# Florante at Laura

## Part 1

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/florante-at-laura-15845/index.md

Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and PG Distributed Proofreaders. Special thanks to Matet Villanueva, Pilar Somoza and Ateneo Rizal Library-Filipiniana Section.

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g. Mistakes in the original published work has been retained in this edition.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit. Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mga pagkakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]

FLORANTE

at

LAURA

May Paunang Salita at mga Paliwanag

ni

CARLOS RONQUILLO

Maynila 1921

PAUNANG SALITA

Nang kalahatian ng 1906, na lumabas sa larangan ng Panitikang Tagalog ang mahalagang aklat ng _"Kun sino ang kumatha ng Florante"_, ni G. Hermenegildo Cruz, ay sinasabing may mga 106,000 nang salin ng "Florante at Laura" ang naipalilimbag ng iba't iba; at sapul noon hangga ngayon ay marami na ring taón ang nagsipagdaan, at sa loob ng panahong iyan--lalo na nga't kung aalagataing siyang panahon ng kaunlaran ng Panitikang Tagalog at ng kasiglahan sa pagbabasá at ng pag-uumalab na lalo ng pagmamahal sa ating walang kahambing na Makatang Francisco Baltazar--ay walang alinlangang sa datihang bilang ng 106,000 ay di na rin kakaunti at di na iilang libo ang naparagdag pa.

At sa harap ng kasiglahang iyan ay mapaghahalatang nagkaroon din ng ibayong sigla ang nagsisipagpalimbag. Isa't isa ay gumagawa ng kanikanyang kaya, upang mapalitaw na kalugodlugod ang "Florante at Laura". Ngunit sa likod ng kasiglahang iyan at kapuripuring pagpupunyagi ay kasakitsakit sabihing wari'y naipagwawalang bahala kung minsan ng ilan yaong tagubiling:

"Di co hinihinging pacamahalin mo tauana,t, dustain ang abang tula co gauin ang ibigui,t, alpa,i, na sa iyo ay houag mo lamang baguhin ang verso".

Naipagwawalang bahala? Walang alinlangan. Pinatutunayan ng mga pangyayari. Nguni't maaari namang paniwalaang hindi sa atas ng masamang hangad na "paalatin ang matatamis na tula" kundi bagkus pa ngang sa magandang nais, na lalo pang mapatamis. Lalong mapasarap. Lalong mapabuti. Lalong maitumpak. Gayon man, at maging gaano man kabanalang ganyang nais, ay di rin maipagkakailang tunay na pagwawalang bahala sa tagubilin at tunay na ipinagkakamit ng malubhang kasalanan ni Sigesmundong dinadaliri ng dakilang Makata.

Kailangan ngang kung ano ang akda ng dakilang Makata ay siyang papanatilihing buhay magpakailan man, walang munti mang pagbabago, sa maging labis man o kulang, kahi't mali mang nakikita. Ni isang titik, ni isang kuwit--maliban na nga lamang kung hindi maiwasan dahil sa makapangyarihang atas ng panibagong alituntunin sa pagsulat.

Sinasabing ni saan man ay wala na ngayong matatagpuang isa mang salin ng "Floranteng" limbag noong buhay pa si Balagtas, at may paniwalang ang iniingatan ni Dr. Pardo de Tavera ay siyang matanda sa lahat nang nakatago ngayon; nguni't sa kagandahang palad ay sumakamay namin ang isang salin ng lumabas noong 1861, linimbag sa papel Tsina ng "Imprenta de Ramirez y Giraudier", at sa kanyang takip na papel katalan--takip na ilinagay lamang ng maingat na may-ari--ay nakatitik ito: "Es propiedad de Don Jose Dioniso de Mendoza". Si Balagtas ay namatay noong ika 20 ng Pebrero ng 1862, sa gulang na magpipitongpu't apat na taón. Kaya, maliwanag, na buhay pa si Balagtas ng limbagin nina Ramirez ang "Floranteng" sumakamay namin, at matanda pang di hamak sa iniingatan ni Dr. Tavera, sapagka't ang kanya ay limbag lamang noong 1870 ng "Imprenta de B. Gonzales Mora" sa Binundok. Siyam na taón nga ang katandaan dito. At kung aalagataing buháy pa nga si Balagtas noong 1861 ay walang alinlangang dahil sa pagpipitagan man lamang sa noon pa ma'y itinuturing nang "Hari ng mga Manunula", ang sumakamay namin ay di pa "napanghihimasukan ng kamay ni Sigesmundo",

Ang saling iyan ay wala na sa amin, pagka't hindi amin. Naipagparanya lamang sa amin--dahil sa paglabas noong 1906 ng "kun sino ang kumatha ng Florante"--ng noo'y nag-aaral pa sa "Escuela de Derecho" at ngayo'y abogado Alfonso Mendoza, masugid na demokrata; at sa likod ng ilang buwang pag-iingat at pagsipi namin ay pinagpilitang bawiin ng nagpahiram, dahil sa minamahal daw mabutí ng kanyang ama, palibhasa'y sa mga nuno pa nila minana. Isinauli rin nga namin, sa likod ng kung makailang pagwawalawalaan.

At kamakailang maitanong namin uli sa abogado Mendoza ay ganito ang isinagot:

--Aywan bagá kung saan na naroon. Tila sira na ang mga unang mukha.

Kaya, nang paroonan ni Epifanio ay aywan kung nakuha niya o hindi....

Si G. Epifanio de los Santos--ang dalubhasang istoriograpo, ang guro, ang akademiko, ang sumakastila ng "Florante"--ay siyang tinutukoy. Kami ang sa kanya ay nakapagpahiwatig, upang mapawi ang maling paniwala, na "wala na ngayong Floranteng limbag nang buháy pa si Baltazar." At dahil diyan ay walang salang nagdumaling paroon, upang makuha--sa paano man--ang mahalagang hiyas ng Literaturang Tagalog na pinakamamahal niya. Sakaling nakuha niya, kahi't na nga sira-sira, ay dapat ipagpasalamat, sapagka't parang napalagay sa "kabang may pitong susi"; nguni't kung hindi, at kung natuluyan na ngang nasira, ay tunay na kahinahinayang.

Kahinahinayang! Tunay na kahinahinayang!...

Sakaling nasira na nga.

Nguni't gayon man ay may sukat na rin tayong dapat ikaaliw; ang siping naingatan namin. Pagkakapag-ingat, na maituturing nating isa na ring tunay na kapalaran, at siping walang munti mang pagbabago, palibhasa'y pinag-ingatan naming ilagay pati ng kanyang maliliwanag na kamalian sa limbagan at di dinagdagan, ni kinulangan, ng kahi't na ano.

At ang siping iyang sa huli'y linagyan namin ng mga paliwanag ay siyang ngayo'y inihahandog namin sa tanang magiliwin at mapagmahal sa walang kamatayang "Florante at Laura".

Maipaliliwanag naming buháy pa ang dakilang Makata ay nasasaulo nang mabuti ng kanyang mga anak ang "Florante at Laura". Paanong di magkakagayon ay sa pati ng iba't iba pa niyang akda'y nasasaulo rin? Ang "Florante" pa nga ba ang di mapapakintal sa kanilang ulo? At ang "Floranteng" nalalaman nila at mapahangga ngayo'y sariwa pa sa isipan ay isang saling ayon din sa kanilang ama ay siya niyang tunay na gawa. Dito natin mapagkukuro kung bakit walang kamalian sa mga huling labas ng "Florante", na di ang di mapupuna nila.

Kaya, nang ang ilang kabaguhang napuna namin, dahil sa masusing pagsusumag sa "Kun sino ..." at sa siping nasa amin ay maipakitang isaisa kay G. Victor Baltazar--anak na lalaki ng Makata at siyang pinakamatanda sa tatlong nabubuhay pa hangga ngayon (Victor, Isabel at Silveria), na laging nasa amin, tumitigil ng buwanan at lingguhan, dahil sa kalimitan nilang magpagamot dito sa Maynila, gayon din ang dalawang apong dalaga ni Balagtas, na sina Pepita at Vicenta[I.], anak ng Victor[II.]--; ang mga kabaguhang nadaliri ay pinatunayang "iba nga at di siyang nasa matandang nasasaulo nila". Nguni't, hindi naman napagpakuan namin ng tingin ang lahat, kundi ang madla lamang lalong mahalaga. Ni ang mga kamalian man ng pagkakalimbag sa siping nasa aming kamay ay di rin napag-usapan.

At ang lahat nang kaibhang iyan at kamalian ay siyang naging sanhi ng mga paliwanag namin sa dakong huli.

CARLOS RONQUILLO

Maynila, 10 Septiembre 1921.

[I.] Namatay noong ika 21 Sept. 1921.

[II.] Namatay noong ika 12 Dis. 1926.

-Alberta Balmaseda, asawa ni Victor, namatay noong Marso, 1921.

FLORANTE

at

LAURA

Sipi sa lumabas noong buháy pa ang dakilang Makatang may akda, na linimbag sa "Imprenta de Ramirez y Giraudier" noong 1861, at linagyan ng Paunang Salita at ng mga Paliwanag

ni

CARLOS RONQUILLO

Kaparis na kaparis ng ipinamana ng Makata sa kanyang mga anak, na sariwang nakikintal sa kanilang isip magpahangga ngayon

MAYNILA 1921

Pinagdaanang Buhay

ni

FLORANTE at ni LAURA

sa

Cahariang Albania

Quinuha sa madlang "cuadro histórico" o pinturang nag sasabi sa mga nangyayari[1] nang unang panahón sa Imperio nang Grecia, at tinula nang isang matouain sa versong tagálog.

Reimpreso-Manila Imprenta de Ramirez y Giraudier 1861

* * * * * Sa dakong huli ay may mga paliwanag na makikita, na aming ginawa, bukod pa sa mga sariling paliwanag ni Baltazar sa kanyang akdang ito. Lahat nang may bilang na ganito ay siyang amin, na pinagsunodsunod sa dakong huli. At ang paliwanag sa bilang na ito (1) ay makikita sa unahan ng lahat nang paliwanag namin.

CAY CELIA

Cong pag saulang cong basahin sa isip[2] ang nan~gacaraang arao n~g pag-ibig, may mahahaguilap cayang natititic liban na cay Celiang namugad sa dibdib?

Yaong Celiang laguing pinan~gan~ganiban baca macalimot sa pag-iibigan; ang iquinalubog niyaring capalaran sa lubhang malalim na caralitaan.

Macaligtaang co cayang di basahin[3] nagdaáng panahón n~g suyuan namin? caniyang pagsintáng guinugol sa aquin at pinuhunan cong pagod at hilahil?

Lumipas ang arao na lubhang matamis at ualáng nátira condi ang pag-ibig[4], tapat na pag suyong lalagui sa dibdib hanggang sa libin~gan bangcay co,i, maidlip.

N~gayong namamanglao sa pan~gon~golila ang guinagaua cong pag-alio sa dusa nag daang panaho,i, inaala-ala, sa iyong laraua,i, ninitang guinhaua.

Sa larauang guhit n~g sa sintang _pincel_ cusang ilinimbag sa puso,t, panimdim,[5] nag-íisang sanláng naiuan sa aquin at di mananacao magpahangang libing[6].

Ang caloloua co,i, cusang dumadalao sa lansan~ga,t, náyong iyóng niyapacan sa ilog Beata,t, Hilom na mababao yaring aquing puso,i, laguing lumiligao.

Di mámacailang mupo ang panimdin sa puno n~g mangang náraanan natin, sa nagbiting bun~gang ibig mong pitasín ang ulilang sinta,i, aquing ináaliu.

Ang catauhang co,i, cusang nagtatalic sa buntong-hinin~ga nang icao,i, may saquit, himutoc co niyao,i, inaaring Lan~git Paraiso namán ang may tulong silíd.

Liniligauan co ang iyong larauan sa Macating ilog, na quinalagui-an[7] binabacás co rin sa masayáng doon~gan, yapac n~g paá mo sa batóng tuntun~gan.

Nag babalíc mandi,t, parang hinahanp dito ang panahóng masayáng lumipas na cong maliligo,i, sa tubig áagap, nang hindi abutin n~g tabsing sa dagat.

Parang naririn~gig ang laguî mong uica "_tatlong arao na di nag tatanao tama_" at sinasagot co ng sabing may touâ _sa isa catauo,i, marami ang handa_.

Ano pan~ga,t, ualang dî nasisiyasat, ang pagiisipco sa touang cumupas sa cagugunitâ, luha,i, lalagaslás sabay ang taghoy cong "¡ó, nasauing palad!"

Nasaan si Celiang ligaya ng dibdib? ang suyuan nami,i, baquít dí lumauig? nahan ang panahóng isá niyang titig ang siyang búhay co, caloloua,t, Lan~git?

Baquit bagá niyaóng cami mag hiualay ay dîpa naquitil yaring abáng búhay? con gunitain ca,i, aquing camatayan[8], sa puso co Celia,i, dica mapaparam[9].

Itong dî matiis na pagdaralitâ nang dahil sa iyo, ó nalayóng touâ, ang siyang umacay na aco,i, tumulâ auitin ang búhay nang isang na abâ.

Celia,i, talastás co,t, malabis na umid, mangmáng ang _Musa_ co,t, malumbay ang tinig di quinabahag-yâ cong hindí malait palaring dinguin mo ng tainga,t, isíp.

Ito,i, unang bucal nang bait cong cutad na inihahandóg sa mahal mong yapac[10] tangapin mo nauâ cahit ualang lasáp nagbúhat sa puso nang lingcód na tapát.

Cong casadlacán man ng pula,t, pag ayop tubo co,i, daquila sa puhunang pagod, cong binabasa mo,i, isá mang himutóc ay alalahanin yaríng nag hahandóg.

Masasayáng _Ninfas_ sa laua nang Bay, _Sirenas_, ang tinig ay cauili-uili cayó n~gayo,i, siyang pinipintacasi n~g lubháng mapanglao na Musa cong imbi.

Ahon sa dalata,t, pangpang na nag liguid tunuhan nang lira yaring abáng auit na nag sasalitáng búhay ma,i, mapatid, tapát na pag sinta,i, han~gad na lumauig[11].

Icao na bulaclac niyaring dili-dili, Celiang saguisag mo,i, ang M. A. R. sa Virgeng mag-Iná,i, ipamintacasi ang tapát mong lingcód na si F. B.

SA BABASA NITO

Salamat sa iyo, ó nánasang írog, cong halagahán mo itóng aquing pagod, ang tulâ ma,i, bucál nang bait na capós, paquiquinaban~gan nang ibig tumaróc.

Cong sa bigláng tin~gi,i, bubót at masacláp palibhasa,i, hilao at mura ang balát ngunit cung namnamín ang sa lamáng lasáp masasarapán din ang babasang pantás.

Di co hinihin~ging pacamahalín mo, tauana,t, dustaín ang abáng tulâ co gauin ang ibigui,t, alpa,i, na sa iyó ay houag mo lamang baguhin ang _verso_.

Cong sa pagbasa mo,i, may tulang malabo bago mo hatulang catcatin at licô[12] pasuriin muna ang luasa,t, hulô[13] at maquiquilalang malinao at uastô.

Ang may tandang _letra_ alin mang talata dimo mauatasa,t, malalim na uicà ang mata,i, itin~gin sa dacong ibabâ[14] boong cahuluga,i, mapag uunauà.

Hangán dito acó ó nánasang pantás,[15] sa cay Sigesmundo,i, houag ding mátulad sa gayóng catamis uicang masasaráp ay sa cababago nang tula,i, umalat.

(Sa cursiva o bastardilla)

PUNÒ NANG SALITÂ

Sa isang madilím gúbat na mapanglao[A] dauag na matinic, ay ualáng pag-itan, halos naghihirap ang cay Febong silang[B] dumalao sa loob na lubhang masucal.

Malalaquing cahoy ang inihahandóg pauang dalamhati, cahapisa,t, lungcót huni pa n~g ibon, ay nacalulunos sa lalong matimpi,t, nagsasayáng loob.

Tanáng mga baguing, na namimilipit sa sangá ng cahoy, ay balót n~g tinic may bulo ang bun~ga,t, nagbibigay sáquit sa cangino pa máng sumagi,t, málapit.

Ang m~ga bulaclac n~g nag tayong cahoy pinaca-pamuting nag ungós sa dahon pauang culay lucsa, at naquiqui ayon sa nacaliliong masangsang na amoy.

Caramiha,i, Ciprés at Higuerang cutád,[C] na ang lilim niyaón ay nacasisindác ito,i, ualang bun~ga,t, daho,i, malalapad, na nacadidilím sa loob ng gubat.

Ang m~ga hayop pang dito,i, gumagalâ caramiha,i, Sierpe,t, Baselisco,i, mad-la, Hiena,t, Tigreng ganid nanag sisi sila, ng búhay n~g tauo,t, daiguíng capoua.

Ito,i, gúbat manding sa pinto,i, malapit n~g Avernong[D] Reino ni Plutong masun~git[E] ang nasasacupang lupa,i, dinidilig[16] n~g ilog Cocitong camandag ang túbig.[F]

Sa may guitnâ nito mapanglao na gubat may punong Higuerang daho,i, culay pupás, dito nagagapos ang cahabag habag isang pinag usig n~g masamang palad.

Bagong tauong basal, na ang anyo,t, tindig[17] cahit natatalì camay, paá,t, liig cundî si Narciso,i,[G] tunay na Adonis[H] muc-ha,i, sumisilang sa guitnâ n~g sáquit.

Maquinis ang balát at anaqui buroc pilicmata,t, quilay mistulang balantók bagong sapóng guinto ang cúlay n~g buhóc sangcáp n~g cataua,i, pauang magca-ayos.

Dan~gan doo,i, ualang Oreadang Ninfas,[I] gúbat na Palacio n~g masidhing Harpías,[J] nangaaua disi,t, na acay lumiyag sa himaláng tipon n~g caricta,t, hirap.

Ang abáng oyamin n~g dálita,t, sáquit ang dalauang mata,i, bucál ang caparis, sa lúhang nanatác, at tinan~gis-tan~gis ganito,i, damdamin n~g may auang dibdib.

Mahiganting lan~git, ban~gis mo,i, nasaan? n~gayo,i, naniniig sa pagcá-gulaylay bago,i, ang bandilà n~g lalong casam-an[18] sa Reinong Albania,i, iniuauagayuay?

Sa loob at labás, n~g bayan cong sauî caliluha,i, siyang nangyayaring harî cagalin~ga,t, bait ay nalulugamî ininís sa hucay nang dusa,t, pighatî.

Ang magandang asal ay ipinupucól sa láot n~g dagat n~g cut-ya,t, lingatong balang magagalíng ay ibinabaón at inalilibing na ualáng cabaong.

N~guni, ay ang lilo,t, masasamang loób sa trono n~g puri ay inalulucloc at sa balang sucáb na may asal hayop maban~gong _incienso_ ang isinusuob.

Caliluha,t, sama ang úlo,i, nagtayô at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô, santong catouira,i, lugamì at hapô, ang lúha na lamang ang pinatutulô.

At ang balang bibíg na binubucalán nang sabing magalíng at catutuhanan agád binibiác at sinisican~gan nang cáliz n~g lalong dustáng camatayan.

¡O tacsíl na pita sa yama,t, mataás![19] ¡o hangad sa puring hanging lumilipas! icao ang dahilan n~g casamáng lahat[20] at niyaring nasapit na cahabághabág.[21]

Sa Corona dahil n~g haring Linceo at sa cayamanan n~g Duqueng Amá co, ang ipinangahás n~g Conde Adolfo sabugan n~g sama ang Albaniang[K] Reino.

Ang lahát nang itó, ma-auaing lan~git[22] iyóng tinutunghá,i, anó,t, natitiis?[23] mula ca n~g boong catouira,t, bait pinapayagan mong ilubóg n~g lupít?

Macapangyarihang cánan mo,i, iquilos, papamilansiquín ang cáliz n~g poot, sa Reinong Albania,i, cúsang ibulusoc ang iyóng higantí sa masamáng loob.

Baquit calan~gita,i, bingí ca sa aquin ang tapat cong luhog ay hindi mo dingín? dí yata,t, sa isang alipusta,t, ilíng sampong tain~ga mo,i, ipinan~gun~gulíng?

Datapua,t, sino ang tataróc caya sa mahál mong lihim Dios na daquilà? ualáng mangyayari sa balát n~g lupà dì may cagalin~gang iyóng ninanásà.

¡Ay dî saán n~gayón acó man~gan~gapit! ¡saán ipupucól ang tinangis-tangis cong ayao na n~gayong din~giguin ng Lan~git[24] ang sigao n~g aquing malumbay na voses![25]

Cong siya mong ibig na aco,i, magdusa Lan~git na mataás aquing mababata iságì mo lamang sa púso ni Laura aco,i, minsan minsang mapag ala-ala.

At dito sa laot n~g dusa,t, hinagpis, malauac na luhang aquing tinatauid gunitâ ni Laura sa naabáng ibig siya co na lamang ligaya sa dibdib.

Munting gunam-gunam n~g sintá co,t, mutyâ n~g dahil sa aqui,i, daquilâ cong touâ, higuít na malaquíng hírap at dalita parusa ng táuong lilo,t, ualang aua.

Sa pagka gapus co,i, cong guni-gunihín malamig nang bangcay acong nahihimbíng[26] at tinatan~gisan nang sula co,t, guiliu, ang pagca-búhay co,i, ualang hangá mandin.

Cong apuhapin co sa sariling isip ang suyúan namin nang pili cong ibig, ang pag luhâ niyá cong aco,i, may hapis naguiguing ligaya yaring madláng sáquit.

¡Ngunì sa abá co! ¡sauing capalaran! anópang halagá nang gayóng suyúan cun ang sin-ibig co,i, sa catahimican ay humihilig na sa ibáng candun~gan?

Sa sinapupunan nang Conde Adolfo aquing natatanáo si Laurang sintá co, camataya,i, nahan ang dating ban~gis mo? nang díco damdamín ang hirap na itó.

Dito hinimatáy sa pag hihinagpís sumúcò ang püsò sa dahás nang sáquit, ulo,i, nalun~gay-n~gay, lúhà,i, bumalisbís, quinagagapusang cahoy ay nadilíg.

Mag mulâ sa yapac hangang sa ulunán nalimbág ang ban~gís nang capighatían, at ang panibugho,i, gumamit nang asal nang lalong marahás lilong camatayan.

Ang cahima,t, sinong hindî maramdamin cong ito,i, maquita,i, mag mamahabáguin, matipid na lúhà ay pa-aagusin ang nagparusa ma,i, pilit hahapisin.

Súcat na ang tingnàn ang lugaming anyo nitong sa dálita,i, hindi macaquibô aacaing bigláng umiyác ang púsô cong ualâ nang lúhang sa mata,i, itúlô.

Ga-ano ang áuang bubugsô sa dibdib nang may caramdamang ma anyóng tumitig cun ang panambita,t, daing ay marin~gig nang mahimasmasan ang tipon nang sáquit?

Halos boong gúbat ay na sa sabúgan nang ina-ing-aing na lubháng malumbáy[27] na inu-ulit pa at isinisigao sagót sa malayò niyaóng alin~gao-n~gao,

¡Ay Laurang poo,i,! baquit isinúyò sa iba ang sintang sa aqui pan~gacò at pinag liluhan ang tapat na púsó pinang-gugulan mo nang lúhang tumuló?

Dî sinumpa-án mo sa haráp nang lan~git na dî maglililo sa aquing pagibig? ipinabigay co namán yaring dibdib[28] uala sa gunitâ itóng masasapit.

Catiualà aco,t, ang iyòng carictán capilas nang Lan~git anaqui matibay, tapát ang púsò mo,t, dî nagunamgunam na ang pag lililo,i, na sa cagandahan.

Hindî co acalang iyóng sa-sayan~gin maraming lúhà mong guinugol sa aquin taguring madalás na acó ang guiliu, muc-hâ co ang lunas sa madláng hilahil.

Di cong acó Poo,i, utusang mang-gúbat nang Hari mong Amá sa alín man Ciudad cong guinagauá mo ang aquing saguisag dalauá mong matá,i, nanalong nang perlas?

Ang aquing plumage cung itinatalî nang parang corales na iyóng dalirî buntóng hihin~gá mo,i, naquiqui-ugalî sa quilos nang guintóng ipinananahî.

Macailan Laurang sa aqui,i, iabot, basâ pa nang lúhà bandang isusuut, ibinibigay mo ay nag hihimutóc tacot masugatan sa paquiquihamoc.

Baluti,t, coleto,i, dî mo papayagan madampi,t, malapat sa aquing catao-an cundî tingnan muna,t, bacâ may calauang ay nan~gan~ganib cang damit co,i, marumhán.

Sinisiyasat mo ang tibay, at quintáb na cong sayaran man nang tagá,i, dumulás at cong malayò mang iyóng minamalas sa guitnâ nang hokbo,i, makilalang agád.

Pahihiasan mo ang aquing turbante nang perlas topasio,t, maningníng na rubé, bucód ang magalao na batóng diamante púnô nang n~galan mong isang letrang L.

Hangang aco,i, uala,t, naquiquipag-hámoc nang aapuhap ca nang pang aliu loob; manalo man aco,i, cun bagong nanasoc naquiquita mo na,i, may dalá pang tácot.

Boong pan~ganib mo,i, bacâ nagca sugat di maniniualà cundi masiasat at cung magcagurlís nang muntî sa balát hinuhugasan mo nang lúhang nanatác.

Cung aco,i, mayroong cahapisang muntî tatanun~gin moná cun anó ang sanhî, hangang di malining ay idinarampî sa mga muc-ha co, ang rube mong lábî.

Hindî ca tutugot cundî matalastás, cacapitan monang mag bigla nang lúnas, dadalhin sa jardi,t, doon ihahanap, nang ica-aaliu, sa mga bulaclác.

Iyong pipitasín ang lalong mariquít dini sa li-ig co,i, cúsang isasabit tuhog na bulaclac sadyáng saglit-saglit, pag-uupandín mong lumbay co,i, mapacnít.

At cun ang hapis co,i, hindî masauatâ sa pilic-matá mo,i, dadáloy ang lúhâ na pasaán n~gayón ang gayóng arugâ sa dalá cong sáquit ay di i-apulâ?

Halina Laura,t, aquing cailangan n~gayon, ang lin~gap mo nang naunang arao, n~gayón hinihin~gî ang iyong pag-damay; ang abáng sintá mo,i, na sa camatayan.

At n~gayóng malaqui ang aquing dálitâ, ay dî humahanap nang maraming lúhâ, sucat ang capatác na maca-apulâ cun sa may pag sintang púsò mo,i, mag mulâ.

Catao-ang co,i, n~gayón siyasatin, ibig, tigní ang súgat cong dí gauâ nang cáliz hugasan ang dugóng nanálong sa guitguít nang camay co, paa,t, natataling li-ig.

Halina, irog co,t, ang damít co,i, tingnán, ang hindî mo ibig dampioháng calauang calaguín ang lubid, at iyong bihisan, matinding disa co,i, nang gumaán-gaán.

Ang m~ga matá mo,i, cun iyóng ititig dini sa anyô cong sadlacan nang sáquit upanding mapiguil ang tacóng mabilís niyaring abáng búhay sa icapapatíd.

Uala na Laura,t, icao nan~ga lamang ang macalulunas niyaring cahirapan; damhín nang camay mo ang aquing catauan, at bangcay man aco,i, mulíng mabúbuhay!

N~guní ¡sa abáco! ¡ay sa laquing hirap! ualâ na si Laura,i, laquing tinatauag! napalayo-layo,t, di na lumiliyag, ipinag cánolò ang sintá cong tapát.

Sa ibang candun~ga,i, ipinagbiyayà ang púsong aquin na, at aco,i, dinayá boóng pag-ibig co,i, ipinan~ganyaya linimot ang sintá,t, sinayang ang luhá.

Alin pa ang hirap na dî na sa aquin? may camatayan pang dîco dadamdamín? ulila sa Amá,t, sa Ináng nag-angquin, ualang kaibiga,t, linimot ng guiliu.

Dusa sa puri cong cúsang siniphayò, palasong may lasong natiric sa púsò; habág sa Amá co,i, túnod na tumimo; aco,i, sinusunog niyaring panibughò.

Ito,i, siyang una sa lahat n~g hirap, pag dayà ni Laura ang cumacamandág dini sa búhay co,i, siyang magsa-sadlac sa lingin~gang la-án ng masamáng palad.

O conde Adolfo,i, ilinapat mo man sa aquin ang hirap n~g sangsinucuban, ang caban~gisan mo,i, ipinasalamatan, ang púsò ni Laura,i, cong hindî inagao.

Dito nag-himutóc ng casindac-sindác na umaalin~gao-n~gao sa loob n~g gúbat tinangay ang diua,t, caramdamang hauac n~g buntóng hinin~ga,t, lúhang lumagaslás.

Sa púno n~g cahoy ay napa-yucayoc, ang li-ig ay supil n~g lúbid na gapos, bangcay na mistula,t, ang culay na buroc n~g caniyang muc-ha,i, naguing puting lubós.

Nagcataón siyáng pagdatíng sa gúbat n~g isang guerrerong bayani ang ticas, putong na turbante, ay calin~gas-lin~gas, pananamit moro sa Persiang Ciudad[L]

Piniguil ang lacad, at nagtanao-tano, anaqui ninita ng pag-pahingahán di caquinsa-guinsa,i, ipinagtapunan ang pica,t, adarga,t, nagdaóp ng camay.

Sacá tumin~galá,t, mata,i, itiniric sa bubóng ng cahoy na taquip sa Lan~git, estátua manding nacatayo,t, umíd, ang buntóng hinin~gá niya,i, ualang patid.

Nang magdamdam n~gauit sa pagayóng anyò, sa punó n~g isang cahoy ay umupô nag-uicang "_ó palad_" sabay ang pagtulò, sa matá, ng lúhang anaqui,i, palasò.

Olo,i, ipinatong sa caliuang camay at sacá tinutop, ang noó, ng canan, anaqui mayroong guinugunam-gunam isang mahalagang nalimutang bagay.

