Part 2
Sapagka't, samantalang doón, sa boong _kaeorupahan_ at sa iba pang dako n~g Sangdaigdig, ang kilusan at pagdadamayan n~g m~ga anak-pawis ay hindi kumikilala ni pumipili n~g uri n~g m~ga manggagawang dadamayan, kundi sukat na ang pangyayaring kumilos ang isang pangkat na manggagawa sa pagtatanggol n~g matwid, upang ang iba namang pangkat ay kumilos, umabuloy at dumamay at kumatig sa madlang gawain n~g m~ga yaon, at kadalasan pa, lubha na kung nagaapóy na halos ang labanan n~g Puhunan at Paggawa, sampu na n~g lahat n~g m~ga manggagawang may iba't ibang uri at kalagayan ay sumunód naman sa m~ga ginawa n~g m~ga dinadamayan; samantalang ang pagtutulun~gan at pagaabuluyan n~g m~ga manggagawa roon ay ganáp na ganáp, dito naman sa atin ay hindi, kundi ang kadalasan pa'y hindi maabuluyan n~g anoman ang m~ga nagsiaklás hanggang sa huli, sa pagtatanggol n~g matwid at karapatan.
At ... tayo'y magpatuloy....
Nang umaga n~gang yaon, samantalang ang karamihan n~g m~ga nagsiaklás, ay nan~gawiwili sa paguusap sa "Cuartel General" nila, isang tao naman ang pumasok sa maluwang na pinto n~g Pagawaan.
Pagkapasok ay ang tanggapan n~g Tagapamahala ang tinun~go.
Sa loob n~g nasabing tanggapan at sa haráp n~g isang _lamesang marmol_ ay nan~gakaupo ang tatlo katao at kaukausap n~g nasabi nang Tagapamahala.
Ang tatlong yaon ay siyang m~ga may-ari n~g pagawaan.
--Magtuloy ka, Pablo, magtuloy ka--ang anyaya n~g Tagapamahala sa taong pumasok, nang makita itong nakatayo sa may pintuan.
At si Pablo (tawagin na natin n~g ganitó yamang siyang itinawag sa kanya) ay nagtuloy at sa isang silya ay umupo.
--Ipinatatawag daw po ninyo akó--ang simulang wika ni Pablo nang maupo na.
--Oo;--anang Tagapamahala--ipinatawag kita, sapagka't may isang bagay na mahalaga akong sasabihin sa iyó.
--¿Ano po yaon?--ang may malaking pananabik na tugón n~g kinakausap.
--Isang mahalagang bagay na kapapalooban n~g iyong ikagiginhawa, at hindi lamang ikaw, kundi sampu pa n~g iyong "familia," kung aáyon ka sa aking sasabihin.
--Sabihin mo na po.
--Nalalaman mo na marahil, na mula pa kahapon, ang m~ga "orgulloso" kong manggagawa ay nagsipagaklas. Ayaw na tanggapin ang pagbababa n~g kaunti sa kaupahan sa bawa't "vitola." Sila'y nagsiaklas at ang akala marahil n~g m~ga _walang utang na loob_ na iyan ay susuko kaming m~ga mamumuhunan. Susubukan namin kung hanggang saan aabot ang kanilang pagmamatigás; magpatuloy sila sa kanilang aklasan at tingnan ko lamang kung di sila mamatay sa gutom. Dahil sa bagay na iyan ay ipinatawag kita, at ang ibig ko, sampu rin naman nila, na pawang m~ga mamumuhunan sa pagawaang ito--at sabay na itinuro ang m~ga kaharap--ay gumawa ka rito, at tuloy humanap ka n~g ibang magiging kasama.
--Ako po'y ...
--Nalalaman ko--ang putol agad n~g Namamahala--na ikaw ay may pinapasukan; datapwa't nalalaman ko rin, na ang iyong kinikita roon ay hindi makasasapát sa iyo at sa iyong asawa't m~ga anák. Dito, kung papayag kang gumawa, at man~gan~gako pang hahanap n~g ibang magsisigawa rin ay bíbigyan kita n~g katan~giang makagawa n~g hanggang ibig mo; alalaong baga'y hindi ka _tatasahan_ sa m~ga "material" na gagamitin, at sa gayo'y kikita ka n~g higit sa lahat, higit sa dating kaupahang ibinibigay dito at higit pa rin sa kinikita mo sa kasalukuyang ginagawán mo. ¿Anó, nanayag ka ba?
Si Pablo ay hindi magkantututo n~g isa-sagot; napipigilan siyang umayon, hindi sapagka't ang "conciencia" niya ang tumututol, kundi sa takot sa m~ga nagsiaklás.
Hindi naman niya matanggihan ang gayong pagaalók, sapagka't naiisip niya na yaon ay isang magandang pagkakataon na dapat niyang samantalahin upang ikita n~g malaki.
Uulik-ulik ang kanyang isip at walang malamang isagót; kaya't nang mamalas n~g m~ga kaharap ang gayon niyang pagaatubili ay nagkindatan muna at pagkatapos na sumun~gaw sa kanilang m~ga labi ang isang n~giti ay winika n~g Tagapamahala.
--Anó ang iyong sagót?
At si Pablo, sa tanóng na itó ay parang nabuhayan n~g loob; kaya't ang tugón:
--Ako po'y pumapayag; n~guni't nag-aalaala po ako na baka ...
--Huwag kang matakot ... Ikaw ay hindi maaano ... Tatangkilikin ka n~g Pagawaan sa pamamagitan n~g m~ga batás ... Upang matangkilik ka at gayon din ang ibang kasamahan mong dadalhin dito ay magpapadala kami rito n~g ilang pulis na tatanod.
--Kung gayon po'y ...
--Asahan mo--ang hadlang n~g kausap. Huwag kang matakot; gawin mo ang lahat nang magagawa upang sa loob n~g linggong ito ay makapagpasimula na kayo.
--Ang naiisip ko po ay si Gervasio ang unang hikayatin, yayamang siya po ang nan~gun~gulo sa kilusán; at inaasahan ko po, na kung ito ang makukuha natin ay lalong madadali ang pagsunod n~g iba.
--Ikaw ang masusunod; at lalong mabuti, kung mahimok mo siya ... Ipan~gako mo rin ang m~ga bagay na ipinan~gako namin sa iyo.
--Ako na po ang bahala--at sabay na nagtindig sa kinauupán at pagkatapos ay ang patuloy:--Ako po'y aalis na.
--Oó--ang tugon n~g Tagapamahala, at pagkatapos na makadukot sa bulsá, ay ang patuloy:--Tanggapin mo ito, upang may magugol ka man lamang sa m~ga pagyayao't dito--at sa kamay ni Pablo ay iniyabót ang dalawang tiglilimang pisong papel.
--Salamat po--ang nakatawang tugon n~g pinagbigyan at sabay na isinabulsa ang sampung piso.--Ako po'y aalis na,--ang dugtong pa.
--¡Adyos!--ang tugon sa kanya n~g kausap.
Isang malakás na halakhakan ang isinunod n~g m~ga naiwan nang makalabas sa pinto si Pablo.
--¡Nakabili na tayo! ¡nakabili na tayo...!--ang sunodsunod na wika pa n~g m~ga mamumuhunan na lalong pinakalakás ang pagtawa.
Samantala naman, si Pablo, ang bagong Hudas, ang walang puso at kaluluwang manggagawa, ay nagpatuloy sa kanyang paglakad, at binabalangkas sa mahina niyang pag-iisip ang kung ano at paano ang mabuting paraang dapat niyang gawin upang si Gervasio ay mahimok, at sa pamamamagitan naman nitó, ay makaipon n~g m~ga taong dapat na ipasok sa Pagawaang inaklasan.
M~ga manggagawang gaya ni Pablo ay marami pa at di hamak na malilipol sa Pilipinas.
=IV=
=Tatlong= araw ang lumipas buhat sa huling m~ga pangyayari.
Ang aklasan ay patuloy, at ang pagawaan ay hindi pa rin pinapasukan n~g sino mang manggagawang tabakero.
Ang matalinong pagsisikap n~g Kawanihan n~g Paggawa sa ipagkakasundo n~g dalawang pangkat na naglalaban ay walang napala; nabigo ang lahat n~g pag-asa n~g Tagapamahala n~g "Bureau del Trabajo" sa ikahuhusay n~g sigalot sanhi sa pagmamatigas n~g m~ga mamumuhunan sa Pagawaang pinagaklasan.
Makaitlong nagpabalikbalik sa Pagawaan ang Tagapamahala sa Kawanihang nasabi, subali't yaon at yaon din ang sagót n~g m~ga mamumuhunan. Hindi na nila mababago ang ipinasyá ... Ganito ang laging panagót.
Noon, ay umaga rin, at ang Lupon n~g m~ga manggagawa ay nakipagkitang muli sa Tagapamahala n~g Kawanihan n~g Paggawa, upang alamin dito ang tayo n~g salitaan; datapwa't walang natamong tugon dito kundi ang salitaang nabibitin ay patuloy sa dating lagay. Hindi nagbabago at lalong nagpapakatigás ang m~ga kalaban.
Tiyaga at pagtitiis, ang tan~ging inihahatol n~g Kawanihan sa m~ga nagsiaklas, yayamang liban dito ay wala nang magagawang iba.
--Inaasahan ko--ang patuloy pa n~ga n~g nasabing Tagapamahala--na sa huli ay mahuhusay din ang lahat nang sigalot sa ikasisiyang loob n~g dalawang panig. Sapagka't alamin ninyong kung malaki man ang nawawala sa inyo ay lalo namang malaki ang napipinsala at nawawala sa m~ga mamumuhunan; kaya't ito ay hindi rin naman makikipagtagalan sa paglalaban. At huwag lamang na sawíng palad na pasukan n~g m~ga kamanggagawa ninyo ang pagawaang iyan ay inaasahan ko at maaasahan din naman ninyo na kayo'y magtatagumpáy, kung di man sa lahat n~g inyong m~ga kahilin~gan ay sa marami niyang m~ga bahagi.
At ang Lupong manggagawa ay bumalik noón din sa pinagtitipunan n~g m~ga nagsiaklás.
Sinabi sa m~ga kasama nila ang pinangyarihan n~g kanilang huling lakad na yaon, at gayon din, isinakabatiran n~g madla ang tayo n~g kanilang salitaan at gayon ang hatol naman n~g Tagapamahala ng Kawanihan.
Malalalim na buntonghinin~gang makadurog puso ang sa dibdib n~g m~ga kaawaawang manggagawang yaon ay pumulas; m~ga buntonghinin~gang nagpapakilala n~g tinitiis nilang hirap sa iilang araw pa lamang na itinatagal n~g aklasan.
¡Gaano pa kaya, kung ang aklasan ay magtagal n~g isang buwan man lamang!
At si Mauro, sa haráp n~g gayong namamalas ay lihim na nagtitiis.
--¡Umasa tayo at maghintay!--ang ipinanglulunas na lamang niyang hatol sa lahat.
--Oó; umasa tayo at maghintay ...--ang ikinasisiyang tugón naman n~g marami.
Subali't ... ¡bigong pagasa! at ¡sayang na paghihintay!
Sapagka't sa kinahapunan noón, si Pablo ay boong tápang na pumasok sa maluwang na pinto n~g Pagawaan, na kasama n~g may labing isá pa, buhat sa ibang ginagawan.
¡Labing-isang manggagawa sila na nahikayat n~g makamandag na dila ni Pablo!
¡Labing-isang bibig na may kinakain na ang umagaw pa sa dapat kanin n~g ibá!
¡Oh! Ang m~ga gahamang ito ay siyang dapat managót sa napakaraming aklasang natalo sa Pilipinas, at sa libolibong bibig na walang makain n~g m~ga asawa't anák n~g nagsisiaklás.
¡Lubha n~gang kanaisnais na ang m~ga ito'y mawala at malipol agad!
Simula n~ga sa hapong yaon, ang Pagawaan ay untiunti nang nagkakaroon n~g buhay, at wala pang isang linggo, ang datihang linggal at manakánakang pukpukan at tawanan ay naririnig.
At samantala'y ...
¡Ang m~ga kahabaghabag na nagsiaklás ay lalong nagsisipagtiis!
Sa m~ga mukha nila ay nababakás ang isang malaking poót, nabábadha sa pawisang noó n~g bawa't isá, ang pagkasuklam sa m~ga gahaman at taksil na yaon na siyang sumira sa magiting na kilusan nilang m~ga nagsiaklás.
Di miminsan, at sa init n~g nagpupuyos nilang loob, ay balakin n~g ilan ang maghiganti; parusahan ang isa ó ilan man sa m~ga taksil na yaón.
Datapwa't ang lahat nang itó, ang lahat nang balak at naiisip gawin, ay napipigilan, sanhi sa m~ga pan~gun~gusap at hatol na ibinibigay ni Mauro.
Sa pamamagitan n~g maaayos at maliliwanag na pagmamatwid ay nakukuhang payapain ni Mauro ang mapupusok na kalooban n~g kanyang m~ga kasama sa haráp n~g namamalas na nalalapit na pagkabigo n~g aklasan.
--Huwag--anya--huwag. Huwag nating isipin n~gayon ang pagpapadának n~g kahi't iisang patak na dugo n~g ating m~ga kapatid din; hindi natin kailan~gan, at kailan~gan man natin ang gayon, ay hindi natin magagawa nang may kapakinaban~gan tayong tatamuhin. ¡Para sa m~ga manggagawang pilipino, ang araw na iyan ay hindi pa dumarating; hindi pa n~ga, at lubhang napakalayo pa! Kung magkaminsan n~ga ay kinakailan~gan din ang pagpapadanak n~g dugo upang maipakilala sa m~ga taksil, ang kasamaang ibinubun~ga n~g kanilang m~ga gawain at ang kahiduwaang pumapatay sa magagandang simulain, sa pamamagitan n~g kanilang m~ga inaasal; datapwa't ang gayon ay ginagawa at nagagawa lamang sang-ayon sa m~ga pagkakataon, at sang-ayon sa uri at hugis n~g sosyalismong umiiral at nalalaman ó kinikilala at pinamamantun~ganan n~g m~ga manggagawang gagamit n~g gayong _sandata_ ... Kayo na ang magsabi. ¿Ano ang kapakinaban~gang mahihintay natin pagkatapos n~g pagpapadanak n~g dugo? Wala, kundi maghari ang lakás n~g m~ga batás sa ibabaw n~g sawing-palad na tumupad sa atas n~g isang dakilang mithi ... at pagkatapos, ay maging dahil pa n~g m~ga pagpula sa gumawa; maging sadlakan n~g paguyám at tagurian pa n~g _mamamatay_, unang-una na noong m~ga makikinabang sa huli sa mabuting bun~ga n~g gayong pagpatáy. Makikita rin natin, na ang magiting na ito, ay bukod sa di na kahahabagan man lamang sa kinasapitang palad ay aalimurahin pa; itatakwil at pawawalang kabuluhan sa haráp man n~g marami. Kaya n~ga m~ga kapatid; ¡saka ná! ¡Saka ná, kung makilala n~g m~ga manggagawang pilipino ang tunay niyang karapatan!
Ang ganitong pan~gan~gatwiran ni Mauro ay siya lamang ikinapayapa at ikinalamig ng puso n~g m~ga kasama.
At ... ang lahat ay naghiwahiwalay ...
=V=
At ... ¿si Gervasio ay saan naroron? ¿Ano't sa m~ga huling pangyayari ay di man lamang nakita gayong siya ang pan~gulo...?
Alamin natin.
Gaya nang nalalaman natin, si Pablo, nang makalabas sa pintuan n~g pagawaan, ay nagisip n~g m~ga paraang gagamitin sa paghimok kay Gervasio, upang ito ay magbalik sa Pagawaan. Sa gabi rin n~g araw na yaong makausap siya n~g may Pagawaan ay nagsadya na siya sa bahay n~g hihikayatin, at taglay sa puso ang malaking pagasa sa tagumpay ay walang kimi ni pagaalinlan~gan ipinabatid kay Gervasio ang kanyang layon, sa pamamagitan n~g m~ga tiyakang pan~gun~gusap at hindi maligoy na pagsasalaysay. Sinabi ang pagkakapatawag sa kanya n~g Tagapamahala n~g Pagawaan, at gayon din ang m~ga pan~gakong ibinigay at n~g sampung pisong kaloob.
Si Gervasio, sa haráp n~g gayong salaysay at panghihikayat ni Pablo, ay natilihan muna at di agad nakasagót; pinagbulaybulay sa isip niya ang m~ga pangyayari at dapat pang mangyari sakali't tanggapin ang amuki n~g kaibigang humihikayat.
Nang mamalas ni Pablo ang gayong di pagtugon n~g kanyang kausap ay nagpatuloy:
--Tingnan mo--anya--¿ano ang mapapala mo sakali't magpatuloy ka sa kalagayang taglay mo n~gayon? ¿Inaasahan mo baga, na kayo'y magtatagumpay sa aklasan? Inaakala kong hindi, at nasabi ko na n~ga sa iyo ang sinabi sa akin n~g Tagapamahala sa Pagawaan. Titikisin daw niya at susubukan kung hanggang saan aabot ang inyong lakás. At tan~gi sa rito, ¿ano't _makikiloko_ ka sa kanila? ¿Kung wala ka pa bang makain at sampu n~g iyong pamilya ay mayroong magbibigay sa iyo?
--Iyan din n~ga ba ang sinasabi ko sa taong iyan--ang halos ay nangdididilat ang mata n~g asawa ni Gervasiong humalo sa salitaan--sa hirap naming ito ay hindi ko n~ga malaman sa taong iyan kung ano't hahalohalo sa m~ga kaululan at "chismes;" tila baga kung napipisanan na siya at sampu n~g kanyang pamilya ay may tutulong man lamang at makaaalaalang siya'y lapitan. ¡Sús ... aywan ko n~ga ba!--at sabay sa m~ga huling pan~gun~gusap na ito ay nangdudura pa man din.
Wala na; para sa mahinang puso ni Gervasio, ang ano mang pan~gan~gatwiran ay di na maibuka sa bibig.
Marinig sa bibig n~g asawa niya ang isang pagsisi sa kanyang ginawa at ginagawa sa kapakinaban~gan n~g marami, bakit ay naisurot pa nito na kung ano at kung bakit hahalohalo sa m~ga "chismes," ay doon na pinanglupaypay na lalo ang kanyang marupok na puso sa haráp n~g m~ga nakahahalinang amuki ni Pablo.
Kaya't pagkalipas n~g ilang sandali ay napilitang magsalita.
--¿Paano ang iba kong kasamahan?
--¿Ang iba mong kasamahan?--ang wari'y sagot na tanong din ni Pablo.--¿Bakit mo sila _iintindihin_? ¡Di bayaan mo sila! Ang bawa't isa ay dapat humanap n~g kanyang sariling kagalin~gan; kanikanyang hanap at pagsisikap ...
--¿At ang aming sumpaan? ¿At ang aming ...?
--Walin mong kabuluhan--ang saló agad ni Pablo.
--Aywan ko sa taong itó--ang sabad na naman n~g babai--tila ibig mag Kristong papako sa krus sa kagalin~gan n~g marami at ibig yatang matawag na manunubos.
--Siya n~ga naman--ang sambot pa ni Pablo--isipisipin mong mabuti. Ang iniaamuki ko sa iyo ay kagalin~gan mong sarili at n~g iyong pamilya. ¡Siya na iyang makámakabayan!
At si Gervasio ay pilit na sumuko; sa haráp n~g dalawang tuksó ay wala na siyang magagawa. At saka naaalaala n~ga rin niya ang gipit nilang kalagayan sa pamumuhay, sa gitna n~g malawak na dagat n~g buhay at sa gitna n~g naglalakihang daluyong n~g kasaliwaang palad.
At siya, si Gervasio, ay walang tápang na makahaharap sa malalaking pagbabaka maging ang pagbabakang ito ay magbun~ga sa huli n~g tagumpay n~g isang dakilang simulain at kalasapan n~g di gaanong kagalin~gan n~g marami.
_Maligtas lamang ang sarili ay mamatay na ang lahat._ Ito, ang simulaing naghari at pinapaghari ni Gervasio sa kanyang puso; kaya't sa wakás ay sinabi n~g boong siglá.
--Ako ay umaáyon.
At ang pan~gulong Gervasio, mula sa m~ga sandaling yaon na bigkasin niya ang pag-ayon, ay isa na sa maraming taksil na naglipana sa Pilipinas.
--Kung gayon,--ang may malaking kagalakang sabi ni Pablo--búkas n~g hápon ay sasama ka na sa akin. Tayo ay gagawa nang kasama n~g ilan pang manggagawa na kinuha ko sa ibang pagawaan.
--Huwag; huwag muna. Kailan~gan nating hikayatin si Mauro.
--Siya n~ga; lalong mabuti kung pati na siya ay makasama natin.
--Inaasahan ko rin, na gayon ang mangyayari. Siya nama'y dukha ring kamukha ko ... wala rin siyang itatagal sa malaong aklasan.
--Kung gayon, bukas na n~g hapon tayo pumaroon, at sa hapon ko na rin dadalhin sa Pagawaan ang m~ga magsisigawa, at pagkapanggaling ko roon ay saka na tayo magkita. Sa gabi na tayo pumaroón.
--Lalong mabuti n~ga--ang tugon ni Gervasio--kita'y hihintayin.
--Oó, darating akong walang sala.
At noon din si Pablo ay nagpaalam.
Nariyan ang dahil, kung kaya't si Gervasio, sa poók na pinagtitipunan n~g m~ga nagsiaklás ay di man lamang nakita.
=VI=
Sa haráp n~g kanyang susulatán, si Mauro ay payapang nakaupo kinagabihan din n~g araw ring yaong ipinaghiwahiwalay nilang magkakasama.
Nakapatong sa ibabaw n~g _lamesa_ ang dalawang bisig at sa m~ga palad ay nakakatang naman ang dalawang pisn~gi.
Malungkot ang kanyang anyo; at sa pagmumukha ay nababakás ang isang napakalaking damdaming kinakabaka n~g puso, damdaming nakapagpapapulás sa dibdib n~g malalalim na buntonghinin~ga.
Sadyang nang m~ga sandaling yaon, ay may isang malaking suliraning pinagaaralan ...
Kinukuro at dinuduklay sa isip ang sanhi at kung bakit may m~ga manggagawang sa kilusang tun~go sa pagtatanggol n~g karapatan na pinagsisikapang itaguyod n~g iba nilang kamanggagawa ay nagkakatápang na siyang sumira sa kilusán sa pamamagitan n~g pagtataksil.
Hindi niya lubos maisip ang sanhi n~g kung bakit samantalang ang ilang magigiting na kawal n~g pawis ay nagpapakasákit sa pagtataguyod n~g aping karapatan n~g m~ga manggagawa upang pagkatapos ay kilalanin n~g m~ga mapaniil na puhunan, ay marami rin naman sa m~ga manggagawa ang walang sinasamantala kundi ang gayong m~ga kilusan upang makasunod sa masamang nasa at kinamihasnan n~g puso na pagpapasasa sa m~ga tungkulin at gawain n~g m~ga nagsisiaklás, sa kapakinaban~gan at kagalin~gan nilang sarili.
Lumuluha ang kanyang puso. At nagdaramdam sampu n~g kanyang kaluluwa, sa m~ga katiwaliang namamalas.
Hindi miminsan, at sa gayon niyang pagbubulaybulay, ay ikapit ang malaki at lalong mabibigat na pagsisi, doón sa m~ga unang humawak n~g kapalaran n~g m~ga manggagawang pilipino at sa ilang humahawak pa rin at nagsisipagtaguyod kunwa sa mga anák-pawis, bago'y ang kadalasang mangyari ay sila na rin ang unaunang nagbibili at kumakalakal sa m~ga itó sa maraming kilusang nangyari.
At lalong malaki at napakalaking sala ang ibinibigay niya sa haráp n~g m~ga napapariwarang kilusan n~g m~ga anák-pawis, sa m~ga nagbabansag na tagapagtanggol n~g malalayang karapatan n~g m~ga manggagawa at sa m~ga nagkukunwaring umaákay sa m~ga ito, sa landas n~g pagkakaisá, sapagka't maliwanag na nakikita at nadadamá sa m~ga pangyayari, na, marami pa ang panahong ginugugol nila sa pagpapalaganap n~g isang lihim na pagiimbót sa isang tungkuling inaadhika, kay sa panahong dapat gugulin sa pagiisip at paghanap n~g wastong paraan, upang ang marami at malalaking suliraning manggagawa sa Pilipinas ay malunasan.
Anopa't sa ganang kanya, sa ganang kay Maurong nagdaramdam sa namamalas na kaapihan n~g madlang kilusang manggagawa, ang m~ga ito ay malimit lamang na gawing hagdanan n~g ilang mapagimbot at nagkukunwaring tagaakay nila at upang makaakyat sa tugatog n~g dan~gal at katungkulan, dan~gal at katungkulang gagamitin lamang sa sariling kapakanan at kagalin~gan.
Sa gayong malungkot na pagmumunimuni ni Mauro, ang asawa niyang si Serafina Halili, babaing puspos hinhin, maran~gal at matalino, na di lamang karapatdapat na iná n~g tatlo nilang maliliit na anák, kundi isá rin namang katulong at katuwang niya sa malaking pagbabaka sa buhay, na mula pa nang m~ga unang sandali'y nagmamalasmalas na sa anyo at kilos n~g asawa, ay di na nakabatang di lumapit at magusisa:
--¿Bakit ka nalulungkot?--¿Ano ang nangyayari sa inyó? ¿May malubhang bagay bagang sinasapit ang inyong kilusan?--ang sunodsunod na tanong ni Serafina.
--Serafina ... Serafina ...--ang naitugon ni Mauro na hinawakan ang kamay n~g asawa--¡Sawing palad...! ¡Sawingsawi ang kapalarang sinasapit n~g m~ga manggagawa!
--¿Bakit? ¿Hindi ba't ang kilusan ninyo ay nagkakaisá?
--¡Nagkakaisa! Oó; datapwa't ang m~ga taksil, ang m~ga Hudas, ay siyang nagwasak at magwawasak pa n~g nalalabing pagkakaisa n~g m~ga nagsiaklas sa pamamagitan n~g ...--at si Mauro, sa laki mandin n~g pagdaramdam na sa puso niya'y tumitiim, ay napasuntok sa ibabaw n~g kanyang sulatán at tuloy na napayukayok.
Si Serafina, babaing kailan ma'y di pinagmamaliwan n~g pagmamahal sa kanyang asawa, at babaing nakakikilala at nakababatid n~g tungkulin niya, sa m~ga sandaling yaón ay biglang napayakap kay Mauro at ito'y pinagbiyayaan n~g matatamis na halik.
--Mauro: husayin ang iyong loob; pumayapa ka, at mangyaring sabihin sa akin ang sanhi n~g iyong malaking pagdaramdam ... Titingnan ko, kung ano ang magagawa ko ... At kung, sakali mang ako sa aking pagkababai ay walang magagawang anomang tulong upang sa kasawian n~g m~ga kamanggagawa mo'y makabawasbawas, ay matulun~gan man lamang kita sa paghahanap n~g lunas.
--¡Salamat, Serafina, salamat: at nalalaman mo na naman marahil, na ako'y walang lihim para sa iyo, kaya't makinig ka at aking isasalaysay ang lahat. Umupo ka.
Si Serafina ay umupo.
At si Mauro ay nagsimula.
--Kaninang hapon, samantalang ang lahat at bawa't isa sa m~ga manggagawang nagsiaklás ay nagkakapulong at pinaguusapan namin ang m~ga pangyayaring hinaharáp, at samantalang inaasahan namin ang tagumpay na di malalaon n~g m~ga adhika namin, ay naririto, at sa pagawaan, ay nagsipasok ang ilán, sa ilalim n~g pan~gun~gulo naman ni Pablo, isang manggagawang may kinalalagyang pagawaan, na nahikayat mandin n~g Tagapamahala n~g pagawaán, at ito naman ang siyang humikayat sa iba. Sa ganitong pangyayari, kaming nagsiaklás ay wala nang nalalabing pag-asa munti man sa pagtatagumpay; sapagka't nakikinikinita ko, na sa likod n~g taksil na si Pablo at sa likod pa n~g ilan pang nahikayat niya, ay susunod naman ang ilan pa; at sa wakas ... sa wakas n~ga, ay marahil ang lahat na ¡Sukatin mo, Serafina, kung sa lahat nang itó ay may puso akong itatagal!
--Huminahon ka, Mauro, at ikaw, sa m~ga nangyayaring iyan, munti man ay walang sala; hindi ka masisisi n~g sinoman, pagka't ikaw sa iyong sarili ay walang magagawa.
--Kung sa bagay, Serafina; datapwa't di ko lubos na dinaramdam ang magiging palad n~g aklasan namin n~gayon kung matalo man, kundi ang magiging palad n~g m~ga darating na kilusán.
--Iya'y katotohanan; subali't taglayin n~g m~ga may sala ang parusa, subali't ikaw ay hindi; sapagka't napariwara man ang iyong magagandang layon at adhika ay paano't paano ma'y dadalhin mo sa harap n~g iyong sariling budhi ang kasiyahang loob, sa, pagkatupad mo sa inaakala mong tungkulin; at sa isang dako, ako namang asawa mo, ay lalasap n~g lalong malaking ligaya sanhi sa ang pan~galang taglay ko na ipinagkaloob mo sa akin, ay malinis at hindi nalalahiran n~g bahagya mang pagtataksil; at ang m~ga batang anák natin ay maiiwanan mo naman n~g isang karan~galang di matutumbasan n~g pilak ni n~g anomang kayamanan. Magbalik na silang lahat sa pagawaan n~g di natatamo ang tagumpay kundi ang kahiyahiyang pagkatalo; datapwa't, ikaw na asawa ko, ay hindi ko inaasahang gagawa n~g gayon, alangalang man lamang sa malinis na karan~galan na dapat mong ipamana sa ating m~ga anák. Dumating na ang hirap; dumagsa na sa atin ang lahat n~g sákit at paghihikahós sa buhay kung wala ka mang pagkakitaan ay nakan~giti kong tatanggapin at ituturong tanggaping maluwag sa puso n~g ating m~ga anák. Sa gayon ay maipakikilala natin sa haráp n~g kahit sino, na kung sakali mang may m~ga manggagawang pilipino na walang hinaharap ni sinisikap kundi ang kagalin~gan at kapakanang sarili, ay mayroon din namang hindi, at isinasailalim ang m~ga kagalin~gang sarili sa kagalin~gan na marami; kaya, Mauro, paghusayin ang iyong loob ...