Isa Pang Bayani

Part 1

Chapter 1 3,969 words Public domain Markdown

Produced by Tamiko I. Camacho,Pilar Somoza and the Online Distributed Proofreading Team at https://www.pgdp.net Special thanks to Thomas Buchanan for providing the means to save this book.

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit.]

MAIKLING KASAYSAYAN

=ISA PANG BAYANI ...=

SINULAT NI

=JUAN L. ARSCIWALS=

(_Kasapi sa "Ilaw at Panitik"_)

* * * * *

KASAYSAYANG MANGGAGAWA

_na nagkagantimpala sa Timpalak-Panitik ng Kapisanang "Balintawak" ng 1915, sa ilalim ng sagisag na: "Maktan"_

AT

MGA PANGUNANG SALITA NI

=_G. Carlos Ronquillo_=

(Tagapamahala ng Taliba)

=UNANG PAGKAPALIMBAG=

_Maynila, S.P. 1915_

IMPRENTA Y LIBRERIA

DE

_P. Sayo Vda. de Soriano_

Rosario 225 Plaza del Conde 1008, Binondo y Azcarraga 552, Tondo.

[Larawan: Juan L. Arsciwals]

_Samantalang ang pagmamahal sa sariling kapakanan at kagalingan ng mga manggagawa sa Pilipinas ay hindi isinasailalim ng kapakanan at kagalingan ng marami, ang kabusabusan ay di mawawala at ang liwayway ng Kalubusan ay ni mamamanaag._

=_Juan L. Arsciwals._=

=Parang mga=

=Pangunahing Talata=

_Puhunang walang puso at mapanginis; manggagawang napaghaharian ng biglaang simbuyo ng loob at napasusuko ng munting siphayo; aklasang sa tabi-tabi lamang pinagkakaisahan at hindi bunga ng isang pagliliming mahinahon; isang Pablong napakakasangkapan sa Puhunan, sa bísa ng masasarap na pangako at isang Gervasiong puno ng aklasan nguni't alagad ng kahinaang loob at ng kawalang-pagasa; isang Maurong masugid na alagad ng Bagong Panahon nguni't mahinahong gayon na lamang, at kahinahunang hindi nagtapos sa mabuti kundi sa loob ng bilangguan; saka aklasang sa gulo natapos at namatay sa kusang pagpatay ng manggagawa rin ... iyan ang sa aklat na ito ng kaibigang Arsciwals ay boong liwanag na naglalarawan._

_May palagay akong, maliban sa ilang pangyayaring katha, ang lahatlahat na ay ulat lamang ng isang pangyayaring tunay na nasaksihan ng may akda. Kung kaya, maliban na lamang sa ilang kulay na naiiba, ang lahatlahat na ay siyang tunay na kulay ng mga pangyayaring malimit masaksihan natin sa pagaaklasan dito. Walang pinagibhan ni munti. Kilusan at mga tao ay iyan na walang inibhan. Kung kaya, maaaring sabihing sa maikling kasaysayan ay nakuhang ilarawang ganap ng kaibigang Arsciwals ang samang magpahangga ngayo'y siyang tunay na sanhi ng pagkaunsiyaming kalungkotlungkot ng halamang tanim ng mga de los Reyes, Lope K. Santos at H. Cruz at inalagaa't inaalagaan ng mga J. Kalimbas, D. Ponce, F. Mendoza, mga Soriano, A. de Jesus, C. Evangelista, P.H. Santos, G. Masangkay, A.P. Gonzales. V. Basilio atbp._

_Nariyan nga ang sama at maliwanag na nalalarawan sa harap ng lahat. ¿Kailangan kayang lunasan? Hindi kailangang itanong. Nguni't ¿sa paanong paraan? Iyan ang tanong, na kung nang mga nagdaang sampung taon ginawa ay marahil noo'y pagaalinlanganan pang sagutin. Upang sabihin ang totoo, sa loob ng mga araw na ito ay hindi na kaila kanino man kung ano ang lunas na nararapat ikapit diyan. Ang suliranin at kilusang manggagawa sa Pilipinas ay na sa gitna na ng landasin at ang araw ng sosyalismo'y malaon nang namanaag at ibig nang magtanghaling tapat. Kung kaya, bihirangbihira na ang di nakatatalos. At iyang kapuripuring kilusan ngayon na patungo sa pagbubuo ng mga_ Trade Unions, _kilusang pinagpasimunuan ng matatalinong manggagawa, sa limbagan at boong siglang pinagsusumundan ngayon ng mga kapatid ni Mauro, ay siyang nagpapatotoo sa sabi._

_Sa bisa nga ng ganyang kilusan ay maaaring asahang sa araw ng bukas ay magiging parang pangarap na lamang ang larawang guhit ng makisig na pinsel ni Arsciwals: ang sama ay lubusang mawawala. At ni isang Pablo, ni isang Gervasio at isa mang manggagawang balisawsawin, ay wala nang makikita. Magiging Mauro ang lahat, sapagka't ang lahat ay makaliligtas na sa bulag na isipan at sa duwag na guniguni, at pag nagkaganyan na'y mawawala na naman at di masasaksihan ang mga welgang lansangan at aklasang sa pabiglabigla. At ang isip ay lulusog, at ang puso ay titibay._

_Ganito ang aking pag-asa at paniwala. At sa bisa ng paniwalang ito ay kung kaya nasukat ko at napagabot ang kahalagahan ng akdang ito ni Arsciwals. Nakikinikinita kong sa likod lamang ng maiksing panaho'y lubos nang mawawala ang dito'y inilarawan ng may akda, at dahílan dito'y ¿ano at bakit nga di magkakahalaga ito sa ang akdang ito'y magiging pangpagunita sa kalunoslunos na kahapon ng suliraning manggagawa rito? Dahil na dahil man lamang dito, at huwag na sa iba pa, ay labis nang ikagalak at purihin ang pagkakapaglathala dito._

_Kaya, tanggapin ng kaibigang Arsciwals ang aking papuri._

=_Carlos Ronquillo._=

25 Sept. 1915.

Ilang salita muna ...

Mga Manggagawa:

Sa paglalathala ko n~g aklat na itó ay wala akong nasang iba, liban na sa mailantad sa harap n~g madla ang isang karaniwang sakit na siyang pumapatay na madalas sa masisiglang kilusan n~g m~ga anak-pawis sa Pilipinas; sakit na hangga't nagtatagal at lumalaon ay lumilikha n~g libolibong kasawian sa buhay at sa kapalaran n~g m~ga manggawang pilipino; at sakit na kung di aagapan n~g lunas n~g m~ga may tungkulin ay siyang pagbubuhatan n~g lubos at ganap na pagkapariwara n~g lalong magaganda at dakilang kilusán n~g m~ga kawal n~g bisig.

Hindi ko nasa ang maglahad n~g anomang tuntunin ukol sa bagay na ito sapagka't hindi pa ako karapatdapat sa gayon; subali't, nais kong kahi't bahagya ay makatulong sa paghanap n~g sakit na pinagbubuhatan n~g untiunting pagkamatáy n~g masisigla at mahahalagang kilusan n~g ating m~ga manggagawa, upang pagkatapos ay mailantad sa haráp ng madla, na walang anomang takip at hubad na hubad.

¡Nariyan n~ga ang sakit! At ang m~ga nagtataguyod sa buhay at kapalaran n~g m~ga anak-pawis sa Pilipinas ay siyang unaunang nararapat na humanap n~g lunas upang sa lalong madaling panahon ay magamot ang sakit na nasabi.

Ipinagtatapat ko rin naman, na, sa pagsulat ko n~g kasaysayang ito ay hindi ko nasang sugatan ang damdamin n~g sino at alin mang tao ó Kapisanang Manggagawa; at ang nagudyók sa akin sa ganitó ay ang sa mula't mula pa'y magandang nais na makita sa lalong madali ang pagliwayway n~g ganap na Katubusan n~g m~ga mangagawang pilipino, maging anoman ang kahalaga n~g Katubusang ito.

Sa wakás ay malugod at buong puso kong inihahandog ang Munting Kasaysayang ito, sa lahat at bawa't isa n~g m~ga manggagawang pilipino at gayon din sa m~ga matatalinong makamanggagawa na nagtataguyod sa buhay at kapalaran n~g m~ga anák-pawis dito sa atin.

Kun sa palagay ninyo, m~ga manggagawang pilipino na makababasa sa Kasaysayang kalakip nito, ang kanyang m~ga nilalama'y walang kahaláhalagá sa harap n~g m~ga suliraning manggagawa sa Pilipinas ay ipalalagay ko rin, na ako'y walang sinulat na anoman, at ang Kasaysayang ito ay ituring ninyo na isang panaginip n~g sumulat ó isang pan~garap lamang n~g diwa kong umaasa sa Tagumpay n~g Paggawa sa ibabaw n~g Puhunan....

=_Juan L. Arsciwals._=

Tundo, Maynila, S. P.

Sept. 8, 1915.

=I=

Umaga n~g ika 29 n~g Hunio n~g 1914. Ang maluwang na daang Azcarraga, sa dakong Tundo sa panulukan n~g daang Ilaya, na kinatatayuan n~g isang malaking pagawaan n~g tabako, ay marami ang nagtayong m~ga manggagawa; m~ga babai't lalaki, matatanda't bata.

Pulúpulutóng ang pagkakaáyos. May kanikaniyang usapan at may kanikaniyang pinagtatalunan.

Sa anyo't pagmumukha n~g lahat at bawa't isá sa kanila ay nalalarawan ang isang malaking pagkainip, pagkainip na kinababadhaan n~g pananabik n~g kanilang m~ga puso sa isang mahalagang bagay mandin na ibig malaman.

Doon, sa dako n~g dulaang Rizal, ay isang pulutong ang makikita; nan~gaguusap at nagtatatalong mainitan. Sa dako pa rito, sa tapat n~g Botika Morelos ay isá pang pulutóng; pulutóng na kinabibilan~gan n~g maraming kabai.

Saa't saan man, at ang lahat halos n~g dako n~g panulakán n~g m~ga daang Azcarraga at Ilaya, ay kakikitaan n~g maraming m~ga manggagawa na ang m~ga mata ay pawang napapako sa iisang pook; sa maluwang na pinto n~g isang malaking bahay, n~g bahay pagawaan n~g tabako na kanilang pinapasukan.

--¡Kay tagal nila...!--ang pabulalas na wika n~g isa sa nagkakalipon.

--¿Anó kaya ang kasasapitan?--ang wari'y tanong na isinagot n~g isá pa.

At ang tanong na itó'y hindi napan~gahasang sagutin n~g sino man sa m~ga kaharáp, at sa m~ga labi n~g bawa't nakarinig ay waring napabitin ang kasagutan.

Walang ginawa ang marami kundi sa pintuang pinagmamalas na lagi ay ipako ang m~ga mata, at nang wala ring makitang anoman ay agad na binawi ang m~ga panin~gin upang sa m~ga kalipon ay ibaling.

¿Anó ang hinihintay n~g m~ga manggagawang ito?

¿Anóng bagay ang kanilang kinasasabikang malaman?

¿Ano't sa mukha n~g lahat ay nababadha ang malaking pagkainip?

Alamin muna natin ang lahat nang ito, samantalang naghihintay sila upang mabatid natin.

Nang araw na sinundan, ang m~ga manggagawang nasabi ay tumanggap n~g isang babalang buhat sa m~ga may-ari n~g pagawaan, at doo'y ipinababatid sa kanila na sa kinabukasan ay ibababa ang upa sa lahat n~g m~ga "vitola" na kanilang ginagawa.

Pagkatanggap nila n~g gayon babala, at sa pan~gan~gasiwa n~g pangulo n~g Kapisanan nilang natatayo sa loob n~g pagawaan ay nagsipagpulong ang lahat, at doon ay pinagusapan ang nararapat nilang gawin.

Pagkatapos n~g isang mahaba at mainitáng pagtatalo ay pinagkaisahan n~g lahat, na magsugo n~g isang Lupon sa m~ga mamumuhunan, upang maipabatid na sa dating mababang upa na kanilang itinatanggap sa bawa't "vitola" ay hindi na nila matatanggap pa ang pagbababang gagawin; at tuloy na ipinamanhik sa nahalal na Lupon na mangyaring gawin nila ang lahat nang magagawa, upang sa mapayapang pagmamatwid, ang m~ga mamumuhunan ay magbagong pasyá.

Ang nan~gahalal na Lupon ay ang pan~gulo na rin n~g kanilang Kapisanan na nagn~gan~galang Gervasio Sarili at si Mauro Alvarez. Sa dalawang ito ay tatlo pa ang isinama na pawa namang m~ga kasama nila sa pagawaan at sa Kapisanan.

Ang m~ga ito ay siya nilang pinagkayarian sa pulong na idinaos sa kinahapunan n~g pagkatanggap nila n~g babala; kaya't nang umagang yaon n~g ika 29 n~g Hunio, at sa pook na naiulat na sa dakong una, ang m~ga dukhang anák-pawis, ang m~ga manggagawang tabakero na nagkakatipon sa iba't ibang súlok at hayág na pook n~g m~ga daang Ilaya at Azcarraga, ay sabik na sabik at iníp na iníp na halos sa paghihintay sa kahahangganan n~g paguusap, na nang m~ga sandaling yaon ay idinadaos n~g nahalal na Lupon n~g m~ga manggagawa at n~g m~ga mamumuhunan.

Ikasiyam na n~g umaga; subali't ang m~ga hinihintay nila ay di pa dumarating.

Sa malaking pintuan n~g pagawaan, ang bawa't tao ó m~ga taong makita nilang lumabás at lumalabas, akala nila'y siya nang hinihintay nila, siyang Lupong sinugo nila ... N~guni't parating nabibigo, parating nawawalan n~g saysay ang kanilang m~ga hinuha.

--¡Pagkatagaltagal...!--ang ulit-ulit na nawiwika n~g marami.

--Magsisilabás na sila ...--ang wika naman n~g ilan, na parang itinutugón at inilulunas sa pagkainíp n~g madla.

At parang itinaón sa huling tugon n~g ilán, sa pinto n~g pagawaan ay nagsilabas ang limá katao.

--¡Narito na! ¡Narito na!--ang sunodsunod at nagkapanapanabay na naibigkás n~g marami, nang makita ang m~ga nagsilabás.

Ang bawa't pulutong n~g m~ga manggagawang yaón, ang bawa't pangkat na nag-uúsap, ang lahatlahat na, ay nagsikilos, nagsilakad, at ang dumarating na Lupon ay sinalubong.

--M~ga kapatid:--ang wikang malakas n~g pan~gulong Gervasio nang mapalapit sila sa m~ga kasama--Mahaharap marahil tayo sa isang malaking paglalaban.

--¿Anó po ang nangyari?--¿Anó po ang kinasapitan?--ang sabáy-sabáy na tanun~gan n~g marami.

--Wala; ang m~ga mamumuhunan ay ayaw na duminig sa daing nating lahat; sila ay nagpapakatigás ...--ang tugón din n~g pan~gulo.

--Kung gayon, tayo'y magsiaklás.--ang sigaw n~g isang manggagawa.

--¡¡Magsiaklás...!! ¡¡Magsiaklás ...!!--ang ulit-ulit na sigawan n~g marami.

--M~ga kasama:--ang malakas na wika ni Mauro,--¡Tayo'y huminusay! Pumayapa tayo, at ang lahat ay pagusapan natin n~g boong kalamigang loob.

--¡¡Welga!! ¡¡Welga!!--ang ipinaghuhumiyaw din n~g marami.

--¡¡Tayo'y magsiaklás...!!--ang ulit n~g ilan.

--¡¡Magsiaklás!!--ang tugón n~g lahat.

--Ang lahat ay magagawa--ang tugóng malakas din ni Mauro--subali't, kailan~gan nating pagusapan muna ang m~ga paraang gagawin. Tayo'y magpulong n~gayon din, at doon nating pagkaisahan ang lahat.

--¡Magpulong! ¡Magpulong!--ang sigawan n~g lahat.

--Tayo nang lahat sa dulaang Rizal--ang wika n~g pan~gulo.

--¡Sa dulaang Rizal!--ani Mauro naman.

--¡Tayo na m~ga kasama...!--ang ulit n~g madla.

At ang lahat ay nagsilakad; parang iisang katawan nang kumilos, at ang dulaang Rizal na di naman nalalayo ay siyang tinun~go.

Sa mukha n~g bawa't isá, ang kagitin~gan ay nababakas; at nababadha sa pawisan nilang noo ang búhay, ang sigla at ang lakás.

Ang masiglang kilusang yaon n~g m~ga manggawang tabakero, ay labis na mahihinuhang kung magpapatuloy ay siya nang babala n~g pagsikat n~g mabiyayang araw n~g Katúbusan.

=II=

At, ang malaki at maaliwalas na dulaang Rizal, sa kapahintulutan n~g m~ga may-ari, ay kaunti nang mapuno sa dami n~g tao.

Halos dalawa sa ikatlong bahagi n~g m~ga butaka ay may m~ga tao; bukod pa ang m~ga nagtayo sa paligidligid n~g palko at "entrada general."

Sa harap n~g lahat, at sa ibabaw n~g "escenario," ay nan~gakaupo sa palibid n~g isang lamesa ang Lupong sinugo, at ang ilán pa rin sa m~ga bumubuo n~g lupong pamunuan n~g Kapisanang Manggagawa sa loob n~g pagawaan.

Samantalang ang m~ga na sa itaas n~g "escenario," ay nan~gaguúsap pa muna bago pasimulan ang pulong, ang m~ga nan~gasasaibaba nama'y walang tigil sa m~ga pagsasalitaan, pagsasalitaang nauukol na lahat sa mangyayaring labanan n~g m~ga manggagawa at mamumuhunan.

Ang alin~gawn~gaw n~g salitaan ay gayon na lamang, at halos ang iba'y hindi na magkarinigan.

--¡Ituloy ang aklasan!--ang walang ano-ano ay narinig na isinigaw n~g isá.

--¡¡Ituloy!!...--ang tugóng pasigaw din n~g karamihan.

--At lalo nang hindi magkamayaw sa in~gay ang lahat.

Isang tinig, ang mula sa ibabaw n~g "escenario," ay narinig.

At ang tinig na ito'y siyang pumutol sa masiglang paguúsap n~g lahat.

At ang lahat ay napatahimik, at ang m~ga panin~gin ay tun~gong lahat sa magsasalita.

Si Gervasio ay siyang nakatayo sa harap n~g madla. Sa lahat ay ipinabatid, na ang pulong ay bukás na.

At pagkuwan ay sunod na isinalaysay ang m~ga pinangyarihan at kinahangganan n~g paguúsap n~g Lupon at n~g m~ga mamumuhunan.

Ipinakilala at isinakabatiran n~g lahat, na ang pagbababa n~g úpa ay ipagpapatuloy din, at ang anomang matwid na iniúlat n~g Lupon ay ayaw dinggin n~g m~ga namamahala sa pagawaan at bagkus na nagpakatigástigás sa kanilang nasa.

--Ang m~ga mamumuhunan--ang patuloy pa n~g nagsasalita--ay nagsabi pa, na kung sino raw ang ayaw tumanggap n~g mababang úpa ay maaaring huwag pumasok. Kayó--anyá--ang masusunod n~gayon: ang ibig tumanggap ay makapapasok at ang ayaw nama'y huwag. Sa harap n~g ganitong pagmamatwid, kayo, m~ga kasamang anák-pawis, ang siyang magpasya; sabihin ninyo n~gayon dito kung ano ang minamarapat ninyong gawin.

At pagkatapos na mapahiran ang mukhang pawisán n~g nagsasalita ay ipinatuloy:

--M~ga kapatid: ¿ibig bagá ninyong tanggapin ang pagbababa n~g úpa?

--¡¡Ayaw kami!!--ang sigawang napakalakás n~g lahat.

--Kung gayon--anang pan~gulo pa rin--¿ano ang ibig ninyong gawin?

--¡Magsiaklás!...

Itó ang sagutan n~g lahat.

At ang alin~gawn~gaw ay lumaganap na naman.

Untiunting nagkakain~gay; at hanggang sa pagkailang sandali ay hindi na halos magkamayaw.

Sa haráp n~g gayong mainit na kilusán, si Mauro, ang bagama't bata sa tanang m~ga kasama sa paggawa ay kina-aalang-alan~ganan n~g marami sanhi sa taglay na maran~gal na ugali at iniiwing kaunting talino, sa harap n~ga n~g gayong pagkakagulo, ay boong siglang tumayo at sa madla'y sinabi:

--Mga kapatid; kayo'y pumayapa.

At ang lahat ay natahimik. Narinig nila, na ang nagsasalita ay si Mauro; si Maurong tuwituwina'y kanilang iginagalang.

Ang pagkakagulo ay nahusay at ang lahat ay humandang makinig.

At si Mauro, sa harap n~g gayong katahimikan ay nagsalita:

--M~ga kamanggagawa:--anya sa buháy na tinig.--Sa haráp n~g napakalaking suliranin na sa n~gayon ay ating kinasusuun~gan ay kinakailan~gan natin ang isang lalong malinaw na pagiisip upang ang bigát n~g suliraning ito ay mapagpasyahan natin n~g boong liwanag at huwag tayong malihis sa landas n~g matwid. Kinakailan~gan natin n~gayon, at higit kailan man, ang isang malamig na kalooban, upang ang kalamigang ito ay siyang maghatid sa atin sa wasto at makatwirang pagkilos at pagpapasyá. Kailan man, ang kapusukan at init n~g loob, sa anomang bagay na gagawin, ay malimit humantong sa pagsisisi; pagsisising sa lahat nang sandali ay dapat nating ilagang sumapit, lubha na sa m~ga bagay na dakila't mahalaga, na gaya na n~ga n~g hinaharap natin n~gayon, na pagtatanggol sa matwid at karapatan nating m~ga manggagawa. Matwid at karapatan nating m~ga manggagawa, ang wika ko, sapagka't ang matwid at karapatang ito, ang sa pagbababang iyan n~g úpa sa paggawa ay siyang niwawalang kabuluhan at ibig yurakan. Karapatan natin sa haráp n~g sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán n~g sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma't ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga't maaabót n~g kaya ... sukdang ikamatay.

Naputol sumandali ang pagsasalita ni Mauro, sanhi sa maugong na palakpakang isinunód n~g madlang nakikinig sa huli niyang m~ga pan~gun~gusap.

Pagkatapos n~g palakpakan, si Mauro ay nagpatuloy:

--Sa m~ga nangyayari sa atin n~gayon ay maliwanag na nakikita natin, na ang karapatan at matwid nating ito ay ayaw kilalanin. Sa pamamagitan n~g ipinan~gan~gahás nilang lakás, ang alin mang daing natin ay ayaw na dinggin. Nagbibin~gibin~gihan sila at sa kahinaan natin ay malalakas at maugong na halakhakan ang itinutumbas. Sa haráp n~ga n~g ganitong m~ga pangyayari ¿ay ano ang kailan~gan nating gawin? ¡Ah, m~ga kapatid! Kinakailan~gan natin ang lakas ... at upang ang lakas na ito'y tamuhin natin ay kailan~gang lubha ang pagiisá, pagka't tan~ging naririto ang ganáp na tagumpay. Sa ganito n~ga ¿ay ano ang ibig ninyong gawin?

--¡¡Masiaklás...!! ¡¡Magsiaklas!!--ang sigawan n~g lahat.

--Kayó ang masusunod--ang patuloy pa ni Mauro--Ibig ninyong sa pagpapakilala n~g ating matwid ay gamitin ang aklasán, ¡gamitin n~ga natin! datapwa't ipahintulot muna ninyong, ako, na kapatid ninyo at kaisang-palad ay magpaalaala n~g isang bagay. Ang aklasan, para sa m~ga anák-pawis na gaya natin, para sa m~ga nabubuhay sa lanran~gan n~g paggawa sa Pilipinas, ay gaya rin naman n~g sa m~ga manggagawa sa Pransia, sa Amérika sa Espanya at sa iba pa mang lupain, na ginagamit na sandata laban sa paghahari n~g lupit n~g Puhunan sa ibabaw n~g matwid at karapatan n~g m~ga manggagawa. Ang aklasan, ay ginagamit kung ang makatwirang daing at kahilin~gan n~g m~ga anák-pawis ay ayaw na dinggin n~g Puhunan; at sa m~ga nangyayaring ito sa atin ay maliwanag na namamalas na tayo'y ayaw pakinggan sa makatwirang pagtutol. Upang kilalanin n~g Puhunan ang ating matwid, kayo rin ang nagsusumigaw n~gayon, na gamitin natin ang aklasan; kung gayon, ¡tayo'y magsiaklás...! Subali't sa paglalabanang kasusuun~gan natin ay kinakailan~gan, na n~gayon pa man ay humanda na tayo sa pagtitiis n~g hirap. Ilaan natin ang katawan sa m~ga sakit na karaniwang dinaranas sa alin mang pagbabaka bago sumapit ang tagumpay, at hindi lamang ang m~ga sarili natin ang ilaan sa pagbabaka at pagtitiis, kundi pati rin naman n~g sa ating m~ga asawa't anák, magulang at kapatid, na pawang magsisipagtiis n~g gutom, kung sakali't kakailan~ganin ang mahahabang araw sa pagbubungguan n~g dalawang lakás. ¡Pagtitiis at pagtitiis...! Ito ang kailan~gan natin upang maitaguyod n~g boong dan~gal ang aklasang gagawin ... At, kung kayo, m~ga magigiting na anák-pawis ay hindi nahahanda sa gayon, makalilibo pang mabuti na tayong lahat n~gayon ay mamayapa na at sumailalim n~g bawa't maibigan n~g m~ga mamumuhunan.

--¡¡Magtiis tayong lahat!!--ang sigaw n~g lalong marami.

--Salamat, m~ga kapatid:--ang patuloy pa ni Mauro--Kung gayon mula sa araw na ito, buhat sa m~ga sandaling ito, ang sandata nating m~ga manggagawa na dili iba't ang aklasan, ay gagamitin, upang huwag na muling isalong kundi kung tamuhin na ang ganap na tagumpay. ¡Magpakatatag tayong lahat! At huwag nawang samakanino man sa atin ang pagtataksil. Ang sariling kapakanan at kagalin~gan n~g bawa't isa sa atin ay kailan~gang isailalim sa kapakanan at kagalin~gan n~g marami upang ang kabusabusan ay mawala at lumiwayway sa Silan~ganan n~g bayang manggagawa ang mabiyayang araw n~g Katubusan. M~ga kamanggagawa: Isigaw nating: ¡Mabuhay ang aklasan!

--¡¡Mabuhay!! ¡¡¡Mabuhay!!!--ang sigawan n~g lahat.

--Sino man ay walang magtataksil.

--¡Wala ni sino man!

At ang aklasan mula noon ay napagtibay.

Ang Lupong sinugo sa pakikipagusap sa m~ga mamumuhunan ay siya na ring pinagkaisahang maging palaging Lupon sa aklasan.

Masisiglang gayon na lamang ang lahat na noon ay naghiwahiwalay, na taglay sa puso n~g bawa't isá, ang malaking pananalig sa kadakilaan n~g kanilang ipakikipaglaban.

Sa kapahintulutan n~g may-ari n~g dulaang Rizal, ito ay siyang pinagkayarian ding maging "Cuartel General" n~g m~ga nagsiaklas.

Ang Lupon sa aklasan, noon din ay napatun~go sa Kawanihan n~g Paggawa, upang ipagbigay alam ang m~ga nangyari.

Pagkatapos n~g ilang pagtatanóng na ginawa n~g matalinong Tagapamahala, ukol sa pinagbuhatan n~g aklasang ipinasya n~g lahat, ang Kawanihan ay nan~gakong gagawin niya ang lahat nang magagawa upang sa lalong madali ay malutas ang salitaan sa ikasisiyang loob n~g bawa't panig.

=III=

Umaga n~g kinabukasan.

Sa malaking pagawaan n~g tabako sa daang Ilaya, bagama't nakabukas maluwang niyang pinto, ay wala namang makikitang isa mang manggagawa.

Tahimik, at ang datidating yabag n~g m~ga paang lumalakad sa pagyayao't dito n~g m~ga tabakero, sa pagkuha n~g m~ga "material" na gagamitin, at ang pagpupukpukan sa m~ga "tapadera" nila n~g m~ga pangbuling gamit, saka ang mataginting na tunóg n~g m~ga "chaveta" na ipinangdadapa n~g m~ga nag-alimbutod na "butó" n~g dahon n~g tabako, at sampu na n~g malalakas na awitan n~g m~ga tabakera, noon ay pawang di na naririnig.

Sa loob ng pagawaan, (at sapagka't sa Pilipinas ay di pa naghahari ang ganap na pagdadamayan n~g m~ga manggagawa) ay tan~ging makikita ang ilang manggagawa n~g kahong maliliit n~g tabako at saka ilang "embasador."

Ang m~ga ito n~ga ay siya lamang makikita, sapagka't sa ganang kanila, ang kilusan n~g m~ga kapatid nilang tabakero ay di nila nararapat sundan at katigan, sanhi sa pangyayaring ang gawin nila ay naiibá sa gawain n~g m~ga yuon.

Ang kawikaang: _Ang sakit ng kalingkingan ay damdamin ng boong katawan_ sa kanila ay walang kakabukabuluhan, alangalang na n~ga sa paniniwala nilang iba sila.

¡Anong laking pagkakaiba n~g ugali at kilos n~g m~ga manggagawa sa ibang lupain, sa ating m~ga manggagawa...!