Buntong Hininga Mga Tulang Tagalog
Part 2
Tingkad n~g pagasa, tuhog n~g kampupot, kudyapi n~g palad, tamis n~g pagirog, watawat na sipi sa lalong matayog na kaligayahang hindi mauubos, haligi n~g buhay na di matutupok n~g apoy n~g samang dito'y nagsianod, bathala n~g gandang kung siyang magutos sa matatakuti'y mawawalang takot.
VI.
Iyan ang si Choleng na sadyang mayumi't laman n~g panulat na kahilihili, iyan ang larawang aking binabati at isang dalagang hiyas nitong Lahi, iyan ang diwatang ang paguugali'y mayamang talaan n~g saya't lwalhati, iyan ang sampagang ang samyo, ang uri'y pawang kapalarang walang pagkapawi.
VII.
At n~gayo'y araw mo! N~guni't ano kaya ang maiaalay sa isang himala? Walang wala Choleng! Hindi m~ga tula, ni hindi pan~garap sa gitna n~g tuwa, kundi m~ga mithing: _buhay_, _lakás_, _tyaga_, ang sa talaan mo ay man~gapatala, iyan ang mabuting kalasag na handa upang sapitin mo ang inaadhika.
VIII.
Basahin pa Choleng sa aklat n~g buhay ang tingkad n~g aking dalan~ging dalisay; "Buhay mo'y maglayag sa kaligayahang pan~garap n~g lahat sa Sangkatauhan. Isang pagtatapat: Sa lupang ibabaw ang palad n~g madla ay isang digmaan, ang iyong paglakad ay pakain~gata't ang buhay n~g tao'y panaginip lamang.
TINDING...
Magsabi ang Lan~git kundi ikaw'y talang Nagbigay sa akin n~g tuwa't biyaya, Magsabi ang lahat kung hindi diwata Ikaw n~g lalo mang pihikang makata.
Ikaw'y maniwalang ang musmos kong puso'y Natuto sa iyong huma~ga't sumamo, Sisihin ang iyong dikit na nagturo Sa kabuhayan ko, n~g pamimintuho.
At sino sa iyo ang hindi hahan~ga? Ikaw'y paralumang batis n~g biyaya, Pakpak n~g pan~garap at Reyna n~g awa.
Ang dilim n~g gabi sa aki'y natapos, N~gumiti sa tangkay ang m~ga kampupot, Gayon ma'y narito't puso ko'y busabos.
Noo'y isang hapon...
(Kay......................)
Noo'y isáng hapon! Ikaw'y nakadun~gaw At waring inip na sa lagay n~g araw, Ang ayos mo noon ay nakalarawan Sa puso kong itong tigíb kalumbayan.
Anománg gawin ko'y hindi na mapawi Ang naging anyo mong pagkayumi-yumi, ¡Itóng aking pusong nagdadalamhati'y Tinuruan mo pang umibig na tan~gi!
Kung nang unang dako'y hindi ko nasabi Sa iyo ang aking tunay na pagkasi Ay pagka't ang aking puso ay napipi Sa haráp n~g dikít na kawiliwili.
Sa n~gayo'y naritó at iyong busabos Ang aking panulat at aking pag-irog; Ang aking panitik: walang pagkapagod, Ang aking pag-ibig: walang pagkatapos.
Kung pan~garapin ko ang lamlam n~g araw At nagíng anyo mo sa pagkakadun~gaw Ay minsang sumagi sa aking isipang "¿Ikaw kaya'y aking magíng Paraluman?"
Daglian...
(Sa iyo rin...)
Kung sa iyong pag-iisá O sa iyong pagbabasá Ay may matutunghayan ka Na tunay na sumisintá, Yaón ay wala nang ibá Kungdi akong nagbabatá.
Akin na n~gang naiulat sa iyo, ang aking palad, N~guni't ang aking panulat Ay di makapagsisiwalat N~g _layon_ ko at _pan~garap_. Kakambal ko kaya'y hirap?
Tinding: ikaw'y maniwala Na ang aking puso't diwa Sa iyo'y sangla kong pawa; Ang puso ko'y humahan~ga, N~guni't umíd itong dila, Ito kaya'y malikmata?
Ang may pagsintang malabis Ay umid at nahahapis, Ligaya na n~gang masilip Yaong kanyang nilalan~git, ¿Tubsin mo kaya sa sakit Ang pagkasi kong malinis?
Unang damdamin!
(Sa iyo.....)
I.
Bathala n~g ganda! Hindi kailan~gang sa aki'y magtaka sakaling alayan n~g paos na tinig n~g aking kundiman, pagka't alam mo nang diwata kang tunay.
II.
Ikaw ang pumukaw sa aking panulat upang maawit ko ang yumi mong in~gat, ikaw ang sa aking kalupi n~g palad ay unang nagtitik n~g isang pan~garap.
III.
Ipagpatawad mong sa iyo'y sabihing ikaw ang bathalang pumukaw sa akin, ikaw ang nagbukas sa aking damdamin n~g lihim at unang pinto n~g paggiliw.
IV.
Kundi kasalanan ang gawang tuman~gis ay ibilang mo nang kita'y iniibig at kung ang luhog ko'y iyong ikagalit ay ibibilang kong isang panaginip.
¡INFIERNO....!
Tinatakhan mo ba ang aking pag-irog? Dinaramdam mo ba ang aking paglimot? Huwag kang mamangha't di mo masusubok ang kadalisayan n~g aking pagluhog.
Sa aki'y di sukat ang m~ga babae, sa aki'y di sukat ang iyong pagkasi, ako'y inianak sa pagkaduhagi kaya't magagawa ang minamabuti.
Ako'y malilimot kung siya mong nais at pakasumpain sa silong n~g lan~git, ikaw'y may laya pang sa iba'y umibig pagka't may ganda kang hiraman n~g awit.
Subali't alaming... ikaw'y masasayang kung mahihilig ka sa ibang kandun~gan, sapagka't ang ating nan~gagdaang araw ay di malalanta sa iyong isipan!
Ang lahat sa lupa'y iyong mahahamak at maaari kang magbago n~g palad, n~guni't susundan ka sa iyong paglakad n~g isang anino n~g ating lumipas.
Iyong magagawa ang ako'y limutin at matitiis ko ang pagkahilahil, iyo mang isangla ang iyong paggiliw sa ibang binata'y... di ko daramdamin!
Kung tunay mang _lan~git_ ang iyong pagkasi'y isang _Infierno_ ring aking masasabi, bihira sa m~ga magandang babae ang di salawaha't taksil sa lalaki.
Limutin mo ako kung siya mong nasa't saka pa umibig sa ibang binata, ang pagtataksil mo'y di ko iluluha pagka't ang babae'y taong mahiwaga.
Ang paglilihim mo'y aking kamatayan, ang ginagawa mo'y parusa n~g buhay, kundi ka tutupad sa bilin ko't aral ay ako'y walin na sa iyong isipan.
Di ko tinatakhan ang palad n~g tao sapagka't ang lahat ay mayrong Kalbaryo kung ang aking puso'y iyong _Paraiso_, ang iyong pag-ibig ay aking _Infierno_.
¡Kamanyang...!
I.
Ang hapong malamlam ay naging tadhana n~g bagong panahon sa aklat n~g diwa, ang gabing madilim na di nagsasawa sa pagmamaramot sa m~ga biyaya ay naging umagang sa aking akala'y batbat n~g bulaklak na lubhang sagana, ang buwang mayuming ayaw magmagara ay naging dalagang kaagáw n~g tala.
II.
Ang m~ga aliw-iw n~g palalong tubig sa kabuhayan ko'y naging m~ga tinig n~g lalong mapalad sa silong n~g lan~git, ang kulay n~g hirap na namimiyapis ay biglang nagmaliw na di ko malirip, ang mundo kong batbat n~g luha at sakit ay naging mundo na n~g Haring makisig ó isang palásyong malayo sa hapis.
III.
Ang tikóm na labi n~g m~ga sampaga'y namukád na bigla't naglabing ligaya, ang dilim at ulap n~g aking pagasa'y naging bagong araw na di magbabawa, ang kukó n~g hirap at, ban~gis n~g dusa'y naging m~ga hamog sa dapit umaga, ang guhit at ulos n~g m~ga parusa'y naging m~ga n~giti n~g bagong Ofelia.
IV.
Huwag kang magtaka, dalagang mayumi sakaling sabihing sa aki'y napawi ang tinik n~g dusa't m~ga dalamhati, sapagka't sa n~gayo'y aking napaglimi na iyong pagsilang nang buong lwalhati ang m~ga nabagong nadama't nasuri, ang m~ga nakita't nabakas sa labi'y tanda n~g paghan~ga't sa iyo'y pagbati.
V.
At n~gayo'y araw mo! Darakilang araw ang siyang sumaksi sa iyong pagsilang, at yamang ganito'y aking katungkulang ikaw ay suubin n~g aking kundiman bagama't, alam kong ang awit n~g buhay ay awit n~g m~ga naaaping tunay bagama't talos kong ang "lira" kong tan~gan ay hamak na "kurus" sa isang libin~gan.
VI.
Walang kailan~gan! At tila n~ga dapat na ika'w batiin n~g aking panulat: Dakilang dalaga, ang Sangmaliwanag ay busog sa silo at m~ga bagabag, tayo'y isinilang upang makilamas sa n~gitn~git n~g dilim at sigwa n~g palad, matapos batii'y iyong isahagap na ang buhay natin ay isang pan~garap.
Ang abaniko mo...
(_Sa isang bulaklak._)
Parang isang pilas n~g lan~git na bughaw ang namamalas ko kung ikaw'y magpaypay, parang isang "mundo, ang pinagagalaw n~g napakaputi't nilalik mong kamay.
Iyan ang pamaymay na iyong ginamit nang ako'y daran~gin n~g dila n~g init, diyan napasama ang patak n~g pawis, diyan napalipat ang pisn~gi n~g lan~git.
Anopa't sa aki'y naging malikmata ang buhay kong iyong binigyang biyaya, nalimot kong minsang ang tao sa lupa ay may kamataya't sariling tadhana.
Ang sun~git n~g gabi, sa aki'y napawi at bagong umaga ang siyang naghari, ang damdam ko baga'y pawang nanaghili sa akin ang m~ga taong mapagsurí.
Subukang igawad ang Sangkatauhan at hindi sasaya itong kabuhayan, n~guni't kung ang iyong "abanikong tan~gan, patay ma'y baban~go't ikaw'y aawitan.
Sa aki'y sukat na ang ikaw'y mamalas upang ang lan~git ko'y mawalan n~g ulap, ang iyong pamaypay kung siya mong hawak, ako'y dinaraíg n~g m~ga pan~garap.
Kung ikaw'y umibig
(_Sa aking Reyna._)
Huwag nang sabihing ang tan~ging Julieta n~g isang Romeo'y batis n~g ligaya, huwag nang banggitin ang isang Ofelia't hindi mapapantay sa irog kong Reyna.
Subukang buhayin ang lima mang Venus at di maiinggit ako sa pagluhog, tinatawanan ko si Marteng umirog sa isang babaeng lumitaw sa agos.
Ang pulá n~g labi, ang puti n~g bisig, ang kinis n~g noong wari'y walang hapis, ang lahat n~g samyo sa silong n~g lan~git ay isinangla mo kung ikaw'y umibig.
Ang lahat sa iyo'y kulay n~g ligaya, ang lahat sa aki'y n~giti n~g sampaga, kung magkakapisan ang ating pag-asa ay magiging mundong walang bahid dusa.
Hindi mo pansin na ako'y lalaki, hindi mo naisip na ikaw'y babae, paano'y talagang kung ikaw'y kumasi sa tapat na sinta'y nagpapakabuti.
Gabing maliwanag at batbat n~g tala, maligayang Edeng bahay n~g biyaya, iyan ang larawang hindi magtitila n~g iyong pag-ibig sa balat n~g lupa.
Ang buhay n~g tao'y hindi panaginip, ang mundo'y di mundo n~g hirap at sakit, aking mapapasan ang bigat n~g lan~git kung sasabihin kong: _Kung ikaw'y umibig_.
Tag-ulan...
May nan~gagsasabing masama ang ulan, may nan~gagagalit sa lusak na daan, ako ang tanun~gi't... aking isasaysay na ang tan~ging _gloria'y_ ang pagtatampisaw.
Ang m~ga halama'y nan~gananariwa sa patak n~g ulang hindi nagtitila, ang aking pagkasing ibig mamayapa kung ganyang tagula'y nagbabagong diwa.
Walang kailan~gang sa aki'y magtago ang mukha n~g araw na di ko makuro, sa aki'y sukat na ang iya'y maglaho upang pasayahin ang kimkim kong puso.
Walang kailan~gang sa Sangmaliwanag ay laging maghari ang dilim at ulap, ang patak n~g ulan sa imbi kong palad ay ban~gong masansang na di man~gun~gupas.
Kung may mag-uulat na sa kalan~gitan ay may unos, baha, at patak n~g ulan, ay kunin na ako't hindi mamamanglaw pagka't masasama sa kawal n~g banal.
Ang patak n~g ulan ay awa n~g lan~git, lihim na biyaya sa m~ga ninibig, laman n~g panulat sa m~ga pag-awit, sariwang bulaklak sa pitak n~g isip.
Kung ang tan~ging Musa'y may tampo sa akin at ayaw sumunod sa aking paggiliw, ang patak n~g ula'y sukat ang malasin upang ang _lira_ ko'y sumuyo't sumaliw.
Kung sakasakaling ako'y maging bangkay at saka ilagak sa isang mapanglaw na labi n~g libing... mangyaring ang ula'y bayaang tumagos sa aking katawán.
II.
PAGSISISI......
(TULANG MAY ANIM NA BAHAGI.)
_ I.--Nasilaw sa dilím. II.--Ang hamak na palad. III.--Gayon man, gayon ma'y... IV.--Ang panghihinayang... V.--Kung ikaw'y binata... VI.--Sa abó baban~gon..._
¡PAGSISISI.....!
Sa iyo
=_Nasilaw sa dilim_=...
I.
Anang m~ga tao: _Ang m~ga makata'y Sadyang isinilang upang magsiluha._ Nang una'y ayokong dito'y maniwala Subali't sa n~gayo'y nakita kong tama.
Ang luha n~g tao ay may m~ga dahil, May luhang nagmula sa pagkahilahil, May sa pagkaapi sa isang giniliw, May sa pagkalayo sa inang butihin.
Ang luha n~g aking nagsisising puso Ay hindi nanggaling sa pagkasiphayo, Ni sa pagkaapi n~g aking pagsuyo, Ni sa pagkagahis n~g isang palalo.
Ang luha ko'y buhat sa di pagkataya Na ang tao'y mayrong _balon_ n~g parusa, Ang pagsisisi ko ay bumabalisa't Bumawi sa akin n~g aking ligaya.
Talagang ang tao'y sadyang walang tigil, Namali nang minsa'y ibig pang ulitin, Ang tanaw sa _mundo'y mundong_ walang lihim At sa _Dios_ ay _Dios_ na di matandain.
Ang mundo n~ga nama'y batbat n~g paraya't Nagkalat ang silo sa balat n~g lupa, Dito kung mayron mang sampagang dakila Ay may tinik namang pamutol n~g nasa.
Ang pagkamasakim sa ban~go at puri Ang isinasama n~g lalong mabuti, Ang pagtin~ging labis sa pagsintang iwi'y Siyang pagkabagsak n~g isang lalaki.
Oh! _ban~gong_ pan~garap n~g uhaw na puso! Oh! _puring_ nagbuwal sa lalong maamo! Kayo ang _berdugong_ may bihis-pagsuyo N~guni't iyang loob ay pagkasiphayo.
Ang sabik sa ban~go n~g isang sampaga't Ang uhaw sa puri n~g isang dalaga'y Siyang sumusunog sa kanyang pagasa't Siyang nagsasabog niyong m~ga Troya.
Dakilang bulaklak: Ako'y naniwala Na ang nagawa ko'y kahiban~gang pawa, N~gayon ko natantong _birhen_ kang dakila, May wagas kang puso't banal na akala.
Ako'y naririto't pinagsisisihan Ang aking nagawang m~ga kasalanan, Aking babaunin hanggang sa libin~gan Ang hinanakit mo't magagandang aral.
Talagang nalisya ang aking pan~garap, Puso ko'y inabot n~g bagyo sa dagat, ¿Ano't ikaw pa n~ga yaong binagabag Gayong ikaw'y isang _anghel_ na mapalad?
Pawiin sa puso ang m~ga nangyari At iyong alaming may ban~go ka't puri, Samantalang gayon, ako'y nagsisisi At binabawi ko ang m~ga sinabi.
N~guni't isang tanong: ¿Kaya ang patawad Sa namaling puso ay iyong igawad? Ang m~ga _luha_ ko'y siyang ihuhugas Sa napaligaw ko't nagsisising palad.
* * * * *
=_Ang hamak na palad_...=
II.
Aywan ko kung ikaw'y magtaglay pang awa sa nagsisi ko nang lakad at akala, aywan ko kung ikaw'y kulang pang tiwala sa m~ga nasayang at natak kong luha.
Kung natatalos mo ang luhang nasayang sa mata ko't pusong laging naglalamay, sana'y nasabi mong mayrong katunayan ang dinaranas kong m~ga kahirapan.
Ang hinanakit mo, sumbat at paglait ay pawang nakintal sa dila ko't isip, at ang ating lihim sa silong n~g lan~git ay siyang sa aki'y nakakaligalig.
Pinag-aralan kong ikaw'y kausapin nang upang ihayag ang buo kong lihim, lihim n~g sa wari'y nagbigay hilahil sa napakabatang puso mo't paggiliw.
Ang pagtatapat ko'y di mo minarapat ang kawikaan mo, ako'y isang hamak, ang naging ganti mo sa aking paglin~gap ay isang _libin~gan_ at _kurus_ n~g hirap.
Ang hamak n~ga nama'y hindi naaayos umibig sa isang Reyna n~g Kampupot, ang _hamak_ na palad ay dapat umirog sa kaisa niyang _hamak_ di't _busabos_.
¿Maaari kayang ang isang _granada'y_ maihulog sa di gusto n~g _princesa?_ ¿maaari kayang ang isang sampaga'y makuha at sukat n~g taong bala na?
Kay laki n~g agwat n~g palad ta't uri, ikaw'y isang lan~git na kahilihili at ako ay isang hamak na pusali, ikaw ay sariwa at ako'y unsyami.
Ang panghihinayang ang siyang nagtulak na kita'y mahalin n~g buo kong palad. Ang panghihinayang ang siyang nagatas na kita'y itala sa aking pan~garap.
Kung ikaw sa akin ay walang hinayang sa aki'y sayang ka at sayang na tunay, sabihin na akong kasakimsakiman at ikaw sa iba'y di mapapayagan.
Lalo pang mabuting kanin ka n~g lupa kay sa mahulog ka sa ibang binata, ¿Iba pa ang iyong bibigyang biyaya gayong ako'y uhaw sa iyong kalin~ga...?
Ipinipilit mong tayo'y pupulaan kung sa lihim nati'y mayrong makamalay, ¿at sinong pan~gahas ang pagsasabihan. nitong ating lihim sa sangkatauhan?
Ako'y nagsisisi't nabigyang bagabag na naman ang iyong tahimik na palad, kundan~ga'y ang iyong ban~gong walang kupas sa pagiisa ko'y siyang nasasagap!
Sa kahilin~gan mo, kita'y lilimutin kahit nalalaban sa aking damdamin, n~guni't ang samo ko'y iyong idalan~gin ang papanaw ko nang ulilang paggiliw.
* * * * *
=_Gayon man, gayon ma'y _...=
III.
Kung may kasayahan ang tao sa lupa naman ay mayron ding pagkabigo't luha. Kaya n~ga't ang tao, sa aking akala ay laruan lamang n~g kanyang tadhana.
Yamang walang taong likas na mabuti't walang nan~gamaling hindi nan~gagsisi. Sa ikasisiya n~g iyong sarili'y itatakwil ko na ang aking pagkasi.
Lulunurin ko na sa hukay n~g puso ang aking yayaong nasawing pagsuyo, ipagluluksa ko ang pagkasiphayo n~g aking pag-ibig na di mo inako.
Pag-aaralan kong luman~goy sa dagat na puno n~g aking sariling bagabag, pag-aaralan kong lumaban sa hirap yamang siyang takda n~g buhay ko't palad.
Aking natatantong walang pagkasayang sa iyo ang aking maralitang buhay, sa iyo'y ligaya ang aking pagpanaw, sa iyo'y lwalhati ang _kurus_ ko't _hukay_.
Kung ikaw ay walang hinayang sa aki't wala pang hinayang sa aking paggiliw, ay iyong asahang aking sasapitin ang ninanasa mong balón n~g hilahil.
¿Di mo nalalamang itong umi-ibig sa lahat n~g bagay ay di nan~gan~ganib, ang kamatayan ma'y kanyang malalait kundi na makaya ang taglay na hapis?
Gayon man, gayon ma'y hindi masisira sa akin ang iyong hiling at pithaya, gaya n~g hiling mo, ako'y magkukusang maghandog n~g iyong ikapapayapa.
N~guni't manumbalik kaya ang paglin~gap sa aking namali't nagsising pan~garap? ¿manumbalik kaya at hindi kumupas ang iyong pagtin~gin sa imbi kong palad?
Iyan ang isa pang di ko ikatulog gayong nagsisi na ang aking pagirog, iyan ang sa aki'y nagbibigay takot, iyan ang sa n~gayo'y di ko mapag-abot.
Hinuhulaan kong ang iyong paglin~gap ay magbabago na sa imbi kong palad, ang kawikaan mo'y ang isang nabasag mabuo ma'y mayrong natitirang lamat.
Sa isang gawi n~ga'y may katotohanan kung ganyan ang iyong magiging isipan, n~guni't alamin mong malinis na tunay ang isang maruming nagbago n~g buhay.
Magpahangga n~gayo'y iyong mawiwika na ikaw'y akin pang _sinisintang kusa_, magiging totoo ang iyong hinala kung ang puso'y muling hagkan n~g paghan~ga.
Kung muling gumiit ang panghihinayang ikaw ay muli kong sisintahing tunay, ang isa pa'y iyo namang nalalamang ang _pagsisisi_ ko'y _pagbibigay_ lamang!
* * * * *
=_Ang panghihinayang_...=
IV.
May ilang araw nang ako'y kalung kalong n~g bisig n~g dusa't kamay n~g linggatong may ilang araw nang sa mata'y nanalong ang pait n~g luhang usbong n~g paglun~goy.
Nakikita, mo mang ako'y tumatawa nama'y tawang pilit at busog sa dusa, di lahat n~g n~giti'y lagda n~g ligaya, may n~giting singpait n~g luha't parusa.
Ang nakakatulad nitong aking buhay ay mundong ulila sa sikat n~g araw, katulad ko'y isang _prinsipeng_ mayaman na uhaw at salat sa aliw at layaw.
Upang pumanatag ang aking pagluha'y aking kailan~gan ang lin~gap mo't awa, awang magbibigay n~g yutang biyaya, awang sa lungkot ko'y tan~ging papayapa.
Nasabi ko na n~gang nagsisi ang buhay sa nais na kita'y mapagbigyan lamang, kung susunurin ko itong kalagaya'y di ka malilimot hanggang kamatayan.
¿Paano ang aking gagawing paglimot sa iyong ang ban~go'y higit sa kampupot? Sa ganda n~g iyong dibdib, baywang, batok, ay sinong banal pa ang hindi iirog?
¿Sa puti n~g iyong kamay na nilalik, sa m~ga labi mong may pulot at init, sa m~ga paa mo't binting makikinis ay sinong pihikan ang hindi iibig?
Kung sinusukat ko ang ganda mong ari, puso ko'y ninibok at nananaghili, aking nasasabing _Talo ko ang Hari kung ako ang iyong mamahál na tan~gi_!
Ang panghihinayang ang siyang sa aking puso'y bumabayo't sumusupilsupil, kung ikaw'y bigla ko't buong makakai'y kinain na kita nang ikaw'y malihim.
Huwag mong sabihin na ako'y gahaman kung kagahaman n~ga ang layon ko't pakay, para ko sabihin ang katotohana'y walang taong hindi may _imbot_ sa buhay...
Sakaling sa aki'y ayaw kang manalig ang lahat n~g sumbat sa aki'y ikapit, ang m~ga sumbat mo nama'y itititik sa dahon n~g aking lagás na pagibig.
Ikaw'y maniniwalang ang aking pagasa sa iyo, kaylan ma'y hindi magbabawa, sa iyo sisikat ang isang umaga na dala ang aking magiging ligaya.
Kung walang tiwala sa aking pan~gako'y saksi ang halik kong iyong itinago. halik na sa iyong pisn~ging maaamo'y nakintal na tanda n~g aking pagsuyo.
Kung kulang ka pa ring tiwala buhay, ako'y magtitiis sa kapighatian, magtitiis ako, kahit nalalamang ang _lungkot_ n~g tao'y isang _karamdaman_.
* * * * *
=_Kung ikaw'y binata_=...
V.
Gaya nang hula ko: ikaw'y untiunting nalayo sa aki't nagtatampong wari, ikaw'y umilap at nabibighaning ako'y pakanin mo n~g dusa't aglahi.
Panibagong lungkot na naman ang aking naragdag sa iyong pihikang damdamin, talaga na yatang ang aking paggiliw ay di matutubos sa _sala't hilahil_.
Ninanais ko nang ako'y makaguhit n~g bagong palad kong walang bahid dun~gis ay kung bakit ako'y lalong nabibin~git sa pagkakasala at ikatatan~gis...!
Hanggang nagiin~gat itong kabuhaya'y lalong nabubulid sa kapighatian, hanggang ninanais yaong kalinisa'y lalong dumurun~gis itong kapalaran...
Hindi ko malaman itong nangyayari sa kabuhayan kong bihag mong parati, ang Aklat n~g aking tunay na Pagkasi'y puno na n~g aking m~ga pagsisisi.
Aking nalalamang hindi makukuha n~g pagsisisi ko itong m~ga sala, n~guni't bayaan mong ang aking pag-asa'y mag-abang sa iyo, n~g awa't ligaya.
Kung ikaw'y hindi ko makatkat sa diwa'y sapagka't _lunas_ ka sa aking pagluha, ikaw sa _lungkot_ ko'y kamay n~g biyaya, ikaw sa _uhaw_ ko'y hamog na mabisa.
Para ka mawaglit sa aking isipa'y kailan~gan ko pa ang isang libin~gan, at para maubos ang aking kundima'y magbalik ka muna sa pinanggalin~gan.
Gaya n~g alam mo: kita'y iniibig n~g isang pagsintang singlawak n~g lan~git n~guni... ano't ikaw'y tila nahahapis sa pagmamahal kong wagas at malinis?
¿Nalulungkot ka ba? Di ko akalaing iyong ikalungkot ang aking paggiliw, di ko inasahang _dun~gis_ na ituring ang pagmamahal kong may wastong layunin.
¿At kung ikaw kaya ang naging lalaki't ako ang pinalad na maging babae, kung hinahamak ko ang iyong pagkasi ay ilang puso mo ang di maruhagi?
Sana'y nalaman mo, kung ikaw'y binata ang hirap sa mundo nang lumuhaluha, sana'y natalos mong ang lalong dakila ay nagiging taksil sa laki n~g nasa.
Huwag kang malungkot! Busugin sa layaw ang uhaw sa iyong aking kabuhayan, sa m~ga labi mo, ako'y nauuhaw, sa m~ga pisn~gi mo, ako'y mabubuhay.
Kung marun~gisan ka n~g aking pagibig ay pagibig ko rin ang siyang lilinis, at kung nahawa ka sa taglay kong hapis, hapis mo't hapis ko ay magiging lan~git.
* * * * *
=_Sa abo babangon_=...
VI.
Sa huli'y natumpak itong aking puso't natutong tumupad sa aral mo't samo titiisin ko nang ang aking pagsuyo'y malibing sa hukay n~g pagkasiphayo.
N~gayon ko nalamang ang aking landasi'y singdilim n~g iyong tinamong damdamin, n~gayon ko natalos na ako'y sinupil n~g matinding udyok n~g isang paggiliw.
Yamang sumikat na sa puso ko't isip ang kaliwanagang bumihis sa hapis, ay masasabi kong ang aking pagibig ay handang lumagak sa pananahimik.
Magmula sa n~gayon, kita'y igagalang sa n~galan n~g ating pagkakapatiran, kinikilala ko itong kamalian na siyang naglagpak sa aking pan~galan.
Ituring sa wala ang m~ga nangyari't iguhit sa tubig ang m~ga nasabi, ang laki at alab n~g aking pagkasi, n~gayo'y gawing abo nitong pagsisisi.
Hindi pagkan~galay n~g aking panitik ang naging dahilan n~g pananahimik, kung hindi sa nasang huwag maligalig ikaw pa n~g aking bulag na pagibig.
Napagaralan kong ikaw'y isang talang kakambal n~g aking damdamin at diwa, aking natutuhang tumpak n~ga at tama ang m~ga aral mong mahalagang pawa.
Ang m~ga lungkot mo ay aking damdamin at ang damdaming ko ay damdamin mo rin, ang _akin_ ay _iyo't_ ang _iyo_ ay _akin_ at tayong dalawa'y may isang layunin.
Huwag nang ituring na ako'y kalaban pagka't nagbago na ang aking isipan, ang puso ko n~gayon ay naliwanagan pa kislap n~g iyong mahalagang aral.
Dapat nang lumaki ang iyong pagasa sa pagliliwayway n~g bagong umaga, ang daan mo n~gayo'y puno n~g sampaga't ang daan ko'y puno n~g tinik at dusa.
Magkakahiwalay itong ating palad na gaya n~g Dilim at Haring Liwanag, ikaw'y magtatago't... sa pamamanang at may ibayo kang gayuma't pan~garap.
Samantalang ako'y tan~ging magtatago sa utos sa akin n~g Hukóm na Puso, sa pagliliwayway ay talang malabo ang makakatulad n~g aking pagsuyo.
Napakapait man sa aking pagibig, kita'y iwawalay sa pitak n~g isip, sa abo n~g aking papanaw na awit ay baban~gon itong buhay kong malinis.
Kung walang tiwala sa aking sinabi'y saksi ko ang bagu't bagong mangyayari, kung muling malisya ang aking pagkasi'y tugunin n~g _sumpa_ itong pagsisisi.
III.
ALBUM NG DALAGA...
HANDOG:
=_Kay Bb. Concepcion T. Garcia_.=
_San Nikolas, Maynila_.
Album ng Dalaga...
I.
=_Simula_.=
_La princesita está bella_.
Ruben Dario.
Ipahintulot mo, dalagang mayumi, Na ilarawan ko ang ganda mong ari, Ipahintulot mong awitin kong lagi Ang kagandahan mong makahibang-pari.
Bulaan ang madlang balitang _Prinsesa_ Kung sa ganda mo n~ga'y makahihigit pa, At para sa akin, ikaw'y siyang _Reyna_ N~g m~ga kapwa mong masamyong sampaga.