# Bulalakaw ng Pag-asa

## Part 6

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/bulalakaw-ng-pag-asa-35868/index.md

Si Faure ay nagsasabing nararápat; at siyá ang nagpalagay na ang kapisanan ay maaáring lumahok sa polítika; samantálang sa kabilang panig si Juancho namán ay nagmamatigás na di nararápat. Itóng hulí ay bumigkás ng isáng mahabàng talumpatì na dinulúhan ng mga ganitóng pangungusap:

--"Manghimasok táyo sa polítika?... Kay samâng palagáy!... Táyo na mga batàng-batà pa, ¿anó ang áting masasápit sa gáwaing iyán?... Huwag táyong pakasúlong, mga kabinatà, huwág mangahás sa di nátin káya... Kailangan dito'y mahabàng pag-aáral, mga malalálim na pagkukurò at pag-iísip na hinóg at di hiláw na gáya ng átin. Ipaubayà iyán sa mga matatandâ; iya'y di nábabágay sa kabatàan"....

Si Juancho ay umupô; pagdáka nama'y tumindíg sa dákong likod niyá si Faure.

--"G. Pangulo"--anya--"di ako namamanghâ sa pagsalungát ni ginoóng Santos sa áking palagáy; kamí ay láging magkalayô ng damdámin; siya'y isá sa mga sumásambá sa bandilàng áyaw hiwalayán ng mga Pederal; ang ngálan ko nama'y nakatítik sa plataforma ng Partido Nacionalista.... Wikà niya'y di táyo dápat manghimások sa polítika, sapagka't táyo raw ay mga batàngbatà pa, sapagka't tayo'y walâ pang káya.... Di ko hinahanápan ang ginoó ng ibáng paghahakà.... Walâng káya! Iyán ang bukáng-bibig ng mga gaya niyáng Pederal at ng kaniláng mga amá-amáhan; iyán ang kaniláng pangarap araw gabi, iyán ang lagì niláng naguguni-gunitâ, dinádasál-dasál, ibinúbulóng-bulóng... Ipinahihiwátig ko sa aking katálo na sa pagnanasà kong pumások ang kapisánan sa bakúran ng polítika, ay walâ akóng minimithî kundi ang pagsikápang liwanágan ang mga tungkúlin ng mga mámamáyan sa kaniláng Tinubúan; bakáhin iyáng ating namamalas ngayóng mga kahálay hálay na pagwawalang bahalà, mga kasagwâan ng ilán sa ating mga pinunò, at ang mga duwág na pagyuyukô ng ulo sa haráp ng mga mapagharì-harìan. Hiláhin sa liwánag ng áraw at ihantád sa matá ng Bayan ang mga kaáway niyáng lihim, sina Masasakim, sina Mapagbalatkayó, sina Kukong-lawin. Pukáwin ang lakás ng lahì upáng palayasin dito ang mga dayúhang magdarayà na sumasalungat sa kanyáng pinakamámahal na damdámin at náis, at yumuyúrak nang líhim sa karapatán at kalayàan na pamána ng Diyós sa kanyá. Ipaála-ála sa kanyáng lagì na ang Báyang di kumikilos ng ganitó, ang Báyang nagtítiís sa pagwawalâng kibô at nagkakasya na lamang sa lihim na pananangis, kapág siya'y dinudusta, ang bayang iya'y alípin, busabos, duwág... Itó, mga kababayan, ang pinakamimithi kong layunin ng ating kapisánan. ¿At alin ang kaluluwáng may dangal, matandâ man ó batà, na makapagsasabing siya'y walang lakás at káya na tumupad na ganitóng dakilang katungkúlan?

"Mga batà pa raw táyo! Ang isip yata'y pulós na matatandâng hukluban lamang ang marúnong sumurì sa mga bágay na iyán!... Sa isáng binatà ay walâng dápat makasindák, walang dápat makapígil sa kanyáng paglakad, waláng dapat makahadláng sa kaniyang iniíbig; kaya't walâ sa matwid ang isang magsábing tayo'y walâng káya na maghimasok sa polítika."

Si Juancho noo'y kasalukuyang ninenerbyos. Di magkantututo sa pagsigaw ng:

--"G. Pangulo; hindi ko maáayunan ang mga ipinahayag ng hulíng nagsalitâ, hindi nga po, at makásanglibong hindî!!..." (at dito'y pinanginig pa mandin ang boses na ubos-diin) "Ipinalálagay ko pong ipaliban ang pagtatalo sa..."

Isáng malakás na pukpok sa lamesa ng Pangulo ang ikinaputol.

--"Di matátanggap ng mesa ang inyóng palagáy,"--anya--"sapagka't di pa napasisiyahán ng pulong ang palagay ni G. Faure na kinatigan ni G. Lauro."

Dali-daling umupô si Juancho. Nagpatuloy ang Pangulo:

--"Mayroón pa bang pagtatalo tungkól sa bagay na ito?... Kung wala, lahat ng umaáyon sa mungkahi na ang kapisanan ay maáaring manghimasok sa polítika, ay magsitindig."

Sa apat na pu't tatlong kaanib na naroroón, ay anim lang ang di tumindig.

--"Ginoóng Pangulo"--ang mulîng bigkás ni Faure--"Ipinalálagay ko pô na ang 'Dakilàng Mithî' sa pamamagitan ng kaníyáng pangulo, at kalihim ay magpadalá ng isáng kalatás sa bawa't kapisánan ng kabatáang natátatag sa Sangkapulûan, upang sila'y anyayáhan na umánib sa átin sa paghingî sa Báyang amerikano ng lalòng madalî at karakarakang Pagsasarilí ng Filipinas."

--"Kinakatigan ko pô ang palagáy ni G. Faure"--ang pagdaka'y isinunod ni Pacita.

Lahát ng matá ay nakasulyap kay Juancho, na sapagka't leader ng mga pederal sa "Dakilàng Mithî" ay siyang lalòng may katungkúlang sumalungat sa gayóng mungkahì.

Nakaraan ang iláng sandalî.

Si Juancho ay dî umiímik! Nakapakò ang paningín sa kanyáng orasán na para bagáng binibilang ang mga ¡tiktak-tiktak! nitó. Manaká-nakáng tingalaín at pakiramdaman ang bubóng na páwid ng báhay. Ang boông anyô niyá ay gaya ng sa isáng mangangáso, na mulâ sa malayò ay nakikiníg sa takbuhan ng mga usá.

Sa gayóng lagay ni Juancho, ay di niyá nápapansín ang ikinindát-kindát sa kanyá ng kanyáng mga manók na ang ibig sabihi'y "Lantakan mo!"; di niya nararamdamán ang mga kalabít sa kanyá ng mga násalikod; di niya alumána ang pangungunot ng noó ng naka-itim na nang di na makapagbatá ay bigláng lumundág at úbos lakás na inahiyáw ang isáng matápang na

--"G. Pangulo!!"

--"G. Kabúyas"--ang tugón namán ng pangulo.

Si Kabúyas ay naghágis muna kay Juancho ng isáng nanglilísik na tingin, bágo nagpatuloy:

--"Sa ngalan pô ng dangál ng 'Dakilang Mithî' ay tinututúlan kong mahigpit ang mungkahì ni G. Faure.

"Hindî ko mapagkurò kung bakit ang isáng magiting na ginoóng gaya ni G. Faure ay makaísip na magharáp dito ng isáng palagáy na waláng kaúlo-úlo at walâng maibubunga kundî libo-libong pulà sa katalinuhan ng 'Dakilang Mithî!'"

--"Bravo! Bravo!!"--ang di magkamáyaw na sigaw ng mga pederál. Ito'y lalò pa manding nagpainit kay Kabúyas.

--"Oo nga pô, mga binibinì at ginoó, kapag ang kapisánang ito ay tinanggáp ang palagáy ni G. Faure, ang kakamtán natin ay di lang libo-libo, kundî yutà-yutàng pulà!!

"Anó pô ang ating mahihitâ sakali ma't umanib sa atin ang ibáng mga Kapisánan sa paghingî ng karakarakang pagsasarilí sa Báyang amerikano?

"Didinggín bagá táyo ng pamahaaán? Makikitúngo ba ang pamahalaáng iyan sa mga gáya nating musmós?

"Kung ang Kapulungang Báyan ngâ ay di pinakitunguhan nang humingî itó ng Pagsasarili, ¿táyo pa kayâ?

"Malaking katiwalìan ang nilaláyon ni G. Faure!

"Kung ang kapisánan ay may talino at dangál, ang palágay na ito'y di niyá sasang-ayúnan."

Si Kabúyas ay naupô sa gitnâ ng boông kasiyaháng loób. Si Faure namán ang tumindíg.

--"Mga kasamahan,"--anyá--"itinatanóng ni G. Kabúyas kun anó raw ang mahihitâ ng kabatàan sa paghingî ng karakarakang Pagsasarilí. Hindî pulà gáya ng maling hinágap ng áking katálo kundî pagpúri pa ngâ ng ating báyan sa ganitong pagkilos.

"Hindî man táyo dinggin ng Báyang amerikano ¿ay anó? Makagaganáp tayo sa isang katungkúlan! Katungkúlan ng bawa't táo na hingin ang Kalayàan ng kanyáng Lupà kapág ito'y handâ nang lumayà. Mga busabos lang ang ayáw humingî ng Kalayàan. Ang Pilipinas ay maláon nang handâ sa isáng Malayàng Búhay. Ibig ba nátin na ang kabatàang Pilipino ay panganláng mga busábos?

"Hindî lang pagganáp sa isáng katungkúlan ang nilalayon ng áking mungkahì. Ibig ko ring ipamatá sa Pamunúang amerikáno ang katotohánan na di lang ang mga matatandâng pilipino, kundî patí ang kabatàan ay nagkákaisá sa pananalig na ang pagsasarilí ng Pilipinas ay dápat nang ibigáy sa kanyá; at dáhil sa katotohánang ito ay panahon na ngayóng ang Pamahalaáng iya'y magbágo ng kilos; dápat na ngayóng manaínga at mag-áral gumálang sa damdáming isinisigáw ng Káluluwá ng Báyang namamanhík sa gitnâ ng dúsa. Panahón na ngayóng dápat ipamálas ng Amerika, di lamang sa haráp ng Kapilipinúhan kundî patí sa harap ng Sangsinúkob, na siyá ay may isáng púsong túnay na bayáni ng Kalayàan. Panahón na ngayóng dapat isagawâ ang pangungúsap ni McKinley, na ang hangad ng Báyang amerikano, sa kanilang panghihimasok díto, ay di ang pagsúpil kundî ang pagpapalayà sa mga pilipino, (not as a conquering, but rather as a liberating nation.) At panahón na rin ngayóng dapat ipagsigáwan sa mapagbingíbingíhang Amérika ang di maitátakwíl na katotohánan, na isáng panglulúpig at walâ kundî panglulúpig ang magharì sa áyaw paharì; na isáng ásal-ganid ang pagsikíl sa buhay ng may karapatáng mabúhay nang malayà; na isáng ásal-háyop ang pagsasamantala ng Malakás sa Mahinà!...

"Anó pa ang hinihintáy ng Pamahalaáng nakasásakóp? Ibig ba ng Pamahalaáng iyán na si Washington at ang kanyáng mga kapanahóng namuhúnan ng dugo, sa pagtatagúyod sa hangád ng báyan nila nang maghimagsik; ibig ba ng Pamahalaáng amerikano, aking inuulit, na magsibalikwás ang mabubunying kaluluwang itó sa kaniláng libingan at siyá ay sisíhin sa di pagtupád sa kanyáng tungkúlin? Alin pang áraw ang ibig dumating? Kun kailan ba pumutî ang uwak?"...

Napútol dito ang talumpatì ni Faure. Si Juancho noón ay biglang lumundag mulâ sa kanyáng upô at nagsisigáw ng--"Sunog! Sunog!! Sunog!!!"

At siyá ngâ namang totoo! Nagliliáb ang palupo ng báhay!

Nangamutlâ ang lahát. Di magkamáyaw ang mga "tubig!" at "Diyos ko!" Nangagtilían ang mga babáe. Nangag-iyákan ang mga batà.

Takbó ríni at takbó roón; sigáw dini at sigáw doón.

Nangag-unahán ang lahat sa pagpanáog.

Lumalakí ang apóy! Tupók na ang bubóng ng báhay.

Samantalang nagkákaguló ang lahat sa lupà, doon naman sa itaás ay may ibang nangyayári.

Dalawáng táo ang nakatayô sa punò ng hagdan: isang babáe na pinipigil ng isáng lalaki.

--"Elena,"--ang mabangís na wikà nitong hulí--"sasáma ka sa ákin ó ikáw ay mamámatay!"

--"Ulól! at síno kang sasamáhan ko?"

--"¡Ang katawán mo ó ang iyong búhay!!"--ang muling sigaw ng lalaki at lalòng hinigpitán ang pigil sa kamay ni Elena.

--"Háyop! bitíwan mo akó!"

--"Di maaarì!"

Sa kapipitlág ni Elena ay nabitáwan ng pumipigil ang kanyáng kamáy. Hálos palundág na nanáog. Nguni't di pa hálos nararatíng ang kalahatìan ng hagdán, siya'y inábot na namán ng taksíl. Ang pangingibábaw ng Malakás sa Mahinà ay mulíng napatunayan.

Sinapúpo ng lalaki ang binibining nanglalambót; ipinanhík mulî, at saka ipinanáog doón sa kabiláng hagdán, sa bandáng likód ng báhay. Walâ doón ni isáng táo, sapagka't ang lahát ay nagkakatípon sa harapán.

--"Gerardo, oh Gerardo! násaan ka?"--ang tánging naisigáw ni Elena.

--"Gerardo?, anóng Gerardo?"--ang pairíng na tugón ng lalaki.--"Anó pa ang Gegerarduhin mo ngayón? Si Gerardo'y patáy ná!"

--"Tampalasang táo!!"

--"Yaóng nanhík kanínang suót demónyo ang siyáng umutás sa kanyá!"

--"Oh mga tampalásan!!"

Si Elena ay hinimatay.

--"Lalong mabuti!"--ang sa sarilí'y nawikà ni Juancho, at pagdaka'y inalúlan ang abâng si Elíng sa kalesa niyáng doo'y inihandâng talagá.--"Kutsero, pika!!"

XVI

SA ILÁNG NG MGA ASWÁNG

Ang líham na tinanggáp ni Gerardo ay lábis nang nag-úlat sa kanyá na sa gabing iyón ay pilit siyáng makasasagupà ng isang kataksilán.

Lábis din niyáng alám na ang pagpáyag na sumáma sa demónyo ay lubhâng mapangánib.

Dápwa't umúrong sa panganib ay ugalì lang ng mga pusong marurupók, hindî ng mga gaya niyáng walâng tákot na kinikilala kundî ang tákot sa kaniláng Diyós at Báyan; hindî ng mga

"Mapagbiróng lagì sa tampó ng buhay "Mapaglarô kahi't sa labì ng hukay."

Ang gabí noón ay sakdal ng dilim. Sa maulap at masungit na langit, ay walâ ni isa mang bituin.

Nang siná Gerardo ay mapaláot na sa gayong kadilimán, ang demonyo ay nagtumúlin ng lakad. Si Gerardo naman ay nagliksí din.

--"Sabihin na, páre, kung kayo'y sino;"--ang patawang wika ng binatà sa kanyang kasama.

Ang pagkapípi ng demonyo ay patúloy pa rin. Walang itinugón kay Gerardo kundî mga di mawatásang bulóng; at lalòng binilisán ang hakbáng.

Saán silá patúngo? Itó maráhil ang ibig na maaláman ng bumabasa.

Dapat munang unawain na ang báhay nina Pepe na kanilang pinanggalingan ay nagíisang nakatayô sa labás ng báyan ng Libis, sa tabi ng isang mahabàng dáan na patungo sa Maynilà. Mulâ sa bahay na iyón, ang isáng maglalakbay sa Maynilà ay kailangang lumakad ng mga isáng óras bago dumating sa kapwà báhay. Ang dáang itó na patungo sa Maynilà, ay siyáng tinatalakták nina Gerardo. Kalahating óras na siláng naglálakad nguni't di pa tumitigil. Naiinip na si Gerardo, dapwa't gayón na lang yatà ang kagandahan ng kanyáng ugalì na kahi't ang isáng pagkainip ay áayaw ipahalatâ kahi't sa isáng demonyo. Bukód sa rito'y talagá namáng nátigasán niyá ang pakikipagtagálan sa kanyáng kasáma saan man siya dalhín palibhasa't malaki ang nais niyáng mabatid kung tunay ngang matutupad ang mga sumbat sa kanyá na natatalâ sa tinanggáp na liham.

Sa di kawasa'y lumikô ang demonyo sa isáng landás. Ang binatà nama'y lumiko din.

Di naláon at sila'y sumápit sa isáng iláng, na dáhil sa kasukálan, ay matatawag nang gúbat. Isang bahagi ng iláng na íto ay pinangingilagang lubhâ ng mga matatakuting taga-Libis túlad ng pangingilag nilá sa isáng libingan. Di umano'y may mga lunggâ doón ang mga aswáng. Di umano'y ang mangahas na máglagalág doón sa kalalíman ng gabí ay nawawalâ't súkat. May mga báboy daw na sungayan, mga kalabáw na parang bága ang mga matá, at mga ásong singlalakí ng kabáyo, na parapárang nanghaharang doón.

Itó ang lugal na tinutungo ng demónyo.

--"Abá pare,"--ang birò ng binatà--"¡baka tayo'y harangin diyán ng aswang!"

Lalòng nagtumúlin ng lákad ang demónyo at saka tumigil ng biglâng-biglâ.

Dinukot sa bulsá ang isang aywan kung anó, bago inalápit sa mga labì. Hinipan. Ang tunóg ay katúlad ng huni ng ahas. Noon di'y pahangos na tumátakbo sa kanilang kinatatayuán ang isáng... ¿aswáng na kayâ?... putót na putót ng damit na itím--tulad sa itím ng gabí.

Ang bágong-datíng at sakâ ang demónyo ay lumayo sa binatá ng iláng dipá, at nagbulungan.

Sandalî lamang at ang demónyo'y pasugód na lumápit kay Gerardo. Sinaklót itó sa liig, at sakâ nagngi-ngitngit na tumanóng:

--"Walâng-hiyâ, ¿kilalá mo ba akó?"

Kumulô ang dugô ni Gerardo sa ginawâng iyón sa kanyá. Isang suntók na úbos diín sa sikmurà ng demonyó ang kanyang iginanti. Ang liíg niya'y nabitiwan at súkat ng pangahás na ngatál na ngatál sa poot, at di magkantutúto sa pagsigáw ng sunódsunód na.--

--"Waláng-hiyâ!! magsísi ka ná ng iyóng kasálanan! ngayón, ngayon mo akó makikilala!!"

Sa sasál ng gálit, at sa gitnâ ng pagngi-ngitngít, ay di nabatá ang di damukúsin ang mukhâ ni Gerardo.

Si Gerardo na noó'y pigil sa bisig ng kasapakát ng kanyáng kaáway, palibhasá't nadaíg siyá noón sa lakás, ay walâng naitugón kundî mga sipà.

--"Ulupóng!! mga duwág!! Ganyán ang mga duwág!!"

--"Pápatayin, pápatayin kitá, salbáhe!!" ... Umúrong ang demonyo ng isáng hakbáng; itinaás ang kanang kamáy, at nagpatúloy:

--"Nakikíta mo ito, anák ng...?"--Noón ay kumidlát; at sa pamamagitan ng liwanag nito, ay napagmalas ng binatà ang kakilakilabot na talibong ng kaaway.--"Itó, itó, ang sa iyo, ngayóy uutás! Uutás! nauunawàan mo ba?"

--"Sa mga duwag akó'y di natatákot!"--ang nakabibinging sigaw ni Gerardo; at úbos lakas na nagpumilit makakulagpós sa pumipigil sa kanyá. Walâng nasapit ang abâng binatà sa mga bakal na bisíg ng yumáyapós sa kanyáng katawan ¡Isa pang saksi ng pangingibabaw ng Lakás sa Hinà!

--"Binagábag mo ang mapayapà kong buhay;"--ang dugtóng ng demonyo--"isiniwálat mo ang mga lihim na pinakaiingat-ingatan ko, ginising mo ang poot sa akin ng isang báyang dati'y nakayukô sa aking bawá't maibigan, pinakalaitlait mo ako, pinakadustâdustâ sa matá ng lahat,--ano ang sa aki'y nalálabí? Anó ang dápat kong gawín? ¡Hindì akó isáng babáe na sa gitnâ ng pagkasawî, ay masisiyahan sa pagtutukmol, sa pananambitan, at pananangis! ¡Hindî ako ang ulól na magsisisi sa aking mga nagawâ; hindî ako batàng musmos na mapalúluhód sa aking mga ipinahámak úpang sila'y hingan ng tawad! Ah, hindî!... ¡Akó ay isáng tunay na laláki--isáng laláking buháy na lagì ang loób!--Akó ang bantóg na si Kapitang Memò na di nagugúlat kahima't sa kamatayan! ¡Akó ang laláki na marúnong maghigantí!!... Ah, walâng hiyâ! Tálastasin mo na isinumpâ ko ang ikáw ay patayín! patayín!! patayín!!! Unawâin mo patayin!!! Nárito, nárito akó, nárito si Kapitang Memò upang tumupád sa kanyáng sumpâ!!"

Mulîng itinaás ng sukáb ang kánang kamáy; ¡dápwa't ang karawaldawal na náis ay di nagwagí!... Isáng sing-bilís ng kidlát ang noo'y namagitnâ, pumigil sa nakayambáng kamáy, at umágaw sa matúlis na patalím.

Sa sumunód na sandalî, si Kapitang Memò ay nábulagtâ. Si Gerardo'y ligtas; iniligtas siyá ni Florante, na sa gitnâ ng gayóng kabayanihan at pagwawagí, di kinukusa'y napasigaw ng--"Oh mga swail!! Ang Diyos ay hindî natutúlog!"

Nang mámalas ang pagkakátimbuwáng ni Kapitang Memò, ang kanina'y pumipigil kay Gerardo ay kumaripas ng takbó.

Sinundán siyá ng dalawáng magkatóto, dapwa't di inabutan. Biglâng nawalâ. Kinupkóp ng dilím!...

Oh ang nagagawâ ng dilím ng gabí!

Ang kadilimán bagáng iya'y nilaláng na talagá úpang makatúlong sa mga karúmaldúmal na adhikâ, at mapagtagúan ng mga sukáb?

Kung túnay na ang Diyós ay siyáng lumaláng sa kadilimáng iyán, .... ang katotohánang itó, kung katotohánan ngâ, ay nakapagpapa-alinlangang lubhâ sa pagka-makatwiran ng Diyós na iyán!...

XVII

DIYATA'T BUHÁY KA PA?

Dumating ang magkatoto sa mahabang daan na patungo sa Maynilà.

Kaginsaginsa'y naulinigan nilá mulâ sa malayò ang isang sasakyang humahagunot... Lumaláon ay lumalakas, sa kanilang pakinig, ang kalugkog ng mga gulong; lumalaon ay tumitingkad, sa kanilang paningín, ang dalawang ilaw ng sasakyan. Di nagtagal at nálapit ang kalesa sa magkaibigan.

Tumingin ang dalawang binatà sa loob. Nakilala nila ang lulan: si Elena at ang taksíl! Nagulamihanan si Gerardo. Natigilan sandalî, at ... kagaya ng isang ulol na hinagad ang sasakyang lumilipad. Sinundan siya ni Florante.

Sino ang makatatatáp sa makamandág na mga damdaming noo'y gumigiyagis at sumásakal sa pusò ni Gerardo?... Oh! Diyatà? Ang kanyang kasi sa piling ng ibá, sa piling ng isang kaaway? Diyatà? At sa gayóng dilím ng gabi? At sa gayóng mga pook?... Oh! Kataksilan!... At yaong mabilís na takbóng iyon, ¿anó ang kahulugan?...

Paninibughô, poot, pagka-awà sa kanyang irog, ay sunod-sunod na dumatál sa boô niyang katauhan. Ang sigaw ng kanyang dangal, ng dangal ng kanyang pagkalalaki, ay daglíng pinukaw ang bangís at init ng silangan niyang dugô, pinawì ang pagkahapò ng kanyang katawan, at nagdulot ng ibayong lakás at siglá sa nanglulumóng dibdib.

Walâng tugot ng katatakbó ang dalawang magkatóto. Lumalaon ay lumalaki ang pagitan nila at ng sasakyan. Sasabihin ng mga pusòng mahihinà, na sila'y walâ nang pag-asa. Dapwa't di gayon. Sa mga kawal na iyon ng kabayanihan, ang pag-asa sa isang pagwawagí ay lalong kumikinang at nagbabaga habang napápabíngit sa panganib, pagkasawî at kamatayan.

Talagáng ganyan ang mga bayani!

Talagang ganyán ang mga naghahabol at umuusig sa ngalan ng Matwíd, sa ngalan ng Dangál, sa ngalan ng isáng dalisay na Pag-ibig! Parating buháy ang Pag-asa! Papaano'y buháy na lagi ang pananalig na, sapagka't katwiran ang hánap, ay may isáng makatwirang Bathalà sa Langit na sa kanila'y tutulong at magdudulot ng tagumpay.

Pagkaráan ng ilang sandalî, ang sasakyáng hinahábol ay sumapit sa isáng tuláy na lumà. Sa isáng dulo ng tuláy na iyon ay may isáng malakíng bútas na, sapagka't di pa natatagalan ay di alám ni Juancho, ni ng kutserong si Kikò, ni ng kanilang kabáyo.

Nangyari ang di hinihintáy: Ang mga páang unahán ng hayop ay tumamà sa butas,--kaya't dagling napatigil. Ang kabáyo ay di makabángonbangon sa pagkasubásob. Nagkangbabalì ang latiko at nagkangmamálat si Kikò sa pagsigáw, dapwa't maanong natinag ang hayop sa pagkápangaw!

Si Juancho ay galít na galít sa kanyang kutsero. Bumaba sa kalesa at pagdaka'y binatukan nang makalawa ang abang si Kikò.

--"Torpe! animal! bruto! Mangutsero lang ay di ka marunong!... Bakit di kalagin ang tirante, cabrón?"

Si Kiko nama'y susukot-sukot na isinauli ang latiko sa lalagyan, at saka susukot-sukot ding kinalág ang tirante. ¡Kay bait na tao! Pagkababàbabà ng loob! ¡Kay gandang ugalì! Mga taong gayá niya'y dapat pagkawang-gawaan ng lahat ng mga nangangarap at nagmamalasakit sa isang maligayang bukas ng Bayang Pilipino! Dapat patulugin ang mga taong ganyan sa isang palasio na may isang dinamita sa ilalim!... ¡Ang busabos ay busabos lang ang iaanák!... Kung kayâ may mapangbusábos na panginóon, ay sapagka't may napabubusabos!...

Samantalang tinutupad ni Kikò ang banal na utos ng kanyang mahal na amo, ay siyang pagdating ng dalawang binatang hangós na hangós.

Lumapit ang isa kay Elena na noo'y nakahilig sa loob ng sasakyan at kasalukuyang hinihimatay na naman, samantalang ang isa nama'y sinugod si Juancho at pasigáw na tumanong:

--"Síno ka?"

--"At ikaw, sino ka?"

Si Juancho'y biglang napaurong ng mamalas ang tindig ng nangangalit na si Gerardo.

--"Ha? Gerardo?"--ang kanyang pamanghang tanóng.--"Diyata't si Gerardo ka? Diyata't buháy ka pa?"

Inaunat ni Gerardo ang kanang kamay na may pigil na isang patalim at nanginginig na nangusap:

--"Taksil, anó ang ginawâ mo kay Elena?... Sumagot kaagad ó ikaw ay mamámatay!"

Si Elíng noo'y nasaulian na ng diwà. Nadinig niya ang boses ni Gerardo; at nakilala ang kanyang irog na ibinalitang namatay. Lumuksó ang binibini sa kalesa at hihikbî-hikbîng niyakap ang binatà.

--"Oh, Elena!"--ang mapanglaw na bigkas ni Gerardo;--"Anó ang ibig sabíhin ng lahat ng ito?--Ako'y námamanghâ!... Bakit ka nápaparito?"

--"Ginahás akó ng táong iyan!"

--"Oh tampalasang lalaki! Walang pusò! Di mo na inalaálang akó ay may kamay!"

Ang mapusok na binatà ay biglang lumundag sa kinatatayuan ni Juancho. Tangka niyáng itarak sa dibdib ng sukáb ang hawak na patalím. Dapwa't di itó nangyari. Si Elena ay namagitnâ.

--"Gerardo, oh Gerardo!"--ang kanyang hibik;--"huwag kang papatay ng iyong kapwà, tanging pamanhik!"

--"Bayaan ako, Elena!--Alam ko ang aking ginágawâ!--Pumatay ng kapwà ay di laging kasalanan!--Ang kamay ko ay di nangíngimìng magpatulò sa dugông maitím!--Inibig ng lalaking itó na iluksó ang iyong puri, at nang sa gayo'y madungisan ang aking karangalan!"

--"Ha! ha! ha!"--ang pairíng na halakhak ni Juancho--"Tinatawanan kita, Gerardong hambog! ha! ha! ha!"

Muling sinugod ni Gerardo ang kaaway, dapwa't namagitnâng mulî si Elena.

--"Giliw ko, nalalabuan ka ng isip, napadadaig ka sa kainitan ng iyong dugô; huwag oh, huwag! Maghunós dili ka!"

--"Bayaan mo akó Elena!"

--"Gerardo, may mga hukuman, may Justicia, may Diyós!"

--"At may Juancho na di nagugulat sa sanglibong gáya mo, palalò!!"--ang pagdaka'y isinabad ng swail.

--"Diyatà, Elena, at ipagtatanggol mo pa ang isa kong kaaway?"

--"Hindî ko ibig na siya'y ipagtanggol. Ang kalulwa mo ang siya kong alaála. Ayokong madungisan ang kanyang linis; ayokong sumuway siya sa bilin at utos ni Bathalà!"

--"Malayò, Elena malayò sa akin! Ni Dios, ni ikaw, ni sino pa man ay di ako dapat sisihin sa aking gagawin!... Malayò!"

Nagpumiglás si Gerardo; nabitiwan ni Elena ang kanyáng katawan, dapwa't hindi ang kamay na may hawak sa sandata.

--"Pumayapà ka, Gerardo! Huwag mong ikikilós ang iyong kamay, kung ibig mong huwag akong masugatan. Bitiwan mo iyáng patalim, ó mahihiwá ang mga dalirì ko! Bitíw, aking irog, bitíw!"

Sumukò din sa wakás ang kapusúkan ng binatà.

--"Duwag! ha! ha! ha! talagá kang duwag!"--ang sigaw ni Juancho na anaki'y isang bukod na matapang.

Si Florante na mulâ nang dumating sa tulay ay di umi-imik, ngayo'y humarap kay Juancho at banayad na nangusap:

--"Ang táo ay malayà hanggan siya'y gumagalang sa matwid; kapag binaluktot niya ang katwiran, kapag siya'y lumabag sa makatwirang mga utos, ang kanyang kalayaan ay dapat bawiin. Ikaw ay sumalansang sa inaáatas ng matwid. Kami ay may karapatang kumatawan sa Justicia. Isukò mo sa amin ang iyong kalayáan."

--"Ha! maginoong Florante! At sino pô kayo na aking susukuan?"

--"Walang maraming salitâ! Sasáma ka sa hukúman ó hindî?"

--"At sino pô kayó na aking sásamahan?"

--"Mga kapantay mo, na ngayo'y may karapatáng makapangyári sa iyó!... Sasáma ka ó hindî?"

--"Baka ikaw ay nahihílo!"

--"Sumagót ka ng tapát, sasáma ka ó hindî?"

--"Híndî!!"

--"Ulol! Ibig mo pang ikaw ay gamítan ng lakás?"

--"Hitsura ninyong iyán ang aking uurungan!"

