Ibong Adarna Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania

Part 4

Chapter 4 3,767 words Public domain Markdown

Huag cang matulog naman at aco'i, iyong abangan, cunin mo sa aquing camáy ang singsing cong ililitao.

Tinadtad na ngani niya itong si doña María, sa tubig inihulog na naguing isang isda siya.

Sa calaunang di hamac sa ilalim ay paghanap, ay nacatulog na agad itong príncipeng marilag.

Nang ang singsing ay macuha naguing tauo ang princesa, daliri'i, inalitao na si don Juan ang cucuha.

Sa calaunang pag-litao singsing sa daliri'i, taglay, sino ang cucuha naman natutulog si don Juan.

Sa uala nganing cumuha singsing sa daliri niya, mulíng lumubóg pagdaca itong si doña María.

Lumitao na muling tambing itong princesang butihin, at hinihintay na cunin ang na sa daliring singsing.

At sa uala ring umabot singsing niyang isinipot, nasoc sa caniyang loob si don Jua'i, natutulog.

Lumubóg na mulí bagá ang mariquit na princesa, icatlóng pag-litao niya ang batia'i, siniquil na.

Mulí namang inalitao ang daliri niyang mahal, ito namang si don Juan pagtulog ay cahimbingan.

Sa hindi rin cunin ngani singsing doon sa daliri, ay inihulog na mulí umahon siyang madalí.

Nang sa princesang maquita si don Juan niyang sintá, himbing na ualang capara ay guinising nanga niya.

Dili ang uica co naman na aco'i, iyong abangán, at hindi macalilitao singsing cun aquing tangan.

Tingni itong guinaua mo ang oras na'i, á las cuatro, maca mamalayan tayo nang bunying haring amá co.

Cun caniyang maalaman lahat nating cagagauán, aco nga at sampong icao caniyang papupugutan.

Cundangan ang alang-alang dalá niyaring caibigán, quita ay pinahayaang maguing bató ang catauán.

Marali nang iyong gauin mulí mo acong tadtarin, maca ang hari'i, maguisíng ay uala pa yaong singsing.

Sa pagmamadalí niya nang pagtadtad sa princesa, umilandang capagdaca dulo nang daliri bagá.

Sa tubig nang ihulog na naguing isdá ang princesa, ang singsing ay nang macuha naguing tauong mulí siya.

Sa daliri'i, inilagay isinipót na ang camay, quinuha na ni don Juan at ang princesa'i, lumitao.

At umahon nanga siya sa batia'i, sumacay na, dulong hintuturo niya ang siyang ipinaquita.

Tingnan mo ito don Juan ang aquing daliri'i, culang, ito'i, tandaan mo bilang na sucat ipagcaquilanlan.

Yao na't, umahon bagá dalauang magcasi't, sintá, ang princesa'i, nagtuloy na sa real palaciong sadyá.

Sa pagtulog na mahusay nang hari niyang magulang, ipinailalim sa unan ang singsing na minamahal.

At sa cuarto'i, nagtulóy na itong si doña María, at nag-ualáng quibó siya parang hindi ala-ala.

Ang hari nang maguising na dinucot ang unan niya, ay nacuha capagdaca singsing niyang mahalagá.

Naguló ang gunam-gunam nang haring Salermong mahal, at hindi niya mapatay ang príncipeng si don Juan.

Tingnan dito pa sa isa na ipag-uutos co pa, tantó manding ualang sala na siya'i, mapapatay na.

Tinauag na si don Juan doon sa porterong bahay, siya nama'i, di sumuay naparoon capagcuan.

Anitong hari at saysay ngayon ay iyong paquingan, at sa aquing cautusán sundin mo't, huag maliban.

Aco'i, may isang cabayo ay mailáp na totoo, hindi pa sinasac-yan co sa umaga'i, mansohín mo.

Cunin sa caballeriza doon natatali siya, sampú nang freno at silla naroon ding para-para.

Caya lacad na don Juan at bucas ca na pariyan iyong mamansohin lamang cabayo cong minamahal.

Umoui nanga sa bahay ang príncipeng si don Juan, pinag-isip niyang tunay cabayong patuturuan.

Ay ano'i, nang magabi na higuit sa Ave María, ay dumating capagdaca itong butihing princesa.

Itinanong cay don Juan na cun anong cautusán, ganito'i, iyong paquingán nitong sa aquing tuturan.

Ang utos niya'i, ganitó siya rao ay may cabayo, ay mailáp na totoo, bucas dao ay mansohín co.

Sagót nang princesang mahal ó sinta co't, aquing búhay, baca di mo naalaman ang cabayong tuturuan.

Siya rin nga at di iba sa cabayo ay papara, saca ang rienda'i, silla ang capatid cong dalaua.

At aco ang freno naman nang cabayo mong sasac-yan, icao ay magpacatimbang at doon ca mamamatay.

Tuturuan quitang tambing nang paraan mong gagauin, at nang hindi ca patayin nang cabayong mamansohín.

Cun icao'i, lalapit bagá doon sa caballeriza, matá nito'i, magbabaga nacatatacot maquita.

Cun aayao magpa-silla ang cabayo'i, mag-aarma, palo't, dagoc na lahat na ng gauín mo sa caniya.

Nguni't, icao ay mangilag sa dambá niya at sicat, at ang cucó'i, matatalas ang lamán mo'i, mauaualat.

At cun baga mahina na lumuluha na ang matá, saca mo subuan siya nang freno sampú nang silla.

Ang bahala naman aco sa bibig nitong cabayo, sa pagca aco ang freno ang rienda'i, alagaan mo.

Capag-iyong linubayán ang riendang iyong tangan, sa alapaap tatahán ang cabayong sinasac-yán.

Icao nga ay malalaglag at ang hangin ay malacas, sa lupa ca malalagpac lamán mo'i, mananambulat.

Huag bayaang lumuag ang riendang iyong hauac, palo't, taquid nang espuelas nang manghina siyang agad.

At cun baga mahina na lauay ay tumutulo na, iyong ibalíc pagdaca doon sa caballeriza.

Nang ito ay masabi na ang lahat na bilin niya, umalis na ang princesa si don Jua'i, iniuan na.

Ano'i nang quinabucasan naparoon si don Juan, ay dinatnan sa hagdanan ang lahat nang casangcapan.

Nang sa cabayong maquita príncipe'i, naroroon na, nagningas nanga ang matá apóy ang siyang capara.

At nang anyóng ilalagay yaong silla sa licorán, ay nanghina ang catauán nang cabayong tuturuan.

Di anong magagaua pa nang siya'i, manglambót na, inilagay na ang silla ang freno'i, isinubo na.

Dito nanga nagdarambá at ibig cagatin siya, palo't, dagoc na lahat na ang guinauá sa caniya.

Inacay nanga sa labas nitong príncipeng marilág, at sa sacong isinacbát ang matalas na espuelas.

Sa cabayo'i, sumacay na anyóng ilulucsó bagá, hinigpitan na ang rienda ay bumiling biling siya.

Pálo't, táquid nang espuelas rienda'i, batac nang batac, at nang di nga mailipád ang príncipe sa itaas.

Ano pa't, sa cahirapan pagdagoc na ualang tahan, caniyang iniilagan ang freno'i huag tamaan.

Sa malaquing tacot bagá cabayong minansó niya. nag-luhá nanga ang matá ang lauay ay tumulo na.

Nang maquita ni don Juan na di na macagulapay, caniyang sinunód naman sa princesang cabilinan.

Hinila na ang rienda sa palacio ay nuí na, matuid ang lacad niya tuloy sa caballeriza.

Hinubdán na ni don Juan nang freno't, sillang maringal, inilagay sa hagdanan at umuí na sa bahay.

Ay ano'i, nang magabi na naparoón ang princesa, at pinagsabihan niya si don Juang casi't, sintá.

Búcas ay ualang pagsala tantong ipatatauag ca, magtulóy nang pumanhic ca sa hari'i, maquipagquita.

Siya ay iyong daratnán sa catre niyang hihigán. malaqui ang capagalan masasaquít ang catauan.

Nang ito ay masabi na ay umalis ang princesa, sa cuarto'i, nagtuloy siyá at nang macapagpahingá.

Ano'i, nang quinabucasan ang criado'i, inutusan, tauaguin mo si don Juan dito'i, aquing hinihintáy.

Naparoón na ang criado sa bahay niyong portero, aco'i, inutusan dito nang haring si don Salermo.

Icao ay inaanyayahan doon sa palacio real, sumama't, hindi sumuay sa criadong inutusan.

Nang dumating sa palacio uica nang hari'i, ganito, don Jua'i, may damdam aco masaquit ang aquing ulo.

Yamang iyo nang naganáp ang manga utos cong lahat, mamili ca ngayon caguiat na sa aquing tatlóng anác.

Ang hari'i, nagtindig naman at sumama cay don Juan, tatlóng cuartóng mag-agapay siya nilang linapitan.

Yao'i, capua may bútas na sa tablang inilapat, hindi mo natatalastas cagandahan nila't, quias.

Yaóng hintuturo lamang ang siyang ipinalitao, sa cuartong catapusan doon niya napagmasdan.

Hinauacan capagcuan yaóng daliring marangal, at saca siya nagsaysay ito ang ibig cong tunay.

Hindi nanga binitiuan sa daliri'i, pagcatangan, capagdaca ay binucsan cuartong quinalalag-yan.

Di anong magagaua pa nitong daquilang monarca, ang mahal sa loob niya ang siya bagang nacuha.

Nagsama na capagdaca magcaibigang dalauá, nag-isip nag-ala-ala itong daquilang monarca.

Ang nasoc sa loob niya ay caniyang ipadalá, sa capatid niyang sintá sa reinong Inglaterra.

Cun caniyang magustuhán ang príncipeng si don Juan, doon niya ipacasal at caniyang alagaan.

O cun dili caya naman at di niya magustuhan, ang príncipeng si don Juan ay caniyang ipapatáy.

Ito'i, lihim na di hamac na guinaua niyang sulat, ay natantó namang agád niyong princesang marilag.

Cun yaón ang calooban nang haring aquing magulang aco ang gagaua naman isang mabuting paraan.

Inutusan capapdaca si don Juan niyang sintá, doon sa caballeriza isang cabayo'i, cumuha.

Iyong bibilangin lamang ay ang icapitong tunay na mangaling sa pintuan, ang cunin mo at siyahán.

Dito'i, umalis na quita sa Berbania ay mouí na, at tayo'i, ipadadalá sa reinong Inglaterra.

Si don Jua'i, nanaog na tungo'i, sa caballeriza, sa pagmamadali niya icaualó ang nacuha.

Sinubuan nangang tambing nang freno't, sillang magaling, ay siya namang pagdating nitong princesang butihin.

Nang ito baga'i, maquita cabayong sasac-yán nilá, nagdala rin nang pangambá ang mariquit na princesa.

At nangusap cay don Juan quita'i, panganib sa daan sa di pagsunód mong tunay sa lahat cong cautusán.

Di ang bilin co sa iyo cunin mo ang icapitó, ay baquit ang icaualó ngayo'i, siyang quinuha mo.

Di anong magagaua pa siya'i, siyang nariyan na, sumacay na ang dalauá at umalis capagdaca.

Nang silá ay mapalual sa labas nang caharian, agad silang namalayan nang haring Salermong mahal.

Hinabol nanga't, sinundan ang dalauang nagtaanan, nang sila'i, maa-abutan ang princesa ay nagsaysay.

Don Jua'i, naririto na ang habol ay malapit na, panganib quitang dalauá sa hari na aquing amá.

Tingnan mo ang calacasan nang cabayo mong iniuan, quita ngayo'i, aabutan dito sa guitna nang parang.

Ang guinaua nang princesa niyong aabutan sila, inilaglag capagdaca ang carayom niyang dalá.

Ay naguing tinic na bacal ang hari'i, di macaraan, hindi macasagui naman ang cabayong sinasac-yan.

Sa malaquing galit bagá sa nagtaanang dalauá, sa cabayo'i, lumunsád na at hinauanan na niya.

Husto ngang dalauang arao bago niya nahauanan, at tatlong leguas ang lagay nang dalauang sinusundan.

Hinabol nangang muli pa ibig ding mapatáy niya, ibon ang siyang capara tulin nang cabayo bagá.

Nang malapit nang abutan princesa'i, muling nagsaysay, don Jua'i, eto na naman ang haring aquing magulang.

Ang guinaua nang princesa quinuha ang sabón niya, sa lupa'i, inihulog na naguing isang bundóc bagá.

Hindi ngani magcaraan ang cabayong sinasac-yan, nababaón ang catauán sa sabón na cabunducan.

Naisip sa loob bagá nitong daquilang monarca, na hilahin ang rienda at mag-libid capagdaca.

Ang lagay apat na leguas nang dalauang magsing-liyag, sa malaguing paghihirap cagalita'i, dili hamac.

Na sa gayong calayo na at di na niya maquita, hinabol din capagdaca ang nagtaanang dalauá.

Nang malapit nang abutan princesa'i, agad nagsaysay, naquita mo na don Juan tayo ngayo'i, aabutan.

Cung culanging palad quita ito na ang ating hanga, papataying ualang sala nang haring poon co't, amá.

Ang guinaua nang princesa niyong aabutan sila, ang coje niya'i, quinuha sa lupa'i, inihulog na.

Naguing isang caragatan na malalim at maluang, hindi nanga nacaraan cabayo nang haring mahal.

Di anong magagaua pa di na macahabol siya, guinaua nang hari baga benendicionan pagdaca.

Sa pangalan nang May-gaua nang Dios Haring daquila, ito ngayong aquing sumpa tumaláb sa iyong paua.

Cun icao'i, dumating diyan sa reinong paroroonan, tunay na icao'i, iiuan sa labás nang caharian.

Icao naua'i, malimutan nang príncipeng si don Juan, at icao ay pabayaan sa iba siya pacasal.

Sa masamang capalaran itong hari'i, nagcadamdam, sa dalamhati at lumbay ay siyang iquinamatáy.

Ito'i, lisanin co muna ang namatáy ay anhin pa, ang aquing ipagbabadyá si don Juan at princesa.

Nang sila ay dumating na doon sa labas nang villa, ay nangusap capagdaca si don Juang casi't, sinta.

Dito ay quita'i, iiuan icao'i, huag malulumbay, sa pagca't, tantong mahalay pumasoc na gayon lamang.

Isinagót nang princesa ó don Juang aquing sintá, ay di maliligalig pa ang mahal mong haring amá.

Sagót nang príncipe't, saysay totoo sintá co't, búhay sa iyo nama'i, mahalay di salubungin sa daan.

Cay doña Maríang turing sa uinica mo sa aquin, itong aquing tagubilin sa loob huag limutin.

Cun icao ay dumating na sa real palacio bagá, ay huag palalapit ca ni sa iyong reinang iná.

Sa cangino mang babayi don Jua'i, iyong paquingui, sa reino'i, huag mangyari aco'i, mauaualang puri.

Capag icao'i, nalapitan nang babaying sino pa man, aco'i, macacalimutan sa villa't, labás nang bayan.

Sagót ni don Jua't, badyá huag cang mag-ala-ala, aco'i, ualang ibang sintá hindi malilimutan ca.

Lumacad na si don Juan pumasoc sa caharian, at nagtulóy capagcuan sa hari niyang magulang.

Nang siya ay dumating na sa harap nang haring amá, caguluha'i, sabihin pa nang consejerong lahat na.

Sa malaquing caingayan sa loob nang caharian, ito'i, agád napaquingan ni Leonorang timtiman.

Binucsán na niyang tambing yaong silíd niyang lihim, lumapit nanga sa siping ni don Juang sinta't, guilio.

Umupo na capagcuan doon sa sinapupunan, nauala sa gunam-gunam princesa niyang iniuan.

Ang uica ni Leonora ó daraquilang monarca, dinguin nang iyong alteza ang aquing munting querella.

Pagca't, ngayo'i, narito na ang sa aquin ay cumuha, tapós na po ang panata na hiningi co nang una.

Aco'i, dito pacacasal at siyang aquing catipán, si don Pedrong tampalasan sa loob co ay masucal.

Sucat na po haring mahal ang aquing munting tinuran, at di co ibig masaláng sugat nang puso co't, subiang.

Ang hari ay natiguilan nang sa princesang tinuran, at tila mandin may bagay ay hindi tapatin lamang.

Napaayon capagdaca itong daquilang monarca, cahit cay don Juan bagá tunay ring manugang quita.

Sa lingo'i, ualang pagliban ang sa inyo'i, pagcacasal, nguni ay mayroong lamán ang sabi mong binitiuan.

Ang sagót ni Leonora mayroon nga po aniya, at cun aquing ipagbadyá malalagót ang hiningá.

Cun aquin na pong macamtán yaong matrimoniong mahal, saca co po isasaysay ang lihim cong iningatan.

Ito'i, lisanin co muna ang súgat nang púso niya, at ang aquing ipagbadyá itong si doña María.

Nang maguing tatló nang arao ang caniyang paghihintay, nang uala rin si don Juan balisa ang gunam-gunam.

Ito'i, malilihim bagá sa dunong na iningat niya, ay natantó capagdaca nang mariquit na princesa.

Na sa lingo'i, icacasal ang príncipeng si don Juan, aco'i, maquiquipagcangay sa arao nang cafiestahan.

Madali't, salita bagá ay hahaba ang historia, ang lingo'i, nang dumating na gumayác na ang princesa.

At sa singsing nganing mahal na caniyang iniingatan, ay humingi capagcuan carrosa niyang sasac-yán.

Humingi rin naman siya nang damit emperadora, sa arao na yaón bagá ay lumitao capagdaca.

At tambing nangang nagbihis niyong damit emperatriz, lalong nagningning ang diquit serafin mandin sa langit.

Sa carrosa ay lumulan itong princesang timtiman, ang catulad at cabagay yaong luminariong Buan.

At ang nangag-sisihila cabayong labing-dalauá, magcaparis ang hichura naca-aalio sa matá.

Anim ang cocherong hirang sa cabayo'i, sumasacáy, at saca anim din naman ang librea sa licorán.

Magcaparis ang vestido nang librea at cochero, pumasoc nanga sa reino ang emperatriz na bago.

Sa arao ring itó bagá icacasál ang dalauá, príncipe't, si Leonora at sila'i, mag-aasaua.

Nang maquita sa palacio ang carrosang guintong puro, anang haring don Fernando emperatriz sa banta co.

Ay ating itiguil muna pagcacasal sa dalauá, baca manonoód siya nitong pagdedesposada.

Ang uica nang calahatán emperatriz nga po iyan, manonoód ang dalihán sa bago pong icacasal.

Nang dumating sa harapán sinalubong sa hagdanan, anang hari't, manga mahal emperatriz na marangal.

Sila ay nagsi-loclóc na sa manga uupáng silla, ay nangusap capagdaca itong si doña María.

Ang sadyá co pong talagá manoód nang desposada, acó yata'i, nahulí na at silá ay nacasál na.

Ang sagót nang haring mahal emperatriz na marangal, natiguil ang pagcacasál sa iyo po ang dahilán.

Ang uica niya at saysay haring macapangyarihan, aco ang corderang leal na naparitong nag-lacbáy.

Di caya mangyari bagá mahal na vuestra alteza, isang laro'i, ipaquita dito sa novio at novia.

Ang uica nang hari't, saysay ó emperatriz na mahal, ituloy ang calaruan sa haráp nang capisanan.

Nang ito ay marinig na nang bunying emperadora, quinuha na capagdaca diamanteng singsing niya.

At humingi naman dito nang isang malaquing frasco, na may lamáng tubig ito may negrita at negrito.

At isang corong músico ang hiningi naman dito, di naman maquiquita mo ang tumutogtóg na tauo.

Ang isang catacá-tacá sa laróng palabás niya, ay may hauac na suplina ang mariquit na negrita.

Siya ngang pag-uinica na ang músico'i, tugtuguin na, at magsayáo ang dalauá na negrito at negrita.

Sinong di matuá naman sa dalauáng nagsasayáo, sa tugtóg ay nababagay yaóng quilos nang catauan.

Mag-uiuica capagdaca itong si doña María, itiguil iyang música pag lilibad nang dalauá.

At saca tatanong bagá itong mahal na negrita, cun hindi naquiquilala yaóng si doña María.

Sagót naman nang negrito hindi naquiquilala co, iyang itinatanong mo di co masabi cun sino.

Diyata don Juan aniya hindi mo naquiquilala, itong mahal na princesa siya mong casamasama.

Nang icao ay pag-utusan nang hari niyang magulang, tibaguin ang cabunducan ang trigo ay ibinigay.

Di niyon ding gabí bagá itong trigo ay namunga, guinauang tinapay niya sa palacio ay dinalá.

Cun hindi naalaman mo guinauáng bien sa iyó, ang suplina sa camay co madurog sa catauán mo.

Saca papaluin naman ang negritong caagapay cun ano't, ang nasasactán ang príncipeng si don Juan.

Aróy co ang uiuicain sinong pumalo sa aquin, capagdaca ay lilingapin ay ualang tauong casiping.

Siyang pag-uiuica naman ulitin ninyo ang sayáo, músico'i, magtutugtugan nacaaalio sa lumbay.

Sacá naman mag-lilibád negrito't, negritang hayág, maraming tauong di hamac ang nagsisi-panguilalás.

Uica ni doña María itiguil iyang música, at sacá tatanóng bagá sa negrito ang negrita.

Niyóng icao'i pag-utusan nang hari niyang magulang, na sa dagat ay paualán ang caniyang calaruan.

Labing-dalauang negrito ang nasisilíd sa frasco, sabihin mo sa harap co cun sinong humuli nito.

Dili si doña María na iyong casama-saíma, at ang frasco'i, hauac niya may ilao ca namang dalá.

Di siya rin ang naglagay sa frascong quinasisidlán, siya ring nagdala naman doon sa palacio real.

Isinagót naman dito hindi naquiquilala co, papaloin nanga rito nang negrita ang negrito.

Cun ano at si don Juan ang siya ngang nasasactán, marahás na carunungan sa princesang tinatangnan.

Nang calahati nang oras ang canilang paglilibad, ay muli namang nangusap yaong princesang marilág.

Ang uica'i, itiguil muna ang pagtugtog nang música, ang negrita'i, tatanong na sa negrito na casama.

¿Diyata't, di mo quilala yaong si doña María! ay hindi ang sagót niya cun sino't, cun alín siya.

Anitong negrita naman sasabihi'i, paquingán, at nang iyong maalaman nagligtás sa iyong buhay.

Hiniling sa iyo naman mataas na cabunducan, at doon nga maguiguisnán sa tapát nang durungauan.

Ang uinica nang negrita ganito'i, tahaquin co na, at nang iyong maquilala yaong si doña María.

Ang bundóc mong inilagay sa tapat nang durungauan, doon naman maguiguisnan sa pusod nang caragatan.

At guinaua pang castillo nang pag-ibig nga sa iyo, saca ngayo'i, nilimot mo at hindi mo asicaso.

Singsing nang haring mahal nahulog sa caragatan, di iyong tinad-tad naman si doña Maríang hirang.

Ang capirasong daliri sa dagat natapon ngani, naguing tandang icauari sa pagquilalang madali.

At bucód sa rito naman nang sa iyo'i, paturuan, ang cabayong tampalasan na lalo mong camatayan.

Di guinauán ca nang daan niyang princesang marangal, ang ama'i, cahit masactán sa pagsintá ang dahilán.

Di nang macapanhic ca na sa real palaciong sadyá cayong dalaua'i, nagsama sa sariling cuarto niya.

Ay naisip capagdaca nang haring caniyang amá, na cayó ay ipadalá sa reinong Inglaterra.

Si doña María naman gumaua rin nang paraan, at nang cayo'i, macatanan sa reinong de los Cristal.

Niyong cayo'i, aabutan nang hari niyang magulang, ay caniyang hinadlangan nang matinic na cauayan.

At bago nga nacaraán ang haring Salermong mahal, ay tatlóng leguas ang lagay niyong inyong calayuan.

Hinabol cayong dalauá nang anyong aabutan na, ang sabóng caniyang dalá sa lupa'i, inihulog na.

Tingnan mo ang carunungan niyong princesang timtiman, naguing isang cabunducan yaong sabóng binitiuan.

Hindi nanga nacaraan ang cabayong sinasac-yán, apat na leguas ang lagay niyong inyong calayuan.

Diyata't, sa lahat bagá nang hirap niyang dinalá, hindi mo pa naquilala yaong si doña María.

Papaluin capagcuan ang negritong calibaran, cun ano't, ang nasasactán ang príncipeng si don Juan.

Uiuicain nang negrita diyata't, totoó bagá, sa loob mo'i, nauala na yaong mahal na princesa.

Papaluing ualang tahan ang negritong caagapay, boong cataua'i, nag-latay nang príncipeng si don Juan.

Ang uica ni doña María tugtuguin yaong música, nagsayáo na mulí bagá ang negrito at negrita.

Ay nang may isang oras na pag-lalaró nang dalauá, ay nangusap ang princesa ang músico'i, itahán na.

Ang tanong nitong negrita don Jua'i, diyata bagá, totoong di mo quilala itong si doña María.

Isinagót nang negrito hindi natatalastas co, anang negrita'i, ganito sasabihi'i, paquingan mo.

Di cayo'i, nang aabutan nang haring Salermong mahal, gumaua pa nang paraan itong princesang timtiman.

Di ang coje niyang dalá sa lupa'i, inihulog na, naguing dagat capagdaca hindi nacatauid siya.

At nang cayo'i, dumating na Ermopolisis na villa, sa bahay niyong pastora iniuan mo ang princesa.

Di ang bilin niyang tunay sa babaing cangino man, huag palapit don Juan at siya'i, malilimutan.

Cundi mo pa sinusucat dinaanan niyang hirap, ngayon na ang pagcautás ng buhay mong ualang palad.

Sa oras ding ito bagá ang músico'i, naualá na, ang negrito at negrita hindi na nila naquita.

At ang frasco nga ang siyang bucód na natira lamang, siya ang quinalalag-yan niyong cay don Juan buhay.

Ang uinica nang princesa diyata don Juan aniya, di mo pa naquiquilala yaong si doña María.

Yayamang gayon din lamang aco'i, ualang cabuluhán, pagsisi nang casalanan at siya mong cahanganan.

Siya nangang pagdampot na sa frasco nitong princesa, at babasaguing talaga sa malaquing galit niya.

Dito nanga naramdaman nang príncipeng si don Juan, at naquilala ngang tunay si doña Maríang mahal.

Linapitan capagdaca at saca niyacap niya, icao nga ang aquing sinta na iniuan co sa villa.

Aco ang may casalanan sucat mong paghinanactan, pagca't, aco'i, nalapitan ni Leonorang timtiman.

Aco'i, parang ulól bagá na sa loob cong mag-isá, cundi ngayon lamang sintá hindi co na-ala-ala.

Icao ang sintá cong tunay na pinagsadyáng linacbáy. sa reinong de los Cristal ang pinuhunan co'i, búhay.

Patauad doña María sa aquing pagcacasala, ang cataua't, búhay co pa ay sa iyo't, di sa ibá.

At saca nag-uica naman ó haring aquing magulang, dito acó ipacasál sa emperatriz na mahal.

Anang doña Leonora mahal na vuestra alteza, sandaling paquingán niya ang aquing munting querella.

Ngayon co na po tuturan ang lihim cong iningatan, at nang iyong maalaman yaong hirap ni don Juan.

Aco ay doon quinuha sa bundóc niyong Armenia, cami ay magcacasama capatid cong doña Juana.

Tiuasáy ang aquing lagay sa lupang cailaliman ang príncipeng si don Juan ang siyang cumuha lamang.

Bucód dito ang isá pa ó daraquilang monarca, nang siya'i, pagliluhan na capatid niyang dalauá.

Nang caniyang pagbalicán ang singsing cong minamahal, siya'i, agád tinalian magcapatid na sucaban.

Nang mayroong sampóng dipá ang lubid na nahulog na, ay tinagpás nang espada ni don Pedrong palamara.

Nang maquita co ang lagay nang príncipeng si don Juan, acó tantong daramay sa quinahulugang hucay.

Aco'i, agad sinungaban ni don Pedrong tampalasan, ang lobo co sa sucbitan ang quinuha co na lamang.

Inihulog co sa hucay at aquing pinagbilinan cahit patáy si don Juan ay iyong pag-remediohan.

Ito nga po haring mahal ang iyo lamang hatulan, cun siya'i, dapat macasal cay doña Maríang hirang.

Ang uica nitong monarca icao ang unang nacuha, an sagót ni Leonora aco nga po't, dili ibá.