# Maring (Dangal at Lakas): Ulirang Buhay Tagalog

## Part 2

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/maring-dangal-at-lakas-ulirang-buhay-tagalog-43902/index.md

Akala niyá’y malaki ang kaniyang naging tubo kaya’t naisipan niyang ibili ng damit ang kaniyang mga anák. Ang suot nila sa katawán ay gutay-gutay na at wala siyáng maihalili.

Dinampot sa lupa ang kaniyang bilao, siyá’y tumindig, at samantalang dinudukot sa kaniyang lukbutan (bulsa) ang kaniyang pinagbilhan ay aniyang nagsasalitang sarili:

--Ibibili ko ng kakanin ang aking mga anák at ngayon pa lamang silá makatitikim ng...

Siya’y biglang namutla. Nanginig ang kaniyang boong katawan at nanglumo. Siyá’y napalupagi sa lupa. Nagdilim ang kaniyang tingin at malalagot mandin ang hininga. Pagdukot sa kaniyang lukbutan ng kaniyang kamay, itó ay lumusot sa kabila. Wala siyáng nasalat kahit isá mang belis. Ang kaniyang lukbutan ay ginupit at pinutol ng mga mangdurukot.

Ang malaking tuwa ni Maring ay biglang nápalitan ng lalong malaking hapis. Ang kaniyang pangarap na buhay ay biglang napalitan ng masidhing hapis.

Siya’y susuray-suray na umuwi ng bahay, namamalisbis ang kaniyang matipid na luha, at kulang lamang ay di mawasak ang kaniyang dibdib.

KABANATANG III.

Pusong Matibay

Kapapanhik pa lamang ni Maring sa kaniyang bahay, ay dumating si D. Eduardo Sanchez.

Sa kabila ng mahigit sa apat na taong lumipas, ay nagkitang muli ang dating nagkakasintahan, ang dalawang pusong biglang pinagwalay ng saliwang palad noon pa namang malapit ng magkabuluhan sa haba ng buhay.

Sa unang pagpipinkian ng dalawang tingin, anaki ay nagbalik na lahat ng panahong lumipas; anaki ay muling nanariwa yaong nasangal na pagmamahalan.

Si D. Eduardo ay kinabahan, dahil sa kaniyang pagsinta kay Maring. Kinabahan din si Maring, dahil naman sa kaniyang pagmamahal kay Gonsalong ama ng kaniyang mga anák.

Maluwat na hindi nakaimik ang dalawa.

Pagkamasid ni D. Eduardo doon sa halos gibang dampang walang anó mang kasangkapan, pagkamasid niya kay Maring at sa mga batang may gutay gutay na damit, kulang lamang ay di mawasak ang kaniyang puso sa malaking habag.

--¿Kaninong mga anák itó?--ang kaniyang tanong.

--Mga anak ko,--ang sagot ni Maring.

Parang linason ang pag-iisip ni D. Eduardo. Kaniyang napagnilaynilay, na kung hindi inagaw ang kaniyang kasintahan, ay siya’y may dalawa na sanang anák na gaya rin noong dalawáng batang kaniyang pinagmamasdan.

Maluwat na namang kapuwa hindi nakaimik ang dalawá.

Sa akala ni D. Eduardo ay kung nandoon lamang sana si Gonsalo, ay sampu man ang kaniyang buhay ay kulang pang ibayad sa kapaslangang kaniyang ginawa. Pag-agaw niya kay Maring, ay parang inagaw sa kaniyang puso ang lahat ng tuwa sa sangsinukuban.

--Maring,--ani D. Eduardo,--¿Nalimutan mo na bagá ang kanitang pagsisintahan?

Si Maring ay hindi nakasagot: siya’y nahahabag sa napakalumbay na anyo ni D. Eduardo: ang tingig nitó ay lubhang kalunos-lunos; basag na anaki tingig ng pusong tumatangis.

--Ikaw, Maring,--ang dugtong ni D. Eduardo,--ay hindi mo tinupad ang iyong pangako sa akin, at nag-asawa ka kay Gonsalo; datapuwa’t akó, akó ay tumupad sa aking pangako sa iyó, at ang katunayan ay ako’y bagong-tao hangga ngayon.

--Hindi akó nakatupad,--ang pakli ni Maring,--hindi dahil sa kusang pagtalikod sa iyó, kungdi dahil sa kusang paghabol ko sa aking puring nalugso.

--Si Gonsalo ay taksil,--ani D. Eduardo,--nguni’t ikaw ay banal. Ikaw ay hindi mangyaring suminta kay Gonsalo, sapagka’t ang kabanalan ay hindi dapat suminta sa kataksilan.

--Ang kataksilan,--ang tugon ni Maring,--kung hinggil sa pag-ibig, ay mangyayaring hugasan ng kapatawaran ng pinagtaksilan. Dahil dito, sakali mang si Gonsalo ay nagtaksil laban sa aking puri, ay siya’y malinis na ngayón, sapagka’t siyá’y pinatawad ko ng lubos.

--¿At papaano ang kanitang pagsisintahan?--ang malumbay na tanong ni D. Eduardo.

--Paglabanan mo,--ang sagot ni Maring,--gaya ng aking paglaban hangga ngayon. Akalain mong kapag ako’y nabuwal sa putik, ay mapuputikan din sampu ng aking mga anák.

--Ikáw ay dinaya ni Gonsalo,--ang dugtong ni D. Eduardo.--Siya’y hindi napatungo sa Mindanaw, kungdi sa Hawaii.

Si Maring ay biglang namutla. Ngayon niya napagnilay-nilay ang dahilan ng maluwat na di pag-uwi ng kaniyang asawa.

--Siyá’y babalik din dito,--ang kaniyang sagot.

--Hindi mo na siyá makikita kailan pa man,--ang tutol ni D. Eduardo,--sapagka’t matunog ang balitang siyá ay nag-asawa na doon.

Hindi nakakibo si Maring. Biglang sumagi sa kaniyáng puso ang masidhing kamandag ng panibugho. Datapuwa’t palibhasa’y siya’y may katutubong lakás, kaya agad niyang dinaig ang gayong udyok, at pagdaka’y sumagot ng banayad:

--Ako’y hindi naniniwala,--aniya.

--Maniwala ka’t marami ang nagbabalita ng gayon,--ang ulit ni D. Eduardo.--Hindi mo na makikitang muli si Gonsalo.

--¿Papaanong hindi ko siya makikita,--ang tugon ni Maring,--sa talagang siyá’y nakikita ko nga sa lahat ng sandali? Si Gonsalo ay hindi nakakanlong kailan pa man sa mga mata ng aking pag-iisip.

--¡Oh Maring!--ang buntong hininga ni D. Eduardo.--¡Anóng katigas ng iyong puso! ¡Walang pinag-ibhan sa batong hindi mapayanig ng malumbay kong himutok! Ikaw ay minahal kong mahigpit pa kay sa aking sariling buhay; nguni’t ikaw ay pinagtaksilan at kinaladkad sa burak ni Gonsalo. ¿Sino sa aming dalawa ang iyong minamabuti?

--Ako’y minahal mong mahigpit pa kay sa iyong sariling buhay, at ikaw ay minahal ko ring mahigpit pa kay sa aking pagkatao, nguni’t kita’y hindi magkaisang palad. Tunay din naman ang wika mong ako’y pinagtaksilan ni Gonsalo, nguni’t siya naman ay naging kabiyak ng aking kaluluwa’t katawan, at dahil dito ay katungkulan kong damayan siyá sa lahat ng bagay. Ang amá ng aking mga anák ay mamahalin ko hanggang sa libingan.

--¡Anong kalupit mo, Maring!--ang hibik ni D. Eduardo.--Ikaw ay sininta kong taimtim, mahigit kay sa lahat ng pagsinta sa silong ng langit. Ang pagkapanganyaya mo kay Gonsalo ay tinanangisan ko ng walang lubay, gabi’t araw sa lahat ng sandali...--“Lumubog na si Maring”--ang aking himutok sa tuwi-tuwi na.--“Lumubog na ang araw ng aking pag-iisip, ang sula ng aking buhay, ako’y linisan at hindi na babalik, kaya dapat na siyang limutin.” Nguni’t ¡ay! Samantalang pinagpipilitan kong katkatin sa aking guniguni ang iyong ala-ala, ang iyong larawan naman ay lalo pang nalilimbag sa kaubud-uburan ng aking kaluluwa.

“Sapol pa noong gabing ikaw ay agawin ng mga buhong ay hindi na ako nakakain at hindi na ako nakatulog. Inakala kong natapos na ang mundo sa akin. Sa boong buhay ko ay walang ibang tumitibok kundi pawang kamatayan.

“Tunay nga sana at sa kabila ng kamatayan ay may namamanaag na walang katapusang ligaya sa langit, nguni’t,... nguni’t ligayang luksa, kasayahang mapanglaw, langit na malungkot, sapagka’t ikaw Maring, ay wala ka doon. ¿Anhin ko ang langit, kung ikaw ay naritó sa lupa?

“At sapol pa noon ay ako’y lumakad na walang tinutunguhan, ako’y nagngingitngit na walang kinagagalitan; akó’y tumatawa ng walang kinatutuwaan; ako’y nagsasalita ng walang kinakausap... Saka... Saka biglang lumabo ang aking pag-iisip. Ewan kung anó ang nangyari, nguni’t,... nguni’t naparam sa akin ang boong linaláng.

“Lumipas ang kung ilang taon. Nanag-uli sa akin ang nawala kong pag-iisip. Pinagmasdan ko ang aking kinalalagyan, at... ¿Nalalaman mo ba kung saan akó nandoon? ¡Sa San Lazaro!”

--¿Bakit?,--ang biglang tanong ni Maring.--¿Nagkasakit ka bagá?

--Hindi akó nagkasakit,--ang sagot ni D. Eduardo.--Akó lamang ay NAULOL.

Sabay tumalon ang luhang kangina pa gumigilid sa kanilang mga pilikmata.

--Ako’y kakaiba, Maring, sa lahat ng tao,--ang baság na tingig ni D. Eduardo.--Kung kailan ako’y ulól, ay noon akó matino; at kung kailán akó matino, ay noon ako ulol.

--¿Bakit namán?,--ang malumbay na tanong ni Maring.

--Dingin mo,--ang tugon ni D. Eduardo.--Noong ako’y ulól at nakakulong sa San Lazaro, ay ako’y tahimik at ako’y nakakakain, ako’y nakakatulog ng mahimbing at ako pa raw ay masayá. Nguni’t ngayong ako’y matino na, ay ako’y balisá, lagalag na walang pinatutunguhan hindi akó makatulog, at wala akong kinakain kungdi ang mapait kong luha, mabisang pait na nagsusumiksik hangang sa kaubud-uburan ng puso kong naghihingalo.

--At sapol pa noong ako’y tumino, ikaw ay hinanap kong walang lubay sa mga gubat at parang. Nabalitaan ko ngang ikaw ay nagbalik dito at iniwan ka ni Gonsalo. At ngayong kita’y nakikitang may wasak na damit ngayong maputla ka’t naparam na ang dating luningning ng iyong hiwagang karikitan, ngayong ikaw ay may dalawa ng anak, ngayong nalugso na ang iyong dalisay na puri, ngayong ayaw ka ng batiin at kinaiinipan ng magdarayang buhay, ay ngayóng pa kita lalong sinisinta, ngayón pa kitá lalong dinadalanginan. Maring, ¿nalalaman mo kung kaya gayón? Dahil sa ang sinisinta ko sa iyó ay hindi ang abang katawan, kungdi ang kalooban mong wagas pa kay sa sinag ng araw, ang kaluluwa mong kaluluwang virgen. Maring, Maring, mahabag ka na sa akin. Kapag-hindi ka lumingap sa aking mga daing, ay pagka-asahan mong ako’y mamamatay sa madaling panahón, kungdi kaya ako’y mauulol na muli.

Si Maring ay hindi sumagot ng kahit iisang bigkás. Samantalang naririnig ang mga hibik ni D. Eduardo ay parang naiinis ang kanyang hininga.

--¿Anó ang iyong kasagutan?--ang tanong ni D. Eduardo.

--Hindi mangyayari,--ang mátatag na tugon ni Maring.

--¡Hindi raw mangyayari!,--ang dugtong ni D. Eduardo.--Huwag ka ng mahabag sa akin: mahabag ka na lamang sa iyong mga anak at sa iyong sariling buhay. ¡Damit man ninyo ay wala...! Maring, ¿ibig mo na bagang kayo’y mangamatay ng gutom?

--Masakit nga sana ang mamatay ng gutom,--ang pakli ni Maring,--nguni’t lalo pang masakit ang mamuhay sa kasamaan. Ako’y hindi mangyayaring suminta sa iyo.

Maluwat na di nakakibo si D. Eduardo, at pagkatapos nagnilay-nilay ay nagsalita ng ganito:

--Maring, ikaw ay ibibilang kong parang tunay na kapatid, nguni’t iligtas mo ang buhay ninyong mag-iina. Ako’y may inihahandang bahay na talagang titirahan ninyo: malaki at may maraming kasangkapan. Sa tabi nito ay may isang mahabang bahay na may sampung pintong sadyang paupahan. Ang malaking bahay na aking binangit, at gayon din ang may sampung pintuan ay inyong lahat, ari ninyong sarili, upang kayo’y may ipamuhay.

--Salamat,--ang sagot ni Maring,--nguni’t hindi ko matatangap.

--¿Hindi mo matatangap at bakit?,--ang nangigilalas na tanong ni D. Eduardo.--Ako’y hindi dadalaw sa inyo kailan pa man; hindi. Nalalaman kong ako’y hindi mo ibig makita at ikaw ay hindi ko bibigyan ng kahit munting samá ng loob. ¿Nalalaman mo bagá Maring kung bakit ipinagkakaloob ko sa inyó ang aking dalawang bahay? Sa pagka’t ako’y ulila sa ama’t sa ina, walang kapatid, walang kamaganak, walang kaibigang tapat. Dahil dito ay hindi ko ibig na ang aking mga ari-arian ay masayang bukas ó makalawang ako’y mamatay ó muli kayang maulol.

Sabay na napatangis ang dalawa.

Sa tingig ni D. Eduardo ay may kahambal-hambal na tunog na anaki hibik ng naghihingalo.

--¿Tatanggapin mo?,--ang nabubulunan niyang tanong.

--Hindi,--ang matatag na sagot ni Maring.

--¿Bakit?,--ani D. Eduardo.

--Hindi nga sana masama,--ang tugon ni Maring,--kung tanggapin ko naman ang iyong handog; nguni’t, ¿ano kaya ang wiwikain ng madla? Nalalaman ng lahat ng tao na kita’y nagkasintahan, at kung tatanggapin ko ang iyong bahay, ay may magsasabi kayang ako’y hindi mo...

--Sabihin nila ang ibig sabihin,--ani D. Eduardo.--Kung ikaw ay walang ginagawang masama ay...

--Hindi gayon,--ang sabat ni Maring.--Hindi kailangang libakin man ang talagang gumagawa, ng masama. Nguni’t kung ang hindi gumagawa ng masama ay siyang libakin, dahil sa siya’y nagbigay ng daan, upang siya’y... ¡Ah! Hindi mangyayari. ¡Eduardo, hindi mangyayari!

Si Eduardo ay tumindig. Hindi niya malaman kung dapat niyang kagalitan, sintahin ó igalang ang babaying yaón; nguni’t ibig manding masira ang kaniyang pagiisip.

--Huling tanong--aniya,--¿tatanggapin mo ó hindi?

--Hindi,--ang matatag na sagot ni Maring.

Ang sagot na itó ay nakasabay ng sigaw ng mga bata.

--Inang,--anilá,--nagugutom na kami.

Pagkaringig ni D. Eduardo sa daing ng mga bata ay siya’y nangatal sa malaking lunos.

Binuksan ang kaniyang “cartera,” kumuha ng sampung salaping papel na tigdalawang puong piso bawa’t isa, at kaniyang inilagay sa ibabaw ng hapag ng dambana.

Pagkakita ni Maring sa salapi, ay siya’y kinabahan, nangdidilat ang kaniyang mga matá, at tila wari ibig niyang damputin. Nanglamig ang kaniyang boong katawan, parang umakiat sa kanyang ulo ang lahat niyang dugo, at tila mandin masisira ang kaniyang pag-iisip. At hindi nga malayong magkagayon, sapagka’t si Maring ay maluwat nang hindi nakakakita ng gayong karaming salapi. Dalawang daang piso. Hindi man lamang niya napangarap ang gayong kayamanan, saka ngayon ngayón ay tinatanaw niya sa ibabaw ng kaniyang dambana, at ipinagkaloob pa sa kaniya.

Gayon pa man, palibhasa’y si Maring ay may katutubong hinhin, ay nanaig ang kaniyang gawing bait; saka nagsalita ng banayad.

--¿Anóng salapi iyan?,--ang kaniyang tanong.

--Iyan ay handog ko sa mga bata,--ang sagot ni D. Eduardo.

--Salamat,--aní Maring,--nguni’t hindi ko matatanggap.

--¡Inang!,--ang halos nakapanabay na sigaw ng mga bata.--Kami ay nagugutom.

Ang hibik ng mga paslit ay tumagos hanggang sa kaibuturan ng kaluluwa ni Maring.

--¿Hindi mo tatangapin?,--ang ulit ni D. Eduardo.

--¡¡¡Inang!!!,--ang sabat ng mga bata.--¡¡¡Kami ay nagugutom!!!

--Hindi ko tatanggapin,--ang matatag na sagot ni Maring.

Kinuha niya ang salapi sa dambana, hinawakan ang kamay ni D. Eduardo, saka inilagay ang salapi sa kaniyang palad.

--Kapag tinangap ko ang iyong salapi,--aniya,--ay hindi mangyayaring hindi ko rin tangapin ang iyong pag-ibig. Eduardo sinabi mong kami ay iyong minamahal. Kung gayón ay dapat kang mahabag sa akin, dapat kang mahabag sa aking mga anak, at huwag mong ipilit ang iyong salapi. Ibig mo na bagáng ang aking mga anak ay tawaging anak ng...

--¡¡¡Sus!!!,--ang piping sigaw ni D. Eduardo at biglang umalis na anaki’y ulol.

KABANATANG IV.

Inang Malingap

Ang mga bata’y nag-iiyakan at humihingi ng pagkain.

Si Maring ay nanghiram ng gunting sa isang kapit-bahay at pinutol ang kaniyang mayabong na buhok saka binalot ng papel.

Pagdaka’y pinanyuan ang ulo at nanaog.

--¿Baka po may nais kayong bumili ng buhok?,--aniya sa isang taong nasalubung sa daan.

--Tingnan natin,--ang sagot ng kausap.

Matapos makita nito ang buhok, ay pinagmasdang mabuti si Maring, at ng makita ang kaniyang marálitang anyó at pananamit, ay siya’y pinangdilatan.

--¿Saan mo ninakaw ang buhok na iyan?--aniya.

--Hindi ko po ninakaw,--ang sagot ni Maring.

--¿Hindi mo ninakaw?,--ang ulit ng kaniang kausap.--¿At saan ka kumuha ng ganiyan kagandang buhok? Ang mga mayayaman ay siya lamang nagkakaroon ng buhok na ganiyan karikit, at ikaw ay hindi ka mayaman.

--Kung ayaw po ninyong bilhin ay huwag,--ani Maring.--Hindi ko naman ipinamimilit.

At siya’y umalis.

Nagkátaon ay may nagdadaang pulis sa pook na yaon. Itó ay kinalabit ng kausap ni Maring.

--¿Nakikita ba ninyo ang babaing yaon?,--aniya.

--Opo,--ang sagot ng pulis.

--Habulin ninyó, at iyan ay magnanakaw,--anang nagsumbong.--Kagabi, ang isa kong kapit-bahay ay ninakawan ng maraming hiyas. Ang gayon ay alam na ninyó marahil, sapagka’t ipinagbigay alam na sa pamunuan ng pulis. Kasamang nawala ng mga nasabing hiyas ang isang mayabong na buhok na talagang gagawing postiso ng may-ari. Ang buhok na sinabi ko ay dala at ipinagbibili ng babaying yaon.

--¿Siya nga ba?,--ang biglang tanong ng pulis, saka matuling hinabol si Maring.

--Oy,--ang tawag sa kaniya.--¿Anó iyang dalá mong nakabalot?

--Buhok po,--ang sagot ni Maring.

--Tingnan ko,--anang pulis.

Ibinigay ni Maring ang buhok.

Binuksan ng pulis ang balutan, at pagkakita sa buhok, ay muling binalot at isinilid sa kaniyang lukbutan.

--Sumama ka sa akin,--ang utos kay Maring.

Si Maring ay parang napaakyat sa langit inakala niyang bibilhin ng pulis ang kaniyang buhók.

--¿Bibilhin po ba ninyó?,--ang kaniyang masayang tanong.

--Oo, bibilhin ko,--ang tuya ng pulis.--Halina at sumama ka sa akin.

--Mahaba pong buhok iyan at mayabong, bukod sa malinis at makinang,--aní Maring samantalang sila’y lumalakad.

Sila’y nagtuloy sa cuartel ng pulís sa Tundó.

--¿Bakit po dinala ninyó akó dito?,--ang tanong ni Maring.

--Huwag kang kumibo,--ang kagulat-gulat na bulas ng pulís saka itinulak si Maring sa bilanguan, at isinima ang pinto.

Si Maring tumangis ng di gayon lamang. Naala-ala niya ang mga batang iniwang gutom.

Siya’y parang ulól sa loob ng bilanguan: tumatadyak sa sahig, kinakalampag ang pinto, saka sumigaw ng ubos lakás.

--Ako’y ilabas ninyó dito,--anang aba.--Wala akong ginagawáng kasalanan. ¿Bakit at ako’y ibinilanggo ninyo?

Binuksan ng sargento ang pinto, at pagkakita sa kagandahan ni Maring, ay kaniyang linapitan.

--¡Kay ganda mo!,--ang kanyang biro.

--¿E di kasi ako’y ibinilanggo ninyo dahil sa ako’y maganda?,--ani Maring.--Pagbabayaran ninyó sa akin itó: ako’y magsasakdal sa mga pinuno.

Anaki’y tinampal ang sargento sa pangahás na banta ni Maring.

--Doon sa Bilibid ka magsakdal.

--¿Anong Bilibid?,--ang nagngingitngit na tanong ni Maring.--¿Bakit? ¿Anó bagáng kasalanan ang nagawa ko?

Siya’y tinitigan ng sargento.

--¡Kay gandang magnanakaw nito!,--aniya, saka biglang isinima ang pinto.

Ang salitang “magnanakaw” ay narinig ni Maring, nguni’t hindi niya natausan ang kahulugan.

--¿Akó kaya ang pinanganlang magnanakaw?,--ang tanong sa kaniyang sarili.--Hindi: ako’y nagkariringan lamang. ¿At sino sa sangdaigdigan ang makapagsasabing ako’y magnanakaw?

Muling kinalampag ang pinto.

--¡Teniente! ¡Capitan!,--ang kaniyang ubos lakás na sigaw.

Muling binuksan ng sargento ang pinto ng bilangguan, may dalang yantok na pamalo, pumasok at hinampas sa mukha si Maring.

--¡Huwag kang maingay!,--ang kaniyang kakilakilabot na bulas.

Nagputok ang tinamaan ng dulo ng mabangis na yantok. Sinugod ni Maring ang sargento at pinan-gigilang kinagat sa kamay. Bumaón ang kaniyang mga ngipin sa kamay na kinagat, tumalsik ang dugo, nawaray ang laman, kaya’t nakabitiw ang mga nagngangalit na ngipin, nguni’t bigla niyang binaltak at inagaw ang malupit na yantok, at ubos lakás na inihampas sa mukha ng sargento. Tumama sa matá nitó ang dulo ng yantok, at nagputok ang balintataw ng kaniyang matá.

Pumasok sa bilangguan ang mga kawal, hinawakan si Maring at saká ginapos.

--Naulol, naulol,--anilang lahat.

Dumating ang Capitán.

--Huwag po kayóng lumapit,--anang mga kawal,--sapagka’t siya’y naulól.

--Silá po ang naulol,--ani Maring sa Capitán.--Tingnan po ninyó, ginoong Capitán, ako’y ibinilango nila, pinapagputok nila ang aking mukha, at ako’y ginapos pa nilá, sa ako’y walang ginagawang kasalanan.

Ang Capitán ay pumasok sa kaniyang tangapan.

--Alisan ninyó ng gapos ang babaying iyan at iharap sa akin,--ang kaniyang utos.

Ipinag-utos ng isang kabo sa mga kawal na alisan ng gapos si Maring at ilabás sa bilanguan.

Ang mga inutusan ay naghihiliang tumupad sa utos. Sila’y natatakot na baká sila’y bunuin ng “ulol”.

Ang kabo, bagá ma’t malaki rin ang pangambá, sa takot sa Capitán ay siya na ang tumupad sa utos.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto, sumilip muna, tinanaw ang kinatatakutang “ulol”, at pagkakitang itó ay tumatangis na mag-isa, nakalupagi sa sahig, ay biglang sinugod at hinawakan sa kamay, at inalisan ng gapos.

Paglabas sa bilanguan ni Maring, ay inirapan ang mga kawal na kaniyang nadaanan. Ang mga itó ay nagsipangatal ng takot.

--¡Kay tatapang na mga kawal!--ani Maring.

Siya’y iniharap sa Capitán.

--¿Sino ang humuli sa babaying itó?--ang usisa ng Capitán.

--Akó po,--ang sagot ng isang kawal na kaharap.

--¿Anó ang kaniyang kasalanan?,--ang ulit ng Capitán.

--Siya po ang nagnakaw kagabi ng mga hiyas at buhok sa bahay ni D.a Consuelo Jimenez. Ang buhok po ay lumitaw na, at kaniyang ipinagbibili: narito po.

At ibinigay ng kawal ang buhók sa Capitán.

--¿Saan mo kinuha ang buhok na ito?--ang tanong ng Capitan kay Maring.

--Ang buhók pong iyan ay akin,--ang sagot ni Maring.

--Oo nga at iyo,--ang ulit ng Capitán;--nguni’t, ¿saan mo kinuha?

--Sa ulo ko po,--ang tugon ni Maring.

Saka inialis ang kaniyang panyo sa ulo.

Biglang namangha ang lahat na kaharap. Maliwanag ang katunayang ang buhok ay hindi nga nakaw. Ang kulay at putol nitó ay kaisá at kaakma ng may mga isang dangkal na naiwan sa ulo ni Maring.

Tiningnan ng matang nanglilisik ng Capitán ang kawal na dumakip kay Maring, at isinauli sa kaawa-awang babayi ang kaniyang buhok.

--¿Sino ang pumutol ng iyong buhok?,--ang tanong ng Capitán kay Maring.

--Akó po,--ang sagot nitó.

--¿Bakit mo pinutol?,--ang ulit ng Capitán.

--Ipinagbibili ko po,--ang tugon ni Maring:--ako’y walang sukat na maipakain sa aking mga anak.

--Umuwi ka na at ipagbilí mo,--anang Capitán.

--¿At papaano po itong mukha kong nagputok?,--ang tanong ni Maring.

--Ikaw ay nakagantí na,--ang sagot ng Capitán,--sapagka’t binulag mo naman ang sa iyo’y pumalo.

--Hindi po kailangang ang siya’y mabulag man,--ang tutol ni Maring,--sapagka’t ako’y kaniyang tinampalasan, nguni’t pinapagputok niya ang aking mukha, gayóng ako’y walang munti mang kasalanan.

--Tunay nga,--ang pakli ng Capitán,--at dahil dian ay asahan mong mapaparusahang lahat ang mga lumapastangan sa iyo.

Si Maring ay nagpa-alam, muling pinanyuan ang kaniyang ulo, matuling lumabás sa kuartel at napatungo sa dako ng simbahan. Siya’y lumapit sa isang tindahang bayan.

--¿Baka po ibig ninyong bumili ng buhok?

--Tingnan po natin,--ang sagot nitó.

Ibinigay ni Maring ang buhók. Nagdumami ang mga nanonood na tao.

--¡Karikit na buhok!,--anang isá.

--At mahaba,--ang saló ng isá pá.

--Mainam nga sana,--ang katlo ng may tindahan,--nguni’t buhok ng patay.

--Iyan po’y buhók ng buhay,--ang tutol ni Maring.

--Buhók nga ng patáy,--anang isang babaying nandoon.--¿At sino ang buháy na puputol ng ganiyan kagandang buhok?

Ibig na sanang sabihin ni Maring na iyon ay kaniyang buhok, nguni’t doon ay maraming tao, at ikinahihiya niyang ipakita ang kaniyang ulong gapas.

Siya’y umalis at humanap ng ibang tindahan nguni’t gaya rin ng una, ay siya’y pinagkulumutan ng maraming tao, at sinabi niláng iyon daw ay buhok ng patay. Hindi nilá makayang paniwalaan na ang isang babaying buháy ay magputol ng gayóng karikit na buhok.

Umalis na naman si Maring, datapuwa’t biglang sumagi sa kaniyang bait ang nagugutom na iniwang anák sa bahay, kaya’t agad nagbalik sa tindahang pinangalingan.

Gaya rin kangina, ay nagdumami ang mga tao.

--Hindi po buhok ng patay ang aking ipinagbibili,--aniya--itó po ay buhók ng buháy, at ang katunayan ay narito.

Inalís ni Maring ang panyo sa kaniyang ulo.

Naghalakhakan ng tawa ang mga taong nandoon pagkakita nila sa ulong gapas ni Maring. Inakala nilang itó ay ulol.

Palibhasa’y nakikita nilang si Maring ay na sa malaking kagipitan, kaya binabaratán ang halaga ng kaniyang buhók. Talagang gayón sa buhay na ito: kung sino na nga ang nalulunod, ay siyang lalong pinagdidiinan.

Sa dalawang puong piso man ay mura pa ang buhók ni Maring, nguni’t natawaran lamang ng dalawang piso. Ng makita niyang ayaw ng sumulong ang tawad, ay ibinigay na niya sa nasabing halagang dalawang piso.

Siya’y bumili ng tinapay at mantequilla, halos tumatakbong umuwi ng bahay at kanyang pinakain ang mga batang gutom.

Ang Capitán ng pulis ay tumupad sa kaniyang pangako. Ikatlong araw ay nangatiwalag sa kanilang tungkulin, ang kawal na dumakip kay Maring at ang nabulag na sargentong nagpaputok ng kanyang mukha. May balitang ang sargentong itó, ng wala ng makain, ay namuhay sa mga gubat at nanulisan.

Isang lingo pa lamang ang lumipas, si Maring ay wala na namáng maibili ng pagkain.

Ang kaniyang mga anak ay nagiiyakan ng gutom.

Wala nang mahirap kalabaning gaya ng mga bata. Hindi nilá nalalaman ang kahirapan, at walang taong may matigás na loob na makalalaban sa kanilang daing. Ang kalaban ni Maring ay dalawang batang lalaking kalikut-likutan. Si Maring ay nakalaban sa isang mabangis na sargento; at kasalukuyang lumalaban sa salot ng kahirapan, nguni’t siya’y hindi mandin makalaban sa hibik ng dalawang batang humihingi ng pagkain.

