Part 4
Sayang at di nasiyasat ni P. Chirino ang dahil n~g m~ga ganitong galaw, na marahil ay may catuturan. Sa India ay may isang bayan na cung magbatian ang m~ga tao ay tumitigil muna saca, idinuduop ang camay sa tapat n~g pusò (na tahanan n~g damdamin), itinutuloy sa noo (na tahanan n~g isip) at itinitigil sa bibig (na tahanan n~g salita),--na ang ibig sabihin ay bago co salitain ang aking na sa _loob_ ay akin munang _iisipin_ saca co bubukhin sa _bibig_: at di malayong ang gayong pag-galang n~g m~ga tagarito ay may cahulugan ding gaya naman n~g sa m~ga taga Indiang yaon.
Di n~ga caila na sa asal nakikintal ang pagcatao n~g tanang kinapal,--at ang bayang pilipino,--cung bagá ma't di siyang pinacasacdal ay di naman siyang pinacahamac. Marahil ay walang gasinong carunun~gan datapua't paraparang may sacdal na damdamin,--mapagpatuloy sa walang matuluyan, mapagbiyaya sa mahirap, at ito'y namamalas natin mula sa cayamanyamanan hangang sa carukharukhaan. Sa caibigan ay idinadamay ang buhay at sa isang pakitang loob ay iginaganti ang yaman.
Sa m~ga gawain ay gayon din, at ani Morga'y: "ang m~ga tagarito ay may mabubuting licás sa anomang hipuin, malilicsi't matatalino, bagá man maiinitin."
At sa paghahanap buhay ay di rin maliligtaan nino man ang cay Morgang salaysay na anya'y: "Ang gawa't hanap buhay n~g m~ga tagarito (na babae) ay manahi n~g sarisari; gumawa n~g saya, humabi n~g sinulid, at mag-ayos n~g bahay n~g canicanyang asawa't magulang, magbayó n~g palay na bibigasin, at maghanda n~g bala na, mag-alaga n~g manoc at baboy at man~gasiwa n~g bala na sa bahay, samantalang ang m~ga lalaki naman, ay siyang sa pagbubukid, sa palaisdaan, sa pagdadagat at pan~gan~gaso." Ano pa't dito sa licás n~g canilang pamumuhay ay malinaw na natatanghal ang matuid na gampaning isinatao n~g Maycapal, na ang magaang gawa ay sa babae sapagca't mahina at ang mabigat ay sa lalaki sapagca't malacas.
Sa acalá co, sa hangang dito ay sapat n~g makilala ang asal n~g tagarito sa canilang kilos at galaw, n~guni't hindi lamang ito. Sa wica man ay namamalas rin ang asal, palibhasa't siyang calulua n~g bayan: at sa _wicang tagalog_ hangang n~gayo'y nababacas pa sa m~ga batian ang tawag na _Ale_, mang ó mama (amain) Ginoó at iba pa na nagpapakilala n~g pagcamagalang; at gayon din ang tawag na _ka_ gaya n~g _ka Maneng ka Biang_ at iba pa na nagpapakilala n~g pagcacapatiran.
Sa catagang sabi n~ga ay di asal gubat na gaya n~g sabi n~g ibang mananalaysay, cungdi isang ugaling mahal na tangkilikin n~g alin mang lupaing may inimpoc na bait.
=Icasampung Pangcat=
=Pagkakalakalan.=
Ang pagkakalakalan dito na noon pang una'y laganap na bago natuklasan ito n~g m~ga taga Europa ay isa sa m~ga pinakamahalagang bahagi n~g kasaysayan n~g Pilipinas.
Kapagkaraka n~ga, di umano, ay may m~ga sadya n~g pamiliha't tiyangihan ang m~ga bayan-bayan at balabalan~gay, lalong lalo na rito sa Kalusonan at Kabisayaan, ang m~ga karaniwang kalakal ay bigás, palay, isda, kayo, almas, m~ga bun~ga n~g kahoy, hiyas at iba't iba pang m~ga kakainin kasangkapan at m~ga kagamitan sa lupaing ito.
N~guni't bukod sa m~ga pagkakalakalang ito n~g m~ga tagarito ay may pakikipagkalakalan rin sa m~ga kalapit lupain, lalong lalo na sa m~ga taga Malaya na nagsisidayo rito: kaya't n~g dumating rito sina Legaspi ay may isang sasakyan n~g m~ga morong malayo na totoo nilang nakalaban sa pulo n~g Bohol, at anáng m~ga nabihag (na m~ga morong malayo) ay pan~gan~galakal ang kanilang ipinarito. At sa Cebu man ay may nakatagpo rin ang m~ga kastila na sasakyang mula sa Siam na doo'y nakikipagkalakalan.
Sa China at Hapón ay di mapag-aalinlan~gan na ang m~ga tagarito ay may pakikipagkalakalan kapagkaraka dahil sa m~ga kasangkapang insik na dito'y nan~gasumpun~gan noong una, saka maraming katunayan na sa atin ay nagpapatotoo, gaya n~g sulat ni Legaspi kay Felipe II sa España, na anya'y: "Sa dako pa roon niring aming kinatitigilan ay may malalaking pulò na pinan~gan~ganlang Luzón, at Vindoro; na pinaparoonan taon-taon n~g m~ga insic at m~ga hapón, upáng man~galakal. Ang kanilang dala'y seda, lana, porselana, paban~go, tansò, lata, m~ga kàyong babarahin na may culay at iba pa. Sa pagbalic ay nagsisipag-uwi sila n~g gintô at pagkit. Ang m~ga tao sa dalawang pulong ito ay m~ga moro at pagcabili n~g m~ga calacal n~g m~ga insic at m~ga hapón ay kinacalacal naman sa iba't ibang pulò.
"Gayon din ang isang aklat n~g m~ga insic tungcol sa pagcacalacalan na sinulat ni Chau-lu-cua ó Chan Ju-cua na sa pagbangit n~g tungcol sa m~ga lupaing ito ay sinaysay na:
"Pagca ang m~ga sasacyan n~g man~gan~galacal (na insic) ay dumarating sa doon~gang ito (dito sa Pilipinas) ay dumodoong sa isang dacong lual ... na inaaring tiangihan, at doon nan~gan~galacal n~g m~ga calacal n~g lupain. Pagcadoong n~g sasacyan ay inaalayan n~g capitan ang m~ga mandarin n~g m~ga puting payong. Ito naman ay ginaganti n~g m~ga man~gan~galacal upang sila'y pagpakitaan n~g mabuting-loob n~g ginoong ito. Ang m~ga calacal n~g lupaing ay pagkit na dilaw, sinulid, perlas, susô, (ó sigay marahil), m~ga bun~ga n~g cahoy at cáyong yuta (na marahil ay sinamay ó huse ó pinya), ang calacal n~g m~ga insic ay porcelana, ginto, tinga m~ga basong sarisaring culay, cawaling bacal at m~ga carayom."
Ang paraan naman di umano, n~g pan~gan~galacal n~g m~ga insic dito, anáng ibang m~ga mananalaysay ay tinatambol ang canilang _gongs_ pagdating upáng malaman n~g m~ga tagarito na may sasacyan n~g calacal na dumating at agad naman sumasalubong ang m~ga tagarito na sumasacay sa canilang m~ga munting bangca.
Bucod sa nan~gabangit na lupaing ay nan~galacal rin dito marahil ang m~ga taga iba't ibang lupain sa Asia, sapagca't noong siglong ica labing pito, ani P. Delgado, ay nakikipagcalacalan rito ang m~ga taga Malabar, taga Koromandel, taga Bengala, taga Kambodhe, at marami pa.
Balican co uli ang m~ga calacal ay di dapat ligtaan ang calacal na alipin na di umano'y dito napagkikilala ang yaman n~g m~ga tagarito na gaya rin marahil noong panahon nina Abrabam, na ang may pinacamaraming alipin ay siyang pinacamayaman. Ang pinacamalaking pamilihan sa calacal na ito ayon sa m~ga casaysayan ay sa Butuan, (Mindanaw,) na doon nagdadalá ang m~ga tagá Borneo, at taga iba't ibang lupaing calapit upang magbilí, hangang sa nagcamurang totoo, na noong 1573 ay ipinagbili rito sa Maynila, n~g anim na piso't cahati lamang ang isá. At maraming sasacyan dito sa Luzón, anáng isang mananalaysay, ay dumadayo sa Butuan, upáng mamili, sapagca't bucod n~ga sa m~ga bihag n~g m~ga moro roon na ipinagbibili ay nagbibili rin, di umano, pati m~ga insic at hapón n~g m~ga galing namán sa canicanilang lupain.
Gayon din ang calacal na sigay na isa sa m~ga calacal na dinadayo rito n~g m~ga taga Siam, taga Kambodhe at m~ga taga iba pang lupain dahil sa siyang pinacasalapi sa canicanilang lupain.
Bagay naman sa m~ga mahalagang bató rito na ang iba'y kinacalacal n~g m~ga tagarito ay di co na bangitin dahil sa nan~gan~gailan~gan n~g totoong mahabang salaysay sa cayamanan n~g lupaing ito sa m~ga mahalagang bató.
Tungcol sa pagbabayaran ay hindi gumagamit n~g salapi, cung di gintong durog ang itinitimbang na totoong macapal sa lupaing ito anang m~ga mananalaysay. Ang pan~galan n~g m~ga panimbang, ani Dr. Pardo de Tavera, ay pan~galang insic gaya n~g _tael_ ó _tae_ na nababahagi n~g dalawang _tinga_ at isang _tinga_ ay may isang _sapaha_ at isang _sapaha_ ay pitong _sema_ at ang caliitliitan, di umano, ay ang _sangasahe_; n~guni't sa pagtimbang n~g m~ga calacal ay gumagamit n~g _pikul_. At sa pagsucat ay dangcal, sico at dipa ang inuugali. Sinasapantaha rin ni Dr P. de Tavera na dito'y nagcaroon n~g m~ga salaping galing sa India, dahil sa tawag na _salapi_ na pan~galan n~g salapi sa India.
=Ikalabing isang Pangcat.=
=Sasakyang-tubig.=
Ang m~ga tagarito ay gaya rin n~g hapón at ibp. na nagkaroon n~g kanilang m~ga sasakyan-tubig na ayon sa kanilang katha. Kung paano at saan nila pinag-aralang gawin ay di natin batid, bagá man sa akala ko'y sa kamalayahan Ang m~ga sasakyang ito ay siya nilang ginamit sa pamamalakaya n~g isda sa pagtawid-tawid at pagkakalakalan at gayon din sa pakikidigma.
Tungkol sa m~ga sasakyang ito, ani Morga, ay sarisaring hitsura. Ang iba'y m~ga bankáng lulanán n~g kanilang m~ga kalakal na m~ga isinasadsad cung gabi sa m~ga pasigan at baybayin, at ang iba sa m~ga ito ay malakílalakí na iisahing layag at taganás na tablang pinapagduopduop. Ang m~ga ito ang canilang ginagamit sa m~ga ilog at bangbang na nan~galoloob sa lupain. Nagsisigamit din n~g m~ga balan~gay na malalaking sasacyan at matutuling patacbuhin magíng sa unahan at magíng sa hulihan at nacapaglululan n~g maraming mangagaod sa magcabicabilang panig at napatutulin n~g tulong n~g saguan, pangaod at tikin habang tinitimban~gan n~g iba sa magcabilang panig na tuloy tinutugmaan nilang lahat n~g m~ga awit[15] na siya nilang pinagcacaunawaan cung patatacbuhin n~g matulin ó n~g marahan. Sa ibabaw nito ay may isang lapag na nacatatakip sa m~ga mangagaod. Ang lapag na ito ay matibay na nalalacaran n~g m~ga taong pangdigma at nilululanan n~g ayon sa caya n~g sasacyan. Sa lapag na ito naglalagay n~g layag na pinapagtitibay sa dalawang cahoy ó cung may calac-han ang sasacyan ay pinapagtatatlo ang cahoy ó cawayan at ang namamahala naman sa tun~go n~g takbo n~g sasakyan ay sa hulihan lumalagay. Bukod dito'y may hinubugang balangkas na may atip na pawid at siyang ginagamit na pinakakarang kung umuulan ó sumisikat ang araw: anó pa,t, pawang nasisilong ang tanáng lulan. Ang magkabilang panig n~g sasakyan ay may katig na malalaking kawayan na duopduop na baga ma,t, sumasayad sa tubig ay dí nakababagal sa takbo at ito'y siyang tumitimbang na mabuti sa sasakyan at nakahahadlang tuloy sa pagkataob kung sakaling napúpunô n~g tubig. Ngunit may lalo páng malalaki na nakapaglululan n~g isang daang mangagod sa bawa't panig at sa ibabaw ay tatlong pung sundalong pandigma.[16]
Sa m~ga tagarito naman, dí umano, ay maraming marunong tumabas at gumawa n~g m~ga sasakyang-tubig, na lalong lalo na sa Katanduanes na aní Morga ay magagaling na mangagawa ang m~ga tagaroon na nan~gakagágawa n~g malalaki,t matutulin na ipinagbibili nila sa m~ga kalapit pulo. At saká dí umano'y nan~gakagágawa rin n~g m~ga huegong sasampuin at lalabing dalawahin na pinapagsususonsuson at pawang buong puno na pinag-ukáan lamang saka pinapahiran n~g alkitran.
TALABABA:
[15] Ani Colin ay m~ga awit na kanilang isinasaulo at itinutugma na kanilang paggaod sa m~ga sasakyan, at binabangit sa kanilang m~ga pistaha't sayawan at sa lahat n~g gawaing pinagtutulun~gan. Ang binabangit, di umano, sa m~ga pag-awit ay ang m~ga kagilagilalás na pamumuhay n~g kanilang m~ga Dios.
[16] Ang m~ga tagarito, ani Rizal, na di lubhang alan~gan sa m~ga taga Marianas tungkol sa pagdadagat ay dí lamang dí nasulong, kungdí naurong pa sa katalinuang ito, at kung baga man anya't n~gayo'y nakagágawà rito, n~g m~ga sasakyang-tubig ay halos pawang kaanyo na n~g sa m~ga taga Europa. At yaong m~ga sasakyang nakapaglululan n~g isang daang mangagaod at tatlong pung sundalong pandigma ay naparam na; at ang m~ga lupaing ito na noong unang dako ay nakagágawa n~g m~ga sasakyang halos 2000 tonelada ay nan~gan~gailan~gan na n~gayong sa m~ga kalapit lupain magpagawa na gaya sa Hong-Kong upáng doon ibigay ang salaping kinukuha rito sa m~ga mahirap.
=Ikalabing dalawang pangkat.=
=Almás=
Ang m~ga almás na ginagamit n~g m~ga tagarito, anáng m~ga unang nakakita ay pana't bosóg, sibat, sungdang, sandata ó kris, talibong, kampilan, baluti na sun~gay n~g kalabaw na di umano'y sa Siam nangagaling at iba't iba pa na hangang n~gayo'y ginagamit n~g m~ga moro at n~g m~ga taong gubat. Nagsisigamit din n~g sarisaring kalasag at n~g m~ga damit na cuero at iba pa na sa labanan ay makasasangalang sa kanilang katawan.
Bukod dito'y nagsigamit n~g almás na nakapagpapahilagpos n~g maraming sibat, n~g m~ga lantaka ó m~ga munting kanyón: kaya n~g dumating rito di umano, ang m~ga kastila ay nan~gakasumpong dito sa Maynila, Kainta, Taytay at Lubang n~g m~ga kuta na may m~ga lantaka ó munting kanyon.
At dito sa Maynila, anáng ibang m~ga mananalaysay ay nagkaroon n~g pagawaan n~g kanyón at n~g pabubuan n~g pulburá, na di umano'y wari nasa pan~gan~gasiwa n~g isang portugés at n~g isang tagarito na nagn~gan~galang Panday Pira.
Sa Kabisayaan ay wari gumamit din n~g m~ga almás na ito, dahil sa isang sulat ni Legaspi sa hari tungkol sa m~ga morong natuklasan sa Panay, na anya'y: "Itong m~ga huli ay may m~ga artillería (ó pagawaan at pabubuan n~g kanyón, baril at pulburá) na sila rin ang bumububô at gumágawa pati n~g m~ga pulburá at n~g iba't ibang almás" saka niya sinundang "Ipinadadala ko po sa iyo iring dalawang almás na tanso na yari n~g m~ga moro sa lupaing ito upáng paniwalaan po n~g iyong kamahalan ang katalinuan nila sa paggawa at pagbububô n~g m~ga canyón."
Ani J.P. Sanger at n~g m~ga kilalang mananalaysay n~gayon ay sa m~ga insic at m~ga moro marahil nan~gatuto nito.
=Ikalabingtatlong Pangkat.=
=Dating ugali tungcol sa Pag-aasawa.=
Lahat n~g lupain ay may canicanyang caugalian sa pag-aasawa, at ang Pilipinas, palibhasa'y isang lupain, ay may sarili ring caugalian tungcol sa bagay na ito.
Sang-ayon sa ugaling ito cung nag-aasawa ang sinoman ay pinagsisicapan na ang maging asawa ay caangcan at cabalan~gay, maliban sa lubhang malapit na camag-anac na ibinabawal.
Ang sino man ay hindi nacapag aasawa n~g hihigit sa isa, at cung sacaling may ibang kinacasama, ay pinan~gan~ganlang _sandil_; datapwa't, sa Bisaya, palibhasa'y malapit sa Mindanaw, ay inuugali n~g iba ang asal n~g camorohan na nag-aasawa n~g dalawa ó tatlo, bucod pa sa m~ga kinacasama.
Sa pag-aasawa naman ay kinauugalian na ang maginoo ay sa kapwa maginoo, ang timawa ay sa kapwa timawa at ang alipin ay sa kapwa alipin; n~guni't naghahalo-halo rin kung minsan, ano pa't mabuti (ani Rizal) kay sa dating ugali sa Roma at sa ibang lupain sa Kanluran ó Europa na ang may mababang uri ay hindi na naaaring makapag-asawa ó makalakip sa may mahal na uri.
Bago ipagdiwan ang pag-aasawa ay pinagkakayarian muna ang ipagkakaloob na _bigay-kaya_ (dote) na sa Bisaya ay _bugey_.
Ang nagbibigay n~g _bigay-kaya_[17] ó _bugey_ ay ang lalaki,[18] na hindi gaya sa Europa na babae ang nanunungkol nito[19].
Pagkatapos na pagkayarian ang _bigay-kaya_ ó _bugey_ ay ipinagdidiwan ang pag-aasawa. Ang pagdidiwan namang ito ay naaayon sa kalagayan n~g magaasawa.
Ang maginoo kung ibig mag-asawa sa kauri ay nagpapasugo n~g m~ga maharlika ó timawa upang siyang lumakad n~g pag-aasawa niya. Bago yumaon ang m~ga ito ay nagdadala n~g isang sibat, sibat n~g maginoong mag-aasawa, at pagdating sa bahay n~g magulang n~g kakaisahing-dibdib, ay isinasaksak ang sibat sa hagdanan na nilalakipan n~g pagdalan~gin sa kanilang m~ga diyos at m~ga kanunuan upang sila'y kalin~gai't pagpalain sa kanilang pakay. Pagkatapos n~g pagkakasunduan ay ginaganap ang pagkakaloob n~g _bigay-kaya_ na ang karaniwang halaga ay isang daang putol na ginto na maaaring palitan n~g m~ga alipin ó m~ga hiyas. Kung magkagayo'y sumasama ang babae sa pagparoon sa bahay n~g kanyang bibiyanin na pasan n~g isang lalaki at pagdating sa hagdanan n~g bahay n~g magiging asawa, ay nagpapakunwari munang ayaw pumanhik, at sa ganito'y sinasalubong n~g biyanan at pinan~gan~gakuan na pagkakalooban n~g isang alipin; kung makapanhik na, ay nagpapakunwa uli n~g hindi pagtuloy agad, hangang sa di muna pan~gakuan n~g panibago, at gayon din sa pagpapakain at pagpapainom. Pagkatapos n~g m~ga pagpapakunwang ito at pag nagkatabi na ang lalaki at ang babae, ay tumatayo ang isang matanda at sumisigaw na tumahimik ang lahat, saka sinasabing: _Si Gat Maitan ay nakikipag-isang-dibdib kay Dayang Matî; n~guni't kung kanyang pababayaan at hindi niya kakalin~gain, ay iiwan siya at di sasauli sa kanya ang "bigay-kaya", at si Dayang Matî ay mag-aasawa sa iba. Datapwa't kung si Dayang Matî naman ay masamang asal ay babawiin sa kanya ni Gat Maitan ang "bigay-kaya", iiwan siya at mag-aasawa sa ibang babae,_ saka pinasasaksihan sa m~ga kaharap. Pagcatapos nito ay kumukuha n~g isang pingang kanin, lumalapit ang isang matandang babae at hinahawakan ang m~ga kamay n~g m~ga nag-iisang dibdib, na idinuduop muna sa tapat n~g puso saka pinapagkakamay at kung magkayo'y tinatagnan ang pingan n~g kanin at isinasabog sa lahat, saka sumisigaw n~g malakas ang matandang babae na tinutugon naman n~g gayon din n~g m~ga kaharap at sa ganito'y mag-asawa na ang lalaki't babae.
Ang timawa cung mag-aasawa sa capwa timawa ay di na nagdidiwan n~g ganito, cundi pinaglalapit lamang, pinapagsasalo n~g pan~ginoon sa isang lumbó, saca sumisigaw ang matandang babae at mag-asawa na.
At ang m~ga alipin (sagigilir, marahil), palibhasa'y nan~gamaman~ginoon ay di na nagdidiwan n~g ano pa man, cundi sucat na lamang sa pagcacasunduan ay mag-asawa na.
Sa Bisaya naman at gayon din sa ibang lalawigan n~g catagalugan ay may ibang ugali. Mula sa pagcabata ay ipinakikipagkasundo n~g magulang ang canyang anac, at sa ganito'y ipinagpapauna ang calahati n~g _bigay-kaya_ ó _bugey_ na ipagcacaloob na ang tawag sa Bisaya ay _kalabgayan_. Datapwa't cung ang sino man sa magulang n~g lalaki ó babae ay magkulang tungcol sa usapan ay pinarurusahan n~g ayon sa utos at gayon din cung sacaling umayaw ang sino man sa m~ga bata, dahil sa pagsapantahang ang magulan ang nag-udyoc ó humicayat. N~guni't cung ang magulang ay patay na, ay nagsasaulian lamang n~g ipinagpauna at di na naguusapin.
Inuugali rin ang sa paglilingcod ó sa pa ninilbihan na sa Bisaya'y tinatawag na _pangagar_, na ang lalaki ay naglilingcod sa magulang n~g babae hangang sa gayong panahon, at ang cadahilanan n~g ganitong paglilingcod ay upang mataroc ang ugali't asal n~g lalaki cung mácacasundo, na siyang dating caugalian n~g m~ga Hebreo ó m~ga taga Israel: caya't si Jacob ay naglingcod muna sa canyang biyanang cay Laban bago naging-asawa si Rakel.
Pagdating n~g tadhanang panahon ó matapos cayang maibigay ang caganapang _bigay-kaya_ na pinagcasunduan, na ang tawag nito sa Bisaya ay _ligay_ ó _dahik_, ay ipinagdidiwan ang pagcacasal ó pag-aasawa sa ipinaghahanda pa't pinaggugugulan n~g lalaki, ayon sa canyang caya't calagayan.
Datapua't bucod sa _bigay-kaya_ ó _bugey_, na cabuoan n~g _kalabgayan_ at n~g _ligay_ ó _dahik_, ay tungculin n~g lalaki na magcaloob nitong m~ga sumusunod, na lahat ay pawang may canicanyang tawag ó pan~galan: ang caloob na ibinibigay sa pagpanhic sa bahay n~g biyanan ay pinan~gan~ganlang _pasaka_; ang ipinagcacaloob n~g lalaki upang maca upong casiping n~g cacaisahing-dibdib ay _patupar_; ang ipinagcacaloob sa biyanang babae dahil sa m~ga puyat na dinanas at sa gatas na naipasuso sa panahon n~g pag-aalaga, ay _himaraw_ ó _himuraw_ at sa tagalog ay _panghimuyat_ (galing sa salitang pagpupuyat) at di umano'y ang karaniwang ipinagkakaloob ay halagang walong piso; ang ipinagkakaloob sa bumilang n~g _kalabgayan_ ó ipinagpauna n~g _bigay-kaya_ ay _binarian_ at ito'y binibilang sa tugtog n~g kampanang ginagamit at di tinitigilan ang tugtog hangang di matapos ang pagkakasal; ang ipinagkakaloob sa lumakad n~g pag-aasawa ay _himukaw_; kung bao ang babae, ay pinagkakalooban din ang kapatid n~g kinabauhan at pinan~gan~ganlan _himalo_ ang kaloob na ito; ang ipinagkakaloob sa m~ga alipin n~g biyanan ay _pankol_; ang ipinagkakaloob sa natigatig sa bagay bagay n~g pag-aasawa ay _pahinankol_; ang ipinagkakaloob upang maisama ang babae sa bahay n~g lalaki ay _padara_ ó _patabuk_ kung sakaling itatawid pa ng ilog ang ipinagkakaloob, upang mahugasan ang m~ga paa n~g babae pagdating sa bahay ay _pamaú_; at ang ipinagkakaloob sa pag-aalis n~g panyo sa ulo ay _patakas_. Ito'y sa Bisaya n~guni't sa Tagalog man di umano ay ganito rin.
Kung sakaling malaki ang _bigay-kayang_ ipinagkaloob n~g lalaki ay pinagkakalooban naman n~g biyanang kaniya ang anak n~g tinatawag na _pasunod_, na dili iba't isang kuintas na ginto ó dalawa kayang alipin; at ani Colin ay isinasauli ang boong _bigay-kayang_ ipinagkaloob kung maging masunurin ang manugang, at kung hindi ay binabahagi sa m~ga dapat magmana; datapuwa't ani Delgado, ay patanaw-tao lamang na ipinamamalas sa m~ga nagsidalo, dahil sa ang m~ga yao'y hiram na isinasauli pagkatapos.
Sa pagdiriwang n~ga pagkakasal ó pag-aasawa ay humaharap ang _katalona ó babaylona_ na isang matandang babae na siyang tagapan~gasiwa sa m~ga ganitong bagay. Ang lalaki't babae ay nauupo sa dakong kinauukulan nilang upan ó kung dili ay sa kandugan n~g isang matandang babaeng kamag-anak na siyang pinaká-iniina. Pinapagsasalo nito n~g pagkain ang lalaki't babae sa isang pingan at sa pag-inom sa isang lumbo, at pagkakai't pagkainom ay hinihiling n~g lalaki na maging asawa niya ang kanyang kaharap at pagpapaoo n~g babae ay pinagpupurihanan n~g m~ga kaharap na saksi sa pagdiriwang yaon, saka binabasbasan n~g tagapan~gasiwa at tuloy binabati na sila nawa'y guminhawang lubos, magkaanak, magkalupain at magtaglay n~g mahabang pamumuhay. Kung magkagayo,y sumasayaw na sinisibat ang isang baboy na handa na kapagkaraka at dito natatapos ang pagkakasal, saka naman ipinagdidiwan n~g m~ga inanyayahan na pinupuri ang bagong kasal na nan~gagsasayaha't nan~gaglalasin~gan. Ang pagdiriwang ito ay hangang sa paglubog n~g araw at ang iba'y tumatagal n~g ilang araw ayon sa kalagaya't katungkulan n~g ikinakasal.
Kung sakaling di nagkasundo ang lalaki't babae ay nagdadaos n~g panibago at muling naghaharap n~g isang baboy, na sa harap noo'y sumasayaw ang lalaki na may hawak na isang sibat, at habang sinisibat ang baboy ay nakikipanayam sa kanyang _diwata_ ó _dios_ at hinihiling na papagkaisahing lubos ang kanilang kalooban at sa gayo'y inaasahang ang lalaki't babae ay magkakasunod at mabubuhay na payapa.
Kung ang mag-asawa naman, sa kanilang pagsasama ay hindi magkaanak, ay tinutulutan n~g babae na lumakip ang lalaki sa kanilang aliping babae na dati ring kaugalian n~g m~ga Hebreo at ito't ating natutunghan sa Banal na Kasulatan na tinulutan ni Rakel si Jakob na lumakip sa kanyang aliping kay Bala, dahil sa siya'y hindi mag-kaanak.
Tungkol sa m~ga anak, ay ang anak lamang sa asawa ang kinikilalang anak sa kautusan at ang sa _sandil_ ó babae ay hindi.
Kung nagkakaalit, ang mag-asawa ay naghihiwalay, at ang humahatol sa m~ga ganitong sigalot ay ang m~ga kamag-anakan nila't ang m~ga matatanda at ito, ani Rizal, ay lalong mabuti kay sa kautusan n~g m~ga inglés at n~g m~ga frances tungkol sa paghihiwalay n~g mag-asawa, sapagka't sa m~ga ganitong sigalot n~g m~ga kabahay ay makapupong mabuting humatol ang m~ga kamag-anaka't matatanda kay sa sino mang pantas at hukom, magpakadunong dunong man. Basahin ang Kaugalian Pinanununtunan sa kapasla~gan at Sigalutan.
TALABABA:
[17] Ang _bigay-kayang_ ito, ay sinapantaha n~g m~ga manunulat na pagbili sa babae; n~guni't sa akala ko ay dahil sa di nila pagkabatid n~g kahulugan n~g salitang ito na dili iba't kaloob ó handog na ayon sa abot n~g nagdudulot at hindi bayad: kaya't kay Rizal, ang asawang tagalog ay hindi babaeng insik ó aliping mahometana na nabibili sa magulang ó sa _bazar_ upang pagtamuhang lugod n~g asawa ó pan~ginoon; at hindi rin babaeng taga Europa na sa pag-aasawa ay nawawala ang pan~galan, (kundi ang asawang tagalog ay malaya at pinakukundan~ganan, siyang sinasangunian n~g lalaki sa ibang gagawin; siya ring tagapag-in~gat n~g salapi at siyang nan~gan~gasiwa sa m~ga anak na ang kalahati ay kanya ano pa n~ga't ang bigay kayang ito ay hindi bayad, (ani Rizal) kungdi isang alaala sa pagod at puyat na ginugol n~g magulang sa pagpapalaki sa kanya.
[18] Lalong mabuti, ani Rizal, na lalaki ang manungkol n~g pagkakaloob n~g _bigay-kaya_ kay sa babae, dahil na sa ganitong paraan, ay hindi nagkakalalayo ang magmamagulang, samantalang sa Europa, kung magkaasawa ang lalaki n~g mayaman at magkasalapi ay nagkakalalayo na.