Casaysayan ng Catotohanang Buhay ng Haring Clodeveo at Reyna Clotilde sa Reyno nang Francia

Part 3

Chapter 3 3,880 words Public domain Markdown

Pasiya nang Papa ay nang matalastas ang man~ga consejo tua'y dili hamac, magmula na noo'y ang Haring natanyag Principe Pepino na may cayang ganap.

At canilang lubos na napagunaua ang sa cay Salomong man~ga sinalita, na ang isang Haring mapagpaubaya ay matatamarin ang sacop na madla.

Mabuti ang isang Principeng masipag na sa caharia'y marunong lumin~gap, laguing naguiguising ang pusò nang lahat at cung cailan~ga'y madaling igayac.

Pinahiran na n~ga n~g mahal na crisma na galing sa lan~git na nasa redoma nang bunying Obispong S. Esteban bagá't ang boong caharian naman ay nagsaya.

At mula na noo'y pinagcayariang ang Hari sa Francia ay manamanahan at tungcol babaye ay huag payagan na siyang mag-hari cahima't caylan.

Cahit sinong puno sa ibang lupain huag naman nilang papan~ginoonin, ang gayong usapa'y guinananap na tambing pasiya n~g lahat na siyang susundin.

Ang Haring Pepino'y nag-asaua naman sa cay Reyna Berta na dugo ring mahal. Anác n~g dakila na si Herlin Cesar sa man~ga romanong bilang caauaan.

Haring si Pepino Anác ay dalaua na si Carlomagno ang pan~ganay niya, at ang icalaua'y Princesa Lamberta na sulang maningning n~g Amá at Iná.

Niyong tumanda na ang Haring Pepino nahalili naman ay si Carlomagno, siya n~ga ang naguing kilabot n~g turco at sa catapan~ga'y nabantog sa Mundo.

Ang uica ni Turping Arzobispong banal na cay Carlomagnong laguing caalacbay, ang siyang sumulat niyong casaysayan n~g cay Carlomagnong laki't cataasan.

Catauan ay timbang at ayos na ayos na cung pagmalasin ay nacalulugod ang laki at taas at bayaning kilos mamamangha cahit sino mang manood.

Labintatlong dangcal lagay n~g taas at tatlong dangcal ang lapad n~g balicat at tatlo pang punto, at nacagugulat cung siya'y tumin~ging may galit na hamac.

At dalauang terciang lapad n~g balacang ang binti at brazo ay timbang na timbang, cung cumain nama'y macalaua lamang sa maghapo't siyang naguing cagauian.

Di lubhang marami cung cumain siya nang tinapay, n~guni't sa ulam na tupa, icapat na bahaguing nacacain niya cung inahing manoc naman ay dalaua.

Calacasan niya ay cagulat-gulat cung nasa cabayo ay nacabubuhat, niyong isang taong may sandatang sangcap isang camay lamang ay na itataas.

Nang lampas sa ulo caya't sa batalla totoong maraming guinagahis siya, cung humatol nama'y nacaliligaya at di cumikiling sa isa at isa.

Ualang inaapi na cahit sinoman lubhang maauai't malimusing tunay, cung siya'y mag-utos naman ay malubay at di nabubuyo sa di catuiran.

At ang isip niya ay totoong pantas lalo na cung siya'y nakikipag-usap, at tunay na dinidin~gig niyang banayad nang upang hinahong caniyang matatap.

Bago sumasagot ay pinaglilirip upang di masaui siya sa matuid, caya hindi hamac siyang nabubulid sa ban~gin nang cutya na icalalait.

Si Carlomagno rin nama'y nag-asaua doon sa Princesa na si Verenisa, Anác nang guinoong Orondatis bagá na isang dakilang taga Capadocia.

At si Carlomagno'y nag-anác nang anim tatlo ang babaye't lalaki tatlo rin, ang man~ga pan~gala'y na inyong malining ay isa-isa co na sa salaysayin.

Principe Pepino n~galan nang pan~ganay at Príncipe Luis icalaua bilang, na siyang nag-impoc niyong cabanalan caya't si S. Luis de Franciang natanghal.

Infante Carloto ang icatlo bagá ang ica-apat ay Princesa María, icalima'y yaong Princesa Rolana at si Jenaponte ang bunsong Infanta.

Pinaturuan din yaong man~ga Anác nang pananandata't nang dunong na ganap, mahigpit na iniaaral na mag-in~gat sa pag-oosioso't lubos na man~gilag.

Cung siya ay ualang bagay na tungculin librong cabanala'y siyang babasahin, ó luluhod caya at mananalan~gin ang pagdedevocio'y siyang uunahin.

Mahiguit ang caniyang pag-aala-ala sa nan~gagdurusang man~ga caloloua, sa purgatorio't hinihiling niyang sila'y macaalis sa ganoong cusa.

Kinucunan niyang halimbaua bilang ang cay S. Pablong lagdang casulatan, na sa Epistola'y doon sinasaysay ang ganitong uicang nan~gapapalaman.

Balang araw aniya'y ang campon nang Dios cusang pupucauin ang canilang loob, na manaca-naca at upang iluhog ang sa purgatorio'y nagdurusang lubos.

At gumagaua nang gauang cagalin~gan nang upang malayo sa tucsong caauay, na humihicayat sa capahamacan nang tayo'y mahulog sa canilang camay.

Sa Reynong Akisgran at sa Alemania ay nagpatayo siya niyong tigalaua, na man~ga Simbahan, at tigalaua pa ang ipinagauang man~ga Beateria.

Na pinacainam ang Simbahang ito niyong pagcayari sampon nang Convento, ipinagcaloob sa cay S. Benito niyong Emperador na si Carlomagno.

At ipinatungcol yaong Beateria sa capurihan n~ga nang dalauang Santa, ang isa ay sa cay Santa Catalina at saca cay Santa Potencianang isa.

Hustong-hustong lahat yaong cagayacan may Altar at sarisaring casangcapan pauang man~ga pilac at ang guintong lantay ang caliz at cupon at ang Bril naman.

Bordado nang guinto ang sa Paring damit na ang pagca-ayos ay pinacarikit, anopa at cahit sino mang magmasid ay uala nang pintas na maisusulit.

Ang Simhabang yaon nama'y inialay sa Vírgen Maríang man~ga capurihan, baua't isa nama'y caniyang binigyan nang haciendang siyang gugugulin bilang.

Nang si Carlomagno'y macatalastas na niyong carunun~gang man~ga iba't iba, macaitlo namang dumadalaw siya sa maghapon, doon sa Simbahang sadya.

Cung Domingo't fiestang pan~gilin ay lahat nang caniyang sacop ay pinatutupad, tuloy naglilimos sa nan~gasasalat nang sa cabuhayan nila'y nararapat.

Lalong lalo nan~ga ang man~ga Simbahan na duc-ha at ualang sucat na pagcunan, binibigyan niya nang malaking yaman at tungcol sa Dios ang ganoong bagay.

Sa bayang Cristiano cahit hindi sacop ay caniyang pinadadalhan din nang limos, maguing sa caniyang tunay na vasallos ang saclolo niya ay di nalilimot.

At sa taón-taó'y nagpapadala rin nang limos sa Reyno niyong Jerusalem, at sa iba't ibang Reyno ay gayon din taglay nang caniyang pagcama-auain.

Sa nan~ga sasalat na ualang pagcunan ay namamahagui niyong cayamanan, sa tanghali't siya'y cung cacain naman binabasahan nang librong cabanalan.

May lector na yaon ang sadyang tungculing siyang bumabasa capagcumacain, at ang adhica niya'y dapat na busuguin nang gracia, ang man~ga caloloua natin.

Cung binubusog man natin ang catauan nang man~ga pagcaing sari-saring bagay, caloloua'y dapat na pacanin naman niyong masaganang gauang cabanalan.

Kinauiuilihang basahing parati ay yaong librong Divicitate Dei, sinisira niya ang tulog sa gabi at sa pagcahimbing ay di nauiuili.

At sa isang tao'y macalaua bilang ang virey niya na inuutusan, na magsisiyasa't sa nasasacupang provincia't Ciudades Villa't man~ga bayan.

Sa lahat nang puerto, ay inuusisa ang tungculin nila sa pag-aalaga, at cung ginagaua ang pan~gan~gasiua nang pagca-justicia sa sacop na madla.

Cundi gumagaua nang man~ga pag-api sa hamac, ó maguing sauing malaki, ang pagpapalagay nila'y cung mabuti cung isa ang tin~gin sa guino't imbi.

At yaong paghatol ay cung nababagay sa hustong matouid at di nasisinsay, sapagca't maraming iba ang palagay na canilang man~ga pinagpupunuan.

Cay Vayceto namang man~ga pan~gun~gusap aniya'y mararaming aliping pan~gahas, sa pan~ginoon n~ga't sa hindi pag-ganap niyong catuiran at nan~galilinsad.

Nang sa cay Aáron namang maunaua ang Hari sa Francia sa ganoong gaua, na si Carlomagno'y nalugod na cusa sa camahalan at bait na sagana.

Isang Elefante nagpadala ito na mayhilang isa na carrong dorado, na ang lula'y bangcay ni S. Cipriano at ni Espiratus na isa rin Santo.

Saca yaong ulo ni S. Pantaleon tanda nang pag-ibig niyang mahinahon, saca cay Carlomagno, mula nang manoynoy ang magandang gauang sa Dios ay ucol.

Nang cay Carlomagnong regalo'y matangap malaki ang toua at pasasalamat, sampon nang nagdala'y lubos na linin~gap at minahal niya nang sa puso'y tapat.

Iguinalang nan~ga ang man~ga catauan niyong man~ga Santong sa Dios na hirang, at ipinalagay doon sa Simbahan at maraming taong nag-devocion naman.

Si Carlomagno n~ga'y mulang putun~gan siya niyong corona Imperial sa Roma, noo'y linooban naman ang Patriarca sa Jerusalem nang man~ga turco baga.

Totoong marami ang man~ga cristiano na pinagpapatay niyong man~ga turco, caya't sumanguni sa bagay na ito siya sa matandang man~ga Caballero.

Nang tungcol sa guerra ay naca-aalam niyong sari-saring bagay na paraan, iba sa canila'y cahit masira man ang dan~gal ay tacot na sila'y mapatay.

Caya't ang uinica'y makipagyari na sa man~ga turco at man~gaco na sila, nang anomang bagay at nang di muli pa na sila'y patayi't yaon ang pan~gamba.

Anopa't noon din ay sila'y nag-atas niyong embajadang makikipag-usap, tanang sasabihin ay nang maisaad yaong inutusan pagdaca'y lumacad.

Sugong embajada ay nang ipamalay ang hiling na yaon ay ang casagutan, ang Ciudad na yaon ay canilang iuan at sampon nang lahat na ariarian.

Tanang casangcapan at man~ga sandata gayon din ang lahat na man~ga hacienda, ang bagay na yao'y n~g matanto nila nan~gagsang-usapan sila capagdaca.

Na sila'y humin~gi nang araw na taning na malaon-laon n~guni't di pinansin, niyong man~ga turco, caya n~ga't uala ring makitang paraang huag mahilahil.

Gayon ma'y sa aua nang Dios na Amá at sa tulong nang mahal na gracia niya, nasoc sa canilang man~ga ala-ala ang cay Carlomagnong loob na maganda.

Sampon pa nang taglay na cabayanihan at yaong loob niyang cabutiha'y sacdal, ang caniyang pagcamaauaing tunay sa nan~gasasahol na cahit sinoman.

Ang guinaua nila sa bagay na ito ay ang man~ga susi nang Sto. Sepulcro, ay ipinadala sa cay Carlomagno sampong estandarte nang nubos sa tao.

Pumanaw noon din yaong embajada at cusang tinun~go ang Imperiong Roma, sumulat din naman yaong Patriarca at cay Constantino ay ipinadala.

Sa Constantinopla, n~guni't hindi ito yaong Emperador na si Constantino, na humanap bagá nang Cruz ni Cristo na ipinanglunas sa sala nang tao.

Yaong casabihang Constantinong yaon Anác ni Constanciong bunying Emperador, at nang Emperatriz Elenang gumugol nang pagal at yamang hindi sasan~gayon.

Ang sa Patriarcang sinulatang ito bilang pan~galauang Haring Constantino, ang pinagsabiha't hinin~gang saclolo nang gagauin niyang munacalang bago.

Nang cay Constantinong tangapin ang sulat at ang nalalama'y pauang matalastas, ay noon din nama'y inutusang agad ang Príncipe Leon na caniyang Anác.

Pinasamahang cay Juan de Napoles at saca sa nan~gan~galan pang si David, dalaua pa ring Hebreong sasanib Samuel Isaac sa historiang sulit.

Sila ang piniling man~ga embajada sa cay Carlomagno sa Imperiong Roma, na may dalang sulat na nilagdang sadya niyong Emperador Constantino bagá.

Calakip din yaong sa Patriarcang liham tan~gi sa titic niyang gayari ang saysay cagabi aniya'y napakitang tunay na akin, ang isang babaying maran~gal.

Na ang carikita'y caguilaguilalas uica'y Constantino'y ang laguing pagtauag, at iyong pagsamo sa Dios na uagas na icaw ay bigyan nang tapang at lacas.

Sa cuhilang turco n~g pakikilaban na doon sa tierra Santa'y nagtatan~gan, sa iyong malaking nasa'y cailan~gan na si Carlomagno ay macaalacbay.

Itinuro yaong Caballerong isa na butihi't lubhang malaking halaga, ang gayac, at yaong sibat at espada'y apoy ang sa talim ay nagsisibuga.

Na tumitilamsic ang tapon n~g nin~gas ang muc-ha'y maganda't gayon din ang ticas bulagáw ang matá't mahaba ang balbas buhoc ay bago pang may puting mamalas.

Caya Emperador huag pong hindi ca sa lacad na ito'y mangyaring sumama, sumunod sa utos nang Dios na isa't magpasalamat sa iyong caloloua.

Sa pagca-justicia'y n~g huag masinsay gaya nang balitang man~ga cabutihan, na guinagaua mong malaon nang araw sa man~ga sacop mo't maguing pa hindi man.

Ipinalagay ca niyong Poong Dios na sa cagalin~gang gaua ay mauulos, n~g cay Carlomagnong sulat ay matalos ang luha sa matá pagdaca'y umanod.

Sapagca't ang Santo Sepulcrong mahal ay nasa sa camay n~g hindi binyagan, nang oras ding yaon ay nag-utos naman doon sa cay Turping Arzobispong hirang.

Na sa caharia'y iaral na tikis ang gayong balita na cahapis-hapis sa bagay na yaon ay nang matigatig ang loob nang tao't maguising ang isip.

Guinanap ding agad niyong Arzobispo na ipinan~garal doon sa Imperio, maraming nagnin~gas na loob nang tao na nagsipagdamdam sa bagay na ito.

Caya n~ga at noong hucbo ay ilacad maraming sumama na nan~gahicayat, at nan~gagsitapang na di hamac-hamac at nagcusang loob nang pakikilamas.

At niyong ilacad yaong ejército ang punong general ay si Carlomagno, maraming casamang Hari't Caballero Duke, Conde't Markes at ibang guinoo.

Minagaling nilang tikis na panauan ang asaua't Anác ari't cayamanan, sa malaking nasa nilang isangalang yaong tierra Santa na linapastan~gan.

Yumao na silang tinauid ang dagat nang magsiahon na'y parang ang tinahac, at ang cagubatan nang Tarquiang malauac nang man~ga bayaning pauang nagagalac.

Sapagca't nang bagong lalacad ang tropa ay si Carlomagno'y nagpahayag muna, nang pakikilaban na gagauin nila nang upang hinahong camtan ang victoria.

Dahil sa magandang gagauing paraan man~ga loob nila'y sumigla't tumapang, n~guni at nagdamdam silang cahirapan nang tahakin nila yaong caparan~gan.

Na may habang man~ga labinlimang legua at may sampong leguas naman yaong lapad, mahiguit na dalauang oras na linacad at dalauang gabi bago nacalampas.

At ang nasumpong pa'y leong caramihan man~ga tigre't oso, lobo at halimaw, sa canilang hucbo ay siyang nagbigay nang lubhang maraming man~ga casamaan.

Lalo na sa gabing canilang pag-idlip doon nangyayari ang lalong pan~ganib, dahilan sa gaua niyong mababan~gis na hayop, na ualang auang magpasákit.

Tan~gi pa sa roo'y ang pighati nila doon sa paglacad ay nang maligaw na, bakit sa pagcain nila'y kinapos pa, saca man~ga pagal cung caya nan~gamba.

Man~ga loob nila'y lubos na namanglaw nang sila'y gabihin sa nasabing parang, sa di pagcataho nang pagdaraanan dahil sa nangyari nilang na pagcapaligaw.

Sa cay Carlomagnong ipinatugtog na ang guinbal, na tanda nang pagpapahin~ga, at ipinag-utos na lumagay sila sa libis ó ban~gi't magbantay ang iba.

Yaong man~ga hindi lubhang napapagod at siyang magtangol sa nan~gatutulog, sa magsisisiláng maban~gis na hayop na nagpapahirap sa man~ga soldados.

Nang maiayos na ang lahat nang caual at ang gutom nila'y nang mapauing tunay ay si Carlomagno pagdaca'y lumagay sa puno nang isang malaking halaman.

Siya'y lumuhod na't nanalan~gin doon at nagmaca-aua sa Dios na Poon, na sila'y iligtas sa madlang lingatong at matausan din ang canilang layon.

Nagpapacumbabang luha'y tumutulo sa gayong caniyang pagmamacaamo, hibic at pagluhog na taos sa pusò at man~ga pagdaing at buong pagsuyo.

At pinasimulan yaong pagdarasal nang sa Dios bagang man~ga capurihan, sa dasal na verso'y nang dumating naman may voces nang ibong siya'y napakingan.

Na ang uica'y tunay na narin~gig ca na nang pagdalan~gin mo sa Dios na Amá, gayon man ay di rin tumitiguil siya hangang sa dumating sa verso pang iba.

Ibon ay muli pang nagsabing malacas na narin~gig cana niyong pagtauag, nang cay Carlomagnong yao'y matalastas sa man~ga pinuno'y nag-utos na agad.

Lahat nang soldado ay ipinalagay sa mabuting ayos niyong pagcahanay, at pinagsabihan nang panghihinapang lumacad nang siya ang nasa unahan.

Sinusundan nila'y ibong lumilipad na bilang patun~go doon sa paglacad, anopa't natunton ang tunay na landas caya n~ga't toua nila'y hindi hamac.

Pinagca-alama't magpahaga n~gayo'y laguing nakikita ang nasabing ibon, nang nan~galiligaw sa gubat na yaon pinapatnuguta't daa'y nang matunton.

Sa gubat na yao'y nang macalabas na yaong Emperador at casamang tropa, isang daang libo ang natanaw nilang turcong bucod-bucod ang pulutong bagá.

At cung caya naman nila natalastas ay may lihim silang taga pagsiyasat, at cung magagaling ang sandatang sangcap nang magaua nila ang lalong marapat.

Pinacabuti na ang canilang ayos at nan~gagsigamit nang tanda nang Cruz, nanalig na paua sa aua nang Dios at nagpacatapang nang canilang loob.

Niyong matapos nang ihanay ang caual sa lalong mabuting man~ga catayuan, at inaatas na ang man~ga paraan na marapat gauin sa pakikilaban.

Sinimulan na n~ga ang pagbabatalla nang dalauang hucbong leon ang capara, tapang nang cristiano ay cataca-taca sa dahas at licsi nang pananandata.

Ang cahalimbaua'y tigre at halimaw niyong paghandulong sa man~ga caauay, magcabi-cabila'y nagcalat ang bangcay niyong man~ga turcong canilang calaban.

Nang ualang magaua sa pakikilaban at napipipilan nang pananandata, nang di macasaho't nasasahol sila ay nan~gagtacbuhan silang para-para.

Pumasoc sa Ciudad niyong Jerusalem at adhicang doon man~gag-sisitiguil, n~guni di nangyari't sila'y inusig din nang man~ga cristiano saan man dumating.

Anopa at sila'y hindi tinugutan hangang di naubos na pinagpapatay, nang uala na cahit ni isa mang buhay doon ay sila na ang namuno naman.

Yaong Santong lugar ay nang mabaui na sa camay nang turcong man~ga palamara, ay si Carlomagno't lahat nang casama ay doon na muna sila nagpahin~ga.

Nang macapagpaui na sila nang pagal sa bunying Patriarca ay nagpapaalam, binibigyan sila niyong cagantihan guinto't pilac sampong batong bagay-bagay.

Bunying Emperador na si Carlomagno at gayon din yaong Haring Constantino, ay hindi tumangap nang handog na ito niyong Patriarcang humin~ging saclolo.

Kinilala nilang tunay na nag-utos sa canila'y yaong darakilang Dios, at ang catapan~gan sa pakikihamoc nila, ay Dios din yaong nagcaloob.

Sa guinauang yaong di pagtangap nila ang uinica naman niyong Patriarca, cung gayo'y ang ualang timbang na halagá ang aking sa inyo ay ipakikita.

Cayong lahat n~gayo'y hustong tatlong araw na man~gag-colacio't tuloy magcumpisal, at man~gagcomunion sa kinabucasan na sinoma'y huag pasalahin lamang.

Malabis ang touang canilang tinangap at noon din sila'y nagcolaciong lahat, nan~gagcompisal di't comunio'y ginanap hiling nang Patriarca ay pauang tinupad.

Tanang cautusa'y nang mairaos na ay humirang naman nang labindalaua, na man~ga guinoo at iniatas niyang ilual sa Cofre ang tanang Reliquia.

Yaong Emperador Carlomagno naman ay sa Arzobispo siya'y nagcumpisal, at tuloy rin namang siya'y nakinabang ayon sa Iglesiang man~ga cautusan.

At yaong pinili na labindalawa ay pinasimulan yaong pagcacanta, nang Letania't Salmos namang iba't ibang pagbibigay puri sa Dios na Amá.

Saca ang Prelado doon sa Napoles na cagalang-galang na ang n~gala'y David, binucsan ang Cofreng doo'y nasisilid ang cay Jesucristo na coronang tinic.

Ang takip nang Cofre ay nang maibucas ang samyo nang ban~go ay humalimuyac. na nagbigay aliw sa tanang caharap asa nilang na sa Paraisong lahat.

Noo'y natiguib nang pagsampalataya ang cay Carlomagnong puso't caloloua, siya ay lumuhod na caracaraca na namamalisbis ang luha sa matá.

Casabay ang hibic at man~ga pagluhog sa di matingcalang maauaing Dios, at ang Pasión niya'y nang lalong mabantog ang bagong himala'y ipinagcaloob.

Sa oras ding yaon namang capagdaca ang coronang tinic nang nacop sa sala, nagsipamulaclac na caayaaya ang samyo nang ban~go ay ualang capara.

Na nacabubusog sa naroong lahat caya n~ga't ang toua nila'y hindi hamac, at niyong han~guin ang Santos Reliquias ay lalong maraming himalang namalas.

Tanang man~ga lumpo, bulag sampong pipi ang pilay ay bucot sampong man~ga bin~gi, gumaling na lahat caya't di masabi yaong cagalacan sa gayong nangyari.

Ang man~ga leproso ay gayon din naman caya't nagpupuri silang walang humpay, ang dakilang ban~go'y sumikip sa baya't nasamyo nang lahat yaong casarapan.

Malacas na voces ay narin~gig nila uica'y cabuhayan n~gayon nang lahat na, at ito ang araw nang mahal na graciang caloob na tunay nang Dios na Amá.

Tatlong daa't lima ang man~ga may sakít sa araw na yao'y gumaling na tikis, caya n~ga't sa puso nila'y nan~gatitic ang himalang yaon nang Dios sa Lan~git.

Ang Prelado Daniel ay cumuha naman niyong isang paco nang nacop sa tanan, at sa relicariong guinto'y ilinagay isang bagong taong gumaling ang damdam.

Capagcabata nang ipan~ganac siya at ang calahati nang catauan niya, ay tunay na tuyo capagcaraca na cung caya n~ga hindi macakilos bagá.

N~guni at dahilan sa pacò ni Cristo'y biglang nacalacad ang nasabing tao, at naparoon nang halos tumatacbo sa Simbahang hayag na cay S. Sabino.

Doon n~ga pinuri't pinasalamatan ang aua n~g Amáng macapangyarihan, at ang sakít niyang pinagcalabasan gumaling na tila nagdahilan lamang.

At sa Alemania naman ay gayon din maraming may sakit yaong pinagalin, sampon nang Enano ay lumaking tambing at sa cahustuhang anyo ay tumiguil.

Ualang di gumaling na man~ga may damdam doon sa Reliquias nang nacop pa tanan, caya't nan~gagpuri nang di ano lamang sa Dios na ualang hanggang caauaan.

At saca isa pang sangol na patay na ang muling nabuhay na cataca-taca, dahil sa cay Cristong pacong mahalaga'y siyang naguing lunas na nagpaguinhaua.

Saca nang dumating doon sa Aquisgran ay huminto sila sa isang Simbahan, at sa isang Altar nila ilinagay ang Santas Reliquias ni Jesús na mahal.

Ang Simbahang yao'y sa mahal na Virgeng Nuestra de la Salud, at siya'y nagbilin, na sa taón-taó'y huag pasalahin na ang cafiestaha'y pilit gaganapin.

Sa buan nang Junio ay ipamamalas sa lahat nang tao ang Santas Reliquias, at man~gag-cacamit sila nang plenarias yaong Indulgenciang sa sala'y patauad.

Pasiya nang Papa ang bagay na ito nang ipagcaloob sa cay Carlomagno, caya't guinaganap nang man~ga cristiano na tunay na lingcod nang Poong si Cristo.

Ang Simbahang yao'y pagaua rin naman niyong Emperador Carlomagnong hirang, caya n~ga't ang bilin ay nang maisaysay siya'y nagbalic na sa palacio real.

Magmula na noo'y nabalitang tikis ang cay Carlomagnong cabutiha't bait, siya ang nagtatag niyong Doce Pares taglay nang caniyang cagandahang isip.

Sa pagcabayani ay siyang nabantog na pa man~ga turco ay naguing kilabot, ganon dín sa lahat nang nan~gasasacop ay lubhang hinahong cung siya'y mag-utos.

At sa Dios nama'y lubos ang pag-galang maguing sa Iglesia na cay Cristong halal, sinusunod niyang ualang caliuagan ang bilin at utos at ang man~ga baual.

Caya't ang caniyang magagandang gaua siyang dapat cunang uliran nang madla, at sa man~ga puno'y isang halimbaua nang casarapang lumin~gap sa capoua.

Hindi sa sarili lamang lumilin~gap at iisa yaong pagtin~gin sa lahat, maguing sa mayaman at sa man~ga salat sa caniya'y ualang mababa't mataas.

Di gaya nang Haring si Herodes na sakim sa yama't caran~galang labis, caya n~ga't sa gauang yao'y ang nasapit doon sa Infierno cusang nagcasakit.

At gayon din yaong si Poncio Pilatong hocom na humatol sa Poong cay Cristo, sa tacot sa bala niyong man~ga judio na ipagsusumbong siya cay Tiberio.

Na siya ay isa bilang casapacat nang ipinaghablang mahal na Mesias ay baca alisin sa tungkol na hauac cung caya humatol nang hindi marapat.

Cahi't alam niyang ualang casalanan ay ipinasiyang si Cristo'y mamatáy, nang sa cay Tiberio'y ipagsabi naman gauang lihis niya'y siyang hinatulan.

At ipinahuli na guinapos siya tuloy tinubun~gang hayop ang capara, at noon din siya ay ipinadala doon sa caniyang bayang Tarragona.

Na uala ni cahit banig man ó cumot caya n~ga't sa lupa lamang natutulog, at di iniiuan nang sundalong tanod hangang sa ang búhay niya ay natapos.

At nang makitil na ang tan~gang hinin~ga'y ibinulid naman yaong caloloua, doon sa Infierno't dusang ualang hanga at uala cahima't camunting guinhaua.

Pagca't si Pilato ay hindi binyagan siya'y nalalabas cay Cristong baunan, caya't suson-suson yaong cahirapan at di matatapos magpacaylan man.

Dahil sa mayroong lumabas na auit na dili umano'y na akyat sa lan~git, yaong si Pilato, ito'y sabing lihis nang nagsasalita ay di iniisip.

Ipinahahayag niyong Evangelio na ang di tumangap nang Agua Bautismo, ay di nagcacamit nang Lan~git sa Reyno at ang matatamo'y hirap sa Infierno.

Camaliang tunay yaong pan~gun~gusap na si Pilato ay sa Lan~git na akyat, at ang nabasahan ay librong salun~gat ó lic-ha nang budhing lubos na pan~gahas.

Kinacailan~gang anomang gagauin nang tao, ay dapat munang iisipin, at sala sa Amáng lumalang sa atin at tatauanan pa nang macalilining.