Bulalakaw ng Pag-asa

Part 4

Chapter 4 3,746 words Public domain Markdown

Nasusuklám si Elíng sa mga bágay na ito, kaya't mahigpít na iniingátan ang pagka-pilipína. Tandâ ng pag-iingat niyang iyan at paglayò niya sa mga ugaling dáyo, ang kanyáng madalás na dî pagpanáog sa kaniláng tindáhan, kapag ang dumudulóg doon ay mga amerikánong magagasláw. Ugali ito ni Elíng, hindî sapagka't binubulag siya ng "prejuicio de raza" (alalaong baga'y ang pagtingin sa kúlay ng balát at di sa kataúhan ng isang táo,) kundî sapagka't ang kanyáng kahinhinán ay hindî makababatáng malásin ang magagaspáng at mahahálay na kilos na karaniwáng gawiîn dito ng di iilang amerikáno.

Si Elíng ngâ ay hindî kapára ng mga ibang dalaginding diyán, na, pagkagát na nang dilím, ay nagpupuláhan ng damít sa loob ng kanikaniláng kantina, nagkakapálan ng palábok sa mukhâ, nagdadamihan at nagpapalalúan ng urì ng mga mister na sa kanila'y nakalilígid, na anáki'y mga ásong kakáwkáw-káwkáw, aamóy amóy at didilà-dilà....

Si Elíng ay poót na poót sa mga asal na iyáng lubhâ nga namáng nakaririmárim. Minsan siyáng manginíg sa gálit at minsáng mápaiyak sa habág sa mga kadalága niyang halíng na halíng sa ganganyáng gawâ, na kadalasán at sa tuwírang sabi, ay lumalabás na isáng malinaw na pagtitindá ng dangál at púri!

Magsábi, kung hindî, iyáng mga kinasasadlakán ngayón ng pulà ng bálana.

Magsábi, iyáng mga nakátikim ng buhay-kantinéra sa áting mga bayánbayán.

Ilán na sa kanilá, ang úpang mapawili lang sa tindahan ang isáng amerikánong manglalásing, ay tutulútan nang sila'y kutyâ-kutyâin nitó sa likód ng mga salitang "Sweetheart, give me a kiss!"?

Ilán na sa kanilá ang natulúyan na ngang mahagkán ng mga langó?

Ilán na sa kanilá ang ngayo'y kinikilabútan sa hiyâ sa ibang táo, sapagka't sa ganitó ó gayóng gabí, silá ay náyapus ng mga ganitó ó gayóng négro?

At humahanggá ba rito ang mga nangyayári?

Bakit at may mga kantinera diyang ngayo'y kaabra-abrasete ó kaya'y kalúlan sa bagól ng mga itim? Maaáring, sapagká't narahiyô sa pilak ng mga ito; dapwa't kadalasá'y sapagka't sa ganito ó gayong pagkakátaon sa loob ng kantina, ay may isang milagrong nangyari!...

Mga sawîng pálad!...

May katwirang lumuhà ang isang Elíng dahil sa inyó!

XI

"ANÓ SABI IYÓN EH?"

Si Gerardo ay hindî santó. Anák din siyá ni Eva't ni Adán na kapwà makasalánan.

Totóo ngâ na, para kay Gerardo, Báyan ang una at Báyan ang hulí; na, ang pagkamakabáyan, hindî sa salita kundî sa gawâ, ay siyang damdaming pinakamahalagá at nangangaibábaw sa boô niyang kataúhan. Totóo rin namán na walâ siyang pinakamamahál na pangarap mulâ sa pagkabatà kundî ang maihandóg ang iisa niyáng pusò sa dámbanà ng kanyáng lahì.

Dapwa't hindî dahil sa lahát nang itó, ay walâ nang maiisip si Gerardo sa boô niyang búhay kundî "bayan." Maminsánminsán din namang masubukan niyá ang kanyang sarili na nangangarap hindî sa kandúngan ng báyan, kundî sa kandungan niyáng mga anáki'y tálàng nagantiantilaw sa lángit ng Pilipinas... Katakátaká kayâ na ang Gerardong iyan ay maakit sa bangóng humáhalimúyak ng isáng sampagitang nananariwà na gáya ni Elíng?

Oh, si Elíng!

Sa kanyáng hárap si Gerardo ay nagíging makátà, nagíging mangangarap, at magiliwin sa mga bulaklák, paró-paró, tala, bítuin...

Ang mabaít niyáng pusò sa haráp ni Elíng ay kung bákit nagíging manunuksó; ang mga payapa't maaamò niyáng sulyáp ay kung bákit nagíging malilikot at mga magnanakaw!...

Silang dalawá ay malaon nang magkaibígan. Hábang lumaláon ang kanilang pagkikilála, ay lalo at lálong nasasabík si Gerardo sa pagmalas sa dilág ni Elíng, sa pagdiníg sa mga mahihiwagà't matatamís niyáng salitâ, sa pagpúkaw sa mga ngiting mangbibíhag ng binibining yaon na ipinaglihí yatà sa dako pa roon ng hinhín ni María Clara...

Nguni't hanggán diyán lang si Gerardo.

Hinahangaan niya ang ganda ni Elíng, dapwa't di pa sumasambá.

Siya lang ay natutuwâ, naiigáyang malásin ang himalâng yaon ng Kalikasán.

Noong mangyari ang sigalót sa bahay-pamunùan, si Elíng ay nakaupô at nanánahí ng isang panyô sa loob ng kanyáng tindáhan. Ang mukhâ niyáng kaáya-áya, ay minsáng magníngning sa lugód, at minsáng mangulimlím sa panglaw. Bakit? Ang kanyáng paningín ay láging nakapakò sa malayò, bihírang mátigil sa tinatahî. Báwa't táong magdáan ay kinikilalang mabúti malayò pa.

Si Elíng ay may ináantabayánan; hinihintáy niya ang pagdáan sa kanyáng tapát noong mainit sa sínag ng Bagong Araw na kabatang-batà pa ay bayani na. Para kay Elíng, ang binátang yaon na láging nahahandáng ipáram ang lahat maitaguyod lang ang dinuduháging Matwíd, ang binátang yaon na nagsanggálang sa dangál ni Julio na kanyáng amá, ay isa nang Krísto na dápat niyáng igálang, mahalín, itángi, pagukúlan ng báwa't paták ng kanyáng pagíbig, at paghandugán ng báwa't tibók ng kanyáng pusò!

Hindî nainíp si Elíng sa pagaantáy kay Gerardo, na sínapantahà niyáng sa paguwî mulâ sa presidencia ay dadáan sa tapát ng kanyáng tindáhan.

Malayo pa ay nakilála na ng binibini ang magílas na tindíg nang líhim niyang kinakauláyaw sa kaibutúran ng kanyáng pusò.

--"Elíng!"--ang pagdaka'y ibinati ng binatà pagkalapít sa tindáhan.

--"Gerardo, halika sandalî!"

Si Gerardo'y lumapit at boong galak na kinamayan ang binibini na noo'y singpulá ng gumámela, aywán kung dáhil sa pagaálaalang siya'y lumábis sa kanyáng nápakalambíng na "Halíka!"

--"Ipagpatáwad mo, Elíng, ang pakikikamáy ko sa iyó ng kaliwâ."

--"Bákit? anóng mayroón ka sa iyóng kánan?"

Si Gerardo'y nagkúlay sagà.

Inakalà niya na isáng pagbubunyî sa saríli kung ipagtátapát ang tunay na dáhil; kaya't ngumitì na lang at nasiyahan sa ísang maráhang:--"Walâ!"

--"O, ay bákit at may tálì?"

--"Walâng ano man; nákagat lang akó ng putakté doon áh... sa púnong bayábas nina Tikikò."

Si Elíng ay alangáng mapangitíng alangáng magálit. Alam niyá, gáya ng pagkaálam sa kanyáng A. B. K,... na ang mga salitâng iyon ay isang kimpál na kabulaánan. Hinagisan muna ang binatà ng isang tingin na wari'y nagsísisigáw ng "Sinungaling itó ah!," bágo sumagót:

--"Putakté? ay bákit at may dugô?"

Si Gerardo'y lálong namulá.

--"Diyatà, Gerardo,"--ang dugtong ni Elena--"diyatà namá't iyán lang ay ipagkákailâ mo pa sa akin?... Sapagka ba namá't ang tumátanong ay...ah! siya nga palâ naman!... Isáng walâng kabuluháng gáya ko, ay di ngâ nararápat..."

Ang binatang tigagál na tigagál sa mga salitâ ng kanyáng kaharáp, ay walâng naihumá kundî isáng:--"Hindîng hindî, Elíng, oh, hindî ngâ!"

--"Súlong na, maaabála ka lang sa akin,"--ang patúloy ng binibinì na may kahálong wari'y hinampó.

--"Patáwad, Elíng!... Binibirò lang kita.... Huwág mong damdamín ang áking pagkukúlang... at sasabíhin ko na sa iyóng lahat!"

Isang ngitî, isang ngiting malambíng na 'kapilas ng langit' ang nagpahiwátig kay Gerardo na ang pinangambahán niyang nagtampó ngang túnay, ay nagtamputampúhan palâ lang.

--"Anó iyon? Sabihin mo na."

--"Isa lang muntíng súgat, Elíng."

--"Na namán!"--ang may padaóp kamáy pang sagót ng dalága, na animo'y noon lang nabatíd ang nangyári kay Gerardo, gayóng sa katunáyan ay nagmamaángmaángan siya.

Pagdaka'y kumúha ng isáng palanggána, isáng boteng may lamáng gamot at saka isáng kahitang punô ng búlak at pangtalì ng súgat.

--"Gerardo"--ang bigkás ng binibinì;--"nakatupad ka na ng iyong katungkúlan; bayaan mo namang tuparín ko ang ákin. Lilinisin ko ang iyóng súgat."

--"Oh Elíng! Kay gandá ng iyong loób!... Dápwa't ikáw, mutyâ ng áking báyan, linisin ang súgat ng isáng abâng dukhâ na gaya ko?..."

--"Kung anó-anó ang pinagsasabi ng Gerardong itó!"--ang tugón ng dalága pagkatápos na máhagisan ang kaúsap ng isang napakalagkit na títig.--"Tingnán ko nga ang iyóng kamay."--At umakmang aabutin ang sugatáng kamay ni Gerardo na dalidali nitóng inaurong.

--"Huwag na, Elíng; maráming salamat."

--"O tingnán mo siyá!"

--"Hindî nábabagay. Bayáan mo ná't..."

--"Bayáang anó? hindi ba't tuwî kang magtatalumpatì ay ipinangangaral mo na ang lahát ng táo ay dápat tumupád sa kanikaniláng katungkúlan? Hindî ba't ito'y katungkúlan ko? Ako ba'y hindî táo sa iyo? Hindî ba...."

--"Súkat na, Elíng, súkat na; dapwa't iyang mga sutlâ mong dalirì ay di dapat marumhán ng...."

--"Diyatà nama't akó'y iyóng bibiguín?"

--"Oh! Hindî sa ibig kitáng biguín..."

--"Ah, ayóko ngâ nang maraming salitâ. Ipalínis mo sa akin ang iyong súgat at tapús!"

Si Gerardo'y di na tumutol sa pagaala-álang baká ang ánghel na iyón ay magtampó na namán.

Samantálang hinuhugásan ng binibinì ang kamáy ng binatà, itó nama'y walang tahán ng panunuksó:

--"Oh Elíng! Sa pinakamalálim kong mga pangarap, sa pinakamaláyang galáw ng aking gunitâ, kailán ma'y di ko nasumpungán ang anó mang pahiwátig na sa áraw na itó ay áking mapapaláran ang pagkakáwang-gawâ niyáng mga dalirì mong bawa't isá ay katumbás ng boô kong buhay!"

--"Palalò!"

--"Elíng, kaúsap mo yaring pusò!"

--"Sinungáling!"

--"Elíng, dinggín mo ang isáng katotohánan!"

--"Anó iyón?"

--"Isáng damdaming iniingat-ingátan ko at maláon ng tinitimpî-timpî?"

--"Sabíhin mo kung anó."

--"Huwág kang magagálit?"

--"Bakit kayâ akó magagálit?"

--"Tatanggapín mo?"

--"Anó sabi iyón eh?"

--"Ipangakò mo muna!"....

--"Na anó?"

--"Na iyong tatanggapín!"

--"Kung hindì masamâ'y... tatanggapín ko."

--"Elíng, iniíbig kita!"

--"Ha?"--ang pamangháng saló ng angkán ni Venus.

--"Iniíbig kitá!"...

--"Dáhan-dáhan, Gerardo! Ikáw ay magmunimuni."

--"Walang kailángan, kita'y kilaláng malaon na... Ako rin nama'y kilalá mo: sumagot ka. Elíng, iniíbig mo ba akó?"

--"Ay! ang pusò ko, Gerardo, ay di na akin; kinusà ko siyang ihandóg sa dápat kong mahalin; lumingap sa ibá ay di na mangyayári!"

Ang binata'y sandalîng napípi. Kinintalán ng isang títig ang bitúing kauláyaw bago tumugón:--

--"Elíng, di ko mawatásan ang iyóng salitâ. Ibig mo bagáng sabihin na ako'y walâ nang pag-asa?"

--". . . . . . ."

--"Iyon ba ang kahulugan?"

--"Aywán ko."

--"Aywán ko dáw!"

--"Abá!"

--"Wikà mo'y di na mangyayáring lumingap ka pa sa ibá? Anó ang kahulugán at kangino tumutúkoy ang ibang iyan? Sa ákin kayâ, Elíng?"

--"Aywán ko!"

--"Si Elíng namán! Bákit mo kayâ pinamamáhay ang kalulwá ko sa pangangambá?... Sagutín mo sana akó. Sa akin ba tumutúkoy?"

--"Hindî...."--ang wari'y walâ sa loob na sagót ng binibinì.

--"Oh, Elíng ko! At ang ibig mong sabíhin ay di ka na makalilíngap kanino pa man, líban sa ákin?"

Isáng busilak na langit ang nabuksán kay Gerardo. Pagdaka'y hinawakan ang kamay ni Elena at inalapit sa lumulundag niyang pusò.

--"Abá! hindî!... aywán ko! hindî!... abá!"--ang sunod-sunod na pagbabangong-puri ng dalagang nagpúpumiglás.

--"Ah, Elíng! Huwág mo nang ikaít sa akin ang tibók niyáng iyong pusò. Ipagtapát mo na! Hindî mo ba ako iniíbig, Elíng?"

Iláng sandalî na napipi ang binibinì. Walang maláang isagót. Kundanga'y napasukol siyá kaagad! Gayón na lang ang kanyáng pagsisisi. Manganí-nganíng kagatin ang tuksóng dilà na sa pamamagítan ng isang "Hindî", ay isiniwálat ang boông líhim ng kanyáng pusò!

--"Elíng ko",--ang mulìng samô ng binatà. "Hindî mo ba ako iniíbig?"

Kálulwá na ni Elíng ang tumugón:--

--"Oo, Gerardo, oo iniíbig kitá!!"

Pangahas na laláki! Isáng matindíng halík at isang mahigpít na yákap ang pagdáka'y ninákaw sa bulaklák na yaon ng Kasilangánan.

Mabuti na lang at wala silang saksi!

Si Gerardo'y umuwî noon na taglay ang dalawâng pagwawagíng magkaibá ng urì: Tagumpay lában sa kasikismo ng isang pinunò at tagumpay lában sa pulutóng ng mga naggigilásang kandidato sa kamáy ni Elíng.

XII

...AT ANG JUSTICÍA?

Kulóng na kulóng sa kanyáng silíd.

Walâng humpáy nang kayayao't dito. Nakayayaníg sa boóng báhay ang madadalás niyáng yabág na ipinagdidiínan sa sahíg na tablá. Ang mga lagutók ng kanyáng mga abellanang sapátos na nanggigipalpál sa putik ay nakabubulahaw hanggang sa mga nagtutulúgang kápitbahay--hanggáng sa mga manók na namamahingá sa isáng púnong kamatsiléng nakatánod sa trangkahan. Ang mga bintî at bisig ay pára-parang naninigás; ang mga dalirì ay tikóm na tikóm, na animó'y may isang sasagupáing kalában. Minsán baltakín nang paibabâ ang kamiseta niyang putê na pigtâ ng pawis; minsáng pag-itíngan nang higpit ang bigkís na nakakabít sa pantalong kake na dahandáhang dumádausdós sa kaluwángan ng baywang.

Walâng pumupúlas sa nakángiwî niyang mga labì kundi páwang pagngingitngít, pawang buntóng-hiningá, pawang mga "huhm! hm! huhm! hm!"

Walâng anó-anó'y lumapit sa isáng mésa at umupô; pinagábot ang mga kílay na pumapalamúti sa mga naglalalimang matá na nagpapahiwátig ng tatlóng gabíng di pagkatulóg; sinabunot ang mga mapuputê niyang buhók; tiningalâ ang isáng laráwang nakasábit sa dinding; kinagát ang labì, nagbuntóng-hiningá, sumuntók ng boông diín, pumadyák, tumindíg at nagyáot dito na naman.

--"Hu hm! hm! hm!"--ang mulî niyang ngitngit--"Papatayín ko! papatayín ko! hu! hm! hu! hm!... Noóng áraw, noóng áraw ¡hu hm!... akó ang harì sa báyang itó, óo harì! harì!... Sa áking haráp lahat ay nanunuyò, lahát ay lumuluhód, lahát ay "óo pô" sa ákin, walâng "hindî" ni "ayóko"! Noóng araw, ¡hu hm!... ako'y isáng don, isáng mahal na máginoo sa matá ng madlâ.... ¡hu hm! Lahat ay naniwalà na ako'y mayáman sa lahat; na ang yáman ko ay áking nakamtán sa tulò ng sarili kong páwis! ¡hu hm!.... Lahát ay naniwalà na malinis yaring budhî ¡hu hm!...

"Ang mga lihim na pinakatagòtagò kong mahigpit, noon ay walâ kundî akóng akó lang ang nakababatíd! ¡Hu hm!...

"Nguni't ngayón! ngayón! oh ngayón! ¡hu hm!... Sa ákin, ay walâng di umiiring, walâng dî kumukutyâ, walang dî lumilibák, bawa't matá ay násusuklám sa kataúhan ko, bawa't dilà ay ako ang isinusumpâ, bawa't dalirì ay sa ákin nakaturò--sa akin na kung tawágin ngayón ay di na "ang kapitan" "ang presidente;" kundì ang magnanakaw, ang magdaraya, ang mámamátay! ¡Hu hu! hu hm!... At bákit ako'y nagkaganitó ngayón? Bakit ako ngayo'y hámak na hámak, dustâng dustâ, mababang mababà? Sino, sino ang gumanitó sa ákin?... ¡Hu hu! hm!

"Oh! Pagpápapatayín ko ang mga iyán!...

"Oh Gerardo! Oh Rustica! Magsipagtagò na kayó, mga walânghiyâ!... Sáyang ang áking pagkamámamátay kapág kayo'y pinatáwad ng aking patalím! !Hu hm!!"

At lálong dinalasán ang hakbáng, lalong ipinagdiínan ang yabág. Walâng anó-anó'y bigláng tumígil.

--"Dapwa't... ako'y pápatay?"--ang kanyang patuloy.--"Diyata't pápatáy na namán akó?... Iba na ngayón ang pamahalàan!... Hindi na itó panahón ng kastilà! Diyata't pápatáy na namán ako?... At ang Justicia? ang Justicia?"--At muling nag yáo't dito ang mistúlang ulól; at sa kátatanong ng "ang Justicia?" ay naala-ala tuloy ang pagtatálo ng isang huklubáng pederál at isang binatàng independista.

--"Justicia?"--anitóng huli sa pagtatalong nábanggit.--"Sa ating Bayan ay walâ pang Justicia! Ni noóng panahón ng kastilà, ni sa mga sandalîng itó ay walang taál at wagás na Justiciang umíral ó umiíral dito. Ang dito'y tinatawag na Justicia, ay Justiciang kábilanin: Ang isa niyang matá ay dilát, dapwa't ang isa ay bulág. Yaong úna ay siyang ginagámit kapag ang dapat tangkilikin sa isang usapin ay amerikáno laban sa pilipino. Kapag ang dapat tangkilikin ay pilipino laban sa amerikáno, ang malimit hingan ng pasiyá ay ang matáng bulág!... Ayaw kayóng maniwalà?... Ibig ninyóng patunáyan ko ang pagkakábilanin ng tinatawag na Justicia ng kasalukúyang pamahalaan?... Náriyan ang huling pagkakabilanggô ni Dr. Gómez. Bákit siya hinatulang mabilibid?... Tanungin ang Kagálanggálang na hukóm na humátol sa kanyá, at sarì-sarìng kuskósbalúngos ang imamatwid, dapwa't sumanggunì kayo sa isáng malayàng pagíisip na walâng kinikilingan, at inyóng mababatid na ang tunay at tánging dahil ng pagkabilanggô ni Dr. Gómez, ay sapagka't si Dr. Gómez, na isang pilipino, ay iminungkahing magsiaklás ang mga manggawà, na mga pilipino din, sa isang Samahan ng mga puhúnang amerikano!... Iyán ba ang tinatáwag na Justicia?...

"At Justicia bagá ang naguudyók sa pamahalaang iyán na kupkupín at panatilihin sa kanyáng tungkól ang isang "Ibong Mangdaragit," na upang lálo't lálong makapagsamantalá at magtubò sa kanyáng kapangyaríhan, ay nanghihimások sa di dapat panghimasúkan, nagpapasasà nang lihim sa yáman ng may yáman at umaangkín sa arì ng may arì?...... Anóng Justicia iyán?

"At anóng Justicia iyán na pumapatnúbay dito sa bawa't hakbáng ng pamunúang amerikáno?..... Justicia ba ang sakúpin ang áyaw pasakóp? ¿pagharìan ang ayaw paharì kaníno pa man, tangi na lang sa sariling loob?... Justicia ba ang di pagtupád ng pamahaláan sa kanyang pangakò sa pinamumunúan? Di ba't nangakò ang pamahaláang iyán na palalayàin ang ating Bayan? Anó ang ginagawâ niya ngayón? Ipinagbabáwal ang ating Bandilà; pinanánatíli ang pagkakatangìtangì; hinahámak ang pagkakapantáypantáy ng amerikáno at pilipino; ipinagbabáwal sa kabatàan ang kumatig sa Pagsasarilí; tinatawánan, tinatáwag na ulól ang Báyang ito tuwing magbubukás ng dibdib, tuwing ipagtatapát ang kanyáng pinakadalisay na damdámin, ang wagás at katutubong pag-írog sa isáng malayang búhay--pag-irog na dî magmamáliw ni matitinag sa kanyang pusò, bumagsák man ang líbolíbong unós at buhawi!....

"At humahanggá ba rito ang mga matalinghágang panukalà na isinasagawâ ng Pamunúang amerikáno sa Pilipinas?... At ang Bill Payne? Ang Bill Payne na madalî ó maláon, kapag nagkataón, ay magiging isa nang makapangyaríhang utos na kailángan yukûan at sundín ng Bayang Pilipino? Ah, ang Bill Payne! Iyan ang pinakatúso at pinakadakilà sa lahát ng mga binalak na kautusán ng Pamunúan! Tagláy ng Bill Payne ang dalawáng binhî: Búhay at kamandág!... Búhay para sa báyang namumunò, at kamandág sa báyang nasasakóp! Búhay sa mga trust, sa mga puhúnang amerikáno na dito'y magsisidagsâ úpang sakmalín ang yáman ng ating lupà, hititín ang kahulihulíhang paták sa ating dugô hanggang walâng natitirá sa Báyan kundì ang kanyáng balát at mga buto!... Kapág ang Báyan ay nagíng buto't balát na lang, kapag nabungkál na ang ating lupà, kapag natibág na ang ating mga bundók, kapág walâ nang masasakmál at mahihitít, ay saka, SAKA, SAKA tayo iíwan ng mga Trust na iyán, sakâ tayo bibigyán ng Pagsasarilí, sakâ ipagsisigáwan ng mga angkan ni Taft na ang Báyang Pilipino ay handa, handang handa na sa Kalayaan!!...

"Ngayón, sabíhin sa ákin kun díto sa Pilipinas ay may Justicia! Iturò sa ákin kun saán naroon ang Justiciang iyán!"....

Humigít kumúlang ay ganitó ang mga salitang umuukilkíl sa alaála ng walàng tígil ng kayayáo't dito at kátatanong ng "ang Justicia?"--Pederál man siyá, ay kun bákit nahihikáyat siyang paniwaláan ang mga salitáng iyón ng isáng independista.

Sa di kawasa'y lumápit sa higáan, inabót sa karátig na lamensa ang isang bóteng kinadidikitan ng isang laráwan ng unggóy, at itinunggâ ang nangangalingásaw na lamán.

Tumikím muna ng makálimá na sinabayan ng limá ring tapík sa dibdib bágo náhigâ.

Aywan kung nátulog ó hindî.

Pagkaráan ng may kalaháting óras ay mulíng binuláhaw ang katahimikan ng kanyáng silid.

--"Ha! ha! ha!"--ang kanyáng halakhák na pairíng mulâ sa higàan.--"Ha! ha! ha! Nápatáy na kitá, Gerardo, nápatay na kitá! Ha! ha! ha! Si nasírang Gerardo ka na ngayón! Madalî ang umútang, mahírap ang magbáyad! ha! ha! ha! Sulong, takbó, humánap ka ng Justicia, súlong! Di akó natatákot sa justiciang bulág!...

"Ha, Stag? Handiyan ka na palâ. Tinamáan ka ng.... Anó ká? At bákit ka nagtatawá, ulól? Nasunód mo na ang ipinagagawâ ko sa iyó? Nápatay mo na ba? Hindî? Sáyang ang salapî ko! Ulól ako't pinawalán pa kitá... Ha? At nápatay mo ba? Siya ngâ ba? Saán mo inabútan ang walanghiyá't dalahirang babáe?... Mabúti, mabúti kang batà!... Ang kapupunán?... Huwág ka bang apurádo...!

"Juancho! Juancho! Gísing, gísing ka, tamád. Dilát ka na ba? Halíka rini't ikaw ay makiníg... Susunód ka, ha?... Pag hindi, baság ang iyóng ulo; hále, lumukólukó ka!... Ikaw ay mang-aágaw ha? aagáwin mo ha?... Alám mo ba kun bakit?... kun bákit di ka maibig ni Elena?... Dáhil kay Gerardo! Si Gerardo'y pinatáy ko, ikáw ang umágaw sa kanyáng katipán?... Ha? at naágaw mo na ba?... Mabuti kang batà, ganyán ang laláki!

"Ha! ha! ha! Busóg na busóg ako...! Usigin, ipangáw, mamatáy, walâ na ngayóng kailangan sa ákin! Ha! ha! ha! Ganáp na ganáp ang paghihiganti ko!..."

XIII

SA BAHAY NI PEPE

Utang sa síkap ni Gerardo at ng iláng kabinatà niyá, sa di kawasa'y nátatag sa Libis ang isáng kapisánan na pinamagatáng "Dakilang Mithî."

Kagáya ng lahát ng mga samaháng pilipino, ang "Dakilang Mithî" ay ulirán sa gílas at siglá noóng kanyáng mga únang buwán.

Noóng mga únang buwán, ang kapisanan ay makálawá sanglinggó kung magpúlong, at ang bilang ng mga nagsisidaló sa mga púlong na itó ay di lumiliít sa tatlongpû.

Noóng mga únang buwán, ang mga talumpatì, pagtatálo at ang mga bálak na inihaharáp tuwíng magpupúlong ay punông-punô ng mahahalagáng láyon at madláng kaparaánang magagámit upang lalong mapalúsog at mapadakilà ang kapisánan. Náriyan ang pagtatayô ng isáng aklátán (biblioteca); náriyan ang pagbubukás ng isang paaralán sa gabí, na walâng úpa; náriyan ang pagpapalabás ng isáng paháyagang-linggúhan; náriyan ang pagdadáos ng mga papúlong; náriyan ang mga sárì-sarìng campaña lában sa Bisyo--laban sa sugál at sábong--laban sa mga mahahálay at di wastông kaugalían, hílig, atb.: at nariyan ang kung anó-anó pang matatáyog na panukalà.

Ang lahat ng kasiglaháng itó na napagmálas sa loób ng "Dakilang Mithî," noóng mga unang buwán ay lubhâng ikinaalíw ng mga nagsipagtatág sa kapisánang iyon. Naákit siláng umasám-asám sa isáng maligáyang búkas at napanibúlos silá sa pag-ásang madalî ó maláon ay málalasáp nilá ang masasagánang búnga ng kaniláng mga pinuhúnang págod.

Dapwa't ¡ay! Katúlad ng isáng kimpal na kugon, na pag sinilabán ay minsan sikláb lang at walâ ná, ang kapisánang iyón ng mga náturang pag-ása ni Rizal (pa naman!), pagkaraán ng mga únang buwan, pagkatápos na makapagdáos ng iláng sayáwang malalakí, nang isasagawâ na ang mga panukálang binalangkás ng boông sípag at talíno,--ang kapisánang iyón ay biglâng dinatalán sa noó ng karumaldúmal na kamandág ng panglalamíg, pagkahapò at pagwawalàng bahalà ng hálos lahát ng mga kaánib!

Sinimulán ná ang isang búhay kapisánang kukutápkutáp, kagáya ng isang ílaw na nauubúsan ng langís.

Anó mang pagsusumákit ang kalasagin ng Pángulo at Kalihim, ang bahay-kapisánan ay láging áalóg-alóg tuwîng tatáwag ng púlong. Lahát ay nangangakóng dádaló, dápwa't pagsápit ng oras ay pálad na pálad ná kung sumipót ang sampû.

--"Anó ang dápat gawin úpang maipon ang mga iyán?"--Itó ang pabuntóng-hiningáng tanóng ng pangúlo ng kapisánan.

--"Upang maipon?"--ang sambót ni Gerardo na kanyáng kaharáp,--"kung úpang maipon lang ay may isang paráang madalî. Búkas pistá din lang ay ikálat nátin ang balità na sa kinágabihán ay magkákaroón sa inyó ng isang malakíng sayáwang handóg sa Samahán. Anyayáhan ang mga kinalílituhan diyang binibinì, ang lahát ng mga makikísig sumayáw, at maniwalà ka, katóto, na mamúmunô ang iyóng báhay... Pag handoón ng lahát ay paalisin ang orkésta at simulán ang púlong."

At ganitó nga ang kaniláng ginawâ.

Madilímdilim pa kábukásan, ay sumabog na sa impápawíd ang balità na sa ika 7 oras ng gabí ay magdadáos sa báhay nina Pepe ng isang maringal, at mahabang sayáwan na handóg ng pangúlo sa masisipag na mga ginóo at binibinìng bumubuò sa "Dakilang Mithî."

Hindî nagkabulâ ang hulà ni Gerardo. Orasyón pa lang ay pulúpulutóng na ang mga panaúhing nagsisiratíng. Ika 7 óras na ganáp ay natitipon doón ang ápatnapû sa limangpûng kaánib sa "Dakilàng Mithî."

Lahát ay galák na galák lubhâ na ang mga binatâ. Walang labì na di nakangitî, walang matáng di nagniningning, walâng kílos na mabágal. At sino ngâ namán ang di magágalák, alíng pusò ang di lálakasán ng tibók, kanínong damdámin ang di mapupúkaw sa lílim ng mapanghalina't malalagkit na títig, at sa halík ng bangóng núnukal sa mga sutlâng talúlot ng mga gayóng "bulaklák ng búhay" na doo'y naliligò sa mahínhing liwanag ng mga "Reina de las luces"? At sinong mahiligin sa sayáw ang makukuhang magtulug-tulugan, kaninong mga páa ang mapapakalí sa gayong idinulásdulas ng sahíg na binudburán ng pirápirásong ballena, sa inihabá-haba't inaluwang-lúwang ng pagsásayawáng salas sa anyáya ng malalambíng na tugtúging handóg ng orkésta?