Florante at Laura

Part 4

Chapter 4 3,962 words Public domain Markdown

Capagdatíng dito aco,i, dinadahás at ibig ilugsó ang puri cong ingat, mana,i, isang túnod na cong saán búhat pumáco sa dibdib ni Adolfong sucáb...."

Sagót ni Flerida "nang dito,i, sumapit ay may napaquingang binibining voses na paquiramdám co,i, binibig-yáng sáquit[71] nahambál ang aquing mahabaguíng dibdib.

Nang paghanaping co,i, icáo ang nataós pinipilit niyaóng táuong balaquiót, hindi co nabata,t, bininit sa búsog ang isang palasóng sa lilo,i, tumapos..."

Dî pa napapatid itóng pan~gun~gusap[72] si Minandro,i, siyang pagdating sa gúbat dala,i, Ejército,t, si Adolfo,i, hanap naquita,i, catoto ¡laquíng toua,t, galác!

Yaong Ejércitong mula sa Etolia ang unang nauica sa gayóng ligaya[73] _Viva si Floranteng hari sa Albania_ _Mabuhay mabuhay ang Princesa Laura_!"

Dinalá sa Reinong ipinag diriuang sampu ni Aladi,t, ni Fleridang hírang capouà tumangáp na man~gag-binyágan: magca-casing-sinta,i, naraos nacasál.[74]

Namatáy ang bun-yíng Sultan Ali Adab noui si Aladin sa Perciang ciudad: ang Duque Florante sa Trono,i, naac-yát sa siping ni Laurang minumut-yáng liyág.

Sa pamamahala nitóng bagong Hari sa capayapaan ang Reino,i, na-uli dito nacaban~gon ang nalulugámi at napasa-toua ang nag-pipighatî.

Cayâ n~ga,t, nagta-ás ang camáy sa Lan~git sa pasasalamat n~g bayang tangquilic ang Hari,t, ang Reina,i, ualáng naiisip cundî ang magsabog ng aua sa cabig.

Nagsasama silang lubháng mahinusay hangang sa nasapit ang payápang bayan, Tiguil aquing Musa,t, cúsa cang lumagáy sa yápac ni CELIA,T, dalhín yaring ¡_Ay! ... ¡Ay_!

FIN

/rop 2-26-65

MGA TALABABA

[A] Gubat na masucal, sa labás ng _Ciudad_ ng _Epiro_, na nasa tabi n~g ilog na tinatauag na _Cocito_.

[B] _Febo_ ang arao, at gayón ang tauag n~g mga _Poeta latino_ at _griego_.

[C] _Ciprés_ ay isang cahoy sa bundoc,--ang caraniuan ay malalaqui at matutuid, ang mga sangá,i, pai-taás na lahát, kayâ n~ga,t, ang pagca lagay, ay hichurang Púso; ang sangá nitó, ay itinitiric n~g m~ga tauo sa úna sa ibabao ng libin~gan, kayâ ang lilim ay nacasisindac.

[D] Averno anáng m~ga Poeta, ay Infierno.

[E] Pluton isa sa m~ga Dioses ng m~ga Gentil, at anang m~ga Poeta ay hari sa infierno.

[F] Cocito, ilog sa Epiro, region n~g Albania, at anang m~ga Poetas ay isa sa apat na ilog sa Infierno caya camandág ang tubig.

[G] Narciso, isang bagontauong sad-yang gandá, anác ni Cefisino at ni Lirope, sinintá n~g madlang Ninfas nguni,i, siniphayong lahat ni Narciso.

[H] Adonis, baguntáuong sacdál cagandahan, anác sa ligao ni Cinirro, na Hari sa Chipre, anác cay Nirrhang anác din niyá, sinintá n~g Diosa Venus, at pinatáy n~g isang paguil.

[I] Ninfas Oreadas, ay ang m~ga Diosa sa gubat na sinasambá n~g m~ga Gentil nang una: magagandá, at malalamig ang tinig anáng m~ga poeta.

[J] Harpias ay mababan~gis na Diosa n~g m~ga Gentil, ang taha,i, sa m~ga Islang n~gala,i, Estrofadas, at sa gubat sa tabi n~g ilog n~g Cocito; ang catauán ay parang ibon, muc-hang dalaga, baluctót ang m~ga camay, ang cuco,i, matutulis, pacpac paniqui at macamamatay ang baho n~g hinin~gá.

[K] Albania, isá sa m~ga Ciudad na malalaquí sa Imperio n~g Grecia.

[L] _Persia_ isang cahariang malaqui sa parte n~g Asia, na nasa capangyarihan n~g m~ga moro.

[M] Pang-gabing ibon, ay ang m~ga ibong malalabo ang matá cong arao para n~g Tictic, Cuago, Baháo, Paniqui, &c.

[N] _Furias_, m~ga diosas sa infierno, anac ni Aqueronte at n~g gabi; tinatauag namang Eumanidas, sila,i, tatlo: Megeras, Tisiphone at Alecto; ang buhóc ay parang serpiente, cung may ibig silang pagaliting sinoman, ay bubunot ng isang buhóc na serpiente, at ipapasoc sa dibdib ng táuong pinagagalit, n~guni,t, hindî namamalayan; siyang pagdidilim n~g matá sa galit, at sasagasa na sa lalong pangánib.

[O] _Marte_, dios ng pagbabaca, anác n~g diosa Juno, ipinaglihi sa pag-amóy ng isang bulaclac na inihahandóg sa caniya n~g diosa Flora. Ang sabi n~g m~ga poeta, ay pag-gantí cay Jupiter na linaláng si Palas sa caniyang utac ay di inalám si Junong esposa ni Jupiter. Si Marte,i, lumitao sa Tracia at doon lumaqui.

[P] _Parcas_, diosas n~g camatayan at n~g tadhanang cararatnan n~g tauo; sila,i, tatlo anáng m~ga poeta, sila ang nagtatan~gan sa búhay n~g tauo, at namamahala sa casasapitan n~g lahat sa Sangsinucuban. Si Clotho ang may tan~gan n~g habihán, si Luchesis ang humahabi, at si Atropos ang pumapatid sa hilo n~g búhay.

[Q] _Apolo_ anác ni Jupiter, at ni Latona, capatid na panganay ni Diana, ipinan~ganac sa islang ngala,i, Delos, caguilaguilalás n~g licsi, at catapanganan n~g patain ang serpienteng n~gala,i, Pitón, na nagpapasáquit sa caniyang iná. Anáng m~ga Poeta, ay siyang unang nagmunucala, at nagturo n~g Musica, n~g Poesia at n~g panghuhula: siya ang Principe n~g m~ga Musas at n~g mga Pastores.

[R] _Secta_, ang sinasampalatayanan n~g isa,t, isa ó ang sinusunod na utos n~g canicaniyang Dios sa caraniuang uicang castilang Culto ó Religión.

[S] _Aurora_, anác n~g arao at buan. Anang m~ga Poeta, ay pagcaumaga, ay binubucsan ang pintô ng lan~git, at cong maicabît na ang m~ga cabayo sa carro n~g arao ay siya ang nan~gun~guna sa paglabas, saca casunod ang arao.

[T] _Crotona_, Ciudad sa Grecia Mayor sa dacong Italia, malapit sa dagat n~g Tarante, bayan n~g iná ni Florante, ang louang n~g muralla ay labingdalauang libong hacbang.

[U] _Linceo_, Hari sa Albania ng panahón ni Florante.

[V] _Buitre_, isang ibong lubhang malaqui, ang quinacain ay pauang bangcáy n~g hayop. Ang sabi ng autor at iba pang nacaquiquilala sa ibong itó, ay masidhing lubha ang pang-amóy, at umaabot hangang tatlóng leguas.

[W] _Arcón_, isang ibong malaquí, na cararaquit n~g m~ga butó n~g tupa, n~g aso at n~g iba pang hayop sa bundóc.

[X] Ang tinatauag na _cupido diamante_, ay ang hiyás na caraniuang ilagáy sa noó n~g m~ga señora.

[Y] Anác n~g arao ay ang aurora.

[Z] _Nayadas_, m~ga Ninfas sa bátis, at ilog na sinasambá n~g m~ga Gentil.

[AA] _Lira_, m~ga estormentong guinagamit n~g m~ga Ninfas, at Musas sa canilang pag aauit, alpa ó biguela.

[AB] _Ninfas_, m~ga Diosa sa tubig; anáng m~ga Poeta, ay ca-aliu-aliu ang tinig n~g voces, at taguintíng n~g lirang tinutugtóg.

[AC] Ang m~ga bátis na tinatahanán n~g m~ga Nayadas ay sagrado sa m~ga Gentil, at canilang iguinagalang.

[AD] Atenas Ciudad na balita sa Grecia fundar n~g haring Cecrope; bucál ó bátis n~g carunun~gan, at catapan~gan.

[AE] Pitaco sa Grecia, isa sa pitóng balitang m~ga sabio.

[AF] Si Polinice at si Eteocles, magcapatid na anác ni Edipo, na Hari sa Tebas, sa Reina Yocastang caniyáng ina at asaua pa.

[AG] Adrasto Hari sa Ciudad ng Argos na isá sa madlang malalaquing nasasacóp ng Imperiong Grecia; itó ang tumulong cay Polince sa guerra laban cay Eteocles sa pag aagauan ng coronang mána cay Edipo.

[AH] Edipo anác ni Layo, na Harì sa Tebas at ng Reina Yocasta. Paglabás ni Edipo sa tiyan n~g caniyang iná, ay ibinigay n~g amá sa isang pastor, at ipinapatay, sa pagca,t, ang sabi sa Oráculo ni Apolo na ang sangól na itó ay cun lumaqui, ay siyang papatáy sa caniyang amá, sa aua n~g pastor ay isinabit na lamang n~g patiuaríc sa isang cahoy sa bundoc; sa cai-iyac n~g sangól ay naraanan ni Forbante, pastor ni Polivio, na Hari sa Corinto at ibinigay sa Reina Merope na asaua ni Polivio; ang Reina sa pagca,t, ualang anác, ay pinarang anác ang sangol. Nang lumaqui si Edipo, ay na pa sa Tebas, sa paglalacad ay napatáy niya ang caniyang amáng Haring Layo, na hindi naquilala at nag-asaua sa caniyang iná, na di rin niya naquilala: ang naguing anác ay si Eteocles at si Polinice, na nagbabaca hangang man~gamatáy sa pag aagauán ng Corona.

[AI] Venus, diosa n~g pag-ibig at n~g cagandahan, anác ni Jupiter at ni Diana, anáng ibá, ay bucál sa bula n~g dagat.

[AJ] Cupido, dios n~g pag-ibig anác ni Venus at ni Marte.

[AK] Fama, Diosang sinasambá n~g m~ga Gentil; itó ang nag lalathala n~g balang gauín ng táuo, magalíng ó masama man; ualang casintulin at matunóg ang voces.

[AL] Medialuna, ang tauag sa estandarte o bandila nang m~ga moro, sa pagca,t, napipinta ay isang cabiac na Buan.

[AM] Emir, gobernador ó Virey n~g moro.

[AN] Diana, Diosang anác ni Jupiter, at ni Latena, mabiguín sa pan~gan~gaso, houaran n~g cagandahan at panginoong n~g m~ga Ninfas.

[AO] Houris, m~ga dalagang sadiyang carictan sa paraisong cat-ha ni Mahomang profeta n~g m~ga moro, na ipinan~gan~gaco at parayang ibinibihis sa magsi-sunód na taimtim sa caniyang licong Secta.

MGA PALIWANAG

[1] NANGYAYARI. Hindi "nangyari", gaya n~g nasa "Kun sino ang kumatha ng Florante" at ng sa (1906) iniingatan ni Dr. Pardo de Tavera. Sa palimbag ni G. P. Sayo balo ni Soriano, nang 1919, ay "nangyayari" rin ang nakalagay, gaya rin ng inihayag ng pahayagang "Katwiran"--dahong tagalog ng tagapamansag ng mga naging pederal o progresista--noong Oktubre ng 1903.

[2] "Cong pag saulang cong basahin sa isip". Sa palimbag ni P. Sayo ay ginawang: "Kung pagsaulan cong basahin sa isip", at ganito rin ang sa "kung sino ..." Ang "cong" sa unahan ay ginawang "kung", at ang "pag saulang cong" ay itinumpak sa wastong kaparaanan ng pagsulat ngayon. Pinagsama ang dapat pagsamahing "pag" at "saulan", at inalis ang pang-ugnay o _ligazon_ "g" sa dulo nito, na isang kasagwaan na ngayon, dahil sa "ko" ang sumusunod. Nguni't magpahanga ngayon ay buhay pa ang ganyang kasaguwaan sa ilang manunulat. Kaya, malimit makita ang ganitong mga pangungusap: "kaibigang ko", "pinsang mo", "pamangking ko", "Amaing niya". Aywan kung bakit linalagyan ng _ligazon_ "g", gayong kung hindi sa "n" natatapus ang salita ay hindi naman linalagyan. Hindi masabi kundi "kapatid ko", "tula ko", "irog mo", "kasama niya". Walang ano mang _ligazon_. Nguni't kapagkarakang naging "n" ang katapusan ng salita ay narito na agad ang "paglalaro ng dila" at masagwang paggamit sa pangpagandang _ligazon_. Ang _ligazon_ o pang-ugnay ay pangpaganda lamang, pang-alis ng kagarilan; nguni't kapag naman sumagwa ay nagiging tunay na kagaguhan, sa pangdingig natin ngayon.

Ukol sa "pag" at iba't iba pang panglapi ay walang iisang tuntunin ang nangauna sa atin. Kung minsan ay ikinakabit, nguni't ang malimit ay hiwalay. Hindi dapat kaligtaang "pag" na panglapi ang aming tinutukoy. Hindi ang pangsubaling "pag", na may sariling kahulugan, at tunay na isang kataga. [1919] "Pag umulit ka pa ay ikaw ang bahala!" Ang "pag" na iyan ay di dapat ikabit sa alin man. Pagka't hindi panglapi. Ang lahat nang panglapi--pag, nag, mag, mang, ka, na, pa, um, in, an, atbp.--ay di dapat ihiwalay. Subali't nang panahong yaon nina Balagtas ay isinusulat kahi't na paano, mapakabit man o mapahiwalay sa dapat kapitan. Kaya, hindi katakatakang makita ang mga ganitong pagkakasulat: "pag saulan", "nag-iisa", "pagsuyo", "pagsintá", "mapag uunaua", magpahangang libing", "pag luha, "mag pahangang daong", "pag sintá", "pagca gapus", "pagca-búhay", "pinag liluhan", "isáng na aba," "pag ayop", atbp.

[3] MACALIGTAANG CO ... Narito na naman ang isang kasagwaan na ngayon, bagama't magandang pakinggan noong araw. Kaya, itinumpak at ginawang "nakaligtaan ko" ng "Kun sino ..." at ni P. Sayo. Marami ang makikitang ganito sa aklat na ito--na sakali mang hindi kasagwaan, nang panahon ni Balagtas, ay itinuturing na nating isang kasagwaan, sapagka't nakasusugat na sa pangdingig ngayon.

May palagay kaming sa loob ng ilang panahon ay mawawala na sa pagsulat ang ganyang kasagwaan sa _ligazon_, gaya ng pagkawala ng mga sumusunod, sa halimbawa: "kanya nga" sa lugal ng "kaya nga", "bungmalong" sa lugal ng "bumalong", "kungmain" sa lugal ng "kumain", "maselang"' sa "maselan", "kungdi" sa "kundi", atbp.

[4] CONDI. Ginawang "kundi" ni P. Sayo at ng "Kun sino ..." ayon sa bagong pagsulat natin. Sa aklat na ito ay makikita ang paibaibang pagkakasulat sa salitang ito: kung minsan ay "condi" at kung minsan naman ay "con di" at "cundi". May palagay kaming ang ganitong pagkakaibaiba ay sa kasalanan na lamang ng kahista.

[5] ILINIMBAG. Ganito rin ang nasa kay P. Sayo; subali't sa "kung sino ..." ay lumabas na "inalimbag". Ito ay katulad din ng "inilimbag", na kasamahan ng "nilimbag", "nilagda", "nilitis", "inilibing", "inilagay", atbp., na pawang nasa di pangkaraniwang balangkas, subali't hindi kabalbalan. Karaniwang makita sa mga salita nating ang ugat ay nagsisimula sa "h", sa "l" at sa "w" at "y".

[6] "at di mananacao". Kay P. Sayo ay ganito rin. Hindi "na di mananakaw" gaya ng nasa "Kun sino ..." At mapaghahalatang ayon sa pagkakakastila ni G. Epifanio de los Santos sa "Florante", na anya'y: "y que no será robada" ay "at" din at di "na", ang nasa sulat-kamay ng "Florante" niyang inihulog sa tagalog--sulat-kamay na ayon din sa kanya ay sipi sa lumabas noong 1853.

[7] QUINALALAGUI-AN. Sa "Kun sino ..." ay kinalalagian" din ang nakalagay; subali't sa palimbag ni P. Sayo ay "kinalalagyan", at ganito rin sa malas ang kay De los Santos--pagka't "en el Makati río donde se reflejaba" ang pagkakakastila niya. Ang "reflejaba", bagama't di siyang katumbas ng "kinalalagyan", ay siyang tanging maikakapit dito, upang maging maganda ang pangungusap, palibhasa'y kawangis din ng "kinalalagyan" o "kinalalarawanan" ang "kinalalagyan"; samantalang hindi maikakastila sa "kinalalagian".

Nariyan ngayon ang isang bagay, na dapat liwanagin. Alin kaya riyan ang totoo? Ang "kinalalagian" o ang "kinalalagyan"? Maimamatuwid, na labis ang pantig ng "kinalalagian", kaya tama ang "kinalalagyan"; subali't maimamatuwid namang labis din ang kasunod na talata, labingtatlo rin ang "binabacas co rin sa masayang doongan", nguni't iginalang ito at di iniklian. Mapaghahalatang susog diya'y mali ang "kinalalagyan", at "quinalalagui-an" ang tunay na ibig sabihin ni Balagtas, pagka't "lagi" na sa Makating ilog si Celia, at siyang ilog na liniligawan ng Makata. At ayon kay G. Victor Baltazar, anak ng Makata, ay "quinalalagui-an" nga ang tama sa natatandaan nilang magkakapatid.

[8] "aquing camatayan". Hindi "lalong kamatayan", gaya ng nasa "Kun sino ..." Sa hawak ni De los Santos ay ganito rin: "tu memoria es mi muerto". At siya ring nasa kay P. Sayo.

[9] "dica mapaparam". Sa ingat ni De los Santos ay napaghahalatang "di ka napaparam" ang nakalagay, gaya ng na kay P. Sayo at sa "Kun sino ..."

Ang pagkakasulat ng "dica" ay isang maliwanag na kamalian, na kay damidaming kasama sa aklat na ito, sa kasalanan ng limbagan. Ang mga gaya niyan--paris ng "dipa" (di pa), "dico" (di co), "cona" (co na), "copa" (co pa), "mona" (mo na), atbp., ay mga kamaliang sagana sa aklat. Pinapagsasama ang mga salitang tig-isang pantig, at may mga salita namang ginagawang parang dalawa o higit pa, kung minsan.

[10] "sa mahal mong yapac" at di "sa bakas ng yapak", gaya ng nasa "Kun sino ..." Kay P. Sayo ay "sa mahal mong yapak" din. Gayon din kay De los Santos.

[11] "hangad na lumauig". Sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay naging "ang" ang "na".

[12] "Bago mo hatulang catcatin at lico". Sa iba ay ganito naman: "Bago mo hatulan katkatin at liko"; walang pang-ugnay o _ligazon_ "g". Kaya, naging garil.

[13] "luasa,t, hulo". Kay P. Sayo ay "lasa,t hulo"--na isang maliwanag na kamalian. Ang "luasa,t, hulo" ay kahambing ng "puno't dulo". At ang ibig sabihin ay pakasuriin muna mula sa puno hanggang sa dulo, bago lapatan ng hatol.

[14] "ang mata,i, itingin". Walang "ang" sa "Kun sino ..."

[15] "ó nanasang pantás". Ganito rin ang kay P. Sayo; nguni't sa "Kun sino..," ay ginawang ganito: "oh, nanasang pantas!" Ayon sa pagsulat natin ngayon. Nguni't ang ganitong pagbabago ay nakaligtaan sa dakong unahan: ang "ó nanasang irog" ay hindi binago. Hindi ginawang "óh, nanasang irog!"

[16] DINIDILIG. Sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay "nadidilig".

[17] "Bagong taoung basal, na ang anyo,t, tindig". Sa iba ay "Bagong taong basal, ang anyo at tindig".

[18] CASAM AN. Sa "Kun sino ..." ay "kasamaan", na nakasira sa bilang ng pantig.

[19] "O tacsil na pita sa yama,t, mataás!" Itong huling kataga ay naging sanhi ng isang pagtatalo noong araw. May nagsasabing kasingkahulugan ito ng "mápataas" at may nagsasabi namang katimbang ng "matayog", kasalungat ng "mababa"; nguni't sa paano,t, paano man ay tama, at siyang ibig sabihin ni Baltazar, ang pagkakakastila ni De los Santos, na "poder"; lakas, kapangyarihan.

[20] "ng casamáng lahat". Sa "Kun sino ..." ay lumabas namang "kasam-an", gaya ng nakasulat sa ika 18. "Casam-an" doon at "casamán" dito. Isa pang katunayan iyan ng kawalan ng iisang tuntunin sa pagsulat. Kaya, kung minsan ay mababasa nating "catao-an" ang "katawan", at kung minsan naman ay "catauán" o "cataoan", gaya rin naman ng "catouiran", na kung minsan ay "catuiran", atbp.

[21] "at niyaring nasapit". Ganito rin ang kay De los Santos at ang sa isang ginoong nagngangalang Cecilio Rivera; subali't ang sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay nawalan ng "at". Napaghahalatang kusang inalis, upang maging sukát ang bilang ng pantig. Labis nga naman sa labingdalawa ang may "at". Kaya, inalis ito.

At nariyan ang sa palagay namin ay isang kamalian pa hanga ngayon ng tanang manunula ngayon. Pawang matapat, halos ay bulag, at walang kapasupasubaling lingkod at alipin ng bilang ng mga pantig sa pagkakasulat. Ipinaaalipin sa Ortograpía pati ng tingig at aliw-iw ng tula, at walang kalayalaya ang lipad ng diwa at pitlag ng kaluluwa. Hindi makalayo sa bilangguan ng Ortograpía; at "di kailangang maging pilay man sa pangdingig, huwag lamang maging kulang o maging labis sa kumpas ng Ortograpía".

Kung sa bagay ay tunay ngang napakaselan sa bilang ang tulang tagalog. Walang pagtatalo ukol dito. Nguni't may isang pasubali, na sa palagay namin ay dapat pagkaisahan ng lahat, upang alang-alang din sa katamisan ng tulang tagalog ay palayain, sa gayon at sa ganitong pagkakataon, ang lipad ng tula. Hindi sa tuwituwi na'y "bilang ng pantig sa pagkakasulat" ang paghahariin, kundi ibigay naman sana, sa manakanaka, ang kapangyarihan sa "bilang ng pamimigkas". Ibig naming sabihi'y "pantig ng pamimigkas" (tawagin nating "sílaba prosódica") ang papamaibabawin sa "pantig ng pagkakasulat" (tawagin naman nating "silaba ortográfica"), kailan ma't magkakalaban sa harap ng Katamisang dapat maghari lagi na.

Si Balagtas, na di mapag-aalinlanganang sa tamis at lambing, sa tingig at aliw-iw na walang kasingsarap ng kanyang mga tula, unang utang ang kanyang ikinatangi at ipinaging Hari sa panunula, ay maraming halimbawang iniwan, upang maging saligan ng pagsusuri at pagkakaisa ng lahat. Bukod sa "at niyaring nasapit na cahabág-habág" ay nariyan pa ang: "na ang lilim niyaón ay nacasisindác", "ang buntóng hiningá niyaóng nagagapus", "ipinaghaguisan niyaóng mga lilo", "ang pananambitan niyaóng natatali", "anhin mang touirin ay magcacalisiya" at ilan pa sa "Florante at Laura"; saka "Dalita,i, sumira niyaring pagtitiis" sa "Labing-dalauang Súgat nang Púso", bukod pa sa "Dusang di maampat niyaring mga matá", atbp. Ang "iya" sa "niyari", "niyaón" at "nagcacalisiya ay pinapagdaraang parang isang pantig lamang, kung minsan. Marahil ay sapagka't kung minsa'y nagiging "isang pantig lamang sa pamimigkas". Bakit ay di naman nakasusugat sa pangdingig.

At kahambing ng "iya"--na naaaring gawing isa sa pagbigkas kahi't dalawa sa pagkakasulat--ay maaari rin ang "iyo". Gayon din, at maaari ring pagkaisahan, ang ukol sa "uwa", manakanaka. Maaaring palayain ang makata, maminsanminsan, kailan ma't di makasusugat sa pangdingig. Bigyan laya nga; at ang ganito ay hindi naman sapilitan. Lumaya ang may ibig, at huwag naman ang ayaw.

At ang ganyang kalayaan--na di pangsugat sa taynga--ay lalong mabuti kay sa kalayaang ginagamit na sa pagpapaikli. Pinaiikli, at iniwawasak pati ng tumpak na pagkakasulat ng salitang ibig paikliin, magkaroon lamang ng sukát na bilang sa ortograpía. Gaya ng kung minsan ay ginagawa sa "kailan". Pinipilit na palabasing dalawang pantig lamang ito sa pagkakasulat, sinisira ang ugat, ginagawang "kaylan"--na tila baga kung isulat at siraing ganito ay tama na at hindi na labis. Ganyan din ang ginagawa sa "kailangan" at sa "mayroon", sinisira at isinusulat ng "kaylangan" at "mayron"--gayong paano man ang gawin, ang "kaylan" at ang "kaylangan" at "mayron ay lumalabas din, sa pangdingig, na "kailan" "kailangan" at "mayroon". At ang ganyan ay hindi isang "kalayaan" kundi tunay na "kaalipnan". Kaalipnan sa Ortograpía! Pangsira sa pangdingig, ano man ang gawin.

Diyan mapaghahalatang may mga pagkakataong nagiging makapangyarihan, sa ilang pagkakataon, ang pantig ng pamimigkas" kay sa "pantig ng pagkakasulat"; at talagang ganito naman ang dapat mangyari. Diwa at kaluluwa ng tula ang tingig, ang aliw-iw. Nasa aliw-iw at tingig ang musika, na siya na rin ngang tunay na tingig at aliw-iw. At ang musika at lambing, ang sarap at ang tamis ng pamimigkas ay siyang "pulot at gata" ng tula. Hindi ang ortograpíang "pipi at bingi".

[22] "maauaing Langit". Sa lahat nang nasa harap namin ngayon ay ganito ang sinasabí; nguni't isang ginoong nabanggit na namin sa unahan, Cecilio Rivera, ay nagsabi, noong 1906, na iyan daw ay mali. Ipinahahalata niyang sa" lugal niyan ay "tumutungong langit" ang nakalagay. Nguni't nasabi na nga naming: sa lahat na ay ganyan ang nakalagay. Ganyan din ang nakalagay sa "Florante" ng isang sumulat ng ilang lathala ukol sa bagay na ito--noon ding 1906--at nagtago sa pamagat na "Crisantemo", taga Lalaguna at nanirahan sa Marinduke.

[23] "iyong tinutungha,i, ano,t, natitiis?" Sa "Kun sino ..." ay "tinutungháy" ang nakalagay, at gayon din kay P. Sayo. At iyan ay naging sanhi rin ng pagtatalo, noong araw. Nguni't walang ibang tumpak kundi ang "tinutungha,i," (tinutunghan, na may ligazon "i" o "y", pinaikling "tinutunghan", at umuri sa "tun~go"). Ang "tinutunghay" ay di tama: dapat gawing "tinutunghayan". At labis naman kung ganito.

[24] DIN~GIGUIN. Sa iba ay "dinggin"; kaya, pilay ang tula. Sa "Florante" ni G. C. Rivera ay "dingigin" din.

[25] VOSES. Sa "Kun sino ..." ay "boses", na kusang isinulat na ganito, upang itugma sa bagong ortograpía natin. Nguni't kay P. Sayo, na nagbago rin ng pagsulat, ay pinapanatili ang datihang "voces". Sa aklat na ito ay nakikitang ang "voses" na iyan ay lumilitaw ring "voces" kung minsan--na isa pang katunayan ng kawalang ingat ng limbagan.

At yamang napag-uusapan na rin lamang ang kawalang ingat ng limbagan, o lalong maliwanag, ng kahista, ay daliriin na natin ang maraming kamalian. Daliriin ang ukol na lamang sa pagkukudlit ("acentuación ortográfica"), at huwag na ang sa ibang bagay--yamang matutukoy na rin lamang natin sa mga ibang paliwanag. At upang huwag na tayong mag-aksaya ng maraming panahon--yamang kay liwanag namang napupuna ng matatalin ng mangbabasa--ay tingnan na lamang natin ang sa mga tulang sumusunod:

"Datapua,t, sino ang tataróc cayâ sa mahál mong lihim Dios na daquilà? ualáng mangyayari sa balát ng lupà dî may cagalin~gang iyóng ninanasà.

Sa halimbawang ito--at sa marami pang sagana sa aklat--ay mapagkikilalang noon pa man ay alam na ang halaga ng bawa't kudlit at kung paano ang tumpak na paggamit. Salakot (capucha o circunflejo) ang ilinagay sa "cayâ", sapagka't bigla at paimpit ang pagbigkas dito. Ang salakot ay siyang kayarian ng kudlit na pabigla (agudo) at ng paimpit (grave o gutural). At sapagka't pawang hindi pabigla, kundi paimpit lamang, ang pagbigkas sa dulo ng tatlo pang talatang kasunod--"daquilà", "lupa" at "ninanasà" ay kudlit na banayad lamang ang ginamit.

Nguni't masdan natin ang mga sumusunod:

"Sa loob at labas, n~g bayan bayan, cong sawî caliluha,i, siyang nangyayaring harî cagalin~ga,t, bait ay nalulugamî ininís sa húcay nang dusa,t, pighatî".

"Caliluha,t, samâ ang úlo,i, nagtayô at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô, santong catouira,i, lugami at hapô ang lúha na lamang ang pinatutulô.

"Súcat na ang tingnán ang lugaming anyô nitóng sa dálita,i, hindi macaquibô? aacaing bigláng umiyác ang púsô cong ualâ nang lúhang sa mata,i, itúlô".

"!Ay Laurang poo,i,! ¿baquit isinuyò sa iba ang sintang sa aqui pangacò at pinag liluhan ang tapát na púsó pinang-gugulan mo nang lúhang tumuló?"