Juan Masili o Ang pinuno ng tulisan

Part 2

Chapter 2 1,966 words Public domain Markdown

Ang salitaang ito'y nangyari sa dakong likuran n~g bahay ni tininting Moneng n~g kasalukuyang nagdadatin~gan ang man~ga unang daló na kasabay ang _noviong_ si matandang Ape. Matapos ang salitá nang binata ay pinalakad na ang m~ga kausap; siya'y lumiko sa isang daán na patun~go sa bahay n~g kapitáng ikakasal, na, sapupo ang babaying walang malay-tao at nang nálalapit na sa tinurang bahay ay nag-utos sa m~ga taong nakita roon, na pawa niyang kampon.

--Kunin ninyo ang lahát ng madadalá--ang wika niya--at aantabayanan ko ang paglalagabláb nang sulóng tatanglaw sa aking lalakaran, sapagka't diwa'y tinamád n~gayón sa pagsikat ang araw.

Sa utos na ito'y nan~gag galawan ang may dalawang pung lalaki na pawang sandatahan, na nan~gakahanay sa dalawang panig n~g daan at nagsitun~go sa bahay ni kapitang Ape, na sa m~ga sandalíng iyón ay násabahay ni Moneng na kaniyang bibiyinanin.

Makaraan ang sandali'y nan~gakapasok ang ilán sa bahay na lolooban, at nagsimula ang pagkakagulo, sapagka't ang m~ga alilang nabiglaanan sa gayón ay walang ibáng ginawa liban sa tumakas; n~guni't hindi nan~gakalayo ang m~ga nagulat na utusan, sa dahiláng sila'y nádakip n~g m~ga na sa labás nang bahay, kaya't nagíng saksí siláng lahát sa pag-uutos ng binatang nan~gan~gabayo na pagpapadin~gas n~g bahay, nang makitang ang m~ga nagsipasok ay lumabás na may dalang tigiisang balutan.

Pumasok ang isang naiwan sa labás at mayamaya'y nagsilakad n~g lahát ang magkakasama sapagka't sa kadilimang hindi pa hinahawi n~g kaliwanagan n~g sisikat na araw ay namukod ang puláng ibinugá n~g nag-aalab na bahay.

Ang sigawan n~g ¡tulisán! at ¡sunog! ay nádin~gig halos sa lahat n~g pook n~g bayan at ang m~ga _justicia_ ay lumipana sa paghabol, sa may dakong luwasan, sa m~ga tulisang nagtun~go sa hulo.

Alam na nating ang isá sa m~ga alila ang nagbalita kay kapitang Ape sa nangyaring loob at alám din natin ang kinasapitan n~g matandang ikakasal sana, kaya't ang sundan natin ay ang pan~gulo nang tulisan na nan~gan~gabayo't dalá si Benita.

--N~gayon di'y dapat magsitun~gong lahat sa yun~gib at doon ko kayó aantabayanan upang magawa ang lahát n~g kailan~gan--ang wika n~g binata sa m~ga tulisan n~g sila'y malayólayo na sa bayan--Matandang Patíng umangkas ka kung ibig mo, sapagka't kailan~gan kung dumating kang aking kasabáy sa kinalalagyán n~g binatang binábantayan.

--Magpatakbo ka na po kahit hindi ako kaankás at pamumuntután kitá--ang wika ni Patíng n~g maiabót sa isang kasama ang kaniyang dalá.

--Kung gayo'y halina--anang binata at pinatakbó ang sinasakyang kabayo na wari'y hindi nagiindáng kapagalan sa bigát na dalá.

* * * * *

Ang yun~gib n~g bundók S. Mateo ay tahimik at waláng gumagambalá sa kaniyang kapanglawan liban sa ang lagaslás n~g m~ga san~gá at dahon n~g kakáhuyan na pinagagalaw n~g simuy na malumanay n~g han~gin sa paguumagá. Sino mang málalapít sa pook na iyón ay magsasabing walá isá mang táo, n~guni't kung mamataan ang isáng sulok n~g yun~gib ay makikita na may isáng nakapan~galunkót.

Waláng anó anó'y bigláng tumindig ang bantáy at waring may pinakingán.

--Naritó na silá--ang sabi sa sarili n~g taong nagiisá sa kasukalang iyón na waláng ibang dumadalaw liban sa m~ga hayop n~g kagubatan.

Hindi pa man halos natatapos ang kaniyang pagsasalitá ay siyang pagdatíng n~g nan~gan~gabayo.

--Wala pong anó man--ang wika n~g dinatnán.

--Tulungan mo akó--anáng binata--at iniabót ang magandá niyang dalahin na hindi pa pinagsasaulan n~g hinin~ga--ating ilagáy sa dati kong tinutulugán.

Ang dalawa'y pumasok sa loob n~g yun~gib at n~g napapaloob na nang mahigit sa dalawang pung dipá sa pintuan ay pinisíl n~g binata ang isáng un~gós n~g bató.

Nakadin~gig n~g lagitík na wari'y gawa n~g isáng bagay na mabigát at bigláng nabuksan ang malapad na batóng hindi mákikita n~g sino mang hindi nakatataho n~g lihim na iyón.

Pumasok ang magkatuwang at inilapág n~g marahan ang dalaga sa isáng hihigan.

--¿Ang iyong binabantayan?--ang tanóng sa kasama n~g pinuno ng tulisán.

--Nakakatulog pa po sapagka't gabí na n~g magpahin~gá, sa dahilang wari'y malakí ang han~gad na huwag na siyang umagahing buháy.

--Ipinainóm mo ang ibinigáy ko sa iyong tubig?

--Hindi po, dahil sa hindi kumain.

--Kung gayón ay magbalík ka na sa iyóng pagbabantay sa pinto at bayaan mo akong mag-isá; patuluyín mo agad si Patíng.

Ang pan~galang sinambít ay naging wari isang tawag sapagka't siyang pagdating n~g matandang tulisán, kaya't ang inuutusan ay bumalik na lamang sa pinto n~g yun~gib.

--Mabuti n~ga't dumating ka; ating tingnán ang dating bilango.

--Malaon na pong hindi pinagsasaulan ito--ang wika ni Patíng n~g makita si Benita.

--Bayaan mo't hindi iyán mágigising hangang hindi ko ibig: pinaamoy ko n~g pangpatulog.

Masabi ang gayón ay tinun~go niláng dalawá ang sungki n~g isáng bató at pumasok sa isáng puang na hindi mahahalata n~g isáng hindi bihasa sa pook na iyón. Nang makapasok na't makapan~gabila sa bató ay naglagay n~g takip sa mukha ang ating binata.

Ang pinasukan ay isang pook na nakukulong n~g bató at ang tan~ging nilulusutan n~g han~gin ay isáng butas sa bubun~gán na may limáng dipá ang taas. Isáng tinghóy na nakasabit n~g mataas ang tan~ging tumatanglaw sa pook na iyón na kinalalagyan n~g isang bagong taong bigláng nagulat at nágising dahil sa kaluskos n~g m~ga nagsipasok.

--Wala kayóng m~ga damdaming lalaki--ang wika n~g dinatnan, na wari'y may talagang malaking kagalitan sa m~ga kaharap.

--Masasabi mo ang ibig sabihin at hindi ka namin papatulan; alám mong sa gaya naming may pamumuhay n~g ganito ay walang kabuluhan ang buhay; ikáw ay isang kaawaawang nagnanasang magpatiwakal ¿at dahil sa anó?

--Sa dahiláng hindi kailan~gang matanto n~g ibá--anáng napipiit.

--Hindi n~ga kailan~gang matanto ng ibá, dátapwa't alám ko ang sanhi, at dahil doo'y humadlang akó sa han~gad mong pagpapakamatáy. Ang wika mo'y wala akong damdamin; námamali ka.

--Kung mayroon kang damdamin ¿anó't di mo payagang bigyán kong hangán yaring pagkataong naubusan na n~g pag-asa? ¿Anó ang masakit sa iyo kung ako'y mamatay ó mabuhay?

--¿Naubusan ka n~g pagasa? Alam ko, na dahil sa pagkamatáy n~g iyong amá ay nagisá ka na sa mundó at lubos kang naghirap sapagka't ang taong pinagkatiwalaan n~g magulang mo upang pasapitin sa iyong kamay ang kayamanang pamana ay nagtaksil, at ninakaw ang salapíng dapat sanang ibigáy sa iyó; hindi lamang iyón; sumapit ang isang panahón na ikaw ay nápalulong sa pagirog at ang iyóng inibig ay tinankang agawin n~g ...

--Hindi lamang tinanká--anáng bagong-taong kausap--kundi sa m~ga sandaling ito'y nilalasap na marahil n~g matandáng mayaman sa kandun~gan n~g aking giliw, ang tamís n~g kaligayahan. ¡Oh, kay hirap n~g mahirap! Ikaw marahil ay inupahan n~g taksíl na umagaw sa aking pagirog upang sumalansang sa aking han~gad at n~g maragdagan pa ang talagáng kapaitan n~g pagkabatid na naglilo sa kaniyang pan~gako ang babaying pinaglaanan n~g boong buhay. N~gayón ay inaantáy kong ibalita mo sa akin kung naganáp na ang kasal ni Benita kay kapitáng Ape.

Ang pinuno n~g tulisán ay napan~giti sa salitáng iyón n~g kaharáp.

--Hindi ka ba nananan~gan sa Dios?

--Waláng Dios ang mahirap--ang tugón n~g may nasang magpatiwakal.

--¿Hindi ka na umaasa sa pagibig n~g iyong sintá?

--¿May pagibig bagang maaasahan sa katawang waláng puso?

--¿Hindi ka naniniwalang may kabihisang lan~git ang naghihirap?

--Hindi, sapagka't ang langit ay bukás lamang sa m~ga may pilak.

--¡Taong walang panalig! Sumunod ka sa akin at n~g matantó mong ikaw ay nagkamali sa lahát n~g iyóng hinaka.

--Sukat na--ang tugón n~g bilango--kung papayagan mong ako'y magpatiwakal ay susunod akó sa iyó, n~guni't kung hindi, ay bayaan mo na akong magpakamatay dito sa gutom.

--Siya, ikaw ang bahala--anáng pinuno n~g tulisan--kung ibig mo ang magpakamatay ay gawin mo, n~guni't sumama ka sa akin.

--Kung gayón ay oo.--ang sagót nang bilango at tumindig sa kinauupan.

Kinalág ni Pating ang tanikalang nakapipigil sa binata at ito'y sumunód sa pinuno n~g tulisán na tumun~go sa kinalalagyan ni Benita.

--Ibig mo ang magbigtí--anyá sa bagong kawalá--n~gayo'y tinutulutan na kitá, n~guni't sa tabí ng babaying iyan ka dapat magpakamatáy sapagka't siya man ay nagnasa ring magpatiwakal n~g dahil sa iyó.

Ang binata'y nápaluhod sa piling ng dalaga't biglang nápasigaw nang:

--¡Benita! ¡Aking irog! ¡Oh, patáy!--anyá n~g mákitang hindi kumikilos.

--Hindi--anang tulisán--natutulog lamang.

Masabi ang gayón ay winiligán n~g kaunting tubig ang mukha n~g dalaga at itó nama'y nágising.

--¿Saan ako naroroon?--aniya.

--¡Itang!--anang binata.

--¡Enrique!--ani Benita n~g makilala ang kaharap--¡Aking buhay!

--¡Aking irog!

Ang dalawang dibdib na naghirap ay nan~gagpahin~galay sa isang mahigpit na yakap.

--Hindi ka ba nagpatiwakal?--ang tanong ni Benita sa kaniyang giliw.

--Hindi ka ba nápakasal?--anang binata.

--Hindi--ang sagot n~g tulisán--sapagka't humadlang ako, upang sumapit ang sandaling itó, na ikagaganti ko sa isang malaking utang. Ako ang sumulat kay Benita, ako ang nagpapadalá sa iyó Enrique n~g salaping hindi mo matalós kung saan nangagaling niyóng ikaw ay nasasalát, ako ang sumalansang sa pagpapatiwakál mo, akó ang numakaw kay Benita bago sumapit ang oras na pag-inóm niyá n~g lason, at sa isang sabi, ako ang nagnakaw n~g kayamanan ni kapitang Ape.

--At sino ang makagagawa n~g gayón?--ang halos panaba'y na tanóng n~g dalawa.

--Si Juan Masili--anang tulisán at inalis ang takip n~g mukha.

--¡Si Pedro!--ang wika ni Enrique.

--Oo n~ga: akó ang Pedro mong kaibigan at kapatid na inampón n~g iyong magulang niyong magisá na sa mundó, n~guni't sa bundók ay ako ang Juan Masili.

Nang kinabukasan ay tumangap si tinintíng Moneng n~g isang lihim na pabalita na ang kaniyang anak na dalaga ay na sa Colegio n~g Concordia at doon mangagaling bago ikasal kay Enrique Manapát na siyang tunay na iniibig.

* * * * *

Nakaraan ang dalawang buwan.

Ang panahong ito'y ginugol n~g m~ga civil sa paghanap sa «Hari n~g m~ga tulisán»; n~guni't n~g walang mangyari sa kanilang paghabol ay humuli na lamang n~g apat na taong bukid at siyang pinaratan~gan na nangloob kay kapitáng Ape. Ilang _cruz del mérito militar_ ang naging pinakagantí sa pagkakahuling iyón.

Dátapuwa't ang sundán natin ay si tinintíng Moneng na n~g araw na iyón ay lumuwas sa Maynila.

¿Anó ang dahilán n~g gayón?

Kung ating unawain ang lihim na kagalakáng nalalarawan sa mukha n~g ating matanda na nagbago na n~g asal mula n~g araw na hindi natuloy ang kasal n~g kaniyang anák na si Benita kay kapitáng Ape, ay makikilala natin na ang kasayahang iyón ay galing sa pagkabatid na ang bugtóng na bunso ay ikakasal kinabukasan sa tunay na iniibig.

Nang kinabukasan n~g pagdating ni tinintí sa Maynila ay ikinasal si Benita at si Enrique sa Simbahan n~g Kiapo.

* * * * *

Ang naganák sa m~ga ikinasal ay isang nagngangalang Pedro Gatmaitan; n~guni't kung pagwawariin ang kaniyang mukha ay mákikilala na siya'y kamukha n~g binatang kausap ni matandáng Patíng niyong madaling araw na nasunog ang bahay ni kapitáng Ape.

Sa bayan ay Pedro Gatmaitan at sa bundók ay Juan Masili na pan~gulo n~g m~ga tulisán.

Ang taong ito'y nabubuhay pa n~g taóng 1892, dátapuwa't n~g magkaguló sa Kabite ay hindi na nádin~gíg ang kaniyang pan~galan.