Part 3
"Ngayon"--at dito'y ipinaglakásan ang salitâ--"Ngayón, anó iyáng katunggakang ipinipílit mo na katungkúlan ng isáng táo na sagipín ang napapangánib kahi't na masawî ang kanyáng búhay? Diyáta't lahát na'y ginagawâ úpang lumawig lang ang búhay at saká ngayo'y ipangangalandákan mo na di kailangang mamatáy mailigtás lang ang iba?
"Anó ang iyóng mapapalâ sa pagliligtás na iyán?--Aakyât ka ba ng lángit?
"Oh, áking tinatawánan ang mga isipáng iyán na walâng kaúlo-úlo!
"Isipin mo na lang ang nangyari sa iyo kanína. Magtandâ ka at madalâ ka na sa napalâ mong iyan sa panghihimások sa di mo dápat panghimasúkan. Mabúting mabúti na lang at sa bisig ka tinamâan ng bála... at kung sa tiyán?.... maráhil kung nagkataón, ha! ha! ha! ay inaagunyás ka na ngayón!"
Napangitî si Gerardo ng isang malungkot na ngitì. Pagkaráan ng ilang sandalî ay banáyad na sumagót:
"Kung akó man pô ay nagkaduróg-duróg, ang gayón ay waláng kailángan sa ákin! Hihimláy ako sa libíngan ng walâng pagsisísi, kakaulayáwin ko roón ang tangi kong Ligáya--ang ligáyang pílit na sasaákin sapagka't ako'y namatáy sa pagtupád ng aking katungkúlan, sapagka't ako'y namatáy sa pagpupunyagîng igálang ang watáwat ng wagás at katutúbong Matwíd! Sa gayón ay di na akó masisísi ng áking Bayan!"...
--"Puff! Mga pangárap!" ang sabád ni Kápitang Memò, at muling kinamot ang kanyáng tuktók--"mga malíng pangarap! Oh! hanggáng saán nakikilálang ikáw ay bátà pa nga lang! Hanggáng saán mo ipinakikíta na walâ kang kamuwâng muwâng sa pamumúhay!... Anó iyáng ligáyang sinasábi mo? Búnga ng kahibangán! Ibig mo bang iturò ko sa iyó ang túnay na ligáya--ang ligáyang dápat mong sikápin?"
Itinaás ng nangangáral ang kaliwâ niyang kamay, pinag-abót ang mga dúlo ng hintuturô at ng hinlalakí, at saka nagpatúloy:
"Ang salapî!! Ang salapî! Kapag ang tao ay mayroong salapi, sa kanya ay walang hindi maaarì!
"Sa pamamagítan niyán, at niyán lang, makakaránas ka ng tunay na ligáya; iyán lang ang makapagbibigáy sa iyó ng kariwasáan sa pamumúhay... Kaya ngâ, wika ko sa iyo, ay huwág mong sayángin ang iyóng búhay sa mga hibáng na pangárap. Samantalahín mo ang panahóng itinadhanà ng Diyós para sa iyó dito sa mundó. Hábang ikáw ay nabubúhay, pues mágpasasà ka sa tamís ng búhay. Iyáng biyayáng sinasábi mo na dadatíng sa iyo pag ikaw ay nalilibíng na, ay hindi mo maaasáhan... Mabúti na lang kung ikáw ay papasukín sa pintô ng lángit, at kung hindi?, at kung doon sa isang pintô ka mapasuot?... Ha! ha! ha!"
--"Hindi pô ako dapat magtakhá, G. Presidente"--ang saló ng binata--"hindi pô ako dapat magtakhá sa mga sinasabi ninyo. Ang mga ganyáng paghahakáng bulok ay palásak na palásak pa ngâ dito sa atin.
"Pára sa mga gaya ninyó, ang búhay ng táo ay dápat gúgulin sa loób ng isáng palasyong gintô, sa láot ng kariwasáan at lubós na ginháwa.
"Pára sa inyó, ang láyong dápat sikápin ng lahát ay ang makapagtayô ng mga kamálig ng salapî.
"Ang salapî, sa mga gáya ninyó, ay katumbás ng láhat; salapî ang una, at salapî ang katapustapúsan; kung walâng salapî ay walâng ligáya.
"Pára sa inyó, ang táo ay dapat tumalíkod sa láhat, dápat isatábi ang mga katungkúlan, isalímot ang pag-íbig sa báyan, láhì, matwíd, at karangálan, kung ito ay kakailangánin upang lumági sa pagkamasalapî".
--"Talaga!"--ang sabád ni Kápitang Memò.
--"Ako pô"--ang patuloy ni Gerardo--"ay may ibang paghahakà ukol sa halagá ng buhay--paghahakang di ko ikamamanghâ kung sakali ma't inyong tawanan. Sa akin pô, ang buhay na araw at gabi ay ibinababad sa pulot ng kaginhawahan--ang buhay na walang pinipintuhò kundi ang Diyos Salapî--ang buhay na walang hanap kundî ang kagalingan ng sarili, ay isang buhay na mababà, walang halagá, karumaldumal!"....
Tumalikod ang presidente sa binatà at animo'y di nadidinig ang sinasabi nito. Si Gerardo ay nagpatuloy:
"Ang buhay pô kung ibig magkahalagá, ay kailangang ilaan at gugulin sa isang adhikang mataas, sa isang láyong marangal... Ang yaman na kinahahalingán ng boóng Sangdaigdig hálos ay hindî makapagpapadakilà sa búhay ng táo: maaari siyáng magpaginháwa, magdulot ng kasaganâan sa lahat ng bágay; dápwa't hindî kasaganâan, hindì kaginhawahan ang naghahatíd sa táo sa pagkadakilà.
"Ang karunúngan man, líban na lang kung siya'y ginugúgol sa ikagagalíng ng báyan, lahì, Sangsinúkob, ay dì ko rin masasábing sapát na makapagpadakilà sa búhay.....
"Ang táo pô, G. Presidente, ay kailángang gumawâ pára sa lahát; kailangang magbatá ng susón-susóng pagtitiis, dúsa, pighatî, para sa lahát; kailangang sumagupà sa libo-líbo mang kamatáyan pára sa lahat; kailángang siyá'y maging isáng taga-hasík ng kalayàan, taga-tagúyod sa dangál ng tinubúang lupà, taga-kandilì sa púri ng matwíd na malímit lupígin.......
"Kapág ang isáng táo ay nakasunód sa mga ganyáng katungkúlan, mayáman man ó mahírap, marúnong man ó hindî, siyá ay may karapatán nang ipagmalakí ang saríling búhay, at humimláy sa píling ng mga lálong dakilàng kalulwá sa boong Sangsinúkob!"
Hindi na nakasagót si Kápitang Memò noong sandaling iyón ay siyáng pagpasok ng tunay na hukóm ng bayán.
Ito ang sa wakás ay sumurì sa naaantalang usapín at pagkatapos na mádinig ang mga pangangatwíran ng báwa't isa ay inilagdâ ang kanyáng maayos na hátol.
Si Stag ay nagkamít ng mabigát na parúsa: multá at bilanggô.
Dapwa't, anó pang parusa!
Maánong napanindig ang balahibo ni Stag!
Papaanó'y mayroón siyang isang kristo-krístuhang inaasahan!
Si Kápitang Memò ang nanagót sa multá.
At sa bilanggô?
Aywan pa natin......
VIII
KILABÚTAN KAYÓNG LAHAT!
Pagkaráan ng dalawáng áraw, ang isang malagánap na páhayagáng pilipino ay kinábasáhan ng mga ganitóng balità:
"MGA PUNONG MAKIKISIG
"Isang amerikanong nagngangálang John Stag na nabilanggô sa báyan ng Libis, ay nakatákas noóng gabí ng ika 7 ng kasalukúyan. Hanggá ngayon ay di pa naaaláman kung saan nagtatagò ang umalpás.
"Hindî lang itó ang nangyayári sa Libís. Ang báyang iyán ay isá pa mandin sa mga matitíbay na kutà at matalinghágang púgad ng Bisyo sa Pilipinas. Nagkakatusak doon ang nagkikisígang mga sabungán. Sa báwa't súlok, magíng áraw at magíng gabí, ay may mónte, túpada, hweteng at kung anóanó pang mga laróng báwal.
"Ang mainam nitó, ay kundî pa dumayo dóon ang mga sekrétang-Maynilà, ang mga iya'y di matututóp!
"At ang maginoong Presidente? at ang mga pulés?
"Nangaghihilíkan bang lahat."
Ang balítang tumutukoy sa pagtataanán ni Stag ay inámin ni Kápitang Memò; nguni't lubhâng malakí ang pagkapoót niyá sa tumutúkoy sa sugál at sábong. Ito'y kanyang tinutulang mahigpít kahimá't di nalilihis sa katotohánan; datapwa't tútol bibíg lamang naman, pagtutol na kung kayâ lang ganapin ay pag násasa haráp ng matitinong tao...
Talagáng gayón si Kápitang Memò.
Kaaway kunwâ ng bisyo, dapwa't siya ang nagpalagò sa kanyang bayan ng sugal at sabong--iyang mga laróng walang tumatangkilik kundi ang lahat ng mga tamad, ang lahát nang ibig mabuhay nang nakangangá, ang mga nanghihináyang na gamítin ang útak, magpatulò ng páwis at batákin ang butó, ang mga ulól at mga duwág na natatákot yumápak sa mga baitang ng hagdánang matarík na patúngo sa karangálan at katinuán ng táo sa pamumúhay...
Nguni't hindî ang mahálay na pagkagúmong sa mga hilig na iyang karápatdápat pakásumpâin, ang siyang tanging maibabalità ng mga páhayagan tungkól sa báyan ng Libis. Mayroón pang ibá na lalong mahalagá.
Kung suriìng mabúti ang pamunúan ni Kápitang Memò, ay mapagkikítang ang mga pangákò nitó sa bayan, mga pangákong sagana sa hángin at pulótpukyutan, ay untiuntíng nangaunsiyámì. Ang mga tungkúling mabibigát na ikinápit sa kanyá ng kautusán ay maíngat na iniwásan hanggáng maaárì. Kung alin yaong kanyang napagtutubúan ng walang págod, kung alin ang di nararápat gawín ay siyang pinag-ubusan ng kaya.
Sa maiksing sábi, ang pamahaláang umiral ay isáng pamahaláang kailán ma'y hindî nakasunód sa tunay na niloloób ng bayan, sa itinatadhanà ng mga utos-pamahaláang waláng nakapangyári kundi ang isáng Kápitang Memò.
Na ito'y di maaarì sapagka't may Konsého Munisipal? Kabulaánan!
Túnay ngâ na ang konsého, sa pagkakinatawán niya ng bayan, ay di nararápat bumálak ó umáyon sa alin mang bálak na salungát sa ikagiginháwa ng mga mámamayán; na ang mga konsehal ay kailángang magpakatalíno, mamuhúnan ng sipag at pagiingat sa paglikhâ ng mga kautusán; na sila'y dápat gumálang, sumunód at ipagmalasákit ang mga damdamin at náis ng báyang sa kanila'y naghalál. Tunay ang lahat ng iyán dapwa't sa kasaliwâang palad ay di siyáng nangyari. Sa loob ng konsého sa Libis ay dádaladalawá ang mga konsehal na natutong gumámit ng talíno, dádaladalawá ang nagkaloób na tumútol, at kailan ma'y di napatangáy sa mga lisya't walang wastông panukala ni Kápitang Memò. Datapwa't anó ang kaniláng magagawâ sa sila'y dádaladalawá? ¿Paánong magkakabisà ang matwíd niláng pagtútol sa haráp ng ánim na kalábang bingí sa sigáw ng Katwíran? Anim na konsehal na sunudsunúran saan man batákin ni Kápitang Memò; ánim na konsehal na tuwíng magpupúlong ay harì ng tamád sa pakikitunggalì sa mga bagay na tumutúkoy sa báyan; anim na konsehal na kung kaya lamang gumising nang gisíng na gisíng ay kung ang pag-uusápa'y ang pagpapahintúlot sa malayang pagsambá kay "San Sabong" at "San Sugal", nguni't pag ibá nang bagay na may kahirápang suriin, ay daig pa ang ipinatdâ ang mga dilà sa ngalangála!
Iyán ang mga táong may mga matá ay di makakita, may mga taynga ay di makadiníg. Kapag hiningán ng pasiyá sa isang panukálang binálak ó inayunan ni Kápitang Memò, siláng lahat ay pawang mga áyon; nguni't hindi silá sangáyon kapag nákitang iilíng-ilíng ang kanilang panginóon, ang kanilang Diyos! Maánong magisip-isip; maánong harapín at kilalanin ang Matwíd!... Oh, alíping asal na ulirán sa kahaláyan! Oh, mga táong walâng sariling damdámin! Salámat at ang mga konséhong gaya ng inyóng kinaaníban ay iilán-ilán lamang. At kung hindi, anóng talas na sandátang makakalaság ng mga káaway ng Pagsasarilíng pinakamimithî ng Báyan!
Malinaw ngang lumálabas na dahil sa pagkauring busábos ng konsého ay patúloy pa rin si Kápitang Memò sa kanyáng ugáling paghahariharian; na dahil din diya'y ang bawa't ibígin niyá, matwid ó baluktot, ay siyáng nangyári.
Dapwa't salámat at sa mabúting kapaláran ay di na ang lahat doo'y natutúlog, gaya ng panahóng nagdaan; hindi na ngayón ang lahát ay kampon nila "Talagá ng Diyos;" hindî na ngayón pawang pipi ang madlâ.
Sa bayang iyon ay mayroón nang naglitaw na ilang káwal ng Bágong Panahon. Si Gerardo ay isa sa kanila. Sa haráp nang gayong pagdáyà ng isáng pinunò sa kanyang mga nasasakóp, ay siya ang kaunáunáhang gumamit ng karapatan; sa kanya unang nádinig ang makapangyaríhang sigáw ng katwírang niyuyurákan. Si Gerardo ay di nagalinlángan munti man. Sa isang malaking papúlong ng kanyáng mga kapanálig ay maáyos na tinuligsâ ang kabulukán ng pamunúan. Bumanggit siyá ng mga nangyári, inihayág ang mga tiwalîng gawâ ni Kapitang Memò, ang mga palákad nito na pawàng salungát sa mga kautusán. Ipinakilala niya sa madlâ ang túnay na Kápitang Memò, isinalaysáy ang boóng kabuháyan nito, na pinagarálang maíngat ni Gerardo mulâ sa punò hanggáng dulo. Inalaráwan niyá ang pagkawalâng-káya, ang pagkatamád, ang pagkawalâng-malasákit sa pinamumunúan, ang pagka-di-dapat na mamunò, ang pagkamagnanákaw, ang pagkamámamátay--anó pa't sa minsáng sabi, ang boóng lihim at túnay na kataúhan ni Kápitang Memò, na, sapagka't natutong magbalat kayô, ay nangingibabaw ngayón sa kanilang lahát.
Upang mapatunáyan ang lahat ng ito, si Gerardo ay nagharáp sa papúlong na iyón ng maráming saksí. Natatangì sa mga itó ang isang babáeng may ápat na púng taón na maráhil. Dukhâng-dukhâ ang kanyang pananamit na bukód sa nanglilimahid na, ay punít punít pa. Sa haráp ng mga táong doo'y natitípon, ay isinalaysay ng babáeng ito ang napakalungkót niyáng kabuháyan.
"Bihirà sa inyó"--anyá--"ang di nakakakilála sa ákin. Dapwa't lahát kayó ay pawàng di nakababatid sa napakaabáng pálad na ikinapadpád ko sa ganitóng kalagáyan.
"Akó'y inaanák sa isáng malayong bayan--doón sa gitnâ ng lalawígang Tarlák. Ang áking mga magúlang ay mga táong payapa't mararangál.
"Mayayáman silá, dapwa't noong nangabubúhay, ay mga kaibigang tapát ng báyang maralitâ.
"Walâ pa akóng sampúng taón nang ako'y maulila sa iná. Palibhasa't nangamatáy ang lahat ng áking kapatíd, nagtamasá ako ng boong láyaw at kasaganáan sa piling ni amá.
"Hindî namán ako pángit noóng mga áraw na iyón, kayá't sabihin pa ba, hindì kakauntî ang mga binátang nagnasang maglingkód sa ákin.
"Dumatíng ang sandalî na ako'y natútong umíbig.
"Dapwa't ¡ay! Pagkatápos na áking maihandóg ang iisa kong pag-irog sa náhirang ni Bathalang panginoónin niyaring pusò, pagkatápos na áking maasámasám ang ligáyang pílit kong lalasapín sa kanyáng kandúngan, ay saka ako sinikíl ng pagkálupítlupít kong kapaláran!.....
"Isáng háting gabí, noong panahón ng paghihimagsik, ako ay nágulangtáng sa áking pagtúlog. Sa mga únang sandalî, áking hininalang yaon marahil ay bangúngot lang. Nguni't ¡sa aba ko! Nang mamúlat ang aking mga matá, nang luminaw ang aking pag-iisip, ay napagmalas kong yao'y di pala bangúngot kundî isang túnay na kataksilán!... Isang lílo, isang tampalásan, isang púsong háyop, ang noo'y pumipígil sa sawîng pálad kong katawan sa pagkagupíling! Ako'y mahinà at siyá ay malakás! Tinawágan ko ang Diyos; dapwá't ang Diyós na iyón ay di ako dininig! Ang Diyos na iyón ay di tumúlong! Ako'y nasawî! ¡Nadungisan ang áking puri! Ang háyop ay nagtagumpáy!......
"Nagbangon akó at hinánap ang aking magulang. Pinások ko ang kanyáng silíd. Dapwa't ¡oh! ¡Mahabagíng Langit! Ang áking pinakaiirog na amá, ang pinagkakuutángan ko niríng buhay, ang tangi kong kasákasáma araw at gabí, ay naroon sa kanyáng hígaan, nakababád sa dugô, putól ang úlo!
"Ako'y nálugmok at nawalán ng diwà.
"Nang másaulì ang aking pagkatáo, ako'y nasa saloob ng ibáng bahay.
"Yaon ang tahanan ng tampalasang sumukáb sa aming mag-amá. Ibig kong tumákas, dapwa't ako'y nakúkulong. Ibig kong magpatiwakál dapwa't may nakabantay sa akin áraw at gabi. Anó ang minarapat kong gawín?... Ang Diyós ay di ko na tinawágan! Hindî ko na siya hiningán ng abuloy!... Ako'y nádalâ na!... Walâ akong túlong na inaasáhan noón kundî ang kabayanihan ng kasumpàan ko sa pag-irog. Dapwa't ¡ay! si Fidél na aking minahál higit sa buhay, ay hindi ko na nákita hanggáng sa sandalíng ito! Siyá man yata'y tinikís na ang magwaláng bahalà sa aking pagtángis! Siyá man yata'y nawalán din ng habág sa mapait na pagdadalamhatì niyaring kálulwa!...
"Sa haráp ng mga ganitóng kalagáyan anó pa ang sa áki'y nalalabing gawin? Walâ nang iba kundî ang makibágay sa áking pálad. Yaring pusò ay dahandáhang tumigás, untîuntîng nasabík sa kaputíkan, untîuntîng natútong umíbig sa isáng lilo, sa pumatáy sa ákin ding amá!
"Malaon din na kami'y nagsáma ng tampalásan.
"Datapwa't pagkatápos na masalantâ niya ang áking katawán, pagkatápos na mabusog sa akin ang kanyáng kahayúpan, pagkatápos na makapagpasasà sa aking lamán, ang ganid na iyon ay di na nakitungo sa akin; ginútom na ako, ipinagbilí ang mahuhúsay kong damit, binawì ang mga aláhas na bigay niyá sa akin, at di nagkásiya sa ganitó, akó'y ipinagtulákan sa kusinà ng báhay upang doon gumawâ, doon kumain, at matúlog sa ibabaw ng mga panggátong na kahoy, kahalubilo ng mga pusa't áso! Sa minsán sabi, ginawâ akong isang alípin, isang busabos!
"Ganitó ang áking lagáy ng kami ay málipat sa báyang ito.
"Pagdatíng na pagdatíng namin, ako'y sinumbatán ng tampalásan kong panginóon. Ipapapatáy daw niyá ako kapag di ko iningátan ang líhim ng pagkasawî naming mag-amá.
"Sapagka't púsong-babáe, ako'y malaong nadalá ng tákot at kahinàan: iningátan ko ngâ ang lihim.
"Dapwa't ngayón, ngayón ay sumápit na ang sandalî na sa láot ng aking pagkaabâ ay di na akó napangingilábot ng kamatáyan; ang kahináan ay walâ na sa ákin!... Tuparín kung ibig ng panginóon ko ang kanyang sumbát!... Ang kanyáng líhim ay nasisiwalat na!...
"Nguni't, bágo ko wakasán ang áking salitâ, ay ipahintulot na aking maitanóng:
"Alám ba ninyó, mga táong báyan, alam ba ninyó kung síno ang napakabúti kong panginóong iyan, kung sino ang tumaksíl sa kaawà-awà kong magúlang, nagnákaw sa puri ko't dangál at nagbulíd sa akin sa bangín ng pagkabusábos?
"¡¡Kilabútan kayóng lahat, oh mga taong walâng málay!!...
"Siyá ay yaong sa inyó ngayo'y namumunò ang pinagkatiwaláan ninyo ng mga kautusán, dangál at kabuháyan ng isang bayan!!..."
Ang mga pinagtahî-tahî at pinagarálang kabulaánan, ay madalíng makikilala ng isang maálam magmasíd. Nguni't sa kabuhayang isinalaysáy ng babáeng iyón, ay walâng nakádama nang kahi't gabáhid na kasinungalingan.
Bawa't anyô ng kanyáng mukhâ, bawa't galáw ng mga matá, bawa't salitâ ng maáyos niyang salaysáy, ay isang taták ng katotohánan, isang matibay na panghikayat sa lálong dì mapaniwalaing kálulwa.
Kaya't napangilabot ngâ ng babáeng iyón ang madlâng sa kanya'y nakikinig!...
Nang sa wakás ay imungkáhì ni Gerardo ang paghingi kay Kápitang Memò na magbitiw ng tungkól, lahát ng nangaróon ay kumatig sa kanya; lahat, hanggáng ang mga dating kapanalig ni Kápitang Memò, ay naniwalang sila'y nálinlang. Gayón na lang ang kanilang pagsisísi!
IX
KAY SAMÂNG PAGKAKÁTAON!
Nang matápos ang papúlong, si Gerardo ay nilapítan ng isang pulís.
--"Ipinatatáwag pô kayó ng presidente".
--"Saan siya nároon?"
--"Sa báhay-pamunúan pô".
Noon di'y lumákad si Gerardo. Dinatnáng bukás ang tanggápan ni Kápitang Memò, kaya't agád siyang pumások. Masiglang binati ang dinatnan:
--"Magandáng araw pô!"
Ang binatì ay walang itinugón kundî isang tingíng nagbabága sa poot.
--"Ginoó, ako nga pô ba'y inyong ipinasusundô?"--ang pabulalás na tanong ng binatà.
Bigláng nagtindíg ang mabangís na Kápitan at nang másulyapan ang nakangangáng pintô, ay nilapítan ito at inalápat sa pamamagitan ng isang síkad. Kumalabóg ang pintô na ikinabuláhaw ng boong báhay. Pagkatápos ay sinúgod si Gerardo at nagngingitngit na tumanóng:
--"Anó ang sumúot sa walang hiyâ mong úlo at nakaisip kang gumawâ ng ganitong kaululán?"
--"Kaululán? Anó pong kaululán?... Aling gawâ ko ang inyóng tinutúkoy?"
Tumalikod si Kápitang Memò at pagkatápos na maibalabág sa sahíg ang tangang aklát ay iingos-ingos na sumagot:
--"Pshe! Magmámaangmaángan ka pa!"
--"Kápitang Memò,"--ang paklí ng binatà--"dí ko kayo maunawàan. Ang tinutúkoy ba ninyó ay ang pagmumungkáhi ko sa áking mga kapanálig na kayo'y pagbitiwín ng tungkól sapagka't di kayó tumutupád sa mga itinatadhanà ng mga kautusang isinumpâ ninyóng tutuparin? Kung iyán ang tinatáwag ninyóng kaululán, kayó po'y namamalî!"
--"At anó ang mayroon sa iyó kung di ko man tinútupad ang aking sumpâ? Sino ka bang makikialám sa akin? Bákit mo imumungkahing alisán ako ng tungkól?"
--"Ah, sapagká't kayó ay di nararápat mamunò!"--ang maliksíng tugón ng binatà na ikinasúgod muli sa kanyá ni Kápitang Memò.
Ang dágok na iyón ay lubhâng malakás.
--"Nápakalabis kang totóo!"--ang ngitngit ng nandididilát--"walâ ka nang kagálanggálang sa iyóng kaúsap! Nawalán ka na ba ng pag-iisip at nalimutan mo na kung sino akó, akó na iyóng kaharáp?"
--"Hindî pô akó nakalilímot: kayó po'y isang hámak na táong gaya ko rin, na sa kasamáang palad ng bayang itó, ay náhalal na magpunò sa kanyá."
--"Ah!" ang sambót ni Kápitang Memò--"kinikilála mo palá akóng pinunóng ínahalál, ay bákit at ganyán kung ikaw'y mangusap sa áking haráp? Bakit áyaw mo akóng igálang?"
--"Sapagka pô't hindî kailángan!"
--"Hindî kailángan? Híndî kailángang igálang mo akó, akó na iyóng pinunò? Nauulól ka na ba?"
--"Námamali pô kayó"--ang tugon ni Gerardo--"ang isáng pinunò na dumadayà sa kanyáng bayan sa pamamagítan ng mga pangakong di tinutupad, nagaákay sa mga nasasakop sa mahahálay na hílig at ásal--ang isáng pinunò na kinatátatakán sa nóo ng taták ng mga magnanákaw at mamamátay ng kapwà--ang pinúnong ganyán ay hindî dapat kaalang-alangánan ng mga táong matitinô!"
--"Waláng hiyâ!!... At ang mga bintáng bang iyán ang ipararátang mo sa ákin? At ang isáng musmós na gáya mo ang mangangahás?"
--"Oo pô, akó!"
--"Diyáta't ikáw ang mangangahás? ikáw? ikáw? ikáw?"
Nilundág ni Kápitang Memò ang isáng talibóng na nakasabit sa dingdíng.
Sa sumunód na sandalî, nang silá ay nagkakasunggában na, ay siyáng pagbuká ng pintóng nakalapat. Sumungaw ang isang kalbóng tuktók, isang mukhâng nagkakangngingiwì, at isáng tiyáng matabâ.
Si Kápitang Memò ay párang tinamáan ng kulóg, kundî man parang isáng batà na nakakita ng nunò....
Nguni't, sino ang nunòng ito?
¿Sino ang naghihintáy?... Siya ang mapaglagalág sa automobil, ang mapagamá-amáhan, ang kataástaásang punò sa Sangkapulúan, na kung bakit sa kanyáng pagdálaw kay Kápitang Memò, ay tinaón yátang talagá ang pangyayáring iyón!
Si Gerardo ay nasugátan na namán.
Si Kápitang Memò, ay animo'y kinakalambre. Papaáno ang pakikiharáp niyáng gagawin sa kanyáng punò? Kay lakí ngâ namáng kahihíyan nitó!
Isáng mahigpít na paguúsig ng Gobernador ang sumunód. Inahayág sa kanyá ni Gerardo ang hangad ng báyan na pinagkáisahán sa papúlong na idináos sa umága ng araw na iyón.
Noón di'y nátiwalag sa katungkúlan si Kápitang Memò. Walâng imík na tinanggáp niyá ang gayóng pagkápahámak sa matá ng madlâ; dapwa't oh! ang kanyáng póot!....
Siya'y umuwî na anaki'y isáng ulól. Ang kanyáng báhay, at báwa't sangá, báwa't dáhon, báwa't bunga ng kanyáng mga haláman, wári baga'y ipinagsisigáwan sa kanyá ang mga salitáng "MAGHIGANTI KA, O KUN HINDI, IKAW AY DUWAG!"....
X
SI ELÍNG
Itó ang ngalan ng dalágang anák ni Julio. Magíng sa gandá, at magíng sa katalinuhan man, si Elíng ay hindî maitatánging lubós sa mga bulaklák ng kanyáng bayán.
Ang hiwágà, ang líhim ng kanyáng pagkamapanghalína ng--kanyáng makapangyaríhang pagkamapanghalína--ay di nátin masusumpungán sa dilág ng mukhâ, ni sa ningníng ng kanyáng útak, hindî.
Ang hiwagà at lihim na iyón, upáng mádamá, ay kailángang makipagkilála kay Elíng; kailángang kaulayáwin siyá nang maláon; kailángang táwagan ang kanyáng pusò; tarukín ang pagkamababà, ang pagkamasunúrin, ang pagkagintô ng kanyáng loób; kailángang titígan ang mga títig ni Elíng, ang mga títig niyáng nagpapakilála sa isáng kalulwáng malambíng at mapangambáhin, isáng kalulwáng masintáhin at mahabagín, isáng kalulwáng puspós ng línis, ng gandá at kahinhinán.
Náriyan ang líhim, ang hiwagàng bumibílot sa kataúhan ni Elíng. Náriyan ang talàng nákikintál sa maalindóg niyáng noó. Náriyan ang kayamánang maipagmámalakí ng kanyáng kadukhâan.
Si Elíng, mulâ sa pagkabatà, ay mahiligín sa pagaáral. Marúnong ng kastilà, gayón din ng ingglés. Isang taón na siyá'y nagtirá sa Colegio de Sta. Isabel, at dalawáng taón namán sa Dormitory School. Díto sa hulí, siya ay nag-áral ng Nursing, ang mahúsay at tumpák na pagaalága sa may sakít. Panggagáling sa Dormitory, siya'y tumirá sa Hospital de San Pablo úpang isagawâ doon ang kanyáng napagarálan. May iláng buwan din ang kanyáng nagúgol sa pagsasánay na ito, sa píling ng mga amerikánang enfermera.
Nguni't hwág isiksík sa guniguní ng bumabása ang hinalà, na, sapagka't naturang taga dormitory, at sapagka't maláong nákahalubílo ng mga amerikana, si Elíng marahil ay pinanáwan na ng mga katutúbong kílos, at mga katutúbong ugalì sa pananamít at pakikipagkápwà.
Hindi gumawî nang ganyán ang binibining itó; hindî siya pumapára sa mga nagsalasalambáy diyáng miss, na di na nangíming ipailalim ang pagka-pilipína sa kanilang pagaaméamerikanahan di lang sa gayák, di lang sa kilos, kundí ang lalong kasákitsákit at kahináhináyang ay patí ang budhi, ang kalulwa't mga paghakaka ay pinipilit na igáya't ipabusabos sa mga dayuhang iyán.... na siyáng nagnákaw sa kalayáan ng kaniláng báyan at untî-untîng humihigpít sa tanikaláng madalî ó malaon ay siyáng ikabubulusók ng Kapilipinuhan sa bangín ng pagka-aba!...