# Hiwaga ng Pagibig

## Part 7

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/hiwaga-ng-pagibig-18955/index.md

Kaya't walang nasabi ang ating binata nang matapos na ang maligayang tunog ng batingaw na tanda ng pagkakasal ni Leoning at ni Daniel kundi isang salitang waring napakapait na kanyang binigkas:

¡Ay Leoning! dahil sa sumpa mong nilimot....

At walang waring nagugunita si Eduardo kundi ang malulungkot na kapalaran ng kanyang palad. Waring isang libingang sakdal saklap ang kumuwakaway sa kanyang palad!

Oh! kay saklap na dilidilihin ng lahat.

Kay pakla at ngayon ay si Leoning ay kasal na, samantalang sa kabilang dako ay naiwanan si Eduardong nangungulila at walang naging palad kundi ang makaulayaw ay mga madlang dalamhati ng puso, ang kanyang pusong waring isang libingan na lamang ang siyang tanging pagasa at hahantungan.

XVI

Pagkaraan ng maraming araw at mga linggong sinusundan ng mga buwan mula nang si Leonora ay mapakasal kay Daniel Perez, si Eduardo ay nagi nang masasaktin. Ang lahat niyang kasiglahan ng katawan ay paraparang nangungupas na lahat, sa pagkahulog ng lakas.

Ngayo'y nagi siyang isang binatang maputlain at nagyayayat ang dating sariwang katawan. Ang ngalang Eduardo de la Rosa ay waring nawala na pati at lumubog sa mga samahang tanyag na kabinataang dating kanyang pinakikisamahan. Nawala siya at ngayon ay hindi na nakakasama ng mga dating kasamahin.

Kung mga hapon ng masayang araw ng linggo ay datidating hindi nawawala sa mga liwaliwan, sa mga pook na maraming mga tao, datapwa't ngayon, ang binatang iyan ay nawala na at kahit na sa mga liwaliwang paris ng Luneta ay hindi na rin siya makikita. Para ba ng bituin siyang kinain ng lahong hindi na napasilay.

Maging sa samahan man ng mga kabinataang kawal ng bagong panahon sa siudad ng Maynila ay napahiwalay rin siya at kusa ba waring lumubog na ng patuluyan ang ngalang Eduardo de la Rosa, ang batangbatang magiging matarong manananggol. Ang mga kabataang kanyang mga kasama sa pagaaral ay minsanminsang siya ang pinaguusapan: ang sanhi ng kanyang paglubog sa mga lipunan.

--Walangpalad na binata at lumubog ang maningning na pangalan!

Ganyang pangungusap ang madalas na pinaguusapan ng kanyang mga naging kakilala na di nakakamalay ng kanyang lihim. Sayang na Eduardo, na, may maningning na pagasa sa kinabukasan na lumubog at nawala't sukat. Ang kanyang pangalan, ngayon ay nawala na, at, sa pagkawalang iyan ay maraming nagtataka dahil sa malamalikmatang pagkaparam.

Hindi na narinig at para bang hindi na pamuling sisipot sa maliwanag. Nasaan kaya siya at ano ang kanyang kabuhayan? Ang madlang kakilala niya ay nananabik na makakita sa kanya dahil sa pagkamabuting bata.

Nawala at ngayon ay hindi na naririnig sa mga lalong matataas na lipunan ang ngalang Eduardo de la Rosa.

At, sa mapayapang pamumuhay ni Leoning sa piling ang kanyang kabiyak na si Daniel Perez, ang magkasi'y hindi na nakarinig ng ngalang Eduardo de la Rosa.

--Ano kaya ngayon ang dinaranas na kabuhayan ni Eduardo?

Ganyan namang mga haka ang minsan ay naaalaala ni Leonora. Nagugunita niya kahit siya ay mayroon nang kabiyak ng puso. Para sa kanya ay tila laging nabubuhay ang kanyang loob kung ang larawan ni Eduardo ay kanyang sa minsanminsan ay napapangarap. Dangan nga lamang ay hindi niya naging palad si Eduardo. Nguni't hindi nagbabago sa kanyang kalooban ang dating pagibig na nauunsiyami sa puso niyang ngayon ay siyang dahilan ng mga pagtitiis ng ating binata. At, ngayon, kung malalaman nga kaya niya ang kabuhayang dinaranas ni Eduardo, ay ano kaya ang magigiging hakahaka niya? Ano ang kanyang sasabihin?

Si Eduardo ay natulad ngayon sa isang bulaklak na nalalanta, at naglalaho ang dating kasariwaan at makatas na katawan. Tulad niya ay isang kandilang untiunting nauupod. Nangyayayat at waring wala nang kasiglasigla, ang katawan. Bukod pa sa riyan ay kadalasang nahihiga lamang sa banig at nagkakaroon ng sarisaring karamdaman.

Kaya habang patuloy ang paglakad ng panahon ay waring patuloy din ang dating sasaktin. Nagiging maputlain at nawawalang untiunti ang dating kasiglahan sa buhay. Madalas ngayon ang maghihiga sa banig dahil sa karamdamang yaong sa puso niya ay lalo ba yatang nagsusumidhi.

At, sa kinalaunan ng panahon ay untiunti na ring napupuna ng kanyang kasama sa bahay ang pagbabagong yaon ni Eduardo. Datapwa't para bang hindi namamalayan ng lahat ang sanhi. Ang panghihinang yaon ng katawan ng ating binata ay walang gasinong maraming nakababatid. Akala lamang ay isang sakit na sadyang dumatal sa katawan ng binata. Hindi nalalamang ang sakit na iyon ay isang sakit ng pusong sawing kapalaran sa kanyang paralumang lumimot.

Nagtataka ang kanyang mga kasama sapagka't ginagamot na ng mga bihasang Doctor ay hindi pa rin nagbabago, at habang lumalaon ay waring lalong nagsisidhi ang sakit ng binata. Pati kulay ng pamamalat ng katawan ay nagbago na at namumutlang madilawdilaw. Ano kaya ang kanyang sakit?

Kaya minsan ay sinabi na tuloy sa kanya ng manggagamot na si Dr. Velasquez, na, siya ay magbakasion sa malalamig na pook, sa mga pook na hindi mainit. Magpunta siya sa mga malalamig na pook upang makasagap ng mabuting simoy ng hangin.

--Kailangan ang ikaw ay magbakasion sa malamig na pook, tulad sa Los Banos, sa Bagyo, sa Lukban, sa Sibul, o dili kaya ay sa may ibang bahaging malayolayo sa siudad.

--Hindi na po kailangan--ang isinagot naman ng ating binata.

--Ah, mabuti sa iyo ang magbakasion sapagka't ang ipinangkakaganyan mo ay hindi bagay ang panahon dito sa =Maynila=.

Anong hindi bagay ang panahon sa Maynila? Si Eduardo ay malwat nang naninirahan dito, sa ngayon lamang hindi babagayan ng panahon? ¡Oh! ang lahat nang iyan ay hindi nalalaman ng ating manggagamot. Hindi niya nababatid ang lihim ng puso ng sawing palad na binata.

Kaya para sa ating binata ay kahit na yata siya saan dalhin ay wala ng makakalunas sa dinaramdam niyang sakit sa puso kundi ang limutin at waling lubos sa alaala ang kanilang naging buhay ng suyuan ni Leoning.

Datapwa't makalibo na yatang kanyang pinagtangkaan walin sa diwa ay lalo naman yatang sa puso niya ay nananariwa. Ang lahat ay di niya malimutlimutan.

Kapag ang pagibig nga naman ng isang puso ay sadyang dakila at bukal sa damdaming walang pagkupas, hindi mapawipawi sa kaibuturan ng puso na gaya na nga ng kay Eduardo.

Hindi niya malimutan!

Hindi niya malimutan ang lahat na siyang sanhi ng masidhing pagdaramdam ng kanyang pusong ngayon ay siyang kinakaulayaw.

At, hanggang sa siya ay mapagisa na lamang sa pangungulila na wala rin siyang naaalaala kundi ang kanilang kahapon ni Leoning. Nararatay ngayon siya sa banig na nagdadalamhati at nangyayayat ang katawan. Kaawaawang binata! Wala nang ligaya ay nawalan pa ng kasuyuan...!

Datapwa't ang pangyayaring yaong kanyang dinaranas na mga sakit ng damdamin sa puso, ay di rin nalihim sa ilan niyang mga kakilala at kaibigan nang lumaon na. At, ang pagkakaalam ngang yaon sa kanyang kalagayan ay maraming nagtataka kung bakit hindi na nanumbalik ang dati niyang sariwang katawan at di na muling nagbalik ang dating lakas.

Kaya isang hapon ay nabasa sa isang malaganap na pahayagan ang ganitong mga titik ng balita:

"KAIBIGANG MAY KARAMDAMAN"

Ang aming matalik at kasamang si G. Eduardo de la Rosa ay malaon ng nararatay sa banig, dahil sa isang sakit na dumapo sa kanya. Ang pangyayaring ito ay sinikap na ng ilang mga kakilala at pantasona mga manggagamot datapwa't hindi mabigyan ng kapit na lunas ang kanyang karamdaman.

Ilan nang manggagamot ang sa kanya ay lumapit at nagadhikang mapilit na mapagaling, datapwa't pawang pagkabigo lamang at wari pa yatang lalong nagsisidhi sa kanyang katawan ang sakit.

Gayon man, ay hinahangad namin ang kanyang paggaling sa lalong madaling panahon.--MGA KAIBIGAN NIYA SA PASULATAN.

At, ang balita sa binatang ito ay kumalat na, at nalaman ng lahat ng kanyang maraming mga kaibigan. Sa mga lipunang kanyang laging kinabibilangan ay nalamang kung kaya siya nawawala ay dahilan sa may karamdaman. At, ngayon ay walang nagiging bukangbibig ang kanyang ilang mga kaibigan at kakilala na di nakamamalay ng kanyang sakit, kundi:

--Ano kaya ang naging sanhi ng sakit na iyon ng ating kaibigang Eduardo de la Rosa?

Pati ang kinatawang Velarde, na, kanyang naging matalik na kaibigan ay nagkaroon din ng kaunting pagkamangha sa kanyang naging palad.

Nabasa ng ating kinatawan ang kalagayang yaon ni Eduardo at sa pangyayaring yaon ay nakapagsabi rin sa sariling:

--Sayang na bata. Sayang na sayang ang kanyang magandang pagasang hinaharap. Sayang kundi magbabago ang kanyang karamdaman.

Marami ang sa kanya ay nanghihinayang. Kulang palad nga naman siya.

At, palad ... ngayon pati ay umabot na sa kaalaman ni Leoning, na, bukod pa sa kanyang nabalitaan sa ilang mga kaibigang walang pinaguusapan kundi ang kalagayan ni Eduardo, ay nabasa rin niya ng boong liwanag sa pahayagang dumarating sa kanila.

--Diyata at si Eduardo ay may karamdamang malubha? Walang makalunas na manggagamot?--ang naibulong ni Leoning sa sarili.

At, sa pagiisa ni Leoning ay sumagi sa kanyang alaala ang kanyang naging kasuyuan. Kulang palad na Eduardo!

Kaya nagmuni siya sa sarili. Diyata pala at naglulubha ang nagi niyang kasuyuan na di niya namalayan agad?

At, sa pagmumuni niyang yaon ay naisipang dalawin ang binatang nagi niyang kasuyuan kahapon. Nagbihis upang gumayak at kusang dalawin ang kanyang naging irog.

Naisaloob niya ang kalakasan ng budhi sapagka't wala sa kanyang magkakasala. Walang hahadlang, ang asawa niya ay wala. Kaya magagawa niyang lahat sapagka't hindi siya makikita ni Daniel Perez, na kanyang kabiyak ng puso, wala roon sa kanyang tahanan at nanaog at sinabing may pupuntahan lamang siyang kaibigan sa San Marcelino.

Kaya tuloy na siyang nanaog matapos na makapabihis. Datapwa't anong palad, nasa harapan pa lamang siya ng kanilang tahanan ay siya namang pagdating ng asawa na noo'y sakay sa kanyang autong "Cadillac". At, sa pagkamalas na iyon kay Leoning ng asawang bagong dating ay kinabahan siya ng dibdib. Ano kaya ang kanyang masasabi, hindi kaya tuloy mapuna pati ang kanyang ayos? Sinasasal ng tibok ang kanyang puso ng isang malakas na bungtonghininga. Baka kaya siya ay mabigo ah?

At, siya ay binati ng asawa.

--Leonora, saan ka pupunta at ang gayak mo ay di pangkaraniwan?

--Daniel--ang sagot naman agad--nakalimutan kong ipagbilin kanina sa iyo, nang ikaw ay umalis ang pagpapabili ng bulaklak sa Hardin Botaniko, kaya ako'y siya nang nanaog upang bumili--ang pailas ni Leoning na ang puso ay may kaba, na mabuti at walang kamalaymalay ang asawang kausap.

--Ay anong hinihintay mo at nakatigil ka pa?

--Nagaabang ng karumata.

--Dini ka na sumakay sa auto at hindi ko na gagamitin.

--Wala ka na bang ibang pupuntahan?

--Wala na, sakay na.

--Daniel, samahan mo na ako--ang malambing pang pakunwari.

--Hwag na at marami akong gagawin sa bahay. Papanhik na ako.

At, mabuti na lamang at ang pagkukunwaring yaon ni Leoning ay hindi nahalata ng walang malay na asawa.

Kaya upang hwag mahalata pati niyong tsuper ay ginawa ni Leoning ay iniutos ngang padaanin sa Hardin Botaniko upang bumili ng mga bulaklak.

At, upang makagawa ng paraan sa pagtungo sa tahanan ni Eduardo ang matalinong si Leonora ay iniuutos na din sa tsuper na ang auto ay idaan lamang sa gayong mga lansanhgan at may dadalawin siyang kaibigan na kanyang naging kadalaga.

--Ihinto mo na rito--ang wika ni Leoning, pagdating sa tapat ng kinatitirahan ng ating binata. At inihinto naman ng walang malay na tsuper na ang pagkakaalam ay ang pinanhik ni Leoning ay tahanan ng isang kaibigang dalaga.

At mapalad na pumasok ng silid ni Eduardo ang malakas na loob na si Leonora.

--Eduardo--ang kaagad na bati ng dumating.

--Leoning, Leoning ... na, nakilala agad ang tinig ng nagsalita.

--Oo, ako nga.

--Leoning, Leoning, si Leoning ka nga ba?--na waring naalimpungatan ang binatang ang mata ay may ulap.

--Oo, Eduardo, dinadalaw kita.

--Leoning, ano, ano ang nagudyok sa iyo at ako ay pinarituhan mo, bakit ka nagkaisip na pumarito?

--Upang kita ay damayan.

--Damayan?

--Oo, makihati ako sa iyong karamdaman.

--Leoning, salamat, nguni't....

--Huwag kang magalaala.

--May asawa ka na. Huwag mo nang pakialaman ako.

--Hindi Eduardo, ang sakit mo, ay sakit ko rin.

--Leoning, lumayo ka na sa akin. Hindi na maaari ang lahat.

--Eduardo, hindi, asahan mong mahal ka pa sa akin kahit ako ay may asawa.

--Mahal? oh! Leoning.

--Maniwala ka.

--Dahil sa sumpa mong nilimot?

--Eduardo, hindi ako lumilimot!

--Leoning, naghihirap ang puso ko, huwag na, hala lumayo ka na at may asawa ka, hindi na maaaring ako ay damayan mo pa mga tinitiis kong hirap na ito ng dahil sa sumpa mong nilimot, oo, Leoning, lumayo ka na sa akin, utang na loob.

--Eduardo, hindi ko matitiis ang ikaw ay maging malubha ng dahil sa akin. Narito ako at dumaramay sa iyo.

--Nguni't may asawa ka, aking inuulit.

--Walang kailangan, hindi niya namamalayan ang pagparito ko sa iyo upang makihati sa iyong mga sakit.

--Leoning, utang na loob hwag mo na akong dalawin. Lalong baka magdagdagan pa ang hirap kong tinitiis ng dahil sa sumpa mong nilimot.

--Hindi ko matitiis ang hindi kita dalawin.

--Leonora, lumayo ka na, baka ka mamalayan ng iyong kabiyak ng puso.

--Hindi Eduardo, lagi kitang dadalawin upang ang mga noo mo ay lagdaan ko ng halik tanda ng di ko paglimot sa iyo at pagmamahal.

--Leoning, layuan mo na ako, hala, wala na at hindi na mangyayaring lahat ang mga pangungusap mong iyan. Naglaho na ang lahat.

--Hindi Eduardo ... narito ako upang kita ay aliwin.

--Aliwin?

--Oo, Eduardo.

--Leoning, huwag na, huwag mo nang sa ngayon ay alalahanin pa ako. Oo, huwag na.

--Eduardo, hindi, hindi maaaring kita ay malimot sa alaala, narito ako upang sa mga noo mo ay lagdaan kita ng halik. Eduardo tulutan mong halikan ko ang noo mo.

--Leoning, salamat, huwag na, oo, utang na loob lumayo ka na sa akin.

--Eduardo, kahit na itong bulaklak, halikan mo lamang ito kung ikaw ay ayaw.

--Leoning, ang lahat ng ito ay ano ang ibig mong sabihin?

--Mahal kita kahit ako ay may asawa.

--Leoning, huwag mo nang gambalain ako, hala, layuan mo na ako. May asawa ka nga pala.

--Eduardo!--na biglang niyakap si Eduardo ni Leoning at pinaghahagkan ang namumutlang pisngi ng binata, hinagkan sa labi....

--Leoning, ano ang kahulugan ng lahat ng iyan?

--Eduardo, mahal kita.

--Leoning, bitiwan mo na ako, iwanan mo na ako, utang na loob.

--Eduardo! ang puso ko ay lason na ba sa iyo?

--May asawa ka!

--Ay! Eduardo, kung nalalaman mo lamang ang lahat!

--Leoning, oo, nalalaman ko, layuan mo na ako, baka....

--Baka ano, Eduardo?

--Baka abutan ka pa ng aking manggagamot.

--Ng iyong manggagamot?

--Oo, Leoning.

--Nguni't dadalawin uli kita.

--Huwag na, may asawa ka.

--Walang kailangan Eduardo. Ikaw ang minamahal ko.

--Leoning, iwan mo na ako, hala iwan mo na, tingnan mo siya, iwan mo na ako, oras nang darating ang aking manggagamot.

--Oo, Eduardo aalis na ako, nguni't paparito uli ako.

--Leoning, huwag na.

--Hindi Eduardo, kita mapababayaan. Kaya asahan lagi kitang dadalawin.

--Leoning sa ibang araw na.

At, hindi na tinugon ni Leoning ang pangungusap ni Eduardo at sa labi ay inilagda ang isang halik bago pa nanaog.

Kaya sa pagiisa ni Eduardo, pagkaalis ni Leonora ay walang naitanong sa sarili kundi:

--Ano ang kahulugan ng lahat ng ito? May asawa si Leonora.

Ano kaya nga naman kung ito ay mamalayan ng asawa ni Leonora? Ano kung mamalayan ng asawang may iba palang minamahal? Hindi kaya mapuna ang mga pagkilos ng ganitong pagbabago ni Leoning sa kay Daniel Perez? Hindi kaya mapuna ni Daniel Perez, ang mga bagong pagkilos ni Leonorang kanyang kabiyak ng puso?

Pamuling dadalawin ang binatang may sakit sa puso ng dahil sa sumpang nilimot datapwa't hindi na kaya ito mapupuna ni Daniel Perez?

Si Daniel Perez, Oh! kaawaawang asawa ni Leonora! Hindi pala minamahal ng asawa! Kaawaawang lalaking hindi nagkaasawa ng kaisang matapat.

XVIII

Ang katawan ng kaawaawang si Daniel Perez ay malatang malata nang dumating ng bahay. Ngayon ay hindi naging lihim na lahat sa kanya ang ginawang pagsusukab ni Leonora: maliwanag na nakita niya ng dalawang mata ang kataksilan. Kaya sa kanyang mukha ay walang ibang nalalarawan kundi ang kasamaan ng loob. Hindi niya nalalaman na noon pa lamang mga panahong nakaraan ng kanilang pagsasama ay siya ay pinagsusukaban na ni Leonora.

Kaawaawang Daniel Perez?

Ang kanyang buong akala at pananalig ay matapat sa kanya ang kabiyak ng pusong si Leoning, datapwa't hindi niya nalalaman ay pinagtataksilan pala siya. Hindi niya akalain na si Leoning ay may ibang minamahal matangi sa kanya datapwa't ngayon ay mayroon palang iba pang minamahal ang kanyang asawa.

Kaya noong umagang yaon ang noo niya ay nangungunot na waring may malaking kasamaan ng loob at ang kanyang damdamin ay tila ba may isang suliraning napakaselan sapagka't sa anyo niyang yaon ay mapagkikilalang may samang totoo ang kanyang kalooban. Bakit kaya? Ano kaya ang nangyayari sa dati niyang payapang pamumuhay?

Waring ngayon ay natawagan ang kanyang pansin, natawagan ang kanyang kalooban dahilan sa madalas na pagalis ni Leoning ng tahanan na buo naman ng pagtitiwala ng mapagmahal na asawang si Daniel Perez sa hinalang walang ano mang ginagawang makapagpasama sa kanyang loob ang asawang akala niyang matapat.

Datapwa't ang mga kilos ni Leonora nang umagang yaon ay siya ngang napansin niya na sa pagkapansing yaon ay nagkaroon siya ng masamang kutob ang loob. Ngayo'y naninibugho ang kanyang damdamin sa dahilang iba't iba ang nakikita niyang kilos kay Leoning. Waring napansin niya ngayon ang lahat.

Nang mga nakalipas na araw ay hindi niya inaalumana ang mga dating kilos na iyon ng asawa sa pagaakalang matapat ang pagmamahal sa kanya. Buo ang pagasa niya na ang mga ginagawang pagalis na iyon ni Leoning ng sariling tahanan ay may mga pinupuntahan lamang na mga kaibigang babae o kaibigang dalaga.

Datapwa't nang araw na iyon ay malabis ang kanyang pagtataka sa kilos na ipinakita sa kanya ni Leoning. Ang asawang si Leonora ay bihis ng magara at naglagay ng lalong mababangong "perfume" na taglay sa katawang mapangakit.

Kaya sa pagkapansing yaon ng kulangpalad na asawang si Daniel, ay waring natawagang lubos ang kanyang kalooban sa mga kilos na nakita sa asawang si Leonora. Humahalimuyak at ang pagkakaanyo ay daig pa ang isang dalagang lalong kaakitakit. Walang iniwan sa dalaga ang asawang yaon ng ating walang malay na si Daniel Perez.

Kung nalalaman nga lamang naman ng kahabaghabag na si Daniel ang mga ginagawa sa kanya ni Leonora ay marahil ay maluwat nang kanyang loob ay pinagpuyusan ng galit. Datapwa't siya ay isang kulangpalad sapagka't ang asawang akala niya ay mabait at matapat ay di man lamang gumagawa ng ano mang paglililo gayon ang mga ginawang yaon ni Leoning ay isang bagay na kay samasama kung malaman ng mga kapisanan.

Walang kamalaymalay ang kanyang sarili. Bago pa naman umalis ang nagsusukab na asawa ay nagiiwan pa sa kanya ng mga halik sa noo, ang mga maamong mata ay mapungay na itititig sa kanya, ngingitian siyang waring nagaalay ng pagmamahal na lubos namang lalong nasasabik ang kanyang puso. Kadalasang bago manaog ng tahanan ay sinasabi sa kanyang:

--Hanggang sa muli, hanggang mamaya, Daniel. Ako lamang ay pupunta sa kina Fely.

Samantalang ang kaawaawang si Daniel ay walang iginaganti naman sa asawang mananaog kundi mga ngiting lipos ng paggiliw. Datapwa't nang umagang yaon na si Leoning ay may iba nang kilos na nakatawag ng kanyang damdamin ng pansin ay ang ngiting kanyang damdamin pansin ang ngiting kanyang iginanti sa asawa ay waring isang ngiting balot ng hiwaga. Ang kanyang puso ay nagkaroon ng panibugho at nais na sana niyang sansalain ang pagpanaog na iyon ng asawa nguni't hindi na lamang niya napigilan.

Ang paalam sa kanya ni Leonora ay pupunta sa kaibigang dalaga na si Fely. Datapwa't ang pagpapaalam na iyon ni Leonora ay waring nagdulot sa kalooban ni Daniel ng isang pagkapoot. Dadalawin si Fely? Nagbago ang kalooban ni Daniel.

Kaya sa pagtawag na iyon ng pansin ng kanyang loob ay tinangka niyang sundan at subukan kung totoo nga ang mga ginagawang pagtatapat sa kanya.

At, pagkapanaog na pagkapanaog ni Leoning na noon ay sumakay sa isang karumata ay nanaog din siya upang ang asawa ay lihim na sundan. Ang pagsakay sa auto ay hindi niya ginawi sapagka't kung sasakyan niya ang kanya ring sariling auto ay baka sakaling maalaman ni Leoning na siya ay sumunod. Maaaring mamalayan nga naman sapagka't kung siya ay nasa likuran ni Leoning at mamamalas ang kanilang auto ay mababatid ni Leoning na siya ay sinusundan ng asawa.

Kaya bago nanaog si Leoning sa kinalululanang karumata ay pinagsuri muna niya ang tiyak na pintuang pinasukan at kanya namang sinabi sa kotsero na ihinto na at huwag nang malapit pa sa inibisan ng sinusundan at baka ang paglunsad niya ay makita pa ni Leonora.

Walang malay na Leonora na matapang pa rin ang kalooban at hindi man lamang sumagi sa gunita ang asawa na siya pala ay lihim na sinundan. Wala man lamang kaba ang dibdib ng asawang nagtataksil, at hindi man lang nagkaroon ng kutob ang loob na si Daniel ay kasunod niya at siya ay sinubukan.

At, sa paglalakasloob na yaon ni Leonora ay hindi niya namamalayang kasunod ang asawa. Ang pagpanhik na lamang na iyon ni Leonora sa tahanan ni Eduardo ay kung ating pagbibigyan ng kuro kuro at pansin ay waring sariling tahanan ni Leonora. Tuloytuloy agad na wala nang maraming lingonglikod pa.

Kaya nang matiyak ni Daniel ang pintuang pinasukan ng kanyang asawa ay malayolayo pa ay ipinahinto na niya ang sasakyan at siya ay lumapag agad. Nilakad na lamang niya ng kaunting pagitan ng kanyang inibisan at saka ang tahanang pinanhikan ng taksil na asawa.

Ano nga naman ang tahanang yaon? Ayon kay Leoning ay tahanan ng dadalawing kaibigang dalagang si Fely!

Kaya sa pagpasok na iyon ng pintuan ni Daniel ay waring natawagan agad ang kanyang pansin na doon ay walang tumitirang dalaga. Hindi rin naman kaila sa kanya ang mga pook na iyon at madalas din niyang mapagaabot. Kaya nabuo sa kanyang paghahaka na sadyang may ibig sabihin ang ginagawang yaon sa kanya ng asawa. Sumaloob na niya ang siya ay pinagtataksilan.

At, boong lakas loob din siyang pumasok ng pintuan. Sa kanyang kalooban ay walang ano mang dumalaw na pagaalinlangan na, sakaling siya makita ng ibang tao roon at tanungin ng ibig, ay sasagot siya ng kahit na papaano. At, salamat na lamang, ang tahanang yaon ay walang naroon kundi ang kulangpalad na si Eduardo na siyang dinadalaw ni Leonora.

Kaya't ang kalooban ni Daniel ay waring lalong lumakas at nagkaroon ng tapang sa mahiwagang yaong pagtataksil ng asawa. Dadalawin daw ay isang kaibigan? Si Fely. Oh! kasinungalingang lahat.

Anong hiwaga nga naman! Sa loob ng isang silid ay kaagad narinig ni Daniel ang tinig ng mga pangungusap ng asawa. Nakikipagusap sa kinakasuyong lalaki: kay Eduardo. Nguni't ayon sa paalam sa asawa ay dadalaw sa kaibigang naging kadalaga!

Oh! kung magtaksil at magsinungaling nga naman ang babae!

Kaya't pagkarinig na iyon ni Daniel sa tinig ng pangungusap ay isang lalaki ang kapiling ni Leoning at hindi pala babae, na ayon sa sabi sa kanya ay dalaga, ay waring sumilakbo agad ang kanyang dugo at pinagdimlan ng paningin.

Ang sabi sa kanya ay isang dalaga ang dadalawin?

Samakatuwid ay maliwanag niya ngayong nabatid na siya ay pinagtataksilan ni Leonora. Pinagsusukaban pala siya at ganap na nilapastangan ang pagkalalaki. Sumilakbo ang kanyang dugo at nagdilim ang kanyang pangmalas. Hindi niya sukat akalain ang lahat ng iyon! Si Fely raw! Oh! taksil na Leonora! Sukab na babae!

Halos malabnot niya ang kanyang mga buhok sa matinding galit at sama ng loob. Nais niyang iwasak ang pintuan ng silid nang kinaruruunang asawa, nais niyang iwasak na iyon ay kanyang lamukusin at gawin ang mangyayari sa sukab na babae, nais niyang iwasak at ang lalaking kausap ng asawa, ay kimisin, durugin kung mangyayari, mamatay si Leonora, mamatay ang lalaking kausap at mamatay rin siya. Datapwa't nang anyong gagawin na niya ang ganitong hangad ay waring sa kanya ay may pumigil.

