# Bulalakaw ng Pag-asa

## Part 8

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/bulalakaw-ng-pag-asa-35868/index.md

"Ah! Hindî mga sampál ang sa kanya'y dápat igantí! Oh, dapat siyang magpasalámat at siya'y nasa sa gitnâ ng mga táong matiisin at mababait. Dápat siyáng magpasalámat at.... Kung nagkátaon, oh! ¡ang báyang iyan na binubúlag ng kaduwágan, ay nakamálas ng mga paták.... niring dugô!"

--"Oh, Gerardo! Ikaw, kung minsán, ay kakilákilábot! Pinanglálamig mo akó!"

--"Bakit, Elena? Natatakot ka bang mamatay akó sa pagtataguyod sa púri ng mahál na Bandilà?"

--"Oh hindî, Gerardo! Alám mo nang ang pinakamatamís kong pangárap, ang pinakamaálab na nais niríng pusò na sa iyóng iyó lang umaása, ay ang makita kang namamayáni sa ikatutubós at ikalalayà ng tinubúang lupà, ang makíta kang bangkáy sa piling ng Sagisag ng áting Búhay!... Hindî kailangang ako'y maulíla sa iyó, hindî kailángang ako'y magdúsa, hindî kailángang ako'y magluksâ, tumángis, at mag-isá sa habàng panáhon! Titiisín ko ang lahat álang-álang sa Inang-Báyan!"

Napangitî si Gerardo. Ang mga pangungusap na iyón ay sumagád hanggang pusò niyá. Kinintalan ng isang halík sa nóo ang kanyang paralúman, bago tinabánan ang nanglalamíg na kamay nitó.

--"Maráming salamat, Elíng,"--anya--"Ngayon ay tulutan mo nang ako'y yumáo."

--"Hintáy muna, Ardíng"--ang magíliw na samó ng binibini--"Hindî mo pa nasásagót ang tanóng ko sa iyó kanina."

--"Alín iyón?"

--"Ang pagpapalayà kay Faure. Sakali't di mo matamó ang iyong hangad sa pamamagitan ng mabuting salitaan, papáno ang iyong gagawín?"

--"Ah, sakâ mo na maaaláman!"

--"Sabihin mo ngayón sa ákin!"

--"Sakâ ná!"

Si Gerardo ay hindi na napapígil at nanáog agád. Si Elíng nama'y walâng nagawâ kungdî ang dumúngaw, sundan ng tingin ang binatà, bilangin ang kanyang mga hakbáng, at masdán kung saán siyá tutungo.

Nang si Gerardo'y hindî maabót ng kanyang matá, ang binibini'y mulíng humílig sa dúyan at inahágis ang ala-ála sa salitáan kangína niláng dalawa.

--"May katwiran si Ardíng!"--ang pabuntóng-hiningáng nábigkas sa sarili, pagkaráan ng ilang sandalî--"Kay hírap ngâ namán ng walâng kalayàan! Kung ang Pilipinas ay malayà, ang mga gayong panglulúpig, at pag-alipustâ sa ating dangál ay hindî mangyayari...

"Kasákitsákit at pagkápait-pait na kalagáyan itong átin.

"Nguni't lagì na ba lang táyo sa ganitó,--lagì na ba lang susúkot-súkot sa ilalim ng isáng watawat na hindî átin? Lagì na ba lang talúnan at apí itóng áting báyan?...

"Oh, hindî! Hindî, hindí mangyayari ang gayón! Nang lalangin ang Pilipinas ay hindî isinulat sa kanyang mukhâ ang pamagat na alipin. Hindî nilalang ang táo upang bumusábos ó pabúsábos sa ibá! Ang pagka-kayumanggí ng ating balát ay hindî tandâ ng isang kapalárang mababà; iyán ay búnga ng singaw ng ating mga kaparángan at bundók!

"Oh, di mangyayaring ang kalagáyan nating itó ay sa habang panahón ná! Ang Kasaysayan ng Sangsinúkob ay boông linaw na inauúlat ang katotohánan na, kapag ang isang báyang nasasakúpan ay natútong humingî ng kalayàan at pagsasarili, kapag ang báyang iyan ay napatunayan sa gawâ ang karapatán niyá sa minimithîng mga biyayà,--ang báyang iyan madalî ó maláon, sa pamamagitan ó ng kapayapàan ó ng paghihimagsík, ay pilit na kakamtán ang kanyang nilaláyon....

"May nagsasábing nagkakailángan mulî ng isáng paghihimagsík sa Pilipinas, upang mátamo ang pagsasariling pinipita.

"Hindî akó sang-ayon sa gayóng madugông paghahakà. Hindî nararapat, hindî napapanahón, ni hindî kailángan ang isáng paghihimagsík. Ang patalim ay dapat lamang hawakan kapág napadiwarà ná ang kahulihulíhang patak ng pag-asa sa mapayapà at makatwirang pamamanhik sa báyang nakasasakop. Ang Pilipinas ay may pag-asa pa... Ako'y nananálig na may isang dakilàng Amerika na, sapagka't may puri at dangal ay di papáyag magpakailan man na siya'y sumpâ-sumpáin ng isang báyang inamis, at tawag-tawáging magdaraya! bulaan! taksil! magnanakaw!... Ako'y nananálig na sapagka't siya'y namayani at nagbuhos ng dugông sarili sa dambanà ng Kalayáan, ang báyang Amerikáno ay di malilinláng ang isang lahìng sa twî-twî na'y uháw sa isang malayàng búhay! Ako'y nananalíg na, sapagka't siya'y matalino at hindî mangmang ang Amérika ay hindî magpapakáulól na magbibingibingihan sa mga ipinagsisigáwang áral, balà at sumbát ng Kasaysayan ng Sangdaigdig. Ako'y nananálig na hindî siya magpapakáulól na papáris sa ipinamalas na mga hidwâng kaasálan ng mapanglúpig na Inglaterra at ng mapangbusábos na España!

"Oo, ang Pilipinas, ay mayroón pa ngâng pag-ása! At dahil dito'y isang katiwalìang dî mapatatáwad ang bumangon ngayón at maghimagsík!

"Nguni't... sa haráp ng mga pagdayà, pagláit, at pagdustâ sa dangál ng bayan, sa harap ng mga panglulupig at mga kaasalang hidwâ na ginagawî dito ng mga harìharìan, ¿ay sino kayâ ang di mangangambá, sino kayâ ang di sasagìan sa gunitâ ng maiitim na guníguní at madudugông ala-ala?...

"Ah!... Pag ganyán nang ganyán, kapag di napútol ang mga ganyang gawâ, kapag ang mga nasaitaas ay di susugpuin ang kanilá ding kasagwâan, kapag ang mga daing, hibik at sigaw ng nanga saibabâ ay di didinggín... oh! ¿sino ang makapagsasabi, kapág nagkagayón ná?.... ¡Maaárì na ang Bayang iyan na ulirán sa pagtitiis, ay di makabatá sa anták ng sugat!!... ¡Maaárì na ang Bayang iyan ay mabúlag sa laot ng kanyang pagkaamis!!... ¡Maaárì na siya'y makalimot sa sarili, makalimot sa Diyos, makalimot na siya'y mahinà!... ¡¡Maaarì na ang mabangís niyang dugô ay mágising at... kumulô!! ¡Maaárìng sumipót diyan ang mga Bonifacio, ang mga Elias, ang mga Simoun, ang mga Matanglawin, ang mga Kabisang Tales!!...

"Oh! Kapag nagkátaón!!...

"Pagkasaklapsakláp na dilidilihin!...

"Oh huwag! huwag, makatwirang Langit! huwag tulutang mangyari ang gayong pagkapaitpait na bágay!!"...

Ganitó ang mga paghahakang sunod-sunod na sumagì sa pag-iisip ni Elena--mga paghahakang kaipala'y dulot sa kanya ng tangang aklát na kinababasahan sa likod ng mga salitáng: "Noli me Tángere at El Filibusterismo."

XXI

MATWÍD Ó BALUKTÓT?

Hating-gabí.

Kinúkubkob ang boông báyan ng isáng kadilimang nakapanghihilakbót.

Ulap na sakdál ng itím ang nagpápasungít sa mukhâ ng lángit.

Walâ ni buwán, ni bitúin, ni talà. Ang lahát ng mga kaigá-igáyang hiyás na iyán ng kalangitan ay áayaw pasilay, nagtatagòng parapara na anaki'y nagtatampó, nagsasawà at nasusuklám ná sa mapagkunwarî, at magdarayàng Sangkataúhan...

Máliban sa manakâ-nakâng táhulan ng mga áso, maliban sa mga idinahák-dahák at iniubó-ubó ng mga natutuyô, máliban sa huni ng sári-sáring ibong nagdapò sa mga púnong kahoy, maliban diya'y walâ ng ingay na madidinig.

Lahát ay katahimíkan, dilím, kapanglawán.

Sa isáng súlok ng pinakaplaza ó liwasán ng Libís, ay may isáng táong nakatayô. Sino siya? Aywan. Ang kanyáng nóo, mga matá at hanggang ilóng ay natataklubán ng malapad na pardyás ng sambalilo; samantaláng ang babà nama'y nakukublí sa mahabàng pangliíg ng kanyáng kapote.

Ang panginginíg ng katawán, ang pangangatál ng mga labì, ang hawak na balaráw, ay paraparang nagpapahiwatig na ang táong itó ay may gagawin! may gágawíng isang bagay na kakilakilábot!...

Nagkakanghahabà ang liíg ng lalaki sa pagtanaw sa isang bahay na nakatayô sa kabilang panig ng liwasán. Ang pintô ng bahay ay nakabukás at sa loób ng sílong ay may isáng ílaw na maliit. Sino ang nasa báhay na iyon? Ang kasintahan kayâ ng lalaki? Nguni't bakit ang laláking ito ay may tagláy na sandata, bakit gayón na lang ang panginginíg ng kanyáng kataúhan? Naglilo kayâ ang iniíbig? At itó bagá ang gabíng napilì niya úpang idáos ang paghihigantí?... Baká namán hindî, baká namán hindî naglílo ang kanyáng sinisintá, kundî may isáng taksil na ibig maglugsò noóng gabíng iyón sa púri ng búhay ng kanyáng búhay?

Aywán din ngâ.

Samantala'y ating masdán ang mga kílos ng laláki. Hindî na siya ngayón nakatigil, lumalákad ná at tinutungo ang báhay.

Ang báhay na itó ay may tánod palá! isang nakabaril na ngayo'y lumabás sa silong at lumuklók sa isang bangkô na nása sa labás ng pintùan.

Sandalî nating matyagan ang tánod. Siya'y may katandâan ná. Bukód pa sa pandak, ang katawán niya'y hukót at payát na payát. Ang mga matá, ay di lang nagpapahiwatig na ang katawáng iyón ay pinanáwan ná ng lahát ng siglá, ng lahat ng ínit; inihahayág din namán nilá ang katotohanánan na, ang kahabághabág na tánod ay may dalawáng gabí nang di nakatitikím ng túlog.

Sabíhin pa ba! Sa gayóng pátag at tahimik na pagkakaupô ay walâ siyáng nararamdamán kundî ang sa kanyang balintataw, ay ikínulbit-kulbít ni áling Antók; walâ siyáng nauulinígan kundî ang mahinhíng áwit ni Antok din; walâ siyáng nakikita kundî ang kanya ring kumaring Antok na sásayawsayaw at pupúngaypúngay sa kanyang haráp.

Ang bayáning bantay ay humikáb nang sunód-sunód; untî-untîng nalitó; untî-untîng umamín kay Antok; untî-untîng nayukáyok...

Na siya'y guardia at dahil dito'y di dapat yumukayok? Ay ano naman kun siya'y guardia, sa ang pinag-guguardiahan namán eh, iisa-isa at nakukulóng sa isang kulungan--isáng kulúngang bakal ang mga réhas, at nakasusì pa, at ang susì, ay nasa loob ng kanyang bulsá?

Na, baká siya'y lusúbin ng mga kaaway, samantálang nayuyukayok? Hús! Ay anó iyon? Gasino ná ang kalabitín ang kanyang baríl at gasino ná ang humiyáw ng "Magnanákaw!!"

Na, baká siya'y masubukan ng teniente--ng tenienteng mabangís?... Pshe! Síno ang masusubúkan--siyá? siyá na kung matulog eh kay bábaw-bábaw, na sa isang kaluskós ng dagâ, sa isáng ingít ng bubwit, ay nagigising? At síno ang susúbok? ang teniente?--ang tenienteng lumákad lang eh, nayáyanig ang lupà,--ang tenienteng walâng tigil ng ká-uubó at kadadahák, ang tenienteng paglákad eh, humihilahod sa lupà ang sable--paghiláhod na kay ingay-ingay--ingay na bumubuláhaw sa mga áso, hanggáng mga manók--mga manók at áso na kapág nagpuputák at nagtatahól ay pilit na ikagigísing ng lalòng matákaw sa pagtúlog?--Iyan ang tenienteng makasusúbok sa kanyá?... Malayòng malayò, sing-layò ng langit sa lupà!

At sakâ, bukód sa rito, mayukayok man siya, ay hindî naman tangkâ niyá ang matulog ah! ¡¡Kundî ang umiglip lang ah!! ¿Ay anó ang iglip?...

Sa dúlo ng mga ganitóng paghahakà ang bibig ng bantáy ay dáhandáhang nábuka, ang mondo'y dáhandáhang nalímot at dáhandáhang tumulò ang ... aywan kung anó... mulâ sa... aywan kung saán.

At sa gitnâ ng gayóng pagkábuka ng bibíg, sa gitnâ ng gayóng pagkalímot sa mondo, sa gitnâ ng gayóng pagtulò ng ... aywan kung anó--ay siyang pagsulpót sa liwánag ng ilaw, at paglundág sa kanyáng haráp ng lálaking kanina'y tatayôtayô sa isang súlok ng liwasán--ng laláking may háwak na balaráw--balaráw na ngayo'y nakatiín sa sikmurà ng tánod!

Ang nágulantang sa kanyáng pakikiuláyaw kay Antok, ay walâng nagawa kundî ang umígtad sa pagkakaupô, ipagngangáhang lalò ang bibig at pandilatin ang mga matá!

Ang salitang "Magnanákaw!" ay hindî maisigaw!

Ang baríl ay hindî mákalabít!

--"Isáng kilos, isáng sigáw, at ikáw ay patay!"--ang pasalubong ng kanyáng panaúhin...

--"Naku pô!" ang marahang tugón.

--"Ibíbigay mo ang bilanggô ó hindî?"

--"Naku pô!"

--"Sstt!... Sagutín akó... at madalî!"

--"Ay papáno pô bá... ang gágawin ko sa iyá'y... itiniwalà... sa ákin!"

--"Huwag mag-alaala... Ililigtás kitá... ako'y nangangakò sa ilálim ng áking dangál."

--"Ay bakâ pô ako'y inyóng ululín... ay kaawà-awà pô..."

--"Ha? at ipinalalagáy mo akong magdarayà?"

--"Naku pô! hindi pô! patawád pô!"

--"Anó? Ibibigáy mo ang bilanggô ó hindî?"

--"Ay inakú pô! Huwag mo pong ididiín ang sundáng, at parang hinahalúkay ang aking tiyán!"

--"Maúlit ka! Ibibigáy mo ó hindî?"

--"Ibibigáy pô!"

Noón din ay lumayà si Faure! Sa bugsô ng ligaya, at pagmamahalan ang dalawáng magkatoto ay waláng naigáwad na pasalubong sa bawa't isá kundî ang pipíng pagyayakapán.

Kasáma ang tánod na kagyát nilísan ng dalawá ang bilanggúan.

Kinabukásan ang tenienteng yumúrak nang walâng patumanggâ sa Bandilàng Pilipino, ay nabalitàng patáy.

Isang talibóng daw ang nakatárak sa dibdib ng kahabaghabag na lumaláng sa kanya ring pagkasawî...

Si Faure ay nakatákas sa ibang lupáin.

Doón sa mga kaparangá't bundók ng mga báyang malalayà--doón sa di kilala ang kapangyarihan ng táo sa kapwà tao,--doón sa di abót ng mapanglúpig na mga útos ng isang pamahalàang mapagbusábos--doón siyá naniráhan, sa pilíng ng mga Tell, nang panátag ang pusò, payapà ang kalulwá't pagiísip,--malayà katulad ng ibon sa himpapawid,--maligáya katulad ng bulaklák na hinahagkán ng hamóg....

WAKAS

NG

Bulalákaw ng Pag-ása.

End of Project Gutenberg's Bulalakaw ng Pag-asa, by Ismael Alberto Amado

