Bulalakaw ng Pag-asa

Part 5

Chapter 5 3,689 words Public domain Markdown

Iká 7:15 na ng gabí, nguni't ang sayáwan ay di pa pinasísimulán. Hálos lahát ay iníp na iníp na. Dángan lang at sila'y nadadaíg ng hiyâ, marami na sanà ang nagúumikit noón sandalîng iyón, káhi't na walâng anyáya ó pahintúlot ng may báhay.

Samantaláng naghihintáy ay makinig táyo sa mga sáli-salitáan.

Sa isáng súlok ng salas, ay nakaupóng magkaharáp ang dalawáng binibinì na kung mámasdán ang kaniláng mga mukhâ, ay mapaghuhúlong sila'y may isáng mahalagáng bagay na pinagúusapan.

--"Bákit, Pacita,"--ang bigkás ng isa,--"bakit wikà mo'y di ka na makapagaáral?... Sáyang na sáyang pag nagkátaon!"

Si Pacita'y isang bulaklák na kabubuká pa lang. Lalabing-apat na taon ang kanyang gulang.

--"Walâ akong magagawâ, Elíng. Ang mga tátay ang siyáng áyaw pumáyag na ako'y magpatúloy."

--"Ayaw pumáyag?... Diyata't áyaw pumáyag? At anó namán ang dahil?"

--"Ang sabi nila'y sapát na sapát na ang kauntî kong nátutuhan sa Primary grade; na ang isáng babáe raw ay di kailángang mag-áral nang matagál, súkat na lang ang siya'y matutong sumúlat at bumása; walâ raw siyáng katungkúlan kundî ang maglínis, maghúsay at tumáo sa bahay; maglingkód sa kanyáng mga magúlang at asáwa, at mag-alagà sa mga anák kun sakali't magkaroon."

--"At pati ba namán ang mga tatay mo, Pacita, ay napadádaig sa mga ganyáng bulág na paniniwalà na dápat sumpain ng lahat! Diyatà namán at tayóng mga bábae ay di kailángang mag-áral ng anomán máliban na lang sa pagsúlat at pagbása ng kauntî? At ang karunúngan sa isáng wastô at ginháwang pamumúhay, ang mga mararangal at tumpak na paguugali, ang mga katungkúlan natin sa Kapisanan, sa ating báyan, at sa Sangkataúhan--ang mga bagay báng iyán ay pagpipikitán na natín ng matá, di na natin paguukúlan ng panahón?

"Laking kamalían!

"Túnay ngâ na katungkúlan ng isáng iná ang mag-álagà sa kanyáng mga anák; datapwa't ang pag-aalagà sa isáng anák ay di basta't siya'y palakihin, padamitan, pakanin, iligtás sa mga sakit, sundin ang bawa't maibigan at palakasin ang kanyang katawán. Hindî, hindî humahanggá ríyán ang mga katungkulan ng iná sa anák. May ibá pa siyáng tungkúlin na lalong dakilà!

"Italâ sa noo at pusò ng anák, sa pamamagitan ng halimbawà, ang katotohánan na siyá ay táong malayà, may púri, dangál at mga karapatán; na walâ siyang Diyós ó panginóon sa ibábaw ng lupà kundî ang sariling Bayan, ang dakilàng Matwíd, ang Katotohánan at ang Katungkúlan; na ang táo ay dapat múnang magpakamatáy bago siya manakáwan ng kanyang kalayáan, bago madungísan ang kanyáng dangál, bago siyá mahubdán ng kanyáng mga karapatán, bago umiwas sa isang katungkulan, bago mámalas na ang Bayan niya'y talúnan at abâ, bágo makitang ang matwíd ay nilulúpig at binabaluktót ang katotohánan... Ikintál sa kanyang diwâ sa pamamagitan ng halimbawà, na ang panahon ay gintô, at dahil dito'y di dapat sayangin sa mga halíng na pangarap kundî gúgulin sa mga bágay na pakikinabángan niyá at ng kanyáng mga kapwà; na ang táo ay di nilaláng upang mabúhay at pagkatápos ay mamatay, tulad sa mga gamógamó; kundî upang sa pamamagitan ng kanyang lakás ay makatulong siyá, kahima't gabuhangin lang, sa lalòng ikasusúlong at ikadadakilà ng Sangkataúhan. Iyán at marami pang katulad niyán, ang mabibigat na tungkulin ng iná sa anák. At ngayon ay aking itinátanong: ¿Anó ang magagawâ ng isang ináng hangál sa haráp ng mga ganyáng katungkúlan?

"Sinasábing katungkúlan ng isang babáe ang maglingkód sa kanyáng mga magúlang at kabyák ng dibdíb. Mabúti! Nguni't di masasábi na itó ang hanggán ng katungkúlan niyáng paglilingkód. Bakit? Sapagká't gaya rin ng mga lalaki siya'y may isáng Inang Báyan na dapat niyang lingapin.--May isang Lupàng sinilángán, Lupà na kanyáng pinagkukúnan ng lahát ng ikabubúhay--Lupà na tinubuàn at kinalibingán ng kanyang mga nunò! Di kayâ marápat na ang Báyang iyán ay kanyá ring paglingkurán, at paka-ibiging higit sa sariling búhay, higit sa kanino man, higit sa kanyáng mga magúlang, asáwa't mga anák?

"Oh Pacita! marámi pa sa áting mga matatandâ ang di nakababatíd sa di mapupuwíng na katotohánan na ang katubúsan ng Lahì ay nasasakamay din nátin na magiging mga iná sa araw ng búkas!..."

May ilán pa sanàng paghahakà na inulat si Elena; dapwá't sa lálapit noon sa dalawang magkaibigan ang isang binatà na nang masulyapán ni Elíng ay biglâng nagpapulá sa kanya nang gayon na lang at ikináputol tuloy ng salitaan nila ni Pacita.

Iwan nátin siláng tatló, at tayo'y makiníg sa bulúngbulúngan sa kabiláng pánig ng salas. Pulos na laláki ang náhandoón. Pinagkákalipumpunán nilá ang isáng malápad na papel na nakapakò sa dindíng at kinatititíkan ng salitâng programa. Sa ibabâ nitó ay ipinaaálam na ang sayáwan ay bubuoín ng labingánim na Waltz, labindalawáng two-steps at dalawáng rigodon.

--"Ano't may rigodon pa?"--ang payamót na tanóng ng isáng naka-lana sa kanyáng kálapit--"Que torpe! Anóng mahihitâ sa rigodon?... Walâ kundî.... kamáy. Mapapágod ka ng walâng... saysáy. Nakaaaksáya ng panahón! Kalukúhan sa ákin iyán!"

--"Masamâ namán ang walâng rigodon, katoto,"--ang sagót ng isáng naka-térnong-itím.--"At si Choy?"

--"Que Choy ni que báchoy!"--ang ángil ng naka-lana, at hinagisan ng dalawang ingos ang isáng naka-kakeng kulot ang buhók na sa pagka't lubhâng mahiluhín ay walâng ináabangan sa alín mang sayawan kundî ang pasimulâng-tugtóg ng mga rigodon. Itó ang si Choy na noo'y kasalukúyang nagpapantíng ang mga taynga, sapagka't malayôlayô man siya'y kanyang naulinígan ang salitaan ng dalawa. Manganínganíng sugurin ang naka-lana at sikangan ang walâng pitagang bungangà nitó. At kamuntî na ngang manugod noon ang ating si Choy, kundî niya naala-alang gagawâ siya ng malakíng kahiyâhiyâ, at kundî niya nataunan ang isang malambíng na títig ni Mameng--títig na wari'y inahihímok sa kanya ang, "Pacencia, Choy ko!"...

--"Pero, demonyo!"--ang mulîng putók ng naka-lana--"Anó ang hinihintáy nitóng si Pepe?... Bakit áyaw pang simulán ang sayáwan, diantre?.... Co--! naghihintay ang mga visita,--pu--!"

--"Huwág kang mainip, katóto"--anáng naka-itím--"huwag kang mainip at sásapulan na raw!"

--"Sásapulan! pero kailán pa? ¡demonyo!"

Isang binatà ang noón ay pumagitnâ sa karamíhan, at pagkatápos na makaupô ang lahat, ay bumigkás ng ganitó:--

XIV

AKO'Y NANGANGAMBA!...

"Mga binibinì at ginoóng kaánib sa 'Dakiláng Mithî':--

"Kayóng lahát ay pumarito na tagláy sa pusò ang masaráp na pag-ása, na táyo'y uumagáhing pára-pára sa pagpapasasà sa isáng malambíng na sáyawan. Hindî kayó mabibigô mga ginóong magigitíng.

"Sáyawan at walâng ibá kundî sayáwan ang inyong ipinarito, kaya't sáyawan at walâng ibá kundî sayawan ang dito'y áting pagdudumugan.

"Akin lang ipinagpapauna na ang sáyawang itó ay kakaibá sa lahat ng sáyawan na inyóng alám. Wikà ngâ'y, bágong sistema; mapapálad kayo sapagka't kayó ang unang makakákilala sa kanya!

"Sapagkâ ngâ't bágo, ay kailángang siya'y ating ipaaninaw mabúti. Sa sayáwan pong itó, mga ginoó at binibinì, ay hindî mga páa, kamáy at baywang ang magsisiindák. Ang dito po'y magpapakitáan ng gílas at kisig, ay ang mga dilà't ngalá-ngalá; kaya't sayawan ng mga dilà't ngalá-ngalá ang sa ngayóng gabí ay siyáng yáyaníg sa báhay ng ating pangúlo!"

--"Nilint... na!!"--anáng naka-itim.

--"Pero que bruto"--ang tugon namán ng galít sa rigodon.

--"Batid ninyóng lahát mga binibinì at ginóo,"--ang patúloy ni Gerardo--"na dito sa ating báyan ay may isang kapisanang di pa nalaláon ay ítinayô ng kabatáan. Batíd din ninyóng lahat na sa mga sandalîng itó ang kapisánang iyán ay kasalukúyang naghihilik sa lálim ng pagkahimbing.

"Ang di na yatà makasanglibong pagtawag ng púlong na laging nabibigô, ay labis na nag-uulat sa katotohanang itó. Ang pagkakabitin sa impapawíd ng lahat ng mga panukalang inaharap at pinag tíbay sa lóob ng kapisanan, ang pagkabigô ng aklatang itatatag, ang pagkabigô ng páhayagáng palálabasin, ang pagkabigô ng mga papúlong, ng paaralán sa gabí, at ng mga kung anó-anóng campaña na sagánà sa hangin--ang lahát ng iyán mga binibinì at ginóo, ay isa pang di mapupuwing na saksí ng pagkaúring mantikang-tulóg ng ating Kapisánang kagúlatgúlat noóng kanyáng mga únang áraw!

"Sa gitnâ ng ganitóng kalagáyang dápat ikahiyâ ng kabatáang Libís, síno ang áting dápat sisíhin?

"Ang mga nangungulo sa kapisánan?

"Akó na maláon nang nagmamasíd sa ginagawâ niláng pagtupád sa kanikaniláng tungkúlin, ay walâng úlikúlik na makakapagsábi na ang mga ginóong iyán ay nagawâ ná ang lahat ng abót ng kaniláng káya.

"Ipinatútúpad ng pangúlo sa áting mga kaanib, ang palatuntúnan at mga alituntúnin, dápwa't áayaw táyong magsisunód! Kaniláng iminumungkahì na isagawà ang mga panukala't bátas na pinagkayarian nátin, dápwa't áayaw tayong magsikilos!

"Tumatáwag ang kalihim ng púlong áraw-áraw halos dápwa't áayaw táyong magsidaló!

"Mahúsay na hinihingî ng Ingat-yáman ang ambag sa bawa't buwan ng bawa't isa, nguni't átin siyáng pinagtátaguan!

"Síno ngayón ang dápat managót sa pagkadiwarà ng kapisánang itó?

"Síno ang dápat lagpakán ng ating pagsisisi kundî táyo rin--táyo na bubuô ng isang kautusán at pagkatápos ay táyo rin ang sa kanya'y susúay?

"Síno ang dápat nating sumpâin kundî ang átin ding mga katawán--Táyo, na lilikhâ ng isang matáyog na panukalà para sa ikabubuti ng bayan at pagkatápos kapag isasagawâ ná, ay tayo rin ang kaunáunahang malululà, ang kaunaunáhang uurong?

"Síno ang dapat managót sa lahát ng itó, mga ginóo, kundî tayo rin--táyo na kadalasa'y dahil lang sa kaunting sakít ng ulo, ó kaya'y ng ngipin, ó dúlo ng kukó; dahil lang sa kauntíng ulán, sa kauntíng ínit ng áraw, sa kauntíng antók, sa kauntíng layò ng pagpúpulungan, sa pagkawalâng mákasáma, ó sa pagkawalâng mabuntutan--dáhil na dáhil lang diya'y di na táyo magsisidaló sa púlong?... ¡¡Samantalàng kápag isáng sáyawan ang atíng dádayúhin, ay sumasagasà táyo sa unós at buháwi, nawawalâ ang sakít ng ulo, napapawì ang antók, di iniindá ang ínit ng áraw ni sinusukat ang layò ng pagdaraanan!!

"Sino ang dápat kilabútan sa hiyâ kundî táyo rin na kung makaísip mang dumaló sa púlong, ay panayon na lang mga hulí--panayón na lang animo'y mga kúhol?--Táyo na muntíng maantig ang bulsá, munting mahingan ng maipagtatawid búhay ang kapisánan, ay magpápakalayô-layô na di na maáapúhap kahi't na nakakayanan ang halagáng hinihingî? ¡¡Samantaláng kapág ang isáng sáyawan ang paguukúlan, ay malúwag na malúwag at galák na gálak táyong nagkakaloób ng píso, piso't isang salapì, at kung minsan pa'y hanggang dalawá!!

"¡Ah, mga kabábayan!... Kung ang mga katotohanang itó na sakdál ng papaít ay nakasusúgat sa inyóng mga damdámin, ako'y di nagsisisi! ¡Tinutupád ko ang áking katungkúlan!

"Karápatdápat at kailángang mabatíd nating lahát ang hubád at wagás na katotohánan, na, ang kabatáan sa bayang itó ay kúlang pa ng lakás, kulang pa ng tyagâ, pagtitiis, at siglâng walâng máliw! Walâ pa ditong tunay na kalakasan ng loob na kinakailangan upang maisagawâ ang isang adhikâng mataas!

"Ah, Kabatáan, Kabatáan! Kay lakás mong mangárap, dapwa't kay dalî mong masawan, kay dalîng manglumó ng iyong pusò, kay dalî kang panghináan ng túhod!...

"Iyán ba ang kabatáang pinangápangárap ng Dakilàng Rizal?

"Iyán ba ang kabatáang inaasahang tútubós sa Báyang itó na ngayo'y nábibingit sa bangin ng kamatáyan?

"Iyán ba ang mga kawal ng tagumpay Bukas?

"¡Ah, Kabatáan! kung ang mga malilíit na kapisanan ay di mo mapagtiyagaang buháyin, papaáno kayâng pagbúhay ang iyong gágawin sa isâng Bayang malayà?

"Kaunti pang paghuhunosdilì, kaunti pang paglingap sa dangal ng katungkulan! Kauntî pang pag aáalaála sa kinábukasan!

"Samantálang ikáw, Kabataan ay waláng hanap kundî sayá at ligaya, samantálang di ka natutútong umibig sa walâng likát na pagpapágod, pagbabatà ng hirap, at pagsusunóg ng kílay; samantalang, di ka natutútong tumalikod sa mapanghalinang kawáy ng mga bulaklák, sa matatamis na awit ng mga sirena, úpang makatupád sa isáng katungkúlan; samantalang ikáw ay nabúbuhay sa himpapawíd ng mga pangárap at di sa párang ng paggawâ; samantalang ikaw ay walâng loob na íukol sa sarili mong bayan ang bawa't galaw ng iyong isip, bawa't tibók ng pusò, bawa't sandalî ng iyong panahón, bawa't paták ng iyong dugô; samantalang nananatili ka sa mga ganyáng kalagáyan, ikáw, kabataan, ikaw ay di dapat tawaging Pag-asa ng tinubuan mong lupà; ang dápat itáwag sa iyó ay Hampas ng Diyós sa iyóng Lahì!"

Pinútol dito ni Gerardo ang kanyáng talumpatì. Dátí-dáti tuwî siyáng magsasalitâ nang hayág, ay di maúbos-úbos ang papuri sa kanyá ng madlâ; nguni't ngayón, maánong nagtamó siyá nang kahi't gaputók na palakpák!

Sa mga binatà marámi ang sa kanya'y ngungusò-ngusò at iírap-irap; may iláng dadábog-dábog at búbulong-bulóng.

Si Choy ay tuwâng-tuwâ nang maalámang di mátutulóy ang ipinangakong sayáwan. Kamuntî na siyáng makalápit sa naka-lana upang ito'y mábigyan ng isáng mabining "Hiilatt!" Ang mukhâ ng naka-lana ay di maipintá noón. Hindi nagkásiya sa isinimásimángot at ipinisépshe. Sa huling bahági ng talumpatì ni Gerardo ay walâng ibinubugá ang nagkakangngingiwi niyang mga labì, kungdî payak na:

--"Suplado! Hambug! Hi...! Palalò! Yabang!... Para ka riyang isang lélong na nangangaral sa amin ah! Cu...!"

Pabulóng kun bigkasín ang mga salitáng itó, na anopa't walâng nakáririníg kundî yaong mga malalapit sa kanyá!

Hindî lang ang bibig ng naka-lana ang nangungusap: ang mga matá niya ay may lalong mahalagáng bágay na inihahayág. Ang mga namumutèng matáng iyón kun titígan si Gerardo nang siya'y nagsasalitâ ay parang tumitítig sa isang nag-papaálam na bibitayin, kundi man sa isang kabaong na, sa isang tigmak na sa dugô!

Ang naka-lana ay si Juancho!--si Juanchong masidhing kaaway ni Gerardo sa lahat ng bagay; ang nabigông kandidato sa kamay ni Elena, ang bunsong kapatid ni Kápitang Memò na kanyang kinasapakat sa madugô niyáng paghihigantí kay Gerardo!--paghihigantíng gáganapin nilá sa gabí ding iyón!....

Nang matápos ang talumpatì ni Gerardo, ang pangulo namán ng "Dakilàng Mithî" ang pumagitnâ. Siyá ay isáng táo na di-masalitâ; at kung magsalitâ man siyá ay banayad, parang tinitimbáng ang mga sinasábi; hindi siyá gumagámit ng mga salitâng labis at di kailangan; walâng bulá-bulaklák, waláng pahá-pahángin, gaya ng daan-daan diyang mga mananalumpatî na tuwing magsasalitâ ay walang nagagawâ kundi lunurin sa hángin ang sa kanila'y nakíkinig. Ang pangulo ng "Dakilang Mithî" (kun ibig ng bumábasa na siya'y lalong mákilala) ay isang nagaaral ng Derecho sa isang bantóg na paaralán sa Maynilà; ilang taón na lang at siya'y tútupad na sa dakilàng tungkuling pagtatanggól sa kápwa.--"Hindî bagay sa iyó ang mag-abogado, Abraham!"--ang láging iginigiit sa kanyá ng mga kaibigan--"Ang dapat mag-abogado ay yaóng mga táong masalita, hindî ang mga walang kibó na gaya mo!" Labis na batid ni Abraham ang kaululan at kahangalang isinisiwálat ng mga gayóng pangungusap; kaya't lalò niyang tinikís. Samantalang hinihigpitán ang kapit niyá sa pagaaral ng Derecho ay lalòng pinag-ibáyo niya ang pagtitipid ng salitâ. Sa paninikis na ito ni Abraham, ay ibig mandín niyang ipamatâ sa mga bulág na pag-iísip ng kanyáng mga kakilála na upang maging isáng mapagwagîng abogado ay di kailangan na magíng isang daldalero!... Kay rumami ngâ namán ang nagkakamalî sa bahaging ito ng Karunúngan, ang akalà nila'y sa pamamagìtan ng isáng bungangang walang tahán ng kábubugá, ay mapasusukò ng isang abogado, sa alin mang usapin, ang kanyáng kalában; at ang isang táong bungangero ay pílit na magíging isang maningníng na abogado.

Kung gayo'y dapat manding imungkahì sa pamahaláan, na magtatág ng isang Escuela de Derecho sa loób ng Hospicio de San Jose para sa mga nakukulóng doón, na kahi't nagiisa ay... ¡usáp pa rin ng usáp!...

Oh, magsipagtahan kayó mga úlong marurupok!

Hindî pa ninyó batíd yaong mga palásak na kasabihang: "Ang pantas ay walang kibo" alalaong baga'y hindì daldalero ni daldalera. (He who is wise, keeps still.) (Hombre de poco habla mucho piensa.) At, "ang salita ay Pilak (¡ngunì't!) ang pananahimik ay GINTO!" (Speech is Silver, silence is GOLD!)

Hindî pa rin ninyó batid ang mga katotohánang sumusunód:

1.--Na, upang maging pantás sa alin mang hánapbuhay, maging sa pag-aabogado at maging sa pag-memedico, atb., ay dalawáng bagay ang kailangan: Una, Magmasid; ikalawa, Kumuro. Ngayon, ako'y nagtatanóng, sino ang lalong malínaw magmasid at kumuro: ang isang walâng humpay ng katututtuttut, ó ang isang tahímik na nakíkiníg at umiísip, maíngat na tumítingin at tumitimbang sa bawa't tamaan ng matá?

2.--Ang abogado, ó sino mang táong di masalitâ, tangi na lang ang mga mangmang, ay may panahon upang pagarálan at lubáhing mabúti sa kanyáng ulo, ang isang pagkukurò, bago ihayág; nakapipilì siyá ng mga salitang angkóp at matitíbay; napipilì niyá ang lalong matíbay na paglalahad sa ibig sabíhin. Ano ang ibinubunga? Kaliwanagan! Lakas! Ang kaliwanágan ng pangungusap ay kapangyaríhan sa isang pagtatalo!

Samantalang sa kabilang dáko, ang isáng walâng pahinga ng daldál, tangi pa sa nakayáyamót at nakaaaksayá ng panahón (hindî lang ng kanyáng panahon kundî patí ng panahón ng kausap) ay di nagagáwing timbangin at kuruìng mabuti ang isáng bágay bago ihayág; di napipilì ang mga salitang dapat gamítin; walâng mahúsay at makatwirang pagkakasunódsunód ang kanyáng isinásalaysáy; nálalahók ang mga bágay na waláng kabuluhán at di kaílángan, at kun minsan pa'y sa kadalasán ng salitâ ay di naiísip ni naaalaman ang mga pinagsasabí! Anó ang napapala? Kahinàan! Kagusután! Kalabuan!

At ang isang abogadong mahinang mangatwíran, magusút kung umisip at malábong mangúsap ay isáng abogadong ... ¡kahabág-habág!

3.--Ang mga abogado na kapag nagtatanggól sa isáng paglilítis, ay walang nalálakasán kundî payák na pahángin at daldal, mga paikot-ikot at walâng katuturáng pangungúsap, ay paraparang kinasúsunukán, kinarírimaríman at hindi pinagdídidiníg sa loób ng mga hukúmang ináabot ng liwánag ng siglo XX... Ang tinatangkílik, ang kinasasabikán, ang dinídinig, ang kiníkilingan, di man sinasadyâ, ng hiyáng ó simpatía ng isang taál at pantás na hukom, at yaóng abogado na di nagaaksáya ng salitâ, yaóng di nagsasalitâ kundi kailángan, yaóng maalam ihayág ang ibig sabihin sa íilan at pinilìng salitâ, yaóng malumánay, banáyad, dapwa't matibay at matalínong mangangatwíran, yaóng bawa't bigkasín ay may kahulugán, bawa't isalaysáy ay malínaw at mahúsay--iyán ang túnay na abogadong dapat kilalánin ng lahat.

Dápwa't, gíliw na bumabasa, tayo mandin ay lubhang napapakálulong sa pagkakalayo sa sinúlid ng ating kasaysáyan. Tayo'y búmalik at pakinggan natin kung anó ang sásabihin ng pangulo ng "Dakilang Mithî" sa kanyáng mga kasamahán.

"Mga kasáma:

"Upang tayo'y magkatipon, at makapagdáos ng púlong, ako'y náyag na kayo'y dayàin.

"Ang pagdadayà ay masamâ.

"Nguni't kung minsán ay kailangang gumawâ ng masamâ upang matamó ang isang kabutihan.

"Kailangang barilín ng isáng pinunò ang sundálo niyáng tumátakbó sa labanán upang ang ibá ay huwag magáyang umúrong.

"Kailangang sugátan ang bató upang mapalabás ang kanyáng apoy.

"Ngayon: alam na ninyó kung bakit kayo'y aming dinayà.

"Ayókong aksayahín pa ang mahalagá ninyóng panahón.

"Pasimulán nátin ang púlong.

"Mga ginoó: anó ang inyóng pasiya? Sa áking akala'y ang kapisánang itó ay dapat nang lansagín.

"Dapat lansagín ang sabí ko sapagka't walang kabutihan siyang nililikhâ; bagkus pa ngang payak na kasamâan ang kanyang ibinubunga.

"Sa kapisánang itó nagbubúhat ang pagbibigátan ng loób, díto nababanáag ang lahat ng mga ugáling karumaldúmal ng kabataang Libis; dito nádadamá ang maráming katotohanang masasakláp na dápat ikahiyâ ng ating mga nunò sa kabiláng búhay.

"Hindî kayâ marápat na lansagín ná ang kapísanang iyán?

"Hintáy ko ang pasiyá ng kapulúngan."

Ang kapulúngan ay di sumásagot. Ang banáyad nguni't matitinding pangungusap ng pangulo, ang nanginginig niyáng bóses, ang kanyang nagbabagang paningin, ay nagpayukô sa lahat. Ni si Juancho, ni si Choy, ni ang naka-itim ay walâng naihumá.

Naghaharì sa boóng báhay ang piping katahimikan. Nakaraan ang limang minuto; walâ pa ring sagót.

Walang kamalák-malák ay nangagtilian ang mga babáe.

"Demónyo! Tatay ko! Demónyo! Nanay ko! Demónyong sungayan! Demónyong may buntot!"--ang sigaw niláng dî magkamáyaw.

At demónyo ngâ namán!... (Noon ay kasalukúyang nagdadaos ng Karnabál sa Maynilà.)

Sinalúbong ng pangulo sa hagdánan ang nakabalat-kayô. Isáng liham para kay Gerardo ang taglay niyá.

--"Síno kayâ itó?"--anang naka-itim at pagdaka'y lumápit sa demonyo na nakatingin kay Gerardo samantalang binabasa nito ang tinanggap na liham.

--"Sino ka bagá, ha?"--ang mulîng tanong ng naka-itim, at pagdaka'y sinulot sa tagilíran ang nakabalatkayô.

--"Aruy! Tinamaan ka ng...!"

Ang ¡aruy! ay ibinunga ng isáng tábig ng demonyóng nakilitî--tabig na tumamà sa sikmurà ng pangahas. Dalì-dalìng umupo ang naka-itim na tutóp ang tiyán.

Humúgong sa tawa ang boong bahay.

Ang pangulo ay pumukpók sa kanyang laménsa. Naputol ang tawánan dapwa't di ang bulúngbulúngan, di ang pagsulyáp sa demónyo at sa tinábig niyáng napangiwi't súkat.

--"Síno nga kayâ iyan?" ang mulîng usisa ng bálana.

--"Ah, kilala ko na! iyán ay si Tunyò"--anang isa.

--"Hindî, si Basio iyán!"--anang isa pa--"tingnán mo't ang katawán ay Basiong-basio!"

--"Hindî; maniwalà kayó,"--ang sabád namán ni Choy--"iyan eh si kumpáring Kulás."

Malî silang lahat. Si Juancho lámang ang nakababatid kun sino ang demonyóng iyon!

--"Pagsalitaín ngâ natin"--ang bigkas ng isang pingkaw--"Hoy demónyo! demónyo! magsalitâ ka ngâ."

Ang demónyo'y parang bingí. Hindi ináalis ang tingin kay Gerardo na pagkatápos na mabása ang sulat ay lumapit sa may dalá at tumanóng:

--"Sino kayo?"

Ang demonyo'y parang pipi. Kumumpás-kumpás na lang at iginaláwgaláw ang ulo na tila ang ibig sabihi'y:

"Manáog ka sa lupa't doón táyo magkakaalam!"

Si Gerardo ay napangitî na lang sa ikinumpás-kumpás ng nakabalatkayô. Dapat kayâ siyáng sumáma? Tiningnán ang liham at sandaling nag-alinlángan; pagkwa'y,

--"Táyo!"--anya, at inakbayán pa mandín ng demonyo, bágo silá nanáog.

--"Naku! Si Gerardo!"--ang di man kinukusa'y nalaglág sa mga labì ni Pacita na malakíng totoó ang tákot sa demonyo, palibhasa't noón lang siyá nakakita ng gayóng gayák.

Si Elena namán ay putlâng-putlâ; kákabá-kabá ang kanyáng dibdib.

--"Kilalá mo ba iyón?"--ang pangatál na tanóng kay Florante na kanyáng kaibigan, at noó'y kasiping sa upô.

--"Hindi, ah!"

--"Masamâ ang kutob ng áking loób. Nagíisá si Gerardo--Baka siya'y kung anhin!... Ako'y nangangambá!"...

--"Susundán ko!"

--"Para mo nang awà Florante."

Noón di'y nanáog ang binatà.

XV

"GERARDO, NÁSAÁN KA?"

Ang púlong na binagabag ng demonyo ay mulîng pumayapà.

Maging ang mga laláki at maging ang mga babáe ay áayaw sumukò; áayaw pumáyag na lansagin ang kapisánan.

Aywan kung dáhil sa anóng kababalaghán, aywan kung dáhil sa talumpatì ni Gerardo ó kung dáhil sa pagsipót ng demonyo, ang lahat ng mga taga-"Dakilàng Mithî" ay nakitáan noóng mga sandalîng iyón ng isáng kagúlat-gúlat na pagbabágo. Katúlad sila nina Adán at Eva na nang mapagkurò ang kaniláng pagka-hubád ay nangahiyâ't dálidáling nagsipágtapî; katulad silá ni San Lázaro na nang patindigin ni Krísto, sa kanyáng libing ay tumindíg ngâ't muling nabúhay. Anopa't sa minsáng sábi, ang naunsiyaming siglá ng "Dakiláng Mithî" wari baga'y muling nanariwà.

Pinagkáisahan na ipatutúloy ang lahát at báwa't isá ng mga panukalàng nabibitin; álalaóng bagá'y ang úkol sa páaralán, aklátan papúlong, mga campaña, atb. At noón ding gabing iyón ay nag-ambágan ang lahát, máliban na lang ang ilán na talagáng ibig nang tumiwalág sa samahán; kaya't walang kamalák-malák ay nakatípon at súkat ang ingat-yáman ng salapîng sapát at katamtáman upang maisagawâ ang kaniláng mga matatáyog na pangárap na muntî nang mabulók.

Sa hulîng bahági ng púlong ay nagkaroón ng kaunting pagtatálo; pinagtalúnan ang kung nararápat ó hindî na ang kapisánan ay manghimások sa politika.