íwan niyá ang colegio n~g San José. Nang panahón pa namáng iyó'y siyá'y may naiibigang babae, cayá't pinilì niyá ang íwan ang colegio at nag-asawa siyá. Hindî lumampás ang isáng taón at siyá'y nabáo at naulila; guinawâ niyáng aliwan ang m~ga libro upang siyá'y macaligtás sa calungcutan, sa sabong at sa pagca waláng guinágawâ. Datapowa't lubháng nawili sa m~ga pag aaral at sa pamimilí n~g m~ga libro, hanggáng sa mapabayaan niyá ang sariling pamumuhay, cayá't siyá'y unti-unting naghírap.

Tinatawag siyáng Don Anastasio ó filósofo Tasio n~g m~ga táong may pinagaralan, at ang m~ga masasamâ ang tûrò, na siyáng lalong marami, tinatawag siyáng Tasiong ul-ól, dahil sa hindî caraniwang canyáng m~ga caisipán at cacaibang pakikipagcapowa-táo.

Ayon sa sinabi na namin, ang hapo'y nagbabalang magca unôs; liniliwanagan ang abó abóng lan~git n~g iláng kidlát; mabigát ang aláng-álang at totoong maalis-ís ang han~gin.

Wari'y nalimutan na n~g filósofo Tasio ang canyáng kinalúlugdang bun~gô n~g ulo; n~gayó'y n~gumin~giting pinagmámasdan ang maiitim na pan~ganurin.

Sa malapít sa simbaha'y nasalubong niyá ang isáng táong naca chaqueta n~g alpaca at daladala sa camáy ang may mahiguít na isáng arrobang candílà at isáng bastóng may borlas, bílang saguísag n~g punong may capangyarihan.

--¿Tila po cayo'y natótowâ?--ang tanóng nitó sa wícang tagalog.

--Siya n~ga pô, guinoong capitan; natótowâ acó sa pagcá't may isá acóng inaasahan.

--¿Ha? ¿at alin ang inyóng inaasahang iyán?

--¡Ang unós!

--¡Ang unós! ¿Nag-aacálà bâ cayóng maligò?--ang tanóng n~g gobernadorcillo n~g palibác, na minamasdan ang dukháng pananamít n~g matandáng lalaki.

--Malígò acó ... ¡hindî masamâ, lalong lalô na pagcâ nacatitisod n~g isáng dumi!--ang sagôt ni Tasio, na palibác din namán ang anyô n~g pananalita, bagá man may pagca pagpapawaláng halagá sa canyáng causap--n~guni't naghíhintay acó n~g lálong magalíng.

--¿At anó pô bâ iyón?

--Iláng m~ga lintíc na pumatáy n~g m~ga táo at sumúnog n~g m~ga báhay.

--¡Hin~gín na ninyóng paminsanan ang gúnaw!

--¡Nararapat tayong lahát, cayó at acóng gunawin! Dalá pô ninyó riyan, guinoong capitan, ang isáng arrobang candílang gáling sa tindahan n~g insíc; may mahiguít n~g sampóng taóng aking ipinakikiusap sa bawa't bágong capitang bumíbili n~g pararrayos[216], at pinagtatawanan acó n~g lahát; gayón ma'y bumibili n~g m~ga "bomba" at m~ga "cohete", at nan~gagbabayad n~g m~ga repique n~g m~ga campánà. Hindî lamang itó: kinábucasan n~g pakikiusap co sa inyó, nagbilin pô cayó sa m~ga magtutunáw na insíc n~g isáng "esquilang" álay cay Santa Bárbara, gayóng nasiyasat na n~g carunun~gang mapan~ganib ang tumugtóg n~g m~ga campanà sa m~ga araw na may unós. At sabihin pô ninyó sa akin, ¿bakit pô bâ n~g taóng 70 n~g mahulog ang isáng lintíc sa Binyáng, doon pa namán nahúlog sa campanario at iguinibâ ang relój sacâ isáng altar? ¿Anó ang guinagawâ n~g esquilita ni Santa Bárbara?

Nang sandalíng iyo'y cumisláp ang isáng kidlát.

--¡Jesús, María y José! ¡Santa Bárbarang mahál!--ang ibinulóng n~g capitang namutlâ at nagcruz.

Humalakhác si Tasio.

--¡Cayó'y carapatdapat sa pan~galan n~g inyóng pintacasi!--aní Tasio sa wicang castilà, tinalicdán ang capitan at tumún~go sa simbahan.

Nagtátayo ang m~ga sacristan sa loob n~g simbahan n~g isáng "túmulo"[217] na nalilibot n~g m~ga malalaking candilang natitiric sa m~ga candelabrong cáhoy. Ang túmulong yao'y dalawáng mesang malalakíng pinagpatong at natátacpan n~g damít na maitím, na may m~ga listóng puti; sa magcabicabila'y may napipintang m~ga bun~gô n~g úlo.

--¿Iyán ba'y patungcól sa m~ga cálolowa ó sa m~ga candilâ?--ang itinanóng.

At n~g makita niyá ang dalawáng batang lalaking may sampóng taón ang isá at ang isá'y may malapit sa pitó, lumapit sa caniláng hindî na hinantay ang sagót n~g m~ga sacristán.

