# Maring (Dangal at Lakas): Ulirang Buhay Tagalog

## Part 3

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/maring-dangal-at-lakas-ulirang-buhay-tagalog-43902/index.md

Sa likot ng mga bata, ay kinuha ang Santo Cristo sa dambana at pinagbali-bali nila. Dinatnan ni Maring na kagat ng bunso ang isang paa ng nasabing Santo Cristo.

--¿Bakit sinira ninyó ang Santo Cristo?,--ang tanong ni Maring sa mga bata.

--Ako’y nagugutom,--ang sagot ng matabil na bunso,--kaya kinakain ko ang kaniyang paa.

Si Maring ay parang tinarakan sa puso.

Kinuha niya ang bali-baling Santo Cristo, pinulot sa sahig ang mga paa at kamay na natanggal, iginapos sa cruz at muling ipinako.

Sa lagay na iyon ni Maring ay kahalintulad ng mga judiong nagpako kay Cristo; ang kahigitan lamang ni Maring, bukod sa ipinako niya ang kaniyang Cristo, ay binilibiran pa ng gapos na kawad sa Cruz, buhat sa paa at sa kamay hangang liig.

Si Maring ay nanaog, dalá ang kaniyang Santo Cristo, at ipinagbibili sa mga bahay-baháy.

Ngayon namán ay siya’y tulad kay Judas. Ang kaibhan lamang ay ang pagbibilí nitó kay Cristo sa halagang tatlong puong salapi; datapuwa’t ang Cristo ni Maring ay mura at ipinagbibili lamang sa halagang “isang salapi”.

At sa halagá mang itó ay wala pang makabili, sapagka’t ang Cristo ni Maring ay Cristong nagkapilay-pilay, Cristong nagkabali-bali ang mga kamay, paa, baiwang at liig.

Si Maring ay napatungo sa Divisoria at doon niya ilinako ang kaniyang Santo Cristo.

Siya’y nasagasaan ng isang nagtutumuling may pasáng batulang, tumapon ang Santo Cristo sa bató at gumulong sa putik.

Pinaliguan ni Maring sa grifo ang kaniyang Santo Cristo, at pagkatapos, ay nakita niyang tapias ang ilong, bungi ang labi at bulag ang mata.

¡Caawa-awang Santo Cristo! Sa lahat ng Santo Cristo sa sanglibután ay malaki ang pinagdaanang hirap ng Santo Cristo ni Maring.

Siya’y may natanawang isang kamatis na sirang nakatapon sa pangsol (canal) sa tabi ng kabiak na tinapay. Maliksi niyang dinampot kapuwa, tinakpan ng mangas ng baro ang kaniyang bibig, saka minsang isinubo ang kamatis. Siya’y nahihilo na ng gutom.

Anyó na namang isubo ang tinapay, nguni’t biglang natigilan, iniurong ang kaniyang kamay sa bibig at isinilid ang tinapay sa lukbutan. Naalala niya ang kaniyang mga anak, at ang tinapay ay itinira sa kanilá.

Nadaanan niya ang matong ng layak. Matuling linapitan ni Maring, dinampót ang isang sirang bayabas na doo’y kaniyang nakitang nakatapon; nguni’t siya’y biglang itinulak ng isang sanitario, inagaw nito ang bayabas sa kamay ng kaawa-awang babayi, muling itinapon sa matong, at siya pa’y pinagbantaang dadalhin sa kuartel.

Si Maring ay tumangis, hindi dahil sa siya’y nasaktán, kundi dahil sa bayabas na hawak na niya’y sinambilat pa sa kaniyang kamay.

--Inagaw sa akin ang bayabas,--aniya sa sarili,--at ibinigay lamang sa matong ng layak. ¡Mahal pa kay sa akin ang matong na iyan!

Mawiwika marahil ng ginoong bumabasa na si Maring ay hindí dapat dumanas ng gayong kalaking hirap, sapagka’t dito sa Filipinas ay marami ang madudulugan at mahihingan ng pagkain, damit at ibá pa. Nguni’t ¿anó kaya ang magagawá natin, kung si Maring ay siyang aayaw manghinging talaga? Si Maring ay dalá na. At bukod sa kasamaan ng kapwa tao na kaniyang dinanas, na walang ibang adhika kundí ang siya’y paglaruan, ay siya’y may katutubong mataas na loob, maramdaming dangal at matibay na pananalig sa lakas niyang sarili sa laot ng kahirapan. Ang mga taong gaya ni Maring ay maaaring mangamatay ng gutom, nguni’t hindi maaaring kailan pa man ang sila’y sumuko sa magdarayang biro ng buhay.

Si Maring ay nagtuloy sa sadsaran (muelle) at doon naman inilalako ang kaniyang Santo Cristo.

Makapal ang taong umahon, galing sa isang sasakyang bagong dating.

Si Maring ay sumalubong.

--Bilhin na pó ninyó itong Santo Cristo,--aniyang sumisigaw.

Siya’y biglang niyakap ng isang lalaking payat, maputlá at susuray-suray.

--¡Maring!,--anang lalaki.

Siya’y liningon ni Maring, at...

--¡Gonsalo! ¡¡¡Gonsalo ko!!!,--ang kaniyang matalim na sigaw, at biglang hinimatay.

Si Maring ay madaling isinakay ni Gonsalo sa isang calesa at saká siya inuwí ng bahay.

Ng mahimasmasan si Maring ay na sa kandungan siya ng kaniyang asawa sa kanilang bahay.

KABANATANG V.

Asawang Mairugin

Si Gonsalo ay nangaling sa Hawaii. Malubhá ang sakit, at walang dalang salapi kundí ang lilimang pisong napag-arimuhanan niyang inawás unti unti sa kaniyang pamumuhay doon, sa loob ng mahigit sa isáng taóng di kawasang pagod.

Siya’y naka-uwí dito, sapagka’t ang isá niyang kaibigang magdaragat ay siya’y lihim na pinapasok sa sasakyan, ng ito’y malapit ng tumulak. Si Gonsalo ay bumaón sa bunton ng uling na bato at ng sila’y malayo na sa Hawaii at saka pa lamang umahon sa kaniyang libingan.

Ng siya’y makita ng Capitan sa sasakyán ay siya’y nakagalitan ng di gayon lamang, nguni’t wala ng mangyari at siya’y nakasakay na, lalo’t hindi naman mangyaring patalunin siya sa dagat, at lalong hindi mangyari ang dahil lamang sa kaniya ay ibalik pa sa Hawaii ang sasakyan. Dahil dito, ay nagtuloy ng paglalayag at si Gonsalo ay kasama.

Pagdating sa Hongkong ay siya’y pinalunsad, nguni’t, gaya rin ng una, sa pamamagitan ng isá niyang kaibigan ay siya’y lihim na nakapasok sa isang sasakyán at siya’y nagtago sa kinalalagyan ng mga baka, at doo’y hindi siya lumabas hanggang di sumadsad dito sa Maynila.

Kayá bagá ma’t anong hirap, si Gonsalo ay nag pumilit umuwí dito, ay dahil nararamdaman niyang malalagot ang kaniyang hininga sa malaking hirap na naranasan sa Hawaii, ay ninais niyang makita muna, kahit sandali bago siya mamatay ang kaniyang sinisintang Maring at pinakamamahal na dalawang anak.

Sa makatuwid, ang dalawang batang alaga ni Maring ay nadagdagan pa ng isang may malubhang sakit.

Si Maring ay pumasok na alilá sa isang babaying americanang naninirahan sa Ermita. Pinagkasunduan nilang si Maring ay tatangap ng walong pisong bayad sa bawa’t buan, nguni’t siya’y darating ng ika 6 ng umaga sa bahay ng kaniyang panginoon at sa ika 8 ng gabi saká lamang siya uuwí ng bahay.

Ang anak na panganay ni Maring ay mahigit na sa limang taóng gulang, at itó ay siyang sumisiyasat sa kaniyang amá at sa kaniyang kapatid na bunsó.

Sa pagkapa-alila ni Maring ay doon nakita ang kaniyang saganang kasipagan.

Madaling araw pa’y nagbabangon na’t sinisiyasat ang asawang may sakit, ang dalawang anak, at ang boong pamamahay na iiwan sa habang maghapon.

Pagkatapos ay siya’y matuling susugod sa Ermita. Nagbubukang liwayway kung siya’y dumating sa bahay ng kaniyang panginoon. Pagdaka’y sisiyasatin na niya ang pagkaing agahan.

Ang mga cubiertos, pingan, vaso, serbilyeta at ibá pang gamit sa pagkain ay pawang maayos at malinis na lahát.

Bago magising ang kaniyang panginoon ay siya’y nagbabantay na sa tabi ng pinto ng kaniyang silid, pagtawag sa kaniya, saka pa siya papasok, ihahanda ang kaniyang hilamusan, hihiluran niya sa likod at sa bisig, huhugasan ang kaniyang mga binti at paa, susuotan niya ng medias, pakikintabin ang kanyang mga botitos, saka isusuot sa paa ng kaniyang dakilang poon, tutulungan pa niyang magbihis at magsuklay ng buhok, pagpapalain ang nalukot na hihigan. Paglabas ng kaniyang panginoon, at samantalang ito ay kumakain, si Maring ay nakatayo sa kaniyang harapán, upang sa kahit anó man lamang munting kailangan ay siya’y maliksing makapangasiwa.

Pagkatapos nitó saka pa lamang siya kakain sa tira ng kaniyang panginoon, malalaki ang subo hindi dahil sa siya’y gutóm, kungdi dahil sa siya’y nagmamadali, at ibig niyang agad magawa ang lahat ng bagay na dapat niyang siyasatin.

Bago pa lamang nakaiinom ng tubig ay kaniya ng hawak ang walís at linilinis ang buong bahay.

Bago manaog ang kaniyang panginoon ay siya’y binibigyan ng pisong maipamili ng pananghalian at hapunan.

Pag-alis ng kaniyang panginoon ay kukuskusin na ng basahang may pitróleo ang sahig ng bahay, pagkatapos saka niya bubulihin ng basahang tuyo, matuling gumagapang upang madaling kumintab na anaki’y salamin. Sa gayong kalaking bahay nabubuli ni Maring sa loob ng sandali. Doon ay walang ibang alila kungdi si Maring.

Pagkatapos at saka lilinisin at aayusin ang lahat ng kasangkapan. Isa-isang inilalagay sa kani-kaniyang dapat kalagyan.

Didiligin pa ang maraming halaman ng kaniyang panginoon.

Kung matapos itó ay saka pa siya mamimili ng pagkain. Sisiw, ibon, isda, karné ó anó man kayáng pagkaing masarap at mura, huwag na di magkasiya lamang ang dalá niyang piso.

Pagdating ng kaniyang panginoon ay susuyuan niya sa pagkain, at pagkatapos ay kaniyang susundan sa silid, aalisin ang kaniyang botitos sa paa at ang kaniyang bihis sa katawán, saká pa siya kakaing nagmamadali upang muling makapasok sa silid at mapaypayan ang kaniyang panginoon. Kung itó ay nakakatulog na, at saka pa liligpitin ang kinanan, at pagkatapos ay kukunin namán ang may kasiraang damit at susulsihan.

Sa ika 2 ng hapon ay magigising ang kaniyang panginoon, at gaya rin kaninang umaga, ay tutulungan niyang magbibihis, magsuklay ng buhok, at susuotan pa ng butitos at hindi hinihiwalayán hangang di manaog at pumasok sa kaniyang pangasiwaan.

Pag-alis nitó, ay bubulihin na naman ni Maring ang sahig, hangang hapon, saka pa sisiyasatin ang pagkaing hapunan.

Si Maring ay siya pa ang utusán sa lahat ng dako.

At ang lalo pang pagod ni Maring ay kung magsidating ang mga panauhin ng kaniyang panginoon. Siya ang tanging utusan sa pagkuha ng sari-saring alak, pulutan, matamis, kung saan-saang almacen, at kung sila’y langó na, ay palagi pa siyang namumura.

Ang lahat ng itó ay pinagtitiisan ni Maring, alangalang sa kaniyang asawang nakaratay sa banig at sa kaniyang dalawang anak na mumunti.

Ang kaniyang panginoon ay isang babaying americanang hindi pangit at hindi naman maganda: Kainaman lamang, datapuwa’t maayos magbihis at bantog sa kalinisan ng kaniyang puri.

Gayón pa man ay madalas makita ni Maring, na siya’y nakikipagsarilinan sa silid sa kung sino-sinong mga lalaking dalaw na kaniyang kaibigan. Doon sila nag-iinuman ng alak, doon ang malakas na halakhakan ng tawa, mamaya’y biglang tahimik, mamaya’y bigla na namang kaingayan tawanan... Nguni’t ang lahat ng ito’y walang anó mang masamá: talagang ang gayong kaugalian ay karaniwan daw sa lahi ng kaniyang panginoon.

Isang gabi, itó ay nagkaroon ng panauhin. Isang lalaking anaki’y supling ng mga higante sa taas at laki ng pangangatawan. Ang kaniyang mukha’y kasingpulá ng kamatis na hinog. Anim ng botelyang cerveza ang kaniyang nainom, bukod pa ang dalawáng botelyang “wisking” kasalit.

Pagtugtog ng ika 8 ng gabi sa relos, si Maring ay nagpaalam sa kanyang panginoon, nguni’t ang panauhin ay siyang sumagot.

--Huwag ka munang umalis,--aniya,--sapagka’t wala kaming mautusan dito.

--Hindi po mangyayari,--ang sagot ni Maring.

--¿Bakit hindi?,--ang tanong ng panauhin.

--Sapagka’t ang asawa ko po ay nakaratay sa banig,--ang tugon ni Maring,--bukod sa ako’y may dalawang anak na maliliit na naghihintay sa akin ngayon sa bahay.

--Lalo nang hindi mangyayari ang kami ay iwan mo ngayon,--ang ulit ng panauhin.--Ikaw ay aming kailangan sa boong magdamag.

--Hindi po mangyayari,--ang tutol ni Maring.--Akó po’y paalam na.

Si Maring ay anyong aalis, nguni’t siya’y hinawakan sa kamay ng panauhin.

Ang panginoon ni Maring ay humahalakhak ng tawa.

--Ako po’y bitiwan ninyó,--ani Maring sa panauhin.

--Huwag kang umalis, sapagka’t ikaw ay aming kailangan,--ang pilit nitó, saka kinaladkad si Maring at ipinasok sa silid.

Si Maring ay lumaban.

Siya’y niyakap ng panauhin at biglang inihampas sa sahig.

Si Maring ay nabuwal; at sa pagkabiglá ay nagputok ang kaniyang ulo sa dakong likuran.

Sa gayong kalagayan ay siya’y kinababaw noong taong malaki: siya’y ibig gawán ng mahalay, nguni’t sa sandaling yaon ay naala-ala ni Maring ang kaniyang lanseta sa lukbutan, madaling dinukot, lihim na binuksan at biglang tinarakan sa dibdib yaong lalaking namimilit. Itó ay napasigaw ng malakas.

--¡Mamamatay ako!,--aniya at binitiwan si Maring.

Naglawa sa sahig ang dugó.

Dumaló ang panginoon ni Maring at siya’y anyong hahawakan, nguni’t si Maring, kaisang liksi ng kidlat, ay lumuksó at nagtaanan.

Sa kaniyang pagmamadali ay siya’y nahulog sa hagdanan, nguni’t hindi tumigil kaunti man. Paglagpak niya sa lupa, ay maliksing tumindig at tumakbó.

Siya’y nakatagpo ng isang calesang walang laman. Tinawag niya at sinakyán.

--Sa Tundó,--aniya sa cochero.

Ang kabayo ay matuling tumakbó.

Ng ang calesa’y papaakyat na sa tulay ng Espanya, ay nasagasaan ng isang trambia. Ang calesa ay tumapon at nagiba, ang cochero ay nasugatan sa mukha, nguni’t si Maring ay hindi naano.

Pagdaka’y lumapit sa kanilá ang isang amerikanong pulis, at sila’y dinaluhan ng maraming tao.

Napagmasdan ng pulis ang damit ni Maring, tigmak ng dugó. Yao’y dugo noong malaking americanong kaniyang tinarakan sa bahay ng kaniyang panginoon.

--¿Nasugatan ka ba?,--ang tanong ng pulis kay Maring.

--Opó,--ang sagót nitó.

--Tingnan ko ang iyong sugat,--anang pulis.

Si Maring ay nanginig ng takot, sapagka’t siya’y hindi nasugatan.

--¿Saan nandon ang iyong sugat?--ang ulit ng pulis.

--Naritó po sa loob,--ang sagot ni Maring.

--Ipakita mo,--anang pulis.

--Hindi po maaaring ipakita ko,--ang tugon ni Maring,--sapagka’t narini sa loob.

--¿Malubha baga ang sugat mo at ganiyan na karami ang dugo sa iyong damit?--ang usisa ng pulis.

--Malubha nga po kung kaya ako’y tigmak ng dugo,--ang tugon ni Maring.

--Kung gayon,--anang pulis,--ay sumama ka sa akin sa Hospital.

Si Maring ay lalo pang nanginig ng takot. Inakala niya na kung siya’y sasama sa Hospital, at doo’y makitang siya’y walang sugat ay sapilitang uusisain kung bakit tigmak ng dugo ang kaniyang damit, at dahil dito ay walang salang di nila malalamang siya ang tumarak sa dibdib noong amerikanong iniwan niyang naghihingalo marahil sa bahay ng kaniyang panginoon.

Ang pulis ay lumapit sa isang telefonong na sa malapit na haligi sa daan, at siya’y humingi ng isang “carro ambulante”.

Ang sandaling yaon ay sinamantalá ni Maring at siya’y matuling nagtaanang umakyat sa tulay ng Espanya.

Siya’y hinabol ng pulis at siya’y anyong abutan sa kalagitnaan ng tulay. Pagkakita ni Maring na siya’y dadaklutin na lamang ng pulis, ay maliksing sumampa sa gabay ng tulay at lumuksó sa ilog.

Ang americanong pulis ay lumuksó rin at siya’y hinabol sa tubig.

Sa mga sandaling yaon ay bumabaha ang ilog Pasig, kaya’t ang mabilis na agos na sinasagabalan ng tulay ng Espanya ay dumaragundong at namimilipit sa pagpupumilit malampasan yaong makakapal na haligi ng nasabing tulay.

Palibhasa’y kinagisnan ni Maring ang pamamalakaya, kaya’t siya’y malakás lumangoy.

Ang pulis ay linulon ng isáng malaking uli-uli at nalunod. Datapuwa’t si Maring ay lumaban sa dumaragundong na tubig, at sa kalalangoy, at sa kasisisid, ay siya’y nakarating na walang nakamalay sa kaniya sa sadsarang may hagdanang batóng malapit sa tapat ng bahay ni Yangko.

Siya’y umahon at matuling lumakad. Namimili ng madaanang madilim, upang siya’y makubli sa liwanag ng mga ilaw sa lansangan.

Siya’y nakarating sa kanilang bahay, nangangapos ang hininga sa pagod.

--Ako’y nakamatay ng tao,--aniya kay Gonsalo.

--¿Bakit?,--ang gulat nitó.

--Ako’y pinagnasaang gawán ng mahalay ng isang amerikano,--ang dugtong ni Maring,--kaya’t siya’y aking tinarakan ng lanseta sa dibdib.

Si Maring ay madaling nagbihis.

Noon ding gabing iyon, si Maring ay humanap ng banka sa pampang ng ilog at kaniyang inakay ang malubhang asawa at maliliit na dalawang anak.

Sino pa mang makakita sa anyo ni Maring ay sapilitang mahahabag. Sunong ang nakabigkis na banig, unan at tampipi ng damit, akay ng kaliwang kamay ang anak na bungso, kapit sa kaniyang saya sa dakong likuran ang anak na panganay, at si Gonsalong halos hindi makagulapay ay nakasimbabá sa kaniyang balikat na kanan.

Ang sariling bangkang dinatnán nilá sa pampang ng ilog ay tigib ng lulang talabang may balat. Gayon pa mán, ito’y kanilang sinakyán, sapagka’t doo’y wala ng ibang bangka.

Doo’y may iisáng lalaking pinakiusapan ni Maring upang sila’y ihatid sa nayong Baluarte, sakop ng Bulakan.

Sa di masaway na galaw ng mga bata lalo na’t ang bangka ay tigib ng talabang may balat, itó ay tumaob, noon pa namang siya’y malapit ng sumadsad.

Gayón na lamang ang sama ng palad. Hindi malaman ni Maring kung sino ang unang sagipin sa kaniyang mga anak at asawa.

Palibhasa’y siya’y may buháy na kaisipan sa mga biglang panganib, ay agad niyang sinagip ang anak na bungso; ang panganay ay sinagip namán ng bangkero.

Si Gonsalo ay lumubog na parang bató.

Pagkakita ni Maring na si Gonsalo ay wala, ay iniabót sa nasabing bangkero ang anak na bunso at pagdaka’y sumisid. Kinapa sa ilalim ng tubig ang kaniyang asawa, at ng kaniyang matuklasan ay niyakap, at biglang sumikad sa lupa, kaya’t silang dalawa’y lumitaw.

--Ilangoy ninyo at ihahon sa pampang ang dalawang batá,--ang sigaw niya sa mananagwan.

Halos hindí pa man natatapos ang kaniyang huling salitá, ay muling lumubog na namán ang mag-asawa, sapagka’t si Gonsalo ay nanguyapit sa liig ni Maring.

Hindí makatulong kay Maring ang mananagwan sapagka’t dalá nitó ang dalawáng batá at siya naman ay halos lumubog.

Dahil dito, ay pinag-ubos ng mananagwan ang kaniyang lakas, at bahagya ng makagulapay ng siya’y makaarok sa dako ng pampang.

Siya’y madaling umahon, binitiwan sa lupa ang dalawáng paslit at muling lumusong sa tubig.

Siya’y sumisid sa kinalubugan ni Maring at ni Gonsalo. Nakapá niyang nagkakayakapan ang dalawa sa ilalim. Si Maring ay hindi na mangyaring lumitaw pa, sapagka’t mahina na ang kaniyang katawán, at hindi niya makayang dalhin ang nangunguyapit sa kaniyang liig.

Hinawakan si Gonsalo ng mananagwan. Ito’y biglang sumikad sa lupa, kaya silang tatlo’y lumitaw.

Si Maring ay nakahingá.

Pinag-ubos nitó ang kaniyang lakas, at silang dalawá ng mananagwan ay pinagtulungang ilinangoy si Gonsalo hanggang sa pampang.

Sila’y umahón.

Si Gonsalo ay hindi humihingá.

Doon ay may isang dampang tirahan ng isang matandang bantay palaisdaan. Sila’y nanuluyan sa matanda.

Si Gonsalo ay binihisan, kinumutan at nagsiga sa silong ng bahay upang siya’y mainitan, kaya’t di nalaonan ay nanaguli ang kaniyang hininga.

KABANATANG VI.

Tinugis ng Lisyang Palad

Hindi lubhang malayo sa dampang tinuluyan nila Maring ay may isang malaking palaisdaan, ari ng bantog na mayamang si Capitang Juan.

Si Maring ay natangap na bantay sa palaisdaang yaon, kaya’t sila’y madaling lumipat sa kaniyang dampa.

Isang hapon, nagtatakip-silim na, si Maring ay sumasalap ng hipon, upang sila’y may ulamin sa hapunan.

Dumating si Capitang Juan sa palaisdaan at lumapit kay Maring.

--Maring,--aniya,--labis mo ng nahahalata marahil ang maluwat ng mataimtim kong nais sa iyong kariktan. At yayamang ako’y mayaman, ay ibig kong ikaw ay yumaman din naman.

--Hindi po mangyayari ang inyong nais,--ang sagot ni Maring,--batid po ninyong ako’y may asawa.

--Paka-asahan mong walang makakaalam na sino pa man,--ani Capitáng Juan.

--Mayroon po,--ang tugon ni Maring:--ang Maykapal at akó. Akó’y nahihiya sa Maykapal at sa aking dangal na sarili.

--Akalain mong si Gonsalo ay may sakit,--ang ulit ni Capitáng Juan.--Kapag siya’y namatay ay walang lilingap sa iyo at sa iyong mga anak.

--Akó po namán ay may sariling lakás,--ang pakli ni Maring.

--Kapag hindi nangyari ang aking nais,--ang banta ni Capitang Juan,--ay aalisin ko sa iyo ang palaisdaan.

--Ari po ninyo ang palaisdaan,--ang tahimik na sagot ni Maring,--at magagawa ninyó ang balang ibigin.

--¡Kay-tigás namán ng loob mo!,--ang malambing na samo ni Capitang Juan at anyong yayakapin si Maring.

Si Maring ay umurong ng dalawang hakbang.

--Capitang Juan,--ang nakangiting paklí ni Maring:--Marahan at huwag po kayóng mangahas. May mga babaying maamo pa kay sa inakay na kalapati, kung sila’y hindi linalapastangan; nguni’t kapag hindi iginalang ang kanilang karapatan, ay marurunong din namang manuka at mangamot na masahol pa kay sa lawin.

Si Capitang Juan ay napahiya, kasabay ng malaking galit na biglang sumilakbó sa kaniyang puso at utak.

Yaong bantog na Capitáng Juan na hindi na halos mabilang ang mga babaying kaniyang nabihag; yaong Capitang Juan na may himalang titig na sa tuwi-tuwi na’y sinusukuan ng mga dalaga’t babaying may asawang natitisuran sa paglakad ng kaniyang maligayang buhay, ay naroroon ngayon at pinangdidilatan at hinahamunan ng isang marálitang bantay palaisdaan.

--¡Napakataas ng iyong pangungusap!,--ani Capitang Juan.

--Sa katwiran po lamang,--ang sagot ni Maring.

--¿Anó bagang katwiran ang isinasatsat mo?,--ang bulas ni Capitang Juan.--Magpasalamat ka’t ikaw ay napiling naisin ng aking pita. Panunghan mo ang iyong kaliitan, at tingalain mo ang aking kalakhan, saka ka magsabi kung...

--¡Oh bulag na matanda!,--ang sabat ni Maring.--¡Paslang na mayaman! Ang kaluluwa mo’y kasing-dumi ng salaula mong kalooban. Hindi ka pa nasiyahan sa pamumutawi sa iyong mga labi ng mga salitang mahalay, laban sa marangal na ugali, at ngayon ay nag-anyó ka pang lumapit sa akin, upang lapastanganin mo ang aking pagka-babayi... ¡Ulol! Akalain mong ikaw, sa gitna ng iyong masagwang kayamanan, ay maliit ka pa kay sa hanip nguni’t ako, sa laot ng aking marangal na kadalitaan, ay kasinglaki akó ng kalinisan, ng karapatán at ng katwiran. At ang katunayan ay narito.

Dinukot ni Maring sa kaniyang lukbutan ang isang lanseta, at dagling binuksan. Ang talim nito ay kumislap.

--Lumapit ka ngayon,--ang dugtong ni Maring. Si Capitang Juan ay nangatal ng takot. Ang katutubong tapang ng kaniyang puso at utak ay dagling bumaba sa kaniyang talampakan, at sa katunayan ay siya’y mabilis na lumayas.

Ng siya’y malayo na, at inakala niyang siya’y hindi na aabutan ni Maring, sakali mang siya’y habulin, ay sumigaw ng malakas:

--Iwan ninyó ang dampa ngayon din,--aniya.

Si Maring ay umuwi. Dinatnan niyang nagkakaumpok ang tatlong mag-aama.

Si Gonsalo ay lumalakas lakas na nguni’t hindi pa makalakad.

--Gonsalo,--ani Maring,--tayo’y pinaaalis dito ni Capitang Juan ngayon din.

--¿Bakit daw?,--ang malumbay na tanong ni Gonsalo.

--Ewan nga,--ang sagot ni Maring.

Ipinagkaila ni Maring ang dahilán, ala-ala niya’y baka lalong sumama ang loob ng kaniyang kaawa-awang asawa.

Maluwat na di nakaimik ang dalawa.

Ngayong pinagmamasdan ni Maring ang kaniyang dalawang paslit na anak at ang asawang may sakit, yaong puso niyang kasingtigas ng bakal ay naging marupok, at anaki’y sasabog sa mariing hampas ng lisyang palad.

--¿At papaano tayo ngayon?,--ang kahambal-hambal na tanong ni Gonsalo.

--Tayo ay umalis dito ngayon,--ang lalong kahabag-habag na sagot ni Maring.

Ang dalawang bata ay nangakatanga sa pakikinig sa salitaan. Tila wari ibig niláng mataosan ang káhulugan ng usapan ng kanilang amá’t ina; nguni’t ang kanilang malalagong utak, ang kanilang maliliit na puso, ay wala pang kayang lumasap ng lasong handog sa kanila ng lahat ng bagay na nangyayari.

--¿At saan tayo titira ngayon?,--ang lubhang malungkot na tanóng ni Gonsalo.

Si Maring ay ngumiti, ngiting pilit, ngiting malumbay pa kay sa tangis, ngiting mapait pa kay sa apdó.

--Malapad ang lupang matitirahan,--aniya,--at maaliwalas ang langit na masisilungan. Ang lahat ng parang, gubat at bundok ay pawang nangaghahandog ng kamote, gabe, mga ubod, sari-saring bungang kahoy, bukod pa ang maraming tikling at iba’t ibang ibon at hayop; gayón din naman ang mga sapa, ilog at dagat, ay pawang nangaghahandog ng walang katapusang biyaya, gaya ng mga suso, kabibi, palaka at laksa laksang isdang hindi sukat maubos ng tao sa habang panahon.

--Tunay na nga,--ang pakli ni Gonsalo,--nguni’t akó ay may sakit at... ¡Kaawa-awa ka namán, Maring!

Saka siya biglang napatangis.

--¿Bakit?,--ang masintahing tanong ni Maring.

--Kaawa-awa ka naman, sapagka’t ako’y hindi makatulong sa iyo kaunti man,--ang himutok ni Gonsalo.

--Tatay,--anang matabil na bungso,--akó ay tutulong sa inang ko.

--Akó mán,--ang dagling dugtong ng panganay.

--¡¡¡Dios ko!!!--ang malakás na sigaw ni Gonsalo, saka niyakap na mahigpit ang dalawang anak.

--Ako’y mag-aararo at magtatanim ng palay,--ang ulit ng panganay.

