# Maring (Dangal at Lakas): Ulirang Buhay Tagalog

## Part 4

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/maring-dangal-at-lakas-ulirang-buhay-tagalog-43902/index.md

--Ako’y mamamalakaya at ipagbibili namin ng inang sa bayan,--ang dugtong ng di mapakaling bungso.

--¡¡¡Dios ko po!!!,--ang matalim na sigaw ni Maring.--¡¡¡Anong kaliliit ng aking mga anak!!!

Saka minsang niyakap ang tatlong mag-aamá.

¡Kakila-kilabot na larawan!

May mga larawang hindi mangyayaring dalubhasain ng lalong pantas na panulat. Ang larawan nila Maring, Gonsalo at dalawang anak ay isá sa mga binangit.

Ang mag-asawang Maring at Gonsalo ay sabay na tumangis. Ang malalagong utak at maliliit na pusó ng dalawang paslit ay nangahawa mandin sa hinagpis ng kanilang ama’t ina, at sila’y tinablan ng mapait na luhang dumadagisdis at pumapatak sa kanilang ulo, kaya silá ay nagsi-tangis din.

Ang mag-asawa at ang kanilang mga anak ay ayón at nagkakayakap at nagsisitangis na walang lubay. Sila’y parang binigkis ng lalong masaklap na kamatayan.

Ang silong ng bahay ay nabasa sa kadadagisdis ng kanilang luha.

¡Kaawa-awang Maring! Ang sinumpaan man ng mga katalunan ay hanggan doon na lamang ang hirap. Karamihan sa babayi ay nangapapala dahil sa kanilang kagandahan; nguni’t si Maring, sapol pa man sa una, sapol pa noong siya’y agawin ni Gonsalo, ay siya’y tinugis na ng mababangis na ligalig, dahil lamang sa kaniyang hiwagang dilag.

Iwan natin ang kabanatang itó, sapagka’t napakalumbay.

KABANATANG VII.

Ganting-pala ng Pagtitiis

Inakay na namán ni Maring ang kaniyang dalawang anak at asawang may sakit.

Si Gonsalo ay nabinat.

Sila’y naparoon sa dampa noong matandang kaniang tinuluyan noong unang sila’y dumating sa pook na iyon, at ipinamanhik ni Maring sa kaniya na sila’y ihatid ng bangka sa Obando. Ipinagtapat ni Maring ang naging dahilan ng kanilang pag-alis.

Ang matanda ay nahabag at pumayag sa pamanhik.

Hinakot ni Maring ang kanilang banig, unan at tampipi ng damit, inilulan sa bangka, sila’y sumakay at napatungo sa Obando, sa dakong Taliptip.

Ang bangka ay sumadsad at sila’y napasalamat sa matandang sa kanila’y naghatid.

Hindi pa nalaonan ang kanilang paglakad, ay sila’y may isang kubong dinatnan.

Nagpataupo si Maring, nguni’t walang sumagot.

Siya’y sumilip sa linib at ng makitang walang tao, ay ipinanhik ang kaniyang asawa’t mga anak.

Ang kubong yaon ay parang inihanda kilá Maring. Nagkaroon sila ng bahay na di pinagkagugulan ng salapi at pagod. Lamang ay napakaliit at wasak pa. Yao’y kubong maluwat ng iniwan ng may-ari.

Gayon pa man, si Maring ay natuwa ng di mamagkano, at napasalamat sa Maykapal.

Siya’y naglatag ng banig, at pinatulog ang mga bata.

Palibhasa’y hapo si Gonsalo, kaya di nalaonan at nakatulog din.

Hating gabi at maliwanag ang buan.

Pagkakita ni Maring na nakakatulog na ang kaniyang asawa at mga anak, ay siya’y marahang nanaog at napatungo sa isang palaisdaang hindi lubhang malayo doon. Tahak ni Maring ang pasikot sikot ng pook na yaon, sapagka’t noong buhay pa ang kaniyang nasirang amá ay sila’y madalás na mamili ng isda doon.

Siya’y napatungo sa bahay na tirahan ng bantay sa palaisdaan. Bagama’t hating gabi ay nakita niyang maliwanag sa loob ng bahay. Siya’y napataupo.

Dumungaw ang isang matanda at siya’y pinapagtuloy. Pagdaka’y nakilala niya ang matandá sapagka’t itó ay kaibigan ng kaniyang nasirang amá at ngayo’y siyang may ari ng palaisdaan.

Ipinamanhik ni Maring na siya’y pahintulutan mangdukot ng alimango sa mga lunggang nangasa-pilapil ng palaisdaan. Ang may-ari ay pumayag.

¿Sabihin pa kayá ang tuá ni Maring?

May mga dalawang oras pa lamang siya sa palaisdaan, ay mahigit na sa apat na puo ang alimangong kaniyang nahuli.

Sa katapusán ay nasipit ng isang sakag ang kaniyang hintuturo. Nabutas ang kukó at nadurog ang dulo ng kaniyang daliri.

Siya’y umuwí. Ang dugo’y walang lubay na tumutulo sa kaniyang sugat; nguni’t siya’y masayá, sapagka’t may dalang apat na puo’t walong matataba at malalaking alimango.

Pagdating ng bahay ay tinalian ang kaniyang sugat, ginising si Gonsalo at nagpaalam na umuwi ng bayan, upang ipagbili ang alimangong kaniyang nahuli.

Siya’y nag-iwan ng apat upang sila’y may ulamin.

Nagbubukang-liwayway na ng si Maring ay umalis.

Ng siya’y umuwi ay may dalang bigás, petróleo, ilawan, palayok, suklob, sandok, banga at asin.

Namaga ang kaniyang hintuturong may sugat at hindi na mangyaring siya’y makapangdukot ng alimango.

Kinagabihan ay siya’y nananglaw ng kanduro.

¡Kay tuwa ni Maring! Sasandali pa siyang nananglaw ay dalawang puo’t anim na ang kaniyang nahuling ibon. Nguni’t sa kabila ng kaniyang tuwa, ay siya’y nasubyang ng isang bubog na bumaon sa kaniyang talampakan ng kulang lamang sa isang dali ang lalim.

Tinalian ng panyo ang kaniyang sugat at umuwing titingkod-tingkod.

Kinaumagahan, at pagkatapos naipagbili ang kaniyang mga nahuling ibon, bagá man at masakit na lubha ang kaniyang paa, ay siya’y bumilí ng tubig na inumin, sinasalok niya ng banga sa mga bangka, at ipinagbibili sa bayan. Ikaapat na balik, ay siya’y natisod sa isang bato, naparapa at nabasag ang kaniyang banga.

Si Maring ay umuwi ng bahay na gumigilid ang luha sa kaniyang mga pilikmatá.

Naala-ala niya ang kanilang bahay na iniwan sa nayon ng B. Siya’y naparoon at ang bahay ay ipinagbili ng dalawang puo’t limang piso.

Si Maring ay magaling tumugtog ng alpa at lalo pang magaling manalindaw (magkanta). Dahil dito ay siya’y bumili ng isang alpa, umuwi ng bayan at siya’y nanapat sa mga bahay na malalaki. May mga tatlong oras pa lamang na siya’y nananapat, ay mahigit na sa piso ang kaniyang kinita.

Siya’y masaya na sanang umuuwi, nguni’t siya’y nasagasaan ng isang mabilis na kalesa, nagulungan ang kaniyang alpa at nagkadurugdurog, saka nagputok ang kaniyang mukha sa pagkapasubasob.

Siya’y tumangis na naman, hindi dahil sa siya’y nasaktan, kungdi dahil sa pagkalansag ng kaniyang alpa.

Kinabukasan siya’y bumili ng isang tagá at pisi. Gumawa siya ng isang baliwasan, at kinagabihan ay siya’y napatungo sa ilog at namitmit.

Maliwanag ang buwan.

Noong gabing yaon lamang sinama si Maring, at hating gabi na ay wala pang nahuhuling isa mang isda.

Kaginsa-ginsa’y lumapit kay Maring ang isang lalaking may saluksok na revolver at sundang sa baywang. Ang lalaking itó ay bulag ang isang mata, nguni’t yaong isa niyang matang natitira ay katimbang ó mahigit pa kay sa dalawá, sapagka’t lubhang malaki, matalas, madilat at halos nag-aalab.

Pagkakita ni Maring sa lalaking itó ay biglang nagulat at nanghilakbot. Gayon pa man ay tinatagan ang kaniyang loob, binawi ang kaniyang dating lakas sa mga panganib at hindi nagpakita ng kaunti mang takot.

--¿Nakikilala mo akó?--ang tanong ng lalaki.

--Oo,--ang sagot ni Maring.--Ikaw ang sargentong nagpaputok ng mukha ko sa kuartel ng pulis sa Tundó.

--At ikaw namán,--ang pakli ng lalaki,--ang nagpaputok ng balintataw ng kanan kong mata. Narito ang katunayan.

Itinuro ang bulag niyang matá.

--At yayamang ikaw ang siyang bumulag sa akin,--ang dugtong ng lalaki,--yayamang ako’y natiwalag sa aking katungkulan dahil sa iyo, at yayamang kitang dalawa ay pinagtagpo ngayon ng mabuting kapalaran ay kailangang sumama ka sa akin, upang ako’y damayan mo sa buhay at kamatayan.

--Hindi mangyayari,--ang matatag na sagot ni Maring.

--¿Bakit hindi mangyayari?,--ang bulas ng lalaki.--Ang balang ibigin ko ay sapilitang mangyayari nga, sa mabuti at sa masama mang salitaan.

Inakala ni Maring na labanán na naman ang kaniyang haharapin. Iginayak niya ang loob at hinawakang mahigpit ang puno ng kaniyang baliwasan.

Si Maring ay talagáng matatag sa panganib.

--Sumama ka sa akin,--anang lalaki, kasabay ang paghawak sa kaliwang kamay ni Maring.

Nguni’t si Maring, kasing liksi ng kidlat, ay biglang sinaksak sa mukha ang lalaki ng puno ng kaniyang baliwasan. Napalaran niyang tinamaan ang matang hindi bulag, itó ay pumutók, lumabas sa dating kinalalagyan, kasabay ng bumulwak na dugo.

Sa makatuwid si Maring ang siyang pinalad na bumulag sa kanang matá ng dulingas na sargento, at ngayon ay siya pa ring pinalad na bumulag sa kaniyang kaliwang matáng natitirá.

Ang lalaking may iisang bulag na matá, ngayon ay naging bulag ng lubós.

Binunot nito ang kaniyang rebolber, nguni’t pinagubos ni Maring ang kaniyang lakás, biglang binaltak ang kaniyang kamay na hawak ng lalaki, saka lumayo.

Ito’y bumaril, nguni’t hindi niya tinamaan si Maring, sapagka’t ang bumaril ay bulag. Siya’y muling binaril, nguni’t ang punglo ay lalo pang napalayo sa binabaril.

Si Maring ay nakapulot ng isang pidpid na kahoy, dahan-dahang lumapit sa dakong tagiliran ng lalaki, saka pinalo ng ubos lakas sa kamay na may hawak ng rebolber: Ito ay tumapon at pinulot ni Maring.

Ang bulag ay pipihit-pihit at hindi matutuhan ang tunguhan. Siya’y lalong nagalit, walang magawang paghihiganti. Binunot ang kaniyang sundang at ngangapa-ngapa sa hangin. Muling pinalo ni Maring sa kamay, at ang sundang ay umilandang sa malayo. Pinulot din ni Maring ang nasabing sundang.

Ang taksil na sarhentong nawalan ng mata, ngayon ay nawalan pa ring lubos ng sandata.

Ibig niyang magtaanan, nguni’t hindi niya nakikita ang kaniyang tutunguhan.

Nagkataong nagdadaan doon ang mga kostabulario. Pagkarinig nila sa dalawang putok ng rebolber, ay nangagtumulin at lumapit sa naglalabanan.

Si Maring ay sumalubong sa pamunuan at talagang ibibigay sana sa kaniya ang rebolber at ang sundang, nguni’t pagkakita sa mukha nito, ay biglang nahintakutan at anyong tatakas. Ang pamunuang ito ay dili iba kungdi yaong malaking amerikanong tinarakan ng lanseta sa bahay ng kaniyang panginoong amerikana sa Ermita.

Pagkakita ng pamunuang amerikano na si Maring ay may anyong tumakas, ay hinawakan agad sa kamay.

--¿Saan ka paparoon?,--aniya.

Saka hinarap ang kaniyang mga kasamang kawal.

--Dakpin ninyo ang lalaking iyan,--aniya, sabay turo sa bulag.

Ang mga kawal ay nagsitupad sa utos.

--Patawarin po ninyo ako,--ang samo ni Maring sa pamunuan.

--¿Ikaw nga bagá,--ang tanong ng pamunuan,--ang sumugat sa akin noong isáng gabi, sa bahay ng isang americana sa Ermita?

--¡Ako nga po!,--ang kahambal-hambal na sagot ni Maring.

--Kung gayon ay huwag kang mag-alaala,--anang pamunuan.--Ikaw ay waláng kasalanan. Ipinagtangol mo lamang ang iyong dalisay na puri. Ako ang siyang may kasalanan. Noong gabing yaon ay ako’y nalangó at ikaw ay pinagnasaan kong lapastanganin. Ibigay mo sa akin ang iyong kapatawaran. Ang aking sugat ay maluwat ng gumaling. Ngayon ay sabihin mong lahat sa akin ang nangyari dito.

Ang takot ni Maring ay biglang napalitan ng pagkakatiwala doon sa americanong, sa akala niya’y maluwat ng patay, at ngayon ay kumikilala ng kasalanang nagawa, bagama’t nasugatan.

Sinalaysay ni Maring ang pakikipaglaban niya sa bulág, magbuhat sa punó hanggang dulo.

Dumukot ang pamunuan ng isáng kandila sa kaniyang lukbutan at tinanglawan ang mukha ng bulag. Pinahiran niya ang dugong namamalisbis sa kaniyang mukha, pinagmasdang mabuti, saka tumango-tango.

Dumukot pa rin sa kaniyang lukbutan ng isang larawan, saka iniyagapay sa mukha ng bulag.

--Ito nga,--aniya,--at wala ng ibá.

Isinama ang bulág, at gayón din si Maring, sa Kuartel Heneral ng mga Kostabulario.

Dahil dito, si Maring ay muling kinabahan. Ang kaniyang pagkakatiwala sa americano ay muling napalitan ng takot, gulat at hapis.

Inasahan niyang siya’y mabibilanggo, lalu na’t ang kaniyang sinugatang americano ay pamunuan pa naman.

¡Nguni’t...! ¡Katakataka! Kinabukasan ng umaga, si Maring ay umuwi sa kaniyang kubo. Masaya pa kay sa Paskó. Siya’y may dalang salaping papél na halagang dalawang libong piso.

Nangdidilat ang mga matá ni Gonsalo pagkakita sa gayong karaming salapi. Nangatal ang buo niyang katawan.

--¿Saan nangaling ang salaping ito?,--ang kaniyang tanong.

--Kagabing ako’y namitmit,--ang tugon ni Maring,--ay hindi ako nakahuli ng kahit isang munting isda. Ang nahuli ko ay isang bantog na tulisan.

--¡Tulisan!--ang gilalas ni Gonsalo.

--Oo,--ang sagot ni Maring,--isang bantog na tulisan. ¿Nalalaman mo kung sino? Dili iba kungdi yaong kakilakilabot na tulisang nagpapamagat na Bulág.

--¿Ha?--ang biglang tanong ni Gonsalo.

--Ang bantog na Bulág na kilabot nitong buong lalawigan,--ang ulit ni Maring.--Ang tulisang itó ay dili iba kungdi ang Sargentong nagpaputok ng mukha ko sa kuartel ng pulis sa Tundó, ng ikaw ay na sa Hawaii pa. Dahil sa ginawa niyang kapaslangan sa akin ay siya’y natiwalag sa kaniyang katungkulan, at ng naghirap na ang kaniyang buhay ay siya’y nanulisán, at sapol pa noon ay ipinagbayad na siya ng Pamahalaan ng dalawáng libong piso sa sino mang makadakip o makapagturo ng kaniyang kinaroroonan. Ang salaping itó ay ganting palang bigay ng Pamahalaan sa akin, sapagka’t ako ang nakadakip sa nasabing bantog na tulisán.

Sinalaysay ni Maring ang lahat ng bagay na nangyari sa kaniya, tungkol sa Pamunuang Americanong kaniyang sinugatan.

Si Gonsalo ay nabinat sa malaking tuwa.

Iniuwi ni Maring sa Maynila ang kaniyang mga anak at si Gonsalong kaniyang asawa, tuloy ipinagamot ito sa lalong magagaling na mga Doctor. Marami ang kaniyang iginugol na salapi, nguni’t si Gonsalo ay hindi gumaling, at di naluwatan ay namatay.

Pagkatapos ng pagluluksa ni Maring, ay kaniyang nabalitaan na si D. Eduardo ay nakukulong sa San Lazaro, sapagka’t siya’y naulol magbuhat niyaong gabing kanyang makausap.

Si Maring ay dumalaw sa San Lazaro, at pagkakita sa kaniya ni D. Eduardo, ito’y lumuksó at si Maring ay niyakap.

--¡Salamat sa iyó, Maring!--anang ulol.--¡Salamat!

Ang dating nagkakasintahan ay sabay na tumangis.

Sapol pa noon ay gumaling si D. Eduardo sa pagkasira ng kaniyang katalinuhan, at silang dalawa ni Maring ay napakasal.

Natipon ang kayamanan ni D. Eduardo. Mahigit sa limang pung libong piso, pati ng kaniyang dalawang malalaking bahay.

Sila’y hindi nagkaroon ng anak, nguni’t kinilala ni D. Eduardo ang dalawang anák ni Maring, na parang tunay din niyang anak.

Sila’y namuhay na mahabang panahón sa laot ng saganang kayamanan at dangal.

Ang panganay na anak ni Maring ay nag-aral sa pag aabogado at ang bungso ay sa pag-dodoctor sa pangagamot.

Ang lahat na kahirapan at pagtitiis ni Maring ay napalitan ng di mamagkanong biyaya at kaligayahan, hanggang sa oras ng kaniyang kamatayan.

=WAKAS=

MAY MAHALAGANG BALITA SA KABALIGTARAN

¿BAKIT DI BASAHIN?

Kung ang mga nobelang tagalog na sinulat ni Aurelio Tolentino ay siyang kinasasaligan ng lalong maririkit na kasaysayan at buhay ng ating Lahi, ¿ay bakit di basahin at namnamin sa madaling panahon?

At wala ng napakamura, nguni’t napakamahalagang gaya ng mga nasabing aklat. Sa pamamagitan ng mga ilang sentimo lamang, ay kakamtan ninyo at lalasapin ang mga masasarap na bunga ng walang kapagurang pagpupuyat ng gumawa, at ng kaniyang mga matiyagang pakikibaka sa larangan ng mithing Kalayaan, at ng kaniyang mga matiising pagod dili-dili sa makasiam niyang pagkabilanggong laban sa mga Pamahalaang Kastila at Amerikano, dahil sa kaniyang pagtatanggol sa mga katwiran at karapatan ng bayan.

Narito ang mga nasabing aklat:

Kasulatang Ginto

HALAGA--40 SENTIMOS

May sampung maririkit na kabanata: I--Sangdugo. II--Bagong Araw. III--Tatlong Bituin. IV--Ang Haring Maliwat. V--Malagablab na pag-ibig. VI--Si nunong Sinukuan, ang kaniyang mga tikbalang at mga tianak. VII--Labanan sa gubat. VIII--Ang bangis ng panibugho. IX--Kakilakilabot na lihim. X--Katapusan.

Kahapon Ngayon at Bukas

HALAGA--30 SENTIMOS

May pitong mahalagang kabanata: I--Talimhagang paalam. II--Ang libingan ni Lakhang-Bayan. III--Watawat ng Kalayaan. IV--Ang mag-inang bihag. V--Pangakong mahigpit. VI--Maligayang kababalaghan. VII--Natupad ang tipan.

BUHAY

HALAGA--50 SENTIMOS

May dalawang puo’t anim na kabanata. I--Kung sino si Buhay. II--Ang unang halik. III--Si Dining at si Daluyong. IV--Dalawang halimaw. V--Handa sa labanan. VI--Ang lihim. VII--Sápilitan. VIII--Lumala ang ligalig. IX--Ang kapaslangan sa harap ng kabaitan. X--Ang sulat ni Dining. XI--Luha. XII--Naglalamay na lahat. XIII--Patayan. XIV--Ang sundang na basa ng dugo. XV--Si Manuel. XVI--Ang sigaw ng kasalanan. XVII--Simula ng litis. XVIII--Tinubos ni Marcial si Buhay. XIX--Tinubos ni Buhay si Marcial. XX--Saksing pipi. XXI--Ang talas ng hukuman. XXII--Ang paglagpak ni Daluyong. XXIII--Dakip. XXIV--Ang kasinungalingan. XXV--Ang katotohanan. XXVI--Katapusan.

Ang Buhok ni Ester

Unang Bahagi HALAGA--40 SENTIMOS

May sampuong makasaysayang kabanata: I--Kidlat sa loob ng isang bahay. II--Bagyó sa loob ng isang puso. III--Simula ng kapaslangan. IV--Namitak ang pag-ibig. V--Ang tabil ni Gloria. VI--Dinaig ng munting pipit ang lawing hari ng bangis. VII--Kahapon, Ngayon at Bukas. VIII--Hapunan at talumpati. IX--Abogadong palaka, Kupidong manok, Haring alipin, Ulupong na makabayan. X--Dinagit ng lawin.

Ikalawang Bahagi HALAGA--40 SENTIMOS

I--Gumagalaw ang lupong. II--Ang babaying lalaki. III--Mabisang kamandag. IV--Ang halik ng bangkay. V--Lagaring ginto. VI--Si Juana at ang kaniyang kalapati. VII--Limang libong piso ang isang buhok. VIII--Ang pagsisi ni Dimas. IX--Ang himutok ni Ester. X--Bagong Judit.

Ikatlong Bahagi HALAGA--40 SENTIMOS

May sampung makasaysayang kabanata. I--Singsing na katumbas buháy. II--Ang sugo ng katarungan ay pumulas sa liwayway. III--Ang dalawang bangkay ng isang buháy. IV--Hatol bitay. V--Sa kuko ng kamatayan. VI--Muling nabuhay. VII--Sa harapan ng Hukuman. VIII--Ang paglagpag ni Gerardo. IX--Ang sigaw ng kasalanan. X--Katapusan.

Ang mga may nais magkaroon ng mga nasabing aklat ay maaaring sumulat kay N. Hilario, 237 Mercado Yanco, Tabora Int., San Nicolas, Manila, K. P.

Kalakip sa loob ng sobre ang halagang kailangan, maging pilak, ó maging “giro-postal” man, at maaasahang tatanggapin nilá sa pagbabalik ng Correo.

Hindi malalaunan ay ipalilimbag din namin ang mga nobelang na nga banggit sa likuran at marami ang humihingi sa amin.

[Talâ ng Tagapagsalin:

Isinaayos ang pagbabantas (punctuation). Ginawang tatlo ang mga tuldok ng lahat ng mga elipsis (...).

Walang binago sa mga salita sa orihinal, kabilang ang mga di pagkakatulad sa pagbabaybay, paggamit ng gitling, at paggamit ng mga tuldik, maliban lamang sa mga sumusunod:

“Gonsalo” binago mula sa “Gonzalo” sa pahina 9 (nagngangalang Gonsalo; Si Gonsalo ay may; pag-ibig ni Gonsalo); at pahina 10 (ni Gonsalo ang gayon; si Gonsalo ay muli). Pahina 9, “nilá” binago mula sa “niliá” (nilá Maring, palibhasa’y). Pahina 10, “bagong” binago mula sa “bagon” (bagong-taong may mga). Pahina 12, “magiging” binago mula sa “maginging” (magiging poon ng). Pahina 14, “maging dapatin” binago mula sa “magingdapatin” (inyóng maging dapatin). Pahina 15, wala nang simula ng bagong talata bago ang “¿Anó ang balak mo”. Pahina 16, “kaawa-awang” binago mula sa “kaa-awang” (ng kaawa-awang Maring). Pahina 18, “kailangang” binago mula sa “kailngang” (kailangang ilugso ko). Pahina 25, isiningit ang “ng” bago ang “mga babaying sawing”. Pahina 34, “panahong” binago mula sa “pnahong” (ng panahong lumipas). Pahina 35, “Maring” binago mula sa “Marig” (Maring at sa mga batang). Pahina 39, isiningit ang “ang” bago ang “iyong ala-ala”. Pahina 41, “Kung” binago mula sa “kung” (Kung kailan ako’y). Pahina 46, “Pagkaringig” binago mula sa “Pakaringig” (Pagkaringig ni D. Eduardo). Pahina 47, naglagay ng simula ng bagong talata bago sa “--Iyan ay handog ko”. Pahina 49, “Inang Malingap” binago mula sa “INANG MALINGAP”. Pahina 52, “Bakit” binago mula sa “Babit” (Bakit at ako’y). Pahina 53, “Maring” binago mula sa “Maing” (ni Maring ang sargento). Pahina 54, “yantok” binago mula sa “yantak” (yantok, at nagputok). Pahina 56, “ka na” binago mula sa “kana” (Umuwi ka na at). Pahina 58, “ni Maring” binago mula sa “niMaring” (ni Maring na iyon). Pahina 61, tinanggal ang naulit na “at” (at muling ipinako). Pahina 63, “kaniyang” binago mula sa “kaniyan” (kaniyang nakitang nakatapon). Pahina 72, “naala-ala” binago mula sa “nala-ala” (naala-ala ni Maring). Pahina 77, “iisáng” binago mula sa “iiisáng” (may iisáng lalaking). Pahina 78, “y” binago mula sa “ay” (ay hindi na mangyaring). Pahina 79, “Sila’y” binago mula sa “sila’y” (Sila’y nanuluyan). Pahina 80, “KABANATANG” binago mula sa “KABANATA” (KABANATANG VI). Pahina 85, “káhulugan” binago mula sa “kaáhulugan” (káhulugan ng usapan). Pahina 88, “Pagtitiis” binago mula sa “pagtitiis” (Ganting-pala ng Pagtitiis). Pahina 88, “ng” binago mula sa “ang” (dahilan ng kanilang). Pahina 94, “ng” binago mula sa “na” (puno ng kaniyang). Pahina 95, “rebolber” binago mula sa “revolber” (kaniyang rebolber, nguni’t). Pahina 97, “Ibigay” binago mula sa “Ibibay” (Ibigay mo sa akin). Pahina 98, inilipat ang “Isinama ang bulág, at gayón din si” sa unahan ng “Maring, sa Kuartel Heneral ng mga”. Pahina 99, “kahit” binago mula sa “kahi’t” (ng kahit isang). Sa mga patalastas sa dulo ng teksto, “XIX”, binago mula sa “XVIIII” (XIX--Tinubos ni Buhay). “buháy”, binago mula sa “buhaáy” (na katumbas buháy). “bangkay”, binago mula sa “banggkay” (bangkay ng isang).]

End of Project Gutenberg's Maring (Dangal at Lakas), by Aurelio Tolentino

