Nasawing Pagasa

Part 2

Chapter 2 2,642 words Public domain Markdown

Ang napanaginip n~g m~ga bayani na tadhanang araw sa lahi kong api, wari'y sumisilang n~g sandaling yaong lahát ay nagwagi at pawang naawit n~g m~ga pagkasi.

Sampung m~ga ibong payapang magdamág ay iniyunat na ang kaniláng pakpák; sandalíng dumalit bilang isang bati sa nagharíng galák na sinasayawan n~g palundaglundag.

Tinig n~g batin~gaw ay sa Konsepsiyón noó'y nagbalita na may kasal doón; sa bibig n~g madla narinig n~g lahat ang kasál na yaón di iba't kay Tuníng na lan~git ni Osong.

N~guni't ¿sino kaya ang lubhang mapalad na makikisumpa sa dambanang harap? at ¿si Osong kaya? ¡oh, hinding hindi n~ga't isang taong pantas na kinasilawan sa bunton n~g pilak!...

Ito'y si Ruperto na tukod n~g yaman kung kaya nasilaw si Tuning na hirang; kanyang kinalakal pagibig at buhay; puri at katawan na sampu n~g ama'y nakiayon naman.

Wala n~ga sa isip n~g sandaling yaon ang pinan~gakuang binatang si Osong at kahi't bahagya wala sa gunita ang nasawing sanggol na tunay mang anak ay ipinatapon.

¡Inang walang awa, pusong salawahan sa tunay mong supling di ka na nahambal!..... ¡m~ga kulang palad!... ¡oh ang nililikha niyang kayamanan! at ¡oh, ang babai, kung siyang masilaw!...

Huwag nang lin~guni't bayaang tuman~gis ang pusong dinaya n~g _Oong_ matamis, mahalin mo lamang ang naging bulaklak n~g iyong pagibig at dakila ka rin sa matang nagmasid.

Sa pagka't ang inang walang pagmamahal sa tunay na supling na sa puso'y nukal, daig pa ang hayop, na lubhang malupit, marun~gis ang asal n~guni't kung sa anák ay handog ang buhay.

At makalilibong masarap sa malas ang isang dalagang sa tangkay nagulap di gaya n~g isáng babaing magtapon sa ilog n~g anak bukod sa may dun~gis, sumpaan n~g lahat ...

Subali't ang lahat, di man sumagimsim sa diwa at puso n~g magandang Tuning, natan~ging nagdiwang sa kanyang isipang naglayag sa aliw na «siya'y yayaman kay Rupertong piling.»

Sampu ni Ruperto'y di kaya ang lugod sa pagka't kakamtan ang aliw n~g loob; boong pananalig: ang kanyang si Tuning ay piling alindog at wala pang dun~gis sa n~galang pagirog.

Kapwa may ligaya ang magkasingpalad; dalaga'y sa kintab at tunog n~g pilak, at ang isa nama'y sa boong pagasang ang ligayang han~gad, sarilingsarili't ang pagsinta'y tapat ...

Kasiyahang lubos ang siyang umawit sa puso n~ga nilang hindi matahimik; sa boong lansan~gan, pinahan~ga nila, bawa't makamasid n~g pagtatagumpay noong si pagibig.

Kapag salapi n~ga ang siyang nagutos ay payayanigin itong sangsinukob, at sa pagka't kasal n~g isang Rupertong sa yaman ay bantog kung kaya ang handa'y di masayodsayod.

Papanhikang bahay ay sakdal n~g dilag at sa palamuti'y natatan~ging agad; palibhasa'y yaman, ang siyang naghari, ang siyang nagatas kaya nagigitla panauhing lahat.

Lalo n~g dumating yaong bagong kasal hiyas na ginamit sa yaman ay sakdal; «¡Maligayang bati!» salubong n~g lahat n~g sa puso'y nukal bago nagsidulog sa isang agahan.

Sa pagsalosalo ay nakikisaliw tinig n~g musikong gumagara mandin sa m~ga bulaklak, n~g bayang Malabong noo'y nagliwaliw na wari'y nagtipang magsabog n~g aliw.

At naging parayso n~g ligaya't lugod pagsasalong yaon n~g m~ga alindog; na sinamantala noong makikisig pusong umiirog m~ga paroparong mababa't matayog.

Ang maamong titig, ang mariing sulyap, panibughong n~giti, kilos na banayad, n~g sandaling yaon wari'y umuulang palasong matalas na di sumasala sa puso n~g liyag.

Anhin mang lasapin ang mayamang handa di gaya n~g dilag n~g m~ga hiwaga; iyang mapamihag kaligaligayang maningning na tala sa lan~git n~g bayang luoy sa pagluha.

Lalo na ang dikit n~g magandang Tuning namamaibabaw sa madlang kapiling, at nakikibagay sa kislap n~g hiyas na lubhang maningning kaya si Ruperto'y nagmamalaki rin.

At halos ang puso sa tuwa'y umidlip at busog na busog kanyang m~ga titig, ni ang panauhin, sampung kinakain ay wala sa isip at walang nalabi kundi ang pagibig,

Hanggang sa matapos, agahang masarap ay walang naghari kundi pawang galak at sila'y pumasok; ang isang matanda sa lupa'y tumawag: «¡Sa isang naaba'y magdamot n~g habag!...»

Ang ama ni Tuning pagdaka'y nagn~gitn~git «¡Palayasin ninyo, matandang marun~gis, nang di mangrimarim, m~ga panauhin sadyang nakisanib sa kaligayahan na dulot n~g lan~git!....»

Tugon n~g matanda: «Kung ako'y mayaman ay hindi ganito yaring kalagayan, gulanit na damit di ko isusuot: ako'y masusuklam n~guni't pagka't wala'y inyong pagtiisan.

At kung kaya lamang ako'y naparito iyang bagong kasal ay babatiin ko naging sumbat nama'y «¡Huwag kang umakyat at maraming tao na nakahihiya ang abang lagay mo!....»

«Di ikahihiya aking kasalatan huwag lang sabihin na sakim sa yaman sa pagka't ang dukha ay di alan~ganin sa harap nino man at isa ring anak n~g poong Maykapal.

At sa mundo'y walang nalalagdang batas sadyang nagbabawal sa pakikiharap, n~g isang timawa't kung ipan~gin~gimi ang mukhang mahirap ang sabik sa yama'y lalong nararapat.

Kaya itulot nang ako'y makapasok maligayang bati'y aking ihahandog sa m~ga mapalad, n~gayo'y nagsisumpa sa harap n~g Diyos ...» «¡Tuloy na n~ga kayo!....» maasim na alok.

Baga man masaklap sa puso at dibdib doo'y patuluyin, matandang marun~gis, ang ama ni Tuning ay namayapa na't nakiayong tikis pagka't sumusugat ang bawa't isulit.

Ipinan~gan~gambang baka pa lumala pagbaban~gon puri n~g abang matanda na di dumadaplis ang bawa't ituring sadyang tumatama sa ama ni Tuning, sa mayamang mukha.

Kaya't ang matanda nang di tumitinag sa pagkakatayo'y nilapitan agad; «Tayo na po kayo; magtuloy po sila't kusang makigalak sa dakilang araw n~g pagisang palad....»

At nagtuloy na n~ga n~g puspos na galang yaong bagong kasal, minatamataan; mana'y may dinukot, sa loob n~g damit na isang larawan at anya'y «¡Oh, Tuning, tanggapin mo laman!..»

Pagdaka kay Tuning, pumulas ang luha, mukha ay naglaho, nagapos ang dila; si Ruperto nama'y di rin nakakibo at napipi rin n~ga at ang kain~gaya'y biglang namayapa.

N~guni't ang matandang ama n~g babai ay naglakas loob at ipinagsabi: «¿Ano po ang dala at isang larawan n~g batang lalaki na siyang sa lahat ay nakapipipi?»

Tugon n~g pulubi'y «Inyo pong kilanlin at ito ay isang kamaganak mo rin ...» yaong bagong kasal, di na nakabata't inagaw nang tambing; «¡Ito ang anak ko, at tunay na supling!...»

Tuloy hinimatay; luhang mapapait ang sa kanyang pisn~gi, pagdaka'y dumilig; lahat ay nagulo't nang mahimasmasan, mata'y itinirik: «¡Patawad Osong ko, sa nagawang lihis!...

Sa laot n~g dusa, ako'y ipinadpad n~g lubhang marun~gis at masamang palad; nagtaksil n~ga ako't inang nagmalupit sa tunay na anak subalit sa n~gayo'y ¡¡patawad!! ¡¡patawad!!»

At untiunti nang, nalagot ang hin~ga at noong maburol sumugod ang ama: «¡Ikaw na pan~gahas, pulubing naghayag n~g lihim at dusa dapat kang mamatay! ¡uutasin kita!...»

N~guni't ang pulubi'y umurong sandali; hinubad ang damit at noon nawari, na siya'y si Osong ¡laking pagkamangha; lahat ay nan~gimi at yaon ang giliw n~g babaing sawi!

«¡Ikaw na matanda na sakim sa yaman, uhaw sa tungkulin at sabik sa dan~gal, na nan~gan~galakal n~g puri n~g supling ang dapat mamatay at di akong dukhang inyong inagawan!...»

At saka umakmang tarakan ang puso noong lilong amang masakim sa ginto; subali't ang lahat pagdaka'y umawat, pagdaka'y bumuno hanggang maibaba't naglapat n~g pinto.

N~guni't ¿si Ruperto'y saan naparoon? at ¿bakit nawala sa sakunang yaon? ¡walang makaalam! palibhasa'y lihim na tumakas doong umilag marahil sa n~gitn~git ni Osong.

At doon natapos yaong kaguluhan na noong umaga'y isang kasayahan; sa bibig n~g madla, pagpuri't pagkutya, pagbunyi't paguyam ang namumulaklak na lipatlipatan.

Hanggang sa lansan~gan, noo'y sumabog na balitang masaklap, mapait na bun~ga n~g han~gad sa yaman; ibang makamatyag lihim na tatawa bago tutuguning «¡Nasawing Pagasa!»

¡Oh, m~ga magulang na silaw sa pilak na nan~gan~galakal n~g puri n~g anak, man~gagnilay sana, bago magsisubo sa guhit n~g palad at baka madapa sa gitna n~g landas!...

¡Oh, m~ga babaing masakim sa yaman pagibig at puri ay niyuyurakan, bumalikwas kayo't inyo nang baguhin ang kinahiligan upang makailag sa kasakunaan!...

At tuloy tantoing masarap pang tikis ang pan~galang _dukha_ o _anak n~g pawis_ kay sa sa mayaman, kung pinupulaan n~g bala na't bibig na nakatatalos n~g lihim n~g dibdib.

[Larawan]

V

Nang kinabukasan at gabing madilim sa isang libin~ga'y naglalamay mandin, yaong si Ruperto; sa kinalagakan n~g bangkay ni Tuning doon nakaluhod n~g lubhang taimtim.

Ang kapayaang naghahari doon ay ginagambala n~g kanyang pagtaghoy: «¡Ay, sawi kong palad!...» wikang naghinagpis saka idinugtong «¡buhay n~g buhay ko, patawad oh, poon!...»

At bago tumayong yumakap sa kurus, luhang mapapait sa mata'y nanagos, matimyas na halik kanyang iginawad saka naghimutok «¡Tuning n~g buhay ko, tanggapin mo irog!...

Iyan ay sagisag n~g aking pagibig at nariyan ka man sa bayang tahimik ay di nililimot at sa bawa't tibok n~g puso sa dibdib pan~galan mo lamang, siyang nasasambit.....»

Mana'y napailag naganyong bayani, lumayo sa kurus at ipinagsabi: «¡Pusong magdaraya!... ¡papatayin kita! ¡hayo na't magsisi!... ¡kulang palad ka n~ga, nasawing babai!...»

Sandaling tumigil at tumawatawa, «¡Aba si Tuning ko, kay ganda mo pala!...» sa harap n~g kurus ay muling lumuhog at humalik siya «¡Tanggapin mo irog at lambing n~g sinta!...»

Anaki'y napasong biglang itinulak n~g kurus na yaon noong kulang palad «¡Abá si Tuning ko!... at nagtatampo na, sa aking pagliyag ... ¡ha!... ¡ha!... ¡ha!... ¡ay kahabaghabag!...

Hayo na, hayo na, gapasin ang lugod naito ang yaman, kandun~gin mo irog; ¡aba't n~gumin~giti!... ¡pusong magdaraya, salawahang loob, papatayin kita, dapat kang matapos!...

At kung ang gaya mo, ay pababayaang lumawig sa mundo n~g dalita't lumbay ay di malalagot, ang m~ga panaghoy, ang m~ga sumpaan ... ¡aba si Tuning ko, nahihiya naman!...

N~guni't huwag Tuning, huwag kang tumañgis, ang pagsisisi mo'y aking naririnig; datapwa't irog ko, umahon ka rito't ako ay hahalik sa m~ga pisn~gi mong sakdalan n~g dikit ...

¿Di ka makalabás? sandaling magantay at babawasan ko ang tabon n~g hukay.» Lumapit sa kurus, tinutop ang noong wari'y nagninilay tuloy na binunot ang tanda n~g patay.

«Kaunti na lamang, Tuning n~g buhay ko, huwag kang mainip at makakamtan mo; mithing kayamanan, aking hahawiin ang tabon sa iyo ...» at nagkukutkot n~gang anaki ay aso.

Sa dulong silan~gan nama'y namanaag masayang liwayway n~g araw n~g bukas, doon sa libin~gan ay siyang pagpasok noong kulang palad binatang si Osong, sawi sa pagliyag.

Kanyang aaliwin ang dusa n~g loob dahil sa pagasang sinawi n~g lungkot; sa boong magdamag, ay di mang nagalay n~g munting pagtulog kung di pawang sakit, dalita't himutok.

Subali't nabiglang natigil sa landas abang si Ruperto'y nang kanyang mamalas na nagkukukutkot doon sa libin~gan noong kulang palad kasaliw sa hibik ang luhang nanatak.

N~guni't di napigil, sigabo n~g poot, patakbong lumapit sa nagkukukutkot; «¿Sino kang pan~gahas, lilong gagambala, kay Tuning kong irog? na namamayapa sa kanyang pagtulog?...»

Tugon n~g Rupertong wikang tumatan~gis «¡Ay Tuning!... ¡ay Tuning! ¡maawa ka lan~git!...» at tuloy lumuhod, sa harap ni Osong at siya'y humalik kasabay n~g yakap na lubhang mahigpit.

Ang poot ni Osong, lalong naglagablab kanyang iniwaksi, ang pagkakayakap; abang si Ruperto, sa maruming lupa'y nasubasob agad at napahandusay sa libing n~g liyag.

Sinakyan ni Osong; pinigil sa batok at ang sundang niya'y madaling binunot, bago iniyakmang «¡Papatayin kita!... ¡dapat kang matapos nang makilala mo kung sino ang Diyos!...

¿At bakit nan~gahas dito sa libin~gan? ¿bakit huhukayin ang sinta n~g buhay? ¡pusong walang bait! kahi't anong sama, n~g taong sino man kapagka namatay, dapat mong igalang..»

«¡Tuning ko! ¡Tuning ko!» ang nagiging tugon «¡oh, anong lupit mo, kay lakas mo n~gayon!.» tinablan n~g sindak, ang ating binatang may n~gitn~git na Osong, at ang yapus niya'y ¡tunay palang ulol!

Tuman~gis ang puso, nagluksa ang dibdib, sisi, habag, hapis, sa kanya'y naniig, kaya't ibinan~gon; «¡Diyos ko! ¡Diyos ko! ¡mahabaging lan~git, pawa na bang gabi, itong tinatawid!...

At bago niyakap, kaharap na baliw «Sa aking inasal ako'y patawarin ...» tumbas ni Ruperto ay isang mataos, halik na mariin, «¡Tuning n~g buhay ko, kay sarap mo giliw!...»

«¡Diyos ko! ¡Diyos ko!» ang hibik n~g Osong, «¡pagkalupitlupit lakad n~g panahon!...» at kanyang inakay abang si Ruperto't wikang idinugtong «¡Tayo na! ¡tayo na!...» at sila'y yumaon.

Habang lumalakad, dalawa'y nagsabay na isinusumpa ang abang namatay: «¡Oh, Tuning! ¡oh, Tuning!... ¡ikaw n~ga ang sanhi n~g lahat n~g lumbay n~gayo'y tinatawid nitong aming buhay!...

At pawa n~g gabing lubhang masusun~git na kasindaksindak, tanghalan n~g sakit, ang siyang sa n~gayo'y laging nilalayag n~g palad na amis, ikaw, ikaw Tuning, ang dahil n~g hapis ...

N~guni't masaklap man ang nasapit naming laging naglalayag sa gabing madilim, pumayapa lamang ikaw sa tahimik, mapanglaw na libing at sa amin yao'y kapalaran na rin ...»

At doon natapos, ang lahat n~g sumpa doon din tumulo mapait na luha; ¡oh, kahabaghabag na palad ni Tuning, babaing naaba natan~gi ang lan~git, siyang nagluluksa!...

¡Oh, taksil na pita sa dan~gal at yaman, ang lahat n~g ito'y iyong kasalanan; ang busabusin mo, kahi't man umidlip doon sa libin~gan sumpang sunodsunod, walang katapusan!...

Pagka't sa bayan mang sinilan~gan niya, bawa't makabatid ay napapatawa at tan~gi sa sumpa, paghabag, pagiring ay isusunod pa: ¡Nasawing Pagasa!... ¡Nasawing Pagasa!...

WAKAS

PARAÑGAL SA KUMATHA

ÑG ¡NASAWING PAGASA!

¡Ang Diwa Mo!

_Kasamang Angel!_

_Dahil sa pagkabasa ko ng iyong kathang ¡NASAWING PAGASA! na pangapat na buñga ng iyong panulat, sa pitak ng pahayagang ANG DEMOCRACIA ay natula ko ang sumusunod:_

Nang ikaw ay di ko nakikilala pa't Ang ilan mong katha ay aking mabasa, Akala ko mandi'y isa kang poetang May sapat n~g gulang at pagkabihasa.

Oo, akala ko, ikaw'y isa na rin Sa m~ga kilalang Santos, Matanglawin, Peña, Regalado, Mariano't Ben Ruben Na, inuuban na sa gayong gawain.

Dahil sa ang iyong m~ga gawang katha Ay nan~gasusulat na lahat sa tula, M~ga tulang hindi pangsira sa wika At bagkus pangayos, pangbuhay sa diwa.

N~guni't sa limbagan n~g Pamahalaan Nang aking mamalas iyong kabataan: Yaong paghan~ga ko'y lalong naragdagan At halos di kita mapaniwalaan.

Isang katulad mo! isang batangbata Ang makayayari n~g maraming katha; M~ga kathang busog sa m~ga hiwaga ... At bihibihira ang nakagagawa?

Sinong di hahan~ga sa dunong mong angkin Lalo't sa lagay mo, ikaw, uuriin? Ah! di sa pan~galan lamang ikaw Angel! Sa puso ma't diwa ikaw ay Angel din!

Angel ka n~gang buhat doon sa Olimpo Na pinaparito n~g diyos Apolo, Upang makatulong sa pagbungkal dito N~g mina n~g Wika nating Pilipino.

Na, nan~gatatago sa parang at gubat At sa m~ga bundok na lubhang mataas; Sa sapa at batis sa ilog at dagat Na puno n~g m~ga magandang alamat.

Ang kasangkapan mo na iisaisa Ang nan~gagagawa ay katakataka, Sa sama'y pangbuti, sa dun~go'y pasigla Sa sira'y pangbuo't pangaliw sa dusa.

Kasangkapang laging laan sa pagdamay Sa nan~gaaapi at nahihirapan, Mabait na guro sa han~gal ó mangmang, Sulong maliwanag sa nadidiliman.

¡Oh, ang íyong diwa na nagpapagawa Sa iyong panitik na gintong mistula, N~g m~ga puntahing banal at dakila Sa ikabubunyi n~g sariling Lupa!...

Bayaan mong ako'y magpilit tumugtog Sa aking kudyaping mahina at paos, Tanda n~g paghan~ga at pagpuring lubos Sa m~ga gawa mong dakila at bantog.

LEONARDO L. GOMBA.

Maynila, S.P., Abril, 1910.

[Mga Patalastas]

[Mga Patalastas]