Part 7
Si Juancho ay naglilís ng manggás at inawasíwas ang kanyáng sundang. Si Florante nama'y biglang inalantad ang dala-dalang talibóng na inagaw kangína kay Kapitang Memò.
--"Halíng!"--ang kanyang sigaw--"Nakikita mo ito?"
Tiningnan ni Juancho ang sandata. Napaurong. Nangdididilat. Nakilala ang talibong.
--"Bakit iya'y nasa sa iyó? At bakit iya'y may dugô?"--ang pahiyaw na usisà--"Inanó mo ang aking kapatid?"
--"Ginawâ ko sa kanya ang gagawin ko sa iyo kapag di ka sumunod sa amin!"
--"Anó ang ginawâ mo sa kanya?"
--"Siya'y pinatay ko!"
Isang pailalím na saksák sa sikmurà ni Florante ang itinugon ni Juancho. Si Florante sa lakás ng saksák ay daglíng nabaligtad, dapwa't noon sandaling iyon ang kanyang kaaway ay dinaluhong ni Gerardo, nagkágulong-gulong sa tulay at sa wakas ay nahulog sa ilog.
Ang tubig ng ilog na iyon ay may labinglimang dipá ang lalim; at si Juancho ay di marunong lumangoy.
Si Kiko na may kaunting pagkabinabae ay nápakurús nang makalawá, pagkukurús na sinalíwan ng sunód-sunód na "Susmariosep" at "Kaawàan ka ng Diyós!" Sa kalakihán ng tákot ay dalì-dalìng lumulan sa kalesa at talagáng tangkâ niya'y patakbuhíng mulî ang kabáyong nakawalâ ná sa pagkakásilat, dapwa't nang hahagkisín ná ang háyop ay siyang pagsigaw sa kanyá ni Gerardo ng:
--"Hoy!! Saan ka paparoon?"
Si Kiko'y kinilíg at parang tulíg na bumulalás ng di mawawàang mga:
--"Aba hindî pô, dine pô lang, walâ pô!"
Pagdaka'y inalúlan ni Gerardo sa kalesa ang sugatáng si Florante at si Elíng, na noo'y putlângputlâ, nanginginig, at nanghihinà.
Nilísan nilá ang tuláy na iyon, na ayon kay Kikò ay lubhâng kakilakilabot.
XVIII
PAHIMAKÁS NI FLORANTE.
Sa sumunód na sanglinggóng singkád, sa boông bayan ng Libís, ay walâng napaguusápan ang síno-síno man, saán mang súlok magkatatagpô kundî ang matalinghagàng gabí na sumaksi sa gayóng mga pangyayáring nakapanghihilakbot na lubhâ, at hálos di mapaniniwaláan ng mga di mapaniwalâing taga-Libís, dángan lang at may isáng Gerardo, isang Elena, at isáng Floranteng sugatán, na nagpapatúnay sa mga nangyári.
Lahát ng makadinig sa kasaysáyan ng gabíng iyón ay nagkakaisá na ang sinápit ni Kapitang Memò at ng kanyáng kapatid ay "isang marápat na gantíng palà ng Langit sa kanilang mga inasal." Subalì, anó ang nangyári kay Kapitang Memò? Walâ táyong nababatíd kundî ang katotohánan na siya'y nasugátan. Dápwa't namatáy kayâ ang bantóg na mámamatay? Ni si Florante, ni si Gerardo ay di itó masagót nang tahásan. At tila ngâ di matitiyák nino man ang bágay na itó, sapagka't kung túnay man na mabisà ang pagkakasaksák ni Florante,--bágay na pinatotohánan nang pagka-walâng malaytáo ni Kapitang Memò ng siya'y iwan nina Gerardo--ay túnay din naman na dáhil sa kadilima'y di matiyák ng binatà kung saáng bahági ng katawán tumamà ang patalím, kung sa dibdib, kung sa sikmurà ó kung sa tiyán. Tangí rito nang dalawin kabukasan ang mga poók na iyón ay walâng napagkita kundî ang namumuông dugô ng nasawîng pinunò. Maaárì na siya'y namatáy noón ding gabing iyón, at ang kanyáng bangkáy ay dinalá sa ibáng pook at ibinaon ng kasama niyáng nakataanán kina Florante. Maaárì na hindî siya nagtulóy sa pagkamatáy; na nang masaulían na ng diwà ay nakapag-inót na lumakad at tumungo sa isáng kublí at maláyong bahági ng iláng.
Sa dalawang "maaarìng" itó, alín kayâ ang túnay na nangyári? Mag-gáwad ng pasiyá ang bumabása.
Iniaátas ng kahusáyan na usigin kaagád ng hukuman ang madugông sigalot, upang sa gayo'y mapatunáyan kun sino ang may sála sa boông kasiyaháng-loób ng lahát, at sa ibáyo ng lahat ng mga pag-aálinlángan.
Tatlóng áraw na ang nakararáan. May mga higing na sina Gerardo'y ipadadakip, dapwa't higing lang. Kundanga'y sa boông bayan ng Libis, sina Kapitáng Memò ay walâ ni isang kamag-ánakang malápit ni kaibigan na nagkaloób na pumúkaw sa kapangyaríhang nagwawalâng-bahalà. Nguni't saán útang ang pagwawalâng-bahálang itó ng mga pinunò? Aywan natin. Lubhâ siyang kataká-taká.
Hindî masasábing mahírap dakpin sina Gerardo; sapagka't ang mga itó ay walang alís sa Libis. Si Gerardo'y waláng iniintay óras-óras kundî ang siya'y ipatáwag ng hukúman; samantalang si Florante namán ... oh, si Florante! Lalòng madalî siyáng hulihin!
Kahabaghabag na binatà! Pagkatapos na masagip sa panganib ang isáng kaibigan, pagkatapos na masunód ang átas ng matwid, ay siyá pa ngayón ang papagdudusáhin sa gitnâ ng isáng mapaít na kapaláran! Ang kanyáng súgat ay lumulubhâ. Walâng lagót hálos ang di maampát na tulò ng dugô. Araw-áraw ay humihinà ang dati'y malusóg, sariwà, at malakás niyáng katawán; tumatamláy ang mga matá na dati'y maningning na lagì; pumapangláw ang dati'y masayá at palangitíng mukhâ.
Si Gerardo ay balisángbalisá sa paglubhâng itó ng mahál na kaibigang nagligtas sa buhay niyá. Hindî siya humihiwalay kahi't sumandalî sa piling ni Florante, tangì na lamang kung kailangang totoo.
Siyá ang nagpapakain, siya ang umaalíw, siyá ang nagbibihis, siyá ang tumatánod sa may sakít araw-gabí. Kusang nilimot, isinatabí na muna ang ligayang tuwî na'y hinihingî ng kanyáng pusò, ang pakikiuláyaw, ang matamis na pakikipagtitigan, ang paghalík sa bangó, at pagtatamasá ng boong luwalhatì at láyaw sa kandungan ng kanyáng Julieta.
Dapwa't sáyang na pagpapágod ang kay Gerardo! Sa likód ng maíngat niyáng pagaalagá sa maysakít, ay walâ siyáng námalas kundî ang lalò pa manding paglubhâ nitó, ang lalòng panghihinà ng katawan, ang lalòng pagdalang ng tibók ng buhay, hanggang sa wakas ay sumápit ang mapaít na sandalî nang ang mga manggagámot sa gitnâ ng di masáyod na pangangambá ng lahat ay tahásang nagpahayag na sila'y walâ nang pag-ásang mailigtás pa ang may sakit.
--"Ginámit na namin ang lahát ng paráang sakláw ng áming kaya"--ang wikà nila--"Walâ na kaming magágawâ. Gayón ma'y magsidulóg kayó sa ibáng manggagamot na lalòng pantás kay sa ámin,--siná Valdez, Angeles, halimbawà."
Háting gabíng malálim nang ang pagsukòng itó ay ipahayag.
Minabuti ni Gerardo ang pagtáwag ng ibáng manggagámot sa Maynilà. Tinangkáng lumuwás, nguni't kailán? Pagbubukáng liwayway? Makasanglibong hindî! Si Gerardo ay isáng táo na kapag iníbig na gawín ang isáng bágay, ay di marunong magpabukás. Noon din sandalîng iyón siya'y napa-Maynilà. Ni tren, ni bapor, ni kalesa ay walâ; kaya't nangabayo, nangabáyong sumagupà sa gayóng dilím ng gabí!
Sa pagdáan niyá sa tapat ng báhay ni Elena, ay nagkatáong nakadungaw ang kanyáng kasi. Tumigil sandalî, ipinahiwátig sa tatlóng salitâ ang lagay ni Florante, at daglîng nawalâ: parang palasô na lumipád sa Kamaynilàan.
Si Elíng ay balisáng-balisá; nagbihis, at noón din ay napasáma sa bahay ni Florante.
Nang siya'y dumatíng ang may sakit ay kasalukuyang nagsasalitâ.
--"Nanay"--ang wikà sa iná, kay aling Tinay.--(Si Florante'y wala nang amá.) "Ayoko nang nakahigâ, ibig ko'y nakasandal." Nang masunod ang hilíng ay tinitigan ang lahat ng nangároon. Bukod kay Elena at sa kanyang iná ay nakilala ng may sakit ang mga katoto niyáng si Faure, si Lauro, si Baltazar, at saka ang magagandáng Pacita, Nena, at Milíng.
--"Elena, si Gerardo?"--ang pagdaka'y itinanóng ng makitang walâ roón ang tangi niyang kaisáng-loób.
--"Lumuwás siyá, upang tumáwag ng manggagámot."
--"Para sa akin?"
--"Oo."
Nagbuntong-hininga ang may sakít.
--"Oh!"--anya,--"bákit kayâ at nagpapakapagod ng ganitó si Gerardo? Papaano kayâ ang dapat kong gawín úpang makagantí sa kanyá?"
--"Florante, malakí ang útang ng loób ni Gerardo sa iyó. Iniligtás mo ang kanyáng búhay!"
--"O, ay anó iyón? Bakit siya kikilala ng útang ng loób sa akin gayóng walâ akong ginagawâ kundî tumupád ng katungkulan?... Para namang siya'y di si Gerardo!"
--"Kung gayón, Florante, ni ikáw ay di rin dápat kumilála ng utang sa kanya, sapagka't ang pagpapágod niyáng ginugúgol sa iyó ay isang katungkúlang nagbubúhat sa alin mang mabuting pagtitingínan ng mga magkakaibigan, magkakasáma, at magkakapatid sa isáng adhikâ."
Si Florante ay napangitî nang maunawàang siya'y nadaíg sa pangangatwiran ni Elena.
--"Tálo mo akó, Elíng"--ang kanyáng wikà--"At ako'y sumusukò... Sabihin mo kay Gerardo na maraming salamat!"
Pumikít ang may sakít at may kalahating-óras na di kumibô.
Walâng anó-ano'y dumilat, at pagkatapos na maibaling ang paningin sa lahát ng dáko ay binigkás ng hálos pautál-útal ang sumúsunod:
--"Mga kaibígan,--ano bagáng bagay na mahalagá ... ang umípon sa inyó ... sa aming marálitang tahánan? Batíd ba ninyó ... na dito'y inyóng madadamá ... ang mga hulíng galáw ng ísip ... na dito'y inyóng madidiníg ang mga hulíng anás ng kálulwa ... ang mga hulíng tibók ng pusò ... ng isang sawîng palad na gaya ko?
"Oo, sawíng pálad! Iyán ang dápat itáwag ... sa akin na mamámatay nang walâ man lang nagagawâ ... sa kanyáng Bayan!
"Sawing pálad ang gaya kong ... hihimláy sa libing ... na tagláy ang alaálang masungit ... na inaangkin ng isáng bandílang dayuhan ... ang Lúpang sa kanya'y paglilibingan!
"Sawing pálad ako, na walâng napagkita ... sa boô niyang buhay ... kundî mga úlap, mga luhà, mga paták ... ng dugông ninanakaw! Ah! mamámatay ako ... nang di ko nakikita ... ang paghihiganti ng sugatáng pusò ng isáng Apí! Mamámatay ako ng di ko namamálas ... ang pagbabangong puri ng isáng Dinuduhagi! Mamámatay ako ng di ko naitataás yaring kamay ... sa ngalan ng Kalayaan! Mamámatay akó ... ng di ko mamamálas yaong alapaáp ... na lilitawán ng Dakilang Lintík ... na tutúpok sa lahat ... ng mga pusòng duwág mahihina't walang dangal ... ang Lintík na magpapalubóg ... sa lahát ng Kapangyarihang dáyo, at magpapasikat ng boông dingál sa isáng ... Araw at tatlong Bituin!!"
Kinapós ng hiningá ang may sakít. Ibig pang magsalitâ, dapwa't di na maarì. Tináwag ang iná, hinagkán at niyákap.
Tumahimík. Itinirik ang mga matá. Akalà ng lahát ay patáy ná. Dapwa't hindî. Mulìng nangusap sa isáng mahinà at paós na boses:
--"Nánay, balútin ang aking katawán ... at ataúl sa bandilà ng Bayan...!
"Paálam na ... giliw kong Pilipinas ... Isáng malayàng ... Bágong Búhay!..."
Tumigíl ang tibók ng pusò; napútol ang galáw ng ísip; pumaitaás ang kálulwa, úpang kailán ma'y huwag nang magbalík. Walâng naíwan kundî isáng bangkáy, isáng ngalan, isáng halimbawà, isáng alaala, isáng binhî ng katapangan....
XIX
PAGHIHIGANTÍ NG DANGÁL
Gayón na lang ang pagmamahal ni aling Tinay sa kanyáng anák, gayón na lang ang pagkabúlag ng kanyang pag-ibig, na kahì ma't alam niyáng siyá'y sasalansáng sa isáng mahigpit na utos, kahì ma't alam niyang siya'y pilit na uusigin, at magdurusa sa bilangguan, ay hindî nangyáring huwag pagbigyán-loób ang kahulíhulihang bilin ng tánging bulaklák ng kanyáng pag-ibig, ang katapustapusang hibík ng isáng pusòng bayáni--ng isang pusòng makabayan, ang pahimakás na hilíng ng pinaglagakán ng boô niyang pag-ása, ang kahulíhulíhang tibók ng búhay niyaóng masunurin, masipag, mabaít, at magalang na anák, na sa gitnâ ng gayóng katandáan, ay siyáng ligaya ng kanyáng matá, paraluman ng mga pangarap, at dangál ng kanyáng pagka-iná.
Lahát halos ng mga kamag-ának at mga kaibigan ni aling Tinay ay nagkakaisang di mabuti ang kanyang inaakalàng pagsunod sa bilin ni Florante.
--"Alalahánin mo, Tinay"--anilá--"na tayo'y nasásakóp ng ibáng kapangyarihan. Ang gagawin mo ay isang malinaw na paglapastangan, isang talampákang paghamon sa pamunúang amerikano!"
--"Ay anó sa ákin?"--ang tugon namán ni aling Tinay sa gitnâ ng pagpipighatî--"Anó sa ákin ang kapangyaríhang iyan, anó ang lakás ng pamunúan, anó ang bisà ng isáng mabangís na útos, anóng kailangang magdúsa sa harap ng tagubilin ng mahal kong anák?"
--"Tinay, maghúnos dilì ka; ikaw ay nabubulágan."
--"Masasábi ninyó iyán sapagka't siya ay di ninyó anák, sapagká't kayó ay di naghírap sa kanyá, sapagka't di ninyo alám ang halagá ng aking Florante!"
Si aling Tinay ay humagulhól ng iyák kagáya ng isáng batàng musmos.
--"Ang nakakahirap sa iyó, Tinay"--anang isáng matandâng lalaki--"ay napadádaig ka sa mga udyók ng pusò: áyaw kang mangatwíran nang mahináhon. Makiníg ka sumandalî. Si Florante ay naghihingalô ná nang hilingin ang tungkol sa bandilà, hindî ba?... Kung gayo'y dápat mong tantuin na kapag ang tao ay naghihingalô, ang pag-íisip niya'y humihinà, lumalabò, nakalilimot, at..."
--"Siyana ná, tio Kulás"--ang biglâng pútol ni áling Tinay--"Masasáyang lang ang inyóng mga salitâ sa ákin. Dapat ninyóng matalastás na nóon pa mang araw, ay nabanggit na rin sa akin ng anak ko, ang kanyang náis na kapag siya'y namatay, ay huwag papalamutihan ang kanyáng ataúl ng anó pa man maliban na ngâ lang sa isáng bandilàng pilipino...
"Ah, magpahingá kayó, mga pusòng mahihinà! Di ninyó batid ang linaláyon ni Florante!... Ibig ipakíta ng anák ko na walâng bandilà siyáng iginagálang, at walâng kapangyarihan siyang niyuyukûan kundî ang bandilà't kapangyaríhan ng Tinubúang Lupà!
"Ibig niyáng ipahiwatig na di ang lahat ng utos ng pamunúan ay dápat sundín; na kapág ang isáng kautusan ay walâ sa matwid, ang magtaás ng noo, ang magmatigás, ang tumutol, ay di isáng kasalanan, kundî isáng átas ng kabayanihan, isang tandâ ng katinuán, isang taták ng karangálan!"...
Si tandâng Kulás ay napanganga't sukat. Kailán má'y di niyá naapuhap sa kanyáng gunita; ni natunghan sa lalòng malalim niyang panaginip ang larawan ng isáng babáe na pinúpulásan sa mga labì ng gayong mga salitâng sakdál ng titigás!
Iiling-iling na lumayô sa harap ni aling Tinay.
--"Eh, eh! Katakot-takot na babáe itó!"--ang tanging naibulóng sa kanyang sarili.
Ibig ni aling Tinay, áywan kun bákit, na kapag namatay ang isáng táo, ay málibing kaagád; áayaw ng búrol-búrol. Dahil dito'y kanyáng inihayág na ang libing ni Florante ay idadáos sa ika ánim na oras ng umaga ng araw ding iyon ng pagkamatay.
Nagbubukang liwaywáy.
Sa tapát ng namatayang báhay ay may isáng binatàng luksâng-luksâ, nakatungó, nakasalikód kamay, at walang tigil ng kayayaó't dito. Banayad ang mga hakbáng. Kagaya ng isang may iniisip na malálim. Walâng kamalákmalák ay biglang napatigil. Tiningalâ ang isang kimpal na alapáap sa mukhâ ng langit, at pinagalaw-galáw ang úlo na animo'y may kinákausap doon.
Sino ang binatàng ito? Si Faure. Pakinggan natin ang tibok ng kanyang damdamin:
"Florante, kay ligáya mo ngayon!--Nilisan mo na itóng Lupàng maligalig--at ngayo'y náriyan ka na sa Bayan ng kapayapaán, sa Báyan ng pagkakápantáypantáy, diyán sa walâng naghahari kundî ang isáng Bathalàng sumasagisag sa banál na Katwiran...
"Oh, laki ng kaibhán ng iyóng kalagáyan, kay sa ámin dito sa lupà.
"Kayó diyán ay tahimik, walâng íringan, walâng paghihigantí, iisa ang pananampalataya, iisa ang damdamin, waláng sinusunod kungdî iisang bandilà, waláng iginagalang kungdi iisang dambanà; ang bandilà ng Matwid at ang dambanà ng Katotohanan...
"Samantalang kamí sa bahaging itó ng Sangdaigdig, ay walang nalalasap sa tuwituwi na, kungdi ang mapaít na latak ng buhay. Sa lahat ng dako ay himutók, pananángis, panambitan, hinagpís ng mga ináapí, ng mga tinaksíl na sawing palad, ng mga isinilang sa baníg ng hirap, na kahima't may katutubong karapata't dangal ay lagì na lang niyuyurakan, dinadayà, hinahamakhamak, dinudustadusta... ng mga palalòng mapagmataás na nangbubúlag at nang-aalipin...
"Ah! sinong nagbabatá ng ganitong kalagayan namin ang di makapagsasábing kayóng naririyan ay mapapalad?
"Kung gayon...
"Bakit itatangis ang inyong pagpanaw?
"Bakit ipagluluksâ ang inyóng paglípat sa kabilang búhay?
"Mahanga'y--ipagsayá, pagka't nariyan kayó sa lubós na kapayapaan.
"Nguni't--¡sinungáling!--Bakit di mapigil ang pagluhà niyaring pusò tuwi kong magugunitâ ang mapangláw na tinig niyaong batingáw?
"Ah! Sapagka't ang tinig na iyon ay nagsasabing si Florante na giliw kong kaibigan ay pumanaw sa akin. Sapagka't ang tinig na iyon ay nagsasabing nalagasan na naman ng isáng kawal ang kabinataan--iyáng kabinatàang sa araw ng bukas ay siyang magtatagúyod at magsasanggalang sa isáng Bayang mahinà't hapô upang huwag muling mahulog sa hukay ng pagkaaba.
"Nguni't...
"Kung dini sa Lupa'y nagkakailangan ang ating lahì ng hukbó ng mga bayani upang makapagtanggol sa kanyang Karangalan, Kalayaan at Buhay, diyan namán sa Langit ay nagkakailangan siya ng mga kinatawán upang idalángin sa haráp ni Bathalà ang kanyang ganáp na Katúbusan!
"Idalangin ang Katúbusan!--ang Katúbusan ng isang Bayang laging nanglulumó ang puso sa hápis at uhaw sa tunay na ginhawa; ang katúbusan ng isang lahìng pinipilit ng walang karapatán sa isang kalagayang salungát sa kanyang ninanasà at lagì nang pangarap.
"Idalangin ang Katubúsan!
"Sa dakilàng tungkuling ito, ay huwag nawang makalimot ang mga kaluluwang pilipino na lumuluwalhatì sa kabilang búhay..."
Ang binatá'y mulíng tumungó, lumákad nang kauntî, bago dinúkot sa bulsá ang kanyáng orasán. Mag-iíkaánim ná ng umága. Si Faure ay nanhík.
¡Kay panglaw doon sa bahay! Bihiráng matá ang walâng patak ng luhà; bawa't mukhâ ay larawan ng isáng di masayod na lumbáy ng kalulwá; sa bawa't labì ay walâng pumupúlas kundî pawàng pagkahabág, panghihináyang, panalángin, mga buntong-hiningá...
¡Kay kapal ng mga makikipaglibíng! Ang malakíng báhay ni Florante ay lumíit sa karamihan ng táo. Lahát halos ng mga kaanib sa "Dakilàng Mithî" ay nahandoón. Si Gerardo lang ang walâ, papaano'y noon mga sandaling iyon ay karárating lang niyá sa Maynilà.
Ika ánim na ganáp ng umága nang ipanáog ang ataúl, na pinápalamutihan ng isang matandâ at malápad na Bandilàng Pilipino.
Sa sambahan muna dinalá ang bangkay. Nang mulîng málabás, at nang tutungúhin na ang libingan, ay siyáng pagdatíng ng... (¡sinasabi na ngâ bá ni tandâng Kulás!)... limáng kayumangging kawal ng konstabulario at isáng putêng pinunò, na taglay sa báywang ang isáng kumíkináng na sandata na sa kahabaan ay humíhiláhod sa lupà!...
Nagdidilim ang mukhâ ng pinunò. Nang malapit sa ataul ay daglíng tumigil, nilabnót, iniwálat at niyurákan ang Bandilà!
Isáng kasíng bilís ng lintík ang noón din ay humaráp sa walâng-pitagang pinunò, at walâng sabi-sabi'y ikinintál pagdáka sa mukhâ nitó ang dalawâng sampál na sunód.
¡Kinilabútan ang láhat!
¡Gulóng katákot-tákot!
¡Ang gayóng kapangahasán ng isang kayumanggi sa isang nakasableng pute, hanggá nang hanggá ay noón lang násaksihan ng mga táong iyon!
Sa sumunód na sandalî, ang Lakás at ang Kapangyarihan ná, ang siyang nagharì.
Ang kayumanggíng pangahás ay pinagsunggabánan ng mga kawal ng pamahalàan. Mga dágok, tadyák, tungáyaw, pagláit, ang naghatid sa kanyá sa bilanggúan.
¡Kataka-taká ang kapal ng táo na natípon sa sigalot na itó! Boông báyan halos! Karamíhan sa kanilá ay mga lálaki--mga laláking may mga bísig at pag-iisip!... Gayón ma'y lahát ay walâng ginawâ kundî ang tumangá, manóod! manginíg!! mamutlâ!!! matákot!!!!
Untî-untîng naáyos ang guló. Ang nabagabag na libíng ay naipatúloy din.
Noóng gabíng iyon, ang pinunò ng "Konstable" ay dinalaw ng isang kakilákilabot na panagínip. Isáng bangkáy ang napaginipan niyang tumayô nang dahan-dahan, lumákad, humaráp sa kanyá, itináas ang dalawâng kamay at nagkakangdidilat sa pagsigaw ng: "Mane, Thecel, Phares!"
Sa katakutan yatà at pagkágulantáng ang makisig na pinunò ay kamuntî nang makálundág sa dungawán ng kanyáng silid.
XX
SI ELÍNG AT SI GERARDO.
Katanghalìang tapát.
Sa isáng báhay na malíit at sa tabí ng isáng dungawán, ay nakaupông magkaharáp si Elena at ang bathalà ng kanyáng pusò, na noón lamang dumating.
Ang binibini'y walâng kakibôkibô; nakatitíg sa dibdib ni Gerardo ang mapupungay niyang matá, na pára bagáng pinipilit na mahuláan ang mga damdaming doo'y nakukulóng. Ang binatà nama'y nakatungó, kagát ang labì, sapúpo ang malápad na nóo ng kánang kamáy, at... walâ ding imík; ang maminsan-minsang pagbuntóng-hiningá, ang nagsisikláb na paningín, ang nagdidilím na mukhâ, ang nóong kunót ay nagkákaisa sa pagpapahiwátig na hindî kaligayáhan ang itinitibók ng pusò. Anó ang nangyayari sa táong itó? Dinadalaw kayâ ng panibughó? Nagsisisi kayâ sa isáng nagawâng kasalanan?
--"Ang mga taksil!"--Itó ang nawikà ni Gerardo pagkaraan ng ilang sandalî.--"Nagawâ nila iyón, at,.. diyatà nama't ang bayang iya'y nakatiís?... Wala na namáng ginawâ kungdî ang humalukipkip? Diyatà ba nama't walâ ni isáng tumulong, walâ ni isáng nagsanggálang kay Faure? Walâ ba roón sina Leon, siná Marcelo? Walâ ba ni isáng laláki?"
Si Elena ay íiling-iling na sumagót:
--"Pusòng laláki?... Ay, Gerardo! Ni isa'y walâ! Siná Leon ay handoóng lahát."
--"Nguni't sa ngalan ng Diyós, ano ang kaniláng ginawâ?"
--"Walâng walâ kundî ang tumingín!"
--"Oh, tumingín! tumingín!!"--ang mapangláw na úlit ng binatà.--"At patí bagá siná Leon ay nakitingín? Díyata't ang mga ginoóng iyán na kung tawagi'y mga makabayan--silá na sa tuwing magtatalumpati'y walâng ipinangangalandákan kundi dugo hangga't kailangan!--díyata't ang mga ginoóng iya'y nakitingín patí? Oh, tumingín! Mangalandákan! Talagá bagáng táyo'y hanggán diyan na lang? Pulós na dilà at matá na lámang ang gagamítin? Ang áting bagáng mga bísig sa habang panahon ay pananatilíhin sa pagkakahalukipkip? Di na bagá tayo magkakalóob na sila'y igaláw?...
"Oh báyan! báyan!! Násaán ang iyóng dangal?... Násaán ang iyóng lakás?
"Makapangyarihan ka sa lahát, nguni't,"
--"Diyós lang ang makapangyayári sa kanyá;"--ang kaagad ay ipinútol ni Elíng.--"Ang mga mapanglúpig na táo at ibáng báyan ay hindî! Di ba gayón, Gerardo?"
--"Túnay ang sábi mo, dapwa't di siyang nangyayári."
--"Sawîng pálad na lahì ang átin!"
Ang binata'y mulíng tumungó at mulíng napipi. Nakaráan ang iláng sandalî. Kaginsaginsa'y itinaás ang úlo, at tumindíg.
--"Bakit, Gerardo?"--ang usisà ni Elíng--"Anó ang nangyayári sa iyó? Bakit ka nagkákaganyán?"
--"Walâ, Elena! Akó muna'y magpapaalam."
--"Bákit, saán ka páparoón?"
--"Walâ, may gágawin lang akó."
--"Matutulungan ba kitá?"
--"Maraming salámat, Elíng!"
--"Ano ang gágawin mo?"
--"Tútupad ng isáng katungkulan."
--"May miting ka bang dadaluhan?"
--"Walâ."
--"Alíng katungkulan ang sinasábi mo?"
--"Si Faure ay hahangúin ko sa bilangúan!..."
--"Hahangúin mo?... sa bilangúan?"
--"Oo, Elena, ililigtas ko, ililigtas kong pilit ang may loób na nagtanggol sa Dakilàng Watáwat!... Isáng kautusáng di tumpák sapagka't udyók ng simbuyó ng loob, ang nagbabáwal sa paggamit ng Bandilàng Pilipino; nguni't hindî dáhil sa pagbabáwal na iyán, ay maáarì nang siya'y yurákyurákan at dustâdustâin ng síno mang harì-harìang ganid... Oh hindî!... Iyán ang watáwat na pinagkamatayáng sagipín ni Rizal, ni Bonifacio, at ng libo-libo pang bayani ng ating Kalayàan. Dahil sa watáwat na iyán nagpakamatáy ang aking nunò, ang aking mahál na amá, at mga kapatíd!... At sakâ ngayo'y hahamákin? Ah!... Ang pagtatanggól ni Faure ay isáng gawâng dakilà! isang kabayaníhan!... Dápat ko siyang abulúyan. Palalayáin ko at palalayáin ko kaagád ang bayáning laláki!"
--"At papáno ang iyóng gágawin?"
--"Kun hindî siya makúha sa pamamagitan ng malulumánay at mapayapàng pangangatwiran,... dadaánin ko sa dahás! Dahás ang sa kanya'y nagpások doón, maaárìng dahás lamang ang sa kanya'y magpápalabas!"
Ang boses ni Gerardo ay nanginginig. Ang mga matá niyá ay nakapangingilabot.
Si Elena'y kagyat namutlâ at warì baga'y nangliliít sa kanyáng pagkakáupô.
--"Diyós ko!"--anya--"Ano ang iyong gagawín, Gerardo? Ako'y nahihintakútan!"
--"Bakit, Elena? Hindî ba matwid ang aking úusigin?"
--"Ipagpalagáy ko nang matwíd, subali'y bákit ka gagámit ng dahás?"
--"Hindî akó gagámit kundî kailangan; at ang lahát, kapag kailángan ay dapat pangáhasán!"
--"Dápat pangahasán hanggáng di nalalábag sa mga útos!"
--"Oo, kung ang mga útos na iya'y nasasálig na lahát sa katwiran!...
"Matwíd ba ang ginawâng pag-lúpig at ang pagkábilanggo kay Faure?"
--"Siya'y nagbúhat ng kamáy sa kanyang kapwà!"
--"Túnay! Dapwa't bákit? Ah! Sapagka't ang gánid na iyón sa kanyáng pagyúrak sa Dakilàng Watáwat, ay niyurakan ang púri, ang dangál, ang kálulwá ng boông Kapilipinuhan!...